Sunday, May 16, 2010

Sûrât Al-Mu`minûn

23
XXIII – Sûrât Al-Mu`minûn
[Kabanata Al-Mu`minûn – Ang Mga Mananampalataya]

بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagm


1. Katiyakan, nagtagumpay ang mga naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo na sumusunod sa Kanyang batas.

2. Na ang kanilang mga katangian ay sila sa kanilang pagsasagawa ng ‘Salâh’ ay punung-puno ng pagkatakot, na ganap na dalisay sa kanilang mga kalooban at kapanatagan sa kanilang pagkatao.

3. At mga yaong iniiwasan nila ang lahat ng mga walang kabuluhan na salita at gawa.

4. At mga yaong nililinis nila ang kanilang mga sarili at ang kanilang mga kayamanan sa pagpapatupad ng pagbibigay ng ‘Zakâh’ (o obligadong kawanggawa) ayon sa iba’t ibang uri nito.

5. At mga yaong iniaalagan nila ang kanilang mga pribadong bahagi ng katawan mula sa anumang ipinagbabawal ng Allâh (I) na katulad ng pangangalunya at lahat ng mahahalay na gawain.

6. Maliban sa kanilang mga asawa o di kaya ay sa kanilang mga alipin na kababaihan, dahil hindi ipinagbabawal sa kanila na makipagtalik sa kanila at pasayahin sila; dahil ang Allâh (I) ay ipinahintulot ito sa kanila.

7. Na kung kaya, sinuman ang maghahangad ng kaligayahan na hindi sa pamamagitan ng kanyang asawa at alipin na babae ay kabilang siya sa mga lumampas sa ipinahintulot ng Allâh (I) tungo sa Kanyang ipinagbawal, at inilagay niya ang kanyang sarili sa kaparusahan ng Allâh (I) at ng Kanyang poot.

8. At ang mga yaong inaalagaan nila ang anumang ipinagkatiwala sa kanila at tinutupad nila ang anumang kanilang pangako.

9. At ang mga yaong patuloy sa kanilang pagsasagawa ng ‘Salâh’ sa mga oras na itinakda para rito at ayon sa tamang pamamaraan na itinuro ni Propeta Muhammad (r).

10. Sila ang mga mananampalataya na mamanahin nila ang ‘Al-Jannah’ (Hardin).

11. Na siyang magmamana ng mga matataas na antas sa ‘Al-Jannah’ at ang kalagitnaan nito, na sila ay manatili roon na wala nang katapusan ang kanilang kaligayahan.

12. At katiyakan, nilikha Namin si Âdam (u) mula sa luwad (putik) na nagmula sa lahat ng uri ng kalupaan.

13. Pagkatapos ay nilikha Namin ang kanyang lahi mula sa ‘Nutfah:’ na mula sa semilya ng mga kalalakihan na lumalabas sa kanilang mga ‘sulb’ (o mga gulugod) at ito ay nananatili sa ligtas na lugar sa mga sinapupunan ng mga kababaihan.

14. Pagkatapos ay ginawa Namin ang ‘Nutfah’ na ‘`Alaqah’ – na ito ay namuong dugo na kulay pula na malapot, pagkatapos ay ginawa Namin ang ‘`Alaqah’ pagkalipas ng apatnapung araw na maging ‘Mudhghah’ – namuong laman na ito ay kapirasong laman na kasingdami ng isang subo na parang may mga kagat sa tagiliran, pagkatapos ay ginawa Namin ang malambot na laman na ito na buto, at saka Namin dinamitan ang butong ito ng laman, pagkatapos ginawa Namin ito na isang panibagong nilikha sa pamamagitan ng pag-ihip sa kanya ng kanyang kaluluwa. Samakatuwid, luwalhati sa Allâh (I), na Siya ay ‘Ahsanul Khâliqeen’ – ang Pinakamagaling at Pinakaganap sa paglikha ng lahat ng bagay.

15. Pagkatapos, katiyakan, kayo na mga tao, pagkalipas ng iba’t ibang yugto ng buhay ay magtatapos ang inyong buhay na kayo ay mamamatay.

16. Pagkatapos, pagkalipas ng kamatayan at pagwawakas ng mundo ay bubuhaying kayong mag-uli sa Araw ng Muling Pagkabuhay na kayo ay babangon mula sa inyong mga libingan para sa paghuhukom at pagbabayad.

17. Katiyakan, nilikha Namin sa ibabaw ninyo ang pitong mga kalangitan na magkakapatung-patong, at Kami, kailanman ay hindi Namin nakaligtaan ang lahat ng nilikha, na kung kaya, wala Kaming makalilimutan sa anumang nilikha.

18. At ibinaba Namin mula sa kalangitan ang tubig ayon sa kung ano ang pangangailangan ng mga nilikha, at gumawa Kami sa kalupaan ng pagpapanatilihan nito, at walang pag-aalinlangan, Kami ay Ganap na Makapangyarihan na kaya Naming alisin ang tubig sa pinagpanatilihan nito.
Dito sa talatang ito ang babala at pagbabanta sa mga masasama.

19. At ginawa Namin sa pamamagitan ng tubig na ito ang mga hardin, ang mga puno ng palmera ng datiles at saka mga ubas, at para sa inyo rito sa mga hardin na ito ang iba’t ibang uri ng prutas, na mula rito kayo ay kumakain.

20. At ginawa Namin para sa inyo ang puno ng oliba na ito ay sumisibol sa lugar na nakapalibot sa bundok ng Sinai na nagmumula rito ang langis na ginagamit ninyo sa inyong katawan, saka panluto at pagkain na kaibig-ibig sa inyong panlasa.

21. At katiyakan, para sa inyo, O kayong mga tao, ang aral na napakikinabangan ninyo mula sa paglikha ng kamelyo, baka at kambing, na ipinagkaloob Namin sa inyo mula sa mga tiyan nito ang gatas na iniinom ninyo, at mayroon pa kayong iba pang maraming kapakinabangan na nagmumula rito, na katulad ng balahibo at balat at iba pa na katulad nito, at nagmumula rin dito ang inyong mga kinakain at ikinabubuhay.

22. At sa mga ito, at sa mga sasakyang pandagat kayo ay sumasakay sa kapatagan at karagatan.

23. At katiyakan, ipinadala Namin si Nûh (u) tungo sa kanyang sambayanan upang sila ay hikayatin sa Kaisahan ng Allâh (I) at kanyang sinabi sa kanila: “O aking sambayanan! Sambahin ninyo ang Allâh (I) nang bukod-tangi, na wala kayong ‘Ilâh’ (Diyos) na karapat-dapat sambahin bukod sa Kanya, kung gayon, hindi ba kayo natatakot sa Kanyang kaparusahan?”

24-25. Tinanggihan siya ng mga matataas mula sa kanyang sambayanan, at kanilang sinabi sa mga tao: “Katiyakan, siya ay tao lamang na katulad ninyo, wala siyang katangian na anuman na nakahihigit sa inyo, at wala siyang hangarin sa kanyang sinasabi kundi upang siya ay maging pinuno at magiging katangi-tangi sa inyo. Kung ninais ng Allâh (I) na magpadala sa atin ng Sugo ay magpapadala Siya mula sa mga anghel, at wala kaming narinig na katulad niya sa nauna nating mga ninuno at mga matatanda. Na kung kaya, si Nûh ay isang tao na sinapian ng pagkabaliw, na kung kaya, abangan ninyo muna ang kanyang katinuan, at itigil ang kanyang paghihikayat, o di kaya siya ay mamatay at wala na kayong puproblemahin pa sa kanya.”

26. Sinabi ni Nûh: “O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha, tulungan Mo ako laban sa aking sambayanan; dahil sa kanilang pagpapasinungaling sa akin sa pagpaparating ko ng Iyong mensahe.”

27. Na kung kaya, ipinahayag Namin sa kanya ang utos na siya ay gumawa ng malaking sasakyang pandagat sa ilalim ng Aming pagmamasid at Rebelasyon, na ang ibig sabihin: “Batay sa Aming ipinag-utos sa iyo at pagtulong sa iyo, at ikaw ay nasa ilalim ng Aming pangangalaga.” At dito sa talatang ito ang patunay sa katangian ng Allâh (I) na Siya ay mayroong mata na angkop sa Kanyang Kamaharlikaan nang walang ‘tasbeeh’ (nang walang paghahambing) at walang ‘takyeef’ (na hindi tinatanong ang pagiging paano nito).

Na kung kaya, kapag dumating ang Aming utos na parusahan ang iyong sambayanan ng pagkalunod at magsimula na ang delubyo na bubulwak ang tubig mula sa ‘tannur’ (o pugon), ay isakay mo na sa Arka ang lahat ng may buhay na magkakaparis na lalaki at babae; upang manatili ang mga lahi nito, at isakay mo rin ang iyong pamilya maliban sa sinumang karapat-dapat sa parusa dahil sa kanyang di- paniniwala na tulad ng iyong asawa at iyong anak, at huwag mo nang hilingin pa sa Akin na mailigtas ang iyong masasamang sambayanan dahil katiyakan na walang pag-aalinlangang sila ay malulunod.


28. At kapag ikaw ay nakasakay na sa Arka, ikaw at ang sinumang kasama mo na ligtas na sa pagkalunod ay sabihin mo: “Ang papuri at pasasalamat ay sa Allâh (I) na Siyang nagligtas sa amin mula sa mga taong walang pananampalataya.”
29. At sabihin mo: “Aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Sanhiin Mo na lumapag (o dumaong) ako sa mabiyaya at ligtas na paglalapagang-lugar dahil sa Ikaw ay ‘Khayrul Munzileen’ – Pinakamabuti na nagpapalapag (o nagpapadaong sa kalupaan.”

At nandirito ang katuruan mula sa Allâh (I) para sa Kanyang mga alipin sa kung ano ang sasabihin kapag siya ay bababa o tutungo sa anumang lugar.

30. Walang pag-aalinlangan, sa pagligtas sa mga mananampalataya at pagwasak sa mga walang mananampalataya ay malilinaw na mga palatandaan na nagpapatunay sa pagiging totoo ng mga Sugo ng Allâh (I) sa anuman na kanilang dala-dala mula sa Allâh (I), at katotohanan na sinusubok Namin ang mga sambayanan sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga Sugo sa kanila bago isagawa ang pagpaparusa sa kanila na mga tatanggi.

31. Pagkatapos ay naglikha Kami pagkalipas ng sambayanan ni Nûh ng panibagong henerasyon, na ito ay sambayanan ni `Âd.

32. At nagpadala Kami sa kanila ng Sugo na nagmula sa kanila na siya ay si Hûd at kanyang sinabi sa kanila: “Sambahin ninyo ang Allâh (I) nang bukod-tangi dahil wala kayong ‘Ilâh’ (o Diyos) na may karapatan at karapat-dapat sambahin kundi Siya, kung gayon, hindi ba kayo natatakot sa Kanyang kaparusahan kapag kayo ay sumamba ng iba bukod sa Kanya?”

33. At sinabi ng mga matataas at mga namumuno mula sa kanyang sambayanan na mga hindi naniniwala sa Allâh (I), at tinanggihan ang pakikipagharap sa Allâh (I) sa Kabilang-Buhay, na ang nagligaw sa kanila ay ang biyayang natamasa nila rito sa daigdig na marangyang pamumuhay: “Siya na naghikayat sa inyo tungo sa Kaisahan ng Allâh (I) ay hindi hihigit kaysa sa isang tao na katulad din ninyo na kumakain ng mga kinakain ninyo at umiinom ng mga iniinom ninyo.
34. “At kapag sumunod kayo sa kanya na isa ring tao na katulad ninyo, samakatuwid, ay magiging talunan kayo sa pagtalikod ninyo sa inyong diyus-diyosan at pagsunod ninyo sa kanya.

35. “Paano kayo naniniwala sa anuman na kanyang ipinangako na kapag kayo ay namatay, na naging alikabok na at ang inyong mga buto ay nagkandadurog na, kayo ay bubuhayin na mag-uli mula sa inyong mga libingan?

36. “Tunay na malayo ang kanyang ipinangako sa inyo, O kayong mga tao, na pagkatapos ng inyong kamatayan ay bubuhayin kayo na mag-uli mula sa inyong mga libingan.”

37. “Ang buhay natin ay hindi hihigit sa kung ano ang buhay lamang natin dito sa daigdig, at namamatay ang mga magulang mula sa atin at habang buhay naman ang mga anak, at kailanman ay hindi na tayo mabubuhay pang mag-uli.

38. “At siya na naghikayat sa inyo tungo sa paniniwala ay isang tao lamang na nag-iimbento ng kasinungalingan laban sa Allâh (I), at kailanman ay hindi kami maniniwala sa kanyang sinasabi sa amin.”

39. Nanalangin ang Sugo na ipinadala sa kanila sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha na kanyang sinabi: “O aking ‘Rabb!’ Tulungan Mo ako laban sa kanila dahil sa kanilang pagtanggi at pagpapasinungaling sa akin.”

40. At sinabi ng Allâh (I) bilang pagtugon sa kanyang panalangin: “Hindi maglalaon ay katiyakang magsisisi sila,” na ang ibig sabihin: “Ilang panahon lamang ang lilipas sa mga nagpasinungaling ay magsisipagsisi rin.”

41. At hindi tumagal ay dumating sa kanila ang nakabibinging ingay na may kasamang malakas na hangin, na sa pamamagitan nito ay pinuksa sila ng Allâh (I) at namatay silang lahat, at sila ay nakahandusay na katulad ng mga basurang patay na mga halaman, na kung kaya, kasumpa-sumpa sa kanila na mga masama na malayo mula sa awa ng Allâh (I), samakatuwid, mag-ingat ang sinumang nakarinig nito na tanggihan ang Sugo na ipinadala ng Allâh (I) dahil mangyayari sa kanila ang katulad ng mga nangyari sa nauna sa kanila.

42. Pagkatapos ay naglikha Kami pagkalipas nila na mga tumanggi ng maraming nasyon na mga tao na katulad ng sambayanan nina Lût (u), Shu`ayb (u), Ayyûb (u) at Yûnus (u).

43. Hindi mapauusad ang itinakdang panahon na pagkawasak mula sa mga sambayanan na ito na mga walang pananampalataya at hindi rin maaantala.
44. Pagkatapos, nagpadala Kami ng Aming mga Sugo nang magkakasunud tungo sa iba’t ibang sambayanan, na sa tuwing hihikayatin ng Sugo ang kanyang sambayanan ay kanila itong pinasinungalingan, na kung kaya, pinuksa Namin sila nang sunud-sunod, at walang natira sa kanila kundi kuwento na lamang ng kanilang pagkawasak, at ito ay ginawa Namin bilang mga kuwento para sa mga sambayanan na sumunod sa kanila upang makakuha sila rito ng aral, na kung kaya, pagkawasak at paglayo mula sa Awa ng Allâh sa sinumang sambayanan na hindi naniwala sa mga Sugo at hindi sumunod sa kanila.

45-46. Pagkatapos, ipinadala Namin si Mousâ (u) at ang kanyang kapatid na si Hâroun (u) na dala-dala nila ang Aming siyam na mga palatandaan na ang mga ito ay: ang tungkod, ang kamay, ang mga tipaklong, ang mga kuto, mga palaka, ang dugo, ang matinding baha, tagtuyot at pagkawala ng mga bunga (taggutom) – ito ay malilinaw na katibayan na nagpapalambot ng puso at pinapasok nito o tumatagos ito sa mga puso ng mga mananampalataya, at naging katibayan (naman) sa mga nagmatigas. Ipinadala Namin silang dalawa tungo kay Fir`âwn na namumuno sa Ehipto at sa mga matataas mula sa kanyang sambayanan, subali’t nagmataas sila at tinanggihan ang paniniwala kay Mousâ (u) at sa kanyang kapatid, at sila ay sambayanan na nagmataas sa mga tao at mga masasama na malulupit sa kanila.

47. Kanilang sinabi: “Maniniwala ba kami sa dalawang ito na katulad din naming tao na nagmula sa mga angkan ni Isrâ`il ay nasa ilalim ng aming pamumuno na sumusunod at nagpapakumbaba lamang sa amin?”

48. Na kung kaya, pinasinungalingan nila silang dalawa at tinanggihan nila ang dala-dalang mensahe, samakatuwid, sila ay naging kabilang sa mga winasak sa pamamagitan ng pagkalunod sa karagatan.

49. At katiyakan, ipinagkaloob Namin kay Mousâ (u) ang ‘Tawrah,’ upang gabayan niya ang kanyang sambayanan sa pamamagitan nito tungo sa katotohanan.

50. At ginawa Namin si `Îsã (Hesus u) na anak ni Maryam (Maria) at ang kanyang ina na katibayan sa Aming kapangyarihan dahil siya ay nilikha Namin nang walang ama, at ginawan Namin silang dalawa ng tirahan na nasa mataas na lugar na kalupaang patag bilang kanilang pagpapanatilihan at pahingahan, na ito ay matabang kalupaan na may tubig na umaagos na namamalas at kaigaya-igaya sa mga mata.

51. O kayong mga Sugo! Kumain kayo mula sa Aming mga ipinagkaloob na mga malilinis at gumawa kayo ng mga mabubuting gawa dahil Ako ay walang pag-aalinlangang ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa anuman na inyong ginagawa at walang anuman ang naililihim sa Akin sa inyong mga gawain.

Ang pananalita sa talatang ito ay para lahat ng mga Sugo at sa kanilang mga tagasunod, at nasa talata ring ito ang katibayan na ang ipinahintulot na pagkain ay bilang tulong upang magsagawa ang tao ng mabuting gawa subali’t ang kahihinatnan ng pagkain ng mga hindi ipinahintulot ay matindi, kabilang dito ay ang hindi pagtanggap ng panalangin.

52. At walang pag-aalinlagan, ang inyong Relihiyon, O kayong mga Propeta ay iisang Relihiyon lamang, na Ako ang Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na kung kaya, matakot kayo sa Akin sa pagsunod sa Aking mga ipinag-uutos at pag-iwas sa Aking mga ipinagbabawal.

53. Pagkatapos noon ay nagkawatak-watak ang mga sumusunod sa Relihiyon na ito ng iba’t ibang grupo, pinarami nila ang kanilang Relihiyon pagkatapos silang utusan na magkaisa, at bawa’t grupo sa kanila ay nasisiyahan sa kanyang pananaw na inaangkin na siya ay nasa tama at ang iba naman ay nasa kamalian. At dito ay babala sa paghihiwa-hiwalay at pagkawatak-watak sa Relihiyon.

54. Na kung kaya, pabayaan mo sila, O Muhammad (r), sa kanilang pagkaligaw at kamangmangan sa katotohanan, hanggang sa bumaba sa kanila ang kaparusahan.

55-56. Iniisip ba nila na mga walang pananampalataya na ang anumang ipinagkaloob Namin sa kanila na mga kayamanan at mga anak dito sa daigdig, ay bilang pagkakaloob sa kanila ng maagang kabutihan na karapat-dapat sa kanila? Hindi ang kanilang pag-aakala ang katotohanan! Kundi walang pag-aalinlangan, pinaaga Namin sa kanila ang kabutihan bilang pagsubok sa kanila at pagpapaluwag bilang dahan-dahang pagpaparusa sa kanila, subali’t ito ay hindi nila namamalayan.

57. Katiyakan, ang mga yaong natatakot sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na sila ay natatakot at nangangamba sa anumang ipinananakot sa kanila ng Allâh (I).

58. At ang mga yaong naniniwala sa mga talata ng Allâh (I) sa Banal na Qur’ân, at ito ay kanilang isinasagawa.

59. At ang mga yaong taos-puso at dalisay ang kanilang pagsamba sa Kaisahan ng Allâh (I) at hindi sila sumasamba ng iba bukod sa Kanya.

60. At ang mga yaong nagsusumikap sa pagsagawa ng mabuti, at ang kanilang mga puso ay nangangamba na baka hindi tatanggapin sa kanila ang kanilang mga gawain, at baka hindi sila maligtas sa kaparusahan ng kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha kapag sila ay nagbalik sa Kanya para sa paghuhukom.
61. Sila na nagsusumikap sa pagsunod, na naging kaugalian nila ang mabilisang patungo sa pagsagawa ng anumang kabutihan at sila ay nag-uunahan sa pagsagawa ng mga kabutihan.

62. At hindi Namin iuutos sa sinumang alipin Namin maliban sa kung ano lamang ang kanyang kakayahan na gawin, at ang kanilang mga gawain ay nakatala sa Amin sa Aklat ng Talaan, na ito ay talaan ng mga gawain na itinataas (iniakyat) sa Amin ng mga anghel na nagsasabi ng katotohanan hinggil sa kanila, at walang sinuman ang aapihin at dadayain sa kanila.

63. Hindi ang kanilang inaakala ang katotohanan, kundi ang puso nila na mga walang pananampalataya ay nasa pagkaligaw na ito ang nagtakip sa kanila upang hindi nila maunawaan ang Banal na Qur’ân at ang anumang niloloob nito, at maliban sa pagsamba nila ng iba bukod sa Allâh (I) ay gumagawa pa sila ng mga masasamang gawain, subali’t pinagbibigyan pa rin sila ng Allâh (I) sa kanilang ginagawa, at nang sa gayon ay maging makatarungan ang pagpapasakanila ng poot at kaparusahan ng Allâh (I).

64. Hanggang sa kapag pinuksa Namin sila na mga nagpakasaya na mamuhay nang maluhong pamumuhay at mga nagmataas hinggil sa Aming ibinababalang parusa, ay itataas nila ang kanilang mga boses na nagsusumamo na humihingi ng saklolo.

65. At doon ay sasabihin sa kanila: Huwag kayong sumigaw at huwag na kayong humingi ng saklolo ngayon, dahil walang pag-aalinlangan, wala na kayong magagawang tulong sa inyong sarili, at walang sinuman ang tutulong sa inyo upang iligtas kayo mula sa kaparusahan ng Allâh (I).

66. Katiyakan, noon ay binibigkas sa inyo ang mga talata ng Banal na Qur’ân; upang ito ay inyong paniwalaan, subali’t tinanggihan ninyo ang pakikinig at paniniwala rito, at isinasagawa ito na tulad ng ginagawa ng isang umaatras nang patalikod upang siya ay makabalik sa kanyang pinanggalingan.
67. Ito ay inyong ginagawa na nagmamataas kayo sa mga tao nang wala sa katwiran dahil sa naninirahan kayo sa Baytullâhil Haram na sagradong lugar, na inyong sinasabi: “Kami ang tagapangalaga ng Ka`bah na kung kaya, hindi kami magagapi,” habang kayo ay gumagala-gala sa paligid nito na nagsasabi ng mga masasamang salita.

68. Hindi ba nila pinag-isipang maigi ang hinggil sa Banal na Qur’ân upang malaman nila ang pagiging totoo nito o di kaya ang nagpigil ba sa kanila sa paniniwala ay dahil sa ang dumating sa kanila ay Sugo at Aklat na hindi dumating ang katulad nito sa kanilang mga ninuno, na kung kaya, ito ay kanilang tinanggihan at tinalikuran?

69. O di kaya ang nagpigil ba sa kanila na sumunod sa katotohanan ay dahil sa ang Sugo na ipinadala sa kanila na si Muhammad (r) ay di-kilala sa kanila, na sila ay hindi nila kilala ang kanyang katapatan, pagiging mapagkakatiwalaan at pagtataglay ng kagandahang-asal?

70. O kanilang sinasabi na siya ay nasisiraan? Hindi ang kanilang inaakala ang katotohanan, kundi sila ay walang pananampalataya; dahil ang dala-dala niya sa kanila ay ang Banal na Qur’ân, ang Kaisahan ng Allâh (I) at ang tunay na Relihiyon, subali’t karamihan sa kanila ay kinamumuhian ang katotohanan bilang panibugho at pagiging sukdulang kasamaan.

71. At kung gagawin ng Allâh (I) ang batas na sang-ayon sa kanilang kagustuhan ay mawawasak ang mga kalangitan at kalupaan at kung ano man ang mga nakapaloob dito, bagkus ang ipinagkaloob Namin sa kanila na batas ay nandoroon ang kanilang kapurihan at karangalan, na ito ay ang Banal na Qur’ân, subali’t ito ay kanilang tinalikuran.

72. O di kaya ang nagpigil ba sa kanila na maniwala ay dahil sa ikaw, O Muhammad (r), ay sumisingil ng bayad bilang kapalit ng paghikayat mo sa kanila at ayaw nilang magbigay? Subali’t ito ay hindi mo ginawa, dahil ang anumang gantimpala na nasa Allâh (I) at mabuting pagkakaloob ay mas nakahihigit, dahil Siya ay ‘Khayrul Râziqeen’ – ang Pinakamabuting Tagapagkaloob ng biyaya, at hindi makakayanan ng sinuman na magkaloob ng biyaya na katulad ng pagkakaloob ng biyaya ng Allâh (I).

73. At walang pag-aalinlangan, anyayahan mo, O Muhammad (r), ang iyong sambayanan at ang iba pa tungo sa Matuwid na Landas na ito ay ang Islâm.

74. At walang pag-aalinlangan, ang mga hindi naniniwala sa pagkabuhay na mag-uli at paghuhukom, ay hindi sila gagawa para rito sa pamamagitan ng pagsunod sa Matuwid na Landas dahil sa ang kanilang sinusunod ay ibang relihiyon.
75. At bagama’t kinaawaan Namin sila at inalis ang anumang kapighatian na nasa kanila na tagtuyot at taggutom ay nagpatuloy pa rin sila sa kanilang pagtanggi at pagmamatigas, na sila sa kanilang pagtanggi ay katulad ng gumagala-gala na bulag na wala sa tiyak na katinuan.
76. At katotohanan, sinubok Namin sila ng iba’t ibang sakuna subali’t hindi pa rin sila sumuko at nagpakumbaba sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at hindi pa rin sila sa Kanya nananalangin na may pagkatakot habang ang mga sakunang ito ay nangyayari sa kanila.

77. Hanggang, sa kapag binuksan Namin para sa kanila ang pintuan ng matinding kaparusahan sa Kabilang-Buhay, na kung kaya, pagmasdan! Malulublob sila sa pagkawasak na labis na nanghihinayang, nagdadalamhati at kawalan ng pag-asa, na litung-lito na di-batid kung ano ang gagawin.

78. Walang iba kundi Siya, ang Allâh (I) na lumikha para sa inyo ng pandinig upang maintindihan ang anumang naririnig, at paningin upang maintindihan ang anumang nakikita, at ang mga puso upang ipang-unawa, samantalang ang inyong pagpapasalamat sa magkakasunod na mga biyayang ito sa inyo ay sadyang kakaunti lamang na halos hindi nababanggit.

79. At walang iba kundi Siya ang lumikha ng lahat ng tao dito sa kalupaan, at sa Kanya kayo titipuning lahat pagkatapos ng inyong kamatayan at gagantihan kayo sa anuman na inyong ginawa mabuti man o masama.

80. At walang iba kundi Siya ang bukod-tangi na nagbibigay ng buhay mula sa wala at nagsasanhi ng kamatayan pagkatapos mabuhay, at sa Kanyang pag-aatas ang pagpapalit ng gabi at araw, at ang pag-iiba’t iba nito (ang pagiging mahaba ng gabi sa araw at ang kabaligtaran nito), kung gayon, hindi ba ninyo naiisip ang Kanyang pagiging Ganap na Makapangyarihan at Kanyang Kaisahan?

81. Hindi ang kanilang inaakala ay katotohanan, kundi ang mga walang pananampalataya ay hindi naniniwala sa Pagkabuhay na Mag-uli, sa halip ay ginagaya lamang nila kung ano sinasabi ng mga nauna sa kanila.

82. Kanilang sinabi: “Kapag kami ay namatay na at kumalat na ang aming katawan, at ang aming mga buto ay humalo na sa alikabok ng kalupaan ay mabubuhay pa ba kaming muli. Ito ay hindi maaaring mangyari at hindi katangga-tanggap sa kaisipan?

83. “Katotohanan, sinabi na ang ganitong salita sa aming mga ninuno noon na tulad ng sinasabi mo ngayon sa amin, O Muhammad (r), subali’t hindi namin nakitang nagkatotoo, na kung kaya, ito ay mga kabulaanan lamang na sinasabi ng mga naunang tao.”

84. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Sino ang nagmamay-ari ng kalupaan at ang mga niloloob nito? Kung kayo ay may kaalaman!”
85. Katiyakan, na aaminin nila na ito ay pagmamay-ari ng Allâh (I), na Siya ang Lumikha nito at Nagmamay-ari, sabihin mo sa kanila: “Hindi ba kayo nagkaroon kung gayon ng kabatiran dahil sa pag-aming ito, na Siya ay may kakayahan sa pagbuhay na mag-uli, sa pagbangon ng mga patay mula sa libingan?”

86. Sabihin mo sa kanila: “Sino ang ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng mga pitong kalangitan, at ang ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng Dakilang ‘`Arsh,’ na ito ang pinakadakila at pinakamataas sa lahat ng mga nilikha?”

87. Walang pag-aalinlangan na tiyak na sasabihin nila: “Ang Allâh (I),” kung gayon sabihin mo sa kanila: “Hindi ba kayo natatakot sa Kanyang kaparusahan kapag kayo ay sumamba ng iba bukod sa Kanya?”

88. Sabihin mo sa kanila: “Nasa kaninong Kamay ang pag-aatas ng lahat ng bagay at kanino nagmumula ang lahat ng kabuhayan? At Siya ay Tagapangalaga ng sinumang humihingi ng kalinga, at walang magiging tagapagtanggol ang sinumang nais Niyang wawasakin, at hindi mailalayo ninuman ang anumang masama na itinakda ng Allâh (I), kung ito ay batid lamang ninyo?”

89. Katiyakan, tutugon sila at kanilang sasabihin: “Walang pag-aalinlangan, ang lahat ng ito ay pagmamay-ari ng Allâh (I),” sabihin mo sa kanila: “Kung gayon, paano kayo nawala sa sarili ninyong katinuan, at nalinlang na napalayo kayo sa pagtuon sa Kaisahan ng Allâh (I) at pagsunod sa Kanya, at sa paniniwala sa Muling Pagkabuhay at sa pagbangon ng mga patay mula sa libingan.”
90. Katiyakan na ganoon ang kanilang itutugon, dahil dala Namin sa kanila na mga walang pananampalataya ang buong katotohanan hinggil sa kung ano ang dahilan ng pagkasugo Namin kay Muhammad (r), samantalang sila ay tumanggi sa kadahilanang sumamba sila ng iba bukod sa Allâh (I) at pinasinungalingan ang Pagkabuhay na Mag-uli.

91. Hindi nagkaroon ang Allâh (I) ng sariling anak, at walang sinumang diyos na sinasamba bukod sa Kanya; dahil walang pag-aalinlangan, kung maraming diyos na nararapat sambahin, ang bawa’t isa sa kanila ay ibubukod ang anuman na kanyang nilikha, at mangyayari ang paglalaban-laban sa pagitan nila na tulad ng mga naglalaban-laban na mga namumuno rito sa daigdig at masisira ang sistema ng mundo! Ang Allâh (I) ay malayo sa mga ganoong katangian, luwalhati sa Kanya na Kataas-Taasan na Siya ay ligtas sa anuman na kanilang itinatangi sa Kanya na pagkakaroon ng katambal o di kaya ay pagkakaroon ng anak.

92. Siya lamang ang bukod-tanging Nakaaalam sa anumang di-nakikita ng Kanyang mga nilikha at sa anumang kanilang nakikita, luwalhati sa Kanya na Siya ay Malaya sa anumang pagtatambal na kanilang inaangkin.

93-94. Sabihin mo, O Muhammad (r): “O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Kung ipakikita Mo sa akin ang anuman na ipinangako Mo na parusa sa kanila ay huwag Mo akong ipahamak sa anumang kapahamakan na gagawin Mo sa kanila, at iligtas Mo ako sa Iyong kaparusahan at poot, at huwag Mo akong ibilang sa mga taong masasama na nagtatambal sa kanilang pagsamba, bagkus ay ibilang Mo ako sa sinuman na Iyong kinalugdan.”

95. At walang pag-aalinlangan, kaya Naming ipakita sa iyo ang anumang ipinangako Namin na kaparusahan sa kanila.

96. Kapag ginawan ka ng masama ng iyong mga kalaban, O Muhammad (r), sa salita man o sa gawa, ay huwag mo silang tumbasan ng masama, bagkus ay ilayo mo ang kanilang masamang gawain sa pamamagitan ng mabubuting pakikitungo sa kanila, na Kami ay Ganap na Nakaaalam sa anumang ginagawa nila na mga walang pananampalataya na pagtatambal sa pagsamba at pagtanggi, at papagbabayarin Namin sila batay sa kanilang ginawang masama.

97-98. At sabihim mo, O Muhammad (r): “O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Hinihingi ko ang Iyong kalinga mula sa panlilinlang ng mga ‘Shaytân’ at kanilang pambubuyo, na naghihikayat ng kasalanan, pamiminsala at pagharang sa katotohanan, at hinihingi ko ang Iyong kalinga, O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na sila ay hindi makadalo sa anumang aking mga ginagawa.”

99. Walang pag-aalinlangan, ang sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) na siya ay nanatili sa kanyang pagtatambal hanggang dumating sa kanya ang pag-aagaw buhay at makikita na niya ang anumang inihanda sa kanya na kaparusahan, kanyang sasabihin: “O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Ibalik mo ako sa daigdig.”

100. “Upang mapagpunan ko ang anumang aking sinayang na paniniwala at pagsunod.” Subali’t ito ay hindi mangyayari sa kanya! Dahil ito ay salita lamang na kanyang sinasabing kasinungalingan, at sa pagitan niya at ng daigdig ay may harang na nagpipigil sa kanyang pagbabalik tungo sa daigdig hanggang sa araw na pagkabuhay na mag-uli.

101. Pagkatapos, kapag dumating na ang Muling Pagkabuhay at nahipan na ng anghel na siyang itinalaga sa pag-ihip ng trumpeta, ay babangong muli ang mga tao mula sa kanilang mga libingan, na walang pagmamayabang hinggil sa kanilang lahing pinagmulan sa Araw na yaon na tulad ng kanilang ginagawang pagmamayabang dito sa daigdig, at hindi na sila magtatanungan sa isa’t isa.

102. Samakatuwid, sinuman ang maraming nagawang kabutihan at naging mabigat ang kanyang Timbangan ng kabutihan sa oras ng pagtitimbang, ang mga ganito na katulad nila! Sila ang mga yaong magtatagumpay ng ‘Al-Jannah.’

103. At sino naman ang naging magaan ang Timbangan ng kabutihan, at mas naging lamang ang kanyang kasamaan, na pinakamatindi sa mga ito ay ang pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I), ay sila ang mga yaong nabigo na inilagay nila ang kanilang mga sarili sa pagiging talunan, na sila ay sa Impiyernong-Apoy magpasawalang-hanggan.

104. Susunugin sa Impiyerno ang kanilang mga mukha na mapangingiwi ang kanilang mga bibig at lilitaw ang kanilang mga ngipin (dahil sa sidhi ng kaparusahan).
105. Sasabihin sa kanila: “Hindi ba binibigkas sa inyo ang mga talata ng Banal na Qur’ân sa daigdig, at ito ay inyong pinasisinungalingan?”

106. Dahil dumating nga sa kanila ang mga Sugo na ipinadala sa kanila at sila ay binalaan, sasabihin nila sa Araw ng Muling Pagkabuhay: “O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Nanaig sa amin ang sarap ng buhay at aming mga pagnanasa na itinakda Mo para sa amin, at kami habang nalulong sa ganito ay ligaw na malayo sa Iyong patnubay.

107. “O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Alisin Mo kami sa Impiyerno, at ibalik Mo kami sa daigdig, at kung kami ay babalik pa sa pagkaligaw pagkatapos nito ay walang pag-aalinlangang kami ay mga masasama na karapat-dapat sa parusa.”

108. Sasabihin ng Allâh (I) sa kanila: “Manatili kayo sa Impiyerno na mga hinamak, at huwag kayong makipag-usap sa Akin.” At doon na natigil ang kanilang pagdaing at pag-aasam.

109. Walang pag-aalinlangan, mayroong isang grupo sa Aking mga alipin – na sila ay mga mananampalataya – na nananalangin (na sinasabing), “O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Naniwala kami sa Iyo, na kung kaya, pagtakpan Mo ang aming mga kasalanan at kaawaan Mo kami, dahil Ikaw ay ‘Khayrul Râhimeen’ – Pinakamabuti sa lahat ng maawain.”

110. Subalit itinuring ninyo silang katawa-tawa hanggang nakalimutan ninyo ang pag-aalaala sa Allâh (I), at kayo ay nagpatuloy sa inyong pagtanggi, at katiyakang kinaugalian ninyo ang pagtawanan at kutyain sila.

111. Walang pag-aalinlangan, ginantimpalaan Ko ang grupo na ito mula sa Aking mga alipin na mga mananampalataya ng pagkatagumpay na ‘Al-Jannah;’ dahil sa kanilang pagtitiis sa anumang mga pasakit at sa kanilang pagsunod sa Allâh (I).

112. At tatanungin ang mga sawi na nasa Impiyerno: “Ilang taon kayong tumagal sa daigdig? At gaano ninyo sinayang ang panahong yaon na malayo sa pagsunod sa Allâh (I)?”

113. Kanilang sasabihin dahil sa tindi ng pangyayari at masidhing kaparusahan: “Nanatili kami roon ng isang araw o bahagi ng isang araw lamang. Samakatuwid, tanungin ninyo ang mga yaong nagtala na binibilang nila ang mga buwan at araw.”

114. Sasabihin sa kanila: “Hindi kayo nanatili roon kundi maiksing panahon lamang, na sana ay nagtiis kayo sa pagsunod sa Allâh (I) at nakamtan ninyo ang ‘Al-Jannah,’ kung ito ay batid lamang ninyo; dahil ang tagal ng panatili nila sa daigdig ay napakaiksing panahon lamang kung ihahambing sa tagal na ipapanatili nila sa Impiyerno.

115. “Iniisip ba ninyo, O kayong mga tao! Na nilikha Namin kayo nang walang kadahilanan: walang kautusan, walang pagbabawal, walang gantimpala at walang kaparusahan, na kayo ay hindi na babalik pa sa Amin sa Araw ng Muling Pagkabuhay para sa paghuhukom at pagbabayad?”

116. Na kung kaya, Napakadakila ng Allâh (I), ang Tunay na Hari, Napakadalisay na malayo sa paglikha ng anumang bagay na walang kadahilanan, walang sinuman ang may karapatan at karapat-dapat na sambahin kundi ang Allâh (I), na ‘Rabb’ na Tagapaglikha na Siyang Nagmamay-ari ng ‘Al-`Arshil Kareem’ – ang kahanga-hanga, kagalang-galang, maningning at dakila.

117. At ang sinumang sasamba ng iba bukod sa Allâh (I) na Bukod-Tangi, na siya ay walang anumang katibayan na ito ay karapat-dapat na sambahin, walang pag-aalinlangan, ang kabayaran ng kanyang masamang gawain ay nasa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa Kabilang-Buhay. Katiyakang walang tagumpay, walang kaligtasan, sa mga di-naniwala sa Araw ng Muling Pagkabuhay.

118. At sabihin mo, O Muhammad (r): “O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Patawarin Mo ang mga kasalanan at mahabag Ka; dahil Ikaw ay ‘Khayrul Râhimeen’ – ang Pinakamabuti sa lahat ng maawain na naawa sa sinumang makasalanan, na tumatanggap sa pagbabalik-loob ng sinumang nagsisisi at hindi na pinarurusahan sa kanyang kasalanan!”

No comments: