Sunday, May 16, 2010

Sûrat Al-Insân o Ad-Dahr

76
LXXVI – Sûrat Al-Insân o Ad-Dahr
[Kabanata Al-Insân o Ad-Dahr – Ang Tao o Ang Panahon]

بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Katotohanan, hindi ba dumating sa kasaysayan ng tao ang mahabang panahon bago inihinga sa kanya ang kaluluwa (na kung kaya, siya ay nagkaroon ng buhay), na siya ay wala pa ni anupaman at di-man lamang nababanggit ang hinggil sa kanya?

2-3. Katiyakan, nilikha Namin ang tao mula sa ‘Nutfah’ – lusaw na bagay na pinagsama mula sa lalaki at sa babae, upang subukin Namin siya sa pamamagitan ng pag-uutos sa kanya ng mga alituntunin ng batas pagkatapos siyang likhain, at sa ganitong kadahilanan ay ginawan Namin siya ng pandinig at paningin; upang marinig niya ang mga talata at makita niya ang mga palatandaan.

Katiyakan, nilinaw Namin at ipinakita Namin sa kanya ang Daan ng Patnubay at Pagkaligaw, kabutihan at kasamaan: kung siya ba ay magiging mananampalataya na tatanaw ng utang na loob o siya ba ay magiging walang pananampalataya na ipagsasawalang-bahala niya ang mga biyaya na ipinagkaloob sa kanya.

4. Katiyakan, inihanda Namin para sa mga walang pananampalataya ang mga kadena na gawa sa bakal upang ikadena sa kanilang mga paa, at mga kadena na ipupulupot sa kanilang mga kamay tungo sa kanilang mga leeg, at Impiyernong-Apoy na rito sila ay susunugin.

5. Katiyakan, ang mga mananampalataya na mga dalisay ang kanilang mga layunin, na ipinatutupad nila ang karapatan ng Allâh (I) sa kanila, ay iinom sila sa Araw ng Muling Pagkabuhay mula sa kopita na nalalamnan ito ng alak na hinaluan ng pinakamabangong amoy na ito ay tubig na mula sa isang bukal ng ‘Al-Jannah’ (Hardin) na tinatawag na ‘Kâfur.’
6-10. Itong inumin na hinaluan ng tubig sa ilog ng ‘Kâfur’ ay bukal na umiinom mula rito ang mga alipin ng Allâh, na ginagawa nila rito ang anuman na kanilang nais, na ito ay patuloy na bumubukal nang masagana upang maging madali para sa kanila ang pakikinabang (sa bukal na) ito. Na tinutupad nila ang anumang inuubliga nila sa kanilang mga sarili na pagsunod sa Allâh (I) bilang pangako, at kinatatakutan nila ang parusa ng Allâh (I) sa Araw ng Muling Pagkabuhay na napakatindi ang idudulot na kapinsalaan ng mangyayari roon, at ang kaparusahan nito ay magiging laganap sa mga tao, maliban sa sinumang kinaawaan ng Allâh (I), at nagbibigay sila ng mga pagkain kahit na ito ay gustung-gusto pa nila sa kanilang mga sarili at kailangang-kailangan nila, sa mga mahihirap na hindi na nila kaya pang magtrabaho upang kumita, na wala silang anumang pagmamay-ari na kabuhayan; at sa sanggol na namatayan ng kanyang ama na wala siyang anumang yaman, at sa bihag na nabihag sa labanan ng mga walang pananampalataya at iba pa, at sinasabi nila sa kanilang mga sarili: “Katiyakan, nagmamagandang-loob kami sa inyo na ang hangarin namin ay pagmamahal ng Allâh (I) at makamtan ang Kanyang gantimpala, na wala kaming anumang hinahangad na kapalit at hindi ninais na purihin at igalang ninyo.”

“Katiyakan, kami ay natatakot mula sa Allâh (I) na aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha, sa Araw na magiging malungkot at gimbal na gimbal ang mga mukha ng mga tao mula sa pagkatakot dahil sa matinding pangyayari rito.

11-14. Na kung kaya, iniligtas sila ng Allâh (I) mula sa tindi ng mga pangyayari sa Araw na yaon, at pinagkalooban sila ng liwanag ng kagandahan at liwanag sa kanilang mga mukha, at kasiyahan sa kanilang mga kalooban, at gagantimpalaan sila ng dakilang Hardin dahil sa kanilang pagtitiis sa pagsunod sa Allâh (I) noong sila ay nasa daigdig pa, na sila ay kakain mula roon ng anuman na kanilang nais, at magsusuot sila ng mga kasuotan doon na gawa sa sutla (‘silk’), at sila ay nakasandal sa kanilang pagkakaupo roon sa mga upuan na pinalamutian ng mga magagandang burda at mga pantakip, na wala silang matatagpuan doon na anumang init ng araw ni tindi ng lamig, na malapit sa kanila ang mga puno ng Hardin na sila ay nilililiman ng mga sanga nito, na ginawang madali para sa kanila ang pagpitas ng mga bunga nito.

15-18. At umiikot sa kanila ang mga kabataan na tagapagsilbi na dala-dala nila ang mga lalagyan ng pagkain na gawa sa pilak at mga tasa ng inumin na gawa sa kristal, na kristal na naaninag dahil sa kalinawan nito, na gawa sa pilak, na sinukat ng ganap na pagkasukat ng mga tagapagsilbi ng inumin ang anuman na naiibigan nilang inumin na walang labis at walang kulang, at paiinumin sila na mga mabubuti sa ‘Al-Jannah’ ng isang kopita na puno ng alak na hinaluan ng ‘Zanzabîl’ (ginger), na umiinom sila mula sa bukal na ilog ng Hardin na pinangalanang ‘Salsabîl,’ dahil sa linis at ligtas sa anumang idudulot nitong kapinsalaan at kapahamakan, na napakadaling inumin na mabango.

19. At umiikot sa kanila na mga mabubuti upang sila ay pagsilbihan ng mga kabataan na nananatili ang kanilang kabataan magpasawalang-hanggan, na kapag nakita mo sila ay iisipin mo dahil sa ganda at linis ng kanilang mga kutis at liwanag ng kanilang mga mukha na sila ay parang nagkalat na mga perlas na kumikinang.

20. At kapag nakita mo ang anumang lugar sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) ay mamamalas mo ang kaligayahang hindi kayang ipaliwanag ang pagiging lubus-lubusang kagandahan nito, at napakadakila at napakalawak na kaharian na napakaganda na walang katapusan.

21. Nasa ibabaw nila at nagpapaganda ng kanilang mga katawan ang mga kasuotan na kulay berde na napakapino at makapal na sutla, na pinapalamutian sila ng mga pulseras na pilak, at pagkakalooban sila ng Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng higit pa sa ganoong kasiyahan na inumin na napakalinis na walang anumang dumi at bahid dungis.

22. At sasabihin sa kanila: “Katiyakan, ito na ang ipinangako sa inyo bilang kapalit ng inyong mga mabuting gawa, at ang inyong naging gawain sa daigdig ay kalugud-lugod at katanggap-tanggap sa paningin ng Allâh (I).”

23. Katiyakan, ibinaba Namin sa iyo, O Muhammad, ang Banal na Qur’ân nang yugtu-yugto bilang makatotohanang pagpapahayag mula sa Amin; upang paalalahanan sila sa nakapaloob dito na pangako, babala, gantimpala at parusa.

24-25. Na kung kaya, pagtiisan mo, O Muhammad, ang pinagpasiyahan ng Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha bilang Kanyang pagtatakda at ito ay tanggapin mo, at ganoon din ang Kanyang batas at magpatuloy ka sa pagpapatupad nito, at huwag mong sundin ang sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) na nagpakalulong sa kanilang masamang pagnanasa o sukdulang pagtanggi at pagkaligaw, at ipagpatuloy mo ang pag-alaala at pagpuri sa Pangalan ng iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at panalangin sa Kanya sa umaga at hapon.

26. At mula sa bahagi ng gabi ay magpakumbaba ka sa pamamagitan ng pagpapatirapa at taimtim na mag-‘Salâh’ ka na para lamang sa Kanya, at magsagawa ka ng panggabi na ‘Salâh’ sa kahabaan ng gabi – na tinatawag na ‘Tahajjud.’
27. Katiyakan, ang mga yaong sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) ay mga gahaman sa makamundo na rito sila nalilibang at nasisiyahan, at pinabayaan nila at tinalikuran ang gawain para sa Kabilang-Buhay, na kung saan, nandoroon ang kanilang kaligtasan sa Araw na ang kapighatian ay napakasidhi.
28. Katiyakan, nilikha Namin sila, at pinatatag Namin ang pagkalikha sa kanila, at kung nanaisin Namin ay pupuksain Namin sila, at magpapapalitaw Kami ng panibagong tao na higit pa ang pagkatakot sa Allâh (I) kaysa sa kanila.

29-31. Katiyakan, ang mga kabanatang ito ng Banal na Qur’ân ay bilang pagpapayo sa sangkatuhan, na kung kaya, sinuman ang nagnanais ng kabutihan sa kanyang sarili rito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay ay hayaan niyang gawing Daan ang Tunay na Paniniwala at Pagkatakot sa Allâh (I) na maghahatid sa kanya tungo sa kapatawaran ng Allâh (I) at ng Kanyang pagmamahal. At ang anumang bagay na inyong nais ay nasa ilalim lahat ng pagtatakda ng Allâh (I) at ng Kanyang kagustuhan.

Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa katayuan ng Kanyang mga nilikha, na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang pangangasiwa at gawain. At ipinapapasok Niya sa Kanyang awa at pagmamahal ang sinuman na Kanyang nais mula sa Kanyang mga alipin at sila ay ang mga yaong mananampalataya, at ang inihanda naman para sa mga masasama na lumampas sa hangganang itinakda ng Allâh (I) ay masidhing kaparusahan.

No comments: