Sunday, May 16, 2010

Sûrat At-Târiq

86
LXXXVI – Sûrat At-Târiq [At-Târiq – Bituin na Naglalagos ang Liwanag nito sa Kaningningan]

بسم الله الرحمن الرحيم
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal

1-4. Sumumpa ang Allâh (I) sa pamamagitan ng kalangitan at bituin na lumilitaw lamang sa gabi, at ano ang makapagpapabatid sa iyo kung gaano kadakila ang bituin na ito? Ito ay bituin na naglalagos ang liwanag nito sa kaningningan. Walang anumang buhay kundi mayroong tagapangalaga na pinagkatiwalaan na anghel na nagmamanman sa kanya na itinatala para sa kanya ang kanyang mga gawain; upang siya ay tutumbasan sa Kabilang-Buhay ayon dito.

5-8. Samakatuwid, hayaang pagmasdan ng tao na hindi naniniwala sa Muling Pagkabuhay kung saan nagmula ang paglikha sa kanya. Upang mabatid niya na ang pagbuhay sa kanya na mag-uli ay hindi mahirap na hindi maaaring makahigit sa pagiging madali kaysa sa unang pagkalikha sa kanya, siya ay nilikha mula sa patak ng semilya na bumubulwak (o lumalabas) nang mabilis patungo sa sinapupunan, na ito ay lumalabas sa pagitan ng ‘Sulb’ o gulugod (o ‘backbone’) ng lalaki at ‘Tarâ`ib’ o dibdib ng babae. Walang pag-aalinlangan, Siya na lumikha sa tao mula sa ganitong lusaw na bagay ay katiyakang kaya Niya itong ibalik muli o buhaying muli pagkatapos ng kamatayan.

9-10. Sa Araw na susuriin ang mga lihim kung bakit ito inilihim, at paghihiwalayin ang mabuti mula sa masama na wala nang anumang lakas ang tao upang ilayo niya ang kanyang sarili sa ganitong pagsusuri, at wala siyang sinumang makatutulong na ilalayo siya mula sa kaparusahan ng Allâh (I).

11-14. At sumumpa ang Allâh (I) sa pamamagitan ng kalangitan na nagtatangan ng ulan nang paulit-ulit, at sa pamamagitan ng kalupaan na nagkakabiyak-biyak dahil sa pagsisibol ng mga pananim mula rito. Walang pag-aalinlangan, ang Qur’ân ay Salita na inihihiwalay ang katotohanan sa kamalian, at ito ay hindi mga walang kabuluhan na Salita lamang. At hindi maaari sa sinumang nilikha na susumpa sa iba bukod sa Allâh (I), kundi ito ay magiging ‘Shirk.’

15-17. Katiyakan, ang mga yaong hindi naniwala sa Sugo ng Allâh at sa Banal na Qur’ân ay nagsasagawa ng pakana at nagbabalak ng masama; upang mailayo nila sa pamamagitan ng kanilang pakana ang katotohanan at maitatag nila ang kasinungalingan, at Ako naman ay nagpapanukala ng plano upang mangibabaw ang katotohanan, kahit ayaw ng mga walang pananampalataya, na kung kaya, huwag mong madaliin sa kanila, O Muhammad, ang paghingi na ibaba ang kaparusahan para sa kanila, bagkus ay bigyan mo sila ng palugit at bigyan mo sila ng maikling panahon, at huwag kang magmadali para sa kanila, at walang pag-aalinlangan, makikita mo ang mangyayari sa kanila na parusa, ganti, kapahamakan at pagkawasak.

No comments: