70
LXX – Sûrat Al-Ma`ârij
[Kabanata Al-Ma`ârij – Ang Mga Daan Ng Pag-Akyat o Pag-angat]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1-4. Nagtanong ang tagapagtanong mula sa mga walang pananampalataya at nanalangin laban sa kanyang sarili at sa kanyang sambayanan na mangyari na ang parusa sa kanila bilang pang-iinsulto, at katiyakang ito ay mangyayari sa kanila sa Araw ng Muling Pagkabuhay na walang pag-aalinlangan, na walang sinumang makakapigil nito sa Allâh (I) na Kataas-taasan at Napakadakila, na umaakyat ang mga anghel at si Jibril tungo sa Allâh (I) sa Araw na ang katumbas ay limampung libong taon sa mga taon dito sa daigdig, at para sa mga mananampalataya ay kasimbilis lamang ng isang obligadong ‘Salâh.’
5. Na kung kaya, magtiis ka, O Muhammad, sa kanilang pangungutya at sa ipinamamadali nila na parusa, ng pagtitiis na walang pagdaing kundi sa Allâh (I) lamang.
6-7. Katiyakan, iniisip nila na mga walang pananampalataya na malayong mangyari ang parusa at nakikita nila na ito ay hindi mangyayari, samantalang kami ay nakikita namin ito nang may katiyakan at malapit nang mangyari na walang pag-aalinlangan.
8-9. Sa Araw na ang kalangitan ay magiging katulad ng kumukulong maruming langis na natutunaw, at ang mga kabundukan ay magiging katulad naman ng mga pira-pirasong balahibo ng lana na may mga kulay na ikinalat ng hangin.
10. At hindi na magtatanong ang matalik na kaibigan hinggil sa nangyari sa kanyang kaibigan; dahil bawa’t isa ay abalang-abala sa kanyang sarili sa tindi ng pangyayari.
11-14. Makikita at mababatid nila na wala nang kakayahan ang sinuman na makagawa ng anumang kapakinabangan sa sinuman. Aasamin ng mga walang pananampalataya na kung maaari lamang sana ay matutubos niya ang kanyang sarili mula sa parusa sa Araw ng Muling Pagkabuhay sa pamamagitan ng kanyang mga anak, asawa at kapatid, at sa pamamagitan ng kanyang pamilya na siyang nagkalinga sa kanya at doon siya namuhay na kasama nila dahil sa kanilang ugnayang magkamag-anak, at sa lahat ng nasa kalupaan na mga tao at iba pa, upang mailigtas niya lamang ang kanyang sarili mula sa kaparusahan ng Allâh (I).
15-18. Ang pangyayari ay hindi tulad ng iyong inaasam, O ikaw na walang pananampalataya na pagtutubos, kundi ito ay Impiyerno na nagliliyab ang Apoy nito, at tinutuklap ng matinding init ang balat ng ulo at lahat ng dulo ng katawan, na tinatawag nito ang sinumang tumalikod sa katotohanan sa daigdig, at tinalikuran ang pagsunod sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, at naglikom ng yaman na itinago niya sa kanyang imbakan at hindi niya ibinigay ang karapatan ng Allâh (I) (sa yamang) ito (sa pamamagitan ng paggasta sa Daan ng Allâh).
19-30. Katiyakan, ang tao ay nilikha na maliit ang pagpapasensiya at gahaman, at kapag nangyari sa kanya ang di-kanais-nais at kahirapan ay magiging matindi ang kanyang kawalan ng kakuntentuhan, at kapag nangyari (naman) sa kanya ang mabuti at kaginhawahan ay magiging matindi ang kanyang pagiging makasarili at karamutan, maliban sa kanila na patuloy sa pagsasagawa ng ‘Salâh,’ na ito ay kanilang inaalagaan at ginagawa sa tamang oras nito, at hindi sila nahahadlangan ng kahit na ano para rito, at ang mga yaong nagbukod ng nakatakdang bahagi mula sa kanilang yaman na ipinag-utos ng Allâh (I) sa kanila, na ito ay obligadong kawanggawa na ibinibigay sa mga nangangailangan: kahit alinman sa dalawa sa nanghihingi at hindi nanghihingi, at ang mga yaong naniwala sa Araw ng Paghuhukom para sa Pagbabayad kaya ito ay pinaghandaan nila sa pamamagitan ng pagsagawa ng mga mabubuting gawa, at ang mga yaong natatakot sa kaparusahan ng Allâh (I). Katiyakan, ang parusa ng Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay hindi maaaring ipagwalang-bahala, na hindi niya tinitiyak sa kanyang sarili na siya ay ligtas mula rito. At ang mga yaong inaalagaan nila ang kanilang mga pribadong bahagi mula sa anumang kahalayan at ipinagbawal ng Allâh (I), maliban sa kanilang mga asawa o sa pagmamay-ari ng kanilang kanang kamay na mga alipin na kababaihan – hinggil sa mga ito ay hindi sila maaaring sisihin.
31-35. At sinuman ang magnanais na isagawa nila ang kanyang pagnanasa sa hindi nila mga asawa at pagmamay-aring alipin ay sila sa katunayan ang mga yaong lumampas sa hangganan ng ipinahintulot tungo sa ipinagbawal. At ang mga yaong inaalagaan nila ang mga ipinagkatiwala ng Allâh (I) at ipinagkatiwala ng mga alipin ng Allâh sa kanila, at pinanindigan nila ang kanilang mga pangako sa Allâh (I) at sa mga alipin ng Allâh, at ang mga yaong tinutupad nila ang kanilang pagtestigo ng katotohanan na walang pagbabago o paglilihim, at ang mga yaong isinagawa nila nang ganap ang pagsa-‘Salâh’ at wala silang binabago na anuman sa mga obligasyon ng gawaing ito. Sila na mga nagtatangan ng mga ganitong dakilang katangian ay mananatili sa mga Hardin ng Walang-Hanggang Kaligayahan, na pinararangalan ng lahat ng uri ng parangal.
36-39. Kung gayon, ano pa ba ang nagtutulak sa kanila na mga walang pananampalataya na makinig at magtungo sa iyo, O Muhammad, na nagmamadaling iniaangat ang kanilang mga leeg na nakaharap ang kanilang paningin sa iyo na sila ay nag-uumpukan sa iyong gawing kanan at sa iyong gawing kaliwa na iba’t ibang grupo na magkakahiwa-hiwalay, na nag-uusap-usap at namamangha na may pag-aalinlangan?
Umaasam ba ang bawa’at isa sa kanila na mga walang pananampalataya na papapasukin sila ng Allâh (I) sa Hardin ng Walang-Hanggang Kaligayahan? Ang katotohanan ay hindi ang yaong kanilang inaasam, kundi walang pag-aalinlangan, kailanman ay hindi sila makapapasok doon. Katiyakan, nilikha Namin sila (ang tao) mula sa bagay na batid nila na walang halagang lusaw na bagay na katulad din ng iba, subali’t hindi sila naniwala, kung gayon, saan ba magmumula ang pagiging karapat-dapat o karapatan nila sa pagpasok sa Hardin ng Walang-Hanggang Kaligayahan?
40-41. Sumusumpa Ako sa pamamagitan ng ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng sinisikatan ng araw at mga bituin, at nilulubugan nito, na katiyakang Kami ang may kakayahan na palitan sila ng ibang sambayanan na mas mabuti kaysa sa kanila at mas masunurin sa Allâh (I), at walang sinuman ang makahihigit at makapipigil sa Amin mula sa anumang Aming nais na ipapalit.
42-44. Kung gayon, pabayaan mo na lamang silang magpakalulong sa kanilang kamalian at magpakasasa sa kanilang makamundong hangarin hanggang sa marating nila ang Araw ng Muling Pagkabuhay na kung saan doon ay pinangakuan sila ng kaparusahan, na sa Araw na yaon ay lalabas sila nang mabilisan mula sa mga libingan na katulad ng kanilang ginawang pagtungo sa kanilang mga diyus-diyosan na kanilang inimbento upang sambahin bukod sa Allâh (I), na sila ay nagmamadali na abang-aba ang kanilang paningin na nakatungo sa ibaba, na pinagtakluban sila ng kapahamakan at pinagtabuyan na walang halaga, ito na ang Araw na ipinangako sa kanila sa daigdig, na iniinsulto nila noon at hindi pinaniniwalaan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment