Sunday, May 16, 2010

Sûrat Nûh

71
LXXI – Sûrat Nûh
[Kabanata Nûh – (Si Propeta) Nûh (Noah)]

بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1-4. Katiyakan, Kami ang nagpadala kay Nûh tungo sa kanyang sambayanan, at Aming sinabi sa kanya: “Balaan mo ang iyong sambayanan bago dumating sa kanila ang masidhing kaparusahan,” sinabi ni Nûh: “O aking sambayanan! Katiyakan, ako ay tagapagbabala sa inyo na dala-dala ko ang babala hinggil sa parusa ng Allâh (I) kung kayo ay lalabag sa akin, kaya maniwala kayo sa Kaisahan ng Allâh (I), at sambahin ninyo lamang Siya nang bukod-tangi, at matakot kayo sa Kanyang kaparusahan, at maniwala kayo sa akin na sumunod sa aking ipinag-uutos at umiwas sa aking ipinagbabawal, dahil katiyakang ako ay Sugo ng Allâh sa inyo, patatawarin Niya sa inyo ang inyong mga kasalanan at pagkakalooban Niya kayo ng mahahabang buhay hanggang dumating sa inyo ang nakatakdang katapusan ng inyong buhay ayon sa kaalaman ng Allâh (I), katiyakan, ang kamatayan kapag ito ay dumating ay hindi na ito maiaantala pa, na kung alam lamang ninyo ito ay magmamadali kayo tungo sa paniniwala at pagsunod.”

5-10. Sinabi ni Nûh: “O Allâh (I) na aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha, katiyakang inanyayahan ko ang aking sambayanan tungo sa paniniwala sa Iyo, at pagsunod sa Iyo nang gabi at araw, subali’t walang nairagdag sa kanila ang aking paanyaya tungo sa paniniwala kundi paglayo nila mula sa akin at pagtalikod, at katiyakang sa tuwing inaanyayahan ko sila tungo sa paniniwala sa Iyo; upang ito ang magiging daan sa Iyong pagpatawad sa kanilang mga kasalanan ay inilalagay nila ang kanilang mga daliri sa kanilang mga tainga; upang hindi nila marinig ang paanyaya ng katotohanan, at nagsisipagtalukbong sila ng kanilang mga kasuotan; upang hindi nila ako makita, at nanatili sila sa kanilang di-paniniwala, at nagmataas sila nang matinding pagmamataas sa pamamagitan ng di-pagtanggap ng Tamang Pananampalataya, pagkatapos ay katiyakang inaanyahan ko pa rin sila tungo sa paniniwala nang hayagan na lantaran na walang paglilihim, pagkatapos ay katiyakang inihayag kong muli sa kanila ang paanyaya sa madla na may malakas na boses at minsan naman ay palihim ang aking pakikipag-usap sa kanila, na aking sinabi sa aking sambayanan: ‘Hilingin ninyo ang kapatawaran ng inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa inyong mga kasalanan, at magsisi kayo sa Kanya mula sa inyong di paniniwala, dahil katiyakang ang Allâh (I) ay Ganap na Mapagpatawad sa sinumang nagsisi mula sa Kanyang alipin at nagbalik-loob sa Kanya.’


11-16. ‘Kung kayo ay magsisisi at hihingi ng kapatawaran ay ibababa ng Allâh (I) sa inyo ang masaganang tubig-ulan, at gagawin ng Allâh (I) na masagana sa inyo ang inyong kayamanan at pararamihin ang inyong mga anak, at ililikha kayo ng mga hardin upang lumigaya kayo sa mga bunga at ganda nito, at igagawa kayo ng mga ilog na kayo ay iinom mula roon at didiligan ang inyong mga pananim at paiinumin ang inyong mga
inaalagaang hayop.’” Bakit kayo, O aking sambayanan ay hindi natatakot sa Kadakilaan ng Allâh (I) at sa Kanyang pagiging Ganap na Makapangyarihan, gayong katiyakang nilikha Niya kayo sa magkakasunud-sunod na yugto: na ‘Nutfah,’ ‘`Alaqah,’ at ‘Mudhghah,’ pagkatapos ito ay ginawa Niyang buto at laman? Hindi ba ninyo nakikita kung paano nilikha ng Allâh (I) ang pitong kalangitan na magkakapatung-patong na ang isa ay nasa ibabaw ng isa, at ginawa (rin) Niya roon para sa inyo ang buwan bilang liwanag sa mga kalangitang ito, at ginawa (pa rin) Niya para sa inyo ang araw bilang ‘Sirâjâ’ (tanglaw o ilawan) na nagpapaliwanag upang makakita ng tunay na liwanag ang lahat ng nasa kalupaan?

17-20. At nilikha ng Allâh (I) ang inyong pinakalahi na si Âdam mula sa (alabok ng) kalupaan, pagkatapos ay ibabalik kayo sa kalupaan pagkatapos ng inyong kamatayan, at pagkatapos muli ay palalabasin kayo mula rito (kalupaan) sa Araw ng Muling Pagkabuhay bilang Pagbuhay na Mag-uli na walang pag-aalinlangan magaganap. At ginawa ng Allâh (I) para sa inyo ang kalupaan na palatag; upang kayo ay manirahan dito at ginawan Niya rin kayo ng mga malalawak na daanan.

21-25. Sinabi ni Nûh: “O Allâh (I) na aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Katiyakan, ang aking sambayanan ay lubusang nagmalabis sa pamamagitan ng paglabag at di-paniniwala sa akin, at sinunod ng mga mahihina sa kanila ang mga namumuno na mga ligaw na walang nairagdag sa kanila sa kanilang kayamanan at mga anak kundi pagkaligaw dito sa daigdig at parusa sa Kabilang-Buhay, at nagpakana ng matinding pakana ang mga pinuno ng pagkaligaw sa kanilang mga tagasunod na mga mahihina, at kanilang sinabi sa kanila: ‘Huwag ninyong iwan ang inyong pagsamba sa inyong mga diyus-diyosan tungo sa pagsamba sa Allâh (I) na Nag-iisa, na iniaanyaya sa inyo ni Nûh, at huwag ninyong iwanan si ‘Wad’ at gayundin si ‘Suwâ`’ at gayundin si ‘Yaghûth’ at si ‘Ya`ûq’ at si ‘Nasr’” – ito ay mga pangalan ng kanilang mga diyus-diyosan na kanilang sinamba bukod sa Allâh (I), na ito ay mga pangalan ng mga mabubuting kalalakihan, nang sila ay namatay iniudyok ni Shaytân sa kanilang sambayanan na igawa sila ng mga rebulto; upang tumibay (daw) sila sa pagsamba ayon sa kanilang pag-aangkin – na sila ay tumitibay (daw) sa pagsunod kapag ang mga ito ay kanilang nakikita. Nang nawala na ang mga naunang tao at lumipas na ang matagal na panahon, at nagpalit na ng panibagong henerasyon, ay muling nag-udyok sa kanila si Shaytân sa pagsasabi na ang kanilang mga ninuno ay sinamba ang mga rebultong ito, na kung kaya, inanyuan nila ito at nagsimula na silang manalangin sa pamamagitan ng mga ito. Ito ang tunay na kadahilanan sa pagbabawal ng pagsagawa ng rebulto at pagtayo ng mga ‘Musuleo’ sa mga libingan; dahil sa katotohanan, sa paglipas ng panahon ay ito na ang nasasamba ng mga tao na kulang sa kaalaman.

“At katiyakan, iniligaw nila na mga pinuno ng pagkaligaw ang maraming mga tao dahil sa kanilang panlilinlang at pagpapaganda sa kanila ng mga daan ng pagkaligaw, na kung kaya, ‘O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha, walang nairagdag sa kanila na mga masasama para sa kanilang mga sarili dahil sa kanilang di-paniniwala at pagmamatigas kundi paglayo lamang sa katotohanan.’”

At dahil sa kanilang kasalanan at pagpupumilit sa di-paniniwala at pagmamalabis ay nilunod sila sa pamamagitan ng delubyo (malaking baha), at sa Kabilang-Buhay kasunod ng ginawang pagkalunod sa kanila ay pagpapapasok sa kanila sa matinding Impiyernong-Apoy na naglalagablab at nanununog. At wala na silang matatagpuan pa bukod sa Allâh (I) na tutulong sa kanila, o di kaya ay magliligtas sa kanila mula sa Kanyang kaparusahan.

26-28. At sinabi ni Nûh pagkatapos na mawalan na siya ng pag-asa mula sa kanyang sambayanan: “O Allâh (I) na aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Nagsusumamo ako sa Iyo, na huwag Mo nang hayaan pang may matira na kahit na isa mula sa mga hindi naniwala sa Iyo, na mabubuhay siya sa kalupaan na makakakilos pa siya rito. Katiyakan, kapag nagtira ka pa sa kanila na hindi sila mapupuksang lahat ay ililigaw nila ang Iyong mga alipin na naniwala na sa Iyo mula sa Da an ng Katotohanan, at wala nang magmumula sa kanilang lahi kundi lihis mula sa katotohanan at matindi sa di-paniniwala at paglabag sa Iyo.

“O Allâh (I) na aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha, patawarin Mo ako at ang aking mga magulang at ang sinumang pumasok sa aking tahanan na naniwala, at ang mga mananampalataya na mga kalalakihan at mga kababaihan na naniwala sa Iyo, at huwag Mo nang dagdagan ang mga walang pananampalataya kundi pagkawasak, pagkatalo rito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.”

No comments: