Sunday, May 16, 2010

Sûrat Ar-Rûm

30
XXX – Sûrat Ar-Rûm
[Kabanata Ar-Rûm – Ang Mga Romano]

بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
1. Alif-Lãm-Mĩm. Ang mga titik na ito ng ‘Arabic’ ay nauna nang naipaliwanag sa ‘Sûratul Baqarah.’

2-5. Natalo ng mga Persiano ang mga Romano sa pinakamababang kalupaan sa ‘Sham’ na malapit sa Persia, subali’t magkagayunpaman pagkatapos nito ay walang pag-aalinlangang matatalo naman ng mga Romano ang mga Persiano sa mga susunod na panahon, nang hindi lalampas sa sampung taon na hindi naman bababa sa tatlong taon. Pagmamay-ari ng Allâh (I) ang lahat ng bagay bago pa man manalo ang Romano at maging pagkatapos nito, at sa araw na mananalo ang mga Romano laban sa mga Persiano ay magagalak ang mga mananampalataya sa pagpapanalo ng Allâh (I) sa mga Romano laban sa mga Persiano. At ang Allâh (I) ay pinapapanalo Niya ang sinuman na Kanyang nais at sinasanhi Niya na maging talunan ang sinuman na Kanyang nais, at Siya ay ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan na hindi nagagapi, na ‘Ar-Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa sinuman na Kanyang nais mula sa Kanyang mga nilikha. At katiyakan, natupad ang propesiyang ito dahil natalo ng mga Romano ang mga Persiano pagkalipas ng pitong taon, at nasiyahan ang mga Muslim sa pangyayaring ito; dahil ang mga Romano ay ‘Ahlul Kitâb’ – Nagtatangan ng mga naunang Kasulatan, kahit na ito pa ay kanilang binago.

6-7. Pinangakuan ng Allâh (I) ang mga nananampalataya ng tiyak na pangako na kailanma’y hindi maaaring mabigo, sa pamamagitan pagpanalo ng mga Romano na mga Kristiyano laban sa mga Persiano na mga pagano, subali’t ang karamihan sa mga walang pananampalataya na mga taga-Makkah ay hindi nila batid na ang anumang ipinangako ng Allâh (I) ay katotohanan at ang batid lamang nila ay ang anuman na nakalantad na makamundong bagay at ang mga palamuti nito, at sila hinggil sa mga bagay na mangyayari sa Kabilang-Buhay at sa anumang mapakikinabangan nila roon ay wala sila ni anumang kabatiran, dahil hindi nila ito pinagtutuunan ng pansin.
8. Hindi ba iniisip ng mga tumanggi at nagpasinungaling sa mga Sugo ng Allâh at sa pagkikipagtagpo sa Kanya at sa pagkalikha ng Allâh (I) sa kanila, na walang pag-aalinlangang Siya ang lumikha sa kanila samantalang noon ay wala sila ni anuman, hindi nilikha ng Allâh (I) ang mga kalangitan at kalupaan at ang anumang nasa pagitan nitong dalawa kundi upang itatag ang katarungan, gantimpala at parusa, mga katibayan sa Kanyang Kaisahan at Kakayahan na gawin ang lahat ng bagay, at pagtatakda ng panahon bilang may hangganan na ito ay ang Araw ng Muling Pagkabuhay? Samantalang karamihan sa mga tao ay walang pag-aalinlangang tinatanggihan at di-pinaniniwalaan ang pakikipagtagpo sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha; dahil sa kanilang kamangmangan na hindi nila batid na ang kanilang patutunguhan pagkatapos nilang mawala ay sa Allâh (I) lamang at dahil sa pagkalinlang sa kanila hinggil sa Kabilang-Buhay.

9. Hindi ba naglakbay sa kalupaan ang mga di-naniniwala sa Allâh (I) na nalinlang hinggil sa Kabilang-Buhay upang mapagmatyagan at mapagkunan ng aral kung paano pinarusahan ng Allâh (I) ang mga naunang tao na tinanggihan ang mga Sugo ng Allâh (I) na dumating sa kanila na tulad ng sambayanan ni ‘Âd at saka ni Thamoud? At walang pag-aalinlangan, sila ay mas malalakas sa pangangatawan at mas makapangyarihan sa kanilang kalagayan sa makamundong buhay dahil sa binungkal nila ang kalupaan at kanila itong tinamnan, at nagtayo sila ng mga palasyo at doon sila’y nanirahan, kaya naitatag nila ang kanilang makamundong buhay na higit pa sa nagawa ng mga taga-Makkah sa kanilang makamundong buhay, subali’t walang naging pakinabang sa kanila ang pagtayo nila ng mga ganitong kabuhayan at haba ng kanilang pananatili, at dumating sa kanila ang mga Sugo na ipinadala sa kanila na kalakip ang mga malilinaw na palatandaan at mga katibayan subali’t ang mga ito ay tinanggihan nila, na kung kaya, pinuksa sila ng Allâh (I). Katotohanan, hindi sila dinaya ng Allâh (I) sa pamamagitan ng pagpuksa sa kanila kundi sila mismo ang nandaya sa kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagsamba nila ng iba bukod sa Allâh (I) at paglabag nila.

10. Pagkatapos ang nagiging dulo o wakas ng buhay ng mga masasama na nagmalabis at di-naniwala ay napakasama at napakalagim; dahil sa kanilang ginawang pagtanggi sa Allâh (I) at kanilang panlalait sa mga talata ng Allâh (I) na Kanyang ipinahayag sa Kanyang mga Sugo.

11. Ang Allâh (I) ay Bukod-Tangi na Siya lamang ang Lumikha ng lahat ng mga nilalang, at Siya rin lamang ang Bukod-Tanging may kakayahan na ibalik itong muli, pagkatapos sa Kanya magbabalik ang lahat ng nilikha, upang gantimpalaan ang mabuti dahil sa kanyang kabutihan at pagbayarin ang masama dahil sa kanyang kasamaan.

12. At sa Araw ng Pagkagunaw ng Daigdig ay mawawalan ng pag-asa ang mga masasama na mailigtas ang kanilang mga sarili mula sa kaparusahan, ilulublob sila sa pagkawasak na may pagdadalamhati at darating sa kanila ang pagkahilo at mawawalan sila ng anumang katibayan.

13. At hindi magkakaroon ng kahit na sinumang tagapamagitan ang mga sumamba ng iba bukod sa Allâh (I) sa Araw na yaon, mula sa kanilang mga sinambang iba bukod sa Allâh (I), bagkus ay itatanggi sila ng mga ito at tatanggihan din nila ang mga ito, na kung kaya, ang pamamagitan ay pagmamay-ari lamang ng Allâh (I) at hindi ito maaaring hingin sa iba.

14-15. At sa Araw ng Pagkagunaw ng Daigdig ay paghihiwalayin na ang mga manampalataya at walang pananampalataya, dahil sa ang mga naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo na mga gumawa ng kabutihan ay patungo sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) na sila’y pararangalan doon at malalasap ang marangyang kasiyahan magpasawalang-hanggan.

16. Subali’t ang mga yaong hindi naniwala sa Allâh (I) at tinanggihan ang anumang dala-dala ng mga Sugo at di-naniwala sa Pagkabuhay na Mag-uli pagkatapos ng kamatayan ay mananatili sila sa kaparusahan bilang kabayaran ng kanilang pagtanggi rito sa daigdig.
17-18. Na kung kaya, O kayong mga naniwala! Luwalhatiin ninyo ang Allâh (I) at purihin, na huwag maglagay ng anumang uri ng pagtatambal sa pagsamba sa Kanya na tulad ng pagkakaroon ng asawa at anak, at itangi ninyo para sa Kanya ang karapat-dapat at ganap na mga katangian sa pamamagitan ng pagbibigkas ng inyong mga bibig at patunayan ninyo ito sa inyong mga katawan sa pamamagitan ng pagsasagawa nito, sa hapon at sa umaga, sa oras ng gabi at sa tanghali. At para sa Kanya ang papuri at luwalhati sa mga kalangitan at kalupaan, sa gabi at araw.

19. Inilalabas ng Allâh (I) ang isang buhay na bagay mula sa walang buhay na bagay na tulad ng tao na nagmula sa punla at ibon na nagmula sa itlog, at ganoon din, inilalabas din Niya ang walang buhay na bagay mula sa may buhay na bagay na tulad ng punla na nagmula sa tao at itlog na nagmula sa ibon. At binubuhay Niya ang kalupaan sa pamamagitan ng pagsibol ng mga pananim pagkatapos nitong maging tuyot, at ang katulad ng pagbibigay ng buhay na ito ay ganoon din Niya kayo ilalabas, O kayong mga tao, mula sa inyong mga libingan na mga buhay para sa paghuhukom at pagbabayad.

20. At kabilang sa mga palatandaan ng Allâh (I) na nagpapatunay ng Kanyang kadakilaan at ganap na kakayahan ay nilikha Niya ang inyong ama na si Adam mula sa alabok, pagkatapos kayo na mga tao ay nagkakaanak at dumarami sa ibabaw ng kalupaan na naghahangad ng kagandahang-loob ng Allâh (I).

21. At kabilang din sa palatandaan ng Allâh (I) sa Kanyang kadakilaan at ganap na kakayahan ay ang paglikha Niya para sa inyo mula sa inyong sarili, O kayong mga kalalakihan ng inyong mga asawa; upang mapanatag ang inyong mga kalooban at magkaroon kayo ng papamamahingahan, at ginawa Niya sa pagitan ng babae at kanyang asawa ang pagmamahal at pagkaawa. Katiyakan, sa paglikha ng Allâh (I) nito ay mga palatandaan na nagpapatunay sa Kanyang kakayahan at Kanyang Kaisahan sa pagsamba, para sa mga tao na nag-iisip at nagsusuri.

22. At kabilang sa palatandaan ng Kanyang kakayahan bilang Tagapaglikha: paglikha ng mga kalangitan at pag-aangat nito na walang haligi at paglikha ng kalupaan kasama ang lawak at haba nito, at pag-iba-iba ng inyong mga wika at ng inyong mga kulay. Katiyakan, sa mga ganitong bagay ay walang pag-aalinlangang nakapagbibigay ng aral sa sinumang may kaalaman at pagkakaintindi.

23. At kabilang sa mga palatandaan ng kakayahan ng Allâh (I) ay ginawa Niya ang inyong pagtulog bilang kaparaanan ng inyong pamamahinga sa gabi man o di kaya ay sa araw; dahil sa pagtulog nangyayari ang pamamahinga at nawawala ang kapaguran, at ginawa Niya para sa inyo ang araw upang kayo ay kumalat para sa inyong paghahanap-buhay. Katiyakan, sa mga bagay na ito ay mga palatandaan sa ganap na kakayahan ng Allâh (I) at ganap na pagpapatupad ng Kanyang kagustuhan para sa mga tao na nakikinig sa mga pagpapayo upang intindihin, at nag-iisip upang makakuha ng mga aral.

24. At kabilang din sa mga katibayan ng kakayahan ng Allâh (I) ay ipinakikita niya sa inyo ang kidlat, na natatakot kayo sa kulog nito at umaasam naman kayo ng ulan, at ibinababa Niya mula sa ulap ang ulan na bumubuhay ng kalupaan pagkatapos nitong matuyot. Katiyakan, nandirito ang tanda sa ganap na kapangyarihan ng Allâh (I) at Kanyang Dakilang Kaalaman at ang Kanyang pagiging mabuti sa sinumang may kaisipan na ginagabayan tungo rito.

25. At kabilang pa rin sa Kanyang mga palatandaan na nagpapatunay ng Kanyang kakayahan ay ang pagkakatatag ng kalangitan at kalupaan at pananatili ng mga ito sa kaganapan dahil sa Kanyang Pag-aatas, na hindi ito nawawala sa kinalalagyan nito at hindi bumabagsak ang kalangitan sa kalupaan, pagkatapos kapag kayo ay tinawag na ng Allâh (I) sa pamamagitan ng pag-ihip ng Trumpeta tungo sa pagkabuhay na mag-uli sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay lalabas kayo mula sa inyong mga libingan nang mabilisan.
26. Pagmamay-ari ng Allâh (I) na Bukod-Tangi ang lahat ng mga nasa kalangitan at kalupaan na mga anghel, mga tao, mga ‘jinn,’ mga hayop, mga pananim at mga di-buhay na bagay. Lahat ng mga ito ay nagpapasailalim sa Kanyang Kautusan, sumusunod sa Kanya na nagtataglay ng ganap na katangian.

27. Ang Allâh (I) ay Bukod-Tangi na nagpanimula ng paglikha mula sa wala, pagkatapos ito ay ibabalik Niyang muli na buhay pagkatapos ng kamatayan, at ang pagsasabalik muli ng buhay sa nilikha pagkatapos ng kamatayan kung tutuusin ay mas madali sa Allâh (I) kaysa sa paglikha nito sa una, subali’t sa paningin ng Allâh (I), sa Kanyang Kapangyarihan ay walang mahirap sa Kanya, pareho itong madali sa Kanya. Pagmamay-ari ng Allâh (I) ang Kataas-Taasan na katangian sa lahat ng mga itinatangi sa Kanya, at wala Siyang kahalintulad na anumang bagay, na Siya ay Ganap na Nakaririnig at Nakakikita. Siya ay ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan na hindi nagagapi, na ‘Al-Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang mga sinasabi at ginagawa at sa pangangasiwa Niya sa Kanyang mga nilikha.

28. Nagbigay ang Allâh (I) ng halimbawa sa inyo, O kayong mga walang pananampalataya, mula sa inyong mga sarili: Maaari bang ang inyong mga alipin na mga kalalakihan at mga kababaihan ay magkaroon ng kahati sa inyo sa inyong kabuhayan, at nakikita ninyo na kayo at sila ay magkapantay sa bagay na ito, na kinatatakutan ninyo sila na tulad ng pagkatakot ninyo sa mga malalaya na inyong makakahati sa inyong kayamanan? Walang pag-aalinlangan, hindi ninyo papayagan ang ganito, kung gayon, paano ninyo pinapayagan ang ganito sa Allâh (I) na iginagawa ninyo Siya ng katambal mula sa Kanyang nilikha? Sa katulad nitong paglilinaw ay nililinaw Namin sa inyo ang mga katibayan at palatandaan para sa mga taong matitino ang kaisipan na makikinabang para rito.

29. Subali’t hindi ganoon ang katotohanan kundi ang sinusunod ng mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) ay kanilang mga sariling kagustuhan sa pamamagitan ng paggaya nila sa kanilang mga ninuno nang wala silang kaalaman, kaya magkatulad sila sa pagiging mangmang at pagkaligaw, at walang sinuman ang may kakayahang gabayan ang sinuman na iniligaw ng Allâh (I) dahil sa kanyang pagmamalabis sa pamamagitan ng pagtanggi at pagmamatigas, at wala na silang magiging katulong na magliligtas sa kanila mula sa kaparusahan ng Allâh (I).

30. Na kung kaya, ituon mo, O Muhammad, ang iyong mukha, ikaw at ang sinumang susunod sa iyo at manatili ka sa ‘Deen’ na siyang ipinag-utos na batas ng Allâh (I) sa iyo, na ito ay ang Islâm. Na ito ang ‘Fitrah’ o likas na pagkakalikha ng Allâh (I) sa sangkatauhan, na kung kaya, ang pananatili ninyo at paghawak ninyo rito ay siyang tunay na pananatili sa likas na nilikha ng Allâh (I) na paniniwala na bukod-tanging pagsamba lamang sa Kanya.

Walang pagbabago sa nilikha ng Allâh (I) at sa Kanyang ‘Deen’ (Relihiyon), na ito ay Matuwid na Landas na magdadala sa sinuman tungo sa pagmamahal ng Allâh (I) na ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng lahat ng mga nilalang at sa Kanyang ‘Al-Jannah’ (Hardin), subali’t ang karamihan sa mga tao ay hindi nila batid na ang ipinag-utos na ito sa iyo, O Muhammad, ang siyang ‘Deen’ ng Katotohanan na wala nang iba pa bukod dito.

31. At manumbalik kayo sa Allâh (I) na may pagsisisi at dalisay na layunin sa gawain, at matakot kayo sa Kanya sa pamamagitan ng pagsunod sa ipinag-uutos at pag-iwas sa ipinagbabawal, at isagawa ninyo ang ‘Salâh’ na buo ang mga haligi, karapatan at kundisyon nito, at huwag kayong pabilang sa mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I).

32. At huwag kayong maging kabilang sa mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) at ang sinusunod lamang ay ang kanilang sariling kagustuhan at pag-iimbento, na pinalitan nila ang ‘Deen’ na ipinagkaloob sa kanila at binago nila, na sinusunod nila ang isang bahagi nito at ang isang kabahagi naman ay tinatanggihan; ibinabatay lamang nila sa kanilang kagustushan na dahil doon ay naging iba’t ibang grupo sila at mga sekta; na sinusunod nila bilang pagmamahal sa kanilang mga pinuno, sa kanilang mga grupo at sa kanilang sariling pananaw, na nagtutulungan sila sa isa’t isa sa kamalian; at bawa’t sekta sa kanila ay nasisiyahan sa anuman na kanilang
33. At kapag nangyari sa mga tao ang kagipitan at pagsubok ay nananalangin sila sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha nang taimtim na nagsusumamo na iligtas sila sa kapahamakan, at kapag kinaawaan naman sila ng Allâh (I) at iniligtas sila mula sa kapahamakan, pagmasdan, ang isang grupo sa kanila ay babalik na naman sa pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I), na kung kaya, gagawa na naman sila ng pagtatambal sa pagsamba sa Allâh (I).

34. Upang balewalain ang anumang biyayang ipinagkaloob Namin sa kanila at ang kagandahang-loob na ginawa Namin para sa kanila na pagligtas mula sa kapahamakan at pag-alis sa kanila sa kagipitan, na kung kaya, magpakasaya na kayo, O kayo na mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I), sa inyong karangyaan at kaluwagan ng kabuhayan dito sa daigdig; at walang pag-aalinlangang mababatid ninyo ang anuman na para sa inyo na makatatagpong parusa.

35. O di kaya ay nagpahayag ba Kami sa kanila na mga walang pananampalataya ng malinaw na katibayan at tiyak na kasulatan, na nagsasabi sa kanila na tama ang kanilang pagtatambal at paglabag sa Allâh (I) at sa Kanyang mga talata?

36. At kapag ipinalasap Namin sa mga tao ang biyaya ng kalusugan at karangyaan ng pamumuhay ay nasisiyahan sila ng kasiyahan na may pagmamataas at hindi kasiyahan ng pagpapasalamat, at kapag dinapuan naman sila ng sakit o dumating sa kanila ang kahirapan, pagkatakot, kagipitan dahil sa kanilang mga kasalanan at paglabag ay mawawalan sila ng pag-asa na di-maglalaon ito ay lilipas din sa kanila, at ito ang pangkaraniwang katangian ng karamihan sa mga tao kapag nangyari sa kanila ang kasaganaan at kagipitan.

37. Hindi ba nila batid na ang Allâh (I) sa katotohanan ay niluluwagan Niya sa kabuhayan ang sinuman na Kanyang nais bilang pagsubok, na kung siya ba ay tatanaw ng utang na loob o babalewalain ang biyaya? At hinihigpitan Niya ang sinuman na Kanyang nais bilang pagsubok din, na kung ito ba ay kanyang titiisin o ito ay hindi niya titiisin? Katiyakan, sa kaluwagan ng buhay o kaya ay sa kahirapan nito ay mga palatandaan ng Allâh (I) sa mga taong naniniwala sa Kanya, na batid nila ang karunungan ng Allâh (I) at ng Kanyang habag.

38. Na kung kaya, ibigay mo, O ikaw na mananampalataya, ang karapatan ng iyong kamag-anak para sa pagpapanatili ng inyong ugnayang magkakamag-anak o sa kawanggawa at sa lahat ng uri ng kaparaanan ng kabutihan, at bigyan mo ang mahirap at ang sinumang nangangailangan o nalagay sa kagipitan dahil sa natigil o na-‘stranded’ siya sa isang lugar, mula sa ‘Zakâh’ (o obligadong kawaggawa) at sa ‘Sadaqah’ (pangkaraniwang kawanggawa), na ang ganitong pagkakaloob ay higit na nakabubuti sa mga yaong naghahangad na makita nila ang Mukha ng Allâh (I) sa pamamagitan nito, at ang mga yaong gumagawa ng ganitong gawain at iba pa na mga kabutihan ay sila ang magtatagumpay sa pagkakamit ng gantimpala ng Allâh (I) at ligtas sa Kanyang parusa.

39. At anuman ang inyong ibinigay bilang pautang na ang layunin ay ‘Ribâ’ o pagpapatubo; upang kumita mula sa pagmamay-ari ng mga tao ay wala ritong naidagdag na anumang kabutihan sa paningin ng Allâh (I) sa halip ito ay wawasakin Niya na pawawalan ng saysay; subali’t ang anumang ibinigay ninyo bilang ‘Zakâh’ o di kaya ay ‘Sadaqah’ sa mga karapat-dapat pagbigyan bilang paghahangad sa pagmamahal ng Allâh (I) at ng Kanyang gantimpala, ay ito ang tunay na katanggap-tanggap sa Allâh (I) at dodoblehan Niya ito sa inyo nang maraming-maraming beses.

40. Ang Allâh (I) ay Siyang Bukod-Tanging lumikha sa inyo, O kayong mga tao, pagkatapos ay pinagkalooban kayo ng kabuhayan para sa inyo rito sa buhay na ito, pagkatapos ay sasanhiin Niya na mamatay kayo batay sa itinakdang oras na kamatayan para sa inyo, pagkatapos ay bubuhayin Niya kayong mag-uli mula sa inyong libingan para sa paghuhukom at pagbabayad, kung gayon, mayroon ba sa mga sinasamba ninyo bukod Allâh (I) na gagawa ng kahit na alinman sa mga bagay na ito? Luwalhati sa Allâh (I), at Napakadakila na Siya ay ligtas at malaya sa anumang ginagawang pagtatambal ng mga sumasamba ng iba.

41. Lumaganap ang kapinsalaan sa kapatagan ng kalupaan at sa karagatan, na katulad ng tagtuyot, kakulangan ng ulan at pagdami ng mga sakit; dahil sa mga maling gawain na ginagawa ng mga tao; upang mangyari sa kanila ang ilang bahagi ng parusa sa kanilang masamang ginawa rito sa daigdig; nang sa gayon ay magsipagsisi sila
42. Sabihin mo, O Muhammad (r), sa mga hindi naniwala sa dala-dala mong mensahe: “Maglakbay kayo sa iba’t ibang dako ng daigdig upang suriin at pag-aralan ang mga pangyayari, at pagmasdan ninyo kung ano ang kinahinatnan ng mga naunang tao na tumanggi sa katotohanan na tulad ng sambayanan ni Nûh, ni `Âd at ni Thamoud; at mamamalas ninyo ang kanilang masamang kinahinatnan at ang naging bunga ng kanilang ginawa! Walang pag-aalinlangan, ang pinakamarami sa kanila ay sumamba ng iba bukod sa Allâh (I).”

43. Ituon mo ang iyong mukha, O Muhammad, tungo sa Matuwid at Tunay na ‘Deen’ (batas o pamamaraan ng pamumuhay na isinaling Relihiyon) na ito ay ang Landas ng Islâm, bilang pagpapatupad sa pag-uutos ng Allâh (I) at pag-iwas sa Kanyang mga pinagbabawal, at ito ang panghawakan mo bago dumating mula sa Allâh (I) ang Araw ng Muling Pagkabuhay, at kapag dumating ang Araw na yaon ay wala nang sinuman ang makaiiwas o makapaglalayo ng kanyang sarili mula rito, na paghihiwa-hiwalayin na ang mga nilikha ng iba’t ibang katayuan; upang makita nila ang naging bunga ng kanilang nagawa.

44. Ang sinumang hindi naniwala ay matitikman niya ang kaparusahan ng ginawa niyang pagtanggi na ito ay pagpapanatili sa Impiyernong-Apoy, at sino naman ang naniwala at gumawa ng kabutihan, samakatuwid, inihanda para sa mga katulad nila bilang kanilang mga tahanan ay magagandang palasyo sa ‘Al-Jannah’ (Hardin); dahil sa kanilang pagsunod sa kautusan ng Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha.

45. Nang sa gayon ay gantimpalaan ng Allâh (I) ang mga naniwala sa Kanya at sa Kanyang Sugo at gumawa ng kabutihan mula sa Kanyang biyaya at kagandahang-loob. Walang pag-aalinlangan, hindi Niya minamahal ang mga walang pananampalataya dahil sa Kanyang galit at poot sa kanila.

46. At kabilang sa palatandaan ng Allâh (I) na nagpapatunay ng Kanyang Kaisahan at Kadakilaan ng Kanyang Kapangyarihan ay ang pagpapadala ng mga hangin na nagtutulak sa ulan na nagdadala ng mga magagandang balita sa pagpapakalat ng mga ulap, at natutuwa sa pamamagitan nito ang mga tao; upang matikman nila ang habag ng Allâh (I) sa pamamagitan ng pagpapababa ng ulan na nagsasanhi na mabuhay ang mga bayan at mga tao, at sa pamamgitan din ng ulan na ito ay naglalayag ang mga sasakyang pandagat sa karagatan sa kautusan ng Allâh (I) at sa Kanyang kagustuhan, at upang asamin ang Biyaya ng Allâh (I) sa pamamagitan ng pangangalakal at iba pa; upang sila ay tumanaw ng utang na loob sa Kanyang mga biyaya at sambahin lamang Siya nang bukod-tangi at pakasusundin.

47. At katiyakan, nagpadala Kami ng mga Sugo na nauna sa iyo, O Muhammad, tungo sa kani-kanilang sambayanan na dala-dala nila ang mga magagandang balita at babala na hinihikayat sila tungo sa Kaisahan ng Allâh (I) at binabalaan sila mula sa pagsamba ng iba, na kung kaya, dala-dala nila sa kanila ang mga himala at mga malilinaw na katibayan, subali’t hindi naniwala ang karamihan sa kanila, na kung kaya, ginantihan Namin ang sinumang gumawa ng masama mula sa kanila at winasak Namin sila, at tinulungan Namin ang naniwala na mga tagasunod ng mga Sugo, at ganoon din ang Aming gagawin sa mga tumanggi na di-naniwala kapag sila ay nagpatuloy sa kanilang pagtanggi at di- pananampalataya.

48. Ang Allâh (I) ay Siyang nagpapadala ng mga hangin upang ikalat ang mga ulap na nagdadala ng tubig, at ito ay ikinakalat ng Allâh (I) sa kalangitan ayon sa Kanyang kagustuhan, at ito ay pinaghihiwa-hiwalay Niya, na kung kaya, makikita mo ang tubig-ulan na lumalabas mula sa ulap, at kapag ito ay dinala ng Allâh (I) tungo sa Kanyang mga alipin ay nagagalak sila dahil sa ito ay ipinadala ng Allâh (I) sa kanila.

49. At katiyakan, bago ang pagkakapababa ng tubig-ulan na ito ay nasa pagkalungkot sila at kawalan ng pag-asa dahil sa hindi pagdating ng ulan sa kanila.

50. Na kung kaya, pagmasdan mo, O ikaw na nakakikita na may kasamang pagsusuring pinag-aaralan ang naging bunga ng habag ng Allâh (I) sa pagkakapadala ng tubig-ulan na tumubo sa pamamagitan nito ang mga halamanan, pananim at mga puno, na kung paano binubuhay ng Allâh (I) ang kalupaan pagkatapos nitong mamatay o matuyot, na kung kaya, tumutubo at lumalago ang mga pananim. Katiyakan, ang Allâh (I) na Siyang nagtatakda ng pagkabuhay ng kalupaan mula sa pagiging tuyot nito ay Siya rin sa katotohanan ang bubuhay ng mga patay mula sa kanilang mga libingan, at Siya ay ‘Qadeer’ – Ganap na Makapangyarihan na walang sinuman ang makapipigil sa anuman na Kanyang nais gawin, na May Kakayahan sa lahat ng bagay.


51. At kapag nagpadala Kami ng masamang hangin sa kanilang mga pananim at mga halamanan, at nakita nila na nasira ang kanilang mga pananim dahil sa masamang hangin na ito, na pagkatapos nitong maging luntian ay naging dilaw, ay mananatili sila na lumalabag sa Allâh (I) pagkatapos nila itong makita at binabalewala ang Kanyang mga biyaya.
52. Samakatuwid, O Muhammad, katiyakan na hindi mo magagawa na mapadinig ang sinumang pinatay ang kanyang puso o di kaya ay tinakpan ang kanyang tainga upang hindi mapakinggan ang panawagan ng katotohanan, kaya huwag kang magdalamhati at malungkot dahil sa di-paniniwala sa iyo na mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I), dahil walang pag-aalinlangang sila ay katulad ng mga bingi at mga namatay na hindi nakaririnig at nakararamdam kahit na sila pa ay nandoroon, paano pa kaya kung sila ay wala roon at tumatalikod?

53. Na kung kaya, hindi mo magagabayan ang sinumang binulag ng Allâh (I) sa Daan ng Katotohanan at hindi mo maparirinig ang sinuman upang magkaroon ng kapakinabangan maliban sa sinumang naniwala sa Aming mga talata dahil sa sila ay sumasang-ayon at sumusunod sa kagustuhan ng Allâh (I).

54. Ang Allâh (I) ay Siyang lumikha sa inyo mula sa lusaw na punla na walang halagang bagay na ito ay ‘Nutfah,’ at pagkatapos ay pinagkalooban Niya kayo ng lakas pagkatapos ng inyong kahinaan bilang batang sanggol na lumalaki, pagkatapos ng lakas na ito ay ginawa Niya kayong maging mahina sa pamamagitan ng inyong katandaan at pagiging kulay abuhin ng inyong mga buhok, nilikha ng Allâh (I) ang anuman na Kanyang nais mula sa pagiging mahina at kalakasan, at Siya ay ‘Al-`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa anuman na Kanyang nilikha, na ‘Al-Qadeer’ – Ganap na Makapangyarihan sa lahat ng bagay.

55. At sa Araw na kapag dumating ang Muling Pagkabuhay at bubuhayin ng Allâh (I) ang Kanyang nilikha mula sa kanilang mga libingan ay susumpa ang mga walang pananampalataya na hindi sila nanatili sa daigdig kundi maiksing panahon lamang, at sila ay nagsinungaling sa kanilang panunumpa na katulad ng kanilang pagsisinungaling noong sila ay nasa daigdig pa na tinanggihan nila ang katotohanan na dinala ng mga Sugo.

56. At sinabi ng mga yaong pinagkalooban ng kaalaman at Paniniwala sa Allâh (I) na mga anghel, mga propeta at mga mananampalataya: “Katiyakan, nanatili kayo roon na katulad ng naitala ng Allâh (I) na nasa Kanyang kaalaman mula sa araw na kayo ay nilikha hanggang sa araw na kayo ay binuhay na mag-uli; samakatuwid, ito ang Araw ng Muling Pagkabuhay, subali’t kayo ay walang kabatiran hinggil dito, na kung kaya, hindi ninyo ito pinaniwalaan at tinanggihan ninyo noong kayo ay nasa daigdig pa.”

57. Na kung kaya, sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay walang pakinabang ang mga masasama sa anuman na kanilang ikakatwiran at ibibigay na paumanhin, at hindi na hihilingin pa sa kanila na magsipagsisi at sumunod upang mapamahal sila sa Allâh (I) sa halip ay parurusahan dahil sa kanilang kasamaan at mga kasalanan.

58. Katiyakan, nilinaw Namin sa mga tao sa Banal na Qur’ân na ito ang lahat ng halimbawa upang maitatag sa kanila ang katibayan laban sa kanila at pagpapatunay sa Kaisahan ng Allâh (I) na Kataas-Taasan, at kahit na dalhin mo pa sa kanila, O Muhammad, ang anumang katibayan na nagpapatunay sa iyong pagiging totoo ay walang pag-aalinlangang sasabihin pa rin ng mga walang pananampalataya sa iyo: “Kayo, O Muhammad, ikaw at ang iyong mga tagasunod ay walang sinusunod kundi pawang kamalian na wala sa katotohanan.”

59. At sa ganito isinasara ng Allâh (I) ang mga puso ng hindi nakaaalam ng katotohanan na dinala sa kanila ni Muhammad (r) mula sa Allâh (I) hinggil sa mga aral at mga malilinaw na mga katibayan.

60. Na kung kaya, magtiis ka, O Muhammad (r), sa anumang nangyari na paninira sa iyo at pagpapahirap ng mga walang pananampalataya mula sa iyong sambayanan at kanilang pagtanggi, dahil katiyakang ang anumang ipinangako ng Allâh (I) sa iyo na tagumpay, pangingibabaw, gantimpala ay walang pag-aalinlangan na katotohanan ang hinggil sa bagay na ito. Na kung kaya, huwag mong pahintulutan na panghinaan ka ng loob hinggil sa ‘Deen’ ng Allâh (I), ng mga yaong walang katiyakan ang kanilang paniniwala sa Kabilang-Buhay na hindi sila naniniwala sa Pagkabuhay na Mag-uli at Paghuhukom.

No comments: