52
LII – Sûrat At-Tûr
[Kabanata At-Tûr – (Ang Bundok ng) Tûr]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1-6. Sumumpa ang Allâh (I) sa pamamagitan ng ‘Tûr’ na ito ay bundok na may mga puno, na rito nakipag-usap ang Allâh (I) kay Mousã (u), at sumumpa rin ang Allâh (I) sa pamamagitan ng Aklat na naisulat, na ito ay ang Qur’ân na nasa iskrip (‘script’) na hindi nakatiklop (di naka-rolyo), at ganoon din sa ‘Baitul Ma`mour’ na roon umiikot ang mga kagalang-galang na mga anghel bilang pagsasagawa ng ‘Tawaf,’ at gayundin sa bubong na itinaas, na ito ay ang mababang kalangitan, at sumumpa rin ang Allâh (I) sa pamamagitan ng karagatan na mag-uumapaw na parang naglalagablab na apoy.
7-10. Walang pag-aalinlangan, ang kaparusahan ng Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, O Muhammad, sa mga walang pananampalataya ay katiyakang magaganap, na walang sinuman ang makapipigil sa pagdating nito, sa Araw na yayanig ang kalangitan at mawawasak ang istraktura o kaayusan nito at magkakasalpukan ang mga bahagi nito, at ito ang katapusan ng buhay dito sa daigdig, at gagalaw at aalis ang mga kabundukan mula sa kinaroroonan nito na gagalaw na tulad ng mabilis (nakapangingilabot) na paggalaw ng mga ulap.
11-12. Na kung kaya, magaganap ang kapahamakan sa Araw na yaon sa mga tumanggi, na sila ay ang mga yaong patuloy na naglalaro sa kamalian at itinuturing nila ang ‘Deen’ (o Relihiyon) na katatawanan at ito ay kanilang pinaglalaruan.
13-14. Ang Araw na itutulak sila na mga walang pananampalataya nang matinding pagkakatulak at sapilitan at pagpapahamak tungo sa Impiyernong-Apoy, at sasabihin sa kanila bilang pag-aalipusta: “Ito na ang Impiyernong-Apoy na kinasanayan ninyong tanggihan.”
15-16. Ito bang nasasaksihan ninyo na kaparusahan ay isang salamangka (lamang) o kayo ba ay hindi nakakikita? Lasapin ninyo ang init ng apoy nito at tiisin ninyo ang sidhi at tindi ng sakit nito, o di man ninyo ito titiisin ay hindi pa rin pagagaanin sa inyo ang kaparusahan magpakailanman at kailanman ay hindi na kayo makaaalis pa mula rito, na kung kaya, pareho rin kung nagtiis kayo o hindi, katiyakang tinutumbasan lamang kayo sa anuman na inyong ginawa sa daigdig.
17-18. Katiyakan, ang mga matakutin sa Allâh (I) ay nasa mga Hardin at dakilang kasiyahan, nagpapakasiya sila sa anumang ipinagkaloob ng Allâh (I) sa kanila roon na mga kasiyahan na iba’t ibang uri, at iniligtas sila ng Allâh (I) mula sa kaparusahan sa Impiyerno.
19-20. Kumain at uminom kayo nang may kagalakan; bilang katumbas ng inyong nagawa na mga kabutihan sa daigdig. At sila ay nakasandal sa mga trono na magkakaharap, at pinagkalooban Namin sila ng mga asawa na mga mapuputi na mga magagandang kababaihan na mga maluluwang na kaibig-ibig ang kanilang mga mata.
21. At ang mga yaong naniwala sa Allâh (I) at sinunod sila ng kanilang mga anak sa paniniwala, ay ipinararating Namin sa kanilang mga anak ang kanilang magiging antas sa ‘Al-Jannah’ (Hardin), kahit hindi nila naabot ang gawain ng kanilang mga magulang; upang higit na masiyahan ang paningin ng kanilang mga magulang dahil sa kanilang mga anak na naging kapareho nila ang antas sa ‘Al-Jannah’ (Hardin), na kung kaya, pagsasamahin sila sa pinakamagandang pagsasama at kailanman ay wala Kaming anumang ibabawas sa gantimpala ng kanilang mga gawain. Bawa’t tao ay mananagot sa anuman na kanyang nagawa at di niya pananagutan ang kasalanan ng ibang tao.
22-23. At daragdagan Namin sila ng higit pa sa nabanggit na kasiyahan na mga prutas at mga karne na napakasarap, at kabilang sa mga kasiyahan na ito ay sila sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) ay nagpapasahan ng mga inumin na nasa kopita ng alak; upang lalong mabuo ang kanilang kasiyahan, at itong inumin na ito ay hindi katulad ng alak sa daigdig, dahil hindi nahihilo ang isip ng umiinom nito at hindi nakagagawa ng anumang kahalayan at walang kabuluhang bagay at hindi nakapagsasalita ng kasalanan.
24. At nakapalibot sa kanila ang mga kabataan na itinalaga upang manilbihan sa kanila, na sila na mga kabataan na ito dahil sa linis, kaputian at kaayusan ay para silang mga perlas na iningatan.
25-28. At magkakaharap ang mga nasa ‘Al-Jannah’ na tatanungin nila ang isa’t isa sa dakilang bagay na kanilang natamo at ang mga kadahilanan nito, na kanilang sasabihin: “Katiyakan, tayo noong nasa daigdig pa na kasa-kasama natin ang ating mga pamilya ay natatakot tayo sa Allâh (I) na ating ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na kinatatakutan natin ang Kanyang kaparusahan sa Araw ng Muling Pagkabuhay, na kung kaya, ipinagkaloob ng Allâh (I) sa atin ang Patnubay at Gabay, at iniligtas mula sa masidhing parusa sa Impiyerno, na ito ay Apoy at ang init nito. At katiyakan, tayo noon ay nagsusumamo na sumasamba sa Kanya na Bukod-Tangi na hindi tayo sumamba ng iba bukod sa Kanya, na hinihingi natin na iligtas tayo sa masidhing parusa at iparating sa atin ang walang hanggang kaligayahan, na kung kaya, dininig Niya tayo at ipinagkaloob ang ating kahilingan, dahil walang pag-aalinlangang Siya ay ‘Al-Barr’ – ang Pinakamabait, Kapita-pitagan, at Ganap na Mapagbigay, na ‘Ar-Raheem’ – Napakamawain at Ganap na Mapagmahal. At kabilang sa Kanyang Kabaitan at Awa sa atin ay ipinagkaloob Niya sa atin ang Kanyang Pagmamahal at ‘Al-Jannah’ (Hardin), at iniligtas tayo mula sa Kanyang galit at sa Impiyerno.”
29. Paalalahanan mo sila, O Muhammad, sa pamamagitan ng Banal na Qur’ân, na kung saan ikaw ay pinagpahayagan nito, dahil ikaw na pinagkalooban ng Allâh (I) ng pagiging Propeta at talino ay hindi manghuhula sa mga ‘Ghayb’ (mga bagay na di-nakikita) na wala kang kaalam-alam at hindi ka rin nasiraan ng bait na hindi mo alam kung ano ang iyong sinasabi, na tulad ng kanilang inaangkin.
30-31. Sinasabi ba ng mga ‘Mushrikûn’ – sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) – sa iyo, O Muhammad: “Siya ay isang manunula na inaabangan na lamang namin ang takdang panahon na siya ay mamatay?” Sabihin mo sa kanila: “Hintayin na ninyo ang aking kamatayan dahil ako sa katunayan ay naghihintay din kasama ninyo ng pagdating ng kaparusahan sa inyo at makikita ninyo kung sino ang magtatagumpay.”
32. O di kaya ay inuutusan mo ba sila na mga pinasisinungalingan ang kanilang kaisipan sa ganitong salitang magkakasalungat (dahil ang katangian ng pagiging manghuhula, manunula at pagkasira ng kaisipan ay hindi maaaring mangyari sa isang tao nang magkakasabay), sa halip sila ay mga tao na lumalampas sa hangganang itinakda ng Allâh (I) sa pamamagitan ng mga ganitong gawain.
33. O sinasabi ba nila na mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I), na inimbento ni Muhammad ang Banal na Qur’ân mula sa kanyang sarili? Hindi ang kanilang inaakala ang katotohanan kundi hindi talaga sila mga naniwala, dahil kung naniwala sila ay hindi sila magsasabi ng ganito.
34. Na kung kaya, magpakita sila ng mga paghahayag na katulad ng Banal na Qur’ân kung sila ay mga totoo sa kanilang pag-aangkin na si Muhammad ay inimbento lamang ito.
35. O sila ba na mga ‘Mushrikûn’ – sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) – ay nilikha nang walang tagapaglikha, o sila mismo ang naglikha ng kanilang mga sarili? Ang dalawang bagay na ito ay parehong mali at imposible na kailanman ay hindi maaaring maging totoo. Na kung kaya, pinatunayan ng Allâh (I) na Siya ang lumikha sa kanila, at Siya lamang ang Bukod-Tangi na walang dapat na sambahin bukod sa Kanya.
36. O nilikha ba nila ang mga kalangitan at kalupaan na ang ganitong pagkakalikha ay napakaganda? Hindi ang kanilang inaakala ang katotohanan kundi bagkus ay hindi talaga sila naniniwala sa kaparusahan ng Allâh (I) kaya sila ay sumasamba ng iba.
37. O nasa pagtatangan ba nila ang mga imbakan ng mga biyaya ng Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha na sila ang nangangasiwa nito, o sila ay mga mapagmalupit sa mga nilikha ng Allâh (I) na mapang-api sa pamamagitan ng pangunguntrol at pang-aapi? Ang katotohanan ay hindi ang kanilang inaakala kundi sila ay mahihina at mga walang lakas.
38. O mayroon ba silang hagdanan tungo sa kalangitan na napakikinggan nila sa pamamagitan nito ang kapahayagan, na kung kaya, ang pinanghahawakan nila ay totoo? Samakatuwid, magpakita ng malinaw na katibayan ang sinumang nag-aangking napakikinggan niya ang pagpapahayag bilang pagpapatunay ng kanyang pag-aangkin.
39. O ang Pagmamay-ari lamang ba ng Allâh (I) ay mga anak na kababaihan at kayo ay pagmamay-ari ninyo ang mga anak na kalalakihan na tulad ng inyong pag-aangkin bilang kasinungalingan?
40. O nanghihingi ka ba sa kanila na mga ‘Mushrikin’ – sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) – ng kabayaran bilang kapalit ng pagpaparating ng iyong mensahe sa kanila, na sila naman ay nahihirapan na ipatupad ang iyong kahilingan sa kanila?
41. O nasa kanila ba ang kaalaman hinggil sa mga ‘Ghayb’ – mga bagay na di-nakikita – na ito ay kanilang isinusulat at ibinabalita sa mga tao? Ang katotohanan ay hindi ang kanilang inaakala; dahil walang pag-aalinlangang walang sinuman ang nakaaalam ng anumang lihim sa mga kalangitan at kalupaan bukod sa Allâh (I).
42. O nagbabalak ba sila ng pakana laban sa Sugo ng Allâh at mananampalataya? Subali’t katiyakang bumabalik lamang sa kanilang mga sarili na mga walang pananampalataya ang kanilang mga masasamang pakana.
43. O mayroon ba silang sinasamba na karapat-dapat na sambahin bukod sa Allâh (I)? Luwalhati sa Allâh na Siya ay malayo mula sa anuman na kanilang sinasamba, dahil wala Siyang kahati sa Kanyang pagiging Tagapagmay-ari ng lahat at wala Siyang katambal sa Kanyang Kaisahan at sa pagsamba sa Kanya.
44. At kapag nakita na ng mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) ang mga pira-pirasong kalangitan na bumabagsak sa kanila bilang parusa na hindi na nila mababago pa ang kalagayan nila na pagtanggi (kapag ito ay nangyari), ay sasabihin nila: “Ito ay mga ulap na nagkumpul-kumpolan!”
45. Na kung kaya, hayaan mo na sila, O Muhammad, na mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) hanggang sa sila ay makarating sa Araw na sila ay pupuksain, na ito ay Araw ng Muling Pagkabuhay.
46. Sa Araw na hindi sila maililigtas ng kanilang pakana mula sa kaparusahan ng Allâh (I), at kailanman ay wala silang makatutulong upang sila ay mapangalagaan mula sa parusa ng Allâh (I).
47. At katiyakan, para sa kanila na mga masasama ay parusa rito sa daigdig bukod pa sa kaparusahan sa Kabilang-Buhay, na tulad ng pagpatay sa kanila o pagbihag at parusa sa libingan at iba pa, subali’t magkagayupaman ang karamihan sa kanila ay hindi nila ito batid.
48-49. Na kung kaya, maghintay ka na may pagtitiis, O Muhammad, sa pinagpasiyahan ng Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha at sa Kanyang pag-uutos na pagpapadala Niya sa iyo ng mensahe at sa anumang matatamo mo na pagpapahirap ng iyong sambayanan, dahil Kami ay Tagapagmasid at nangangalaga sa iyo; at luwalhatiin mo ang Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha bilang pasasalamat sa Kanya habang ikaw ay nakatayo sa iyong pagsa-‘Salâh,’ at sa paggising mo mula sa iyong pagtulog at sa bahagi ng gabi na luwalhatiin Mo siya bilang papuri sa Kanya at pagdakila, at magsagawa ka ng ‘Salâh’ sa Kanya, at gawin mo ito sa ‘Fajr’ (sa pagpitak ng liwanag) at sa pagkawala (o paglaho) ng mga bituin.
Sa talatang ito ang pagpapatunay sa katangian ng dalawang Mata na pagmamay-ari ng Allâh (I) na angkop-angkop sa Kanyang Kamaharlikaan, na walang paghahambing sa alinman sa Kanyang mga nilikha at walang pagtatanong kung ano ang pagiging paano nito sa Kanyang Sarili, luwalhatiin ang Kanyang mga papuri, na katulad ng pinatunayan ng ‘Sunnah’ at napagkasunduan ng mga naunang butihing mga Muslim, at ang pagkabanggit dito ay pangngalang pangmaramihan bilang pagdakila.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment