20
XX – Sûrat Tâ-Hâ
[Kabanata Tâ-Hâ – (Mga Titik) Tâ-Hâ]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh (I), ang Pinakamaawain, ang Pinakamapagmahal
1. Tâ-Hâ. Ang mga titik na ito ng ‘Arabic’ ay nauna nang naipaliwanag sa ‘Sûratul Baqarah.’
2. Hindi Namin ibinaba sa iyo, O Muhammad (r), ang Qur’ân na ito upang ikaw ay magdalamhati sa pagsasagawa ng hindi mo kayang gawin.
3. Subali’t ito ay ibinaba Namin sa iyo bilang pagpapayo; upang paalalahanan ang sinumang natatakot sa parusa ng Allâh (I), na kung kaya, kanya itong iiwasan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ipinag-uutos at pag-iwas sa mga ipinagbabawal.
4. Ang Qur’ân na ito ay ibinaba mula sa Allâh (I) na Lumikha ng kalupaan at ng mga kalangitan na matataas.
5. Ang Allâh (I) na Pinakamahabagin ay nag-‘Istawâ’ – pumaibabaw – sa Kanyang ‘`Arsh’ (isinaling Trono) sa pamamaraan na angkop na angkop sa Kanyang Kamaharlikaan at Kadakilaan.
6. Pagmamay-ari Niya ang lahat ng nasa mga kalangitan at ang lahat ng nasa kalupaan, at ang lahat ng mga nasa pagitan ng mga ito, at ang lahat ng mga nasa ilalim ng kalupaan. Nilikha Niya ang lahat-lahat ng mga ito, na nasa ilalim ng Kanyang Pagtatangan at Pangangasiwa.
7. At kahit lakasan mo pa ang iyong pananalita, O Muhammad (r), bilang paglantad o ilihim mo man ito, katiyakan, ang Allâh (I) ay walang anuman ang naililihim sa Kanya, batid Niya ang anumang lihim at kahit ang higit pa na lihim na ikaw lamang ang nagkikimkim.
8. Ang Allâh (I)! ‘Lâ ilâha illa Huwa’ – walang sinuman ang may karapatan at karapat-dapat na sambahin kundi Siya! Na Siya lamang ang Bukod-Tangi na Nagmamay-ari ng mga Ganap na Katangian bilang mga Pangalan.
9. At dumating ba sa iyo, O Muhammad (r), ang kuwento hinggil kay Mousâ (u) na anak ni `Imrân?
10. Noong nakita niya sa gabi ang apoy na nagniningas, at kanyang sinabi sa kanyang pamilya: “Maghintay kayo, dahil katotohanang nakakita ako ng apoy, na baka sakaling makapagdala ako mula roon ng nagniningas na bagay upang mainitan kayo at saka mapagdingasan ninyo o di kaya ay makatatagpo ako roon ng gabay na magtuturo sa atin ng daan.”
11-12. Nang dumating si Mousâ (u) sa apoy na yaon ay tinawag siya ng Allâh (I): “O Mousâ, katiyakan, Ako ay iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na kung kaya, tanggalin mo ang iyong panyapak, dahil walang pag-aalinlangan, ikaw ngayon ay nasa mabiyaya at sagradong lambak ng ‘Tuwa,’ na ito ay bilang paghahanda sa kanyang pakikipag-usap sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na kung kaya, inalis niya ang kanyang dalawang panyapak at iniwanan.
13. “At katiyakang pinili kita, O Mousâ, sa Aking mensahe, na kung kaya, makinig ka sa anumang ipahahayag sa iyo mula sa Akin.
14. “Katiyakan, walang pag-aalinlangan, Ako ang Allâh (I)! ‘Lâ ilâha illa Ana’ – walang sinuman ang may karapatan at karapat-dapat na sambahin bukod sa Akin, wala Akong katambal, na kung kaya, Ako lamang ang sambahin ninyo, at isagawa mo ang ‘Salâh’ bilang papuri at pagpapaalaala sa Akin.
15. “Walang pag-aalinlangan, ang Oras ng pagkagunaw ng sandaigdigan ay katiyakang magaganap, at halos ilihim Ko ito sa Aking Sarili, na kung kaya, paano ito malalaman ng sinuman sa Aking mga nilikha; upang ang bawa’t tao ay gantimpalaan sa anuman na kanyang nagawa rito sa daigdig, mabuti man o masama?
16. “Na kung kaya, huwag hayaan ng iyong sarili, O Mousâ, na ilalayo ka sa paniniwala rito at paghahanda ng sinumang hindi naniwala na ito ay magaganap, na ang pawang sinusunod lamang ay ang kanyang sariling kagustuhan at ito ay kanyang pinasinungalingan, dahil ikaw kung gayon ay mapapahamak.”
17. “At ano naman iyang tangan-tangan ng iyong kanang kamay, O Mousâ?”
18. Sinabi ni Mousâ: “Ito ay aking tungkod, na aking itinutukod sa aking paglalakad at aking inihahampas sa mga sanga ng mga puno na sa pamamagitan nito ay nahuhulog ang mga dahon upang mapakain ko ang aking mga kambing, at maliban sa mga ito ay mayroon pa akong ibang kapakinabangan.”
19. Sinabi ng Allâh (I) kay Mousâ: “Ihagis mo ang iyong tungkod!”
20. At ito ay inihagis ni Mousâ sa kalupaan, subali’t sa kapahintulutan ng Allâh (I) ay nagbago ang anyo nito at naging ahas, at nang nakita ni Mousâ ang matinding pangyayaring ito, siya ay tumalikod at tumalilis.
21-22. Sinabi ng Allâh (I) kay Mousâ: “Kunin mo ang ahas at huwag kang matakot, dahil walang pag-aalinlangang ibabalik Namin ang iyong tungkod sa dati nitong kaanyuan. Ipasok mo ang iyong (kanang) kamay sa iyong kabilang kamay sa ilalim ng iyong braso at ito ay lalabas na maputing-maputi na parang kulay ng yelo subali’t hindi ito sakit na anan; nang sa gayon, ito ay maging isa pang palantadaan para sa iyo.
23. “Ito ay Aming ginawa; upang ipakita Namin sa iyo, O Mousâ, ang ilan sa Aming mga Dakilang Katibayan na nagpapatunay ng Aming kapangyarihan, dakilang kakayahan at nagpapatotoo sa iyong mensahe.
24. “Magtungo ka, O Mousâ, kay Fir`âwn; dahil katiyakang lumampas na siya sa hangganan at naghimagsik laban sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na kung kaya, anyayahan mo siya tungo sa Kaisahan ng Allâh (I) at bukod-tanging pagsamba sa Kanya.”
25-35. Sinabi ni Mousâ: “O aking ‘Rabb!’ Luwagan Mo ang aking dibdib at gawin Mong madali ang aking gawain, at hayaan Mo ang aking dila na maging malinaw sa pagbigkas; upang maintindihan nila ang aking sinasabi. At gawin Mo na makatutulong sa akin mula sa aking pamilya si Haroun na aking kapatid. At palakasin Mo ako sa pamamagitan niya at dagdagan mo ang aking lakas, at pahintulutan Mo siyang makibahagi sa tungkulin na makasama ko siya sa pagiging Propeta at paghahayag ng mensahe; upang luwalhatiin Ka namin nang maraming papuri, at alalahanin Ka namin nang labis at purihin Ka namin, dahil katotohanan, Ikaw ay ‘Baseer’ – Ganap na Nakakikita sa amin, na walang anuman ang naililihim sa Iyo mula sa aming mga gawain.”
36. Sinabi ng Allâh (I): “Walang pag-aalinlangan, ipinagkaloob Ko sa iyo ang lahat ng iyong kahilingan, O Mousâ.
37. “At katiyakan, biniyayaan Ka namin, O Mousâ, bago pa ito, ng isa pang biyaya, noong ikaw ay sanggol pa lamang ay iniligtas ka Namin mula sa pagmamalupit ni Fir`âwn.
38-39. “At ito ay noong inutusan Namin ang iyong ina sa pamamagitan ng inspirasyon (sa pagsasabi):
‘Ilagay mo ang iyong anak na si Mousâ sa ‘Tabut’ (kahon) pagkasilang mo sa kanya, pagkatapos ay itapon mo sa ilog ng Nile, at aanurin naman ito ng ilog sa gilid, at kukunin siya ni Fir`âwn na Aking kalaban at kanyang kalaban.’ At ipinagkaloob Ko sa iyo ang pagmamahal mula sa Akin upang ikaw ay mapamahal sa mga tao, at siya ay lalaki sa ilalim ng Aking pagmamatyag at pangangalaga.”
Dito sa talatang ito ang pagpapatunay sa Katangian ng Allâh (I) hinggil sa pagkakaroon Niya ng Paningin na angkop sa Kanyang kadakilaan at kaganapan.
40. “Inilagay ka Namin sa ilalim ng Aming pangangalaga at bilang biyaya na rin sa iyo, noong naglalakad ang iyong kapatid na babae na sinusundan ka habang ikaw ay naaanod, at sinabi niya sa nakakuha sa iyo: ‘Maaari bang ituro ko sa inyo kung sino ang mag-aalaga sa kanya at pasususuhin siya para sa inyo?’
“At ibinalik ka Namin sa iyong ina pagkatapos kang mapasakamay ni Fir`âwn; upang maging mapayapa ang kanyang kalooban dahil sa ikaw ay nakaligtas mula sa pagkalunod at pagkamatay, at hindi na siya mangamba.
“Pagkatapos ay napatay mo ang isang lalaking Ehípsiyó (‘Egyptian’) bilang pagkakamali at iniligtas ka Namin mula sa matinding pagdadalamhati dahil sa iyong nagawa at sa pagkatakot mo na mamatay, at sinubok ka Namin ng matinding pagsubok sa pamamagitan nito, at ikaw ay umalis na natatakot patungo sa mga taga-Madyan, at nanatili ka roon nang maraming taon, pagkatapos ikaw ay dumating sa Ehipto mula sa Madyan ayon sa nakatakdang panahon na itinakda Namin na pagsugo sa iyo bilang Propeta, O Mousâ; na ito ay angkop na angkop sa pagkakatakda ng Allâh (I) at Kanyang kagustuhan, at ang lahat ng bagay ay Pagmamay-ari lamang ng Allâh (I) na Kataas-taasan.
41. “At biniyayaan kita, O Mousâ, ng mga biyayang ito bilang pagpili Namin sa iyo para sa Aming mensahe, at pamamahayag mula sa Amin na pagsunod sa Aking ipinag-uutos at pag-iwas sa Aking ipinagbabawal.
42-44. “Magtungo ka, O Mousâ, ikaw at ang iyong kapatid na si Hâroun, na dala-dala ang Aking mga palatandaan na nagpapatunay sa Aking pagiging ‘Ilâh’ (o Diyos) na sinasamba at sa Aking ganap na kapangyarihan na nagpapatotoo ng iyong mensahe, na kung kaya, huwag kayong manghina sa pagpapatuloy ng pagpapaalaala para sa Akin, tumungo kayong dalawa kay Fir`âwn; dahil walang pag-aalinlangan, siya ay lumampas na ng hangganan sa pagtanggi at paghimagsik, at magsalita kayo sa kanya nang malumanay na salita; baka sakaling siya ay tumanggap ng paalaala o matakot sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha.”
45. Sinabi ni Mousâ at saka ni Hâroun: “O aming ‘Rabb!’ Katiyakan, natatakot kami na baka kami ay parusahan niya o di kaya ay maghimagsik siya sa katotohanan at hindi niya ito tatanggapin.”
46-48. Sinabi ng Allâh (I) kay Mousâ at saka kay Hâroun: “Huwag kayong matakot kay Fir`âwn; dahil katiyakan, Ako ay kasama ninyo sa pamamagitan ng Aking pandinig at paningin, naririnig Ko ang inyong sinasabi at nakikita Ko ang inyong ginagawa, na kung kaya, pumunta kayong dalawa sa kanya at ito ang sabihin ninyong dalawa sa kanya: ‘Katiyakan, kaming dalawa ay Sugo tungo sa iyo mula sa iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pakawalan mo ang mga angkan ni Isrâ`îl, at huwag silang utusan na gumawa ng mga mabibigat na gawain na hindi nila kaya, katotohanan, dala namin sa iyo ang mga palatandaan bilang himala mula sa iyong ‘Rabb’ na nagpapatunay na kami ay totoo sa aming paanyaya, at nagpapatunay din na ang sinumang susunod sa gabay ng Allâh (I) ay ligtas siya sa anumang parusa ng Allâh (I). Katiyakan, ang iyong ‘Rabb’ ay nagpahayag sa amin, na ang Kanyang parusa ay para sa sinumang tumanggi at tinalikuran ang Kanyang paanyaya at batas.’”
49. Sinabi ni Fir`âwn sa dalawa: “Bakit, sino ba ang inyong ‘Rabb,’ O Mousâ?”
50. Sinabi sa kanya ni Mousâ: “Ang aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay Siyang nagkaloob ng lahat ng bagay na tinataglay ng Kanyang nilikha na naaangkop sa bawa’t katangian nito at pagkakalikha, at pagkatapos ginabayan Niya ang lahat ng nilikha tungo sa kung paano pakikinabangan ang anuman na Kanyang nilikha para sa kanila.”
51. Sinabi ni Fir`âwn kay Mousâ: “Paano na ang mga naunang sambayanan na nauna sa pagtanggi at di-paniniwala?”
52. Sinabi ni Mousâ kay Fir`âwn: “Ang kaalaman hinggil sa kanila at sa kung ano ang kanilang ginawa ay nasa Allâh (I) lamang na naitala sa ‘Al-Lawh Al-Mahfoudh,’ wala akong kaalaman hinggil doon. Hindi nagkakamali ang Allâh (I) sa Kanyang Gawain at sa Kanyang mga Batas, at wala Siyang anumang nakaliligtaan sa lahat ng Kaalaman na nasa Kanya.”
53. Siya ang Lumikha ng kalupaan para sa inyo na ginawang madali sa inyo ang makinabang mula rito dahil ito ay parang nakalatag, at ginawa Niya sa inyo sa ibabaw nito ang maraming daanan, at ibinaba Niya sa kalangitan ang mga ulan, at pinasisibol Niya sa pamamagitan nito ang iba’t ibang uri ng mga pananim.
54. Na kung kaya, kumain kayo, O kayong mga tao, mula sa anumang mga mabubuti na Aming pinasibol para sa inyo, at dito ninyo alagaan ang inyong mga inaalagaang hayop. Katiyakan, sa mga nabanggit na ito ay mga palatandaan sa Kapangyarihan ng Allâh (I) at paanyaya tungo sa paniniwala sa Kanyang Kaisahan at pagsamba lamang nang bukod-tangi sa Kanya para sa sinumang nagtatangan ng matitinong kaisipan.
55. Mula sa lupa ay nilikha Namin kayo, O kayong mga tao! At sa kalupaan ding ito kayo ay Aming ibabalik pagkatapos ng inyong kamatayan, at mula rito na inyong pinagbalikan ay bubuuin Namin kayong muli para sa Paghuhukom at Pagbabayad sa Araw ng Muling Pagkabuhay.
56. At katiyakan, ipinakita Namin kay Fir`âwn ang Aming mga katibayan at palatandaan na lahat ay nagpapatunay sa Aming Kapangyarihan; at sa karapatan ng Allâh (I) na Siya lamang ang nararapat na sasambahin, at nagpapatunay sa mensahe na dala-dala ni Mousâ, subali’t ito ay kanyang tinanggihan at hindi niya pinaniwalaan ang katotohanan.
57. Sinabi ni Fir`âwn: “Dumating ka ba sa amin, O Mousâ, upang kami ay paalisin mula sa aming bayan sa pamamagitan ng iyong salamangka?
58. “Samakatuwid, walang pag-aalinlangan, kaya rin naming magpakita sa iyo ng salamangka na katulad ng iyong dala-dala, na kung kaya, magtakda ka ng panahon ng pakikipagharap sa pagitan namin at sa pagitan mo, na pangakong tutuparin nang pareho, kami at gayon din sa iyo, sa patag na lugar na kung saan doon ay magkakaroon ng makatarungan at patas na pakikipagsapalaran ang pareho.”
59. Sinabi ni Mousâ kay Fir`âwn: “Ang itinakdang pakikipagharap para sa inyo ay sa araw ng pagdiriwang o pista na sa araw na yaon ay nakagayak ang mga tao, at hayaang magtipun-tipon ang mga tao na mula sa iba’t ibang dako kapag ang araw ay nakasikat na.”
60. Na kung kaya, tinanggihan ni Fir`âwn at tinalikuran ang anumang dala-dala ni Mousâ na katotohanan, sa halip ay tinipon niya ang kanyang mga salamangkero at isinagawa niya ang pakana at pagkatapos ay dumating sa nakatakdang pagtitipun-tipon.
61. Sinabi ni Mousâ sa mga salamangkero ni Fir`âwn bilang pagpapayo: “Mag-ingat kayo! Huwag kayong gumawa ng anumang kasinungalingan laban sa Allâh (I), dahil pupuksain kayo sa pamamagitan ng parusa na mula sa Kanya at papatayin kayong lahat. Katiyakan na hindi magtatagumpay ang sinumang nag-imbento ng kasinungalingan laban sa Allâh (I).”
62-64. Pagkatapos ay nagpulung-pulong ang mga salamangkero ni Fir`âwn at pinagtalunan nila ang patungkol sa kung ano ang kanilang gagawin at ito ay pinanatili nilang lihim, na kanilang sinabi: “Katiyakan, si Mousâ at saka si Hâroun ay dalawang salamangkero na nais nilang dalawa na kayo ay paalisin sa inyong bayan sa pamamagitan ng kanilang salamangka, upang maagaw ang inyong karangalan.
“Na kung kaya, isagawa ninyo nang maayos ang inyong mga pakana, at maging matatag kayo at huwag kayong magkakasalungatan, at pagkatapos ay magtipun-tipon kayo na iisang hilera (hanay) at ipakita ninyo ang anuman na hawak-hawak ninyong galing nang sabay-sabay, upang makuha ninyo ang atensiyon ng mga tao at magapi ninyo ang salamangka ni Mousâ at ng kanyang kapatid. At katiyakan, ang magtatagumpay lamang sa ngayon ay ang sinumang mangingibabaw sa kanyang kalaban at ito ay kanyang matatalo at magagapi.”
65. Sinabi ng mga salamangkero: “O Mousâ! Maaaring alin sa dalawa: ikaw muna ang magbitiw ng iyong tungkod o di kaya ay kami ang mag-umpisa at ipamalas namin ang anuman na hawak-hawak namin.”
66-67. Sinabi sa kanila ni Mousâ: “Hindi ako ang mauuna, kundi kayo muna ang unang maghagis ng anumang mayroon kayo,” na kung kaya, inihagis nila ang kanilang mga lubid at mga tungkod, at dahil sa tindi ng kanilang salamangka, ang nakikita ni Mousâ ay mga ahas na gumagalaw, na kung kaya, nagkaroon ng takot si Mousâ sa kanyang sarili.
68. Dahil doon ay sinabi ng Allâh (I) kay Mousâ: “Huwag kang matakot sa anumang bagay! Dahil katiyakang ikaw ay mangi-ngibabaw laban sa kanila na mga salamangkero, at ganoon din kay Fir`âwn at sa kanyang mga sundalo, at matatalo mo sila.
69. “Ihagis mo ang iyong tungkod, O Mousâ, na tangan-tangan ng iyong kanang kamay upang lamunin ang kanilang mga lubid at tungkod o ‘stick,’ dahil sa kung anuman ang kanilang ginawa sa harap mo, O Mousâ, ay mga panlilinlang lamang at panliligaw ng salamangka, at kailanman ay hindi magtatagumapay ang mga salamangkero kahit na gaano kadalubhasa ang antas na kanilang abutin.”
70. Na kung kaya, inihagis ni Mousâ ang kanyang tungkod: At nilamon ang kanilang mga gawa-gawa lamang na pandaraya, at lumitaw ang katotohanan at nangibabaw ang matinding katibayan laban sa kanila. Na kung kaya, napahandusay sila at nagpatirapa sa lupa at kanilang sinabi: “Naniniwala na kami sa ‘Rabb’ na sinasamba ni Hâroun at Mousâ, dahil sa kung ito ay salamangka ay hindi kami magagapi.”
71. Sinabi ni Fir`awn sa mga salamangkero: “Naniwala agad kayo kay Mousâ at sumunod sa kanya at nagpasiya kayo bago ko kayo pahintulutan na gawin ito? Kung gayon, si Mousâ pala ay dakilang pinuno ninyo na siyang nagturo sa inyo ng salamangka; kaya sumunod kayo sa kanya, kung gayon, walang pag-aalinlangan, puputulin ko ang inyong mga kamay at mga paa sa magkabilang bahagi at ipapako namin kayo sa mga puno ng palmera ng datiles, walang pag-aalinlangan, malalaman ninyo, O kayong mga salamangkero, kung sino sa amin: Ako o ang ‘Ilâh’ (o Diyos na sinasamba) ni Mousâ ang makapagbibigay nang masidhing kaparusahan, at higit na pangmatagalan?”
72. Sinabi ng mga salamangkero kay Fir`âwn: “Kailanman ay hindi ka namin pipiliin para sundin at sumunod sa iyong relihiyon kaysa sa dala-dala ni Mousâ na mga malinaw na katibayan na nagpapatunay sa kanyang pagiging totoo, na siya ay karapat-dapat na sundin bilang pagsunod sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at kailanman ay hindi na namin pipiliin ang inaangkin mo na pagiging diyos kaysa sa pagiging Diyos na sinasamba ng Allâh (I) na Siyang Lumikha sa amin, na kung kaya, gawin mo na ang gusto mong gawin sa amin, dahil sa ang kakayahan mo ay hanggang dito lamang sa daigdig at kung anuman ang gagawin mo sa amin ay isang parusa lamang na may hangganan.
73. “Katiyakan, naniwala kami sa aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha at sa Kanyang Sugo upang mapatawad Niya ang aming mga pagkakasala at ang anumang ipinilit mo sa amin na pag-aaral ng salamangka at pagsasagawa nito. At ang Allâh (I) ay higit na nakabubuti kaysa sa iyo, O Fir`âwn, sa Kanyang gantimpala sa sinumang susunod sa Kanya at ito ay walang hanggan, at manatili naman sa Kanyang parusa ang sinumang lumabag at hindi sumunod sa Kanyang kagustuhan.”
74. Katiyakan, sinumang makatatagpo niya ang kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa Kabilang-Buhay na siya ay walang pananampalataya sa Kanya, samakatuwid, walang pag-aalinlangan na ang para sa kanya ay Impiyernong-Apoy na siya ay parurusahan doon, na hindi na siya mamamatay pa roon upang makalasap ng anumang ginhawa at hindi rin siya mabubuhay ng tunay na pagkabuhay dahil sa sidhi ng hirap na kanyang nararanasan.
75-76. At sinuman na makatatagpo niya sa Kabilang-Buhay ang kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha bilang isang mananampalataya at gumawa ng mga mabubuting gawa, ang para sa kanya ay matataas na antas sa mga Hardin na roon ay mayroong mga ilog na umaagos sa ilalim ng mga puno nito, na siya ay mananatili roon magpasawalang-hanggan, at ang walang-hanggang kaligayahang ito ay gantimpala mula sa Allâh (I) para sa sinumang nilinis niya ang kanyang sarili mula sa dungis, dumi at pagtatambal, at sinamba niya ang Allâh (I) nang bukod-tangi, siya ay sumunod sa Kanya at iniwasan ang Kanyang mga ipinagbabawal, na kung saan nakatagpo niya roon ang kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha na hindi siya nagtambal ng anuman mula sa Kanyang nilikha, sa pagsamba niya sa Kaisahan ng Allâh (I).
77. At katiyakan, Aming ipinahayag kay Mousâ: “Maglakbay kayo sa gabi kasama ang Aking mga alipin na mga angkan ni Isrâ`îl mula sa Ehipto, at hampasin ang tuyong daan [51] para sa kanila sa karagatan, na hindi kayo natatakot na maabutan ni makubkob ni Fir`âwn at ng kanyang mga sundalo, at huwag kayong matakot na malunod sa karagatan.”
78. Naglakbay si Mousâ sa gabi kasama ang mga angkan ni Isrâ`îl at sila ay tumawid sa karagatan, at sinundan sila ni Fir`âwn kasama ang kanyang mga sundalo, at tumabon sa kanila ang tubig-dagat na walang sinuman ang tunay na nakaaalam ng pangyayaring ito kundi tanging ang Allâh (I) lamang, at nalunod silang lahat, at nakaligtas naman si Mousâ at ang kanyang mga tagasunod.
79. At iniligaw ni Fir`âwn ang kanyang sambayanan sa pamamagitan ng pagpapaganda sa kanila ng kamalian at pagtanggi sa katotohanan, at hindi niya sila dinala sa Daan ng Patnubay.
80. O mga angkan ni Isrâ`îl! Alalahanin ninyo noong iniligtas namin kayo sa inyong kalaban na si Fir`âwn, at itinakda Namin sa inyo ang pagpapahayag ng ‘Tawrah’ sa tabi ng gawing kanan ng bundok ng Tur, at ibinaba Namin sa inyo noong kayo ay gumagala-gala na ligaw, ang inyong makakain na isang bagay na katulad ng pulot-pukyutan at ibon na katulad ng pugo.
81. Kumain kayo mula sa Aming ipinakaloob na malinis na kabuhayan at huwag kayong magmalabis at huwag kayong magsagawa ng pang-aapi sa isa’t isa, dahil kung gayon ay bababa mula sa Akin ang poot, at sinuman ang binabaan ng Aking poot ay mapapahamak at malulupig.
82. At katiyakan, Ako ay Ganap na Mapagpatawad sa sinumang nagbalik-loob at pinagsisihan ang kanyang kasalanan at pagtanggi sa paniniwala, at siya ay naniwala sa Akin at gumawa ng mga mabubuting gawa, pagkatapos siya ay natungo sa katotohanan at doon siya nagpakatatag.
83. Ano ang sanhi ng iyong pagmamadali, O Mousâ, mula sa iyong sambayanan, na inunahan mo sila sa pagtungo sa kanang bahagi ng bundok ng Tur at iniwan mo sila?
84. Kanyang sinabi: “Katiyakan, sila ay iniwan ko subali’t walang pag-aalinlangang susunod sila sa akin, at inunahan ko sila sa Iyo, O aking ‘Rabb,’ upang maragdagan ang Iyong pagmamahal sa akin.”
85. Sinabi ng Allâh (I) kay Mousâ: “Katiyakan, sinubok Namin ang iyong sambayanan pagkatapos mo silang iniwan sa pamamagitan ng pagsamba ng inanyuang baka, at katiyakang iniligaw sila ni Sâmiri.”
86. Pagkatapos di-naglaon ay bumalik si Mousâ sa kanyang sambayanan na may galit sa kanila at nalulungkot, at kanyang sinabi sa kanila: “O aking sambayanan, di ba pinangakuan kayo ng inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na ipapahayag Niya ang ‘Tawrah?’ Naging matagal ba sa inyo ang paghihintay at pagdating ng pangako? O di kaya ay ninais lamang ninyo na gumawa ng gawain na naging dahilan upang bumaba ang galit mula sa inyong ‘Rabb,’ at sinira ninyo ang inyong pangako sa akin dahil sumamba kayo ng inanyuang baka at hindi kayo sumunod sa aking mga kautusan?”
87. Kanilang sinabi: “O Mousâ, hindi namin sinira ang aming pangako sa iyo batay sa aming sariling kagustuhan, subali’t naatasan kami ng mga makasalanang tao na pasanin ang mga inipon nilang palamuti (ginto) mula sa sambayanan ni Fir`âwn, at pagkatapos ay inilubog namin ito sa hukay na may apoy sa pag-uutos ni Sâmiri, at doon ay inilagay ni Sâmiri ang dala-dala niya na lupa mula sa lupang inapakan ng kabayo na sinakyan ni (anghel) Jibril.”
88. At gumawa si Sâmiri mula sa gintong ito ng inanyuang baka na tumutunog na tulad ng sigaw ng baka, na ito ay kanya namang ibinigay sa mga angkan ni Isrâ`îl, at sinabi noong mga nahikayat niya sa kanyang panlilinlang mula sa angkan ni Isrâ`îl, sa iba: “Ito ang diyos ninyo at diyos ni Mousâ, subali’t ito ay nakalimutan niyang dalhin.”
89. Hindi ba nila nakikita (na mga sumamba sa inanyuang bakang ito,) na ito ay hindi man lang nakikipag-usap sa kanila, at hindi tumutugon sa kanilang katanungan at wala ring kakayahan na ilayo sila mula sa anumang kapahamakan, o di kaya ay magdadala sa kanila ng anumang kapakinabangan.
90. At katiyakan, noon pa man ay sinabi na ni Hâroun sa mga angkan ni Isrâ`îl bago pa nakabalik sa kanila si Mousâ: “O aking sambayanan! Sinubok lamang kayo sa pamamagitan ng inanyuang bakang ito; upang palitawin sa pamamagitan nito kung sino ang mananampalataya mula sa inyo at kung sino ang walang pananampalataya, at katiyakan, ang inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay ang Allâh (I) na Pinakamahabagin na wala nang iba pa bukod sa Kanya, na kung kaya, sundin ninyo ako tungo sa aking paanyaya sa inyo na pagsamba sa Allâh (I), at sundin ninyo ang aking ipinag-uutos na pagsunod sa Kanyang batas.”
91. Sinabi ng mga sumamba sa inanyuang baka mula sa kanila: “Mananatili kami sa ganitong kalagayan na pagsamba sa inanyuang baka hanggang sa makabalik sa amin si Mousâ.”
92-93. Sinabi ni Mousâ sa kanyang kapatid na si Hâroun: “Ano ba ang pumigil sa iyo nang makita mo sila na naligaw mula sa kanilang tamang ‘Deen’ (o Relihiyon), na hindi mo sinunod ang aking ipinag-utos, kaya mo ako sinundan at iniwan sila? Nilabag mo ba ang aking kagustuhan noong ako ay nag-utos sa iyo na pangasiwaan sila bilang aking kahalili at ituwid ang kanilang pagkakamali habang ako ay wala?”
94. Pagkatapos ay hinawakan ni Mousâ ang balbas ni Hâroun at ang kanyang ulo at ito ay kanyang hinila, at sinabi sa kanya ni Hâroun: “O anak ng aking ina! Huwag mong hawakan ang aking balbas ni ang aking ulo! Katiyakan, ako ay natatakot dahil sa iniwan ko sila at sinundan kita na sasabihin mo: ‘Na pinaghiwa-hiwalay mo ang mga angkan ni Isrâ`îl, at hindi mo pinangalagaan ang aking bilin na pagbutihan ang pangangalaga sa kanila.’”
95. Sinabi ni Mousâ kay Sâmiri: “Ano ba ang ginawa mo, O Sâmiri? Ano ba ang nagtulak sa iyo upang gawin ang bagay na iyan?”
96. Sinabi ni Sâmiri: “Nakita ko ang hindi nila nakikita, na ito ay si Jibril na nakasakay sa kabayo habang sila ay papalabas sa karagatan, at si Fir`âwn naman at ang kanyang mga sundalo ay nalulunod, at dinakot ko sa pamamagitan ng aking palad ang lupa na pinagtapakan ng kabayo ni Jibril, at ito ay aking inilagay sa mga alahas (na ginto) na ginawa kong inanyuang baka, na kung kaya, ito ay naging anyong baka na nagpapalabas ng tinig na katulad ng baka bilang pagsubok at panlilinlang, at ito ang iminungkahi ng aking sariling kalooban na nag-utos na gumawa ng kasamaan.”
97. Sinabi ni Mousâ kay Sâmiri: “Samakatuwid, umalis ka na! At katiyakan, ikaw ay ipagtatabuyan sa nalalabi mo pang buhay, na sasabihin sa iyo ng bawa’t isa: ‘Huwag mo akong salangin (hipuin);’ at katiyakan, mayroong ipinangakong araw na parusa para sa iyo, na kailanman ay hindi sinisira ng Allâh (I) ang Kanyang pangako, at walang pag-aalinlangan na ito ay matatagpuan mo. At pagmasdan mo ang iyong sinamba na itinuon mo rito ang iyong taimtim na pagsamba, dahil amin itong susunugin sa apoy at ito ay malulusaw at pagkatapos ay ikakalat namin ang mga labi nito sa karagatan.”
98. Katiyakan, ang inyong ‘Ilâh’ (Diyos na karapat-dapat sambahin), O kayong mga tao, ay walang iba kundi ang Allâh (I), ‘La ilâha illa Huwa’ – na walang sinuman ang may karapatan at karapat-dapat na sambahin bukod sa Kanya, na saklaw ng Kanyang Ganap na Kaalaman ang lahat ng bagay.
99. Kung paano Namin isinalaysay sa iyo, O Muhammad (r), ang kuwento hinggil kay Mousâ at saka kay Fir`âwn, at sa kanilang sambayanan ay ganoon din Namin isinasalaysay sa iyo ang mga kuwento ng mga naunang tao.
At katiyakan, ipinagkaloob Namin sa iyo, ang Banal na Qur’ân mula sa Amin bilang paalaala sa sinumang tatanggap ng paalaala.
100. Sinuman ang tatanggi sa Qur’ân na ito, na hindi niya paniniwalaan at hindi niya susundin ang ipinag-uutos na batas, walang pag-aalinlangan, siya ay darating sa Araw ng Muling Pagkabuhay na pasan niya ang napakabigat na kasalanan.
101. Sila ay mananatili sa kaparusahan, at napakasama ang ipinapasan sa kanila na mga kasalanan na ito ang naging sanhi ng pagkabulid nila sa Impiyernong-Apoy.
102. Sa Araw ng (pangalawang) pag-ihip ng anghel sa Trumpeta na isang nakabibinging ingay, na yaon ay ang Araw ng Muling Pagkabuhay, at kakaladkarin Namin ang mga walang pananampalataya sa Araw na yaon na magiging asul ang kanilang mga mata (dahil sa tindi ng pagkakasunog sa kanila), na maiiba ang kanilang kulay at ang kanilang paningin; dahil sa tindi o kagimbal-gimbal na pangyayari.
103. Magsasalita sila nang mahinahon sa isa’t isat na sasabihing: “Kayo ay nanatili sa daigdig nang hindi hihigit sa sampung araw.”
104. Kami ay Ganap na Nakaaalam kung ano ang kanilang mga sasabihin at gagawing pagbubulungan sa isa’t isa, kapag ang pinakamagaling mula sa kanila sa kaalaman at karunungan ay sasabihin: “Kayo ay nanatili sa daigdig nang hindi hihigit sa isang araw;” dahil sa tindi ng pangyayari ay umiksi ang kanilang pananaw sa buhay sa daigdig.
105. Tinatanong ka, O Muhammad (r), ng iyong sambayanan hinggil sa kung ano ang mangyayari sa mga kabundukan sa Araw ng Muling Pagkabuhay, sabihin mo sa kanila: “Aalisin ito ng Aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha mula sa kinaroroonan nito at gagawin Niya itong parang mga nagkalat na mga alikabok na bagay.”
106-107. Pagkatapos ay ipapantay Niya ang mga ito sa kalupaan na wala kayong makikitang anumang baku-bako mula rito at saka mga pananim, na sinuman ang makakikita nito ay matutunghayan niya na ito ay lapat na lapat na walang matataas at walang mabababa.
108. Na sa Araw na yaon ay ganap na magiging sunud-sunuran ang mga tao sa tinig ng tagapagpanawagan ng Allâh (I), na sila ay dadalhin tungo sa kapatagan, na kung saan doon sila ay titipuning lahat, na walang sinuman ang makasusuway sa panawagang ito; dahil ito sa katotohanan ay para sa lahat ng mga nilikha, at titigil ang lahat ng tinig bilang pagpapakumbaba sa Allâh (I) na Pinakamabagin, na wala kang maririnig na anumang ingay maliban sa mahinang ingay ng kanilang mga yapak.
109. Na sa Araw na yaon ay wala nang pakinabang ang pamamagitan ng sinumang nilikha, maliban sa sinumang pahintulutan ng Allâh (I) na mamamagitan at yaong pagtatanggol ay katanggap-tanggap sa Allâh (I) at ito ay hindi maaaring mangyari kundi sa mga mananampalataya lamang na dalisay ang kanilang kalooban.
110. Batid ng Allâh (I) kung anuman ang pangyayari sa hinaharap ng mga tao na tulad ng Muling Pagkabuhay at ang anumang nakalipas nang pangyayari hinggil sa makamundong buhay. At walang anuman ang maaaring mangyari sa kanila kundi ito ay saklaw ng Kanyang Ganap na Kaalaman, samantalang ito ay hindi kayang abutin ng kanilang kaalaman.
111. At ang lahat ng kanilang mga mukha ay magpapakumbaba sa harapan ng Allâh (I) na Tagapaglikha, ‘Al-Hayyul-Qayyum’ – ang Magpakailanmang-Buhay na walang kamatayan, na Tagapangasiwa sa lahat ng bagay na Kanyang mga nilikha. At katiyakan, ang talunan sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay ang sinumang sumamba ng iba na kanilang itinambal ang mga ito sa pagsamba sa Allâh (I) mula sa Kanyang nilikha.
112. At sinuman ang gumawa ng mga mabubuting gawain samantalang siya ay isang mananampalataya sa Allâh (I), samakatuwid ay wala siyang dapat pangambahan na siya ay aapihin sa pamamagitan ng pagdaragdag ng kamalian o kasalanan sa kanya, o di kaya ay mababawasan ang kanyang mga mabubuting gawa.
113. At kung paano Namin hinihikayat ang mga mananampalataya sa pagsagawa ng mga mabubuting gawa at binabalaan ang mga walang pananampalataya na nananatili sa kanilang paglabag at pagtanggi sa Aming mga talata ay gayon din Namin ibinaba ang Banal na Qur’ân sa wikang ‘Arabic;’ upang ito ay kanilang maintindihan at isinasaysay Namin sa loob nito ang mga iba’t ibang uri ng babala; upang sila ay magkaroon ng takot sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, o di kaya ay magkakaroon sila ng tagapagpaalaala sa pamamagitan ng Qur’ân na ito upang maging aral sa kanila o upang magkaroon sila ng karangalan dahil sa paniniwala rito at pagkilos batay sa mga katuruan.
114. Luwalhati sa Allâh (I) na Kataas-Taasan na Siya ay dalisay na malayo sa anumang pagkukulang at pangangailangan, ang Tunay na Hari na nakukuntrol ng Kanyang kaharian ang sinumang hari at sinumang makapangyarihan, at Siya ay Tagapagpangasiwa at Tagapagkontrol ng lahat ng bagay, Siya ay Katotohanan at ang pangako Niya ay katotohanan at ang babala Niya ay katotohanan at ang lahat ng bagay na nagmumula sa Kanya ay katotohanan, na kung kaya, huwag kang magmadali, O Muhammad (r), sa pakikipag-unahan kay Jibril (u) habang tinatanggap mo ang Qur’ân bilang Rebelasyon bago niya ito matapos bigkasin sa iyo, at sabihin mo: “O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Dagdagan Mo pa ako sa kaalaman bukod sa anumang itinuro Mo sa akin.”
115. At katiyakan, Aming pinagpayuhan si Âdam (u) noon hinggil sa pagkain ng puno na huwag siyang kumain ng anuman mula roon, at Aming sinabi sa kanya na: Katiyakan, si Iblees ay iyong kalaban at ng iyong asawa, na kung kaya, huwag ninyong hayaan na mapalabas niya kayo mula sa Hardin, dahil kapag yaon ay nangyari ay maghihirap kayo, ikaw at ang iyong asawa sa daigdig, subali’t inudyukan sila ni ‘Shaytân’ at siya ay sinunod nila at nakalimutan ni Âdam ang payo sa kanya, at hindi Namin nakita sa kanya ang matibay na pagkakahilig na gawin ito.
116. At alalahanin mo, O Muhammad (r), noong sinabi Namin sa mga anghel: “Magpatirapa kayo kay Âdam bilang pagbati at paggalang.” Sila ay sumunod at nagpatirapa silang lahat maliban kay Iblees na siya ay tumanggi.
117. At Aming sinabi: “O Âdam! Katiyakan, si Iblees ay iyong kalaban at ng iyong asawa, na kung kaya, mag-ingat kayo sa kanya, at huwag kayong sumunod sa kanya bilang paglabag sa Akin dahil palalabasin kayo mula Hardin, na sa ganitong kadahilanan ay magdadalamhati kayo kapag kayo ay pinalabas mula rito.”
118. “Katiyakan, para sa iyo, O Âdam (u), dito sa Hardin ay mga pagkain na kailanman ay hindi kayo makararanas ng kagutuman at mga kasuotan na hindi kayo magiging hubad.
119. “At hindi rin kayo makararanas ng pagkauhaw dito sa Hardin at hindi rin kayo matatamaan ng init ng araw.”
120. Na kung kaya, si Âdam ay nalinlang ni ‘Shaytân’ at sinabi: “O Âdam! Nais mo bang ituro ko sa iyo ang puno na kapag nakakain ka mula rito ay mananatili kang buhay magpasawalang-hanggan at hindi ka na magkakaroon pa ng kamatayan, at magtataglay ka ng kaharian na wala nang katapusan?”
121. At dahil doon ay nakakain si Âdam at si Hawwa` mula sa puno na ipinagbawal sa kanila na kumain, na kung kaya, lumantad sa kanilang paningin ang kanilang mga pribadong bahagi na rati ay hindi nila ito nakikita (na ito ay nananatiling nakatakip para sa kanila), at nagsimula nilang takpan ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagkuha ng mga dahon sa Hardin upang takpan kung anuman ang nakalantad.
Samakatuwid, sa ganito nilabag ni Âdam ang kagustuhan ng kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na kung kaya, siya ay nalinlang na kumain mula sa puno na ipinagbawal ng Allâh (I) sa kanila na lapitan.
122. Pagkatapos ay pinili ng Allâh (I) si Âdam, at bumaling sa Kanya na may kapatawaran, na tinanggap ng Allâh (I) ang kanyang pagsisisi, at pinagkalooban siya ng patnubay.
123. Sinabi ng Allâh (I) kay Âdam at kay Hawwa`: “Bumaba kayong dalawa mula sa Hardin patungo sa kalupaan, kayong lahat kasama si Iblees, dahil kayong dalawa at siya ay magkalaban sa isa’t isa, at pagkatapos kapag may dumating sa inyo na gabay mula sa Akin at kapahayagan, na samakatuwid, ang sinumang susunod sa Aking Gabay sa pamamagitan ng Aking pagpapahayag at ito ay kanyang isinagawa, walang pag-aalinlangan, gagabayan Ko siya ng Allâh (I) dito sa daigdig at papatnubayan, at hindi na siya magdadalamhati sa Kabilang-Buhay hinggil sa anumang Aking kaparusahan ng Allâh (I).
124. “At sinuman ang tumalikod at nakalimot sa Pag-alaala sa Akin sa pamamagitan ng di-paniniwala sa Qur’ân at di-pagsasapamuhay nito, walang pag-aalinlangan, siya ay magkakaroon ng masalimuot na pamumuhay dito sa daigdig, kahit siya ay kabilang sa mga nakakaangat at katangi-tangi, at siya ay bubuhayin na mag-uli na isang bulag na isasama sa mga bulag na titipunin sa Araw ng Muling Pagkabuhay, na hindi niya makikita ang anumang bagay at wala na siyang maikakatwiran na anuman.”
125. At sasabihin niya na hindi nakaalaala sa Allâh (I): “O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Bakit Mo ako binuhay na mag-uli na isang bulag, samantalang ako ay nakakikita noong ako ay nasa daigdig pa.”
126. Sasabihin ng Allâh (I) sa kanya: “Binuhay Kitang mag-uli na isang bulag; dahil dumating sa iyo ang Aming mga talata at mga paglilinaw subali’t ito ay iyong tinanggihan at hindi mo pinaniwalaan, at kung paano mo ito tinanggihan at pinabayaan noong ikaw ay nasa daigdig ay ganoon ka rin Namin pababayaan sa Impiyernong-Apoy.”
127. Na kung kaya, ganoon Namin pinarurusahan ang sinumang nagmalabis at lumampas sa hangganan sa paglabag sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at hindi niya pinaniwalaan ang Kanyang mga talata, na kung kaya, siya ay parurusahan dito sa daigdig, subali’t ang parusa na inihanda sa kanila sa Kabilang-Buhay ay masidhi at ito ay magpapatuloy magpasawalang-hanggan.
128. Hindi ba naging malinaw para sa iyong sambayanan, O Muhammad (r), na mabatid kung gaano karami ang pinuksa Naming mga tao na hindi naniwala na mga nauna sa kanila, na ang kanilang mga tinirhan ay kanilang nilalakaran (sa ngayon) at nakikita nila ang mga bakas ng pagkapuksa sa mga ito? At walang pag-aalinlangan, ang dami ng mga naunang tao na pinuksa at ang mga bakas na naiwan bilang katibayan ng parusang isinagawa sa kanila ay katiyakang nakapagbibigay ng aral at paalaala sa sinumang nagtatangan ng matinong kaisipan.
129. Kung hindi lamang nauna na ang pagpasiya mula sa iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at nakatakdang panahon kung kailan sila wawasakin ay minadali na ng Allâh (I) ang pagpuksa sa kanila dahil sa sila ay talagang karapat-dapat namang parusahan.
130. Na kung kaya, pagtiisan mo, O Muhammad (r), ang anumang sinasabi ng mga walang pananampalataya sa iyo na mga kasinungalingan, at luwalhatiin mo ang iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa pamamagitan ng iyong mga pagpuri, sa iyong pagsa-‘Salâh’ sa umaga bago sumikat ang araw (‘Fajr’), at sa pagsa-‘Salâh’ ng ‘`Asr’ bago lumubog ang araw, at sa pagsa-‘Salâh’ ng ‘`Ishâ’ sa mga oras sa gabi, at ganoon din sa pagsa-‘Salâh’ ng ‘Dhuhr’ at ‘Maghreb’ sa mga dulo ng araw; upang ikaw ay maging kalugud-lugod sa gantimpala sa paggawa ng mga mabubuting gawain na ito.
131. At huwag asamin ng iyong paningin ang anumang kasiyahan na Aming ipinagkaloob sa mga walang pananampalataya at sa iba pa sa kanila, na iba’t ibang uri ng kasiyahan, dahil ito ay palamuti lamang ng makamundong buhay na may hangganan, pinasaya Namin sila sa pamamagitan nito; upang sila ay subukin, subali’t ang kabuhayan mula sa iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha at ang Kanyang gantimpala ang higit na nakabubuti sa iyo at nananatili kaysa sa anumang kasiyahan na ipinagkaloob Namin sa kanila dahil sa ito ay walang katapusan at hindi nauubos.
132. At ipag-utos mo sa iyong pamilya, O Muhammad (r), ang pagsa-‘Salâh’ at maging matiisin ka sa pagsagawa nito, dahil hindi Kami humihingi ng anumang kabuhayan: Kami ang nagbibigay at nagkakaloob ng kabuhayan sa iyo. At ang mabuting patutunguhan dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay ay para lamang sa matatakutin sa Allâh (I).
133. At sinabi ng mga walang pananampalataya sa iyo: “Bakit hindi ka magpakita o magdala ng palatandaan mula sa iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha na nagpapatunay ng iyong pagiging totoo?” Hindi ba dumating sa kanila ang Banal na Qur’ân na pinatunayan ang anumang nakasaad sa mga naunang Kasulatan na katotohanan?
134. At kung winasak Namin ang mga walang pananampalataya bilang parusa bago dumating sa kanila ang Sugo at ganoon din ang pagbaba ng Kasulatan ay kanilang sasabihin: “O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Kung nagpadala ka lamang sa amin ng Sugo mula sa Iyo, katiyakan na paniniwalaan at susundin namin ang Iyong mga talata at batas, bago kami hinamak at ipinahiya sa pamamagitan ng Iyong pagpaparusa?”
135. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r), na mga walang pananampalataya sa Allâh (I): “Ang bawa’t isa sa atin ay nag-aabang sa pag-ikot ng panahon, kung sino ang magtatagumpay at mananalo; na kung kaya, maghintay kayo, dahil walang pag-aalinlangang mababatid ninyo kung sino ang nasa Matuwid na Landas at kung sino ang ginabayan sa katotohanan, ang sa amin ba o ang sa inyo?”
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment