80
LXXX – Sûrat `Abasa [Nagkunot ng Noo]
بسم الله الرحمن الرحيم
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1-2. Nakita ang pagkunot ng noo at pagbabago sa mukha ng Sugo ng Allâh at pagtalikod mula sa bulag na si `Abdullah Ibn Ummi Makhtoum na dumating sa kanya na humihingi ng gabay, habang ang Sugo ng Allâh ay abala sa paghikayat ng mga matataas na Quraysh tungo sa Islâm.
3-4. At ano bang bagay ang makapagpapabatid sa iyo sa katotohanan hinggil sa kanya? Na maaaring siya sa kanyang pagtatanong ay maging dalisay ang kanyang sarili mula sa kasalanan, o di kaya ay magkaroon siya ng karagdagang aral at mga babala.
5-7. Subali’t siya na hindi nangangailangan ng iyong gabay dahil iniisip niyang siya’y malaya dahil sa kanyang yaman at tinataglay na mataas na antas sa lipunan, siya ang mas pinagtuunan mo ng pansin at pinakikinggan ang kanyang sinasabi, ano baga ang halaga sa iyo kung hindi niya lilinisin ang kanyang sarili mula sa maling paniniwala?
8-16. At siya naman na nananabik sa pakikipagtagpo sa iyo, at natatakot sa Allâh (I) mula sa kakulangan niya sa mga patnubay, ay siya naman ang hindi mo pinagkaabalahan at mas binigyan mo ng pansin ang iba. Hindi nararapat na ganoon ang iyong ginawa, O Muhammad, katiyakan, ang kabanatang ito ng Banal na Qur’ân ay bilang pagpapayo sa iyo at sa lahat ng nagnais ng pagpapayo. Na kung kaya, sinuman ang nagnais ay purihin niya ang Allâh (I) at sumunod sa Kanyang kapahayagan. At itong kapahayagan na Banal na Qur’ân ay nasa mga dakilang talaan na napakataas ng antas at napakarangal na malinis mula sa anumang dungis ng pagdaragdag at pagbabawas, na nasa mga kamay ng mga anghel na tagasulat, na mga tagapagdala ng mensahe sa pagitan ng Allâh (I) at ng Kanyang nilikha, sila (mga anghel) ay kagalang-galang na nilikha, ang kanilang katangian at mga gawain ay pagiging masunurin at dalisay.
17-23. Isinumpa ang taong walang pananampalataya at pinarusahan, napakatindi ng kanyang paglabag sa Allâh (I) na Tagapaglikha! Hindi ba niya napagmasdan kung saang bagay siya nagmula noong una siyang nilikha ng Allâh (I)? Nilikha siya ng Allâh (I) mula sa isang patak na lusaw na bagay, na ito ay semilya, na kasunod noon ay itinakda ang mga yugto ng kanyang buhay at tamang sukat at hugis, pagkatapos ay ipinakita sa kanya ang daan ng mabuti at masama, pagkatapos ay sinanhi Niya na siya ay mamatay at ginawan siya ng lugar para kanyang paglilibingan, pagkatapos kapag ninais na ng Allâh (I) ay bubuhayin siya na mag-uli at ibabalik pagkatapos ng kamatayan para sa paghuhukom at pagbabayad.
Ang katotohanan ay hindi ang yaong sinabi at ginawa nang walang pananampalataya, dahil hindi niya isinagawa ang iniutos ng Allâh (I) sa kanya na tamang paniniwala at pagpapatupad ng pagsunod sa Kanya.
24-32. Pagmasdan ng tao: kung paano nilikha ang kanyang kinakain na ito ang bumubuhay sa kanya. Katiyakan, ibinuhos Namin sa kalupaan ang tubig nang tamang pagkabuhos nito, pagkatapos ay biniyak Namin ito upang sumibol mula rito ang iba’t ibang pananim, at sa pamamagitan nito pinasibol Namin ang mga butil, at mga ubas, at mga damuhan para sa mga hayop, at mga ‘zayton’ (oliba), at mga puno ng palmera ng datiles, at malalagong mga puno ng mga hardin, at mga bunga (o prutas) na iba’t ibang uri at mga halamanan, at mga ‘abb’ (mga ‘herbs’ o damong-gamot at iba pa), upang kayo ay masisiyahan sa mga biyayang ito, kayo at ang inyong mga alagang hayop.
33-37. At kapag dumating ang kagimbal-gimbal na ingay sa Araw ng Muling Pagkabuhay na mabibingi sa pamamagitan ng kagimbal-gimbal na ingay na ito ang lahat ng pandinig, sa Araw na tatakasan ng tao, dahil sa kalagim-lagim na pangyayari sa Araw na ito, ang kanyang kapatid, ang kanyang ina at ang kanyang ama, at ang kanyang asawa at ang kanyang mga anak. Bawa’t isa sa kanila sa Araw na yaon ay sarili lamang niya ang kanyang pagtutuunan ng pansin at wala na siyang pakialam sa iba.
38-42. Ang mga mukha ng mga masasaya sa Araw na yaon ay mga maaliwalas na kumikinang sa matinding kasiyahan, at ang mga mukha naman na mga nasa kapighatian ng Impiyerno ay mga madidilim at maiitim, na pinagtakluban ito ng kapighatian. Sila na ganito ang katangian ay sila ang mga yaong binalewala ang mga biyaya ng Allâh (I) at hindi pinaniwalaan ang Kanyang mga talata at naghimagsik sa pakikipaglaban sa Allâh (I) sa pamamagitan ng pagtanggi at pagsagawa ng sukdulang kasamaan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment