9
IX – Sûrat At-Tawbah
[Ang Pagsisisi]
1. Ito ay paglulunsad mula sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo na pinawawalang-bisa na Niya ang ginawang kasunduan sa mga yaong nakipagkasunduan sa inyo na mga ‘Mushrikin,’ O kayo na mga Muslim!
2. Na kung kaya, malaya kayong maglakbay, O kayong mga ‘Mushrikun’ sa kalupaan sa loob lamang ng apat na buwan na wala kayong pangangambahan na anumang panganib na magmumula sa mga mananampalataya, subali’t dapat ninyong mabatid na walang pag-aalinlangang hindi kayo makaliligtas sa kaparusahan, at katiyakang ang Allâh (I) ay ipapahamak Niya ang mga walang pananam-palataya at ipahihiya Niya rito sa daigdig, at Impiyernong-Apoy ang para sa kanila sa Kabilang-Buhay.
At ang ‘Âyah’ na ito ay patungkol sa mga nagkaroon ng kasunduan na katulad nito na walang limitasyon o roon sa mga nakipagkasundo nang may palugit na hindi aabot ng apat na buwan ay bubuuin ito hanggang sa ito ay maging apat na buwan.
3. At ito ay deklarasyon o paglulunsad mula sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo bilang babala sa sangkatauhan sa dakilang araw ng pagsasakripisyo sa panahon ng ‘Hajj,’ na ang Allâh (I) ay wala nang pananagutan sa mga ‘Mushrikin’ at ganoon din ang Kanyang Sugo – na ang ibig sabihin ay hindi na sila ligtas mula sa mga mananampalataya.
Subali’t kapag kayo ay bumalik sa katotohanan, O kayong mga ‘Mushrikun’ at tinalikuran ninyo ang pagsamba ninyo ng iba bukod sa Allâh (I), ito ang pinakamabuti para sa inyo, at kapag tinanggihan ninyo ang katotohanan at hindi kayo pumasok sa ‘Deen’ ng Allâh (I) ay dapat ninyong mabatid na kayo ay hindi makaliligtas sa parusa ng Allâh (I). Na kung kaya, balaan mo, O Muhammad (r), sila na mga tumanggi sa Islâm hinggil sa masidhing kaparusahan.
4. Maliban na lamang sa mga ‘Mushrikun’ na nakipagkasundo sa inyo nang may hangganan na kasunduan, at hindi nila sinira ang kasunduan, at hindi sila nakipagtulungan sa mga kalaban laban sa inyo, kaya buuin ninyo ang inyong mga kasunduan sa kanila hanggang sa ito ay matapos. Katiyakan, ang Allâh (I) ay minamahal Niya ang mga matatakutin (sa Allâh [I]), na isinagawa nila ang mga ipinag-uutos, na kung kaya, iwasan ninyo ang pagsasagawa ng ‘Shirk’ at ang pagkakanulo (pagtatraydor) at iba pang kasalanan.
5. At kapag natapos na ang apat na buwan bilang palugit ninyo sa mga ‘Mushrikîn,’ ay ideklara na ninyo ang pakikipaglaban laban sa mga kalaban ng Allâh (I), kahit saan man sila naroroon at magsitungo kayo upang lusubin ang kanilang kinalalagyan, at abangan (tambangan) ninyo sila sa kanilang mga daanan, at kapag sila ay nanumbalik at pumasok sa Islâm at sinunod nila ang batas nito, katulad ng pagsasagawa ng ‘Salâh,’ at pagbibigay ng ‘Zakâh,’ ay pabayaan na ninyo sila, dahil sila ay naging kabilang na sa inyong mga kapatid sa Islâm. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa sinumang nagsisisi at nagbabalik-loob, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila.
6. At kapag ang isa sa mga ‘Mushrikîn’ na ipinahintulot sa inyo ang kanilang buhay at kayamanan (na ito ay patungkol sa inyong kalaban) ay humingi ng proteksiyon sa iyo, O Muhammad (r), ay tanggapin (pangalagaan) ninyo ang kanyang kahilingan hanggang marinig niya ang turo at gabay ng Banal na Qur’ân, pagkatapos ay ibalik ninyo siya sa kanyang pinanggalingan; upang magkaroon kayo ng katibayan na naiparating ninyo ang mensahe; dahil ang mga walang pananampalataya ay mangmang sa katotohanan hinggil sa Islâm, at maaaring piliin nila ang Islâm kapag naglaho ang kamangmangan.
7. Hindi maaari na ang mga ‘Mushrikûn’ ay magkaroon ng kasunduan sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, maliban lang sa mga yaong nakipagkasundo sa inyo sa lugar ng ‘Masjid Al-Harâm’ ng kasunduan sa ‘Hudhaybiyyah,’ na kung ang sinumang tutupad sa kanilang kasunduan sa inyo ay tuparin din ninyo sa kanila ang kasunduan bilang katumbas ng kanilang pagtupad sa kasunduan. Katiyakan, ang Allâh (I) ay nagmamahal sa mga matatakutin na tumutupad sa kasunduan.
8. Katiyakan, ang ugali ng mga ‘Mushrikin’ ay tumutupad sila ng kasunduan kung sila ay nagapi, subali’t kapag naramdaman nila na mas higit na malakas sila kaysa sa mga mananampalataya ay wala silang pakialam kung ang kanilang kalaban ay kamag-anak nila o mga nakipagkasundo sa kanila, na kung kaya, huwag kayong magpadala sa kanilang mga magandang pakikitungo sa inyo habang sila ay natatakot sa inyo, dahil sila sa katunayan ay pawang mga salita lamang na lumalabas sa kanilang mga bibig upang masiyahan kayo sa kanila subali’t sa katunayan ay tumatanggi ang kanilang mga puso, at karamihan sa kanila ay naghimagsik laban sa Islâm at mga sumira sa kasunduan.
9. Ipinagpalit nila ang mga talata ng Allâh (I) o mga katuruan ng Allâh (I) sa maliit na halaga lamang na makamundo, na kung kaya, pinigilan nila ang sinumang nagnais na pumasok sa Islâm, kaya napakasama ng kanilang ginawa.
10. Katiyakan, ang mga ‘Mushrikin’ na iyan ay kalaban na tunay ng mga mananampalataya, na kung kaya, walang halaga sa kanila ang relasyon sa dugo at ginagawang kasunduan dahil sila ay lumalampas sa hangganan at nang-aapi.
11. Kung sila ay nagsisi at hindi na sila sumamba ng iba bukod sa Allâh (I) at binigkas nila ang ‘Shahâdah’ at nagbigay sila ng ‘Zakâh’ at sinunod ang batas ng Islâm hinggil sa pagsasagawa ng ‘Salâh’ at pagbibigay ng ‘Zakâh,’ sila ay magiging kapatid ninyo sa Islâm. At ipinahahayag Namin ang mga talata at nililinaw Namin sa mga taong nakaiintindi na makikinabang nito.
12. Kapag nilabag ng mga ‘Mushrikûn’ ang kasunduan nila sa inyo, at siniraan ang inyong Relihiyon (‘Deen’) nang lantaran, ay makipaglaban kayo sa kanila dahil sila na mga pinuno ng pagkaligaw ay walang halaga sa kanila ang kanilang sinumpaan na kasunduan upang itigil nila ang kanilang paglabag o pakikipaglaban sa Islâm.
13. Hindi ba nararapat na hindi kayo magdalawang-isip na makipaglaban sa mga taong sumira sa kanilang mga kasunduan sa inyo, at nagbalak na palayasin sa Makkah ang Sugo ng Allâh (I), at sila ang nag-umpisa ng pang-aapi sa inyo at pang-aatake sa inyo, natatakot ba kayo sa kanila o sa pakikipagharap sa kanila sa labanan? Subali’t ang Allâh (I) ang nararapat ninyong katakutan kung kayo ay tunay na naniniwala.
14-15. O kayong mga mana-nampalataya, makipaglaban kayo sa mga kalaban ng Allâh (I) dahil sila ay pina-rurusahan ng Allâh (I) sa pamamagitan ninyo, at hinahamak sa pamamagitan ng pagkatalo nila at tinutulungan kayo laban sa kanila, at pinangingibabaw Niya ang Kanyang salita at ginagamot (o pinalulubag) ang inyong mga kalooban sa pamamagitan ng pagkatalo nila at pinasiya kayo dahil sa matagal na ninyong kalung-kutan dahil sa pang-aapi ng mga ‘Mushrikin,’ at upang alisin ang galit sa kalooban ng mga mananampalataya. At sinuman ang magbalik-loob mula sa mga lumabag, walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) ay pinapatawad Niya ang sinuman na Kanyang nais. At ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa sinumang tapat sa kanyang pagsisisi, at ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang panukala at paglikha at paglalagay ng batas para sa Kanyang mga alipin.
16. Mula sa panuntunan ng Allâh (I) ang pagsubok, na kung kaya, huwag ninyong isipin, O kayong mga mananampalataya, na kayo ay pababayaan ng Allâh (I) na hindi kayo susubukin; upang palitawin ng Allâh (I) sa pamamagitan nito ang tunay na nagpunyagi sa Daan ng Allâh (I) o nakipaglaban sa mga kumakalaban sa Daan ng Allâh (I) nang taos-puso, at wala silang itinuring na ‘Walîjah’ (kakampi, kaagapay) kundi ang Allâh (I), Kanyang Sugo at ang mga mananampalataya. At ang Allâh (I) ay ‘Khabeer’ – Ganap ang Kanyang Kagalingan na Nababatid Niya at Nakikita ang lahat ng inyong mga ginagawa at batay doon kayo ay Kanyang gagantihan.
17. Hindi kinaugaliaan ng mga ‘Mushrikîn’ na magtayo ng Tahanan ng (pagsamba sa) Allâh (I), samantalang sila ay lantaran sa kanilang paglabag sa Allâh (I) at nagtuturing sila ng mga katambal sa Allâh (I) na sinasamba nila. Sila na mga nagtambal o sumamba ng iba bukod sa Allâh (I) ay walang saysay ang anuman na kanilang mabuting gawa sa Kabilang-Buhay, at ang kanilang patutunguhan ay Impiyernong-Apoy magpasawalang-hanggan.
18. At walang sinuman ang nagpapanatili, nangangalaga, nagtatayo, nagtataguyod ng mga Tahanan ng (pagsamba sa) Allâh (I) maliban sa mga yaong naniwala sa Allâh (I) at sa Kabilang-Buhay, at isinasagawa nila ang ‘Salâh’ at nagbibigay sila ng ‘Zakâh,’ at wala silang kinakatakutan na sinuman kundi ang Allâh (I), at sila ang tunay na pinatnubayan tungo sa katotohanan.
19. Itinuturing ba ninyo, na ang anuman na inyong ginagawa na pagpapainom ng mga nagsasagawa ng ‘Hajj’ at pagtataguyod at pangangalaga ng ‘Masjid Al-Harâm’ ay katulad ng naniwala sa Allâh (I) at sa Kabilang-Buhay at nakipaglaban sa kumalaban sa Daan ng Allâh (I)? Hindi maaaring magkaparehas ang mga katayuan ng mga mananampalataya at katayuan ng mga walang pananampalataya sa paningin ng Allâh (I); dahil katiyakang ang Allâh (I), hindi katanggap-tanggap sa Kanya ang anumang gawain ng walang pananampalataya. At ang Allâh (I) ay hindi Niya ginagabayan tungo sa mabuting gawain ang mga masasama na hinamak nila ang kanilang mga sarili dahil sa kanilang paglabag.
20. Yaong mga naniwala sa Allâh (I) na iniwan nila ang lugar o bayan ng mga walang pananampalataya at nangibang-bayan tungo sa lugar o bayan ng Islam, at isinakripisyo nila ang kanilang kayamanan at ang kanilang mga sarili sa pakikipagpunyagi sa Daan ng Allâh (I) o nakipaglaban sila sa mga kumakalaban sa Relihiyon ng Allâh (I) nang taos-puso upang mangibabaw ang Salita ng Allâh (I), sila ang may dakilang gantimpala, at sila ang magtatagumpay ng pagmamahal ng Allâh (I).
21. Katiyakan, para sa mga mananampalataya na nangibang-bayan ang magandang balita mula sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng masaganang Awa mula sa Kanya na pagmamahal na walang poot pagkatapos nito, at ang kanilang patutunguhan ay mga hardin sa Paraiso at masaganang biyaya na walang-hanggan.
22. Mananatili sila roon magpa-sawalang-hanggan na patuloy na matatamasa ang kasiyahan, at yaon ay gantimpala dahil sa kanilang mga nagawang pagsunod at kabutihan sa buhay nila rito sa daigdig. Katiyakan, ang Allâh (I) ay nasa Kanya ang dakilang gantimpala ng sinumang naniwala at gumawa ng kabutihan sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang ipinag-uutos at pag-iwas sa Kanyang ipinagbabawal.
23. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo, huwag ninyong ituring ang inyong mga kamag-anak, mga magulang, mga kapatid at iba pa na ‘awliyâ’ (mga sandalan na pagkakatiwalaan sa inyong mga sarili) na ibubunyag ninyo ang mga lihim ng mga Muslim at hihilingin ninyo ang kanilang payo hinggil sa mga gawain ninyo, hanggang sila ay nananatili sa di-paniniwala (pagtanggi) sa Allâh (I) at pakikipaglaban sa Islâm. At kung pinili sila na pagkakatiwalaan at pakamamahalin, ay walang pag-aalinlangang nalabag niya ang Allâh (I) at minali niya ang kanyang sarili ng matinding pagkakamali.
24. Sabihin mo, O Muhammad (r), sa mga mananampalataya: “Kung ang inyong mga ama, mga anak, mga kapatid, mga asawa at ang mga kamag-anak; at ang inyong mga kayamanan na naipon, ang negosyo na kinakatakutan ninyong malugi, ang inyong mga magagandang tahanan na itinayo ninyo, kung higit ang pagmamahal ninyo sa mga ito kaysa sa pagmamahal ninyo sa Allâh (I), sa Kanyang Sugo at sa pagkikipaglaban sa Daan ng Allâh (I); samakatuwid hintayin ninyo ang parusa ng Allâh (I), ang Kanyang pasiya sa inyo. At ang Allâh (I) ay hindi Niya ginagabayan ang sinumang lumalabag sa Kanyang kagustuhan.”
25. Katotohanan, ang Allâh (I) ay nagbaba ng tulong sa inyo sa maraming mga nangyaring labanan noong ginawa ninyo ang lahat ng kaparaanan ng inyong pagkapanalo at nagtiwala kayo sa Allâh (I).
Sa Labanan sa Hunayn, sinabi ninyo: “Hindi na tayo mananalo ngayon kung dahil lamang sa maliit na bilang, na kung kaya, nasiyahan kayo na umaasa kayo sa inyong dami samantalang wala namang naging pakinabang ito sa inyo, at nang lumusob sa inyo ang inyong mga kalaban ay wala kayong natagpuan na mapagtataguan dito sa malawak na kalupaan, na kung kaya, tumakas kayo na mga talunan.”
26. Pagkatapos ay nagbaba ang Allâh (I) ng kapanatagan sa kalooban ng Kanyang Sugo at sa mga mananampalataya, kaya nanatili sila, at nagpadala Siya sa kanila na mga sundalong mga Anghel na hindi nila nakikita, tinulungan sila laban sa kanilang mga kalaban at pinarusahan ng Allâh (I) ang mga walang pananampalataya, at ganoon magparusa ang Allâh (I) sa mga humaharang sa Daan patungo sa Kanyang Relihiyon, na mga hindi naniwala sa Kanyang Sugo.
27. Pagkatapos, ang sinumang nagbalik-loob mula sa maling paniniwala pagkatapos ng pangyayari at pumasok sa Islâm, katiyakang, ang Allâh (I) ay tinatanggap Niya ang pagsisisi sa sinuman na Kanyang nais mula sa kanila at pinatatawad Niya ang kanyang kasalanan. At ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal.
28. O kayong mga mananam-palataya! Walang pag-aalinlangan, ang mga ‘Mushrikûn’ ay marumi, na kung kaya, huwag mo silang pahintulutan na makalapit sa ‘Masjid Al Harâm’ pagkatapos ng taong ito na ikasiyam ng ‘Hijrah,’ at kung natatakot kayo na maghirap sa pagpigil ng kanilang negosyo sa inyo, walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) ay pagyayamanin Niya kayo sa ibang kaparaanan, at sapat na sa inyo ang kagandahang-loob ng Allâh (I) kapag ito ay Kanyang ninais, katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa inyong kalagayan, na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang pangangasiwa sa inyo.
29. O kayong mga Muslim, makipaglaban kayo sa mga walang pananampalataya na hindi naniniwala sa Allâh (I) at hindi naniniwala sa Muling Pagkabuhay at Paghuhukom, at hindi iniiwasan ang anumang ipinagbabawal ng Allâh (I) at ng Kanyang Sugo, at yaong hindi nila tinatanggap ang Tunay na Relihiyon na Al-Islâm na hindi nila sinusunod ang mga batas nito, na katulad ng mga nagtatangan ng mga naunang Kasulatan na mga Hudyo at mga Kristiyano, hanggang sa sila ay magbabayad ng ‘Jizyah’ na inyong itatalaga na pag-aatas para sa kanila, na ibibigay sa inyo bilang kanilang ganap na pagpapasailalim at pagpapasakop.
30. Walang pag-aalilangan, nakagawa ng pagtatambal sa Allâh (I) ang mga Hudyo, noong inangkin nila na si `Uzair (u) ay anak ng Allâh (I), at ganoon din ang mga Kristiyano, noong inangkin nila na si `Îsã (Hesus u) ay anak ng Allâh (I), at ang pag-aangking ito ay inimbento nila mula sa kanilang mga sarili, at sila sa pamamagitan nito ay ginagaya nila ang mga sinasabi ng mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) na nauna sa kanila. Na isinumpa ng Allâh (I) ang lahat ng mga sumasamba ng iba bukod sa Kanya dahil sa kung paano sila lumihis sa katotohanan tungo sa kamalian.
31. Itinuring ng mga Hudyo at mga Kristiyano ang kanilang mga Paham at ang mga Relihiyoso nila na mga Diyos at Panginoon, na nagpapanukala ng batas sa kanila at ito naman ay kanilang sinusunod, at tinatalikuran nila ang batas ng Allâh (I), at itinuring nila si `Îsã Al-Masih na anak ni Maryam (Maria) na ‘Ilâh’ (o Diyos na sinasamba), na kung kaya, siya ay sinamba nila, gayong sa katotohanan ay inutusan silang lahat ng Allâh (I) ng paniniwala sa Kanyang Kaisahan at sumamba sa Bukod-Tanging ‘Ilâh’ na walang iba kundi Siya, ang Allâh (I) – ‘Lâ i-lâ-ha il-la Huwa’ (walang sinuman ang may karapatang sambahin kundi Siya). Luwalhati sa Kanya, Siya ay Malaya sa anumang iniimbento ng mga nagtatambal o sumasamba ng iba at mga naligaw.
32. Hinahangad ng mga walang pananampalataya sa kanilang pagtanggi upang patayin ang Liwanag ng Allâh (I) na ‘Deen Al-Islâm’ at pawalan ng saysay ang Kanyang mga katibayan at mga palatandaan sa Kanyang Kaisahan na dala-dala ni Muhammad (r), subali’t hindi ito pahihintulutan ng Allâh (I) hanggang sa mabuo ang Kanyang ‘Deen,’ – na ang ibig sabihin ay hanggang sa hindi pa naipahayag ang buong Rebelasyon ng Banal na Qur’ân – at lilitaw at mangingibabaw ang Kanyang Salita kahit ito ay kamuhian ng mga walang pananampalataya.
33. Siya ang nagpadala ng Kanyang Sugo na si Muhammad (r) na dala-dala ang Banal na Qur’ân at ‘Deen’ ng Islâm na Relihiyon ng Katotohanan, upang pangingibabawin Niya ito at mas magiging higit sa kataasan kaysa sa lahat ng mga relihiyon na gawa ng tao, kahit na ito ay kamuhian ng mga ‘Mushrikin’ – nagtambal o sumamba ng iba bukod sa Allâh (I).
34. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Walang pag-aalinlangang marami sa mga paham ng ‘Ahlul Kitâb’ na mga Hudyo at mga Kristiyano, at mga relihiyoso nila, ang kumakamkam sa kayamanan ng mga tao nang hindi makatarungan, katulad ng suhol at iba pa; at pinipigilan nila ang mga tao na pumasok sa Islâm at hinaharangan nila ang Daan ng Allâh (I). At yaong mga nagtatago ng kanilang mga kayamanan na hindi nila ibinibigay ang ‘Zakâh’ nito, at hindi nila inaalis mula rito ang anumang karapat-dapat na ipamahagi sa nangangailangan, ipamalita mo sa kanila ang masidhing kaparusahan.
35. Sa Araw ng Muling Pagkabuhay, ilalagay ang mga pira-pirasong ginto at pilak sa Apoy ng Impiyerno, at kapag matindi na ang init nito ay itatatak (o ihihero) ito sa mga mukha ng mga nagmamay-ari nito, sa kanilang mga tagiliran at sa kanilang mga likuran, at sasabihin sa kanila bilang pag-alipusta sa kanila: “Ito ang kayamanan na inyong kinakamkam sa inyong mga sarili at ginamit ninyo sa pagkontrol sa karapatan ng Allâh (I), na kung kaya, lasapin ninyo ang masidhing parusa dahil sa kinagawian ninyong pangangamkam at pangunguntrol.”
36. Katiyakan, ang bilang ng mga buwan sa batas ng Allâh (I) at sa nakatala sa ‘Al-Lawh Al-Mahfoudh’ ay labingdalawang buwan, mula sa araw na nilikha ang mga kalangitan at ang kalupaan, at kabilang dito ang apat na Sagradong buwan na ipinagbabawal ng Allâh (I) ang pakikipaglaban, ito ay: ‘Dhul Qa`dah,’ ‘Dhul Hijjah,’ ‘Muharram’ at saka ‘Rajab. ’
At ito ang Matuwid na Relihiyon, na kung kaya, huwag maliin ang inyong mga sarili; na kayo ay makagawa ng mga kasalanan sa buwan na ito dahil mas matindi ang parusa sa mga kasalanan na nagagawa sa mga panahon na ito. At ang pagbabawal ng pang-aapi o pagsasagawa ng kasamaan sa mga panahong ito dahil sa matinding pinsala ang idinudulot nito sa tao ay hindi nangangahulugan na ipinahintulot ang pagsagawa nito sa ibang panahon.
At makipaglaban kayo sa mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I), sa kanilang lahat-lahat, na katulad ng pakikipaglaban nilang lahat sa inyo, at dapat ninyong mabatid na ang Allâh (I) ay kasama Niya ang mga may takot sa Kanya sa pamamagitan ng Kanyang pagtulong at pagtaguyod.
37. Katiyakan, ang mga Arabo noong kapanahunan ng kamang-mangan, ang ginagawa nilang pagbabawal sa apat na mga sagradong buwan sa loob ng isang taon ay apat, na sila ang pumipili at nagtatakda, na ang mga yaon ay hindi batay sa mga itinakda ng Allâh (I) na mga pangalan, kaya ipinagpapaliban nila ang iba o di kaya ay inuusad naman ang iba, na pinaglilipat-lipat nila ayon sa kanilang pangangailangan sa pakikipaglaban, kaya katiyakang ito ay karagdagang paglabag sa Allâh (I), na inililigaw ni ‘Shaytân’ sa pamamagitan nito ang mga walang pananampalataya, kaya ipahi-hintulot nila na makipaglaban kapag inantala nila ang apat na buwan na ito sa unang taon, at ipagbabawal naman nila ang mga ito sa kasunod na taon; upang maitugma nila ang apat na buwan, at ipahihintulot nila ang anumang ipinagbabawal ng Allâh (I) sa mga buwang ito. Pinaganda sa kanila ni ‘Shaytân’ ang mga masasamang gawain. Ang Allâh (I) ay hindi Niya ginagabayan ang mga walang pananampalataya tungo sa katotohanan
38. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Ano ang nangyari sa inyo (bakit ganito ang inyong reaksyon) kapag sinabi sa inyo; na kayo ay magsitungo sa pakikipaglaban sa Daan ng Allâh (I) upang makipaglaban sa inyong mga kaaway, ay bakit kayo nagtatamad-tamaran at nananatili sa inyong mga tahanan? Higit na gusto ba ninyo ang makamundong buhay kaysa kasiyahan sa Kabilang-Buhay? At anuman ang inyong pagsasaya dito sa daigdig ay napakaliit na bagay lamang na may katapusan, subali’t ang kasiyahan sa Kabilang-Buhay na inihanda ng Allâh (I) sa mga mananampalataya na nakipaglaban, ang higit na dakila sa pagiging biyaya na walang-hanggan.
39. Kung kayo ay hindi magsisitungo, O kayong mga mananampalataya, upang makipaglaban ay ibababa ng Allâh (I) ang parusa laban sa inyo, at sasanhiin Niya na magpalitaw ng ibang mga tao na makikipaglaban kapag sila ay inutusan, at susunod sila sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, at kailanman ay hindi ninyo mapipinsala ang Allâh (I) sa inyong pagtalikod sa pakikipaglaban, dahil Siya ay hindi nangangailangan sa inyo at kayo naman ay nangangailangan sa Kanya. At ang anuman ang nais ng Allâh (I) ay Siyang tiyak na magaganap.
At ang Allâh (I) ay ‘Qadeer’ – Ganap na Makapangyarihan sa lahat ng bagay sa pagtaguyod ng Kanyang ‘Deen’ at pagtulong sa Kanyang Propeta kahit kayo ay wala.
40. O kayong mga kasamahan ng Sugo ng Allâh (I), kung hindi kayo tutungo sa pakikipaglaban kasama siya, kapag kayo ay inutusan, at kung hindi kayo tutulong sa kanya, walang pag-aalinlangang siya ay pinangalagaan ng Allâh (I) at Kanyang tinulungan sa araw na pinalayas siya sa kanyang bayan ng Makkah ng mga walang pananampalataya na mga Quraysh, siya at si Abu Bakr, sila ay nagtago doon sa kuweba sa malaking bundok, at noong sinabi niya sa kanyang kasama na si Abu Bakr, noong napuna (o nakita) niya na ito ay natatakot: “Huwag kang mangamba, dahil ang Allâh (I) ay katiyakang kasama natin sa Kanyang pagtaguyod at pangangalaga.”
Na kung kaya, ibinaba ng Allâh (I) mula sa Kanya ang kapanatagan sa puso ng Sugo ng Allâh (I) at Kanyang tinulungan sa pamamagitan ng mga sundalo Niyang mga Anghel na walang sinumang tao ang nakakikita at Kanyang iniligtas mula sa kanyang kalaban, at ipinahamak ng Allâh (I) ang kanyang mga kalaban at Kanyang inaba (hinamak) ang salita ng mga walang pananampalataya. At pangingibabawin Niya ang Kanyang Salita sa pamamagitan ng pangingibabaw ng Islâm. At ang Allâh (I) ay ‘`Azeez’ – Kataas-taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan sa Kanyang kaharian, na ‘Hakeem’ – ganap na Maalam sa Kanyang pangangasiwa sa Kanyang mga alipin.
At sa ‘Âyah’ na ito ang dakilang katangian para kay Abu Bakr (y).
41. Magsitungo kayo, O kayong mga mananam-palataya upang makipaglaban tungo sa Daan ng Allâh (I), mga kabataan, mga matatanda, sa kahirapan man at kaginhawahan at sa anumang katayuan ninyo, at gastahin ninyo ang inyong mga kayamanan sa Daan ng Allâh (I), at makipaglaban kayo sa mga kumakalaban sa Relihiyon ng Allâh (I) sa pamamagitan ng inyong mga kamay upang mangibabaw ang Salita ng Allâh (I), itong pagtungo ninyo at paggasta ninyo ay lalong nakabubuti kaysa sa inyong pagtatamad-tamaran, pagkontrol ng kayamanan (pagpigil), at ang inyong pagpapaiwan at di-pagsama, kung kayo ay kabilang sa mga may kaalaman hinggil sa kagandahan ng ‘Jihâd’ at ang gantimpala nito sa Allâh (I), ay gawin ninyo.
42. Ipinahiya ng Allâh (I) ang grupo ng mga ‘Munâfiqin’ (mapagkunwari) noong humingi sila ng pahintulot sa Sugo ng Allâh (I) upang magpaiwan at hindi sumama sa Labanan sa Tabuk, na Kanyang sinabi na kung ang kanilang pupuntahan ay malapit at madaling mapakinabangan ang ‘ghanimah’ ay susunod sila sa iyo, subali’t noong sila ay inanyayahn na makipaglaban sa mga Romano na nasa duluhan ng Sham sa Syria at sa panahon ng tag-init ay umatras sila, at hindi sila sumama, at tiyak na sila ay mangangatwiran kung bakit hindi sila sumama, na sumusumpa sila na sila ay talagang walang kakayahan, kaya, ipinahamak nila ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagsisinungaling at pagkukunwari, subali’t ang Allâh (I) ay Siyang Ganap na Nakaaalam sa katotohanan na sila ay mga sinungaling sa anuman na kanilang mga ikinakatwiran.
43. Pinatawad ka ng Allâh (I), O Muhammad (r), sa anumang nangyari sa iyo na hindi mo ginawa ang mas lalong nararapat dahil sa pagpapahintulot mo na manatili ang mga ipokrito at hindi sumama sa pakikipaglaban, ano ba ang dahilan kung bakit mo sila pinahintulutan na hindi sumama sa labanan? Ito ba ay para mapatunayan mo kung sila nga ay totoo sa kanilang pangangatwiran at malaman mo ang kanilang mga kasinungalingan?
44. Hindi ugali ng mga naniwala sa Allâh (I), sa Kanyang Sugo at sa Kabilang-Buhay, na humingi ng iyong pahintulot para hindi sumama sa ‘Jihâd’ sa Daan ng Allâh (I), sa pamamagitan ng kanilang buhay at kayamanan, kundi ito ay ugali ng mga ‘Munâfiqin ’ (mapagkunwari), at ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam kung sinuman ang tunay na natatakot sa Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsasagawa sa mga ipinag-uutos at pag-iwas sa mga ipinagbabawal.
45. Ang humihingi lamang ng pahintulot upang hindi sumama sa paikikipaglaban ay ang mga yaong hindi naniwala sa Allâh (I) at sa Kabilang-Buhay at hindi gumagawa ng kabutihan, at nagdududa ang kanilang mga puso hinggil sa katotohanan na dala-dala mo, O Muhammad (r), na ito ay ang Islâm at ang Batas nito, kaya sila sa kanilang pag-aalinlangan ay gulung-gulo ang kanilang mga kaisipan.
46. At kung ninais lamang ng mga ‘Munâfiqin’ na lumabas tungo sa ‘Jihâd’ na pakikipaglaban na kasama ka nila, O Muhammad (r), ay naghahanda na sila ng kanilang babaunin at pangangailangan, na katulad ng mga baon at mga sasakyan, subali’t ayaw ng Allâh (I) na sila ay lumabas patungo roon, kaya itinakda Niya na magiging mabigat sa kanilang kalooban na sila ay umalis, samantalang ang gawaing ito ay ipinag-utos sa kanila, na kung kaya, sinabi sa kanila: “Manatili na lamang kayo sa inyong mga tahanan, kasama ng mga nanatili na mga may sakit, mga mahihina, mga kababaihan at mga kabataan.”
47. Kahit lumabas pa sila na kasama ninyo, O kayong mga mananampalataya upang magpunyagi sa Daan ng Allâh (I) o makipaglaban sa mga kaaway ng Islâm ay walang silang maidaragdag kundi mga kaguluhan sa inyong samahan at pagkahamak, at magmadali sila na magkalat ng mga paninira sa pagitan ninyo at pagkakaroon ng alitan sa isa’t isa, kaya nais nila na kayo ay ipahamak nila sa pamamagitan ng kanilang pagpanatili na hindi pagsama sa pakikipaglaban sa Daan ng Allâh (I), at kasama ninyo, O kayong mga mananampalataya, ang ilan sa mga mapagkunwari na nagmamanman para sa kanila, upang iparating sa grupo nila ang mga pangyayari sa inyo. At ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam ng mga ‘Munâfiq’ at mga masasama, at sila ay pagbabayarin ayon dito.
48. Katiyakan, ninais ng mga ‘Munâfiqun’ na siraan ang mga mananampalataya sa kanilang ‘Deen’ at pigilin sila upang ilayo sa Daan ng Allâh (I) noong Labanan sa Tabuk, at lumitaw ang kanilang pakana, at nagpakana sila ng mga bagay-bagay upang masira ang dala-dala mong Islâm, na katulad ng ginawa nila sa Labanan sa `Uhud at sa Al-Khandaq, at patuloy ang kanilang mga pakana hanggang dumating ang tulong mula sa Allâh (I), at pinangibabaw Niya ang Kanyang sundalo at itinaguyod Niya ang Kanyang ‘Deen,’ kahit na ito ay kamuhian pa ng mga ‘Munâfiqun’ o mapagkunwari.
49. At mayroon sa mga ‘Munâfiqin’ ang hihingi ng pahintulot na di muna sila sasama sa pakikipaglaban sa mga kumakalaban sa Allâh (I) at kanyang sasabihin: “Huwag mo akong ilagay sa mga pagsubok, na katulad ng maaaring makapaglihis sa akin na mga kababaihan mula sa mga kalaban kapag nakita ko sila at kayamanan kung ako ay sasama sa pakikipaglaban.” Walang pag-aalinlangang sila ay nahulog sa malaking pagkasira na ito ay pagkukunwari. At katiyakang Impiyernong-Apoy ang nakapalibot sa mga hindi naniwala sa Allâh (I), at sa Kabilang-Buhay ay walang sinuman sa kanila ang makaliligtas.
50. Kung maganap sa iyo, O Muhammad (r), ang kabutihan na ikinatuwa ninyo at pagkakaroon ng ‘ghanimah’ ay nalulungkot naman ang mga ‘Munafiqun,’ at kapag nangyari naman sa iyo ang hindi kanais-nais na pagkatalo o kahirapan ay sasabihin nila: “Kami ay pinaplano namin ang aming ginagawa, na kung kaya, nailigtas namin ang aming mga sarili dahil sa hindi kami sumama kay Muhammad,” at sila ay aalis (tatalikod) na nagagalak dahil sa kanilang ginawa at dahil sa masamang nangyari sa iyo.
51. Sabihin mo, O Muhammad (r), sa kanila na hindi sumama sa pakikipaglaban sa mga kumakalaban sa Allâh (I) bilang pagbabalewalang-halaga sa kanila at pagpapahiya: “Kailanman ay walang maaaring mangyari sa amin maliban na lamang sa kung ano ang itinakda ng Allâh (I) sa amin at itinala Niya sa ‘Al-Lawh Al-Mahfoudh,’ na Siya ang tutulong sa amin laban sa aming mga kalaban, at sa Kanya lamang na bukod-tangi, ipinauubaya ng mga mananmapalataya ang kanilang mga sarili.”
52. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Naghihintay ba kayo sa amin ng anumang maliban sa isa sa dalawa, kami ay mamatay nang alang-alang sa Allâh (I) o di kaya ay magwagi kami laban sa inyo? Samantalang nag-aabang kami na puksain kayo ng Allâh (I) nang daglian na parusa mula sa Kanya o di kaya ay sa pamamagitan ng pagpatay namin sa inyo, na kung kaya, mag-abang kayo, dahil kami rin ay nag-aabang kasama ninyo, kung ano ang gagawin ng Allâh (I) sa amin o sa inyo.”
53. Sabihin mo, O Muhammad (r), sa mga ‘Munâfiqin:’ “Gastahin na ninyo ang anumang inyong nais mula sa inyong mga kayamanan, dahil gustuhin man ninyo ito o hindi, ay hindi pa rin tatanggapin ng Allâh (I) sa inyo ang anuman na inyong ginasta; dahil kayo ay mga lumabag sa Kanyang kagustuhan at lumabas sa Kanyang ‘Deen.’”
54. At ang naging dahilan kung bakit hindi tinatanggap sa kanila ang kanilang mga ginasta dahil sa ang kinikimkim nila sa kanilang mga kalooban ay paglabag sa Allâh (I) at pagpasinungaling sa Kanyang Sugo na si Muhammad (r).
At hindi sila nagsasagawa ng ‘Salâh’ kundi nang may katamaran at hindi sila gumagasta kundi sapilitan lamang dahil hindi nila hinahangad ang gantimpala ng Allâh (I) sa mga ipinag-utos na ito at hindi rin sila natatakot sa Kanyang parusa dahil hindi naman talaga sila naniniwala sa Allâh (I).
55. Na kung kaya, huwag kang mamangha, O Muhammad (r), sa kayamanan ng mga ‘Munâfiqin’ at sa kanilang mga anak; dahil ang nais lamang ng Allâh (I) ay parusahan sila dito sa daigdig sa pamamagitan ng kanilang pagsusumikap na makamtan ang mga ito at sa mga sakuna na nangyari dito (na ang ibig sabihin ay ang nangyari sa kanilang mga kayamanan at pamilya), dahil samakatuwid ay hindi naman sila umaasa ng gantimpala mula sa Allâh (I) sa mga ganoong pangyayari, at sila ay mananatili na ganito at mamamatay na walang pananampalataya sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo.
56. Sumusumpa sila sa Allâh (I), na mga ‘Munâfiqun’ ng kasinungalingan na sinasabi nila sa inyo na mga mananampalataya na sila ay kabilang sa inyo, subalit hindi sila kabilang sa inyo, kundi sila ang mga taong duwag, kaya ang kanilang panunumpa ay para mapangalagaan lamang nila ang kanilang mga sarili laban sa inyo.
57. Na kung kaya, kung may matatagpuan lang silang ligtas na lugar na mapapangalagaan sila o di kaya ay kuweba sa bundok na pagtataguan nila, o di kaya ay ‘tunnel’ o lagusan sa ilalim ng kalupaan na para mailigtas nila ang kanilang mga sarili mula sa inyo, ay tiyak na sila ay tutungo roon nang mabilisan.
58. At mayroon sa mga mapagkunwari na sinisiraan ka sa pamamahagi mo ng kawanggawa (‘sadaqah’), subali’t kapag binahaginan mo sila ay titigil sila sa kanilang pagsasalita, subali’t kapag wala silang bahagi (o parte) ay kamumuhian ka nila at aakusahan.
59. At kung sila na nag-akusa sa iyo sa pamamahagi mo ng kawanggawa ay nakuntento lamang sa anumang ibinigay ng Allâh (I) sa kanila at ng Kanyang Sugo, at kanilang sinabi: “Sapat na sa amin ang Allâh (I), na walang pag-aalinlangang pagkakalooban kami ng Allâh (I) mula sa Kanyang kagandahang-loob, at ganoon din ng Kanyang Sugo mula sa ipinagkaloob ng Allâh (I) sa kanya, at kami sa katotohanan ay naghahangad na paluwagin ng Allâh (I) sa aming pamumuhay, at upang hindi na namin kakailanganin pa ang kawanggawa o kabahagi sa mga kawanggawa na ibinibigay sa mga tao.” Kung ganito ang gagawin nila ay higit na nakakabuti sa kanila.
60. Katiyakang ipinagkakaloob lamang ang ‘Zakâh’ na obligadong kawanggawa para sa mga nangangailangan na mahihirap na talagang walang-wala (‘fuqara’), at sa mga mahihirap na hindi sapat ang anumang mayroon sa kanila sa kanilang pangangailangan (‘masâkin’), at doon sa mga inatasan para mangolekta ng ‘zakah,’ at para sa mga hinihikayat ninyo ang kanilang mga puso: na tulad ng inaasahan na maging Muslim o pinatitibay ang kanyang pananalig o di kaya ay inaasahan na magiging kapaki-pakinabang sa mga Muslim, o di kaya ay mailayo siya sa masamang balakin laban sa mga Muslim;
At ibinibigay din ito sa taong tinutubos niya ang kanyang pagkaalipin o pinapalaya niya ang kanyang sarili.
At sa mga nabaon sa pagkakautang: dahil sa nalugi ang kanilang negosyo o di kaya ay dahil sa paggagarantiya niya sa utang ng iba sapagka’t hindi nito nabayaran ang inutang nito, o di kaya ay sa mga taong nabaon sa utang na hindi naman dahil sa kanyang kagagawan o pamiminsala, o sa masamang gawain o hindi sa kanyang pagiging bulagsak.
At binibigyan din ng ‘Zakâh’ ang mga nagpupunyagi o nakikipaglaban sa Daan ng Allâh (I), at sa mga gawain na para sa kapakanan ng Islam na katulad ng pagpapalaganap nito at iba pa.
At para sa manlalakbay na na-‘estranded’ (naantala) o natigil sa isang lugar, na naubusan siya ng panggastos o baon.
Ang pamamahaging ito ay obligasyon na ipinag-utos ng Allâh (I) at Siya ang nagtakda nito. At ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’– Ganap na Nakaaalam kung ano ang makabubuti sa Kanyang alipin, na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang Pangangasiwa at sa Kanyang batas.
61. At mayroon sa mga mapagkunwari, ang mga tao na pinagsasabihin ang Propeta na Sugo ng Allâh (I) ng mga masasakit na salita, na kanilang sinasabi: “Siya sa katotohanan ay pinaniniwalaan niya kung anuman ang mga salita na kanyang naririnig,” sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Katiyakang si Muhammad ay nakikinig, subali’t ang kanyang pinakikinggan lamang ay panay kabutihan, naniniwala siya sa Allâh (I) at pinaniniwalaan niya ang mga mananampalataya sa anuman na kanilang sinasabi, at siya ay habag sa sinumang sumunod sa kanya at sa kanyang patnubay,” subali’t ang mga yaong sinisiraan ang Propeta (r) sa anumang kaparaanan na pananakit ay masidhing kaparusahan ang para sa kanila.
62. Sumusumpa ang mga mapag-kunwari ng kasinungalingan, at nangangatwiran ng mga baluktot na katwiran upang masiyahan sa kanila ang mga mananampalataya, subali’t ang Allâh (I) at ang Kanyang Sugo ay mas lalong may karapatan na pasiyahin nila sa pamamagitan ng paniniwala nila sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo at sa kanilang pagsunod kung sila ay tunay na nananampalataya.
63. Hindi ba batid ng mga mapagkunwari na yaon, na ang patutunguhan ng sinumang kumakalaban sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo ay Impiyernong-Apoy, na ang para sa kanila ay walang-hanggang parusa roon, at ito ang matinding pagpapahamak, at kabilang sa pakikipaglaban sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo ay ang paninira sa Sugo ng Allâh (I) sa pamamagitan ng pag-aalipusta at paninira (pangalagaan nawa tayo ng Allâh [I] sa mga ganitong gawain).
64. Nangangamba ang mga mapagkunwari na may ipapahayag na kabanata ang Banal na Qur’an na patungkol sa kanila na nagsasaad ng anumang kinikimkim nila sa kanilang mga puso na paglabag sa Allâh (I), sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Ipagpatuloy ninyo ang anumang na ginagawa ninyong pag-aalispusta at paninira, dahil katiyakang ilalantad ng Allâh (I) ang katotohanan na kinakatakutan ninyo.”
65. At kapag tinanong mo sila, O Muhammad (r), kung ano ang paninira na sinasabi nila laban sa iyo, at sa inyong mga Sahabah, tiyak na sasabihin nila: “Katotohanan, ang pinag-uusapan lamang namin ay mga bagay na wala sa aming kalooban ang manira (na ito ay sa salita lamang) at pagbibiruan,” sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “At sa Allâh (I) ba at sa Kanyang mga talata at sa Kanyang Sugo ang inyong pag-aalipusta? ”
66. Huwag na kayong mangatwiran, O kayong mga mapagkunwari, dahil walang kahalagahan ang inyong pangangatwiran, dahil katiyakang, nilabag ninyo ang Allâh (I) sa inyong mga sinasabing pag-aalipusta sa Kanya, kung patawarin Namin ang ilan sa inyo na taos-puso na humihingi ng kapatawaran at nagsisisi, ay paparusahan din Namin ang iba dahil sa kanilang sukdulang kasamaan bilang pagtanggi sa pamamagitan ng ganitong mga masasamang salita.
67. Ang mga mapagkunwari na mga kalalakihan at mga kababaihan ay pare-pareho lamang sila sa kanilang paglantad ng paniniwala at pagkimkim ng pagtanggi sa Allâh (I), ipinag-uutos nila ang pagtanggi sa Allâh (I) at paglabag sa Kanyang Sugo at ipinagbabawal nila ang paniniwala at pagsunod, at nakasara ang kanilang mga kamay bilang pagtanggi sa paggasta sa Daan ng Allâh (I), na kinalimutan nila ang Allâh (I), kaya hindi na nila pinupuri, na kung kaya, kinalimutan din sila ng Allâh (I) sa pamamagitan ng pagkakait sa kanila ng Kanyang Awa, na kung kaya, hindi na sila ginabayan tungo sa kabutihan. Katotohanan, ang mga mapagkunwari ay naghimagsik at lumabag sa paniniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo.
68. Pinangakuan ng Allâh (I) ang mga mapagkunwari na mga kalalakihan at mga kababaihan at ang mga walang pananampalataya, na katiyakang ang kanilang patutunguhan ay Impiyernong-Apoy na sila ay mananatili roon magpasawalang-hanggan, at ito ay sapat na para sa kanila; bilang parusa sa kanilang pagtanggi sa Allâh (I) at bilang pagsumpa ng Allâh (I) sa kanila, at ang para sa kanila ay walang katapusang parusa.
69. Katiyakan, ang mga gawain ninyo, O kayong mga mapag-kunwari, na mga pag-aalipusta at pagtanggi sa Allâh (I) ay katulad din ng mga taong nauna sa inyo, na sila ay pinagkalooban ng lakas, kayamanan, mga anak, na mas higit kaysa sa inyo, at sila ay nagpaka-tamasa sa makamundong buhay at nagpakasiya sa anumang kapaki-nabangan at nagpakasarap.
Na kung kaya, magpakasaya na rin kayo, O kayong mga mapagkunwari sa anumang parte o bahagi ninyo na kaligayahang may hangganan, na katulad din ng pagpapakasiya ng mga nauna sa inyo sa kanilang kasiyahan na may hangganan, at magpakahumaling kayo ng pagsi-sinungaling laban sa Allâh (I) na katulad din ng pagpakahumaling ng mga nauna sa inyo, at sila sa ganito na kanilang pag-uugali ay nawalan ng saysay ang kanilang kabutihan dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay, at sila ang mga talunan dahil sa pagpapalit nila ng kasiyahan sa Kabilang-Buhay ng kasiyahan sa daigdig.
70. Hindi ba dumating sa kanila, na mga mapagkunwari ang kuwento hinggil sa mga naunang tao na katulad ng sambayanan ni Propeta Nûh (Noah), at mga angkan ni `Âd, at mga angkan ni Thamoud, at saka sambayanan ni Propeta Ibrâhim, at saka yaong mga taga-Madyan at saka yaong mga sambayanan ni Propeta Lût, nang dumating sa kanila ang mga Sugo, na dala-dala nila ang Rebelasyon at mga Talata ng Allâh (I), ay tinanggihan nila, na kung kaya, ibinaba ng Allâh (I) sa kanilang lahat ang Kanyang parusa, bilang kabayaran sa kanilang mga masasamang gawain, at hindi sila dinaya ng Allâh (I), kundi sila ang nandaya sa kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagtanggi at paglabag.
71. Ang mga mananampalataya, na mga kalalakihan at mga kababaihan na naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo ay nagtutulungan sila sa isa’t isa, inuutusan nila ang mga tao na maniwala at gumawa ng kabutihan, at pinagbabawalan nila ang mga tao na lumabag sa Allâh (I) at gumawa ng mga kasalanan, at isinasagawa nila ang pagsa-‘Salâh,’ nagbibigay sila ng ‘Zakâh’ (obligadong kawanggawa), sinusunod nila ang Allâh (I) at Kanyang Sugo at iniiwasan ang mga ipinagbabawal sa kanila, sila ang tiyak na pagkakalooban ng Allâh (I) ng habag sa pamamagitan ng pagliligtas sa kanila mula sa Kanyang parusa at pagpapasok sa kanila sa Kanyang ‘Al-Jannah’ (Hardin). Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘`Azeez’ – Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan sa Kanyang Kaharian, na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang Panukala at mga Batas.
72. Nangako ang Allâh (I), sa mga mananampalataya na mga kalalakihan at mga kababaihan na naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo ng mga Hardin, na umaagos sa ilalim nito ang mga ilog at doon sila ay mananatili magpasawalang-hanggan, walang katapusan ang kaligayahan doon, at para (pa rin) sa kanila ay mga magagandang mansiyon sa mga Hardin ng ‘`Adn’ (Eden) na pananatilihan nila at ang Pagmamahal ng Allâh (I) na higit at pinakadakila sa anumang kasiyahan na kanilang tinataglay. At ang pangakong ito na gantimpala sa Kabilang-Buhay ang siyang pinakadakilang tagumpay.
73. O Propeta, makipaglaban ka sa mga walang pananam-palataya sa pamamagitan ng lakas at sandata; at sa mga mapagkunwari sa pamama-gitan ng mga salitang katotohanan at mga katibayan, at maghigpit ka sa kanila, at ang kanilang patutunguhan ay Impiyernong-Apoy na napaka-samang hantungan.
74. Sumusumpa ang mga mapagkunwari sa Ngalan ng Allâh (I) na wala silang anumang nasabi na nakasasama sa Sugo ng Allâh (r) at sa mga Muslim, subali’t katiyakang sila ay mga sinungaling; dahil walang pag-aalinlangang sinabi na nila ang mga salita ng pagtanggi sa Allâh (I) at tumalikod na sila sa Islâm pagkatapos nilang tanggapin ito, at gumawa sila ng paraan para ipahamak ang Sugo ng Allâh na si Muhammad (r), subali’t hindi sila pinahintulutan ng Allâh (I), at walang nakita ang mga mapagkunwari sa anumang ipinipintas nila at iniaakusa sa Propeta, kundi ang Allâh (I) ay mas pinaburan ang Propeta at ang kanyang mga tagasunod, pinayaman sila sa pamamagitan ng pagbubukas ng Allâh (I) sa Kanyang Propeta ng mga kabutihan at biyaya.
At kung sila na mga walang pananampalataya ay manumbalik lamang sa paniniwala at magbalik-loob sa Allâh (I) ay ito ang makakabuti para sa kanila, subali’t kung sila ay tatalikod at mananatili sa kanilang kalagayan, ay parurusahan sila ng Allâh (I) ng masidhing parusa dito sa daigdig sa mga kamay ng mga mananampalataya, at sa Kabilang-Buhay naman ay Impiyernong-Apoy ang kanilang hahantungan, at walang sinuman ang makapagliligtas sa kanila at tagapagtaguyod na magpapalayo sa kanila mula sa parusa.
75. At mayroon sa mga mahihirap na mga mapagkunwari na nangangako sa kanyang sarili: “Kung pagkakalooban lamang kami ng Allâh (I) ng yaman ay tiyak na magbibigay kami ng ‘sadaqah’ (pangkaraniwang kawanggawa), at gagawin namin ang anumang ginagawa ng mga mabubuting tao sa kanilang mga kayamanan, at susundin namin ang daan ng kabutihan.”
76. Subali’t noong pinagkalooban sila ng Allâh (I) mula sa Kanyang kagandahang-loob, ay nagmaramot sila sa pamamagitan ng hindi pagbibigay ng kawanggawa at hindi paggasta sa kabutihan, at sila ay tumalikod na lumalayo sa Islâm.
77. Na kung kaya, ang naging kabayaran ng kanilang gawain at naging bunga nito ay mas lalong tumindi ang kanilang pagkamapagkunwari, na hindi na nila kayang iligtas ang kanilang sarili mula rito, hanggang sa Araw ng Paghuhukom, dahil sa kanilang pagsira ng pangako na ipinangako nila sa kanilang mga sarili at dahil sa kanilang pagkukunwari at pagsisinungaling.
78. Hindi ba nila alam na mga mapagkunwari, na ang Allâh (I) ay batid Niya kung anuman ang kanilang kinikimkim sa kanilang mga sarili at kung anuman ang kanilang pinag-uusapan sa kanilang lihim na pagtitipun-tipon na mga pakana? At ang Allâh (I) ay ‘`Allamul Ghuyub’ – Ganap na Ganap ang Kanyang Kaalaman sa lahat ng mga lihim. Katiyakan, pagbabayarin sila sa kanilang mga ginawa na naitala laban sa kanila.
79. At bukod sa pagiging maramot ng mga mapagkunwari ay hindi ligtas ang mga nagbibigay ng mga kawanggawa sa kanilang paninira at pag-aalipusta; na kung kaya, kapag nagbigay ang mga mayayaman na mga Muslim ng maraming kawanggawa ay inaakusahan nila na mga mapagkunwari sila na mga mayayaman ng pagpapakitang-tao lamang, at kapag nagbigay ng kawanggawa ang mga mahihirap ayon sa kanilang kakayahan ay minamaliit nila ito, at kanilang sinasabi bilang pagmamaliit: “Ano naman ang magagawa nitong kawanggawa na ibinibigay ninyo?” Kaya, mamaliitin din sila ng Allâh (I) at ang para sa kanila ay masidhing kaparusahan.
80. Ihingi mo man ng kapatawaran, O Muhammad (r), ang mga mapagkunwari o hindi, kailanman ay hindi na sila patatawarin pa ng Allâh (I), kahit na pauli-ulit mo silang ihingi ng kapatawaran; dahil katiyakang sila ay hindi naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo. At hindi ginagabayan ng Allâh (I) ang sinumang naghimagsik at lumabag sa Kanyang kagustuhan.
81. Natuwa ang mga yaong nagpaiwan noong hindi sila sumama sa Sugo ng Allâh (r), na sila ay nanatili sa Madinah bilang paglabag sa Sugo ng Allâh (I) at kinamuhian nila ang pagpupunyagi at pakikipaglaban kasama ang Propeta sa pamamagitan ng kanilang mga kayamanan at ng kanilang mga sarili sa Daan ng Allâh (I), at sinabi nila sa isa’t isa: “Huwag kayong magsitungo sa kainitan ng araw, at ang Labanan sa Tabuk ay nangyari sa panahon na matindi ang kainitan.” Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Ang Impiyernong-Apoy ang mas matindi ang kainitan kung ito ay naiintindihan lamang nila!”
82. Hayaan mo sila na mapagkunwari na nagpaiwan, na magtawa nang pansamantala dahil sa kanilang di-pagsama sa Labanan sa Tabuk na ito ay bahagi ng pansamantalang kasiyahan dito sa buhay sa daigdig na may katapusan, at sila ay iiyak nang lubusan sa Impiyernong-Apoy; bilang kabayaran sa kanilang nagawa rito sa daigdig na pagkukunwari at paglabag.
83. At kapag sinanhi ng Allâh (I) na ikaw ay makabalik, O Muhammad (r), mula sa iyong pakikipaglaban, tungo sa mga mapagkunwari na nanatili sa kanilang pagiging ipokrito, at sila ay hihingi ng pahintulot na sumama sa iyo sa iba pang labanan pagkatapos ng Labanan sa Tabuk ay sabihin mo sa kanila: “Kailanman ay hindi na kayo sasama pa sa akin sa anumang labanan ni makipaglaban sa sinumang kaaway na kasama ako; dahil katotohanang higit na ginusto ninyo ang magpaiwan sa unang pagkakataon, na kung kaya, manatili na kayo, kasama ng mga yaong nagpaiwan na hindi sumama sa pakikipaglaban na kasama ang Sugo ng Allâh (r).”
84. At huwag mong isagawa ang ‘Salâh’ (‘Janâzah’), kailanman, O Muhammad (r), sa sinumang mamatay mula sa mga ‘Munâfiqin’ o mapagkunwari, at huwag kang tumayo sa kanyang libingan upang ipanalangin siya; dahil katiyakang sila ay hindi naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, at sila ay namatay na mga naghimagsik at hindi sumunod sa Allâh (I). At ganito ang batas sa sinumang kilalang mapagkunwari.
85. At huwag kang mamangha, O Muhammad (r), sa kayamanan nila na mga ‘Munâfiqin’ at sa kanilang mga anak, dahil katiyakang nais lamang ng Allâh (I) na sila ay parusahan dito sa daigdig dahil sa kanilang matinding pagsusumigasig sa paghahangad ng makamundong bagay; at kinamatayan nila ang hindi paniniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo
86. At noong ipinahayag ang ‘Surah’ o Kabanata ng Banal na Qur’ân kay Muhammad (r), na nag-uutos ng paniniwala sa Allâh (I) at pagiging dalisay sa layunin para rito at pakikipaglaban kasama ang Sugo ng Allâh (r), ang mga nakaririwasa sa buhay na mga ‘Munâqifin’ ay humingi ng pahintulot sa iyo, O Muhammad (r), na kanilang sinabi: “Pabayaan mo na kami na kasama ng mga yaong nanatili na hindi kayang sumama sa pakikipaglaban.”
87. Kuntento na sila na mga ‘Munâfiqun’ ng kahiya-hiya sa kanilang mga sarili, na sila ay manatili sa kanilang mga tahanan kasama ang mga kababaihan, mga kabataan at saka ang mga yaong may kapansanan, at isinara ng Allâh (I) ang kanilang mga puso; dahil sa kanilang pagiging magpagkunwari at hindi pagsama sa pakiki-paglaban kasama ang Sugo ng Allâh (r) sa Daan ng Allâh (I), dahil sa hindi nila naiintindihan kung ano ang makabubuti para sa kanila.
88. Kung hindi man sumama sa pakikipaglaban ang mga ‘Munâfiqun,’ ay katotohanang nakipaglaban ang Sugo ng Allâh (r) at kasama ang mga manampalataya sa pama-magitan ng kanilang kayamanan at kanilang mga sarili, at sila ay magkakamit ng tulong at mga mabubuting bagay dito sa daigdig, at Hardin at karangalan naman sa Kabilang-Buhay, at sila ang magkakamit ng tunay na tagumpay.
89. Inihanda ng Allâh (I) para sa kanila sa Araw ng Muling Pagkabuhay ang mga Hardin na may umaagos na mga ilog sa mga ilalim ng mga puno nito, sila ay manantili roon mapagsawalang-hanggan. Ito ang dakilang tagumpay.
90. At dumating ang grupo na mula sa mga Bedouin na Arabo na nakatira sa disyerto sa mga karatig ng Madinah na humihingi sila ng pahintulot na nangangatwiran sa Sugo ng Allâh (r) at isinasaad nila kung anuman ang kahinaan nila at kakulangan nila sa lakas upang sumama sa pakikipagdigma, at nanatili naman ang ibang grupo ng mga tao nang wala silang kadahilanan na ipinakikita kundi pagmamatigas lamang laban sa Sugo ng Allâh (r). Walang pag-aalinlangan, matatamasa ng mga walang pananampalataya mula sa kanila ang masidhing parusa dito sa daigdig na pagkamatay, at sa Kabilang-Buhay naman ay Impiyernong-Apoy.
91. Sa kanila na may mga sapat na kadahilanan na katulad ng mga mahihina, mga maysakit, mga mahihirap, na wala kakayahan na tustusan ang kanilang pangangailangan sa kanilang pakikipaglaban, ay walang kasalanan ang kanilang pagpapaiwan, kapag sila ay taos-puso na naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo at isinasagawa ang Kanyang batas.
Walang anumang batayan upang sila ay pagbintangan o parusahan ang sinuman na gumagawa ng kabutihan na hindi niya nakayanan na makipaglaban kasama ang Sugo ng Allâh (r), dahil mayroon silang sapat na kadahilanan, hangga’t sila ay sumusunod sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo. At ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’– Ganap na Mapagpatawad sa mga mabubuti, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila.
92. At ganoon din, walang kasalanan ang mga yaong dumating sa iyo, O Muhammad (r), na humihingi ng tulong upang matustusan ang kanilang pangangailangan sa kanilang pakikipaglaban, na sinabi mo sa kanila: “Wala akong kakayahan na matustusan ang inyong mga pangangailangan upang makasama kayo sa labanan,” at tumalikod sila na umaapaw ang mga luha sa mga kanilang mata sa matinding pagdadalamhati dahil sa hindi nila natamo ang malaking karangalan at gantimpala ng pakikipaglaban sa Daan ng Allâh (I), sapagka’t wala silang natagpuan na panustos upang sumama sa pakikipaglaban sa Daan ng Allâh (I).
93. Sa katunayan, ang kasalanan at paninisi ay sa kanila na mga mayayaman na dumating sa iyo, O Muhammad (r), na humihingi ng pahintulot na payagan sila na hindi sumama, at sila ang mga mapagkunwari na mga mayayaman na pinili nila na manatili kasama ang mga kababaihan at ang mga may kapansanan, at isinara ng Allâh (I) ang kanilang mga puso ng pagka-ipokrito, na kung kaya, hindi na ito papasukin ng paniniwala, dahil sa hindi nila batid ang masamang idinudulot ng kanilang hindi pagsama sa iyo, at pag-iwas nila sa pakikipaglaban.
94. Mangangatwiran ng mga kasinungalingan sa inyo, O kayong mga mananampalataya, ang mga hindi sumama sa pakikipaglaban laban sa mga walang pananam-palataya, sa pagkabalik ninyo mula sa inyong pakikipaglaban sa Tabuk, sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Huwag na kayong mangatwiran dahil kailan man ay hindi namin paniniwalaan ang inyong mga sinasabi, katiyakan, pinauna na sinabi ng Allâh (I) sa amin ang hinggil sa inyo bilang pagpapatunay sa amin ng inyong kasinungalingan.
“Walang pag-aalinlangan, mina-matyagan ng Allâh (I) at ng Kanyang Sugo ang inyong gawain, kung kayo ay magbabago at magsisisi mula sa inyong pagka-mapagkunwari, o di kaya ay magpatuloy pa rin kayo, ay walang pag-aalinlangan na ilalantad sa mga tao ang inyong mga gawain dito sa daigdig, pagkatapos kayo ay ibabalik pagkatapos ng inyong kamatayan tungo sa Kanya na walang anumang maililihim sa Kanya mula sa anumang nakatago o nakalantad hinggil sa inyo, at isasalaysay Niya sa inyo ang lahat ng inyong mga gawain at kayo ay pagbabayarin ayon dito.”
95. Walang pag-aalinlangan, susumpa sa inyo sa Ngalan ng Allâh (I), ang mga ‘Munâfiqun’ o mapagkunwari – na mga nagsisinungaling at nangangatwiran – kapag kayo ay nakabalik na sa kanila mula sa labanan; upang pabayaan na ninyo sila at hindi na tatanungin, na kung kaya, iwasan ninyo sila at huwag pansinin bilang pag-alipusta sa kanila, walang pag-aalinlangan, marurumi ang kanilang mga kalooban, at ang kanilang patutunguhan sa Kabilang-Buhay ay Impiyernong-Apoy bilang kabayaran sa anuman na kanilang nagawang mga kasalanan at pagkakamali.
96. Sumusumpa sa inyo, O kayong mga mananampalataya, sila na mga ‘Munâfiqun’ bilang pagsisinungaling; upang masiyahan kayo sa kanila at kung masiyahan kayo sa kanila dahil hindi ninyo batid na sila ay nagsisinungaling, ay katiyakang ang Allâh (I) ay hindi nasisiyahan sa mga taong naghimagsik at hindi sumunod sa Kanya at sa Kanyang Sugo.
97. Ang mga Bedouin na Arabo na nakatira sa mga malalayong lugar ng disyerto ay mas matindi ang kanilang pagtanggi at pagkamapagkunwari kaysa sa mga nakatira sa lunsod, at ito ay dahil sa katigasan ng kanilang mga puso at pagkalayo nila sa anumang kaalaman at sa mga may alam at ganoon din sa mga umpukan ng mga pagpapayo at pagpapaalaala, na kung kaya, sila ang mas hindi nakaaalam sa hangganang itinakda ng Allâh (I) at sa anumang ipinahayag ng Allâh (I) na mga batas at mga alintuntunin. At ang Allâh (I) ay Siyang ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa kalagayan nilang lahat, na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa pangangasiwa sa Kanyang mga alipin.
98. At mayroon sa mga Bedouin ang naghahangad mula sa anumang kanilang ginasta sa Daan ng Allâh (I) bilang kabayaran at pagkatalo na hindi na naghahangad ng anumang gantimpala, at hindi upang mailigtas ang kanyang sarili sa parusa, kundi siya ay nag-aabang na mangyari sa inyo ang mga kalamidad at mga kapinsalaan, subali’t ang pagkahamak ay sa kanila nangyari at hindi sa mga Muslim. At ang Allâh (I) ay ‘Samee`’ – Ganap na Nakaririnig sa anuman na kanilang mga sinasabi, na ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa kanilang mga masamang layunin.
99. At mayroon din sa mga Bedouin, na naniniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Kaisahan at naniniwala sa Pagkabuhay na Mag-uli pagkatapos ng kamatayan, at ganoon din sa gantimpala at parusa, at inilaan niya ang kanyang ginagasta sa pakikipaglaban sa mga walang pananampalataya bilang paghahangad ng pagmamahal ng Allâh (I), at upang ito ay maging daan ng pagpapanalangin ng Propeta para sa kanya, dapat mong mabatid na ang mga ganitong gawain ang magpapalapit sa kanila sa Allâh (I), at magiging dahilan ng pagpapapasok ng Allâh (I) sa Kanyang ‘Al-Jannah’ (Hardin). Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa anuman na nagawa nilang mga kasalanan, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila.
100. At ang mga yaong naunahan ang mga tao tungo sa paniniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo na mga ‘Muhâjirun’ (nangibang-bayan) na iniwan nila ang kanilang sambayanan at ang mga pamilya at sila ay nagtungo sa Tahanan ng Islâm, at ang mga Ansâr na sila ang tumulong sa Sugo ng Allâh (r) laban sa kanilang mga kalaban na mga walang pananampalataya, at gayundin ang mga mabubuting sumunod sa kanila sa paniniwala at mga salita at mga gawa sa paghahangad ng pagmamahal ng Allâh (I), ay sila ang mga yaong kinalugdan ng Allâh (I) dahil sa kanilang pagsunod sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo at minahal nila ng Allâh (I) dahil sa masaganang gantimpala na ipinagkaloob sa kanila dahil sa kanilang pagsunod at paniniwala.
Inihanda Niya para sa kanila ang mga Hardin na may umaagos na mga ilog sa ilalim nito na sila ay mananatili roon magpasawalang-hanggan, at ito ang dakilang tagumpay.
Sa ‘Âyah’ o talatang ito, ang pagpaparangal sa mga ‘Sahâbah’ at papuri sa kanila; na kung kaya, ang paggalang sa kanila ay bahagi ng pananampalataya.
101. Mayroon sa mga taong naninirahan sa palibot ng Madinah ay mga Bedouin na mga mapagkunwari at mayroon ding ilan sa mga taga-Madinah ang patuloy na nagpumilit sa kanilang pagkukunwari; at lalo pang naging matindi ang kanilang paglabag dahil lingid sa iyong kaalaman, O Muhammad (r), ang hinggil sa kanila, subali’t Kami ay Ganap na Nababatid Namin, na kung kaya, walang pag-aalinlangan, parurusahan Namin sila ng dalawang beses: sa pagpatay sa kanila at pagbihag sa kanilang mga kababaihan at pagpapahiya sa kanila rito sa daigdig at sa pagpaparusa sa kanila sa kanilang libingan pagkatapos nilang mamatay, pagkatapos sila ay ibabalik sa Araw ng Muling Pagkabuhay tungo sa kasindak-sindak na kaparusahan sa Impiyernong-Apoy.
102. At ang iba naman sa kanila na nanirahan sa Madinah at sa mga karatig-pook nito, ay mga umamin ng kanilang pagkakasala at ito ay kanilang pinagsisihan at nagbalik-loob sila, na magkahalo ang kanilang mabuting gawa na katulad ng pagbabalik-loob, pagsisisi at pag-amin ng kasalanan at iba pang mga kabutihan; na ang masamang gawain naman nila ay katulad ng hindi nila pagsama sa Propeta sa pakikipaglaban at iba pang mga pagkakamali, na maaaring ang Allâh (I) ay gabayan sila upang magbalik-loob at ito ay tatanggapin para sa kanila. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa Kanyang mga alipin, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila.
103. Tanggapin mo, O Muhammad (r), ang mga kayamanan nila na mga nagsipagsisi na naghalo ang kanilang mga mabuting gawa at mga masamang gawa bilang kawanggawa mula sa kanila upang sila ay linisin mula sa dungis ng kanilang pagkakasala, at sila ay mapalayo mula sa antas ng mga mapagkunwari tungo sa antas ng mga malilinis at dalisay, at ihingi mo sila ng kapatawaran sa kanilang mga pagkakasala upang sila ay mapatawad, dahil katiyakang ang panalangin mo para sa kanila at paghingi mo ng kapatawaran ay bilang habag at kapanatagan para sa kanila. At ang Allâh (I) ay ‘Samee`’ – Ganap na Nakaririnig sa lahat ng panalangin at salita, na ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa kalagayan ng Kanyang mga alipin at sa kanilang mga layunin, at gagantihan ang bawa’t isa ayon sa kanyang gawa.
104. Hindi ba alam ng yaong hindi sumama sa pakikipagdigma at ng iba pa sa kanila, na ang Allâh (I) sa katotohanan ay Bukod-Tanging tumatanggap ng pagbabalik-loob ng Kanyang mga alipin, at tumatanggap ng mga kawanggawa at Kanya itong ginagantimpalaan; at walang pag-aalinlangang ang Allâh (I) ay Siyang Bukod-Tanging ‘At-Tawwâb’ – Ganap na Mapagpatawad sa Kanyang mga alipin kapag sila ay bumalik sa pagsunod sa Kanya, na ‘Ar-Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila kapag sila ay nagbago tungo sa Kanyang kagustuhan?
105. Sabihin mo, O Muhammad (r), sa kanila na mga mapagkunwari at sa mga katulad nila: “Gawin na ninyo ang anumang nais ninyong gawin! Walang pag-aalinlangang makikita ng Allâh (I) ang inyong mga gawa at (ganoon din) ang Kanyang Sugo at ang mga mananampalataya, at lilitaw at lilitaw ang katotohanan hinggil sa inyo. At walang pag-aalinlangan, na kayo ay babalik sa Araw ng Muling Pagkabuhay tungo sa Kanya na Ganap na Nakaaalam (Allâh I) ng inyong inilihim at inyong inilantad, at isasalaysay sa inyo ang anuman na inyong nagawa. At ito ay bilang pagbabanta at babala sa sinumang nanatili sa kanyang pagkakamali at paglabag.”
106. At mayroon sa kanila na mga hindi sumama sa inyo sa Labanan sa Tabuk ang pinapaghintay sa kung ano ang magiging Hatol ng Allâh (I) para sa kanila; upang pagpasiyahan ng Allâh (I) ang Kanyang pasiya, at sila ang mga yaong pinagsisihan ang kanilang mga gawa, na sila ay sina: Murarah Ibnur Rabi`ah, Ka`ab Ibnu Malik, at Hilal Ibnu Umayyah; na sila ay maaaring parusahan ng Allâh (I) at maaari rin namang patawarin. At ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa sinumang karapat-dapat na parusahan o patawarin, na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa lahat ng Kanyang mga sinasabi at mga ginagawa.
107. At ang mga mapag-kunwari na nagtayo ng Masjid; upang ipahamak ang mga mananampalataya at bilang pagtanggi sa Allâh (I), at paghihiwa-hiwalayin ang mga mananampalataya; upang mag-‘Salâh’ ang ilan sa kanila roon at iwan ang Masjid Qubâ` na pinagdarasalan ng mga Muslim, nang sa gayon ay magkasalungatan ang mga Muslim at magkawatak-watak dahil dito; at bilang himpilan sa sinumang naghamon ng labanan sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo noon, na ito ay si Abu `Âmer na masamang monghe na gagawin niya itong sentro o lugar ng pakana laban sa mga Muslim, at sumusumpa sila na mga mapagkunwari na sila raw sa katotohanan, ay walang anumang masamang balakin sa pagtatayo nito kundi kabutihan at bilang awa sa mga Muslim at upang maluwagan ang mga mahihina na hindi nila kayang maglakad tungo sa Masjid Qubâ`, subali’t ang Allâh (I) ay tumitestigo na sila ay sinungaling sa kanilang panunumpa. Na kung kaya, sinira ang Masjid na yaon at sinunog.
108. Kailanman ay huwag kang titindig, O Muhammad (r), upang magsagawa ng ‘Salâh’ sa Masjid na yaon, dahil walang pag-aalinlangang ang Masjid na itinayo batay sa pagkatakot sa Allâh (I) sa una pa lamang pagkakataon ay ang Masjid Qubâ`, na rito mo nararapat isagawa ang iyong pagsa-‘Salâh,’ dahil nasa Masjid na yaon ang mga kalalakihan na nais nilang maglinis sa pamamagitan ng tubig mula sa anumang karumihan, na tulad din ng kanilang paglilinis mula sa pagkatakot sa Allâh (I) at paghingi ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan at kasamaan. At ang Allâh (I) ay nagmamahal sa mga taong malilinis. At kung ang Masjid Qubâ` ay itinayo batay sa pagkatakot sa Allâh (I) sa unang araw pa lamang na ito’y itinayo, gayon din o higit pa ang Masjid ng Sugo ng Allâh (r).
109. Hindi maaaring magkatulad ang sinumang nagtayo ng kanyang tahanan batay sa pagkatakot sa Allâh (I), pagsunod sa Kanya at paghahangad ng Kanyang pagmamahal, sa sinumang nagtayo ng kanyang tahanan sa dulo ng bangin na maaaring bumagsak anumang sandali, kaya itinayo niya ang Masjid ng kapahamakan at paglabag sa Allâh (I) at para sa pagpapahiwa-hiwalay sa mga Muslim, na kung kaya, ito ang nagdala sa kanya sa pagkabulid sa Impiyernong-Apoy. At ang Allâh (I) ay hindi Niya ginabayan ang mga taong masasama na lumalabag sa Kanyang hangganang itinakda.
110. At patuloy na itinayo ng mga mapagkunwari ang gusali upang ipahamak ang Masjid Qubâ`, na nanatili ang kanilang pagdududa at ang kanilang pagiging ipokrito sa kanilang mga puso maliban na lang kung tadtarin ang kanilang mga puso sa pamamagitan ng pagpatay sa kanila, o sa pagdating ng kamatayan nila o di kaya ay sa matinding pagsisisi nila at pagbabalik-loob nila sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at sa kanilang matinding pagkatakot sa kanilang ginawa.
At ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa pagdududa ng mga mapagkunwari sa anuman na kanilang layunin, na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang pangagasiwa sa Kanyang mga nilikha.
111. Katiyakan, ang Allâh (I) ay binili Niya sa mga mananampalataya ang kanilang mga sarili na ang kapalit nito ay ang Hardin (‘Al-Jannah’) at anumang inihanda ng Allâh (I) sa kanila na kaligayahan dahil sa pagsakripisyo nila ng kanilang mga sarili at kanilang mga kayamanan sa pakikipaglaban sa kalaban ng Allâh (I) upang mangibabaw ang Kanyang batas (salita) at mangibabaw ang Kanyang ‘Deen,’ nakapapatay sila o sila ay namamatay, ito ay katotohanan na ipinangako ng Allâh (I) sa kanila ayon sa ‘Tawrah’ na ipinahayag kay Mousâ (u) at ‘Injeel’ na ipinahayag kay `Îsã (Hesus u), at sa Banal na Qur’ân na ipinahayag kay Muhammad (r). At walang sinuman ang hihigit pa sa Allâh (I) sa pagpapatupad Niya ng Kanyang pangako sa sinumang tinupad nito ang pangako niya sa Allâh (I), na kung kaya, magpakasaya kayo, O kayong mga mananampalataya, dahil sa inyong kasunduan sa Allâh (I) na inyong tinupad, at sa anumang ipinangako Niya sa inyo na Hardin at pagmamahal, at ito ang dakilang tagumpay.
112. At kabilang sa katangian nila na mga mananampalataya na pinangakuan ng Allâh (I) ng ‘Al-Jannah’ (Hardin) ay sila yaong mga nagsipagsisi na tinalikuran nila ang anumang kinamumuhian ng Allâh (I) tungo sa anumang gawain na Kanyang kinalulugdan, na mga yaong taimtim ang kanilang pagsamba sa Allâh (I) na Bukod-Tangi at sa kanilang pagsunod sa Kanya, yaong pumupuri sa Allâh (I) sa lahat ng pagkakataon na sinusubok sila mabuti man ito o masama, yaong mga nag-aayuno nang alang-alang sa Allâh (I), yaong mga yumuyuko sa kanilang pagsa-‘Salâh’ at mga nagpapatirapa; yaong mga nag-uutos sa mga tao na isagawa ang anumang ipinag-uutos ng Allâh (I) at Kanyang Sugo, at nagbabawal sa anumang ipinagbabawal ng Allâh (I) at ng Kanyang Sugo, na isinasagawa nila ang ipinag-uutos ng Allâh (I) at pinangangalagaan nila ang anumang batas, pag-uutos man o pagbabawal, sila ay patuloy sa pagsunod sa Allâh (I), na nananatili sa Kanyang batas. Ipamalita mo, O Muhammad (r), sa kanila na mga mananampalataya na nagtatangan ng mga ganitong katangian, ang pagmamahal ng Allâh (I) at ng Kanyang ‘Al-Jannah’ (Hardin).
113. Hindi nararapat kay Propeta Muhammad (r) at sa mga mananampalataya na ihingi ng kapatawaran ang mga ‘Mushrikin’ na mga nagtambal o sumamba ng iba bukod sa Allâh (I), maging sila man ay mga kamag-anak nila pagkatapos silang mamatay na mga walang pananampalataya sa Allâh (I) at sumamba ng rebulto, at napatunayan nila na ang mga ito ay maninirahan sa Impiyernong-Apoy, dahil sa sila ay namatay na hindi naniwala sa Allâh (I), na namatay na nasa kalagayan ng ‘Shirk’ – pagtatambal o pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I).
At ang Allâh (I), hindi Niya pinatatawad ang mga nagtambal o sumamba ng iba bukod sa Kanya, na katulad ng Kanyang sinabi: “Katiyakang ang Allâh (I), hindi Niya patatawarin ang sinumang nagtambal sa pagsamba sa Kanya o sumamba ng iba bukod sa Kanya.”
At sinabi pa rin Niya, “Katiyakan, ang sinumang nagtambal o sumamba ng iba bukod sa Allâh (I) ay ipinagbawal sa kanya ng Allâh (I) ang ‘Al-Jannah’ (Hardin).”
114. At ang panalangin ni Ibrâhim (u) sa kanyang ama na ‘Mushrik’ ay bilang pagtupad lamang sa kanyang pangako na kanyang ipinangako sa kanyang ama, na kanyang sinabi: “Walang pag-aalinlangan, ihihingi kita ng kapatawaran sa aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha, dahil Siya ay nagmamahal sa akin.” Subali’t noong mapatunayan ni Ibrâhim na ang kanyang ama ay kalaban ng Allâh (I) at wala nang pakinabang sa kanya ang pagpapayo at pagpapaalaala, at siya’y mamamatay na walang pananampalataya, na kung kaya, pinabayaan na siya at hindi na inihingi ng kapatawaran at inilayo niya ang kanyang sarili sa kanya (inialis niya ang kanyang pananagutan sa kanyang ama). Katiyakan, si Ibrâhim ay ‘Awwâh’ – matindi ang kanyang pagpapakumbaba sa Allâh (I), pinupuri at niluluwalhati niya ng labis ang Allâh (I), napakalawak ang kanyang pang-unawa sa anumang pagkakamali ng kanyang sambayanan.
115. At ang Allâh (I) ay hindi Niya ililigaw ang mga tao pagkatapos Niyang pagkalooban ng gabay at patnubay hangga’t hindi Niya naipaliliwanag sa kanila ang anuman na dapat nilang pag-ingatan at anuman ang kanilang nararapat na matutunan sa mga alintuntunin ng ‘Deen.’
Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa lahat ng bagay, na kung kaya, itinuro Niya sa inyo ang anuman na hindi ninyo alam at nilinaw Niya sa inyo ang anumang kapakinabangan nito, at itinatag Niya sa inyo ang katibayan sa pagpaparating ng Kanyang mensahe.
116. Katiyakan, ang Allâh (I), Siya ay ‘Mâlik’ – Nagmamay-ari ng mga kalangitan at kalupaan at ang anumang niloob nito at wala Siyang sinumang katambal sa paglikha at pangangasiwa nito, sa bukod-tanging pagsamba sa Kanya at sa pagbibigay ng batas. Sinasanhi Niya na mabuhay ang sinuman na Kanyang nais at mamatay naman ang sinuman na Kanyang nais. At bukod sa Allâh (I) wala kayong sinumang ‘Walee’ – Ganap na Tagapangasiwa sa inyo at walang sinuman ang tutulong sa inyo laban sa inyong mga kalaban kundi Siya.
117. Walang pag-aalinlangan, ginabayan ng Allâh (I) ang Kanyang Propeta na si Muhammad (r) sa pagsunod sa Kanya upang makamit ang kapatawaran, at ganoon din ang mga ‘Muhâjireen’ at ang kanilang mga pamilya na mga nangibang-bayan tungo sa bayan ng Islâm, at ganoon din ang mga ‘Ansâr’ – ang tagatulong ng Sugo ng Allâh (r) na sila ay sumama sa kanya sa pakikipaglaban sa mga kalaban sa Labanan sa Tabuk sa panahon na matindi ang init at matindi ang kahirapan.
Walang pag-aalinlangan, pinatawad sila ng Allâh (I) pagkatapos na muntik nang malihis ang puso ng iba sa kanila sa katotohanan, na mas higit na gugustuhin pa nilang magmukmok na lamang sa isang tabi at hindi kikilos, subali’t ang Allâh (I) ay pinatatag sila at pinalakas at pinatawad, dahil Siya ay ‘Raouf’ – Punung-puno ng kabutihan sa kanila, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal. At kabilang sa pagmamahal Niya sa kanila ay ang Kanyang pagkakaloob ng kapatawaran sa kanila, at tinanggap sa kanila ang kanilang pagbabalik-loob at pinatatag sila.
118. At ganoon din, pina-tawad ng Allâh (I) ang tatlo na hindi sumama sa pakikipaglaban mula sa mga Ansâr na sina: Ka`ab Ibn Malik, Hilal Ibn Umayyah, at Murarah Ibn Rabi`ah, na nagpaiwan at hindi sumama sa Propeta na Sugo ng Allâh (r), at nalungkot sila nang matinding pagkalungkot, hanggang sa sumikip sa kanila ang mundo na napakalawak dahil sa kanilang matinding lungkot at pagsisisi, dahil sa ginawa nilang di-pagsama, at sumikip sa kanila ang kanilang kalooban dahil sa kanilang matinding pagdadalamhati, at natiyak nila na wala na silang matatakasan mula sa Allâh (I) kundi sa Kanya rin lamang, kaya ginabayan sila ng Allâh (I) sa pagsunod sa Kanya at pagbabalik tungo sa anumang ikalulugod ng Allâh (I). Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘At-Tawwâb’ – ang Tagapagpatawad at Tapagtanggap ng mga nagsisisi mula sa Kanyang mga alipin, na ‘Ar-Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila.
119. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Katakutan ninyo ang Allâh (I) at maging maingat kayo sa lahat ng inyong mga ginagawa o pag-iwas sa mga dapat ninyong iwasan, at maging kabilang kayo sa mga totoo sa kanilang paniniwala at sa kanilang mga pangako at sa lahat ng larangan ng kanilang pamumuhay.
120. Hindi nararapat sa mga taga-Madinah at sa mga nakatira sa karatig nito na magpaiwan kasama ng kanilang pamilya at hindi sumama sa Sugo ng Allâh (r) sa pakikipaglaban, at hindi maaari na mas higit na gugustuhin pa nila sa kanilang mga sarili ang pamamahinga samantalang ang Sugo ng Allâh (r) ay nagsasakripisyo, na mas nanaisin pa nila ang kapakanan ng kanilang mga sarili kaysa sa kanyang buhay.
Sa kadahilanang nangyari sa kanila sa kanilang paglalakbay at pakikipaglaban, na pagkauhaw at pagkapagod at anumang kagutuman nang alang-alang sa Allâh (I), at walang anumang lugar ang kanilang narating na ikinagalit ng mga walang pananampalataya ang pagtungo nila roon, at walang anumang nangyari sa kanilang kalaban na pinsala o di kaya ay pagkamatay o pagkatalo kundi ang lahat ng mga ito ay itatala sa kanila bilang kanilang gantimpala na mga mabubuting gawa. Katiyakan, hindi binabalewala ng Allâh (I) ang gantimpala ng mga mabubuti.
121. At walang anuman ang kanilang ginasta – maliit man ito o malaking halaga – sa Daan ng Allâh (I), at walang anumang lambak na kanilang nadaanan sa kanilang paglalakbay kasama ang Sugo ng Allâh (r) sa kanyang pakikipaglaban sa Daan ng Allâh (I) kundi itatala ang gantimpala nito sa kanila; upang sila ay gantimpalaan ng Allâh (I) ng higit pa kaysa sa anumang karapat-dapat na gantimpala sa kanilang mga mabubuting gawa.
122. At hindi karapat-dapat sa mga mananampalataya na lahat sila ay tutungo sa pakikipaglaban sa kanilang mga kalaban, at hindi rin maaari naman na silang lahat ay manatili lamang, na kung kaya, di ba nararapat na ang lalabas lamang mula sa bawa’t grupo ay ang ilang pinili mula sa kanila na nababatay lamang sa pangangailangan ng situwasyon; upang ang mga maiiwan ay makapag-aral ng ‘Deen’ ng Allâh (I) at sa kung anuman ang ipinahayag sa Kanyang Sugo, upang sila ay makapagbigay ng babala sa kanilang sambayanan sa anuman na kanilang natutunan kapag sila ay nakabalik sa kanila, nang sa gayon ay makapag-ingat sila sa parusa sa Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga ipinag-uutos at pag-iwas sa Kanyang mga ipinagbabawal.
123. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Simulan ninyo ang pakiki-paglaban sa mga kalaban na mga walang pananampalataya na malalapit sa inyo (ang kanilang lugar), at nararapat na madama ng mga walang pananampalataya ang inyong tapang at bagsik, at dapat ninyong mabatid na ang Allâh (I) ay katiyakang kasama ng mga matatakutin (‘Al-Muttaqin’) sa pamamagitan ng Kanyang pagta-taguyod at tulong.
124. At kapag nagpahayag ang Allâh (I) ng ‘Surah’ o kabanata mula sa Banal na Qur’ân sa Kanyang Sugo, ay mayroon sa kanila na mga mapagkunwari ang magsasabi bilang pagtanggi at pag-aalipusta: “Sino nga ba sa inyo ang naragdagan ang kanyang paniniwala sa Allâh (I) sa pamamagitan ng Kanyang talata at kabanatang ito?” Subali’t ang mga yaong naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo ay naragdagan ang kanilang pananalig sa Allâh (I) noong nalaman nila ang ‘Surah’ na ito na ipinahayag at napag-aralan nila, pinaniwalaan nila at isinagawa, at sila ay natutuwa sa anumang ipinagkaloob sa kanila ng Allâh (I) na paniniwala at kaseguruhan.
125. Subali’t sa yaong ang puso ay may sakit ng pag-aalinlangan sa ‘Deen’ ng Allâh (I) at pagkamapagkunwari, ay nakapagdagdag lamang sa kanilang pagkamapagkunwari at pag-aalinlangan ang pagkapahayag ng kabanatang ito, na naging higit pa kaysa sa kung ang mayroon sila na pagkamapagkunwari at pag-aalinlangan, hanggang sa sila ay mamatay na tumatanggi sa Allâh (I) at sa Kanyang mga talata.
126. Hindi ba nakikita ng mga mapagkunwari, na ang Allâh (I) ay walang pag-aalinlangang sinusubok sila ng tagtuyot at taggutom nang minsanan o dalawang beses taun-taon upang lumitaw ang anumang kinimkim nilang pagkukunwari? Subali’t pagkatapos ng mga ganitong pangyayari ay hindi pa rin sila nagsipagsisi sa kanilang pagtanggi sa Allâh (I) at sa kanilang pagiging mapagkunwari, at hindi naging aral sa kanila upang maintindihan nila ang anumang nakikita nila na mga talata ng Allâh (I).
127. At kapag nagpahayag ng isang kabanata ang Allâh (I), ay nagtitinginan sa isa’t isa ang mga mapagkunwari bilang pagtatanggi at pag-aalipusta at pagkapoot sa pagkapahayag nito; dahil sa naisaad doon ang kanilang mga kapintasan at ang kanilang mga ginagawa, pagkatapos sasabihin nila: “Mayroon bang sinumang makakakita sa inyo kung kayo ay tatayo at aalis mula roon sa Sugo ng Allâh (r)? At kung walang nakakita sa inyo ay tumayo at umalis kayo mula sa kanya upang hindi kayo mapahiya.” Na kung kaya, inilayo ng Allâh (I) ang kanilang mga puso sa paniniwala; dahil sa kanilang di pagkakaintindi at di pag-uunawa.
128. Katiyakan, dumating sa inyo, O kayong mga mananampalataya, ang Sugo na mula sa inyo, na naghihirap ang kanyang kalooban sa anumang natatamo ninyong kahirapan o kapinsalaan, nagmamalasakit sa inyo upang maituwid ang inyong paniniwala at maging mabuti ang inyong kalagayan, at siya ay maawain, ubod ng buti at mapagmahal sa mga mananampalataya.
129. At kapag tumalikod ang mga ‘Mushrikun’ at ang mga ‘Munâfiqun’ sa paniniwala sa iyo, O Muhammad (r), sabihin mo sa kanila: “Sapat na sa akin ang Allâh (I) at sapat na sa akin ang Kanyang pangangalaga sa anumang aking mga suliranin, ‘Lâ ilâha illa Huwa’ – walang sinuman ang may karapatan at karapat-dapat na sambahin kundi Siya, sa Kanya ako nagtitiwala at sa Kanya ko ipinauubaya ang lahat hinggil sa akin; dahil Siya sa katotohanan ang aking Tagapangalaga at Siya ay ‘Rabbul `Arshil Adzeem’ – ‘Rabb’ na Nagmamay-ari ng Dakilang ‘`Arsh’ (Trono), na ito ang pinakadakila sa lahat ng Kanyang mga nilikha.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
2 comments:
Salam Brother,
May i ask the complet name of the translator please and i would like to ask permission also from the translator to allow me to post this TAGALOG QURAN in different sites...i would create a PDF File so other filipinos could also be able to download this. thanks!
Ma'assalam
Assalamu'alaikum dear brother,
Previously, the only available Tagalog Translation of the Meaning of the Holy Quran online was the result of early efforts from two Filipino Muslim Teachers in Saudi Arabia, Ustad Badie Saliao and Ustad Amir Rodrigues. However, it was not completed at that time.
For the first time, you can now view and download the full Tagalog Translation of the Holy Quran in this link. Both teachers with the help of other Islamic scholars in Saudi Arabia and Filipino teachers have finalized the translation and wishes to share it with Filipino Muslims worldwide...
http://akoayisangmuslim.webs.com/qurantagalog.htm
http://akoayisangmuslim2.blogspot.com/p/quran-tagalog.html
Walaikum'assalam
Yusuf
Post a Comment