66
LXVI – Sûrat At-Tahrîm
[Kabanata At-Tahrîm – Ang Pagbabawal o Pagpipigil]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. O Propeta, bakit mo ipinagbabawal sa iyong sarili ang bagay na ipinahintulot ng Allâh (I) sa iyo, na naghahangad ka na palugurin ang inyong mga asawa sa pamamagitan ng pagkakait mo sa iyong sarili ng bagay na ipinahintulot sa iyo? At ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa iyo.
2. Katiyakan, itinala ng Allâh (I) na batas sa inyo, O kayong mga mananampalataya, ang kalutasan bilang panghalili sa inyong ginawang panunumpa, na ito ay: pagpapakain ng sampung mahihirap, o di kaya ay pagdaramit sa kanila, o di kaya ay pagpapalaya ng isang alipin na babae, at sinuman ang hindi makagagawa ng mga nabanggit ay mag-ayuno siya ng tatlong araw. At ang Allâh (I) ay Tagapangalaga sa inyo, at Siya ay ‘Al-`Aleem’ – Ganap na Nakababatid sa anumang ikabubuti ninyo kaya ito ay ipinag-utos sa inyo, na ‘Al-Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang mga salita at mga gawa.
3. At noong nagsabi ng lihim ang Propeta sa kanyang asawa na si Hafsah, at nang ikinuwento niya ito kay A`ishah, ay ipinabatid ng Allâh (I) sa kanya ang pagbunyag na ginawa ni Hafsah sa kanyang lihim, na kung kaya, ipinaalam niya kay Hafsah ang ilan sa ibinunyag nito at hindi na niya sinabi ang iba pa bilang paggalang kay Hafsah, at nang sinabi niya sa kanya ang ilan sa ibinunyag niyang lihim, kanyang sinabi: “Sino ang nagsabi nito sa iyo?” Kanyang sinabi: “Ang nagsabi nito sa akin ay ang Allâh (I) na ‘Al-`Aleem’ – ganap na Nakaaalam, na ‘Al-Khabeer’ – ang Pinakadalubhasa na Ganap ang Kanyang Kagalingan na Nababatid Niya nang ganap ang lahat na walang anuman ang naililihim sa Kanya.”
4. At kung magbabalik-loob kayong dalawa sa Allâh (I), dahil katotohanang ang isa sa inyo ay nararapat na humingi ng kapatawaran sa Allâh (I) dahil sa kanyang pagkagusto sa anumang bagay na di-naiibigan ng Sugo ng Allâh (r) na ito ay ang pagbunyag ng kanyang lihim, at kapag kayo ay nagtulungan sa ikasasama niya (Sugo ng Allâh), katiyakan, ang Allâh (I) ay kanyang Tagapangalaga at Tagapagtulong, at si Jibril (u), at ang mga mabubuti sa mga mananampalataya; at pagkatapos ng pangangalaga at pagtulong ng Allâh (I) ay ang mga anghel ang kanyang mga kakampi na tumutulong sa sinumang kumakalaban sa kanya.
5. Maaaring ang ‘Rabb’ na Tagapaglikha ni Muhammad, O kayo na kanyang mga asawa, kung hiniwalayan niya kayo ay pagkakalooban siya bilang kapalit ninyo ng mga asawa na magpapasailalaim sa kagustuhan ng Allâh (I), na naniniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, na sumusunod sa Allâh (I), at nagbabalik-loob, at nagsisipagtungo sa anumang kalugud-lugod sa Allâh (I) bilang pagsunod sa Kanya, mga palagian sa kanilang pagsamba sa Kanya, na mga nag-aayuno, at mayroon sa kanila ang dating nakapag-asawa at mga dalaga.
6. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo, pangalagaan ninyo ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ipinag-uutos ng Allâh (I) at pag-iwas sa Kanyang mga ipinagbabawal sa inyo, at pangalagaan ninyo ang inyong pamilya na tulad ng pangangalaga ninyo sa inyong mga sarili mula sa Impiyernong-Apoy na ang panggatong ay mga tao at bato, na ang mga nagpaparusa roon na nasa Impiyerno ay mahihigpit na mga anghel at masisidhi sa kanilang pagpaparusa, at hindi nila nilalabag ang anumang ipinag-utos ng Allâh (I) sa kanila, at ipinatutupad nila ang anumang ipinag-utos sa kanila.
7. At sasabihin sa mga di-naniwala sa Kaisahan ng Allâh (I) at tumanggi sa Kanya habang sila ay ipinapasok sa Impiyerno: “Huwag na kayong mangatwiran ngayon; dahil pinagbabayad lamang kayo sa anuman na inyong ginawa sa daigdig.”
8. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Magbalik-loob kayo tungo sa pagsunod sa Allâh (I) sa pamamagitan ng pag-iwas nang taimtim sa anumang pagkakasala na inyong nagawa, na ang layunin ay hindi na ninyo babalikan pa ang pagkakasalang yaon; upang ang Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay buburahin sa inyo ang anuman na inyong nagawang mga kasalanan, at papapasukin kayo sa mga Hardin na umaagos ang mga ilog sa ilalim ng mga palasyo nito sa Araw na hindi ipahihiya ng Allâh (I) ang Propeta at ang mga yaong naniwala sa Allâh (I) na kasama niya, at sila ay hindi parurusahan bagkus ay itataas ang kanilang mga antas. Ang kanilang liwanag ay pumaparoon sa kanilang harapan at sa kanilang gawing kanan, na kanilang sinasabi: “O Allâh (I) na aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Gawin Mong ganap sa amin ang aming liwanag hanggang kami ay makalampas sa ‘Sirât,’ at gabayan kami tungo sa ‘Al-Jannah’ (Hardin), at pagkalooban Mo kami ng kapatawaran. Katiyakan, Ikaw ay ‘Qadeer’ – Ganap na Makapangyarihan sa lahat ng bagay.”
9. O Propeta! Makipaglaban ka sa mga yaong walang pananampalataya at lantaran ang kanilang pagtanggi, at makipaglaban ka sa kanila nang patayan, at makipaglaban sa mga mapagkunwari na inilihim nila ang kanilang di-paniniwala habang ginagawa nila sa panlabas ang alituntunin ng Islâm, at maging mabalasik ka at matapang sa pakikipaglaban sa kanila, at ang kanilang patutunguhan sa Kabilang-Buhay ay Impiyernong-Apoy na napakasamang patutunguhan.
10. Nagbigay ang Allâh (I) ng halimbawa hinggil sa kalagayan nila na mga walang pananampalataya – sa kanilang pakikisalamuha sa mga Muslim at pakikipag-ugnayan sa kanila, at ito ay hindi makapagbibigay ng anumang pakinabang sa kanila dahil sa hindi nila paniniwala sa Allâh (I) – na katulad ng kalagayan ng asawa ng Propeta ng Allâh na si Nûh at asawa ng Propeta ng Allâh na si Lût: dahil sa ang dalawang kababaihan na ito ay nasa ilalim ng pagiging asawa ng dalawa sa Aming mga alipin na mga mabubuti, subali’t pareho nilang ipinagkanulo sina (Propeta Nûh at Propeta Lût) sa ‘Deen’ ng Allâh (I), dahil katotohanang sila ay hindi naniwala sa Allâh (I), na kung kaya, wala silang anumang magagawa at hindi sila maipagtatanggol ng dalawang Sugo ng Allâh na ito, upang iligtas sila sa kaparusahan ng Allâh (I), at sasabihin sa dalawang kababaihan na asawa nila: “Pumasok kayo sa Impiyerno, kasama ng mga yaong pumapasok.” Dito sa halimbawang ito ang katibayan na ang pagiging malapit sa mga Propeta at pagiging mabubuti ay hindi kailanman magiging kapaki-pakinabang sa mga gumagawa ng kasamaan at tumanggi sa katotohanan.
11. At nagbigay (din) ng halimbawa ang Allâh (I) hinggil sa katayuan ng mga mananamapalataya na sila ay naniwala sa Allâh (I) at sumamba sa Kanyang Kaisahan at sumunod sa Kanyang batas, na katotohanang hindi magiging kapahamakan sa kanila ang kanilang ugnayan sa mga walang pananampalataya na tulad ng asawa ni Fir`âwn na siya ay nasa ilalim ng pagiging asawa ng pinakamatindi na tumanggi sa paniniwala sa Allâh (I), at siya naman ay naniwala sa Allâh (I) noong kanyang sinabi: “O Allâh (I) na aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Itayo Mo ako ng tahanan mula sa Iyo sa ‘Al-Jannah’ (Hardin), at iligtas Mo ako mula sa pangungutrol ni Fir`âwn at mula sa anuman na kanyang masamang ginagawa, at iligtas Mo ako mula sa mga sumunod sa kanya sa kanilang pagiging masama at pagkaligaw, at mula sa Iyong kaparusahan.”
12. At nagbigay pa rin ang Allâh (I) ng halimbawa hinggil sa mga yaong naniwala na tulad ni Maryam na anak na babae ni `Imrân na pinangalagaan ng Allâh (I) ang kanyang kapurihan, at inilayo Niya sa mga kahalayan at pakiki-apid, at inutusan ng Allâh (I) si Anghel Jibril na ihinga ang ‘Rûh’ (o Ispiritu) sa bukas na damit na nasa gawing bahagi ng kanyang dibdib, at nakarating ang pag-ihip na ito sa kanyang sinapupunan at pinagdalang-tao niya si `Îsã (isinaling Hesus ang kanyang pangalan), at pinaniwalaan niya ang mga kautusan ng Allâh (I) na kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at sinunod niya ang mga batas na Kanyang itinala sa Kanyang mga alipin, at ang Kanyang mga Aklat na Kanyang ipinahayag sa Kanyang mga Sugo, at siya ay kabilang sa mga sumusunod sa Kanya.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment