Sunday, May 16, 2010

Sûrat Al-Burûj

85
LXXXV – Sûrat Al-Burûj [Ang mga Dakilang Bituin]

بسم الله الرحمن الرحيم
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal

1-9. Sumumpa ang Allâh (I) sa pamamagitan ng kalangitan na nagtatangan ng mga dakilang bituin na kung saan ito ang mga lugar na dinaraanan (o nililigiran) ng araw at ng buwan, at sa pamamagitan ng ipinangakong Araw na ito ay Araw ng Muling Pagkabuhay na ipinangako ng Allâh (I) sa Kanyang mga nilikha na titipunin sila roon, at sa pamamagitan ng ‘Shâhid’ (sumasaksi) na ito ay ‘Jum`ah,’ at sa ‘Mashhûd’ (sinaksihang araw) na ito ay araw ng ‘`Arafat.’ At sumusumpa ang Allâh (I) sa anumang nais Niya para sa Kanyang mga nilikha, magkagayunpaman, ang nilikha ay hindi maaaring sumumpa sa pamamagitan ninuman kundi sa Pangalan lamang ng Allâh (I), dahil ang panunumpa sa iba bukod sa Allâh (I) ay isang ‘Shirk.’

Pagkawasak, parusa at sumpa sa mga yaong naghukay sa kalupaan nang malalim na hukay; upang parusahan ang mga mananampalataya, at nagdingas nang matinding apoy sa pamamagitan ng paggatong ng marami, habang sila naman ay nakaupo na nakaabang sa gilid na nakapalibot sa pinagdingasang apoy na sila ay nanatili roon, at sila ang saksi sa anuman na ginawa nilang pagpapahirap at pagpaparusa sa mga mananampalataya. At walang anumang nagtulak sa mga walang pananampalatya na gawin ang ganitong matinding pagpaparusa sa mga mananampalataya kundi dahil lamang sa sila ay naniwala sa Allâh (I) na ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan na hindi nagagapi, na ‘Al-Hameed’ – ang Karapat-dapat ng lahat ng papuri na pinupuri sa Kanyang mga Salita, mga Gawa at mga Katangian sa lahat ng pagkakataon, na Siya ang Nagmamay-ari ng mga kalangitan at kalupaan, at Siya ay tumitestigo sa lahat ng bagay na walang anuman ang naililihim sa Kanya.

10. Katiyakan, ang mga yaong nagparusa sa mga mananampalatayang kababaihan at kalalakihan sa pamamagitan ng pagsunog sa kanila sa apoy; upang sila ay alisin sa ‘Deen’ ng Allâh (I), pagkatapos ay hindi sila nagsisi at humingi ng kapatawaran, ang para sa kanila sa Kabilang-Buhay ay kaparusahan sa Impiyernong-Apoy at magkakaroon sila ng masidhing kaparusahan na naglalagablab na Apoy.

11. Katiyakan, ang mga yaong naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo at gumawa ng mga mabubuting gawa ay para sa kanila ang mga Hardin na umaagos sa ilalim ng mga palasyo nito ang mga ilog, na ito ang Dakilang Tagumpay.

12-16. Katiyakan, ang paghihiganti ng iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa mga kumalaban sa Kanya at ang Kanyang parusa para sa kanila ay napakatindi na napakasidhi. Walang pag-aalinlangan, Siya ang nagpanimula ng paglikha at pagkatapos ay muli Niya itong uulitin, bubuhayin Niyang muli ang lahat pagkatapos nilang mamatay, at Siya ay ‘Al-Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa sinumang nagsisi na humingi ng kapatawaran, na ‘Al-Wadûd’ – Punung-Puno ng Pagmamahal sa mga malalapit sa Kanya, na Siya ay ‘Dhûl `Arshil Majeed’ – Nagmamay-ari ng Maluwalhati at Dakilang ‘`Arsh,’ na ginagawa Niya ang anuman na Kanyang nais, na walang anuman ang makapipigil sa Kanya sa anuman na Kanyang nais.

17-22. Nakarating ba sa iyo, O Muhammad, ang kuwento hinggil sa grupo ng mga walang pananampalataya na hindi naniwala sa kanilang mga Propeta, na si Fir`âwn at ang kanyang mga sundalo at sambayanan ni Thamoud, at ang anuman na nangyari sa kanila na parusa at ganti, na ito ay hindi naging aral sa kanilang sambayanan, sa halip ang mga walang pananampalataya ay nagpatuloy sa kanilang pagtanggi at di-paniniwala na katulad ng kinaugalian ng mga nauna sa kanila.

At ang Allâh (I) ay Siyang Nakababatid na saklaw sila ng Kanyang kaalaman at kakayahan, at walang anuman ang naililihim sa Kanya hinggil sa kanila at sa kanilang mga gawain na anuman. At ang Banal na Qur’ân ay hindi katulad ng inangkin ng mga walang pananampalataya at sumamba ng iba bukod sa Allâh (I) na ito ay tula o salamangka, na kung kaya, hindi nila ito pinaniwalaan, bagkus ang Qur’ân ay Dakila na Maluwalhati, na nakaukit ang pagkakatala sa tinatawag na ‘Al-Lawh Al-Mahfudh’ na pinangalagaan mula sa anumang pagbabago, pagdaragdag, pagbabawas at pagsira.

No comments: