41
XLI – Sûrat Fussilat
[Kabanata Fussilat – Nilinaw At Ipinaliwanag Ang Mga Ito Nang Ganap]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Hâ-Mĩm – Ang mga titik na ito ng ‘Arabic’ ay nauna nang naipaliwanag sa ‘Sûratul Baqarah.’
2. Itong Banal na Qur’ân ay ipinahayag mula sa Allâh (I) na ‘Ar-Rahmân’ – Pinaka-mahabagin, na ‘Ar-Raheem’ – Napaka-maawain at Ganap na Mapagmahal, na Kanyang ipinahayag sa Kanyang Propeta na si Muhammad (r).
3. Isang Aklat na nilinaw ang mga talata nito nang ganap na pagkakalinaw at ipinaliwanag ang mga kahulugan nito at ang mga batas nito, na Qur’ân na wikang ‘Arabic’ na madaling intindihin ng mga tao na nakaiintindi ng wikang ‘Arabic.’
4. Nagbibigay ng magandang balita hinggil sa gantimpala rito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay sa sinumang maniwala rito at isinagawa ang mga ipinag-utos nito, at bilang babala hinggil sa parusa rito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay sa sinumang hindi naniwala rito, subali’t ito ay tinalikuran ng karamihan sa mga tao, dahil sila ay hindi nakikinig ng pakikinig na may pagtanggap at pagsang-ayon.
5. At sinabi nila na mga tumanggi na hindi naniwala kay Propeta Muhammad (r): “Ang aming mga puso ay natakpan ng harang upang di-maunawaan ang anumang ipinag-aanyaya mo sa amin, at ang aming mga tainga ay hindi nakaririnig, at ang pagitan namin at pagitan mo, O Muhammad, ay may harang na nakaharang upang di-matugunan ang iyong paanyaya, na kung kaya, isagawa mo ang anuman na ayon sa iyong paniniwala at kami naman ay isasagawa din namin ang anuman na ayon sa aming paniniwala.”
6-7. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad: “Ako ay tao lamang na katulad din ninyo, na ipinahayag ng Allâh (I) sa akin ang pagpapatunay na Siya ang inyong ‘Ilâh’ (o Diyos) na sinasamba, na Bukod-Tangi lamang na karapat-dapat ng pagsamba, na Siya ay Nag-iisa na Bukod-Tangi na walang katambal, na kung kaya, sundin ninyo ang Daan patungo sa Kanya, at hilingin ninyo ang Kanyang kapatawaran.” At ang parusa ay sa mga sumamba ng iba bukod sa Allâh (I) na mga rebulto na hindi nakabubuti at hindi rin nakapagsasanhi ng kapinsalaan, at ang mga yaong hindi nila nilinis ang kanilang mga sarili sa paniniwala hinggil sa Kaisahan ng Allâh (I) na kanilang Tagapaglikha at taos-pusong pagtanggap sa paniniwalang ito, at hindi sila nagsasagawa ng ‘Salâh’ at hindi rin sila nagbigay ng obligadong kawanggawa (‘Zakâh’), ay nangangahulugan na wala silang taos-pusong paniniwala sa Allâh (I) na Tagapaglikha at walang pakinabang sa kanila ang mga nilikha, at sila ay hindi naniwala sa Muling Pagkabuhay, at hindi rin sila naniwala sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) at Impiyerno, at hindi sila gumagasta bilang pagsunod sa Allâh (I).
8. Katiyakan, ang mga yaong naniwala sa Allâh (I), sa Kanyang Sugo, sa Kanyang Aklat at gumawa sila ng mga mabubuting gawa na taos-puso na para lamang sa Allâh (I) ang kanilang gawain, ang para sa kanila ay dakilang gantimpala na walang katapusan.
9. Sabihin mo, O Muhammad, sa kanila na mga sumamba ng iba bukod sa Allâh (I) bilang pag-aalipusta at pagkamangha sa kanilang gawain: “Kayo ba ay hindi naniwala sa Allâh (I) na Siyang lumikha ng kalupaan sa loob ng dalawang araw, at naglagay kayo ng katambal na ipinantay ninyo sa pagsamba sa Kanya? Siya ay ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng lahat ng mga nilalang.”
10. At nilikha Niya sa kalupaan ang mga bundok na mga matatag na nasa ibabaw nito, at biniyayaan Niya ito na ginawa Niya na patuloy na nagmumula rito ang kabutihan para sa mga naninirahan dito, at itinakda Niya ang kabuhayan ng sinumang naninirahan dito, at sinukat nang tamang pagkasukat ang anumang maaaring ikabubuhay nila, na nilikha Niya ang lahat ng mga yaon sa loob ng apat na araw: na dalawang araw ang paglikha sa kalupaan at ang dalawang araw naman ay ang pagkakatalusok ng mga kabundukan at pagtakda sa anumang mga kabuhayan dito, na ito ay para sa lahat ng nais magtanong, ang ibig sabihin: Ang sinumang magtatanong hinggil dito ay ito ang dapat niyang mabatid.
11. Pagkatapos, Siya ay pumaroon sa ibabaw ng kalangitan na ito ay dating usok lamang, at Kanyang sinabi sa kalangitan at kalupaan: “Sumunod kayong dalawa sa Aking kautusan na taos-puso o sapilitan.” At sinabi noong dalawa (kalangitan at kalupaan): “Kami ay kusang sumusunod, na wala kaming dapat na salungatin sa Iyong kagustuhan.”
12. Pagkatapos ay binuo at tinapos ng Allâh (I) ang paglikha ng pitong kalangitan at pagsasaayos nito sa loob ng dalawang Araw, at doon natapos ang pagkalikha ng mga kalangitan at kalupaan sa loob ng anim na Araw, sa karunungan ng Allâh (I) na ganap na Nakaaalam, dahil Siya ay may kakayahan na likhain ang mga ito sa isang saglit lamang, ipinahayag sa bawa’t kalangitan ang anuman na nais Niya at ang tungkulin nito, at pinalamutian ang mababang kalangitan ng mga maliliwanag na mga bituin, at pinangalagaan mula sa mga ‘Shaytân’ na nagnanakaw ng impormasyon. Ang kamangha-manghang kagandahang pagkalikha nito ay itinakda ng Allâh (I) na ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan sa Kanyang Kaharian, na ‘Al-`Aleem’ – Ganap na Maalam na saklaw ng Kanyang kaalaman ang lahat ng bagay.
13. At kapag tumalikod ang mga walang pananampalataya pagkatapos linawin sa kanila ang mga magagandang katangian ng Banal na Qur’ân at ilan sa mga katangian ng Allâh (I) na Dakilang sinasamba, sabihin mo sa kanila: “Katiyakan, binalaan ko kayo hinggil sa masidhing kaparusahan na kayo ay wawasakin na katulad ng parusa na iginawad sa sambayanan ni `Âd at ni Thamoud noong sila ay hindi naniwala sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at nilabag nila ang mga Sugo.”
14. Noong dumating ang Sugo sa sambayanan nina `Âd at Thamoud, na sila ay magkakasunud-sunod, na inuutusan nila sila na sambahin lamang ang Allâh (I) na Bukod-Tangi na walang katambal, kanilang sinabi sa mga Sugo na ipinadala sa kanila: “Kung ginusto ng Allâh (I) na aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha na Siya lamang ang aming paniniwalaan at hindi kami sasamba ng anuman bukod sa Kanya, ay katiyakang magpapababa Siya sa amin ng mga anghel mula sa kalangitan bilang mga Sugo, upang anyayahan kami sa anumang iniaanyaya ninyo sa amin, at hindi kayo ang Kanyang ipadadala dahil kayo ay tao lamang na katulad din namin, na kung kaya, anuman ang mensahe na ipinadala ng Allâh (I) sa inyo, para sa amin na paniniwala sa Kanya at sa Kanyang Kaisahan ay tinatanggihan namin.”
15. At hinggil kay `Âd na sambayanan ni Hûd (u) ay katotohanang sila ay nagmataas sa kalupaan sa mga alipin ng Allâh (I) na wala silang karapatan, at kanilang sinabi na may pagmamayabang: “Sino pa ba ang mas matindi ang lakas kaysa sa amin?” Hindi ba nila nakita na ang Allâh (I) na Siyang lumikha sa kanila ay mas Makapangyarihan at matindi ang Lakas at Kakayahan kaysa sa kanila? Samantalang sila ay kinaugalian na tanggihan ang Aming mga palatandaan at katibayan.
16. Na kung kaya, nagpadala Kami sa kanila ng hangin na napakatindi ang lamig at napakalakas ng ugong nito sa mga araw na napakasama sa kanilang pananaw; upang ipatikim Namin sa kanila ang parusang kaaba-aba at hamak sa kanila rito sa daigdig. Subali’t katiyakang ang parusa sa Kabilang-Buhay ay mas higit na kaaba-aba at kahiya-hiya para sa kanila, at walang sinuman ang makatutulong sa kanila upang pigilin sa kanila ang kaparusahan.
17. At ang kay Thamoud naman na sambayanan ni Sâleh (u) ay katotohanang nilinaw Namin sa kanila ang Daan ng Katotohanan at Landas ng Patnubay, subali’t mas pinili nila ang pagkabulag kaysa sa patnubay, na kung kaya, pinuksa Namin sila ng kidlat na parusa na nagpahamak sa kanila; dahil sa kanilang natamo na mga kasalanan sa di nila paniniwala sa Allâh (I) at pagtanggi nila sa mga Sugo.
18. At iniligtas Namin ang mga naniwala mula sa kaparusahan na siyang naghugot ng kasamaan sa sambayanan nina `Âd at Thamoud, at sila na nagkaroon ng takot hinggil sa kaparusahan ng Allâh (I) at nagpakatuwid ay nakaligtas.
19-20. At sa Araw na titipunin ang mga kumalaban sa Allâh (I) tungo sa Impiyernong-Apoy, na pagsasama-samahin ng mga tagapangasiwa ng Impiyerno ang kauna-unahan sa kanila hanggang sa kahuli-hulihan sa kanila, hanggang kapag dumating na sila sa Impiyerno ay tatanggihan nila ang kanilang nagawang kasalanan at titestigo laban sa kanila ang kanilang mga sariling pandinig, mga paningin at mga balat sa kung ano ang kanilang ginawa rito sa daigdig na mga kasalanan at krimen.
21. At sasabihin nila na mga tinipon sa Impiyerno na mga kumalaban sa Allâh (I) sa kanilang mga balat bilang paninisi: “Bakit kayo tumitestigo laban sa amin?” Sasagutin sila ng kanilang mga balat: “Pinagsalita kami ng Allâh (I) na Siyang nagpapasalita ng lahat ng bagay, at Siya ang Lumikha sa inyo sa unang pagkakataon pa lamang noong kayo ay wala pa, at sa Kanya kayo ay sasanhiin na pabalikin pagkatapos ng inyong kamatayan para sa pagbabayad at pagtutumbas.”
22-23. At kayo ay hindi natatakot habang ginagawa ninyo ang mga kasalanan, na matakot na titestigo laban sa inyo ang inyong mga pandinig, mga paningin at ang mga balat sa Araw ng Muling Pagkabuhay; inaakala ninyo na ang Allâh (I) ay hindi Niya batid ang karamihan sa mga kasalanan na inyong ginagawa bilang paglabag ninyo sa Kanya. Na kung kaya, ang inyong masamang palagay na iniisip hinggil sa Allâh (I) na inyong Tagapaglikha ang siyang nagwasak sa inyo at itinulak kayo sa Impiyerno, na kung kaya, ngayon ay kabilang na kayo sa mga ganap na talunan sa inyong mga sarili at sa inyong mga pamilya.
24. At kahit na tiisin pa nila ang parusa ay Impiyernong-Apoy pa rin ang kanilang patutunguhan, at kahit na hilingin pa nila na makabalik sa daigdig; upang makapagsimula sila ng paggawa ng kabutihan ay hindi pa rin sila diringgin at hindi pa rin tatanggapin sa kanila ang mga katwiran.
25. At itinalaga Namin sa kanila na mga masasama na mga tumanggi ay ang mga kasamahan din nila na mga masasama mula sa mga ‘Shaytân’ na tao at ‘Jinn,’ na pinaganda sa kanila ang mga masasamang gawain dito sa daigdig at inanyayahan sila tungo sa mga kahali-halina na mga ipinagbabawal, at pinaganda rin sa kanila ang anuman na patutunguhan nila hinggil sa Kabilang-Buhay, na kung kaya, nakalimutan nila ang mga bagay na ito at inanyayahan sila na hindi paniwalaan ang Muling Pagkabuhay, at sa ganitong kadahilanan ay naging karapat-dapat sa kanila na makapasok sa Impiyerno, kabilang ang mga naunang henerasyon mula sa mga di-naniwala na mga ‘Jinn’ at mga tao. Katiyakan, naging talunan sila sa kanilang gawain dito sa daigdig at ganoon din ang kanilang mga sarili sa Kabilang-Buhay at ang kanilang pamilya.
26. At sinabi ng mga walang pananampalataya na nagpapayuhan sa isa’t isa: “Huwag ninyong pakinggan ang Qur’ân at huwag ninyong sundin, at huwag kayong magpasailalim sa mga kautusan nito, at lakasan ninyo ang inyong mga boses sa pamamagitan ng pagsigaw at magsagawa kayo ng pag-iingay kapag binasa ni Muhammad ang Banal na Qur’ân; baka sakaling matalo ninyo siya at ititigil niya ang kanyang pagbabasa, at mananalo kayo laban sa kanya.”
27. Walang pag-aalinlangan, ipatitikim Namin sa mga nagsabi ng ganitong salita ang masidhing parusa rito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay, at pagbabayarin Namin sila ng napakasamang pagbabayad na higit pa sa anumang nagawa nilang kasamaan.
28. Itong pagbabayad na matatamo nila na mga walang pananampalataya bilang kabayaran sa mga kalaban ng Allâh (I) ay Impiyerno, at ito ay para sa kanila roon na sila ay mananatili roon magpasawalang-hanggan; bilang kabayaran sa kanilang pagtanggi sa Aming mga katibayan at mga palatandaan sa daigdig. Ang talatang ito ay nagpapatunay sa tindi ng kasalanan ng sinumang inilayo ang mga tao sa Dakilang Qur’ân, at pinigilan sila na magsuri at magabayan nito sa anumang kaparaanan.
29. At sinabi ng mga hindi naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, na sila ay nasa Impiyerno: “O Allâh (I) na aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Ipakita Mo sa amin ang dalawang nagligaw sa amin mula sa Iyong nilikha na ‘Jinn’ at tao, dahil ilalagay namin sila sa ilalim ng aming mga paa; upang sila ay mapasakaila-ilaliman ng Impiyerno.”
30. Katiyakan, ang mga yaong nagsabi na ang aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay ang Allâh (I) na Bukod-Tangi na walang katambal sa pagsamba sa Kanya, pagkatapos sila ay nagpakatuwid sa pagsunod sa Kanyang batas, bababa sa kanila ang mga anghel sa oras ng kanilang kamatayan na sasabihin sa kanila: “Huwag kayong matakot sa kamatayan at sa mangyayari pagkatapos nito, at huwag kayong malungkot sa anumang iniwan ninyo na makamundong buhay, at matuwa kayo sa magandang balita ng ‘Al-Jannah’ (Hardin) na kung saan ito ay ipinangako sa inyo.”
31-32. At sasabihin sa kanila ng mga anghel: “Kami ang inyong kaagapay sa buhay dito sa daigdig, at ginagabayan namin kayo at pinangangalagaan bilang kautusan ng Allâh (I), at ganoon din, kami rin ang inyong kasama sa Kabilang-Buhay, at para sa inyo sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) ang lahat ng kalugud-lugod sa inyong mga sarili na kayo ang pipili, at bagay na magpapapanatag ng inyong mga paningin, at kahit ano ang inyong kahilingan ay matatagpuan ninyo kaagad sa inyong harapan bilang parangal at pag-iistima at biyaya sa inyo mula sa Allâh (I) na ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa inyong kasalanan, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa inyo.”
33. Wala nang sinuman na hihigit pa ang kabutihan sa salita na binibigkas ng sinumang nag-aakay tungo sa paniniwala sa Kaisahan ng Allâh (I) at pagsamba sa Kanya nang bukod-tangi at gumawa ng kabutihan na kanyang sinabi: “Katiyakan, ako ay kabilang sa mga Muslim na ganap na nagpapasailalim sa kagustuhan ng Allâh (I) at sa Kanyang batas.” Dito sa talatang ito ang pag-uutos ng Allâh (I) sa pag-aanyaya o ‘da`awah’ tungo sa Allâh (I), at pagpapaliwanag sa katangian ng mga marurunong ng kaalaman na nag-aakay tungo sa Allâh (I) nang may katiyakan, ayon sa dinalang mensahe ng Sugo ng Allâh na si Propeta Muhammad (r).
34-35. At hindi maaaring magkaparehas ang kabutihan ng mga yaong naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang batas at naging mabuti sa mga nilikha ng Allâh (I), at ang kasamaan ng mga yaong di-naniwala sa Kanya at lumabag sa Kanyang ipinag-utos at naging masama sa Kanyang mga nilikha. Ilayo mo sa pamamagitan ng iyong pagpapatawad at lawak ng pang-unawa at iyong pagiging mabuti ang sinuman na naging masama sa iyo, at tumbasan mo ang pagiging masama niya ng pagiging mabuti mo sa kanya, at sa pamamagitan nito siya na naging masama sa iyo na nagkaroon kayo ng alitan sa isa’t isa ay magiging malapit na maawain sa iyo. At walang ginabayan sa ganitong mabuting pag-uugali maliban sa yaong tinitiis ang kanilang mga sarili sa anumang di kanais-nais, at pinilit nila ang kanilang mga sarili na gumawa ng anumang kalugud-lugod sa paningin ng Allâh (I), at walang ginabayan sa ganitong katangian maliban sa sinumang pinagkalooban ng masaganang kaligayahan sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.
36. At kung si ‘Shaytân’ ay uudyukan at lilinlangin ang iyong sarili upang ikaw ay madala sa pagtutumbas ng masama sa sinumang gumawa ng masama sa iyo, ay hilingin mo ang kalinga ng Allâh (I) at ipaubaya mo ang sarili mo sa Kanya, dahil walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I), Siya ay ‘As-Samee`’ – Ganap na Nakaririnig sa iyong paghihingi ng kalinga, na ‘Al-`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa kalagayan ng lahat ng Kanyang nilikha.
37. At kabilang sa mga katibayan ng Allâh (I) sa Kanyang nilikha at mga palatandaan ng Kanyang Kaisahan at ang ganap na Kanyang kapangyarihan ay ang pagkakaiba ng gabi at araw at ang pagpapalit-palitan nito, at gayundin ang pagkakaiba ng araw sa buwan at ang pagpapalit-palitan nito, at ang lahat ng mga ito ay nasa ilalim ng Kanyang pangangasiwa at pangunguntrol. Huwag kayong magpatirapa sa araw at sa buwan – dahil ang dalawang ito ay pinangangasiwaan lamang at nilikha, bagkus ay magpatirapa kayo sa Allâh (I) na lumikha ng mga ito, kung kayo ay tunay na sumasamba sa Kanya na Bukod-Tangi na walang katambal,
38. At kapag sila ay nagmataas na mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) na di sila nagpatirapa sa Allâh (I), ay katiyakang ang mga anghel na nasa iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay hindi sila nagmamataas, sa halip sila ay nagpapatirapa sa Kanya sa gabi at araw at dinarakila nila na inilalayo sa anumang kakulangan, at hindi sila nagsasawa at hindi sila napapagod.
39. At kabilang sa mga palatandaan ng Kaisahan ng Allâh (I) at Kanyang kakayahan; ay makikita mo ang kalupaan na tuyot na walang anumang tumutubong pananim, subali’t kapag ibinaba Niya rito ang ulan ay magkakaroon ito ng buhay sa pamamagitan ng pagsibol ng mga pananim at ito ay lalaki at lalago. Katiyakan, ang nagbigay ng buhay sa kalupaang ito pagkatapos nitong maging tuyot ay Siya rin ang may kakayahan na buhaying muli ang Kanyang mga nilikha pagkatapos ng kanilang kamatayan, dahil walang pag-aalinlangan, Siya ay Makapangyarihan sa lahat ng bagay, na kung kaya, dahil sa Kanyang kapangyarihan na kayang Niyang buhayin ang kalupaan pagkatapos nitong matuyot, ay gayundin, Siya rin ang may ganap na kakayahan na buhayin ang mga namatay.
40. Katiyakan, ang mga yaong lumihis sa katotohanan at di pinaniniwalaan ang Banal na Qur’ân at binabago ang kahulugan nito, ay hindi ito naililihim sa Amin, kundi Kami ay ganap na Tagapagmasid sa kanila. Na kung kaya, siya na hindi naniniwala sa mga talata ng Allâh (I) na siyang itatapon sa Impiyerno ay mas higit ba o siya na darating sa Kabilang-Buhay na ligtas mula sa parusa ng Allâh (I), na karapat-dapat sa Kanyang gantimpala; dahil sa kanyang paniniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang mga talata? Gawin ninyo, O kayong mga walang paniniwala, ang anuman na nais ninyo dahil ang Allâh (I) sa katotohanan, ay ‘Baseer’ – Ganap na Nababatid Niya ang inyong mga ginagawa, na walang anuman ang naililihim sa Kanya, at sa pamamagitan nito kayo ay pagbabayarin. At ito ay hamon at babala sa kanila.
41-42. Katiyakan, ang mga yaong tinanggihan ang Banal na Qur’ân noong ito ay dumating sa kanila, ay pupuksain sila at parurusahan, dahil walang pag-aalinlangan, ang Banal na Qur’ân na ito ay kagalang-galang dahil sa pagdakila ng Allâh (I) dito at ang pangangalaga Niya rito mula sa anumang pagbabago at pagpapalit, na kung kaya, hindi ito maaaring malapitan o mapasukan ng anumang kamalian kahit saanmang dako magmumula at walang anuman ang makasisira nito, dahil ito ay pinangangalagaan mula sa pagbabawas o pagdaragdag, na ito ay ipinahayag ng Allâh (I) na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam na nangangasiwa sa Kanyang mga alipin, na ‘Hameed’ – Ganap na Kapuri-puri sa Kanyang mga ganap na katangian at mga gawa sa lahat ng pagkakataon.
43. At anuman ang sinasabi sa iyo, O Muhammad, ng mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) ay walang iba kundi katulad din ng sinabi ng mga nauna kaysa sa kanila na mga tao sa mga Sugo na ipinadala sa kanila, na kung kaya, magtiis ka sa anumang matatamo mo sa Daan ng pagpapalaganap ng Islâm tungo sa Allâh (I). Katiyakan, ang Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay Mapagpatawad sa mga kasalanan ng mga nagsisisi, at nagpaparusa sa sinumang nagpupumilit sa kanyang di-paniniwala at pagtanggi.
44. At kung ginawa lamang Namin ang Banal na Qur’ân na ito, na Aming inihayag sa iyo, O Muhammad, sa wikang banyaga ay sinabi na ng mga walang pananampalataya: “Bakit hindi nilinaw ang mga talata nito upang maintindihan namin at malaman, na kung kaya, ang Banal na Qur’ân ba na ito ay wikang banyaga, samantalang ang wikang pinagpahayagan nito ay Arabic? Ito ay hindi maaaring mangyari.” Sabihin mo sa kanila, O Muhammad: “Ang Banal na Qur’ân na ito ay para sa mga yaong naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo bilang gabay mula sa pagkaligaw, at gamot sa anumang nilalaman ng mga dibdib na mga pag-aalinlangan at mga sakit, at ang mga yaong hindi naniwala sa Banal na Qur’ân ay may pagkabingi ang kanilang mga tainga mula sa pakikinig at pagsusuri nito, dahil ang kanilang mga puso ay bulag na di-nagagabayan, at sila na mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) ay katulad ng isa na tinatawag na nasa malayong lugar na hindi niya naririnig ang nananawagan sa kanya at hindi niya tinutugunan.”
45. At katiyakan, ipinagkaloob Namin kay Mousâ (u) ang ‘Tawrah’ na katulad ng pagkakaloob Namin sa iyo ng Qur’ân, O Muhammad, subali’t nagkasalungatan hinggil sa ‘Tawrah’ ang kanyang sambayanan: mayroon sa kanila ang naniwala at mayroon naman ang hindi. Kung hindi lamang nauna nang pinagpasiyahan ang salita ng iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha na itinakda ang pag-aantala sa kaparusahan ng iyong sambayanan ay kaagad nang iginawad ang pagpaparusa sa kanila na mga walang pananampalataya, subali’t katotohanan, ang mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) ay nasa pag-aalinlangan sa Banal na Qur’ân nang matinding pag-aalinlangan.
46. Sinuman ang gumawa ng mabuti na sumunod sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo ay para rin lamang sa kanyang sarili ang gantimpala ng kanyang gawain, at sino naman ang naging masama at nilabag niya ang Allâh (I) at ang Kanyang Sugo ay para sa kanyang sarili ang parusa ng kanyang ginawa. At hindi dinadaya ng Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ang Kanyang mga alipin sa pagbabawas ng kabutihan o pagdaragdag ng kasamaan.
47. Tungo sa Allâh (I) lamang na Bukod-Tangi na walang katambal isinasangguni ang kaalaman hinggil sa pagkagunaw ng daigdig, dahil katiyakang walang sinuman ang nakaaalam nito kung kailan mangyayari bukod sa Kanya, at walang mga bunga na lumalabas mula sa ubod nito, at walang anumang dinadala ng babae sa sinapupunan at walang anumang ipinanganak nito kundi nasa kaalaman ng Allâh (I), at walang anumang bagay ang naililihim sa Kanya. At sa Araw na tatawagin ng Allâh (I) ang mga sumasamba ng iba bukod sa Kanya sa Araw ng Muling Pagkabuhay bilang pag-aalipusta sa kanila at paglalantad ng kanilang pagtanggi o di-paniniwala: “Nasaan na ang Aking mga katambal na itinatambal ninyo sa pagsamba sa Akin?” Kanilang sasabihin: “Ipinaaalam Namin sa Iyo na walang sinuman sa amin ang titestigo ngayon na Ikaw ay mayroong katambal.”
48. At maglalaho mula sa kanila na sumamba ng iba ang kanilang sinamba na itinambal nila sa Allâh (I), at hindi nila mapakikinabangan ang mga ito, at matitiyak nila na wala na silang matatakbuhan mula sa kaparusahan ng Allâh (I) at hindi na sila makaliligtas mula rito.
49. Hindi nagsasawa ang tao sa kanyang panalangin sa Allâh (I) na kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha na humihingi ng kanyang ikabubuting makamundo, at kapag nangyari sa kanya ang kahirapan at kagipitan ay mawalalan siya ng pag-asa mula sa Awa ng Allâh (I) at nasa pagdadalamhati.
50. At katotohanan, kapag ipinatikim Namin sa tao ang biyaya mula sa Amin pagkatapos ng kahirapan at pagsubok ay hindi siya tatanaw ng utang na loob sa Amin, sa halip siya ay magmamalabis sa pagsagawa ng kasalanan at kanyang sasabihin: “Ito ay nakamtan ko; dahil sa ako ay karapat-dapat para rito, at hindi ko iniisip na ang Pagkagunaw ng Daigdig ay mangyayari,” at ito ang hindi niya paniniwala sa Pagkabuhay na Mag-uli. “Subali’t kung sakali na darating ang Pagkagunaw ng Daigdig ay katiyakang, ako ay magbabalik sa Allâh (I) na aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha na mayroon ako mula sa Kanya na ‘Al-Jannah’ (Hardin).” Samakatuwid, walang pag-aalinlangan, ipakikita Namin sa mga walang pananampalataya sa Araw ng Muling Pagkabuhay ang kanilang mga nagawang kasalanan, at ipalalasap Namin sa kanila ang masidhing kaparusahan.
51. At kapag biniyayaan Namin ang tao ng kalusugan o kabuhayan o di kaya ay iba pa, siya ay tatalikod at hindi susunod sa katotohanan, subali’t kapag dumating sa kanya ang kahirapan, siya ay nananalangin nang maraming panalangin upang ilayo ang kahirapan na nangyari sa kanya, na kung kaya, kinikilala niya ang Allâh (I) na kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa oras ng kagipitan, at hindi niya kinikilala sa oras ng kasaganaan.
52. Sabihin mo, O Muhammad, sa kanila na mga walang pananampalataya: “Sabihin nga ninyo sa akin, kung ang Banal na Qur’ân na ito ay mula sa Allâh (I), at pagkatapos ay tinanggihan ninyo ay wala nang sinupaman ang mas ligaw kaysa sa inyo; dahil kayo ay lumalayo nang pagkalayu-layo mula sa katotohanan sa pamamagitan ng hindi ninyo paniniwala sa Banal na Qur’ân at sa pagtanggi ninyo rito.”
53. Walang pag-aalinlangan, ipakikita Namin sa kanila na mga hindi naniwala ang Aming mga palatandaan sa mga kalangitan at kalupaan, at ang anumang ginagawa ng Allâh (I) dito sa dalawang ito na mga dakilang pangyayari, at sa kanila mismong mga sarili at ang mga nasa loob nito na mga kamangha-manghang palatandaan ng Allâh (I) at Kanyang mga magagandang nilikha, hanggang mapatunayan nila mula sa mga palatandaang ito ang patunay na walang pag-aalinlangang ang Banal na Qur’ân ay katotohanan na ipinahayag mula sa Allâh (I) na Tagapaglikha ng lahat ng nilalang. Hindi pa ba sapat sa kanila ito bilang tanda na ang Banal na Qur’ân ay katotohanan, at ang sinumang nagdala nito ay totoo bilang pagtitestigo ng Allâh (I)? Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Shaheed’ – Saksi na Siya ay tumitestigo rito bilang patunay na Siya ay Ganap na Nakababatid sa lahat ng bagay, at wala nang hihigit pa na mas dakila kaysa sa pagtestigo ng Allâh (I).
54. Dapat ninyong mabatid na sila na mga walang pananampalataya ay nasa matinding-matinding pag-aalinlangan mula sa Pagkabuhay na Mag-uli pagkatapos ng kamatayan. Samakatuwid, dapat ninyong mabatid na ang Allâh (I) ay saklaw ng Kanyang Kaalaman, Kakayahan, Kapangyarihan ang lahat ng bagay, at wala anuman ang naililihim sa Kanya rito sa kalupaan at gayundin sa kalangitan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment