42
XLII – Sûrat Ash-Shûra
[Kabanata Ash-Shûra – Ang Pagsangguni]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Hâ-Mĩm.
2. `Ãyn-Sĩn-Qãf. Ang mga titik na ito ng ‘Arabic’ ay nauna nang naipaliwanag sa ‘Sûratul Baqarah.’
3. Kung paano ipinahayag ng Allâh (I) sa iyo, O Muhammad, ang Banal na Qur’ân na ito ay ganoon din ang mga naunang mga Aklat sa mga Propeta na nauna kaysa sa iyo, at Siya ay ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan sa Kanyang pagpaparusa, na ‘Al-Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang mga salita at mga gawa.
4. Pagmamay-ari ng Allâh (I) na Bukod-Tangi ang anumang nasa mga kalangitan at nasa kalupaan, at Siya ay ‘Al-`Alee’ – ang Kataas-Taasan sa Kanyang Sarili, sa Kanyang Kapangyarihan at Pangunguntrol, na ‘Al-Adheem’ – ang Pinakadakila na Siya ang Nagmamay-ari ng tunay na Kadakilaan at Pagmamataas.
5. Halos magkabiyak-biyak ang mga kalangitan, maging ang bawa’t isa na nasa ibabaw ng kalangitan; dahil sa Kadakilaan ng Allâh (I) na Pinakamahabagin at sa Kanyang Kamaharlikaan, at ang mga anghel ay lumuluwalhati sa pagpuri sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na dinarakila nila Siya bilang Kanyang Kaganapan at bilang paglalayo sa anumang hindi karapat-dapat na para sa Kanya, at humihiling sila sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng kapatawaran para sa mga kasalanan ng sinumang nasa kalupaan na mga naniwala sa Kanya. Dapat mong mabatid na walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) ay ‘Al-Ghafour’ – ang Ganap na Mapagpatawad sa mga kasalanan ng mga naniniwala mula sa Kanyang mga alipin, na ‘Ar-Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila.
6. At ang mga yaong nagturing ng iba bukod sa Allâh (I) ng mga diyus-diyosan na kanilang sinasandalan at sinasamba, ay itinatala ng Allâh (I) sa kanila ang kanilang mga gawain; upang sila ay pagbayarin sa Araw ng Muling Pagkabuhay, at hindi ikaw, O Muhammad, ang ‘wakeel’ o tagapangasiwa sa kanilang gawain, kundi ikaw ay bilang tagapagbabala lamang, at ang tungkulin mo ay pagpaparating lamang ng mensahe at Kami naman ang magtutuos.
7. At kung paano Kami nagpahayag sa mga Propeta na nauna sa iyo ay ganoon din, ipinahayag Namin sa iyo ang Banal na Qur’ân na wikang ‘Arabic’ upang balaan ang pinaka-Ina o pinakasentro ng mga bayan, na ito ay Makkah at ang mga nakapalibot dito, at balaan sila hinggil sa Araw ng Pagtitipun-tipon, na ito ay Araw ng Muling Pagkabuhay na walang pag-aalinlangang darating. At mga tao roon ay dalawang grupo: grupo na papunta sa ‘Al-Jannah’ (Hardin), na sila ay yaong mga naniwala sa Allâh (I) at sinunod ang anumang dala-dala ng Kanyang Sugo na si Muhammad, at isang grupo naman sa kanila ay sa Impiyerno na naglalagablab, na sila ay yaong mga hindi naniwala sa Allâh (I) at nilabag ang anumang dala-dala sa kanila ng Kanyang Sugo na si Muhammad.
8. At kung nanaisin ng Allâh (I) ay mapagsasama Niya ang Kanyang mga nilikha na mga tao sa patnubay at gawin Niya sila na nasa iisang paniniwala lamang na sumusunod sa Kanyang patnubay, subali’t nais Niya na papasukin sa Kanyang Awa ang sinuman na Kanyang nais mula sa Kanyang pinili sa Kanyang mga nilikha. At ang mga masasama laban sa kanilang mga sarili dahil sa kanilang pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I) ay wala silang masasandalan na mangangalaga sa kanila sa Araw ng Muling Pagkabuhay, at wala silang makatutulong na magliligtas sa kanila mula sa kaparusahan ng Allâh (I).
9. Magkagayunpaman ay nagtuturing pa rin ang mga ‘Mushrikûn’ – sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) – ng ibang sinasandalan bukod sa Allâh (I) bilang tagapangalaga, samantalang ang Allâh (I) ay ‘Al-Walee’ – Siya lamang ang Bukod-Tangi na Tagapangalaga na hinihingan ng Kanyang alipin ng pangangalaga sa pamamagitan ng pagsamba at pagsunod sa Kanya, at pinangangalagaan Niya ang Kanyang mga alipin na mga mananampalataya na sila ay iniaalis mula sa kadiliman tungo sa liwanag, at sila ay pinangangalagaan sa lahat ng kanilang pangangailangan, at Siya ang bubuhay ng mga patay sa Araw ng Muling Pagkabuhay, at Siya ay ‘Qadeer’ – Ganap na Makapangyarihan sa lahat ng bagay, na Siya ang may kakayahan na gawin ang lahat ng bagay.
10. At ang anuman na hindi ninyo pinagkakasunduan, O kayong mga tao, hinggil sa inyong ‘Deen’ (o Relihiyon), ay dapat na isinasangguni lamang sa Allâh (I) ang kapasiyahan hinggil dito sa pamamagitan ng Kanyang Aklat at ‘Sunnah’ ng Kanyang Sugo na si Propeta Muhammad, na Siya ay ang Allâh (I) na aking ‘Rabb’ at inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, sa Kanya ko lamang ipinauubaya ang lahat hinggil sa akin, at sa Kanya ko isinasangguni ang lahat ng aking buhay.
11. Ang Allâh (I) ay Siyang lumikha ng mga kalangitan at kalupaan dahil sa Kanyang Kapangyarihan, Kagustuhan at Karunungan, na nilikha Niya para sa inyo mula sa inyong mga sarili ang inyong mga asawa; upang sa pamamagitan nila ay mapanatag kayo, at ginawa Niya para sa inyo ang mga hayop na magkakaparis (lalaki at babae) at pinararami kayo sa pamamagitan ng panganganak, na Siya ay walang katulad at walang maihahambing sa Kanya mula sa anuman na Kanyang mga nilikha, sa Kanyang Sarili, sa Kanyang mga Pangalan, sa Kanyang mga Katangian at sa Kanyang mga Gawain; dahil ang lahat ng Kanyang mga Pangalan ay mabubuti, at ang Kanyang mga katangian ay ganap at dakila, at sa pamamagitan ng Kanyang mga Gawain ay nilikha Niya ang Kanyang mga dakilang nilikha na wala Siyang katulong sa paggawa nito, at Siya ay ‘As-Samee`’ – Ganap na Nakaririnig, na ‘Al-Baseer’ – Ganap na Nakakikita at walang anuman ang naililihim sa Kanya sa mga gawain ng Kanyang mga nilikha at sa kanilang mga sinasabi, at ayon dito sila ay tutumbasan.
12. Siya lamang ang Nagmamay-ari ng mga kalangitan at kalupaan, at nasa pagtatangan ng Kanyang Kamay ang mga susi ng Kanyang Awa at Kabuhayan, at pinaluluwag Niya sa pamumuhay ang sinuman na Kanyang nais mula sa Kanyang mga alipin at hinihigpitan Niya ang sinuman na Kanyang nais. Katiyakan, Siya sa katunayan, na luwalhati sa Kanya ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa lahat ng bagay, na walang anuman ang naililihim sa Kanya sa lahat ng nangyayari sa lahat ng Kanyang mga nilikha.
13. Ipinag-utos ng Allâh (I) sa inyo, O kayong mga tao, mula sa batas ng ‘Deen’ (o Relihiyon) na Kanyang ipinahayag sa iyo, O Muhammad (r), na ito ay Islâm, na katulad ng Kanyang ipinag-utos kay Nûh (u), na ito ay kanyang sundin at ipalaganap, at ganoon din ang ipinahayag Niya kay Ibrâhim (u), Mousã (u) at `Îsã (u) – sila ang limang magigiting na mga Sugo – na itayo ninyo ang ‘Deen’ ng Kaisahan ng Allâh (I), pagsunod at bukod-tanging pagsamba sa Kanya na wala nang iba, at huwag kayong magsalungatan sa ‘Deen’ na ipinag-utos sa inyo, hindi naging katanggap-tanggap sa mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) ang anuman ang iniaanyaya mo sa kanila na Kaisahan ng Allâh (I) at pagsamba nang taos-puso lamang sa Kanya, ang Allâh (I) ay pinipili Niya sa paniniwala sa Kanyang Kaisahan ang sinuman na Kanyang nais mula sa Kanyang nilikha, at ginagabayan Niya sa pagsagawa nito bilang pagsunod sa Kanya ang sinumang nagbabalik-loob sa Kanya.
14. At hindi nagkawatak-watak ang mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) sa kanilang mga paniniwala na sila ay naging iba’t ibang sekta at grupo maliban noong pagkatapos nang dumating sa kanila ang kaalaman at naitatag ang katibayan laban sa kanila, at walang nagtulak sa kanila sa ganitong gawain kundi ang pagiging makasarili at pagmamatigas, at kung hindi lamang nauna ang pasiya ng Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, O Muhammad, na iantala ang kaparusahan sa kanila hanggang sa dumating ang nakatakdang araw, na ito ay Araw ng Muling Pagkabuhay, ay pinagpasiyahan na ng Allâh (I) na madaliin ang kaparusahan sa mga hindi naniwala sa Kanya. At katiyakan, ang mga yaong pinagkalooban ng ‘Tawrah’ at ‘Injeel’ pagkatapos nila na magkasalungatan at tumanggi sa katotohanan ay nasa matinding pag-aalinlangan hinggil sa Islâm, na ang pag-aalinlangan at pagkakasalungatan na nangyari sa kanila ay napakasama.
15. Na kung kaya, tungo sa Matuwid na ‘Deen’ na Kanyang ipinag-utos bilang batas para sa Kanyang mga Propeta at bilang pagpapayo sa kanila, ay anyayahan mo, O Muhammad, ang mga alipin ng Allâh (I) at magpakatuwid ka, na katulad ng ipinag-utos ng Allâh (I) sa iyo, at huwag mong sundin ang mga kagustuhan ng mga yaong nagdududa sa katotohanan at lumihis sa ‘Deen,’ at sabihin mo: “Pinaniwalaan ko ang lahat ng mga Aklat na ibinaba mula sa kalangitan para sa mga Propeta at inutusan ako ng Allâh (I) na aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha na maging makatarungan sa aking paghuhukom sa pagitan ninyo, at ang Allâh (I) ay ang aming ‘Rabb’ at ang inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha.
“Para sa amin ang gantimpala ng aming mga mabubuting gawain at sa inyo naman ang kabayaran ng inyong mga masasamang gawain, na walang pag-aaway at pagtatalu-talo sa pagitan namin at sa pagitan ninyo pagkatapos na naging malinaw ang katotohanan, ang Allâh (I) ay titipunin tayong lahat sa Araw ng Muling Pagkabuhay at doon pagpapasiyahan Niya ang pagitan natin nang makatarungang pagpasiya sa anumang hindi natin pinagkasunduan, at sa Kanya lamang patutungo ang lahat at tutumbasan Niya ang bawa’t isa sa anumang karapat-dapat na para sa kanya.”
16. At ang mga yaong nagtatalu-talo hinggil sa ‘Deen’ ng Allâh (I), na kung saan, si Muhammad ay Aking ipinadala para rito, pagkatapos itong tanggapin ng tao sa kanya at sila ay sumuko, ay walang saysay ang kanilang katibayan at pag-aaway-away at maglalaho roon sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at para sa kanila ay poot mula sa Allâh (I) sa daigdig at sa Kabilang-Buhay ay matinding parusa na ito ay Impiyernong-Apoy.
17. Ang Allâh (I) ay Siyang nagbaba ng Qur’ân at ang lahat ng Aklat, na ipinahayag ang mga ito nang makatotohanan, at ibinaba ang Timbangan (o Batas) na ito ay ang pagiging makatarungan; upang hukuman ang pagitan ng mga tao nang pantay-pantay. At ano ba ang makapagbabatid sa iyo na ang Oras ng pagkagunaw ng daigdig ay malapit nang mangyari?
18. Minamadali ng mga walang pananampalataya ang pagdating ng pagkagunaw ng daigdig; bilang pangungutya at paghamak, samantalang ang mga yaong naniniwala rito ay natatakot sa pagdating nito at katotohanang batid nila na walang pag-aalinlangan ang hinggil dito. Dapat mong mabatid na ang mga yaong nagtatalu-talo hinggil sa pagkagunaw ng daigdig ay nasa malayong pagkakaligaw mula sa katotohanan.
19. At ang Allâh (I) ay ‘Lateef ’ – Pinakadalubhasa at Pinakamabait sa Kanyang mga alipin, niluluwagan Niya sa kabuhayan ang sinuman na Kanyang nais, na hinihigpitan Niya ang sinuman na Kanyang nais ayon sa Kanyang ganap na karunungan, na Siya ay ‘Al-Qawee’ – ang Malakas na Ganap ang Kanyang Lakas, na ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan sa Kanyang pagpaparusa sa mga makasalanan sa Kanya.
20. Ang sinuman ang nagnanais ng gantimpala sa Kabilang-Buhay sa kanyang gawain at ginampanan niya ang kanyang mga tungkulin sa Allâh (I) at gumasta sa pagpapalaganap ng ‘Deen’ (o Relihiyon) ng Allâh (I), ay daragdagan Namin sa kanya ang kanyang mabuting gawa at pararamihin Namin sa kanya ang mabuting gantimpala hanggang sampung katumbas nito, o hanggang sa anuman na nais ng Allâh (I) na karagdagan, at ang sinumang nagnanais sa kanyang gawain ng kapakinabangan dito lamang sa daigdig, ay ipagkakaloob Namin sa kanya ang anuman na ibinahagi Namin na para sa kanya rito, at sa Kabilang-Buhay ay wala na siyang makakamtan na kahit na anumang gantimpala.
21. O mayroon ba sa mga sinasamba ng mga ‘Mushrikûn’ – sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) – sa kanilang pagsamba at pagkaligaw na ginawa para sa kanila na relihiyon na hindi ipinag-utos ng Allâh (I)? Kung hindi lamang sa pasiya ng Allâh (I) at sa Kanyang pagtakda na sila ay hindi muna mamadiliin at hindi minamadali sa kanila ang parusa rito sa daigdig ay nangyari na sa kanila kaagad ang kaparusahan. Katiyakan, ang para sa kanila na mga hindi naniwala sa Allâh (I) sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay matinding kaparusahan.
22. Makikita mo, O Muhammad, ang mga hindi naniwala sa Araw ng Muling Pagkabuhay na natatakot mula sa parusa ng Allâh (I) dahil sa kanilang nagawa rito sa daigdig na masamang gawain, at ang parusa ay katiyakang mangyayari sa kanila at walang pag-aalinlangang ito ay malalasap nila. At ang mga yaong naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanya ay nasa mga hardin at sa mga kaharian na naroroon at sa anumang kaligayahan sa Kabilang-Buhay, at para sa kanila ang anumang kalugud-lugod sa kanilang mga sarili roon mula sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at ang pagkakaloob ng Allâh (I) sa kanila ay kabilang sa Kanyang kagandahang-loob at parangal na hindi kayang isalarawan at hindi kayang arukin ng kaisipan kung gaano ang kadakilaan at pagiging lubos sa kaligayahan na walang pagmamaliw.
23. At itong isinalaysay sa inyo, O kayong mga tao, na kaligayahan at parangal sa Kabilang-Buhay ay magandang balita na ibinabalita ng Allâh (I) sa Kanyang mga alipin na naniwala sa Kanya sa daigdig at sumunod sa Kanya. Sabihin mo, O Muhammad, sa kanila na nag-aalinlangan hinggil sa pagkagunaw ng daigdig mula sa mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) sa iyong sambayanan: “Hindi ako humihingi mula sa inyong kayamanan bilang kapalit sa pag-anyaya ko sa inyo tungo sa katotohanan na dala-dala ko maliban na lamang kung pagkakalooban ninyo ako dahil sa ating relasyong magkakamag-anak at bilang pagpapatibay ng ating ugnayan sa pagitan ko at ninyo.” Ang sinumang nakagawa ng kabutihan ay pararamihin Namin sa kanya ang gantimpala ng sampung doble papataas. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa mga kasalanan ng Kanyang alipin, na ‘Shakour’ – Ganap na Laging Handa na tanggapin ang inyong mga kabutihan at pagsunod sa Kanya.
24. O kanila bang sinasabi na mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I): “Nag-imbento ba si Muhammad ng kasinungalingan laban sa Allâh (I), na kung kaya, ang dala-dala niyang binibigkas sa atin ay inimbento niya lamang sa kanyang sarili?” Kung ginusto ng Allâh (I) ay isasara Niya ang iyong puso, O Muhammad, kung ito ay iyong gagawin. At pinaglalaho ng Allâh (I) ang kamalian at inaalisan Niya ng saysay, at pinatatatag Niya ang katotohanan sa Kanyang mga salita, na hindi napapalitan at hindi nababago, at sa Kanyang Totoong Pangako na hindi nasisira, katiyakang ang Allâh (I), Siya ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa niloloob ng mga puso ng Kanyang mga alipin at walang anuman ang naililihim sa Kanya.
25. At ang Allâh (I) ay Siyang tumatanggap ng pagsisisi ng Kanyang mga alipin kapag sila ay nagbalik-loob sa paniniwala sa Kanyang Kaisahan at pagsunod sa Kanya, at pinatatawad Niya ang mga kasalanan, at batid Niya kung ano ang inyong ginagawa mabuti man o masama, na walang anuman ang naililihim sa Kanya at ayon dito kayo ay tutumbasan.
26. At tinatanggap ng mga naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo para sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha ang anumang pag-anyaya sa kanila na sila ay nagpapasailalim sa Kanya, at dinaragdagan sila mula sa Kanyang kagandahang-loob ng patnubay at doble-dobleng gantimpala. At ang mga hindi naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo ay para sa kanila sa Kabilang-Buhay ang masidhing kaparusahan.
27. At kung ginawa lamang ng Allâh (I) na madali ang kabuhayan para sa Kanyang mga alipin at niluwagan ito sa kanila, ay maghihimagsik sila sa kalupaan sa pamamagitan ng pagsagawa ng kasamaan at pagmamataas, magmamalabis ang iba sa kanila laban sa iba, subali’t ang Allâh (I) ay ibinababa Niya ang kanilang kabuhayan ayon sa kung ano ang nais Niya na sapat lamang para sa kanila. Katiyakan, Siya ay ‘Khabeer’ – Ganap ang Kanyang Kagalingan at Napakahusay sa anumang ikabubuti ng Kanyang mga alipin, na ‘Baseer’ – Ganap na Tagapagmasid sa Kanyang pangangasiwa sa kanilang mga kalagayan.
28. At ang Allâh (I) ay Bukod-Tanging nagbababa ng ulan mula sa kalangitan, pinagkakalooban sila ng tubig-ulan pagkatapos nilang mawalan ng pag-asa na ito ay bababa sa kanila, at ipinamamahagi Niya ang Kanyang Awa sa Kanyang mga nilikha at pinararating Niya sa kanila ang Kanyang Biyaya, na Siya ay ‘Al-Walee’ – Tagapangalaga na inaalagaan Niya ang Kanyang alipin sa pamamagitan ng Kanyang Kagandahang-loob at Kabutihan, na Siya ay ‘Al-Hameed’ – ang Karapat-dapat ng lahat ng papuri na pinupuri sa lahat ng pagkakataon dahil sa Kanyang pangangalaga at pangangasiwa.
29. At kabilang sa Kanyang mga palatandaan na nagpapatunay sa Kanyang Kadakilaan, Kapangyarihan, at Kaharian, ay nilikha Niya ang mga kalangitan at kalupaan nang walang pinaggayahan, at ganoon din ang anuman na mga nakakalat sa dalawang bagay na ito na iba’t ibang gumagapang na may buhay, Siya ay ‘Qadeer’ – Ganap na May Kakayahan na tipunin ang Kanyang nilikha pagkatapos ng kanilang kamatayan sa Araw ng Pagtitipun-tipon kapag ito ay Kanyang ninais, na walang anumang bagay na Kanyang ninais nang hindi Niya makakayanan.
30. At ang anumang nangyari sa inyo, O kayong mga tao, na sakuna sa inyong ‘Deen’ at sa inyong makamundong buhay ay dahil sa inyong nagawang mga kasalanan at kamalian, at pinatatawad sa inyo ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ang karamihan sa inyong mga kasalanan at hindi Niya kayo pinarurusahan.
31. At wala kayong kakayahan, O kayong mga tao, na gapiin ang kapangayarihan ng Allâh (I) sa inyo, at hindi kayo makaliligtas, at walang sinumang tagapangalaga na mangangalaga sa inyo bukod sa Allâh (I), na ipinararating Niya sa inyo ang anuman na inyong pangangailangan at wala kayong sinuman na makatutulong na ililigtas kayo sa anumang kapahamakan bukod sa Kanya.
32-33. At kabilang sa Kanyang mga palatandaan na nagpapatunay ng Kanyang malinaw na kapangyarihan at pangunguntrol ay ang mga malalaking sasakyang pandagat na kasinlaki ng bundok na lumalayag sa karagatan. At kung nanaisin ng Allâh (I) na Siyang nagpapalayag ng mga sasakyang dagat na ito sa karagatan na patigilin ang hangin ay mananatili ito na nakatigil sa ibabaw ng karagatan at hindi lalayag.
Katiyakan, sa paglayag nitong mga sasakyang pandagat at ang pagtigil nito sa karagatan bilang kapangyarihan ng Allâh (I) ay mga paalaala at mga malilinaw na katibayan sa kapangyarihan ng Allâh (I) sa sinumang mapagtiis sa pagsunod sa Allâh (I), at nagpapasalamat sa Kanyang mga biyaya at kagandahang-loob.
34. O di kaya ay wawasakin Niya ang mga sasakyang pandagat na ito sa pamamagitan ng paglubog nito dahil sa mga kasalanan ng mga nakasakay dito, at pinatatawad Niya pa rin ang maraming mga kasalanan at hindi na Niya pinarurusahan.
35. At upang mabatid ng mga nakikipagtalo sa kamalian hinggil sa mga palatandaan na nagpapatunay ng Kaisahan ng Allâh (I) na wala silang kaligtasan at wala silang tatakasan mula sa parusa ng Allâh (I), kapag sila ay pinarusahan dahil sa kanilang mga kasalanan at di paniniwala sa Kanya.
36. At anuman ang ipinagkaloob sa inyo, O kayong mga tao, na kayamanan o di kaya ay mga anak at iba pa ay kabilang sa kasiyahan ng buhay sa daigdig, na panandalian lamang, subali’t ang anumang nasa Allâh (I) na walang hanggang kaligayahan sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) ay mas mabuti at nananatili magpasawalang-hanggan para sa mga yaong naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang mga Sugo at sa mga yaong ipinaubaya nila ang kanilang mga sarili sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha.
37. At ang mga yaong iniiwasan ang mga malalaking kasalanan na ipinagbabawal ng Allâh (I) sa kanila at ang anumang mga kahalayan, kasuklam-suklan na iba’t ibang kasalanan, at kapag sila ay nagalit sa sinumang nakagawa sa kanila ng masama ay pinatatawad nila ang nakagawa ng masama sa kanila, at hindi na nila ginagantihan o pinarurusahan; dahil sa kanilang paghahangad sa gantimpala ng Allâh (I) at Kanyang kapatawaran, at ito ay kabilang sa mga mabubuting pag-uugali.
38. At ang mga yaong sinunod nila ang kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha noong sila ay inanyayahan tungo sa Kanyang Kaisahan at pagsunod sa Kanya, at isinagawa nila ang obligadong pagsa-‘Salâh’ sa tamang kaparaanan at itinakdang oras para rito, at kapag nais nila ang isang bagay ay nagsasanggunian sila sa isa’t isa, at mula sa anumang ipinagkaloob sa kanila na mga kayamanan ay nagbibigay sila bilang kawanggawa sa Daan ng Allâh (I), at ibinibigay nila ang anumang ipinag-utos sa kanila na karapatan ng mga may karapatan nito na obligadong kawanggawa at paggasta at sa iba pang pamamaraan na pinagkakagastahan.
39. At ang mga yaong kapag sila ay inapi at nananalo sila laban sa mga nang-api sa kanila ay hindi sila lumalampas sa kanilang karapatan, at kapag sila ay nagtiis, ang kapalit ng kanilang pagtitiiis ay higit na mabuti at masaganang gantimpala.
40. At ang kabayaran ng masamang gawain ay parusa na katumbas din lamang ng kanyang nagawa na walang karagdagan, subali’t ang sinumang mapagpatawad sa sinumang nakagawa ng kasalanan sa kanya at hindi na niya pinarusahan, at isinaayos na lamang niya ang magandang ugnayan sa pagitan niya at sa sinuman na kanyang pinatawad bilang paghahangad ng kanyang pakikipagharap sa Mukha ng Allâh (I), ay ang gantimpala ng kanyang pagpapatawad ay nasa Allâh (I). Katiyakan, ang Allâh (I) ay hindi nagmamahal sa mga masasama na sila ay ang mga yaong gumawa ng pagmamalabis at kalupitan sa mga tao.
41. At sinuman ang kumuha ng karapatan laban sa nang-api sa kanya pagkatapos siyang apihin, siya ay walang pagkakasala.
42. Sapagka’t ang pinarurusahan lamang ay yaong mga nagmamalabis na gumawa ng kasamaan sa mga tao, na lumalampas sila sa mga hangganan na ipinahintulot sa kanila ng Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha tungo sa bagay na walang kapahintulutan sa kanila at namiminsala sila sa kalupaan nang hindi makatarungan, para sa kanila sa Araw ng Muling Pagkabuhay ang masidhing kaparusahan.
43. At sinuman ang nagtiis sa masamang ginawa sa kanya at pinagtakpan na lamang niya’t pinatawad, katiyakan, ito ay kabilang sa mga dakilang gawain na pinasasalamatan at pinupuri ang gumagawa nito dahil sa ito ay ipinag-utos, at nagtakda ang Allâh (I) para rito ng masaganang gantimpala at papuri.
44. At ang sinuman ang iniligaw ng Allâh (I) mula sa patnubay dahil sa kanyang kasamaan ay wala na siyang makatatagpong tutulong na aakay sa kanya tungo sa daan ng patnubay. At makikita mo, O Muhammad, ang mga hindi naniwala sa Allâh (I) sa Kabilang-Buhay, sa oras makikita nila ang kaparusahan, kanilang sasabihin sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha: “Mayroon pa ba kaming kaparaanan tungo sa pagbabalik sa daigdig; upang maisakatuparan namin ang pagsunod sa iyo?” Subali’t wala nang tutugon sa kanila.
45. At makikita mo, O Muhammad, sila na mga masasama ay ihaharap na nagsusumamo na hamak na hamak na tinitingnan nila ang Impiyerno na nasa matinding pagkatakot at pagdalamhati. At sasabihin ng mga naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo na sila ay nasa ‘Al-Jannah’ (Hardin), kapag nakita na nila ang nangyaring pagkatalo sa mga walang pananampalataya: “Katiyakan, ang tunay na pagkatalo ay ang mga yaong natalo ang kanilang mga sarili at ang kanilang mga pamilya dahil sa pagpasok nila sa Impiyerno sa Araw ng Muling Pagkabuhay.” Dapat ninyong mabatid na ang mga masasama ay nasa walang hanggang kaparusahan sa Araw ng Muling Pagkabuhay, na ito ay wala nang katapusan sa kanila na hindi na ito mawawalay pa sa kanila magpasawalang-hanggan.
46. At walang magiging tagapangalaga ang mga di-naniwala kapag sila ay pinarusahan ng Allâh (I) sa Araw ng Muling Pagkabuhay na tutulong sa kanila upang iligtas sila sa parusa ng Allâh (I). At ang sinuman ang ililigaw ng Allâh (I) dahil sa kanyang di-paniniwala at pagiging masama, ay wala nang kaparaanan pa na magdadala sa kanya tungo sa katotohanan dito sa daigdig at sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) sa Kabilang-Buhay; dahil naharangan na sa kanya ang mga daan ng kaligtasan, at ang patnubay at pagkaligaw ay karapatan lamang ng Allâh (I) at wala nang iba.
47. Sumunod kayo sa Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, O kayong mga tumatanggi, sa pamamagitan ng paniniwala sa Kanya at pagsunod, bago dumating sa inyo ang Araw ng Muling Pagkabuhay na kung saan hindi ninyo ito maaaring mapigilan, at wala kayong mapagkukublihan pa sa Araw na yaon upang makaligtas kayo mula sa parusa, at wala nang lugar pang mapagtataguan ninyo. At nasa talatang ito ang katibayan ng pagiging masama ang ipinagpapaliban ang anumang gawain at nandirito rin ang pag-uutos ng madaliang pagsunod sa anumang mabuting gawa na iniaalok sa isang tao, dahil ang pag-aantala ay sakit at paghaharang.
48. At kapag tumalikod sila na mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) sa paniniwala sa Allâh (I), O Muhammad, ay hindi ka Namin ipinadala bilang tagapagmatyag sa kanilang mga gawain upang kuwentahin mo ito sa kanila, kundi ang tungkulin mo lamang ay magparating ng mensahe. At Kami, kapag pinagkalooban Namin ang isang tao ng biyaya at awa mula sa Amin na katulad ng kayamanan at maluwag na pananalapi at iba pa, ay masisiyahan siya at magagalak, at kapag dumating naman sa kanila ang pagsubok na katulad ng kahirapan, sakit at iba pa dahil sa nagawa ng kanilang mga kamay na mga kasalanan sa Allâh (I), ang ganitong mga tao ay babalewalain ang biyaya at magiging mapagmataas siya at di tatanaw ng utang na loob.
49-50. Pagmamay-ari ng Allâh (I) ang mga kalangitan at kalupaan at ang anumang mga nakapaloob dito, nilikha Niya ang anuman na Kanyang nais na likhain, at pinagkakalooban Niya ang sinuman na Kanyang nais sa Kanyang alipin ng anak na kababaihan at hindi anak na kalalakihan, at ganoon din pinagkakalooban Niya ang sinuman na Kanyang nais ng anak na kalalakihan at hindi anak na kababaihan, at ipinagkakaloob din Niya sa sinuman na Kanyang nais ang anak na lalaki at babae, at ginagawa Niya ang sinuman na Kanyang nais na baog na hindi magkakaanak. Katiyakan, Siya ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa anuman na Kanyang nilikha, na ‘Qadeer’ – Ganap na Makapangyarihan sa paglikha ng anuman na Kanyang nais, at Siya ay Ganap na May Kakayahan na likhain ang anuman na Kanyang nais.
51. At hindi maaari sa sinumang tao mula sa lahi ni Âdam na makipag-usap sa kanya ang Allâh (I) kundi sa pamamagitan ng ‘Wahi’ (o Rebelasyon) na ipinahayag ng Allâh (I) sa kanya, o di kaya ay makikipag-usap ang Allâh (I) sa kanya sa pamamagitan ng ‘Hijâb’ (o harang) o sa likuran ng harang na katulad ng ginawa Niyang pakikipag-usap kay Mousã (u), o di kaya ay magpapadala Siya ng Sugo na katulad ng pagpabababa Niya kay Anghel Jibreel (u) tungo sa sinumang Sugo na Kanyang hinirang (mula sa tao) at ipahahayag niya (Jibreel) sa kapahintulutan ng Allâh (I) na kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha ang kapahayagan na ipinag-utos sa kanya na ipahayag, hindi sa kung ano lamang ang kanyang nais kundi ang anumang nais ng Allâh (I) na ipahahayag niya.
Katiyakan, ang Allâh (I), Siya ay ‘`Alee’ – Kataas-taasan sa Kanyang Sarili, mga Pangalan, mga Katangian at mga Gawain, na walang pag-aalinlangang nakukuntrol Niya ang lahat ng bagay at nagpapasailalim sa Kanya ang lahat ng nilikha, na Siya ay ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang pangangasiwa sa Kanyang mga nilikha.
Nasa talatang ito ang patunay hinggil sa katangian ng Allâh (I) na pakikipag-usap sa pamamaraan na ayon sa Kanyang kamaharlikaan at kadakilaan.
52-53. At kung paano Kami nagpahayag sa mga Propeta na nauna sa iyo, O Muhammad, ay ganoon din, nagpahayag din Kami sa iyo ng Qur’ân na mula sa Amin, na hindi mo batid bago nangyari ang pagkakapahayag na ito ang mga naunang mga Aklat at hindi mo rin batid ang tunay na paniniwala at ang mga batas ng Allâh (I), subali’t ginawa Namin bilang liwanag ang Qur’ân na ito sa sangkatauhan na ginagabayan Namin sa pamamagitan nito ang sinuman na Aming nais mula sa Aming alipin tungo sa Matuwid na Landas. At katiyakang ikaw, O Muhammad, ay magtuturo at maggagabay sa kapahintulutan ng Allâh (I) tungo sa Matuwid na Landas na ito ay Islâm na Daan ng Allâh (I), na Siya ang Nagmamay-ari ng lahat ng nasa loob ng mga kalangitan at ang lahat ng nasa loob ng kalupaan, na wala Siyang kahati sa bagay na ito. Dapat ninyong mabatid na tungo sa Allâh (I), O kayong mga tao, magbabalik ang lahat ng hinggil sa inyo, mabuti man o masama, at tutumbasan Niya ang bawa’t isa sa kanyang nagawa: kung mabuti ay mabuti rin at kung masama ay masama rin.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment