16
XVI – Sûrat An-Nahl
[Kabanata An-Nahl – Ang mga Bubuyog]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Malapit na ang pagdating ng Oras ng pagkagunaw ng daigdig at ang pinagpasiyahan ng Allâh (I) na parusahan kayo – O kayo na mga walang pananampalataya – na kung kaya, huwag ninyong madaliin ang parusa na dumating sa inyo upang kutyain lamang ang ipinadalang Sugo na siyang nagbigay ng babala sa inyo. Luwalhati at Napakadakila ng Allâh (I) na Siya ay ligtas at malayo sa anumang ginawa nilang pagtatambal at sa kanilang mga sinambang iba.
2. Nagpababa ang Allâh (I) ng mga anghel na may kasamang rebelasyon bilang Kanyang Kautusan para sa sinuman na Kanyang nais mula sa Kanyang mga alipin na mga Sugo: “Upang balaan nila ang mga tao na lumayo mula sa pagsagawa ng ‘Shirk,’ na walang pag-aalinlangan na walang sinuman ang karapat-dapat na sambahin kundi Ako, na kung kaya, katakutan ninyo Ako, sa pamamagitan ng pagsasagawa sa Aking mga ipinag-uutos at pagsamba sa Akin nang bukod-tangi at taimtim.”
3. Nilikha ng Allâh (I) ang mga kalangitan at kalupaan bilang katotohanan; upang maging katibayan ang dalawang ito sa mga alipin sa Kadakilaan ng Tagapaglikha nito, at walang pag-aalinlangan, Siya lamang ang Bukod-Tangi na karapat-dapat sambahin, Luwalhati sa Allâh (I) na Kataas-Taasan na Malaya at Napakadakila sa anuman na kanilang ginawang pagtatambal.
4. Nilikha ng Allâh (I) ang tao mula sa ‘Nutfah’ – isang lusaw na bagay na walang halaga (nagsamang mga patak ng semilya ng lalaki at babae pagkatapos ng pagtatalik), pagkatapos ay pagmasdan, ang parehong tao ring ito ang siyang naging lantarang kaaway, noong siya ay lumakas ay nagmataas siya, at naging matindi ang kanyang pagsalungat at pakikipagtalo sa Kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa pamamagitan ng pagtanggi sa Pagkabuhay na Mag-uli at iba pa, na kanyang sinabi: “Sino ang makapagbibigay ng buhay sa buto kapag ito ay nadurog na?” At nakalimutan niyang ang Allâh (I) ay Siyang lumikha sa kanya mula sa wala.
5. At ang mga hayop na tulad ng kamelyo, baka at kambing ay nilikha ng Allâh (I) para sa inyo, O kayong mga tao! At ginawa Niya ang mga balahibo nito bilang panlaban sa lamig, at iba pang mga kapakinabangan na tulad ng gatas at balat nito, at nasasakyan din ang ilan sa mga ito, at mayroon din sa mga ito ang maaaring kainin.
6. At mayroong palamuti para sa inyo sa mga ito, na nasisiyahan kayo kapag nakikita ninyo ang mga ito na iniuuwi na sa inyong mga tahanan sa hapon, at ganoon din sa oras na ito ay palalabasin sa umaga tungo sa pastulan.
7. At dinadala ng mga hayop na ito ang mga mabibigat na kagamitan tungo sa mga malalayong bayan na hindi ninyo basta-basta nararating nang hindi muna kayo maghihirap nang labis. Katotohanan, ang inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay ‘Raouf’ – Punung-Puno ng Kabutihan, na ‘Raheem’ – Napakamawaain at Ganap na Mapagmahal sa inyo, noong ginawa Niya na maging madali para sa inyo na makamtan ang anuman na inyong pangangailangan, samakatuwid, para lamang sa Kanya ang papuri at pasasalamat.
8. Nilikha Niya ang mga kabayo, ang mga buriko at ang mga mola upang ito ay masakyan ninyo, at bilang palamuti ninyo. At lumilikha Siya para sa inyo ng iba pang mga uri ng sasakyan na hindi pa ninyo alam; upang mapalakas ang inyong mga paniniwala at magpasalamat sa Kanya.
9. At para sa Allâh (I) ang tungkulin na ipaliwanag sa inyo ang Matuwid na Landas upang gabayan kayo, na ito ay ang Islâm. Subali’t may mga landas na lihis na hindi nagdudulot ng gabay, na ito ay ang lahat ng bagay na labag sa Islâm, iba’t-ibang paniniwala at relihiyon. At kung gugustuhin lamang ng Allâh (I) ay gagabayan kayong lahat tungo sa Tamang Paniniwala.
10. Siya ang nagbaba para sa inyo mula sa ulap ng tubig-ulan, at mula rito ay nagmumula ang inyong tubig na iniinom, at sa pamamagitan din nito ay pinasisibol Niya ang mga puno at mga pananim upang gawin ninyong pastulan sa inyong mga hayop, at ito ay nagdudulot sa inyo ng kapakinabangan.
11. At pinasisibol Niya para sa inyo mula sa kalupaan sa pamamagitan ng uri ng tubig na ito ang iba’t ibang pananim, at pinasisibol din Niya ang mga ‘zayton,’ mga puno ng palmera ng ‘tamr’ at mga ubas, at ganoon din ang lahat ng uri ng mga bunga at prutas. Katiyakan, sa pamamagitan ng pagpapasibol ng mga bagay na ito ay ipinakikita ang malinaw na palatandaan na nagbibigay ng aral sa mga tao na nag-iisip.
12. At ginawa Niya para sa inyong kapakinabangan ang gabi upang kayo ay makapagpahinga, at ang araw naman ay para sa inyong paghahanap-buhay, at ginawa rin Niya na kapaki-pakinabang sa inyo ang liwanag ng araw, at gayon din ang buwan upang sa pamamagitan nito ay malaman ninyo ang taon at panahon, at iba pa na mga kapakinabangan, ganoon din ang mga bituin sa kalangitan ay nilikha ng Allâh (I) para sa inyo upang malaman ninyo ang mga panahon, at pinahihinog nito ang mga bunga at mga pananim, at bilang gabay din sa kadiliman. Katotohanan, sa ganitong paglikha ay mga malilinaw na mga katibayan sa mga taong nag-iisip hinggil sa mga katibayan at palatandaan ng Allâh (I).
13. At ang anuman na nilikha Niya para sa kapakinabangan ninyo rito sa kalupaan na mga hayop, mga bunga at mga minahan, at iba pa na mga magkakaiba ang kulay at kapakinabangan. Katiyakan, sa pamamagitan ng paglikha ng mga ito at sa pagkakaroon nito ng iba’t ibang kulay at mga kapakinabangan ay walang pag-aalinlangan na nakapagbibigay ito ng aral sa mga taong umiintindi ng mga pagpapayo at alam nila na sa pagkakaroon ng kapakinabangan ng mga bagay na ito ay mga palatandaan sa Kaisahan ng Allâh (I) na Siyang karapat-dapat lamang na sambahin.
14. At Siya ang lumikha para sa inyo ng karagatan; upang makakain kayo mula sa anumang mga nahuhuli o nakukuha ninyo rito na katulad ng mga isda at mga sariwang laman, at nakakakuha rin kayo mula rito ng inyong mga ginagamit bilang mga palamuti na tulad ng perlas, at nakikita ninyo ang mga malalaking sasakyang pandagat na lumalayag sa ibabaw nito na pumaparoon at pumaparito, at sinasakyan ninyo upang kayo ay makapaghanap ng kabuhayan sa pamamagitan ng pangangalakal, na sa pamamagitan nito ay kumikita kayo, at baka sakaling tumanaw kayo ng utang na loob sa mga dakilang biyaya ng Allâh (I) sa inyo, na kayo ay hindi sasamba ng iba.
15. At itinalusok Niya sa kalupaan ang mga malalaking bundok upang ito ay hindi yumanig sa inyo, at lumikha Siya rito ng mga ilog (sa pagitan ng mga bundok); upang kayo ay makainom mula rito, at iginawa rin kayo ng mga daanan sa pagitan nito; upang matunton ninyo ang lugar na kung saan nais ninyong tumungo.
16. Lumikha rin Siya rito sa kalupaan ng mga tanda upang maging gabay ninyo sa inyong paglalakbay sa araw, na katulad din ng paglikha Niya ng mga bituin bilang gabay ninyo sa inyong paglalakbay sa gabi.
17. Kung gayon, ituturing ba ninyo ang Allâh (I) na Siyang Lumikha ng lahat ng ito, bilang kapantay sa mga diyus-diyosan na inaangkin ninyo na walang anumang nilikha, kinakailangan bang ipantay ninyo sa karapatan ng Allâh (I) na Tagapaglikha ang iba na sinasamba ninyo bukod sa Kanya, na walang anumang nilikha na kahit na ano? Hindi ba ninyo naisip ang kadakilaan ng Allâh (I) upang Siya lamang ang bukod-tangi ninyong sambahin?
18. At kahit na anupamang pagsisikap ang gawin ninyo na bilangin ang lahat ng mga biyaya at kagandahang-loob ng Allâh (I) sa inyo, kailanman ay hindi kayo magkakaroon ng kakayahan na mabilang ang mga ito; dahil sa napakarami at iba’t ibang uri nito. Katotohanan, ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa inyo, na ‘Raheem’ - Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal; na kung kaya, pinatatawad Niya ang inyong pagkukulang dahil sa inyong pasasalamat sa Kanyang mga biyaya, na kung kaya, hindi Niya ito pinuputol (ang biyaya Niya sa inyo) dahil lamang sa inyong pagkukulang at hindi Niya minamadali ang parusa sa inyo.
19. Ang Allâh (I) ay Siyang Ganap na Nakaaalam sa lahat ng inyong ginagawa, kinikimkim man ninyo ito sa inyong mga sarili o inilalantad ninyo sa iba, at katiyakan na kayo ay gagantihan para rito.
20. At ang mga diyus-diyosan na sinasamba ng mga ‘Mushrikûn’ – naglalagay ng katambal sa pagsamba sa Allâh (I) o sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) – kailanman ay hindi makalilikha ang mga ito ng kahit na ano at kahit na gaano pa ito kaliit, dahil ang mga ito ay inimbento (o haka-haka) lamang na ginawa ng mga walang pananamapalataya sa pamamagitan ng kanilang mga kamay, na kung kaya, paano nila ito nasasamba?
21. Lahat ng mga ito ay mga bagay na walang buhay at hindi nakararamdam ni nakaaalam ng oras kung kailan bubuhayin na mag-uli ng Allâh (I) ang sumasamba sa kanila, at ito ay kasama nila sa gagawing pagtapon sa kanilang lahat sa Impiyerno sa Araw ng Muling Pagkabuhay.
22. Ang inyong ‘Ilâh’ – ang Diyos na Bukod-Tangi at karapat-dapat lamang na sambahin ay ang Allâh (I) na Nag-iisa, na kung kaya, ang mga yaong hindi naniwala sa Araw ng Muling Pagkabuhay, ang kanilang mga puso ay tumanggi sa Kaisahan ng Allâh (I); dahil hindi sila natatakot sa Kanyang parusa, at sila ay nagmamataas sa pamamagitan ng pagtanggi sa katotohanan at pagsamba sa Kaisahan ng Allâh (I).
23. Katiyakan, ang Allâh (I) ay Ganap na Nakaaalam kung ano ang kanilang inililihim na mga paniniwala, mga salita at mga gawain, at kung anuman ang kanilang inilalantad, at sila ay pagbabayarin para rito. Katiyakan, ang Allâh (I) na Kataas-Taasan ay hindi nagmamahal sa mga nagmamataas na tumanggi sa pagsamba at pagsunod sa Kanya, at walang pag-aalinlangan, sila ay papagbabayarin.
24. At kapag tinanong sila na mga nagtambal o sumamba ng iba bukod sa Allâh (I) hinggil sa pagpapahayag kay Propeta Muhammad (r), kanilang sasabihin bilang pagsisinungaling at pagbibintang: “Wala siyang dala-dala kundi mga kuwento lamang ng mga naunang tao at ang mga kasinungalingan nito.”
25. Walang pag-aalinlangan, ang magiging parusa sa kanila ay pagpapataw sa lahat ng kaparusahan na kanilang ginawa sa Araw ng Muling Pagkabuhay, at ito ay hindi patatawarin sa kanila, at ipapataw din sa kanila ang mga kasalanan ng mga yaong tumanggi na iniligaw nila dahil sa kamangmangan na inilayo nila nang ganap sa Islâm, at walang anumang kabawasan ang magaganap sa kaparusahang ito. Walang pag-aalinlangan, napakasama ang kaparusahan na igagawad sa kanila!
26. Katiyakan, nagpakana ang mga walang pananampalataya na mga nauna sa mga ito ng mga pakana laban sa kanilang mga Sugo at sa kung anuman na kanilang dala-dalang pag-aakay tungo sa katotohanan, subali’t winasak ng Allâh (I) ang pinakapundasyon ng kanilang gusali at bumagsak sa kanilang ulunan ang bubungan nito, at dumating sa kanila ang pagkawasak sa lugar na inaasahan nilang sila ay ligtas, dahil ito ay hindi nila inaasahang darating sa kanila.
27-28. Pagkatapos sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay ipapahiya sila ng Allâh (I) sa pamamagitan ng pagpaparusa at pagpa-pahamak sa kanila, at sasabihin sa kanila: “Nasaan na ang mga itinambal ninyo sa Akin na mga diyus-diyosan upang mapangalagaan kayo sa kaparusahan, dahil sa kinalaban ninyo ang mga Propeta at ang mga mananampalataya, na kung kaya, ang pakikipaglaban ninyo sa kanila ang naging sanhi ng mga ito?”
Sinabi ng kanilang mga paham at mga relihiyoso sa kanila: “Walang pag-aalinlangan, ang kapahamakan at kaparusahan sa Araw na ito ay para sa mga hindi naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang mga Sugo,” na sila ang mga yaong hahablutin ng mga anghel ang kanilang mga kaluluwa sa oras ng kanilang kamatayan habang gumagawa sila ng kamalian sa kanilang mga sarili sa pamamagitan ng paglabag sa Allâh (I), subali’t sumuko rin sila sa Allâh (I) noong nakita na nila ang kamatayan at itinanggi nila ang anuman na sinasamba nila bukod sa Allâh (I), at kanilang sinabi: “Hindi kami gumawa ng kahit na anumang kasalanan,” at sasabihin naman sa kanila: “Nagsinungaling kayo, dahil katotohanang gumawa kayo ng kasalanan, walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) ay Siyang Ganap na Nakaaalam sa lahat ng mga gawain ninyo at kayo ay gagantihan para rito.
29. “Na kung kaya, magsipasok kayo sa mga pintuan ng Impiyerno, na hindi na kayo makalalabas pa rito magpakailanman, at ito ay napakasama na magiging tirahan ng mga yaong nagmataas at tumanggi sa paniniwala sa Allâh (I) at sa bukod-tanging pagsamba lamang sa Kanya at pagsunod sa Kanyang kagustuhan.”
30. At kapag sinabi sa mga mananampalataya na mga natatakot sa Allâh (I): “Ano ang ipinahayag ng Allâh (I) sa Propeta na si Muhammad (r)?” Sinabi nila: “Nagpahayag ang Allâh (I) sa kanya ng kabutihan at gabay.” Na kung kaya, para sa mga naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo rito sa buhay sa daigdig, at naghikayat sa mga alipin ng Allâh (I) tungo sa Tamang Paniniwala at pagsagawa ng mabuti, ay dakilang karangalan na tagumpay, pangingibabaw dito sa daigdig at masaganang biyaya; at sa Kabilang-Buhay naman para sa kanila ay biyaya at dakilang gantimpala na higit pa kaysa anuman na kanilang nakamtan dito sa daigdig, at samakatuwid, napakaganda ang tahanan ng mga matatakutin sa Allâh (I) sa Kabilang-Buhay.
31-32. Mga Hardin ang kanilang tutuluyan, na sila ay doon mananatili, na sila ay hindi na lalabas pa roon magpakailanman, na kung saan ay may mga ilog na umaagos sa ilalim ng mga puno at mga palasyo nito, na ang para sa kanila roon ay ang bawa’t anumang nanaisin ng kanilang mga sarili, at ang ganitong magandang gantimpala ay inihahandog ng Allâh (I) sa mga natatakot sa Kanya na mga yaong kinuha ng mga anghel ang kanilang kaluluwa samantalang ang kanilang mga kalooban ay malilinis mula sa anumang di-paniniwala sa Allâh (I), at sasabihin sa kanila ng mga anghel: “Salâmun `alaykum (kapayapaan ay sumainyo)! Bukod-tanging pagbati para sa inyo at kaligtasan sa lahat ng kapahamakan. Magsipasok na kayo sa ‘Al-Jannah’ dahil sa inyong mga nagawa na paniniwala sa Allâh (I) at pagpapasailalim sa Kanyang kagustuhan.”
33. Wala bang inaabangan ang mga walang pananampalataya na mga ‘Mushrikin’ – naglalagay ng katambal sa pagsamba sa Allâh (I) o sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) – kundi ang pagdating ng mga anghel; upang kunin ang kanilang mga kaluluwa habang sila ay nasa malinaw na pagtanggi sa Allâh (I), o di kaya ay darating sa kanila ang utos ng Allâh (I) na biglaang pagpaparusa sa kanila at sila ay pupuksain? At kung paano sila tumanggi ay ganoon din tumanggi ang mga walang pananampalataya na nauna sa kanila at pinuksa sila ng Allâh (I). At hindi sila dinaya ng Allâh (I) sa pamamagitan ng pagpuksa at pagbaba ng kaparusahan sa kanila, kundi sila mismo ang nang-api sa kanilang mga sarili dahil sila ang naglagay nito sa kapahamakan at kaparusahan.
34. At dumating sa kanila ang parusa dahil sa kanilang mga kasalanan na nagawa at winasak sila nang lubusan dahil sa kinagawian nila na pangungutya.
35. At sinabi ng mga walang pananam-palataya na nagtambal ng iba sa pagsamba sa Allâh (I): “Kung ninais lamang ng Allâh (I) na sasambahin namin Siya nang bukod-tangi ay hindi kami sasamba ng iba bukod sa Kanya, kami at ang aming mga ninuno na nauna sa amin, at hindi namin ipagbabawal ang anumang bagay na hindi ipinagbawal ng Allâh (I).”
Ang mga yaong naunang walang pananam-palataya ay nangatwiran din ng ganitong pangangatwiran, subali’t sila ay pawang mga sinungaling; dahil inutusan sila ng Allâh (I) at pinagbawalan, at pinagkalooban sila ng kakayahan na maisagawa ang anumang ipinag-uutos sa kanila, at nilikha para sa kanila ang lakas at kagustuhan na nagagawa nila ang anuman na kanilang nais, na kung kaya, ang kanilang pangangatwiran sa pagpasiya at pagtakda ng Allâh (I) ay itinuturing na isang matinding pagkakamali pagkatapos silang balaan ng mga Sugo ng Allâh. Samakatuwid, ang tungkulin lamang ng mga Sugo ay pagpaparating ng mga malinaw na mensahe sa kung ano ang ipinag-utos sa kanila.
36. At katiyakan, nagpadala Kami sa bawa’t sambayanan na mga nauna, ng Sugo na nag-uutos sa kanila sa pagsamba sa Allâh (I) at bukod-tanging pagsunod sa Kanyang kagustuhan at pag-iwas sa pagsamba ng iba bukod sa Kanya, na tulad ng mga ‘Shaytân,’ mga rebulto at mga patay at anuman maliban sa mga ito na sinasandalan ng sinuman bukod sa Allâh (I).
Na kung kaya, mayroon sa kanila ang ginabayan ng Allâh (I) at sinunod ang Kanyang mga Sugo, at mayroon naman sa kanila ang sumalungat na ang kanyang sinunod ay daan ng pagkaligaw, na samakatuwid ay naging karapat-dapat sa kanya ang maligaw at siya ay hindi ginabayan ng Allâh (I).
Na kung kaya, maglakbay kayo sa kalupaan at masdan at saksihan ng inyong mga mata kung ano ang naging hantungan ng mga tumanggi at kung ano ang nangyari sa kanilang pagkawasak nang sa gayon ay maging aral ito sa inyo.
37. Kung gagawin mo man, O Muhammad (r), nang lubusan ang anuman na iyong kakayahan upang gabayan ang mga walang pananampalatayang ito na nagtambal o sumamba ng iba, dapat mong mabatid na ang Allâh (I) ay hindi Niya ginabayan ang sinumang pinahintulutan Niyang maligaw, at wala sila na kahit na sinuman bukod sa Allâh (I) na tutulong at maglalayo sa kanila mula sa Kanyang parusa.
38. Sumumpa sila na mga walang pananampalataya na nagtambal o sumamba ng iba bukod sa Allâh (I), nang napakabigat na sinumpaan, na katiyakang ang Allâh (I) ay hindi Niya bubuhaying mag-uli ang sinumang namatay pagkatapos mabulok at maging alikabok ang kanyang katawan. Walang pag-aalinlangan, sila ay katiyakang bubuhayin na mag-uli ng Allâh (I) at ito ay pangako ng katotohanan, magkagayunpaman, karamihan sa mga tao ay hindi nila alam ang kakayahan ng Allâh (I) sa pagbuhay sa kanila na mag-uli, kaya ito ay kanilang tinatanggihan.
39. Bubuhaying mag-uli ng Allâh (I) ang lahat ng mga alipin; upang linawin sa kanila ang katotohanan hinggil sa Pagkabuhay na Mag-uli na hindi nila pinagkasunduan, at upang mabatid ng mga mananampalataya na sila ay katiyakang nasa katotohanan at mabatid din ng mga walang pananampalataya na tumanggi na sila ay nasa pagkakamali at sila sa katotohanan ay mga nagsinungaling noong sila ay sumumpa na walang sinuman ang mabubuhay na mag-uli.
40. Katiyakan, ang Pagkabuhay na Mag-uli ay napakadali para sa Amin, at katiyakan na kapag ninais Namin ang anumang bagay ay sasabihin lamang Namin para rito: “Kun,” at ito ay kaagad na mangyayari.
41. At ang mga yaong nilisan nila ang kanilang bayan nang alang-alang sa Allâh (I) at nangibang-bayan sila pagkatapos ng pang-aapi sa kanila, katiyakan na pagkakalooban Namin sila ng magandang tahanan dito sa daigdig, subali’t ang gantimpala sa Kabilang-Buhay ay nakahihigit at dakila; dahil ang gantimpala nila roon ay ‘Al-Jannah.’ Na kung kaya, kung batid lamang ng mga yaong nanatili na hindi nangibang-bayan na may tiyak na kaalaman kung ano ang ipinagkakaloob ng Allâh (I) na gantimpala sa mga nangibang-bayan nang alang-alang sa Allâh (I) ay walang sinuman ang magpapaiwan sa kanila.
42. Sila na mga nangibang-bayan tungo sa Daan ng Allâh (I), ay sila ang mga yaong nagtiis upang maisakatuparan nila ang mga ipinag-uutos ng Allâh (I) at maiwasan ang mga ipinagbabawal, at sa mga pangyayari na mga kapighatian na itinakda ng Allâh (I); at sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha lamang nila ipinauubaya ang kanilang mga sarili kaya’t sila ay naging karapat-dapat sa dakilang parangal na ito.
43. At hindi Kami nagpadala sa mga nauna sa iyo, O Muhammad (r), kundi mga Sugo na mga kalalakihan at hindi mga anghel, na nagpahayag Kami sa kanila ng mga Rebelasyon. Na kung kaya, kung kayo na mga walang pananampalataya na mga Quraysh, na nagtambal o sumamba ng iba bukod sa Allâh (I) ay hindi naniniwala hinggil dito, tanungin ninyo kung gayon, ang mga naunang ‘Ahlul Kitâb’ (mga Hudyo at mga Kristiyano) at sasabihin nila sa inyo na ang mga Propeta ay mga tao, kung talagang hindi ninyo batid na sila ay mga tao.
At ang talatang ito ay bilang pangkahalatan na patungkol sa lahat ng bagay na may kinalalaman sa Relihiyon (o ‘Deen’), na kapag ang isang tao ay mayroon siyang hindi alam ay nararapat na magtanong siya sa sinumang nakaaalam na pinagkaloban ng kaalaman.
44. At ipinadala Namin ang mga naunang mga Sugo na dala-dala nila ang mga malilinaw na mga katibayan at mga Aklat na mula sa Allâh (I), at ipinahayag Namin sa iyo, O Muhammad (r), ang Qur’ân upang ipaliwanag sa mga tao ang anumang hindi nila naintindihan na mga kahulugan at mga batas, at upang mapag-aralan nila ito at magabayan sila ng Allâh (I) para rito.
45-47. Nakatitiyak ba ang mga walang pananampalataya na nagpakana ng mga masasamang balakin, na hindi sasanhiin ng Allâh (I) na sila ay lamunin ng kalupaan na katulad ng nangyari kay Qârun, o di kaya ay darating sa kanila ang kaparusahan nang hindi nila namamalayan at hindi nila inaasahan, o di kaya ay pupuksain sila bilang parusa habang sila ay paroo’t parito na gumagala-gala sa kanilang paglalakbay?
Hindi nila mauunahan ang Allâh (I) at hindi sila makaliligtas mula sa Kanyang kaparusahan; dahil Siya ay katiyakang Tunay na Makapangyarihan na walang sinuman ang makagagapi sa Kanya, o di kaya ay pupuksain sila ng Allâh (I) habang sila ay natatakot na mangyari sa kanila ang delubyo, pagkasira ng kanilang mga yaman at pagkamatay ng ilan sa kanila? Walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay ‘Raouf’ – Punung-Puno ng Habag at Kabaitan, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila.
48. Hindi ba napagmasdan ng mga walang pananampalataya ang anumang nilikha ng Allâh (I) na mayroong anino, na katulad ng mga bundok at mga puno, na lumilihis ang mga anino nito, minsan ay sa gawing kanan at minsan naman ay sa gawing kaliwa, na sumusunod sa galaw ng araw, sa araw, o sa gabi naman ay sa buwan, ang lahat ng mga ito ay nasa ilalim ng kadakilaan ng ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng mga ito, sa Kanyang kapangyarihan, at ang mga ito ay nasa ilalim ng Kanyang pangangasiwa at pagtatangan?
49. Bukod-tangi na sa Allâh (I) lamang nagpapatirapa ang lahat ng mga nasa kalangitan at ang lahat ng nasa kalupaan, ang mga gumagalaw na mga nilikha, at ang mga anghel ay nagpapatirapa rin sa Allâh (I), at kailanman ay hindi sila nagmataas sa pagsamba sa Kanya, at binukod-tangi ang pagbanggit sa kanila pagkatapos ng pagbanggit sa mga bagay na nilikha ng Allâh (I) bilang pagpaparangal sa kanila dahil sa rami ng kanilang pagsamba.
50. Kinatatakutan ng mga anghel ang kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na Siya sa Kanyang Sarili ay nasa ibabaw nilang lahat. At sa Kanyang Pangunguntrol at sa lahat ng kabuuan ng Kanyang Katangian; at isinasagawa nila ang anumang ipinag-utos sa kanila ng Allâh (I) na pagsunod sa Kanya. Ang talatang ito ay pagpapatunay hinggil sa katangian ng Allâh (I) na pagiging Mataas o Kataas-taasan at Kanyang pangingibabaw sa lahat ng Kanyang mga nilikha na angkop na angkop sa Kanyang kadakilaan at kaganapan.
51. Sinabi ng Allâh (I) sa Kanyang mga alipin: “Huwag kayong sumamba sa dalawang diyos, dahil walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) ay Siyang Bukod-Tangi na Nag-iisang ‘Ilâh’ na karapat-dapat lamang na sambahin. Na kung kaya, Ako lamang ang dapat na katakutan at walang sinuman bukod sa Akin.”
52. At ang Allâh (I) lamang ang Siyang Nagmamay-ari ng lahat ng anumang nasa kalangitan at kalupaan, ang paglikha nito, pamamahala at pagiging alipin ng lahat sa Kanya, at para lamang sa Kanya na Bukod-Tangi ang Relihiyon (‘Deen’) – ang pagsamba, pagsunod at patuloy na pagiging dalisay sa layunin; samakatuwid, karapat-dapat ba sa inyo na matakot sa iba bukod sa Allâh (I) at sasambahin ninyo?
53. At kung anuman ang mga tinataglay ninyong biyaya at patnubay, o di kaya ay kalusugan sa pangangatawan, at saganang kabuhayan at pagkakaroon ng mga anak at iba pa, ang mga ito ay sa Allâh (I) lamang nagmula na Bukod-Tangi dahil Siya ang nagbiyaya nito sa inyo. Na kung kaya, kapag dumating sa inyo ang karamdaman, pagsubok at tagtuyot ay sa Allâh (I) lamang kayo na Bukod-Tangi manalangin at humingi ng tulong.
54. Pagkatapos, noong naalis na ang mga sakuna at karamdaman mula sa inyo, masdan! Ang isang grupo sa inyo ay nagtambal ng iba sa pagsamba sa Allâh (I), gayong ito (ang pagsamba nang bukod-tangi) ay para lamang sa Allâh (I) na Tagapagkaloob ng biyaya na Siyang nagligtas sa kanila.
55. Na kung kaya, sila ay hindi marunong tumanaw ng utang na loob sa anuman na Aming ipinagkaloob sa kanila, kabilang dito ay ang pagligtas sa kanila sa mga sakuna at karamdaman, na kung kaya, magpakasaya kayo sa inyong makamundong buhay, dahil di maglalaon ito ay magtatapos din, at walang pag-aalinlangan, mababatid ninyo ang bunga ng inyong pagsuway at paglabag.
56. At kabilang sa kasamaan ng kanilang mga gawain ay naglalagay sila ng bahagi para sa kanilang mga diyus-diyosan na sinasamba, na mula sa kanilang kayamanan na ipinagkaloob ng Allâh (I) sa kanila, bilang pagsisilbi rito, kahit na ang mga ito ay walang anumang alam, na hindi nakapagdudulot ng pakinabang at hindi nakapipinsala. Ang Allâh (I) ay sumumpa na kayo ay katiyakang tatanungin sa Kabilang-Buhay sa anuman na inyong inimbento na mga kasinungalingan laban sa Allâh (I).
57. At inilalaan ng mga walang pananampalataya sa Allâh (I) ang mga kababaihan, na kanilang sinasabi: “Ang mga anghel ay mga anak na kababaihan ng Allâh (I).” Luwalhati sa Allâh (I) na Siya ay Napakataas na malayung-malayo hinggil sa kanilang mga sinasabing kasinungalingan, at inilalaan naman nila sa kanilang mga sarili ang mga nagugustuhan nila na mga anak na mga kalalakihan.
58. At kapag dumating ang tagapagbigay ng balita sa isa sa kanila na siya ay nagkaroon ng anak na babae ay mangingitim ang kanyang mukha sa pagkapoot hinggil sa kanyang narinig, at siya ay punung-puno ng pagdadalamhati at kalungkutan.
59. Magtatago siya sa kanyang sambayanan dahil sa masamang pangyayari na naganap sa kanyang buhay na nagdulot ng kalungkutan at kahihiyan; dahil sa pagkakaroon niya ng anak na babae, at siya ay naguguluhan sa pagkakaroon ng anak na ito, na kung pananatilihin ba niyang buhay ito na kalakip ang paghamak at kawalan ng karangalan, o di kaya ay ililibing ba niya ito na buhay sa kalupaan? Walang pag-aalinlangan, napakasama ng kanilang panuntunan sa pamamagitan ng paglalaan o pagturing nila ng mga anak na babae sa Allâh (I) at ang mga kalalakihan naman ay sa kanila.
60. Para sa mga hindi naniwala sa Kabilang-Buhay at hindi nila ito pinaghandaan, ay bilang paglalarawan lamang ng mga masama nilang katangian na kahinaan, paghihikahos, kamangmangan at di-paniniwala, at para naman sa Allâh (I) ay ang napakataas na mga katangian, ang pagiging ganap ng Allâh (I) na hindi nangangailangan ng kahit na anuman sa Kanyang mga nilikha. Siya ay ‘`Al-Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan at Ganap na Makapangyarihan sa Kanyang Kaharian, na ‘Al-Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang Pangangasiwa.
61. At kung parurusahan lamang ng Allâh (I) ang sangkatauhan dahil sa kanilang di-paniniwala at pagsisinungaling, ay hindi Niya pahihintulutan na may matitira pang kahit na isang buhay na bagay sa kalupaan, subali’t pinanatili sila ng Allâh (I) hanggang sa panahong nakatakda para sa kanila na ito ay ang katapusan ng kanilang buhay, at kapag dumating ang pagkakatakda ng oras na yaon, kailanman ay hindi nila ito maiaantala nang kahit na sandali at hindi nila ito maiuusad.
62. At kabilang sa pagiging kasamaan nila: Na sila sa katotohanan, inilalaan nila sa Allâh (I) ang anuman na kinamumuhian nila sa kanilang mga sarili na tulad ng pagkakaroon ng mga anak na kababaihan, at sinasabi ng kanilang mga dila bilang pagsisinungaling na para sa kanila ang magandang hantungan, walang pag-aalinlangan, ang para sa kanila ay Impiyernong-Apoy at doon sila ay pababayaan at kalilimutan.
63. Sumumpa ang Allâh (I) sa pamamagitan ng Kanyang Sarili, katotohanang nagpadala Kami ng mga Sugo sa mga sambayanan na nauna sa iyo, O Muhammad (r), subali’t ginawang kaiga-igaya at pinaganda ni ‘Shaytân’ sa kanilang paningin ang kanilang mga ginawang pagtanggi, di-paniniwala, pagsisinungaling at pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I), na siya (‘Shaytân’) ay patuloy na nagliligaw sa kanila rito sa daigdig at ang para sa kanila sa Kabilang-Buhay ay masidhing kaparusahan.
64. At hindi Namin ipinahayag sa iyo, O Muhammad (r), ang Qur’ân kundi upang linawin sa mga tao ang hindi nila pinagkakasunduan hinggil sa ‘Deen’ (o Relihiyon) at mga alintuntunin nito, upang maging matibay ang pangangatwiran laban sa kanila dahil sa iyong pagpapaliwanag, at bilang gabay din at awa sa mga taong naniwala.
65. At ang Allâh (I) ay nagbaba mula sa ulap ng ulan, na pinasisibol Niya sa pamamagitan nito ang mga pananim sa kalupaan pagkatapos ng pagiging tuyot nito, walang pag-aalinlangan, sa pagpapababa ng ulan at sa pagpapasibol ng mga pananim sa tuyot na kalupaan ay isang palatandaan sa kapangyarihan ng Allâh (I) ang kakayahang bumuhay na mag-uli at sa Kanyang Kaisahan, para sa mga tao na nakikinig at inuunawa ang kanilang mga naririnig, na sinusunod nila ang Allâh (I) at kinatatakutan.
66. At katiyakan, para sa inyo, O kayong mga tao, mula sa mga hayop ay mga aral: mga kamelyo, baka at kambing, dahil katiyakang nakikita ninyo na pinaiinom Namin kayo mula sa tiyan ng mga ito, ng gatas na puting-puti, sariwa, puro (dalisay) at manamis-namis, gatas na nagmumula sa pagitan ng ‘farth’ (imbakan ng dumi) at ng dugo, na malinis mula sa anumang di-kanais-nais na maihahalo rito, na masarap inumin.
67. At kabilang sa mga biyaya Namin sa inyo ay ang mga bunga ng mga puno ng palmera at mga ubas, na nagmumula rito ang mga matatapang na inumin – bago pa ipinagbawal noon sa kanilang kapanahunan ang nakalalasing – at mabuting pagkain. Katiyakan, nasa mga nabanggit na bagay na ito ay may matibay na katibayan sa Kapangyarihan ng Allâh (I) para sa mga tao na naiintindihan ang mga palatandaan at nagiging aral ito sa kanila.
68. At ginabayan ng inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ang mga bubuyog na gumawa sila ng kanilang mga tahanan sa mga bundok, at ganoon din sa mga puno at sa mga bahay na itinayo ng tao at mga silungan.
69. Pagkatapos ay kainin mo (bubuyog) ang anumang bunga na iyong nais, at sundin mo ang mga daan na ginawang madali ng iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha para sa iyo; upang makapaghanap ka ng ikabubuhay sa mga bundok at sa pagitan ng mga puno, at katiyakang ginawa itong madali para sa iyo, na kung kaya, hindi ka na maliligaw pagbalik mo mula rito, kahit na malayo pa ang iyong marating.
Mayroong lumalabas mula sa mga tiyan ng bubuyog na pulot-pukyutan na inumin na iba’t ibang kulay, na puti, dilaw, pula at iba pa; at nagsisilbi ito bilang gamot sa mga sakit ng tao. Katiyakan, sa likas na mga katangian ng insektong ito ay isang napakatibay na palatandaan sa Kapangyarihan ng Lumikha, para sa mga taong nag-iisip at kumukuha ng aral.
70. At Nilikha kayo ng Allâh (I) at pagkatapos ay sasanhiin Niya na kayo ay mamatay sa dulo ng inyong buhay, at mayroon sa inyo ang inaabot ng matinding katandaan, na ibinabalik sa pagiging isip-bata o pagiging ulyanin, na nawawala ang kanilang kaalaman pagkatapos nilang magkaroon ng kaalaman.
Katotohanan, ang Allâh (I) ay Siyang ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam, na ‘Qadeer’ – Ganap na Makapangyarihan, at saklaw ng Kanyang Kaalaman at Kapangyarihan ang lahat ng bagay, at ang Allâh (I) na Siyang nagbabalik sa tao sa ganitong kalagayan, ay Siya rin kung gayon ang may kakayahan na sanhiin itong mamatay pagkatapos ay buhayin na mag-uli.
71. At ang Allâh (I) ay pinipili Niya nang higit ang iba sa inyo kaysa sa iba sa pagkakaloob Niya ng kabuhayan dito sa daigdig, na kung kaya, mayroon sa inyo ang mayaman at mayroon din sa inyo ang mahirap, at mayroon sa inyo ang mga tagapagmay-ari (na ang ibig sabihin ay malayang tao at hindi alipin) at mayroon din naman sa inyo ang nasa ilalim ng pagmamay-ari ng iba (na ang ibig sabihin ay alipin), na hindi binibigyan ng mga yaong tagapagmay-ari (ng alipin) ang sinumang alipin nila mula sa anumang tinataglay nila na ipinagkaloob ng Allâh (I) sa kanila, nang sa gayon ay maging kapantay nila ang mga ito sa yaman, na kung kaya, kung hindi nila matatanggap sa kanilang mga sarili ang ganitong kalagayan, paano nila ito matatanggap sa Allâh (I) na Siya ay magkakaroon ng katambal mula sa Kanyang mga alipin? Walang pag-aalinlangan, ganito ang pinakamatinding panlalamang at paglabag sa mga Biyaya ng Allâh (I).
72. At ang Allâh (I) ay nilikha Niya mula sa inyong lahi ang inyong mga asawa; upang kayo ay maging mapanatag sa inyong pagsasama, at nilikha ng Allâh (I) mula sa inyong mga asawa ang inyong mga sanggol at mula rin sa kanila ang inyong mga inapo, at pinagkalooban kayo ng mga masasarap na mga pagkain mula sa mga bunga at mga butil at mga karne at iba pa. Kung gayon, sa mga walang kabuluhan ba na mga diyus-diyosan na itinatambal nila sila ay naniniwala, at sa mga biyaya ba ng Allâh (I) na hindi mabilang-bilang ay hindi nila pinahahalagahan at hindi sila tumatanaw ng utang na loob sa pamamagitan ng bukod-tanging pagsamba lamang sa Kanya?
73. At sinamba ng mga ‘Mushrikûn’ ang mga rebulto na walang kakayahang pagkalooban sila ng kahit na anumang ikabubuhay mula sa kalangitan na katulad ng ulan, at gayon din mula sa kalupaan na katulad ng pagsibol ng mga pananim, dahil sila ay walang anumang kakayahan at pagmamay-ari at hindi sila maaaring maging tagapagmay-ari ng mga ito dahil sila ay walang anumang kakayahan.
74. At kapag nalaman ninyo na ang mga diyus-diyosan at mga rebulto ay walang silbi, huwag kayong gumawa ng pagtatambal sa Allâh (I), na ipinaparehas ninyo sa Allâh (I) ang anumang mula sa Kanyang nilikha at itinatambal ninyo ito sa pagsamba sa Kanya.
Katiyakan, ang Allâh (I) ay batid Niya kung ano ang inyong ginagawa, samantalang kayo ay nalilinlang na walang kaalam-alam sa inyong pagkakamali at sa masamang ibubunga nito sa inyo.
75. Nagbigay ng halimbawa ang Allâh (I) na inilalantad Niya ang kamalian ng paniniwala ng mga nagtatambal o sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I): ang isang lalaking alipin na nasa ilalim ng pagmamay-ari ng iba na walang kakayahan at walang anumang pagmamay-ari na tinataglay, at ang isang malayang lalaki na may kayamanan na ipinagkaloob ng Allâh (I) sa kanya, na malaya siyang gamitin ang anuman na kanyang pagmamay-ari, na gumagasta siya mula rito nang palihim at lantad, maaari bang sabihin ng sinumang may katalinuhan na magkatulad ang dalawang lalaking ito?
Samakatuwid, ganoon ang Allâh (I) na Tagapaglikha na Pagmamay-ari Niya ang lahat ng Kanyang nilikha, na ginagawa Niya ang anuman na Kanyang nais, na kailanman ay hindi maaaring maging kaparehas ng anuman na Kanyang nilikha at Kanyang mga alipin, na kung kaya, paano ninyo pinagpantay ang dalawa?
Ang papuri ay sa Allâh (I) lamang na Bukod-Tangi, na Siya lamang ang karapat-dapat na purihin at dakilain, subali’t karamihan sa nagtatambal o sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) ay hindi nila alam na ang mga papuri at biyaya ay Pagmamay-ari lamang ng Allâh (I), at walang pag-aalinlangang Siya lamang ang Bukod-Tangi na karapat-dapat sambahin.
76. At nagbigay pa rin ang Allâh (I) ng halimbawa ng dalawang lalaki bilang pagwawalang-saysay sa kanilang itinatambal o sinasamba na iba bukod sa Allâh (I): ang isa sa kanila ay pipi at bingi na hindi nakaiintindi at hindi naiintindihan ang kanyang sinasabi, na walang kakayahan na magdudulot ng anumang kapakinabangan sa kanyang sarili o di kaya ay sa iba, sa halip ay pabigat lamang sa sinumang nag-aalaga sa kanya, na kapag inuutusan siya ng kanyang tagapangasiwa ng anumang bagay na ipagagawa sa kanya ay hindi niya ito magagawa at wala itong silbi at idinudulot na anumang kabutihan; at isang lalaki naman na walang kapansanan sa buong katawan, na nakagagawa ng kapakinabangan sa kanyang sarili at sa iba, at nagkapag-uutos ng pagiging makatarungan, na siya ay nasa Matuwid at Malinaw na landas, maaari bang magpakaparehas ang dalawang taong ito sa paningin ng mga matatalino? Kung gayon, paano ipinaparehas ang rebulto na pipi at bingi sa Allâh (I) na Makapangyarihan na nagkakaloob ng lahat ng mga mabubuting biyaya?
77. At Pagmamay-ari lamang ng Allâh (I) ang lihim na Kaalaman sa mga kalangitan at kalupaan, at ang hinggil sa Pagkagunaw ng Sandaigdigan ay kundi katulad lamang ng pagkurap ng isang mata o mabilis pa kaysa rito. Walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) ay Ganap na Makapangyarihan sa lahat at May Kakayahan na gawin ang lahat ng bagay.
78. Ang Allâh (I) ay Siyang nagpaluwal sa inyo mula sa mga sinapupunan ng inyong mga ina pagkatapos ng takdang panahon ng pagdadalantao sa inyo, na walang kayong nalalaman na anumang bagay mula sa inyong kapaligiran, at pagkatapos ay pinagkalooban Niya kayo ng pandinig, paningin at mga puso upang kayo ay makabatid; nang sa gayon ay tatanaw kayo ng utang na loob sa Allâh (I) sa mga biyayang ito at Siya lamang ang inyong bukod-tanging sasambahin.
79. Hindi ba nakikita ng mga nagtatambal o sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I), ang mga ibon, na ginawang madali para sa mga ito ang paglipad sa himpapawid sa pagitan ng kalangitan at kalupaan sa kagustuhan ng Allâh (I)? Walang sinuman ang nangangalaga sa mga ito upang hindi bumagsak kundi ang Allâh (I) dahil sa paglikha Niya nang ganitong katangian at kakayahan.
Walang pag-aalinlangan, ang pagkakaloob ng Allâh (I) ng ganitong kakayahan upang mapadali sa kanila at ang pagpapanatili ng mga ito sa kalawakan ay mga palatandaan sa mga taong naniniwala sa anuman na kanilang nakikita na mga palatandaan na nagpapatunay sa kapangyarihan ng Allâh (I).
80. At ang Allâh (I) ay ginawa Niya para sa inyo, ang inyong mga tahanan bilang pahingahan at kapanatagan kasama ang inyong mga pamilya at kayo ay nanatili sa inyong lugar, at ginawa rin niya para sa inyo, sa inyong paglalakbay bilang inyong silungan, ang mga balat ng hayop, upang maging magaan ang pagdala ninyo nito sa oras ng inyong paglalakbay at magiging magaan din para sa inyo ang pagtatayo nito sa oras ng inyong pagpapanatili pagkatapos ng inyong paglalakbay, at ginawa pa rin Niya para sa inyo mula sa mga balahibo (lana o ‘wool’) ng tupa, buhok (o ‘fur’) ng kamelyo at balahibo ng kambing, ginawa Niya ang mga ito bilang kagamitan sa inyong mga tahanan na pantakip, kasuotan, panlatag at palamuti na pansamantalang nagpapaginhawa sa inyo hanggang sa huling sandali ng inyong buhay.
81. At ang Allâh (I) ay gumawa para sa inyo ng inyong mga silungan na tulad ng mga puno at iba pa, at gumawa rin Siya para sa inyo ng mga kublihan mula sa mga kabundukan, at gumawa rin Siya para sa inyo ng mga kasuotan mula sa mga bulak at lana upang mapangalagaan kayo mula sa init at lamig, at gumawa rin para sa inyo ng mga bakal bilang pangangalaga sa inyo at mga sandata ninyo kapag kinakalaban kayo sa labanan, at kung paano kayo biniyayaan ng Allâh (I) ng mga ganitong kagandahang-loob ay ginawa rin Niyang ganap para sa inyo ang Kanyang mga kagandahang-loob sa pamamagitan ng paghahayag Niya ng Relihiyon ng Katotohanan; upang sumuko at magpasailalim kayo sa Allâh (I) na Bukod-Tangi na hindi kayo magtatambal sa pagsamba sa Kanya ng kahit na anumang bagay.
82. Pagkatapos, kung sila ay tatalikod sa iyo, O Muhammad (r), pagkatapos nilang makita ang palatandaan ay huwag kang malungkot, dahil ang tungkulin mo lamang ay ipahayag nang malinaw ang anumang mensahe na dala-dala mo at ang gabay ay sa Amin lamang maisasakatuparan.
83. Batid ng mga nagtatambal o sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) ang biyaya ng Allâh (I) sa kanila sa pamamagitan ng pagkakapadala kay Muhammad (r) sa kanila subali’t tinanggihan nila ang biyayang ito at karamihan sa iyong sambayanan ay walang pananamapalataya, tinanggihan nila ang iyong pagka-Propeta at hindi nila tinanggap.
84. At ipaalaala mo sa kanila, O Muhammad (r), ang mangyayari sa Araw ng Muling Pagkabuhay, na sa Araw na yaon ay palilitawin Namin sa bawa’t Nasyon ang Sugo na ipinadala sa kanila upang tumestigo sa paniniwala ng sinumang naniwala at paglabag ng sinumang hindi naniwala, pagkatapos ang mga yaong hindi naniwala ay hindi pahihintulutan na mangatwiran hinggil sa anumang nangyari sa kanila at hindi sila pahihintulutang makapagsisi at humingi ng kapatawaran sa Allâh (I), dahil nakalipas na ang panahong yaon.
85. At kapag nakita ng mga yaong tumanggi sa katotohanan ang kaparusahan ng Allâh (I) sa Kabilang-Buhay, na ito ay hindi pagagaanin sa kanila, at hindi sila bibigyan ng kahit na kaunting palugit o iaantala sa kanila ang kaparusahan.
86. At kapag nakita ng mga nagtambal o sumamba ng iba bukod sa Allâh (I), sa Araw ng Muling Pagkabuhay, ang kanilang mga diyus-diyosan na kanilang sinamba, na kanilang ipinantay sa Allâh (I), sasabihin nila: “O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Sila ang mga itinambal namin sa pagsamba sa Iyo,” at magsasalita ang mga diyus-diyosan na kanilang sinamba na pasisinungalingan nito ang sumamba sa kanila, at magsasabi: “Katiyakan, kayo na mga nagtambal o sumamba ng iba bukod sa Allâh (I) ay mga sinungaling, noong ginawa ninyo kami na katambal sa pagsamba sa Allâh (I) at sinamba ninyo kami na kapantay ng Allâh (I), gayong hindi naman namin kayo inutusan na gawin ito at hindi namin inangkin na kami ay karapat-dapat na sambahin, na kung kaya, kayo lamang kung gayon ang karapat-dapat na sisihin.”
87. At sila na mga walang pananampalataya ay magpapakita ng ganap na pagsuko at pagpapasailalim sa Allâh (I) sa Araw ng Muling Pagkabuhay, at maglalaho sa kanila ang anuman na kanilang inangkin na mga kasinungalingan na ang kanilang mga diyus-diyusan ay mamagitan sa kanila.
88. Ang mga yaong tinanggihan nila ang iyong pagka-Propeta, O Muhammad (r), at pinasinungalingan ka nila at hinarangan nila ang iba sa daan patungo sa paniniwala sa Kaisahan ng Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, daragdagan Namin ang parusa sa kanila ng karagdagan pang kaparusahan na napakasidhi dahil sa kanilang ginawa na pagtanggi at sa ginawa nilang pagpigil sa mga tao na sumunod sa katotohanan; at sa kanilang sadyang pamiminsala at pagligaw sa mga tao upang labagin ang Allâh (I) at gumawa ng kasalanan.
89. At alalahanin mo, O Muhammad (r), sa Araw ng Muling Pagkabuhay na kung saan sa Araw na yaon ay magpapalitaw sa bawa’t nasyon ng titestigo laban sa kanila, na ito ay ang bawa’t Sugong ipinadala ng Allâh (I) mula sa kanilang sariling lahi at wika, at dadalhin ka Namin, O Muhammad (r), bilang testigo sa iyong sambayanan.
At katotohanan na Aming ibinaba sa iyo, O Muhammad (r), ang Banal na Qur’an upang linawin ang lahat ng bagay at ipaliwanag ang mga ito nang ganap, na tulad ng alintuntunin hinggil sa ‘halal’ at ‘haram’ (pagpapahintulot at pagbabawal), gantimpala at kaparusahan at iba pa, at upang maging gabay mula sa pagkaligaw, at habag sa sinumang maniniwala mula rito, at magandang balita para sa mga Muslim (mga isinusuko nang ganap ang buong sarili sa kagustuhan ng Allâh [I]) dahil sa mabuti ang kanilang patutunguhan.
90. Walang pag-aalinlangan, inutusan ng Allâh (I) ang Kanyang mga alipin sa Banal na Qur’ân ng pagiging makatarungan at tamang paniniwala sa karapatan ng Allâh (I) hinggil sa Kanyang Kaisahan at di-pagsasagawa ng pagtatambal sa pagsamba sa Kanya, at sa karapatan ng Kanyang mga alipin na ibigay sa bawa’t isa sa kanila ang anumang nararapat na para sa kanila at ipag-utos ang pagiging mabuti hinggil sa karapatan ng Allâh (I) na bukod-tanging pagsamba lamang sa Kanya at pagsagawa ng Kanyang mga ipinag-uutos sa tamang kaparaanan, at sa karapatan ng Kanyang mga nilikha sa salita at gawa at pag-uutos ng pagbibigay sa mga kamag-anak ng anumang bagay na magpapatibay ng kanilang ugnayang magkakamag-anak at pakikitungo nang mabuti sa kanila, at ipinagbawal Niya ang anumang kasamaan, salita man ito o gawa, at ang anumang bagay na hindi katanggap-tanggap sa batas at hindi kalugud-lugod sa paningin ng Allâh (I) na katulad ng paglabag at pagsagawa ng mga kasalanan, at ganoon din ang pagbabawal hinggil sa pang-aapi at paghamak sa kapuwa tao, at sa ganitong pamamaraan na pag-uutos at pagbabawal, ay bilang pagpapayo sa inyo at pagpapaalaala ng Allâh (I) hinggil sa magiging bunga o kahihinatnan nito, upang kayo ay makaunawa sa ipinag-utos ng Allâh (I) at makinabang para rito.
91. At tuparin ninyo ang lahat ng pangako na inyong ipinangako sa pagitan ninyo at sa pagitan ng Allâh (I), o di kaya ay sa pagitan ninyo at ng mga tao hangga’t ito ay hindi labag sa Aklat ng Allâh (I) at sa ‘Sunnah’ ng Kanyang Propeta, at huwag ninyong talikuran ang sinumpaan ninyong pangako pagkatapos ninyo itong tiyakin (o seguruhin), dahil katiyakan, kapag nangako kayo nang ganito ay hinirang ninyo ang Allâh (I) bilang garantiya upang paniwalaan ang inyong pangako. Katiyakan, batid ng Allâh (I) ang lahat ng inyong mga ginagawa at ayon dito kayo ay gagantihan.
92. At huwag kayong tumalikod sa inyong mga pangako, dahil magiging katulad ninyo kung gayon ang isang babae na humahabi (o gumagawa) ng tela, na pinagbuti niya ang pagsasagawa nito at pagkatapos ay kinalas niya rin ito, na ang paggawa ninyo ng mga sinumpaang pangako sa oras ng panunumpa ay panlilinlang lamang sa inyong pinangakuan, at sinisira ninyo ang inyong mga pangako kapag nakatagpo kayo ng ibang grupo na higit na mayaman at higit na malaki ang inyong kapakinabangan kaysa sa mga tao na pinangakuan ninyo.
Katiyakan, sinusubok lamang kayo ng Allâh (I) sa Kanyang pag-uutos na tuparin ang mga pangako at sa Kanyang pagbabawal na ito ay sirain, at walang pag-aalinlangan, lilitaw para sa inyo sa Araw ng Muling Pagkabuhay ang anuman na hindi ninyo pinagkasunduan dito sa daigdig hinggil sa paniniwala sa Allâh (I) at sa pagiging Propeta ni Propeta Muhammad (r).
93. At kung ginusto lamang ng Allâh (I) ay ginabayan Niya kayong lahat, na gagawin Niya kayong nagkakaisa sa iisang paniniwala at paniniwala sa Kaisahan ng Allâh (I) na ito ay ang Islâm at pananatilihin Niya kayo rito, subali’t pinahihintulutan Niya ang sinuman na Kanyang nais na iligaw mula sa sinuman na alam Niya na pipiliin nito ang pagkaligaw at hindi Niya gagabayan bilang makatarungang paghatol mula sa Kanya; at gagabayan Niya ang sinuman na Kanyang nais mula sa sinumang alam Niya na pipiliin nito ang katotohanan at papatnubayan Niya ito bilang kagandahang-loob mula sa Kanya.
At katiyakan, tatanungin kayong lahat ng Allâh (I) sa Araw ng Muling Pagkabuhay hinggil sa kung ano ang ginawa ninyo rito sa daigdig patungkol sa kung ano ang Kanyang ipinag-utos at kung ano ang Kanyang ipinagbawal sa inyo at ayon dito kayo ay gagantihan.
94. At huwag ninyong gawing paraan ang inyong sinumpaang pangako para linlangin ang sinumang pinangakuan ninyo, dahil mapapahamak at magkakagulo kayo pagkatapos ninyong maging tahimik sa inyong pamumuhay, na katulad ng isang tao na nadulas ang kanyang mga paa pagkatapos nitong maging matatag sa pagkakatayo, at matitikman ninyo ang kinamumuhian ninyo na mga parusa rito sa daigdig; dahil naging sanhi kayo na pigilin ang iba sa pagsunod sa Relihiyong Islâm dahil sa nakita niya sa inyo na pagiging taksil, at ang para sa inyo sa Kabilang-Buhay ay masidhing kaparusahan.
95. At huwag ninyong kasangkapanin ang inyong sinumpaang pangako sa Pangalan ng Allâh (I); na ipagpapalit ninyo ito sa kakaunting halaga na kaligayahan dito sa daigdig, dahil katiyakang ang gantimpala na nagmula sa Allâh (I) dahil sa inyong pagtupad ng sinumpaang pangako ay nakahihigit para sa inyo kaysa sa kakaunting halaga na makamundo, kung ito ay batid ninyo lamang na may wastong kaalaman, at iniintindi ninyo ang pagkakaiba ng kaligayahan dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.
96. At ang anumang pagmamay-ari ninyo na mga pira-piraso na makamundong inyong tinataglay ay maglalaho, subali’t ang anumang nasa Allâh (I) na para sa inyo na kabuhayan at gantimpala ay mananatili magpakailanman at hindi maglalaho.
Walang pag-aalinlangan, gagantimpalaan Namin ang sinumang tiniis niya ang hirap ng mga pag-uutos – kabilang dito ang pagsasakatuparan ng pangako – ng gantimpalang para sa kanila na higit pa kaysa kanilang mga ginawa, na kung pinagkakalooban Namin sila ng gantimpala sa mga kakaunti na kabutihan na kanilang nagawa ay gayon din sa marami at mga malalaki nito bilang kagandahang-loob mula sa Allâh (I).
97. Sinuman ang gumawa ng mabubuting gawa, lalaki man o babae, na siya ay tunay na naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo; ay pagkakalooban Namin siya rito sa daigdig ng mabuti at mapayapang pamumuhay kahit siya ay hindi mayaman, at walang pag-aalinlangan na ipagkakaloob Namin sa kanila ang gantimpala sa Kabilang-Buhay nang higit pa kaysa kabutihan na kanilang nagawa rito sa daigdig.
98. At kung nais mo, O ikaw na naniwala sa Allâh (I), na bigkasin ang anumang talata sa Banal na Qur’ân ay hilingin mo ang kalinga ng Allâh (I) mula sa kasamaan ni ‘Shaytân’ na isinumpa at inilayo mula sa awa ng Allâh (I), na sasabihin mo: “A`ou-dhu bil-lâ-hi mi-nash-shay-tâ-nir ra-jîm,” na ang ibig sabihin, “Hinihingi ko ang kalinga ng Allâh (I) laban sa isinumpang Satanas.”
99-100. Walang pag-aalinlangan, si ‘Shaytân’ ay walang kapangyarihan laban sa mga tunay na naniniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, at sa kanila na ipinauubaya lamang sa Allâh (I) ang kanilang mga sarili. Magkagayunpaman, ang kanyang kakayahan ay sa mga yaon lamang na itinuturing siya bilang kanilang kaagapay at sinusunod nila ang kanyang kagustuhan, at dahil sa pagsunod nila kay ‘Shaytân’ ay nagtatambal o sumasamba sila ng iba bukod sa Allâh (I).
101. At kapag pinalitan Namin ang isang talata ng panibagong talata o panibagong alituntunin – at ang Allâh (I) na Siyang Tagapaglikha ay Ganap na Nakaaalam sa ikabubuti ng Kanyang nilikha at sa anuman na Kanyang inihahayag na mga alituntunin o batas sa iba’t ibang panahon – sasabihin ng mga walang pananampalataya: “Katunayan, ikaw, O Muhammad (r) ay nag-imbento lamang laban sa Allâh (I) ng mga salita na hindi Niya sinabi,” gayong si Muhammad (r) ay hindi katulad ng kanilang mga inaangkin, sa kadahilanang ang karamihan sa kanila ay walang kaalam-alam hinggil sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at gayon din hinggil sa Kanyang mga batas at alituntunin.
102. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Ang Qur’ân ay hindi inimbentong salita na mula sa akin, kundi ito ay kapahayagan na ibinaba ni anghel Jibril na ‘Rûh-ul-Qudus’ (Banal na Espiritu) mula sa iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na totoo at makatarungan; upang patatagin ang mga naniniwala, at bilang gabay mula sa pagkaligaw, at magandang balita para sa mga Muslim, na ang ibig sabihin ay para sa mga sumuko at nagpasailalim sa kagustuhan ng Allâh (I) na ‘Rabb’ ng lahat ng mga nilalang.”
103. At walang pag-aalinlangan, batid Namin ang kanilang mga sinasabi na mga ‘Mushrikûn’ – nagtatambal sa pagsamba sa Allâh (I) o sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) – na: “Katiyakan, natutunan ng Propeta ang Qur’ân mula sa ibang tao.” Sila ay nagsinungaling, dahil katiyakang ang wika ng taong pinagbibintangan nilang nagturo kay Propeta Muhammad (r) ay hindi ‘Arabic’ at hindi nakaiintindi ng wikang ito, samantalang ang Banal na Qur’ân ay wikang ‘Arabic’ at sadyang napakalinaw ang mga kahulugan nito.
104. Katiyakan, ang mga walang pananam-palataya na hindi naniwala sa Banal na Qur’ân ay hindi gagabayan ng Allâh (I) tungo sa katotohanan, at sa Kabilang-Buhay para sa kanila ay masidhing kaparusahan.
105. Katiyakan, ang tagapag-imbento ng kasinungalingan ay gawain lamang ng sinumang hindi naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang mga ‘Âyât’ (mga talata, rebelasyon o palatandaan), at sila ang mga yaong sinungaling sa kanilang mga sinasabi; subali’t si Propeta Muhammad (r) naman na tunay na naniwala sa kanyang ‘Rabb’ at nagpasailalim sa Kanyang kagustuhan ay hindi maaaring magsinungaling laban sa Allâh (I) at magsasabi ng salita na hindi talagang sinabi ng Allâh (I).
106-107. Katotohanan, ang tunay na nagsisinungaling laban sa Allâh (I) ay ang sinuman na bumigkas ng salitang paglabag o pagtanggi sa Allâh (I) (‘Kufr’) at tumalikod pagkatapos niyang maniwala, na ang para sa kanya ay pagkamuhi na mula sa Allâh (I), maliban lamang sa sinumang pinilit na pabigkasin ng salitang paglabag sa Allâh (I), na ito ay kanyang binigkas dahil sa kanyang takot na mapahamak subali’t ang kanyang puso ay nananatili pa ring matatag at buo sa tunay na paniniwala at di-natitinag, na kung kaya, hindi siya masisisi hinggil sa bagay na ito, subali’t ang sinumang bumigkas ng salitang paglabag at ito ay maluwag niyang tinanggap sa kanyang kalooban, walang pag-aalinlangan na mapapasakanila ang matinding pagkamuhi mula sa Allâh (I) at masidhing kaparusahan; dahil sa pagpili nila ng makamundong buhay at ng kinang nito, na higit na sinang-ayunan pa nila ang makamundo kaysa sa buhay sa Kabilang-Buhay at ang mga gantimpalang naroroon.
At katiyakang hindi ginagabayan ng Allâh (I) ang mga hindi naniwala at hindi Niya pinapatnubayan tungo sa katotohanan.
108. Sila ang mga yaong isinara ng Allâh (I) ang kanilang mga puso ng paglabag, pagtanggi sa katotohanan at pagpili ng makamundong buhay sa halip na buhay sa Kabilang-Buhay, kaya hindi na makararating sa kanilang mga puso ang Liwanag ng Patnubay, at sila ay naging mga bingi na hindi na nila maririnig ang mga talata ng Allâh (I) at kahit na ito pa ay kanilang marinig ay hindi nila ito uunawain, at sila ay naging mga bulag na di na nila nakikita ang mga katibayan na nagpapatunay sa pagiging Bukod-Tanging ‘Ilâh’ ng Allâh (I) na karapat-dapat lamang sambahin, at sila ang mga yaong nakalimot sa mga inihanda ng Allâh (I) na kaparusahan para sa kanila.
109. Walang pag-aalinlangan, sila sa Kabilang-Buhay ang tunay na talunan at nawasak ang kanilang buhay dahil sila ang mga yaong itinuon ang kanilang buhay sa anumang bagay na naging sanhi ng parusa at pagwasak sa kanila.
110. Pagkatapos, katiyakan, ang iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha para sa mga mahihina sa Makkah na pinarusahan ng mga ‘Mushrikûn,’ na ipinakita nila ang pagsang-ayon sa kanila na mga walang pananampalataya bilang panlabas na pagpapakita lamang at nilinlang nila ang mga ito sa pamamagitan ng pagsabi ng anumang bagay na nais nilang ipasabi sa kanila, subali’t ang kanilang mga puso ay tiyak na panatag sa tunay na paniniwala, at nang sila ay nagkaroon ng pagkakataon na makaligtas ay nangibang-bayan sila sa Madinah, pagkatapos ay nakipaglaban sila sa mga kumakalaban sa Relihiyon ng Allâh (I) at tiniis nila ang hirap ng mga ipinag-uutos; walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha – pagkatapos nilang makapagsisi – ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila.
111. At ipaalaala mo sa kanila, O Muhammad (r), ang Araw ng Muling Pagkabuhay na kung saan sa Araw na yaon ay darating ang isang tao na sisisihin niya ang kanyang sarili at magsasabi ng lahat ng katwiran, at ang Allâh (I) naman ay ipagkakaloob Niya nang buo sa bawa’t tao ang kabayaran ng kanyang nagawa na walang anumang pagkukulang, na hindi Niya daragdagan ang parusa at hindi Niya babawasan ang gantimpala.
112. At nagbigay ang Allâh (I) ng halimbawa ng isang bayan – Makkah – na mapayapa sa anumang panghihimasok ng iba o pakikipaglaban, at kapanatagan sa pamumuhay na dumarating sa kanila ang masaganang pamumuhay na napakadali mula sa iba’t ibang dako, subali’t hindi pinahalagahan ng mga tagaroon ang mga biyaya ng Allâh (I) sa kanila, sa halip sila ay sumamba ng iba at hindi sila tumanaw ng utang na loob sa Allâh (I), kaya sila ay pinarusahan ng Allâh (I) ng taggutom at takot mula sa mga sundalo na ipinadala ng Sugo ng Allâh (r) at ng kanyang mga tagasunod, na tinakot sila; dahil sa kanilang paglabag at maling gawain.
113. At katotohanan na ipinadala ng Allâh (I) sa Makkah ang Sugo na mula sa kanila na ito ay si Propeta Muhammad (r) na kilala nila ang kanyang angkan, ang kanyang pagiging matapat at ang kanyang pagiging mapagkakatiwalaan, subali’t tinanggihan nila ang dala-dalang niyang mensahe at hindi nila pinaniwalaan, na kung kaya, pinarusahan sila ng Allâh (I) ng paghihikahos, taggutom at takot; at napatay ang kanilang mga pinuno sa Labanan sa Badr habang hinahamak nila ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I) at pagharang sa Kanyang Daan.
114. Na kung kaya, kumain kayo, O kayo na mga naniniwala, mula sa ipinagkaloob sa inyo na mga kabuhayan, na ginawa Niya ang pagpapahintulot nito sa inyo bilang malinis, at tumanaw kayo ng utang na loob sa mga Biyaya ng Allâh (I) sa inyo sa pamamagitan ng pagpapasalamat (o pagtangkilik) nito at paggasta nito bilang pagsunod sa Allâh (I), kung talagang taos-puso ang inyong pagsamba sa Kanya at Siya lamang ang bukod-tangi ninyong sinasamba.
115. Katiyakan, ang ipinagbabawal lamang sa inyo ng Allâh (I) ay ang ‘Maytah’ mula sa hayop – ‘double dead’ (patay na subali’t kinatay pa rin ito) o patay na hayop na hindi nakatay sa tamang pamamaraan, – at ang mga pinatulo na dugo habang kinakatay ang mga hayop, karne ng baboy at anumang kinatay sa pangalan ng iba bukod sa Allâh (I), subali’t magkagayunpaman, ang sinumang napilitan dahil sa kanyang pagkatakot na mamatay at kumain siya mula sa mga ipinagbabawal na ito, na wala siyang layunin sa kanyang sarili ng kusang paglabag at hindi niya lalampasan ang kung ano lamang ang sapat sa kanyang pangangailangan, samakatuwid, walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanya at hindi siya parurusahan sa kanyang nagawa.
116. Huwag ninyong sabihin – O kayong mga nagtatambal sa pagsamba sa Allâh (I) – bilang pagsisinungaling na sinasabi ng inyong mga dila; na ito ay ipinahihintulot samantalang ipinagbabawal naman, at ito ay ipinagbabawal samantalang ito ay ipinahihintulot ng Allâh (I); dahil nag-iimbento kayo laban sa Allâh (I) ng kasinungalingan sa pamamagitan ng pagtangi ninyo para sa Allâh (I) ng mga bagay na kayo ang nagpahintulot at nagbawal. Katiyakan, ang mga yaong nag-imbento ng kasinungalingan laban sa Allâh (I), kailanman ay hindi sila magtatagumpay ng kahit na anumang kabutihan dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.
117. Isang pansamantalang kaligayahan ang para sa kanila rito sa daigdig na may hangganan na napakaliit, subali’t sa Kabilang-Buhay ay mararanasan nila ang napakasidhing kaparusahan.
118. At para sa mga Hudyo ay ipinagbawal Namin ang anumang naihayag Naming una sa iyo noon, O Muhammad (r), na ito ay ang lahat ng hayop na may kuko at taba ng baka at tupa maliban na lamang sa anumang taba na nakadikit sa likuran nito o taba na nakadikit sa bituka nito, o di kaya ay nakadikit sa buto nito.
At hindi Namin sila dinaya sa pamamagitan ng pagbabawal sa kanila ng mga ito, subali’t sila mismo ang nandaya sa kanilang mga sarili at nanghamak dahil sa ginawa nilang pagtanggi at paghihimagsik laban sa Allâh (I), na kung kaya, karapat-dapat lamang sa kanila na ipagbawal ang mga ito bilang kaparusahan sa kanila.
119. Pagkatapos ang iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, samakatuwid, para sa mga yaong nakagawa ng mga pagkakasala habang sila ay nasa kamangmangan na hindi nila alam ang magiging bunga nito at pagdudulot nito ng pagkamuhi ng Allâh (I) – sa lahat ng nagkasala sa Allâh (I), nagkamali man o sinadya, sa ganitong kadahilanan ay itinuturing siyang mangmang kahit alam pa niya ang pagbabawal nito – pagkatapos sila ay nagbalik-loob sa Allâh (I) at iniwasan ang anuman na kanilang kinagawian na pagkakasala at itinuwid ang kanilang mga sarili at mga gawain, katotohanan ang inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha – pagkatapos nilang makapagsisi at magpakatuwid – ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa kanila, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal.
120-122. Katiyakan, si Ibrâhim (u) ay isang pinuno ng kabutihan at masunurin na nagpapasailalim sa kagustuhan ng Allâh (I), na hindi siya lumilihis sa Relihiyon ng Islâm, naniniwala sa Kaisahan ng Allâh (I) na hindi siya sumasamba ng iba bilang pagtatambal sa Allâh (I), na siya ay nagpapasalamat sa mga Biyaya ng Allâh (I) sa kanya, pinili siya ng Allâh (I) sa Kanyang mensahe at itinuro sa kanya ang Matuwid na Landas na ito ay ang Islâm.
At ipinagkaloob Namin sa kanya rito sa daigdig ang kabutihan na siya ay pupurihin ng mga darating na henerasyon (hanggang sa kahuli-hulihan) at ituturing na huwaran at magandang halimbawa, at pinagkalooban din siya ng ulirang anak, at katiyakan, siya sa katotohanan sa Kabilang-Buhay ay kabilang sa mga mabubuti na nagmamay-ari ng mga matataas na antas ng mga tahanan sa Hardin (‘Al-Jannah’).
123. Pagkatapos ay ipinahayag Namin sa iyo, O Muhammad (r), na sundin mo ang Relihiyong Islâm na katulad ng pagsunod ni Ibrâhim (u), at magpakatuwid ka sa Relihiyong ito at huwag kang lumihis, dahil walang pag-aalinlangan, si Ibrâhim ay hindi kabilang sa mga nagtatambal sa pagsamba sa Allâh (I).
124. Katiyakan, ginawa lamang ng Allâh (I) ang paggalang sa araw ng ‘Sabbath’ upang ibukod-tangi ang araw na ito sa pagsamba para sa mga Hudyo na (hinggil) rito sila ay nagkakasalungatan sa kanilang mga Propeta, at pinili nila ang araw ng ‘Sabbath’ bilang kapalit ng ‘Jum`ah’ (Biyernes), na ang araw na ito (‘Jum`ah’) ang talagang ipinag-utos sa kanila na igalang.
Walang pag-aalinlangan, ang iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, O Muhammad (r), ang Siyang magpapasiya sa pagitan ng mga hindi nagkasundo sa Araw ng Muling Pagkabuhay sa anumang kanilang hindi pinagkasunduan hinggil sa kanilang mga Propeta, at gagawaran ang bawa’t isa ng anuman na karapat-dapat para sa kanya.
125. Hikayatin mo, O Muhammad (r), ikaw at ang sinumang sumunod sa iyo, ang mga tao tungo sa Relihiyon ng iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha at Matuwid Niyang Landas, sa pinakamagandang pamamaraan na ipinahayag ng Allâh (I) sa iyo sa Aklat at sa ‘Sunnah,’ at makipag-usap ka sa mga tao sa pinakawastong pamamahayag, at payuhan mo sila ng pinakamagandang pagpapayo, na magiging kahali-halina sa kanila ang pagsagawa ng kabutihan, at ilayo mo sila sa kasamaan, at mangatwiran ka sa kanila sa pinakamahusay na pamamaraan ng pangangatwiran na ito ay malumanay at banayad.
Dahil ang tungkulin mo lamang ay iparating sa kanila ang mensahe, at katiyakang ito ay naiparating mo na, subali’t ang paggabay sa kanila ay bukod-tangi na karapatan lamang ng Allâh (I), na Siyang Ganap na Nakaaalam kung sinuman ang naligaw mula sa Kanyang Daan at Ganap na Nakaaalam sa mga ginabayan.
126. At kung nais ninyo, O kayong mga mananampalataya, na gumanti sa sinumang nakagawa ng anumang bagay na masama laban sa inyo, ay huwag kayong magmalabis na hihigitan pa ninyo ang igaganti ninyo sa kanilang ginawa, at kung kayo ay magtitiis, ito ay mas higit na makabubuti para sa inyo rito sa daigdig bilang tagumpay, at sa Kabilang-Buhay naman ay dakilang gantimpala ang mapapasainyo.
127. At tiisin mo, O Muhammad (r), ang anumang nangyayari sa iyo na paghihirap nang alang-alang sa Allâh (I) hanggang dumating sa iyo ang kaginhawahan, at ang pagtitiis mo ay para lamang sa Allâh (I) dahil Siya ang tutulong sa iyo at patatatagin ka, at huwag kang malungkot sa sinumang lumabag sa iyo at di-tumanggap ng iyong paanyaya, at huwag mong ikabahala ang kanilang pakana at pag-iimbot; dahil ang ganti nito ay babalik rin sa kanila bilang masama at kapahamakan.
128. Katotohanan, ang Allâh (I) ay kasama ng mga yaong naging maingat na di makagawa ng kahalayan at malalaking pagkakasala, kasama ang Kanyang pagtulong at pag-agapay, at kasama ng yaong higit na mas minabuti nila ang pagsagawa ng mga ipinag-uutos at pagpapatupad ng Kanyang mga karapatan at pagpanatili sa pagsunod sa Kanya, sa pamamagitan ng Kanyang tulong, gabay at pagtatagumpay.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment