34
XXXIV – Sûrat Saba`
[Kabanata Saba` – Sambayanan ng Saba`]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Ang lahat ng papuri at ganap na pasasalamat ay para lamang sa Allâh (I) na Bukod-Tangi na Siya ang Nagmamay-ari ng lahat ng nasa mga kalangitan at nasa kalupaan. Siya lamang ang Nagmamay-ari ng pinakaganap na pagpuri sa Kabilang-Buhay, at Siya ay ‘Al-Hakeem’ – ang Pinakamaalam sa Kanyang gawain, na ‘Al-Khabeer’ – ang Pinakadalubhasa at Ganap ang Kanyang Kagalingan hinggil sa Kanyang mga nilikha.
2. Batid Niya ang lahat ng pumapasok sa kalupaan mula sa mga patak ng tubig at ang anumang lumalabas mula rito na mga pananim, minahan at tubig, at ang anumang bumababa mula sa kalangitan na mga tubig-ulan, mga anghel at mga kapahayagan, at ang anumang umaakyat patungo roon na mga anghel at mga gawain ng Kanyang mga nilikha. Siya ay ‘Ar-Raheem’ – Ganap na Mapagmahal at Pinakamaawain sa Kanyang mga alipin, na kung kaya, hindi Niya minamadali ang pagparusa sa mga nagkakasala sa kanila, na ‘Al-Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa mga kasalanan ng mga nagsisipagsisi at nananalig sa Kanya.
3-4. At sinabi ng mga walang pananampalataya na pinasinungalingan ang Pagkabuhay na Mag-uli: “Hindi darating sa amin ang Pagkagunaw ng Daigdig.” Sabihin mo sa kanila, O Muhammad: “Katiyakan, sumusumpa ako sa Allâh (I) na aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Walang pag-aalinlangan na ito ay darating sa inyo, subali’t wala sinuman ang nakaaalam ng pagdating nito bukod sa Allâh (I) na Siyang Nakaaalam ng lahat ng lihim, na walang anumang naililihim sa Kanya na kahit na kasimbigat ng ‘atom’ sa liit sa mga kalangitan o sa kalupaan man, at kahit mas maliit pa kaysa rito o malaki pa kaysa rito ay ganap sa kabatiran ng Allâh (I) na ito ay nakatala sa malinaw na kasulatan na ito ay ang ‘Al-Lawh Al-Mahfoudh;’” upang gantimpalaan ang mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo, at gumawa ng mga kabutihan. Ang para sa kanila ay kapatawaran sa kanilang mga kasalanan at masaganang kabuhayan na ito ay ‘Al-Jannah’ (Hardin).
5. At ang mga yaong nagpunyagi para harangan ang Daan ng Allâh at pinasinungalingan ang Kanyang mga Sugo at siniraan ang Kanyang mga palatandaan, mga katibayan at mga rebelasyon, upang sila ay hadlangan, kailanman ay hindi nila malalamangan ang Allâh (I) – ang para sa kanila ay sukdulang kaparusahan at masidhing paghihirap.
6. At batid ng mga yaong pinagkalooban ng kaalaman na ang Banal na Qur’ân na ipinahayag sa iyo mula sa Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay walang pag-aalinlangan na katotohanan, at nagpatnubay tungo sa Daan ng Allâh na ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan na hindi nagagapi, kundi nasa ilalim ng Kanyang pagtatangan ang lahat ng bagay, na Siya ay ‘Al-Hameed’ – ang Nagmamay-ari ng lahat ng papuri na pinupuri sa Kanyang mga salita, mga gawa at batas, sa lahat ng pagkakataon.
7. At sinabi ng mga walang pananampalataya sa isa’t-isa bilang pangungutya: “Ituturo ba namin sa inyo ang isang lalaki – na ang tinutukoy nila rito ay si Propeta Muhammad – na sinasabi sa inyo na kapag kayo ay namatay at naagnas na ang inyong mga katawan, ay walang pag-aalinlangan na bubuhayin pa kayo na mag-uli mula sa inyong mga libingan?” Sinabi nila ito dahil sa kanilang matinding pagtanggi.
8. Siya ba ay nag-imbento ng kasinungalingan laban sa Allâh (I) o may kasiraan siya sa kanyang kaisipan, na kung kaya, nagsasalita siya ng bagay na hindi niya alam? Ang katotohanan ay hindi ang inaakala ng mga walang pananampalataya, kundi si Muhammad ang pinakatotoo sa lahat ng mga totoo. At ang mga yaong hindi naniniwala sa Muling Pagkabuhay at hindi nagsasagawa ng paghahanda para rito ay nasa patuloy na parusa sa Kabilang-Buhay at napakalayo ang pagkaligaw mula sa katotohanan dito sa daigdig.
9. Hindi ba nakita ng mga walang pananampalataya na hindi naniniwala sa Kabilang-Buhay ang kakayahan ng Allâh (I) sa anumang nasa harapan nila at nasa likuran nila na kalangitan at kalupaan na kamangha-mangha, na itong dalawa ay nakapalibot sa kanila? Kung Aming nanaisin ay ipalalamon Namin sila sa kalupaan, na katulad ng ginawa Namin kay Qâroun o di kaya ay magpapababa Kami sa kanila ng parusa na katulad ng ginawa Namin sa sambayanan ni Shu`ayb; dahil walang pag-aalinlangan, pinaulanan Namin sila mula sa kalangitan ng apoy na sumunog sa kanila. Katiyakan, sa mga nabanggit Namin na ito mula sa Aming kapangyarihan ay malinaw na katibayan sa sinumang aliping nagbabalik-loob sa Kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha bilang pagsisisi at paniniwala sa Kanyang Kaisahan at dalisay ang kanyang layunin sa pagsamba.
10. At katiyakan, ipinagkaloob Namin ang pagiging Propeta kay Dâwood (u), at Aklat at Kaalaman, at sinabi Namin sa mga kabundukan at mga ibon: “Luwalhatiin ninyo ang Allâh (I) na kasama siya! At pinalambot Namin para sa kanya ang bakal, na ito ay parang katulad ng minasang arina sa lambot na nagagawa niya ang anuman na naisin niya rito.”
11. Sinasabing: “Gumawa ka ng mga panangga na malalapad at nasa ganap na kaayusan, at ipatas mo ang mga ito sa mga butas ng mga kadenang bakal na kasuotang pandigma, at huwag kang gumawa ng maliliit na kadena dahil sa magiging masikip ito sa paggalaw-galaw, na kung kaya, hindi mo ito maipananangga upang makapagprotekta, at huwag mo namang gawing masyadong malaki dahil mabibigatan ka sa pagsuot nito, at gawin mo, O Dâwood, ikaw at ang iyong pamilya, ang pagsunod sa Allâh (I). At katotohanan, Ako ay ‘Baseer’ – Ganap na Nakakikita sa lahat ng inyong mga ginagawa at wala anumang bagay ang naililihim sa Akin.”
12. At ipinasailalim Namin sa pangangasiwa ni Sulaymân (u) ang hangin, na siya ay naglalakbay mula sa pagsikat ng araw hanggang tanghaling tapat na katulad ng isang buwan na paglalakbay, at mula sa kalagitnaan ng araw hanggang gabi ay katulad din ng isang buwan na paglalakbay sa karaniwang takbo ng panahon, at sinanhi Namin na tunawin ang tingga na katulad ng tubig, at nagagawa niya rito ang kung anuman ang kanyang nais, at ipinasailalim din Namin sa kanya ang mga ‘Jinn’ na gumagawa sa kanyang harapan sa kagustuhan ng Allâh (I), na kung kaya, sinuman ang tatanggi mula sa kanila sa Aming kautusan na Aming ipinag-utos sa kanila na pagsunod kay Sulaymân ay ipatitikim Namin sa kanya ang parusa sa Impiyerno na naglalagablab.
13. Gumagawa para kay Sulaymân ang mga ‘Jinn’ ng anuman na kanyang nais na mga bahay-panalanginan at ang mga estatwa na gawa sa tingga bilang palamuti at salamin, mga malalaking kawa na kasinlaki ng imbakan na pinaglalagyan ng naipon na mga tubig, at mga malalaking lagayan (‘Qudûr’ – mga kaldero) na hindi nagagalaw sa mga kinalalagyan dahil sa laki nito, at Aming sinabi: “O pamilya ni Dâwood! Isagawa ninyo ang pagpapasalamat sa Allâh (I) sa mga ipinagkaloob Niya sa inyo, na ito ay pagsunod sa Kanya at pagsagawa ng Kanyang mga ipinag-uutos,” subali’t kakaunti lamang sa Aking mga alipin ang nagpapasalamat nang marami sa Akin, at si Dâwood (u) at ang kanyang pamilya ay kabilang dito.
14. Nang Aming itinakda ang kamatayan kay Sulaymân (u) ay walang nakabatid sa mga ‘Jinn’ ng hinggil sa kanyang kamatayan kundi maliliit na uod ng kalupaan na unti-unting nginangatngat ang kanyang tungkod na hawak-hawak, at nang bumagsak si Sulaymân ay doon lamang nalaman ng mga ‘Jinn,’ na kung alam lamang nila ang ‘Ghayb’ (mga bagay na di-nakikita) ay hindi sila mananatili sa parusang kahamak-hamak at mabigat na gawain para sa kagustuhan ni Sulaymân; dahil sa inaakala nilang siya ay nanatili pang buhay.
Dito sa talatang ito ang pagwawalang-bisa sa paniniwala ng ilan sa mga tao na ang mga ‘Jinn’ ay nakababatid ng mga ‘Ghayb;’ dahil kung may alam lamang sila sa ‘Ghayb’ ay mababatid nila ang pagkamatay ni Sulaymân at hindi sila mananatili sa kahamak-hamak na parusa.
15. Katiyakan, mayroon sa sambayanan ni Saba` sa Yemen sa kanilang mga tahanan ang matibay na katibayan hinggil sa Aming kakayahan: dalawang hardin, isa sa gawing kanan at isa sa gawing kaliwa, (at sinabi sa kanila): “Kumain kayo mula sa kabuhayan na nagmula sa inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha at magpasalamat kayo sa Kanyang biyaya sa inyo;” dahil ang inyong bayan ay masagana ang kalupaan at sariwa ang hangin, at ang inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay Ganap na Mapagpatawad sa inyo.
16-17. Subali’t tinalikuran nila ang kautusan ng Allâh (I) at pagpapasalamat sa Kanya, at pinasinungalingan nila ang mga Sugo, na kung kaya, nagpadala Kami sa kanila ng matinding baha na nasira ang imbakan ng tubig (‘dam’) at nalunod ang kanilang dalawang hardin at pinalitan Namin ang kanilang dalawang hardin na namumunga ng masagana at matatamis na bunga, ng dalawang hardin na ang mga puno ay bumubunga ng mapapait na mga bunga, puno na maraming dahon na walang bunga, at kaunting puno ng ‘Sidr’ [56] na maraming tinik. Itong pagpapalit mula sa mabuti patungo sa masama ay dahil sa kanilang di-paniniwala at di-pagtatanaw ng utang na loob sa mga Biyaya ng Allâh (I), at hindi Kami nagpaparusa ng ganitong parusa kundi sa mga matitindi lamang ang kanilang pagtanggi at paglabag, dahil ang pagtutumbas ay batay lamang sa kung ano ang kanilang ginawa.
18. At gumawa Kami sa pagitan ng mga taga-Saba` – na ito ay sa Yemen – at mga bayan na Aming biniyayaan – na ito ay Sham – ng mga siyudad na magkakadikit-dikit na nakikita ng isa’t isa, at ginawa Namin ang paglalakbay doon nang madali mula sa tahanan tungo sa isang tahanan nang walang kahirapan, at sinabi Namin sa kanila: “Maglakbay kayo sa mga bayan na ito sa anumang oras na inyong nais, sa gabi man o sa araw, na kayo ay mapayapa na walang anumang kalaban na kinatatakutan at walang anumang gutom o pagkauhaw.”
19. Pero dahil sa kanilang sukdulang kasamaan ay pinagsawaan nila ang tahimik, mapayapa at marangyang pamumuhay, at kanilang sinabi: “O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Igawa Mo kami ng mga bayan na magkakalayo; upang mapalayo ang aming mga paglalakbay sa pagitan nito, na wala kaming matatagpuan na bayan sa aming pagdaraanan,” at inapi nila ang kanilang mga sarili dahil sa kanilang di-paniniwala, na kung kaya, winasak Namin sila, at ginawa Namin sila na mga aral at mga kuwento sa sinumang darating pagkatapos nila, at pinagwatak-watak Namin sila at nasira ang kanilang bayan, katiyakan, sa nangyari sa bayan ng Saba` ay katotohanang aral sa sinumang nagtitiis sa mga kahirapan, na nagpapasalamat sa mga Biyaya ng Allâh (I)
20. At walang pag-aalinlangan, na napatunayan ni Iblees sa kanyang kaisipan ang kanyang inisip na walang katiyakan, na maililigaw niya ang angkan ni Âdam (u), at katunayan, sila ay sumunod sa kanya sa paglabag sa Allâh (I), at natupad ang kanyang inisip laban sa kanila, at sinunod nila siya at nilabag ang kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha maliban sa isang grupo na mananampalataya sa Allâh (I) dahil sa sila ay nanatili sa kanilang pagsunod sa Allâh (I).
21. At walang kakayahan si Iblees na pilitin ang mga walang pananampalataya na lumabag subali’t ang ‘Hikmah’ (o karunungan) ng Allâh (I) ay pinagpasiyahan Niya na subukin ang angkan ni Âdam; upang ilantad sa pamamagitan nito kung sino ang naniwala sa Pagkabuhay na Mag-uli para sa gantimpala o kaparusahan mula sa sinumang may pag-aalinlangan hinggil dito. At ang Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay nakatala sa Kanya ang lahat ng bagay na sa pamamagitan nito Siya ay magtutumbas.
22. Sabihin mo, O Muhammad (r) sa mga walang pananampalataya: “Tawagin ninyo ang mga yaong inangkin ninyo na katambal ng Allâh (I) at inyong sinamba bukod sa Kanya na mga rebutlo, mga anghel at mga tao, at sa kanya kayo humingi ng inyong mga pangangailangan, dahil walang pag-aalinlangan, kailanman ay hindi nila kayo matutugunan, dahil sila ay walang pagmamay-ari na kahit na kasimbigat ng ‘atom’ sa liit, sa mga kalangitan man ni sa kalupaan, at wala silang kahit na anumang bahagi (o parte) sa mga yaon, at walang sinuman sa kanila ang naging katulong ng Allâh (I) sa paglikha ng anumang bagay, kundi ang Allâh (I) lamang ang Bukod-Tanging naglikha, Siya lamang ang Bukod-Tanging sinasamba at walang karapatang sambahin ang sinuman.”
23. At hindi pakikinabangan ang pamamagitan ng sinumang mamamagitan sa Allâh (I) maliban sa kanya na pinagkalooban Niya ng kapahintulutan. At kabilang sa Dakilang Kapangyarihan ng Allâh (I) ay Siya sa katotohanan na kapag nagsalita sa pamamagitan ng kapahayagan (o rebelasyon) na narinig ng lahat ng nasa kalangitan ang Kanyang salita ay nanginginig sila dahil sa ‘Haybah’ (hiya, takot at paggalang) nila sa Kamaharlikaan ng Allâh (I), hanggang sa sila ay parang mawalan ng malay, at kapag nawala na ang kanilang takot sa kanilang mga puso ay magtatanungan na sila sa isa’t isa: “Ano ba ang sinabi ng inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha?” Sasabihin ng mga anghel: “Ang sinabi Niya ay katotohanan,” at Siya ay ‘Al-`Alee’ – ang Kataas-taasan sa Kanya Mismong Sarili sa Kanyang pangunguntrol at sa taas ng Kanyang antas, na ‘Al-Kabeer’ – ang Pinakadakila sa lahat ng bagay.
24. Sabihin mo, O Muhammad, sa mga walang pananampalataya: “Sino ba ang nagkakaloob sa inyo ng kabuhayan mula sa mga kalangitan sa pamamagitan ng ulan, at sa kalupaan (naman) sa pamamagitan ng mga pananim, minahan at iba pa?” Dahil walang pag-aalinlangan na karapat-dapat na aminin nila ang katotohanang ito, at kung hindi nila ito aaminin, sabihin mo sa kanila: “Ang Allâh (I) ay Tagapagkaloob ng kabuhayan. At katiyakan, alin sa dalawang grupo lamang mula sa amin at mula sa inyo ang nasa patnubay na nanatili o di kaya ay nasa pagkaligaw nang malinaw na pagkakaligaw.”
25. Sabihin mo sa kanila: “Hindi kayo tatanungin hinggil sa aming mga pagkakasala, at hindi rin kami tatanungin hinggil sa inyong mga ginawa; dahil kami sa katotohanan ay walang pananagutan sa inyo at sa inyong pagtanggi.”
26. Sabihin mo: “Ang Allâh (I) na aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha ang magtitipon sa ating lahat sa Araw ng Muling Pagkabuhay, pagkatapos Siya ay maghahatol ng makatarungan sa pagitan natin, dahil Siya ay ‘Al-Fattâhul `Aleem’ – Ganap na Makatarungang Tagapaghatol sa pagitan ng Kanyang mga nilikha, na Ganap na Nakaaalam sa anumang karapat-dapat na paghatol at sa mga kalagayan ng Kanyang mga nilikha at walang anuman ang naililihim sa Kanya.”
27. Sabihin mo: “Ipakita ninyo sa akin ang patunay at katibayan ng mga itinambal ninyo bilang kapantay ng Allâh (I) sa pagsamba, kung nakagawa ba sila ng anumang bagay. Katiyakang hindi ang kanilang inaakala ang siyang katotohanan, kundi ang Bukod-Tanging may karapatan lamang na sambahin ay Siya – ang Allâh (I) – na walang katambal, ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan sa Kanyang paghihiganti sa sinumang sumamba ng iba, na ‘Al-Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang mga salita, mga gawa at pangangasiwa sa Kanyang mga nilikha.”
28. At hindi ka Namin ipinadala, O Muhammad (r), sa lahat ng sangkatauhan kundi bilang tagapagdala ng magandang balita hinggil sa gantimpala ng Allâh (I) at bilang isang tagapagbabala hinggil sa Kanyang kaparusahan, subali’t ang karamihan sa mga tao ay hindi nila batid ang katotohanan, na kung kaya, sila ay tumatalikod mula rito.
29. Sinasabi ng mga sumasamba ng iba bilang panlalait: “Kailan pa ba ang pangako na ipinapangako ninyo sa amin na titipunin tayong lahat ng Allâh (I), pagkatapos ay pagpapasiyahan Niya ang pagitan natin, kung kayo ay totoo sa ipinapangako ninyo sa amin?”
30. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad: “Ang pakikipagtagpo para sa inyo ay walang pag-aalinlangan na darating, na ito ay sa Araw ng Muling Pagkabuhay, na kung saan, pagdating nito ay hindi maiaantala ng kahit na isang oras para kayo ay makapagsisi, at hindi rin ito maipauusad ng kahit na isang oras bago mangyari ang kaparusahan. Na kung kaya, mag-ingat kayo sa pagdating ng Araw na ito at paghandaan ninyo.”
31. At sinabi ng mga walang pananampalataya: “Kailanman ay hindi kami maniniwala sa Qur’ân na ito at gayundin sa Aklat na nauna rito na katulad ng ‘Tawrah,’ ‘Injeel’ at saka ‘Zabour,’ sa katunayan, hindi sila naniwala sa lahat ng Aklat.” At kung makikita mo lamang, O Muhammad, kapag ang mga masasamang tao na ito ay nakakulong doon sa kanilang ‘Rabb’ para sa paghuhukom, na kung saan, nagsisisihan sila sa isa’t isa, ay tiyak na makikita mo ang isang napakatinding kahiya-hiya, sasabihin ng mga mahihina roon sa mga mapagmataas na sila ay yaong mga pinuno nila na mga ligaw at mga nanligaw: “Kung hindi lamang ninyo kami iniligaw mula sa katotohanan ay magiging kabilang kami sa mga naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo.”
32. At sasabihin ng mga matataas nila sa mga mahihina: “Bakit, pinigilan ba namin kayo sa patnubay noong ito ay dumating sa inyo? Hindi! Kundi kagustuhan ninyo na masasama ang pumasok sa di-paniniwala.”
33. At sasabihin ng mga mahihina sa kanilang mga pinuno sa pagkaligaw: “Hindi ang inyong inaakala ang katotohanan! Kundi ang inyong mga masasamang pakana sa amin sa gabi at sa araw ang siyang nagpabagsak sa amin tungo sa pagkawasak, nang ipinag-utos ninyo sa amin na tumanggi sa Allâh (I) at maglagay ng katambal sa pagsamba sa Kanya.” At kinimkim na lamang ng bawa’t isa sa kanila ang panghihinayang noong nakita na nila ang parusa na inihanda sa kanila. At inilagay Namin ang mga kadena sa leeg ng mga walang pananampalataya, at hindi sila pinarurusahan ng ganitong parusa kundi dahil sa kanilang ginawang pagtanggi sa Allâh (I) at pagsagawa ng mga kasamaan sa daigdig. Dito sa talatang ito ang matinding babala mula sa pagsunod sa mga nag-aanyaya ng pagkaligaw at mga pinuno ng mga masasama.
34. At hindi Kami nagpadala sa bawa’t bayan ng Sugo upang manghikayat tungo sa Kaisahan ng Allâh (I) at pagsamba nang bukod-tangi lamang sa Kanya, kundi sinasabi ng mga pinagkalooban ng makamundong karangyaan at nalulong sa mga kasiyahan at mga masasamang pagnanasa mula sa mga nanirahan (sa bawa’t bayang) yaon: “Katiyakan, kami ay tumatanggi sa anuman na inyong dala-dala, O kayong mga Sugo!”
35. At kanilang sinabi: “Kami ay mas maraming kayamanan at mga anak kaysa inyo, at hindi kami pinagkalooban ng Allâh (I) ng mga ganitong biyaya kundi dahil Siya ay nasisiyahan sa amin, na kung kaya, hindi kami parurusahan dito sa daigdig at Kabilang- Buhay.”
36. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Katiyakan, ang aking ‘Rabb’ ay nagkakaloob ng masaganang kabuhayan dito sa daigdig sa sinumang Kanyang nais, at hinihigpitan Niya sa pagkakaloob ang sinumang Kanyang nais, hindi dahil sa Kanyang pagmamahal at pagkapoot, kundi ito ay Kanyang ginagawa bilang pagsubok, subali’t ang karamihan sa mga tao ay hindi nila alam na ito ay pagsubok lamang sa Kanyang mga alipin; dahil sila ay hindi nagsusuri.”
37. At hindi ang inyong mga kayamanan at ang inyong anak ang magpapalapit sa inyo sa Amin at magtataas ng inyong antas, kundi ang sinumang naniwala (sa Kaisahan ng Allâh) at gumawa ng kabutihan, sila ang magkakamit ng dobleng gantimpala sa kanilang mga kabutihan, dahil ang gantimpala ng isang kabutihan ay sampung beses ang katumbas hanggang sa anumang naisin ng Allâh (I) na karagdagan, na sila ay nasa kataas-taasan ng ‘Al-Jannah’ (Hardin) na ligtas sa anumang kaparusahan, kamatayan at kalungkutan.
38. At ang mga yaong nagpupunyagi para sirain ang Aming mga Rebelasyon at harangan ang Daan ng Allâh (I) at kalabanin ang Allâh (I), sila ang nasa kaparusahan sa Impiyernong-Apoy sa Araw ng Muling Pagkabuhay na kakaladkarin ng mga anghel ng Kaparusahan sa Impiyerno at hindi na sila makalalabas pa roon.
39. Sabihin mo, O Muhammad (r), sa kanila na ipinagmamayabang ang kanilang mga kayamanan at mga anak: “Katotohanan, ang aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay Siyang nagpapaluwag ng kabuhayan sa sinuman na Kanyang nais mula sa Kanyang mga alipin, at naghihigpit (nagsasanhi ng kahirapan) sa sinuman na Kanyang nais, sa ‘Hikmah’ (o karunungan) na Siya lamang ang Ganap na Nakababatid, at anuman ang inyong ginasta sa Daan ng Allâh (I) ay Siya ang magtutumbas sa inyo nito rito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay dahil Siya ay ‘Khayrul Râziqeen’ – Pinakamabuting Tagapagkaloob, na kung kaya, hilingin ninyo ang kabuhayan mula lamang sa Kanya at magpunyagi kayo para isagawa ang mga paraan na ipinag-utos Niya sa inyo.”
40. At alalahanin mo, O Muhammad, ang Araw na kung saan titipunin ng Allâh (I) ang mga sumamba ng iba at ang mga sinamba nila bukod sa Allâh (I) na mga anghel, pagkatapos, sasabihin Niya sa mga anghel bilang pag-aalipusta sa sinumang sumamba sa kanila: “Kayo ba ang mga sinamba nila bukod sa Akin?”
41. Sasabihin ng mga anghel: “Luwalhati sa Iyo, O Allâh (I), na Ikaw ay malayo sa anumang pagkakaroon ng katambal sa pagsamba, Ikaw ang aming pinakamamahal na aming tagapangalaga, na sinusunod namin at bukod-tanging sinasamba namin. Hindi ang kanilang inaakala ang katotohanan, na kung kaya, kinaugalian nila na sumamba sa mga ‘Shaytân,’ at karamihan sa kanila ay pinaniniwalaan ang mga ‘Shaytân’ at sinusunod.”
42. At sa Araw ng Pagtitipon ay walang kakayahan ang mga sinasamba na makapagdulot ng anumang kapakinabangan o kapinsalaan sa mga sumamba sa kanila, at sasabihin Namin sa mga nang-api ng kanilang sarili sa pamamagitan ng pagsamba nila ng iba at pagsagawa ng mga kasalanan: “Lasapin ninyo ang kaparusahan sa Impiyernong-Apoy na siyang kinagawian ninyo na di pinaniwalaan.”
43. At kapag binigkas sa mga walang pananampalataya na taga-Makkah ang malilinaw na mga talata ng Allâh (I), sinasabi nila: “Si Muhammad ay hindi hihigit sa isang tao na nais niya lamang kayong hadlangan sa pagsamba sa mga diyus-diyosan na sinasamba ng inyong mga ninuno,” at sinabi pa nila: “Itong Qur’ân na ito na binibigkas mo sa amin, O Muhammad, ay walang iba kundi kasinungalingan na inimbento na nagmula lamang sa iyong sarili at hindi nagmula sa Allâh (I),” at sinabi ng mga walang pananampalataya hinggil sa Qur’ân nang ito ay dumating sa kanila: “Ito ay walang iba kundi malinaw na salamangka.”
44. At hindi Kami nagbaba sa mga walang pananampalataya ng mga Aklat na kanilang binabasa bago dumating ang Banal na Qur’ân na nagtuturo sa kanila hinggil sa kanilang pag-aangkin na ang anumang dala ni Muhammad sa kanila ay salamangka, at hindi Kami nagpadala sa kanila bago sa iyo, O Muhammad, ng Sugo na nagbigay ng babala sa kanila hinggil sa Aming kaparusahan.
45. At pinasinungalingan ng mga nauna sa kanila na katulad ng sambayanan ni `Ad at ni Thamoud ang Aming mga Sugo, gayong hindi man lamang naabot ng kapangyarihan ng taga-Makkah ang kahit sampung porsiyento na ipinagkaloob Namin sa mga naunang sambayanan at ang dami ng kanilang kayamanan, ang haba ng buhay at iba pa na mga biyaya, magkagayunpaman ay tinanggihan pa rin nila ang Aming mga Sugo sa kanilang dala-dala na mga mensahe, na kung kaya, pinuksa Namin sila, kung gayon, pagmasdan mo, O Muhammad, kung paano Namin sila pinarusahan dahil sa kanilang pagtanggi.
46. Sabihin mo, O Muhammad (r), sa kanila na walang pananampalataya at nagmamatigas: “Ang iminumungkahi ko sa inyo ay isang pagpapayo lamang na kayo ay tuwirang sumunod sa Allâh (I) na dala-dalawa o paisa-isa, pagkatapos ay pag-isipan ninyo ang kalagayan ng inyong kasamahan na Sugo ng Allâh (r) at ang anumang itinatangi ninyo sa kanya, dahil siya ay walang kasiraan sa kaisipan, kundi siya ay nagbibigay lamang ng babala sa inyo, at tinatakot kayo mula sa kaparusahan sa Impiyernong-Apoy bago ninyo ito matikman.”
47. Sabihin mo, O Muhammad (r), sa mga walang pananampalataya: “Hindi ako humihingi sa inyo ng kabayaran sa anumang kabutihan na dala-dala ko sa inyo kundi ito ay para rin lamang sa inyo, at ang inaasahan ko na kabayaran at gantimpala ay sa Allâh (I) na Siyang Ganap na Tagapagmasid sa aking mga ginagawa at sa inyong mga ginagawa, na walang anumang naililihim sa Kanya at tinutumbasan ang bawa’t isa ng anumang karapat-dapat na para sa kanya.”
48. Sabihin mo, O Muhammad (r), sa sinumang hindi naniwala sa Kaisahan ng Allâh (I) at sa mensahe ng Islâm: “Katiyakan, ang Allâh (I) na aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay ibinaba Niya ang mga katibayan ng katotohanan laban sa kamalian at ito ay ibinubunyag Niya at pinawawalang-bisa, at ang Allâh (I) ay Ganap na Nakaaalam sa lahat ng mga ‘Ghayb,’ na walang anumang naililihim sa Kanya sa kalupaan gayundin sa kalangitan.”
49. Sabihin mo, O Muhammad (r): “Dumating na ang katotohanan at dakilang batas mula sa Allâh (I), at nawalan na ng saysay ang kamalian at naglaho na ang kakayahan nito, at ang kamalian ay hindi na makalilikha ng anuman ni makapagpapabalik pang muli ng anuman.”
50. Sabihin mo sa kanila (O Muhammad): “Kung nalihis ako sa katotohanan ay ang kasalanan ng aking pagkaligaw ay sa aking sarili lamang, at kung ako ay nagpakatuwid ay dahil sa Kapahayagan ng Allâh (I) na ipinahayag Niya sa akin, katiyakan, ang aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay ‘Samee`un Ghareeb’ – Ganap na Nakaririnig sa anumang sinasabi ko sa inyo, na Napakalapit sa sinumang nanalangin sa Kanya.”
51. At kung makikita mo lamang, O Muhammad, kapag nabigla sa pagkatakot ang mga walang pananampalataya kapag nasa harap na nila ang parusa, ay tiyak na makikita mo ang matinding pangyayari, dahil wala na silang kaligtasan at di na sila makatatakas pa, at sila ay kakaladkarin tungo sa Impiyerno mula sa malapit na lugar doon.
52. Sinabi ng mga walang pananampalataya kapag nakita na nila ang parusa sa Kabilang-Buhay: “Naniwala na kami sa Allâh (I), sa mga Aklat at sa mga Sugo,” subali’t paano pa nila makakamtan at mararating ang paniniwala sa Kabilang-Buhay samantalang sila ay malayung-malayo na? Dahil inilayo na sila sa daigdig na dapat ay naniwala sila noong sila ay nandoon pa, sapagka’t ang paniniwala ay nangyayari lamang sa daigdig at sila sa katunayan ay tumanggi roon.
53. At katiyakan, tinanggihan nila ang katotohaan sa daigdig, at pinasinungalingan nila ang mga Sugo at naghaka-haka lamang sila noon sa daigdig hinggil sa Kabilang-Buhay, na wala silang anumang katibayan sa kanilang maling paghahaka-haka, na kung kaya, hindi nila mararating ang katotohanan, na katulad ng pana na ito ay hindi maaaring tatama sa pinupuntirya nito kapag ang pinapana ay pagkalayu-layo.
54. At ilalayo na sa pagitan ng mga di-naniwala at ang anumang na kanilang inaasam na kapatawaran at pagbabalik sa daigdig upang maniwala, na katulad ng ginawa sa mga nauna sa kanila na mga walang pananampalataya at sa mga naunang tao, dahil sila sa daigdig ay may pagdududa hinggil sa mga Sugo, sa Pagkabuhay na Mag-uli at sa Paghuhukom, na ito ang nagdulot ng haka-haka at pangamba sa kanila, na kung kaya, hindi sila naniwala.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment