Sunday, May 16, 2010

Sûrat Al-Qiyâmah

75
LXXV – Sûrat Al-Qiyâmah
[Kabanata Al-Qiyâmah – Ang Pagkabuhay Na Mag-uli]

بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1-4. Sumumpa ang Allâh (I) sa pamamagitan ng Araw ng Muling Pagkabuhay, at sumumpa rin Siya sa pamamagitan ng taong mananampalataya na natatakot na sinisisi niya ang kanyang sarili sa kanyang pagkukulang sa mga kabutihan at pagsagawa ng mga kasalanan. Iniisip ba ng isang taong walang pananampalataya na hindi Namin kayang ipuning muli ang kanyang buto pagkatapos magkadurug-durog nito at kumalat? Hindi ang kanyang inaakala ang katotohanan kundi walang pag-aalinlangan, kaya Naming buuin at pagsama-samahing muli sa pinakaangkop na ayos na pagkabuo, ang mga dulo ng mga daliri ng kanyang mga kamay at mga paa (o pagsasama-samahin ito na gawing isang daliri na lamang na tulad ng pinakadulo ng kuko ng paa ng kamelyo).

5-6. Subali’t tinatanggihan ng tao ang Muling Pagkabuhay, na nais niyang manatili sa pagiging masama sa mga darating pang mga araw ng kanyang buhay, na tinatanong ng walang pananampalatayang ito bilang pagtanggi sa pagkagunaw ng daigdig: “Kailan ba mangyayari ang Muling Pagkabuhay?”

7-10. Samakatuwid, kapag naging malamlam na ang paningin at magugulat at mamamangha sa kagimbal-gimbal na pangyayari sa Araw ng Muling Pagkabuhay na nakikita, at mawawalan na ng liwanag ang buwan, at sabay nang sisikat ang araw at buwan mula sa kanluran na napakadilim, sasabihin ng tao sa oras na yaon: “Saan ba maaaring makapagtago upang makatakas sa kagimbal-gimbal na parusang ito?”

11-12. Ang katotohanan ay hindi ang yaong iyong inaasam-asam, O ikaw na tao, na paghingi ng mapagkukublihan, dahil wala nang mapagkukublihan at wala nang kaligtasan sa ngayon. Ang patutunguhan ng lahat ng mga nilikha sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay sa Allâh (I) lamang na Bukod-Tangi at doon sila mananatili, upang pagbayarin ang bawa’t isa sa anuman na karapat-dapat na kabayaran para sa kanya.

13. Na ipababatid sa tao sa Araw na yaon ang lahat ng kanyang ginawa: mabuti man o masama, ang kanyang unang ginawa at ang kanyang huling ginawa sa kanyang buhay.

14-15. Walang pag-aalinlangan, ang tao ay magiging malinaw na saksi laban sa kanyang sarili sa anuman na kanyang ginawa o hindi ginawa, kahit ikatwiran niya pa ang lahat ng maaaring ikatwiran sa kanyang kasalanan ay hindi na ito magiging kapaki-pakinabang pa sa kanya.

16-19. Huwag mong igalaw ang inyong dila, O Muhammad, sa pagbigkas ng Qur’ân habang ito ay ipinapahayag sa iyo; dahil sa nais mong madaliin ang pagsaulo nito, na nangangamba ka na baka hindi mo ito maisaulo. Katiyakan, pagsasama-samahin Namin ito sa iyong kalooban, pagkatapos ay mabibigkas mo ito sa pamamagitan ng iyong dila kung kailan mo ito naisin. Na kung kaya, kapag binigkas ito sa iyo ng Aming Sugo na si (Anghel) Jibril ay makinig ka sa pagbibigkas niya at tumahimik ka para rito, pagkatapos ay saka mo bigkasin na katulad ng ginawa niya na pagkabigkas sa iyo, pagkatapos ay walang pag-aalinlangan, Kami ang maglilinaw sa anumang hindi mo naintindihan na mga kahulugan at mga alituntunin na itinuturo nito.
20-21. Ang katotohanan ay hindi ang inyong inaangkin, O kayong mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I), na wala nang Pagkabuhay pa na Mag-uli at wala nang Pagbabayad, kundi ang katotohanan ay mga tao kayong nahuhumaling sa makamundo at sa kinang nito, at tinalikuran ninyo ang Kabilang-Buhay at ang anumang kasiyahan na naroroon.

22-23. Ang mga mukha ng mga masasayang tao sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay nagniningning at nagliliwanag sa kagalakan, na nakikita niya ang Tagapaglikha at Nagmamay-ari sa kanya, na siya ay lubos na naliligayahan sa pangyayaring ito.

24-25. At ang mga mukha ng mga nagdadalamhati sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay malulungkot at madidilim, na nag-aabang sa pagdating ng matinding kapinsalaan na mangyayari sa kanya, na nakababali ng kanyang mga gulugod sa likuran.

26-30. Katiyakan, kapag umabot na ang kaluluwa sa ‘Balaghat’ [64] sa paglabas nito sa oras ng kamatayan, at sasabihin sa isa’t isa ng mga nandoroon: “Mayroon pa bang makagagamot at makapagpapagaling sa kanya sa kanyang katayuan sa ngayon?” At doon matitiyak ng taong naghihingalo na ang nangyayaring ito sa kanya ay paglisan na sa daigdig na ito; dahil makikita na niya ang mga anghel ng kamatayan, at magpapang-abot na ang huling matinding pangyayari rito sa daigdig at ang unang matinding pangyayari sa Kabilang-Buhay, na sa Allâh (I) lamang patutungo ang mga alipin sa Araw ng Muling Pagkabuhay: na maaaring patungo sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) o maaaring patungo sa Impiyerno.

31-35. Na kung kaya, hindi naniwala ang walang pananampalataya sa Sugo at sa Qur’ân, at hindi na rin niya isinagawa nang alang-alang sa Allâh (I) ang mga obligadong ‘Salah’ (Pagdarasal)! Bagkus ay tinanggihan niya ang Qur’ân at tinalikuran niya ang paniniwala rito!

Pagkatapos siya ay naglakad nang may pagmamayabang tungo sa kanyang pamilya na pinupuri niya ang kanyang sarili bilang pagmamataas. Kapighatian sa iyo ng tunay na kapighatian! At pagkatapos muli, kapighatian sa iyo ng tunay na kapighatian!

36-40. Iniisip ba ng taong hindi naniwala sa Pagkabuhay na Mag-uli na siya ay pababayaan lamang nang walang pananagutan, na hindi siya sakop ng pag-uutos at pagbabawal, at hindi na siya huhukuman at hindi na siya parurusahan?

Hindi ba nagmula lamang siya sa isang ‘Nutfah’ na mahina, mula sa walang kahala-halagang lusaw na bagay, na lumalabas at pumapasok sa mga sinapupunan? Pagkatapos ito ay naging kasing tulad ng isang subo na malapot na dugo na pulang-pula (`Alaqah); pagkatapos ay hinubog siya ng Allâh (I) sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan at hinugis Niya sa pinakamagandang hugis at sa pinakaangkop na kaanyuan. At pagkatapos ay ginawa ang taong ito na magkaparis: lalaki at saka babae. Hindi ba sa ganitong pamamaraan ng Allâh (I) na paglikha ng lahat ng mga bagay ay patibay sa Kanyang pagiging Ganap na Makapangyarihan na kaya Niyang ibalik ang anuman na Kanyang nilikha pagkatapos nilang mangawala? Oo nga! Siya sa katotohanan ang tunay na Makapangyarihan na may kakayahan na gawin ito.

No comments: