Sunday, May 16, 2010

Sûrat Al-Jâthiyah

45
XLV – Sûrat Al-Jâthiyah
[Kabanata Al-Jâthiyah – Ang Paninikluhod]

بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Hâ-Mĩm – Ang mga titik na ito ng ‘Arabic’ ay nauna nang naipaliwanag sa ‘Sûratul Baqarah.’

2. Ito ang Qur’ân na ibinaba mula sa Allâh (I) na ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan, na Ganap na Makapangyarihan sa Kanyang pagpaparusa sa sinumang kumakalaban sa Kanya, na ‘Al-Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang pangangasiwa sa Kanyang mga nilikha.

3. Katiyakan, sa mga pitong kalangitan na kung saan doon nagmumula ang pagbababa ng ulan, at sa kalupaan na kung saan dito nagmumula ang mga nilikha, ay mga katibayan at palatandaan para sa mga mananampalataya.

4. At sa paglikha sa inyo, O kayong mga tao, at sa paglikha ng anumang kumakalat sa ibabaw ng kalupaan na mga gumagalaw (gumagapang o lumalakad) na mga nilikhang bagay ay mga palatandaan at katibayan sa mga taong tiyak sa kanilang paniniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang batas.

5. At sa pagsasalit-salitan ng gabi at araw sa inyo, at sa pagpababa ng Allâh (I) mula sa kalangitan ng ulan upang buhayin sa pamamagitan nito ang patay (tuyot) na kalupaan, at pagkatapos ito ay gagalaw sa pamamagitan ng pagsibol ng mga halamanan at mga pananim, at sa pagpabaha-bahagi ng hangin sa inyo mula sa lahat ng dako na ang pamamahagi nito ay kapaki-pakinabang sa inyo, ay walang pag-aalinlangang mga katibayan at palatandaan sa mga taong ginagamit ang kanilang kaisipan hinggil sa Allâh (I) sa Kanyang mga katibayan at mga palatadaan.

6. Itong mga talata at mga katibayan na binibigkas Namin sa iyo, O Muhammad, ay katotohanan, na kung kaya, ano pa ba ang salita pagkatapos ng salita ng Allâh (I) at ang Kanyang mga talata at Kanyang mga katibayan na nagpapatunay ng Kanyang Kaisahan ang kanilang pinaniniwalaan at sinusunod?

7. Kapighatian o kapahamakan at matinding pagkawasak sa sinumang maraming ginawang kasinungalingan at kasalanan.

8. Na naririnig niya ang mga talata ng Aklat ng Allâh (I) na binibigkas sa kanya, pagkatapos ay patuloy pa rin siya sa kanyang di-paniniwala, pagmamataas sa kanyang sarili sa pamamagitan ng di-pagpapasailalim sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, na para bagang hindi niya narinig ang mga binibigkas na mga talata ng Allâh (I) sa kanya. Kung gayon, ipamalita mo, O Muhammad, sa kanya na matindi ang kasinungalingan at kasalanan, ang masidhing kaparusahan sa Impiyernong-Apoy sa Araw ng Muling Pagkabuhay

9. At kapag nabatid niya na matindi ang kasinungalingan at kasalanan, ang anuman sa mga talata ng Allâh (I) ay ituturing niya ito na may pangungutya at panlalait. Ang para sa kanila ay parusa na hahamak sa kanila at ipahihiya sila sa Araw ng Muling Pagkabuhay bilang kabayaran sa panlalait na kanilang ginawa sa Qur’ân.

10. Sa harapan nila na mga nanlalait sa Banal na Qur’ân ay Impiyerno, at wala silang pakinabang sa anumang nakamtan nila na kayamanan at anak, at ganoon din sa kanilang mga diyus-diyosan na sinamba bukod sa Allâh (I) na itinuring nilang mga tagapangalagang kaibigan, at para sa kanila ang matindi at masidhing kaparusahan.

11. Itong Qur’ân na ipinahayag sa iyo, O Muhammad, ay gabay mula sa pagkaligaw, at katibayan para sa katotohanan, na nagpapatnubay tungo sa Matuwid na Landas sa sinumang susunod at gagawa ng mga ipinag-utos nito, at ang mga yaong binalewala nila ang anumang nasa loob ng Banal na Qur’ân na mga katibayan na nagpapatunay sa katotohanan at hindi nila pinaniniwalaan, ang para sa kanila ay parusa na pinakamasamang parusa at masidhi sa Araw ng Muling Pagkabuhay.

12-13. Ang Allâh (I) ay Siyang lumikha ng karagatan para sa inyong kapakinabangan; upang maglayag ang mga sasakyang pandagat dito sa pamamagitan ng Kanyang kagustuhan, at upang makamtan ninyo mula sa Kanyang kagandahang-loob ang inyong mga mithiin na iba’t ibang uri ng kalakal at pagkakakitaan, nang sa gayon ay tatanaw kayo ng utang na loob sa Allâh (I) na inyong Tagapaglikha sa paglikha Niya nito para sa inyong kapakinabangan, at sambahin ninyo Siya nang bukod-tangi, at sundin ninyo Siya sa anumang ipinag-uutos Niya sa inyo at sa ipinagbabawal Niya sa inyo, at nilikha Niya para sa inyong kapakinabangan ang lahat ng mga nasa kalangitan: ang araw, buwan at mga bituin, at ang lahat ng nasa kalupaan na mga gumagapang (o lumalakad), mga puno, mga sasakyang pantubig at iba pa, para sa inyong mga kapakinabangan.

Ang lahat ng ito ay mga biyaya na ipinagkaloob Niya sa inyo mula sa Allâh (I) na Bukod-Tangi, at pinili kayo sa pagbibigay ng kagandahang-loob na ito, na kung kaya, sambahin ninyo Siya at huwag kayong magturing ng anumang katambal sa pagsamba sa Kanya. Katiyakan, sa anumang nilikha ng Allâh (I) para sa inyong kapakinabangan ay mga palatandaan at katibayan na nagpapatunay sa Kanyang Kaisahan para sa mga taong nag-iisip at pinag-aaralan ang mga talata ng Allâh (I) at mga katibayan at mga palatandaan, nang sa gayon ay magiging aral ito sa kanila.
14. Sabihin mo, O Muhammad, sa mga yaong naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo, na magpatawad sila, at pabayaan na nila ang mga yaong hindi naghahangad ng gantimpala ng Allâh (I), at hindi natatakot sa kaparusahan ng Allâh (I) kapag ang mga ito ay nakagawa ng anumang pagpapahirap, pasakit at hindi kanais-nais na gawain sa mga mananampalataya sa Allâh (I); dahil ang Allâh (I) ang magtutumbas sa kanila na mga sumamba ng iba bukod sa Kanya, sa kanilang nagawa sa daigdig na kasalanan at mga pagpapahirap sa mga mananampalataya.

15. Sinuman ang gagawa mula sa mga alipin ng Allâh ng pagsunod sa Kanya ay para rin lamang sa kanyang sarili ang kapakinabangan ng kanyang gawain, at sino naman ang gumawa ng kasamaan sa daigdig na paglabag sa Allâh (I) ay hinamak niya at ito ay laban lamang sa kanyang sarili. Pagkatapos katiyakan, O kayong mga tao, ay tutungo sa Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha pagkatapos ng inyong kamatayan, at tutumbasan Niya ang mabuti na kanyang nagawa ng kabutihan at ang masama ng kasamaan.

16. At katiyakan, ipinagkaloob Namin sa mga angkan ni Isrâ`il ang ‘Tawrah’ at ang ‘Injeel’ at inutusan sila na ito ay kanilang ipatutupad, at ginawa Namin na karamihan sa mga Propeta ay nagmula sa lahi ni Ibrâhim at ipinadala rin sa kanila, at pinagkalooban Namin sila ng mga mabubuting kabuhayan, mga pagkain at mga bunga, at higit na mas pinili Namin sila kaysa sa ibang mga tao sa kanilang kapanahunan.

17. At ipinagkaloob Namin sa mga angkan ni Isrâ`il ang mga malilinaw na batas sa pagpapahintulot at pagbabawal, at mga palatandaan na nagpapatunay sa pagitan ng tama at kamalian, at hindi sila nagkasalungatan maliban na lamang noong pagkatapos nang dumating sa kanila ang kaalaman, at naitatag ang katibayan laban sa kanila, at nagawa nila ang ganitong kadahilanan dahil sa inggit at pagmamalabis nila sa isa’t isa; sa paghahangad ng posisyon at pamumuno.

Katiyakan, ang Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, O Muhammad, ang huhukom sa pagitan ng mga nagkasalungatan mula sa angkan ni Isrâ`il sa Araw ng Muling Pagkabuhay sa anuman na hindi nila pinagkasunduan sa dagidig. Ang talatang ito ay babala sa sambayanan na ito sa paggaya nila sa paglabag ng angkan ni Isrâ`il.

18. Pagkatapos ay ginawa ka Namin, O Muhammad, na nasa malinaw na alituntunin ng ‘Deen’ (o Relihiyon), na kung kaya, sundin mo ang batas na itinala Namin sa iyo, at huwag mong sundin ang kagustuhan ng mga mangmang na walang alam sa batas ng Allâh (I) at hindi gumagawa ng tama at hindi sumusunod sa katotohanan. Sa talatang ito ang katibayan sa pagbubuo ng ‘Deen’ na ito at pag-uutos sa pagpapasailalim sa batas na ito, paglayo sa kagustuhan ng mga hindi naniniwala sa Allâh (I).

19. Katiyakan, sila na sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) na lumikha sa kanila, na inaanyayahan ka nila na sumunod sa kanilang kagustuhan, kailanman ay hindi ka nila maililigtas, O Muhammad, sa anumang parusa ng Allâh (I) kung susundin mo ang kanilang kagustuhan, at katiyakang ang mga masasama na lumampas sa hangganan na itinakda ng Allâh (I), na mga mapagkunwari, mga Hudyo at iba pa ay nagtutulungan sila sa isa’t isa laban sa mga naniwala sa Allâh (I) at sa mga sumusunod sa Kanya, subali’t ang Allâh (I) ay Tagapangalaga na Siyang tutulong sa mga may ‘Taqwâ’ – may takot sa kanilang Tagapaglikha – sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang ipinag-uutos at pag-iwas sa Kanyang ipinagbabawal.

20. Itong Banal na Qur’ân na ipinahayag sa iyo, O Muhammad, ay malinaw na kapaliwanagan at katibayan sa sangkatauhan ng katotohanan mula sa kamalian, at matututunan nila na mga may tiyak na paniniwala sa katotohanang (Banal na Qur’ân) ito ang Daan ng Patnubay, Gabay at Awa, na walang pag-aainlangang ito ay ipinahayag mula sa Allâh (I) na ganap na Makapangyarihan at ganap na Maalam.

21. Subali’t iniisip ba ng mga gumawa ng kasalanan, at di-naniwala sa mga Sugo ng Allâh, at lumabag sa kagustuhan ng Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at sumamba ng iba, na ipapantay Namin sila sa mga yaong naniwala sa Allâh (I) at naniwala sa Kanyang mga Sugo na gumawa ng mga kabutihan, at naging taos-puso sila sa pagsamba sa Kanya at wala nang iba, na gagawin ba Namin silang magkakaparehas dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay? Napakasama ng kanilang ginawang paghatol sa pamamagitan ng pagpantay nila sa mga masasama at mabubuti sa Kabilang-Buhay.

22. At nilikha ng Allâh (I) ang mga kalangitan at kalupaan nang makatotohanan at makatarungan, at nang buong karunungan; upang tutumbasan Niya ang bawa’t may buhay sa Kabilang-Buhay sa anuman na kanyang nagawa mabuti man o masama, at sila ay hindi dadayain sa kabayaran ng kanilang ginawa.
23. Nakikita mo ba, O Muhammad, siya na itinuring niya ang kanyang pagnanasa (kagustuhan) bilang kanyang diyos na sinasamba, na kapag ginusto ng kanyang pagnanasa ay agad na ginagawa niya ito, at iniligaw siya ng Allâh (I) pagkatapos makarating sa kanya ang kaalaman at maitatag ang katibayan laban sa kanya, na hindi niya pinakikinggan ang mga pagpapayo ng Allâh (I) at hindi niya ito itinuring na aral, at isinara ang kanyang puso, na kung kaya, wala na siyang maintindihan; at naglagay ng harang sa kanyang mata, na kung kaya, hindi na niya nakikita ang mga palatandaan ng Allâh (I)? At sino pa ba ang makagagabay sa kanya sa katotohanan at patnubay pagkatapos siyang iligaw ng Allâh (I)? Hindi ba kayo nakaaalaala, O kayong mga tao, upang mabatid ninyo na ang sinuman na gawin ng Allâh (I) sa kanya ang ganito, kailanman ay wala nang sinupaman ang makagagabay sa kanya, at kailanman ay wala na siyang matatagpuan para sa kanyang sarili na magmamahal at gagabay? Ang talatang ito ang katibayan sa pagbibigay ng babala na ang sinumang mananampalataya ay hindi maaaring ang kanilang sariling kagustuhan lamang ang masusunod.

24. At sinabi nila na mga ‘Mushrikûn’ – sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I): “Ang buhay ay walang iba kundi ang buhay lamang natin dito sa daigdig habang tayo ay naririto at wala nang buhay maliban dito bilang pagtanggi nila sa pagkabuhay na mag-uli pagkatapos ng kamatayan, at walang makapagwawasak sa atin kundi panahon sa pamamagitan ng pagsasalit-salitan ng gabi at araw sa haba ng buhay; na tinatanggihan nila na mayroong ‘Rabb’ na Tagapagliha na magsasanhi ng kanilang pagkawala at pagkawasak. At sila na mga ‘Mushrikûn’ ay walang anumang kaalaman, kundi ang mga sinasabi nila ay mga haka-haka lamang at walang batayan.”

25. At kapag binigkas sa kanila na mga sumasamba ng iba at hindi naniniwala sa pagkabuhay na mag-uli ang mga malilinaw na mga talata ay wala silang ikakatwiran kundi pagsasabi sa Sugo na si Muhammad: “Buhayin mo, ikaw at ang mga mananampalatayang kasamahan mo, ang aming mga ninuno na namatay na, kung kayo ay tototo sa inyong mga sinasabi.”
26. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad, na sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) at hindi naniwala sa pagkabuhay na mag-uli: “Binigyan kayo ng Allâh (I) ng buhay dito sa daigdig batay sa nais Niyang buhay na para sa inyo, pagkatapos ay sasanhiin Niya na mamatay kayo rito, pagkatapos ay titipunin Niya kayong lahat na mga buhay pagkatapos ng Araw ng Muling Pagkabuhay na walang pag-aalinlangan. Subali’t ang karamihan sa mga tao ay hindi nila batid ang katotohanan na ang Allâh (I) ang magbibigay sa kanila ng buhay pagkatapos ng kanilang kamatayan.”

27. At Pagmamay-ari ng Allâh (I) ang kaharian sa mga pitong kalangitan at kalupaan, ang paglikha nito, pagmamay-ari at pagiging alipin nito sa Kanya. At sa Araw na darating ang pagkagunaw ng daigdig ay bubuhayin Niya na mag-uli ang mga namatay mula sa kanilang mga libingan at sila ay pagbabayarin, at matatalo ang mga hindi naniwala sa Allâh (I) at tinanggihan ang anumang ipinahayag ng Allâh (I) sa Kanyang Sugo na malilinaw na mga talata at malilinaw na mga palatandaan

28. At makikita mo, O Muhammad, sa Araw ng Muling Pagkabuhay ang lahat ng tao sa iba’t ibang relihiyon na naninikluhod sa kanilang mga tuhod bilang pagmamakaawa at pagkaaba, at bawa’t sambayanan ay tatawagin tungo sa talaan ng kanilang mga gawain, at sasabihin sa kanila: “Ngayon ay pagbabayarin na kayo sa anuman na inyong nagawa mabuti man o masama.”

29. Itong Aming talaan ay sasabihin sa inyo ang lahat ng hinggil sa inyo nang makatotohanan na walang anumang nadagdag ni anumang nabawas. Katiyakang Kami ay nag-aatas sa mga tagapagtala na isulat ang lahat ng inyong mga kinagawian na gawin.

30. At ang mga yaong naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo sa daigdig, at sumunod sa Kanyang ipinag-uutos at umiwas sa Kanyang ipinagbabawal ay papapasukin sila ng Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa Kanyang Hardin na Paraiso sa pamamagitan ng Kanyang Awa, at ito ang pinakamalinaw na tagumpay na wala nang hihigit pa na tagumpay pagkatapos nito.

31. Subali’t ang mga yaong tinanggihan ang Kaisahan ng Allâh (I) at di-pinaniwalaan ang Kanyang mga Sugo, sasabihin sa kanila bilang pag-aalipusta: “Di ba ang Aking mga talata ay binibigkas sa inyo sa daigdig, at nagmataas kayo at hindi ninyo pinakinggan at di-pinaniwalaan ito, at kayo ay mga tao na sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I), gumagawa ng mga kasalanan, at hindi naniwala sa Kanyang gantimpala at kaparusahan?”

32. At kapag sinabi sa inyo: “Katiyakang ang pangako ng Allâh (I) na bubuhayin ang tao mula sa libingan ay katotohanan at ang pagkagunaw ng daigdig ay walang pag-aalinlangan,” sinabi ninyo: “Hindi namin alam kung kailan ang oras ng pagkagunaw ng daigdig? At hindi namin inaasahan na ito ay mangyayari kundi ito ay isang kathang-isip lamang at wala kaming kaseguruhan sa aming mga sarili na ang oras ng pagkagunaw ng daigdig ay darating.”
33. At lumitaw na sa kanila na mga di-naniwala sa mga talata ng Allâh (I) ang anuman na kanilang kinagawian na gawin sa daigdig na mga karumal-dumal na gawain, at dumating na sa kanila mula sa Allâh (I) ang kabayaran sa anuman na kanilang ginawang pag-aalipusta.

34. At sasabihin sa kanila na mga di-naniwala: “Ngayon ay pababayaan Namin kayo sa kaparusahan sa Impiyerno na katulad ng pagpapabaya ninyo sa paniniwala sa Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha at di-paghahanda sa inyong pakikipagtagpo sa Araw na ito, at ang inyong hantungan ay Impiyernong-Apoy na wala na kayong mga tagatulong na tutulong sa inyo upang iligtas kayo mula sa kaparusahan ng Allâh (I).

35. Itong parusa na nangyari sa inyo mula sa Allâh (I) ay dahil sa itinuring ninyo at ginawa ninyo ang mga talata ng Allâh (I) at ang Kanyang mga katibayan na mga katatawanan at bilang mga laruan, at nalinlang kayo ng kinang ng buhay sa daigdig, at ngayon ay hindi sila palalabasin sa Impiyerno, at hindi na rin sila ibabalik sa daigdig; upang makapagsisi at gumawa ng kabutihan.

36. Pagmamay-ari ng Allâh (I) na Bukod-Tangi at karapat-dapat lamang na para sa Kanya ang lahat ng papuri sa Kanyang mga biyaya na napakarami at hindi kayang bilangin para sa Kanyang mga nilikha, na Siya ay ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng mga kalangitan at kalupaan na nangangasiwa nito, na ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng lahat-lahat ng mga nilalang.

37. At bukod-tangi lamang sa Kanya ang Kadakilaan, Kamaharlikaan, Kataas-taasan, Kaharian, Kapangyarihan, Kaganapan sa mga kalangitan at kalupaan, at Siya ay ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan na hindi nagagapi, na ‘Al-Hakeem’ – ang Ganap na Maalam sa Kanyang mga salita, mga gawa, pagtatakda at sa Kanyang batas, Kataas-taasan sa Kanya at Kadalisayan na walang sinuman ang may karapatan at karapat-dapat na sambahin bukod sa Kanya.

No comments: