37
XXXVII – Sûrat As-Sâffât
[Kabanata As-Sâffât – Mga Nakahanay Nang Pantay-Pantay]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1-4. Sumumpa ang Allâh (I) sa pamamagitan ng mga anghel sa kanilang pagsamba nang pantay-pantay na hanay at sa mga anghel na nagtutulak ng mga ulap sa kagustuhan ng Allâh (I) at sa mga anghel na binibigkas nila ang mga papuri sa Allâh (I) at ang Kanyang Salita. Katiyakan, ang inyong ‘Ilâh’ o Diyos na sinasamba, O kayong mga tao, ay nag-iisang ‘Ilâh’ lamang na walang katambal, na kung kaya, maging taos-puso ang inyong pagsamba sa Kanya at pagsunod.
Sumusumpa ang Allâh (I) sa sinuman na Kanyang nais sa Kanyang nilikha, subali’t ang Kanyang mga nilikha ay hindi maaaring sumumpa sa iba bukod Kanya sapagka’t ang panunumpa sa iba bukod sa Allâh (I) ay isang ‘Shirk.’
5. Siya ay ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng mga kalangitan at kalupaan at ang anuman na nasa pagitan nitong dalawa, at Siya ay ‘Rabb’ na Tagapangasiwa sa araw sa pagsikat nito at paglubog nito (o sa mga sinisikatan nito at mga nilulubugan nito).
6. Katiyakan, pinalamutian Namin ang mababang kalangitan ng palamuti na mga bituin.
7. At pinangalagaan Namin ang kalangitan sa pamamagitan ng mga bituin mula sa mga naghimagsik na mga ‘Shaytân’ na isinumpa.
8-9. Hindi makakayanan ng mga ‘Shaytân’ na makarating sa mga grupo ng mga matataas na nilikha, na ito ay mga kalangitan at ang sinuman na naroroon na mga anghel, upang makinig sa kanila sa anuman na kanilang sinasabi na ipinapahayag ng Allâh (I) mula sa Kanyang batas at pagtatakda, at sila (mga ‘Shaytân’) ay binabato sa pamamagitan ng mga bulalakaw sa lahat ng dako; upang sila ay itaboy at ilayo sa anumang pakikinig, at para sa kanila sa Kabilang-Buhay ang masidhing kaparusahan.
10. Maliban sa sinumang nagnanakaw ng pakikinig mula sa mga ‘Shaytân,’ na ito ay salita na mabilisan ang pagkarinig nila rito mula sa kalangitan, at ipararating noong nakarinig sa sinumang nasa ibaba niya, at ipararating naman noong nasa ibaba niya sa kasunod na nasa ibaba niya, hanggang sa ito ay pumapasa sa kababa-babaan, at maaaring tumama sa kanya ang bulalakaw na nagliliyab bago niya ito maiparating sa iba at siya ay masunog, at maaari rin namang ito ay maiparating niya dahil sa ito ay itinakda ng Allâh (I) bago tumama sa kanya ang bulalakaw, at ito ay dadalhin niya sa iba hanggang sa makarating sa mga manghuhula, at hahaluan na nila ito ng isang daang kasinungalingan.
11. Na kung kaya, tanungin mo, O Muhammad (r), ang hindi naniniwala sa Pagkabuhay na Mag-uli, kung mas mahirap ba silang likhain o ang mga ibang nilikhang ito? Dahil katotohanang nilikha Namin ang kanilang ama nila na si Âdam (u) mula sa madikit (malagkit) na alabok na pinagsama-sama.
12. Subali’t mamangha ka, O Muhammad (r), sa kanilang pagpapasinungaling at pagtanggi sa Pagkabuhay na Mag-uli, at mas nakamamangha pa kaysa sa kanilang pagtanggi ang kanilang pag-aalipusta sa iyo at panlalait sa mga sinasabi mo.
13. At kapag pinaaalalahan sila hinggil sa anuman na kanilang nakaligtaan ay hindi pinahahalagahan ang pagpapaalaala at hindi nila pinag-aaralan.
14. At kapag nakakita sila ng katibayan mula sa Allâh (I) na nagpapatunay ng iyong pagiging Propeta ay minamaliit at pinagtatakhan nila.
15-17. At kanilang sasabihin: “Ang anuman na dala-dala mo ay walang iba kundi salamangka na malinaw sa pagiging salamangka nito! Kapag kami ba ay patay na at naging alikabok na at ang aming mga buto ay nagkandadurug-durog na ay palalabasin pa ba kami mula sa aming mga libingan na mga buhay? At ganoon din ang aming mga ninuno, bubuhayin pa ba rin sila na mag-uli gayong matagal na silang wala?”
18. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad: “Oo, bubuhayin kayo na mag-uli at kayo ay mga hamak at mga walang halaga.”
19. Sa pamamagitan lamang ng isang (nakabibinging) ingay ng pag-ihip sa trumpeta, at pagmasdan, sila ay nakatayo mula sa kanilang mga libingan na titig na titig sa kagimbal-gimbal na pangyayari sa Araw ng Muling Pagkabuhay.
20. At kanilang sasabihin: “Kapighatian sa amin! Ito na ba ang Araw ng Paghuhukom at Pagbabayad!”
21. Sasabihin sa kanila: “Ito ang Araw ng Pagpapasiya sa pagitan ng nilikha na makatarungang pagpapasiya na hindi ninyo pinaniwalaan sa daigdig at kinagawian ninyo na tanggihan.”
22-23. “Tipunin ninyo ang mga hindi naniwala sa Allâh (I) at ang kanilang mga kasamahan, gayundin ang kanilang mga sinasamba bukod sa Allâh (I), at kaladkarin ninyo sila nang matinding pagkakaladkad tungo sa Impiyernong-Apoy.
24. “At patigilin ninyo sila bago sila makarating sa Impiyerno; dahil sila ay papananagutin sa anuman na kanilang nagawa at mga sinabi noong sila ay nasa daigdig pa at tatanungin sila na may paghamak na pagtatanong.”
25. At sasabihin sa kanila bilang pag-aalipusta: “Bakit hindi kayo nagtutulungan sa isa’t isa?”
26. Hindi ang kanilang inaakala ang katotohanan! Kundi sa Araw na yaon ay susuko sila sa kagustuhan ng Allâh (I) at hindi nila sasalungatin ang Allâh (I) at hindi sila lilihis, at wala silang maitutulong na anuman sa kanilang mga sarili.
27. At maghaharap sa isa’t isa ang mga walang pananampalataya at magsisisihan at magtatatalu-talo.
28. Sasabihin ng mga sumunod sa kanilang mga sinunod: “Katiyakan, kinaugalian ninyo na kayo ay dumarating sa amin na nagpapanggap na kunwa’y ang dala-dala ay katotohanan at pinababalewala ninyo sa amin ang Batas at nilalayo ninyo kami mula rito at pinagaganda ninyo sa amin ang bawa’t kasamaan at pagkaligaw.”
29. Tumugon ang sinunod sa mga sumunod sa kanila: “Katiyakan, hindi ang inyong inaangkin ang katotohanan, kundi ang inyong mga puso ang tumanggi sa paniniwala at tumanggap ng di-paniniwala at paglabag.”
30. “At wala kaming katibayan para sa inyo o di kaya ay lakas upang pigilan kayo mula sa paniniwala, kundi kayo ay mga tao na lumampas sa hangganang itinakda ng Allâh (I).
31. “Na kung kaya, naging makatarungan sa atin ang mga babala ng ating ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at tayo sa katotohanan ay matitikman ang kaparusahan, kami at kayo, dahil sa ating nagawang kasalanan at paglabag noong tayo ay nasa daigdig pa.
32. “At iniligaw namin kayo mula sa Daan ng Allâh (I) at paniniwala sa Kanya, at kami sa katotohanan ay ligaw na bago pa man, na kung kaya, napahamak kami dahil sa aming di-paniniwala at hinamak namin kayo sa pamamagitan ng pagsama ninyo sa amin.”
33. Na kung kaya, ang mga sumunod at ang mga sinunod ay magkakasama sa Araw ng Muling Pagkabuhay sa kaparusahan, na katulad din ng kanilang pagsasama-sama sa daigdig sa paglabag sa Allâh (I).
34. Katiyakan, gayon ang ginagawa Namin sa mga yaong pinili nila ang paglabag sa
Allâh (I) sa daigdig kaysa sa pagsunod sa Kanya, na kung kaya, ipalalasap Namin sa kanila ang masidhing kaparusahan.
35. Katiyakan, sila na mga sumamba ng iba bukod sa Allâh (I) noong sila ay nasa daigdig pa, kapag sinabi sa kanila: “Lâ i-lâ-ha il-lal-lâh – walang sinuman ang may karapatan at karapat-dapat na sambahin kundi ang Allâh (I),” at inaanyayahan sila tungo rito at inuutusan sila na iwasan ang anuman na salungat dito ay nagmamataas sila na tumatanggi mula rito at sa sinuman na nagdala nito.
36. At kanilang sinasabi: “Tatalikuran ba namin ang pagsamba ng aming diyus-diyosan dahil lamang sa sinasabi ng manunula na ito na wala sa katinuan?” Na ang ibig nilang sabihin ay si Muhammad.
37. Nagsinungaling sila, dahil hindi ang kanilang inaakala ang siyang katotohanan hinggil kay Muhammad (r), kundi ang dala-dala niya ay ang katotohanan na Banal na Qur’ân at Kaisahan ng Allâh (I), at pinatotohanan niya ang mga Sugo sa anuman na kanilang mensaheng ipinarating mula sa batas ng Allâh (I) at Kanyang Kaisahan
38. Walang pag-aalinlangan, kayo, O kayong mga walang pananampalataya dahil sa inyong sinabi at inyong di-paniniwala at pagtanggi ay malalasap ninyo ang masidhing kaparusahan.
39. At hindi kayo pagbabayarin sa Kabilang-Buhay kundi ang ano lamang na inyong ginawa rito sa daigdig na mga kasalanan.
40. Maliban sa mga alipin ng Allâh (I) na taos-puso ang kanilang pagsamba sa Allâh (I), na kung kaya, binukod-tangi sila ng Allâh (I) sa Kanyang awa; dahil walang pag-aalinlangan, sila ay maliligtas sa masidhing kaparusahan.
41. Sila na mga maliligtas ay para sa kanila sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) ang kilalang kabuhayan na walang katapusan.
42-43. Itong kabuhayan na tinutukoy ay mga iba’t ibang uri ng prutas, at sila roon ay pararangalan bilang kagandahang-loob mula sa Allâh (I), na para sa kanila ay kasiyahan na walang katapusan sa mga hardin.
44. At kabilang sa pagpaparangal sa kanila ng kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay ang pag-iistima nila sa isa’t isa na sila ay nakaupo sa mga trono na magkakaharap-harap sa isa’t isa.
45-47. Ipinaiikot sa kanilang mga inuupuan ang mga tasa ng alak mula sa mga umaagos na ilog, na hindi sila nangangamba na ito ay maubos, na ito ay maputi na napakasarap na inumin na hindi nakasisira sa katawan at kaisipan.
48-49. At nandoroon para sa kanila sa kanilang mga inuupuan ang mga malilinis at mararangal na mga kababaihan na hindi titingin ang mga ito kundi sa kanilang mga asawa lamang na magaganda ang kanilang mga mata, na para silang mga itlog na pinangalagaan na hindi pa nahawakan ng sinumang kamay.
50. Maghaharapan sila sa isa’t isa na magtatanungan hinggil sa naging kalagayan nila noon sa daigdig at ang kanilang kahirapan, at kung ano ang ibinungang biyaya na ibinigay sa kanila sa ‘Al-Jannah’ (Hardin), at ito ang kabuuan ng kapanatagan.
51. At sasabihin ng tagapagsalita nila na naninirahan sa ‘Al-Jannah’ (Hardin): “Katiyakan, mayroon tayong kasamahan (noon) sa daigdig na palagi nating kasa-kasama.”
52-53. Na kinaugalian niyang sabihin: “Paano ka maniniwala sa Pagkabuhay na Mag-uli na ito ay isang bagay na nakapagtataka? Kapag tayo ba ay namatay na at nagkahiwa-hiwalay na ang ating mga katawan at naging alikabok na tayo at naging mga buto na lamang ay bubuhayin pa ba tayong mag-uli, huhukuman at pagbabayarin sa ating mga nagawa?”
54-55. Sinabi ng tagapagsalita sa mananam-palataya na ipinapasok sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) at sa kanyang mga kasamahan: “Nakikita ba ninyo ang nangyari sa kasamahan natin (noon sa daigdig)?” Tumingin siya at nakita niya ang kanyang kasamahan na nasa kalagitnaan ng Impiyerno.
56-57. Sinabi noong mananampalataya sa kanyang kasamahan na hindi naniwala sa Pagkabuhay na Mag-uli: “Walang pag-aalinlangan, muntik mo na akong maipahamak sa pamamagitan ng pagpigil mo sa akin na maniwala, kung sinunod kita. Kung hindi lamang sa kagandahang-loob ng aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha na ginabayan Niya ako tungo sa paniniwala at pinatatag niya ako rito ay mapapabilang ako sa mga dadalhin sa kaparusahan na kasama mo.
58-60. “Katotohanan ba na tayo ay mananatili at magpapakasaya na hindi na tayo mamatay maliban sa unang pagkamatay natin sa daigdig, at hindi na tayo parurusahan pagkatapos nating pumasok sa ‘Al-Jannah’ (Hardin)?” Walang pag-aalinlangan, ang kasiyahan na natatamasa natin ay ang pinakadakilang tagumpay.
61. Sa katulad nitong ganap na kasiyahan at pagpapanatili magpasawalang-hanggan at dakilang tagumpay ay nagpupunyagi ang mga gumagawa ng kabutihan sa daigdig; upang ito ang kanilang paroroonan sa Kabilang-Buhay
62. Ang ganito ba na naisalaysay na kaligayahan sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) ang mas mabuti bilang pag-aasikaso sa panauhin at ang pagkakaloob na mula sa Allâh (I) ng mga masaganang biyaya o ang puno ng ‘Zaqqum’ na marumi na isinumpa na pagkain ng mga nasa Impiyerno?
63. Katiyakan, ginawa Namin ang ganito bilang pagsubok sa mga masasama na hinamak nila ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng di-naniwala at paglabag, at sinabi nila bilang matinding pagdidiin sa pagtanggi at pagpapasinungaling sa Qur’ân: “Katiyakan, sinasabi ng inyong kasamahan na mayroong puno sa Impiyerno at kinakain ng Apoy ang puno.”
64-68. Katiyakan, ito ay puno na tumutubo mula sa kaila-ilaliman ng Impiyerno, napakapangit ang hugis ng bunga nito na parang ulo ng mga ‘Shaytân,’ na kung ganito ang katangian nito ay huwag mo nang itanong pa kung ano ang lasa nito. Katiyakan, ang mga walang pananampalataya ay kakain mula sa puno nito at mapupuno ang kanilang mga tiyan. At pagkatapos nilang kumain ay iinom sila ng marumi at mainit na pinaghalo ang pagiging marumi at init nito, pagkatapos ay walang pag-aalinlangang ang kanilang patutunguhan ay panibagong masidhing kaparusahang muli sa Impiyernong-Apoy na naglalagablab.
69-70. Katiyakan, natagpuan nila ang kanilang mga ninuno na gumawa ng ‘Shirk’ – sumamba ng iba bukod sa Allâh (I) at nasa pagkaligaw, na kung kaya, kaagad sila na sumunod sa kanila
71. At katiyakan, naligaw sa katotohanan ang karamihang sambayanan bago ang iyong sambayanan, O Muhammad.
72. Katiyakan, nagpadala Kami sa mga sambayanan na yaon ng mga Sugo upang sila ay balaan sa kaparusahan subali’t sila ay hindi naniwala.
73. Pagmasdan mo kung ano ang naging wakas nitong mga sambayanan na binigyan ng babala at tumanggi sa paniniwala. Walang pag-aalinlangang sila ay pinarusahan at naging aral ito sa mga tao.
74. Maliban sa mga alipin ng Allâh (I) na taos-puso ang kanilang paniniwala sa Allâh (I), at binukod-tangi sila ng Allâh (I) sa Kanyang Awa dahil sa kanilang dalisay na layunin.
75. At katiyakan, nanawagan sa Amin ang Aming Propeta na si Nûh; upang tulungan Namin siya laban sa kanyang sambayanan at Kami ang pinakamabuting tagatugon sa kanyang panawagan.
76. At iniligtas Namin siya at ang kanyang pamilya at ang mga naniwala sa kanya mula sa pagmamalupit ng mga walang pananampalataya at mula sa pagkalunod sa dakilang delubyo.
77. At ginawa Namin ang pamilya ni Nûh (u), na sila ang nanatili pagkatapos ng pagkalunod ng kanyang sambayanan.
78. At nag-iwan Kami para sa kanya ng isang mabuting alaala at papuri ng mga tao mula sa mga darating na henerasyon pagkatapos niya.
79. Kapayapaan para kay Nûh at kaligtasan mula sa anumang masamang kuwento ng iba laban sa kanya, sa halip siya ay pinupuri ng iba’t ibang henerasyon pagkatapos niya.
80. Katulad ng Aming pagbibigay ng gantimpala kay Nûh ay ganoon din Namin ginagantimpalaan ang lahat ng naging mabuti mula sa Aming mga alipin sa kanilang pagsunod sa Allâh (I).
81. Katiyakan, si Nûh ay kabilang sa Aming mga matatapat at mga dalisay ang kalooban mula sa Aming mga alipin.
82. Sinanhi Namin na malunod ang iba na mga hindi naniwala mula sa kanyang sambayanan sa pamamagitan ng delubyo (o baha), at walang sinuman ang natira mula sa kanila.
83-87. At katiyakan, kabilang sa mga taong sumunod sa alintunin ng kanyang (Nûh) ‘Deen’ ay ang Aming Propeta na si Ibrâhim (u) noong siya ay dumating na tinataglay niya ang dalisay na puso na malayo sa lahat ng maling paniniwala at masamang pag-uugali, noong sinabi niya sa kanyang ama at sa kanyang sambayanan bilang hindi pagsang-ayon sa kanila: “Ano ang inyong sinasamba bukod sa Allâh (I)? Mas ninais ba ninyo na sambahin ang inyong mga diyus-diyosan at tinanggihan ninyo ang pagsamba sa Allâh (I) na Bukod-Tanging karapat-dapat lamag na sambahin? Ano ang iniisip ninyo na maaaring gawin sa inyo ng Allâh (I) na ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng lahat ng mga nilalang kapag kayo ay sumamba ng iba bukod sa Kanya?”
88-90. Pagkatapos ay tumingin si Ibrâhim bilang pagmumuni-muni sa mga bituin upang siya ay makatanggi na sumama sa kanila tungo sa kanilang pagdiriwang, at kanyang sinabi sa kanila: “Katotohanan, ako ay may karamdaman.” At ito ay hindi tuwirang pagtanggi mula kay Ibrâhim, na kung kaya, pinabayaan na lamang nila siya at iniwan.
91-92. Pagkatapos ay tumungo siya nang mabilisan sa mga diyus-diyosan ng kanyang sambayanan at kanyang sinabi bilang panlalait: “Hindi ba kayo kakain ng mga pagkaing inialay sa inyo ng inyong mga alagad? Bakit hindi kayo nagsasalita at hindi kayo tumutugon sa nagtatanong sa inyo?”
93. Pagkatapos ay lumapit siya sa kanilang mga diyus-diyosan, at pinagpapalo niya at pinagbabasag niya sa pamamagitan ng kanyang kanang kamay; upang patunayan niya sa kanyang sambayanan ang kanilang kamalian sa pagsamba nila nito.
94. Pagkatapos ay pinuntahan nila siya na nagmamadali at galit na galit.
95-96. At sinalubong sila ni Ibrâhim na matatag na nagsasabi: “Paano ninyo sinasamba ang mga rebulto na inukit ninyo mismo at ginawa ng inyong mga kamay, at tinalikuran ninyo ang pagsamba sa Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha at lumikha sa iyong sinamba?”
97. – At nang napatunayan niya sa kanila ang katibayan ay ginamit na nila ang kanilang lakas – at kanilang sinabi: “Magtayo kayo ng gusali at punuin ninyo ng mga panggatong, pagkatapos kapag nag-aapoy na ay saka ninyo itapon si Ibrâhim doon.”
98. At nagpakana sila ng masamang balakin laban kay Ibrâhim upang siya ay patayin at ginawa Namin silang hamak, pinakamababa at talunan; dahil sa pangyayaring ito ay naitatag ni Ibrâhim ang kanyang katibayan at walang nagawa ang kanilang pakana.
99-100. At sinabi ni Ibrâhim: “Katiyakan, ako ay tutungo sa aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa lugar na kung saan maisasakatuparan ko ang aking pagsamba sa Kanya; dahil walang pag-aalinlangang tiyak na gagabayan Niya ako sa kabutihan hinggil sa aking pagsamba at sa aking makamundong buhay. O aking ‘Rabb!’ Pagkalooban Mo ako ng mabuting anak.”
101. Na kung kaya, tinugunan Namin ang kanyang panalangin, at ibinigay Namin sa kanya ang magandang balita na pagkakaroon ng anak na ‘Halim’ – na siya ay magiging maunawain paglaki niya na ito ay si Ismâ`il (u).
102. At nang lumaki na si Ismâ`il, siya ay naglalakad na kasama ng kanyang ama, na sinabi ng kanyang ama: “Katiyakan, nakita ko sa aking panaginip na kinakatay kita bilang pag-aalay, na kung kaya, ano ang masasabi mo?” – ang mga panaginip ng mga Propeta ay totoo – sinabi ni Ismâ`il bilang pagmamahal sa Allâh (I) na kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pagiging masunurin sa kanyang ama, at kaagapay niya sa pagsunod sa kagustuhan ng Allâh (I): “O kagalang-galang kong ama! Gawin mo kung ano ang ipinag-utos ng Allâh (I) sa iyo, na ako ay ihahandog, katiyakan, matatagpuan mo ako sa kapahintulutan ng Allâh (I), na matiisin, masunurin bilang paghangad ng Kanyang gantimpala.”
103. Pagkatapos, nang isinuko nilang dalawa ang kanilang mga sarili sa kagustuhan ng Allâh (I) at nagpasailalim, at inihiga na ni Ibrâhim ang kanyang anak at pinatagilid niya ang kanyang mukha na nakaharap sa kalupaan upang ito ay kanyang ialay.
104-105. At tinawagan Namin si Ibrâhim sa ganitong matindi niyang kalagayan: “O Ibrâhim, katiyakan, naisagawa mo ang ipinag-utos sa iyo, at naisakatuparan mo ang iyong panaginip, katiyakan, kung paano ka Namin ginagantimpalaan sa iyong pagiging tapat ay ganoon din Namin gagantimpalaan ang mga naging mabuti na katulad mo, at ililigtas Namin sila mula sa kapahamakan dito sa buhay sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.
106. “Katiyakan, ang kautusan sa pag-alay mo sa iyong anak ay mabigat na pagsubok na nagpapatunay ng iyong pagiging tapat sa iyong pananampalataya.”
107. At iniligtas Namin si Ismâ`il at gumawa Kami ng panghalili para sa kanya na malaking tupa.
108. At nag-iwan Kami para kay Ibrâhim ng mabuting alaala mula sa mga darating pang sambayanan pagkatapos niya.
109. Pagbati ng ‘Salâm’ (Kapayapaan) para kay Ibrâhim mula sa Allâh (I), at pagkakaloob ng kaligtasan sa kanya mula sa lahat ng di-nais-nais.
110. Kung paano Namin ginantimpalaan si Ibrâhim sa kanyang pagiging masunurin at pagsunod sa Aming kautusan ay ganoon din Namin gagantimpalaan ang mga mabubuti mula sa Aming mga alipin.
111. Katiyakan, siya ay kabilang sa Aming mga alipin na mananampalataya na naisakaturapan ang kanilang pagiging tunay na alipin.
112. At ipinagkaloob Namin kay Ibrâhim ang magandang balita ng pagkakaroon ng anak na si Ishâq (u) – isang Propeta na kabilang sa mga mabubuti; bilang gantimpala sa kanyang pagiging matiisin at pagiging bukal na pagtanggap sa kautusan ng Allâh (I) na kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at pagiging masunurin sa Kanya.
113. At ibinaba Namin para sa kanilang dalawa ang biyaya. At mayroon sa kanilang lahi ang naging masunurin sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na matuwid sa kanyang sarili at mayroon din ang naging masama na inaapi ang kanyang sarili sa pamamagitan ng malinaw na pagtanggi at paglabag.
114-115. At katiyakan, pinagkalooban Namin si Mousã (u) at Hâroun (u) ng pagka-Propeta at mensahe, at iniligtas Namin silang dalawa at ang kanilang tagasunod mula sa pagkalunod at mula sa pang-aalipin sa kanila at panghahamak.
116. At ipinagkaloob Namin ang tulong sa kanila, na kung kaya, ito ay naging karangalan sa kanila, tagumpay at pangingibabaw laban kay Fir`âwn at sa kanyang angkan.
117-119. At ipinagkaloob Namin sa kanilang dalawa ang malinaw na kasulatan na ito ay ‘Tawrah,’ at ginabayan Namin sila sa Matuwid na Landas na walang kabaluktutan, na ito ay Islâm na ‘Deen’ ng Allâh (I) na ipinadala Niya ang Kanyang mga Propeta sa pamamagitan ng mensahe nito, at nag-iwan Kami para sa kanila ng magandang alaala at papuri mula sa darating pagkatapos nila.
120-122. Kapayapaan, para kay Mousã (u) at Hâroun (u) mula sa Allâh (I) at papuri, pagkakaloob sa kanila ng kaligtasan sa lahat ng kapinsalaan at di-nais-nais, at kung paano Namin ginantimpalaan silang dalawa ng mabuting gantimpala ay ganoon din Namin gagantimpalaan ang mga mabubuti mula sa Aming mga alipin na mga dalisay ang kalooban sa pamamagitan ng katapatan, paniniwala at pagsunod. Katiyakan, silang dalawa ay kabilang sa mga alipin Namin na mga matatag sa kanilang paniniwala.
123-126. At katiyakan, ang Aming alipin na si Ilyâs (u) ay kabilang sa mga pinarangalan Namin ng pagiging Propeta at pagiging Sugo, noon sinabi niya sa kanyang sambayanan mula sa angkan ni Isrâ`îl: “Matakot kayo sa Allâh (I) na Bukod-Tangi at maging maingat kayo at huwag kayong sumamba ng iba bilang katambal sa pagsamba sa Kanya, paano ninyo sinasamba ang mga diyus-diyosan at tinatalikuran ninyo ang pagsamba sa Allâh (I) na ‘Ahsanul Khâliqeen’ –Pinakamahusay sa lahat ng mga tagapaglikha, samantalang Siya ay inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha na lumikha sa inyo at lumikha ng iyong mga ninuno na mga nauna sa inyo?”
127-128. Hindi pinaniwalaan ng sambayanan ni Ilyâs ang kanilang Propeta, na kung kaya, walang pag-aalinlangan, titipunin sila ng Allâh (I) sa Araw ng Muling Pagkabuhay para sa paghuhukom at pagpaparusa, maliban sa mga alipin ng Allâh (I) na taos-puso ang kanilang pagsunod sa ‘Deen’ ng Allâh (I), dahil walang pag-aalinlangan, sila ay maliligtas mula sa Kanyang kaparusahan.
129-132. At nag-iwan Kami para kay Ilyâs ng magandang papuri mula sa mga susunod pang sambayanan pagkatapos niya. Kapayapaan bilang pagbati kay Ilyâs mula sa Allâh (I) at papuri sa kanya. At kung paano Namin ginantimpalaan si Ilyâs ng mabuting gantimpala sa kanyang pagsunod ay ganoon din Namin gagantimpalaan ang mga mabubuti mula sa Aming mga alipin na mga mananampalataya. Katiyakan, siya ay kabilang sa Aming mga alipin na mananampalataya na mga dalisay ang kanilang kalooban para sa Allâh (I) sa pamamagitan ng katapatan at paniniwala.
133-135. At katiyakan, pinili Namin ang Aming alipin na si Lût (u), at ibinilang Namin siya sa mga Sugo, noong iniligtas Namin siya at ang lahat ng kanyang pamilya mula sa kaparusahan maliban sa matandang babae na ito ay kanyang asawa dahil siya ay napahamak kasama ng mga napahamak mula sa kanyang sambayanan dahil sa kanyang di-paniniwala.
136. Pagkatapos ay winasak Namin ang iba na nanatili na walang pananampalataya mula sa kanyang sambayanan.
137-138. Katiyakan, kayo na taga-Makkah ay nadaraanan ninyo sa inyong paglalakbay ang mga tahanan ng sambayanan ni Lût at ang mga bakas na naiwan nila habang kayo ay naglalakbay sa umaga, nadaraanan din ninyo habang kayo ay naglalakbay sa gabi, na kung kaya, hindi ba ninyo pinag-iisipang mabuti, upang kayo ay magkaroon ng takot na baka mangyari sa inyo ang katulad ng nangyari sa kanila?
139-140. At katiyakan, ang Aming alipin na si Yûnus (u) ay Aming pinili at ibinilang Namin siya sa mga Sugo. Noong siya ay tumakas mula sa kanyang bayan na ito ay hindi ipinag-utos sa kanya ng Allâh (I) na kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at sumakay siya ng sasakyang pandagat na punung-puno ng mga pasahero at mga bagahe.
141. At nang napalibutan na sila ng mga malalaking alon ay nagkasundo na magpalabunutan ang mga nakasakay sa sasakyang pandagat upang mabawasan ang lulan nito dahil sa pangamba na sila ay malunod, at si Yûnus ang nabunot sa palabunutang yaon.
142. At itinapon siya sa karagatan at kinain siya ng malaking isda, at si Yûnus ay nakagawa ng isang bagay na karapat-dapat na papanagutin.
143-144. At kung hindi lang sa kanyang nagawa na maraming pagsamba at mabuting gawa bago siya napunta sa tiyan ng malaking isda at sa kanyang pagpupuri sa Allâh (I) habang siya ay nasa loob ng tiyan ng malaking isda, na kanyang sinasabi: “Lâ i-lâ-ha il-lâ an-ta sub-hâ-na-ka in-nî kun-tum mi-nadz-dzâ-li-meen” (na ang ibig sabihin: walang sinuman ang may karapatan at karapat-dapat na sambahin kundi Ikaw, O Allâh (I), Luwalhati sa Iyo, walang pag-aalinlangan, ako ay kabilang sa mga masasama na nakagawa ng kasalanan) ay mananatili siya sa tiyan ng malaking isda at ito na ang kanyang magiging libingan hanggang sa Araw ng Muling Pagkabuhay.
145. At inilabas Namin siya mula sa tiyan ng malaking isda, at ipinadpad Namin siya sa dalampasigan na may patag na kalupaan na walang puno at walang kabahayan – ilang na kalupaan – na nasa mahinang kalagayan ang kanyang pangangatawan.
146. At pinasibol Namin para sa kanya ang halaman ng ‘kara`’ (‘gourd’ o halamang gumagapang na tulad ng kalabasa) para siya liliman at mapakinabangan niya ito.
147-148. At ipinadala Namin siya tungo sa isang daang libong mga tao o higit pa kaysa rito mula sa kanyang sambayanan, at naniwala sila sa kanya, na kung kaya, pinagkalooban Namin sila ng pansamantalang kaligayahan dito sa daigdig hanggang sa pagdating ng kanilang itinakdang kamatayan.
149. Tanungin mo, O Muhammad, ang iyong sambayanan: “Paano nila itinangi para sa Allâh (I) ang mga anak na kababaihan na kanilang kinamumuhian, at itinangi naman nila sa kanilang sarili ang mga anak na kalalakihan na yaon ang kanilang labis na inaasam?”
150. At itanong mo rin sa kanila: “O nilikha ba Namin ang mga anghel na mga kababaihan, na sila ay nandoroon habang nililikha ang mga ito?”
151-152. At katiyakan, kabilang sa kanilang kasinungalingan ay ang pagsasabi nila: “Nagkaroon ang Allâh (I) ng anak na lalaki, na walang pag-aalinlangang sila ay mga sinungaling; dahil sila ay nagsasabi ng bagay na hindi nila alam.”
153. Ano ba ang dahilan kung gayon na mas pipiliin ng Allâh (I) ang mga anak na kababaihan kaysa sa mga anak na kalalakihan?
154. Napakasama ng paghatol na inyong ginagawa, O kayong mga tao, na itinangi ninyo sa Allâh (I) ang mga anak na kababaihan at sa inyo naman ay mga anak na kalalakihan, samantalang kayo ay hindi ninyo naiibigan sa inyong mga sarili ang mga anak na kababaihan.
155. Hindi ba kayo nakaalaala na ang Allâh (I) ay hindi maaaring magkaroon ng anak? Kataas-taasan sa Allâh (I) na Siya ay malayo sa kanilang pagbibintang.
156. O di kaya ay mayroon ba kayong malinaw na katibayan sa inyong sinasabi at inaangkin na kasinungalingan?
157. Kung kayo ay may katibayan na nasa kasulatan na nagmula sa Allâh (I) ay ipakita ninyo kung kayo ay nagsasabi ng katotohanan!
158. Itinuring (o inimbento) ng mga ‘Mushrikun’ – sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) – na ang Allâh (I) at ang mga ‘Jinn’ ay may ugnayang magkamag-anak, samantalang alam ng mga Jinn na sila (mga ‘Jinn’) ay titipunin at papanagutin sa Araw ng Muling Pagkabuhay.
159. Luwalhati sa Allâh (I), Siya ay malayo sa anumang hindi karapat-dapat na para sa Kanya na itinatangi ng mga walang pananampalataya.
160. Subali’t ang mga alipin ng Allâh (I) na taos-puso sila sa kanilang pagsamba sa Kanya ay hindi nila itinatangi sa Allâh (I) ang anuman maliban sa kung ano ang angkop sa Kanyang Kamaharlikaan at Kadakilaan.
161-163. Katiyakan, kayo na sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) ay wala kayong sinasamba bukod sa Allâh (I) kundi mga diyus-diyosan lamang, na wala kayong inililigaw na sinuman maliban sa sinumang itinakda ng Allâh (I) na Kataas-taasan na siya ay susunugin sa Impiyerno; dahil sa kanyang di-paniniwala at pagiging masama.
164-166. Sinabi ng mga anghel: “Walang kahit sinuman sa amin kundi mayroon siyang nakabukod na lugar sa kalangitan, at kami sa katotohanan ay nakatayo na nakahanay sa pagsamba namin sa Allâh (I) at pagsunod sa Kanyang kagustuhan, at katiyakan, kami ay lumuluwalhati sa Kanya bilang pagdakila, na Siya ay malayo sa anumang hindi karapat-dapat na para sa Kanya.”
167-169. At katiyakan, sinasabi nila na mga walang pananampalataya na taga-Makkah bago ka pa ipinadala, O Muhammad: “Kung dumating lamang sa atin ang mga Aklat at mga Propeta na katulad ng dumating sa mga nauna sa atin, ay magiging alipin tayo ng Allâh (I) na mga matatapat sa paniniwala at mga taos-puso sa pagsamba.”
170. At noong dumating sa kanila ang mga kuwento hinggil sa mga naunang mga tao at kaalaman hinggil sa mga darating pa na mga tao, at ang ganap na kasulatan, at ang pinakabukod-tangi sa lahat ng Sugo na siya ay si Muhammad (r) ay hindi nila pinaniwalaan, walang pag-aalinlangan, matutunghayan nila kung ano ang parusa sa kanila sa Kabilang-Buhay.
171-173. At katiyakan, nauna na ang Aming pagpasiya, na hindi na mababago para sa Aming mga alipin na mga Sugo, na walang pag-aalinlangan, para sa kanila ang pangingibabaw laban sa kanilang mga kalaban sa pamamagitan ng katibayan at kapangyarihan, at katiyakan, ang Aming mga sundalo na mga nakikipaglaban sa daan patungo sa Amin ay walang pag-aalinlangang sila ay mananalo laban sa kanilang mga kalaban sa lahat ng pagkakataon dahil sa ang pagturing sa tunay na tagumpay ay ang pagwawagi sa dakong huli.
174-175. Na kung kaya, tumalikod ka, O Muhammad, mula sa kanila na nagmamatigas, at hindi tumanggap ng katotohanan hanggang matapos ang itinakda mo na panahon bilang palugit, at darating ang kautusan ng Allâh (I) para sila ay parusahan, pagmasdan mo kung ano ang parusa na mangyayari sa kanila dahil sa paglabag nila sa iyo, at walang pag-aalinlangang makikita nila ang anumang mangyayari sa kanila na kaparusahan ng Allâh (I).
176-177. Minamadali ba nila ang pagbaba ng parusa Namin sa kanila, O Muhammad? At kapag bumaba ang Aming parusa sa kanila ay magiging napakasamang umaga ang kanilang umaga.
178-179. Na kung kaya, pabayaan mo na sila, O Muhammad, hanggang sa pahintulutan ng Allâh (I) na maganap ang parusa sa kanila, at pagmasdan mo sila, dahil walang pag-aalinlangang makikita nila ang anumang mangyayari sa kanila na parusa ng Allâh (I).
180. Luwalhati sa Allâh (I) na Siya ay ‘Rabb’ na Tagapaglikha na Dakila, na Siya ay malayo sa anumang itinatangi nila na mga kasinungalingan laban sa Kanya.
181. At tuluy-tuloy na kapayapaan bilang pagbabati ng Allâh (I), at ang pagpupuri at kaligtasan ay para sa lahat ng mga Sugo.
182. At papuri sa Allâh (I) na ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng mga nilalang mula sa umpisa hanggang sa duluhan, na Siya ay Bukod-Tanging karapat-dapat nito, na Siya ay walang katambal.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment