Sunday, May 16, 2010

Sûrat Adh-Dhâriyât

51
LI – Sûrat Adh-Dhâriyât
[Kabanata Adh-Dhâriyât – Ang Mga Hangin Na Nagpapakalat Ng Mga Alikabok]

بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1-6. Sumumpa ang Allâh (I) sa pamamagitan ng mga hangin na nagpapakalat ng mga alikabok, at sa mga ulap na nagdadala ng mga mabibigat na tubig, at sa mga sasakyang pandagat na lumalayag nang banayad at payapa sa karagatan, at sa mga anghel na nagbabaha-bahagi sa kautusan ng Allâh (I) para sa kabuhayan ng Kanyang mga nilikha. Katiyakan, ang ipinangako sa inyo, O sangkatauhan, na pagkabuhay na mag-uli at pagkukuwenta ay katotohanang magaganap, na ang pagkukuwenta at paggagantimpala sa mga gawain ay walang pag-aalinlangang mangyayari.

-9. At sumumpa rin ang Allâh (I) sa pamamagitan ng kalangitan na maganda at maayos ang pagkakalikha nito, na katiyakan, O kayong mga walang pananampalataya ay nasa pagkalito hinggil sa inyong mga sinasabi sa Qur’ân at hinggil sa Sugo ng Allâh (r). Inilalayo mula sa Qur’ân at sa Sugo ng Allâh ang sinumang lumalayo sa paniniwala rito (sa dalawang ito) at lumayo sa mga palatandaan ng Allâh (I) at sa Kanyang mga walang pag-aalinlangang katibayan, na hindi ginabayan tungo sa kabutihan.

10-11. Isinumpa ng kamatayan ang mga sinungaling na nag-iimbento ng labag sa katotohanan, na sila ay nasa ilalim ng pagtanggi, pagkaligaw na patuloy sa kapabayaan.

12. Itinatanong nila na mga sinungaling bilang tanong ng di-paniniwala at pagtanggi: “Kailan pa ba ang Araw ng Pagkukuwenta at Pagbabayad?”

13-14. Ang Araw ng Pagbabayad na kung saan sila ay parurusahan doon sa pamamagitan ng pagsunog sa kanila sa Impiyerno, at sasabihin sa kanila: “Lasapin ninyo ang parusa sa inyo, na inyong ipinamamadali noong kayo ay nasa daigdig pa.”

15-16. Katiyakan, ang mga yaong natakot sa Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ipinag-uutos at pag-iwas sa mga ipinagbabawal ay nasa kalagitnaan ng mga dakilang Hardin at mga bukal na umaagos, na ipinagkaloob ng Allâh (I) sa kanila ang lahat ng minimithi nila na iba’t ibang uri ng kasiyahan, na ito ay kanilang tinatangkilik at sila ay nasisiyahan sa kanilang mga sarili. Katiyakan, sila bago ang kasiyahan na ito ay mga mabubuting tao sa daigdig sa pamamagitan ng pagsagawa nila ng mga kabutihan.

17-18. Sila noon na mga mabubuti ay kakaunti lamang ang kanilang tulog sa gabi, dahil sa nagsasagawa sila ng ‘Salâh’ sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at sila ay taimtim na sumasamba sa Kanya, at sa dulo ng gabi bago mag-‘fajr’ (pumitak ang liwanag) ay humihingi sila ng kapatawaran sa Allâh (I) dahil sa kanilang mga kasalanan.

19. At sa kanilang mga kayamanan ay nagtatalaga sila ng bahagi bilang karapatan na obligado at di-obligado ng mga nangangailangan na namamalimos sa tao at saka sa mga yaong di-namamalimos dahil sa sila ay nahihiya.

20. At nasa kalupaan ang mga aral, ang mga malilinaw na mga palatandaan sa Kapangyarihan ng Allâh (I) na Siyang naglikha nito para sa mga taong nakatitiyak sa kanilang paniniwala sa Kaisahan ng Allâh (I) at sa pagiging totoo ng Kanyang Sugo.

21. At sa paglikha ng inyong mga sarili ay mga palatandaan sa kapangyarihan ng Allâh (I), at mga aral na nagtuturo sa inyo hinggil sa ganap na Kaisahan ng Lumikha sa inyo, na katotohanang wala kayong nararapat na sambahin bukod sa Kanya, samakatuwid, nakalimutan ba ninyo ito, at hindi ninyo ito nakikita upang mapagkunan ninyo ng aral?

22. At nasa kalangitan ang inyong kabuhayan at anumang ipinangako sa inyo na mabuti at masama, gantimpala at parusa, at bukod pa rito, lahat ito ay naitala at nakatakda.

23. Sumumpa ang Allâh (I) sa pamamagitan mismo ng Kanyang Sarili na Napakadakila, na ang anumang ipinangako Niya sa inyo ay katotohanan, na kung kaya, huwag kayong mag-alinlangan hinggil dito na katulad ng hindi ninyo pag-aalinlangan sa inyong mga binibigkas.

24-25. Dumating na ba sa iyo, O Muhammad, ang kuwento hinggil sa mga kagalang-galang na panauhin ni Ibrâhim – at sila ay ang mga kagalang-galang na mga anghel – noong sila ay pumasok sa kanyang tahanan at binati nila siya sa pamamagitan ng pagsasabi nila sa kanya: “Salâm – kapayapaan,” at tinugunan niya sila ng pagbabati na kanyang sinabi: “Salâm – sumainyo ang kapayapaan, O kayo na mga dayuhan, na hindi namin kayo kilala.”

26-27. Siya ay tumalikod at palihim na tumungo sa kanyang pamilya, at tumungo sa kanyang matabang alagang baka at kanyang kinatay, at inihain niya sa kanilang harapan, at siya ay nagmagandang-loob sa pamamagitan ng pag-alok sa kanila na kumain: “Hindi ba kayo kakain?”

28. At nang makita niya na sila na hindi kumakain ay nakaramdam siya ng takot sa kanyang sarili sa kanila, kanilang sinabi sa kanya: “Huwag kang matakot dahil sa walang pag-aalinlangang kami ay mga Sugo ng Allâh,” at ibinigay nila ang magandang-balita na ang kanyang asawa na si Sarah ay magkakaanak ng lalaki, na siya ay magiging kabilang sa maalam sa kaalaman hinggil sa Allâh (I) at sa Kanyang ‘Deen,’ na siya ay si Ishâq.

29. At nang marinig ng asawa ni Ibrâhim ang sinasabi ng mga anghel na pagbibigay ng magandang balita ay humarap siya sa kanila na sumisigaw sa tuwa na di makapaniwala sa kanyang narinig, at pinagpapalo niya ang kanyang mukha bilang pagkamangha sa ibinalita at kanyang sinabi: “Paano ako magkakaanak samantalang ako ay matanda na, na baog na hindi na ako magkakaanak?”

30. Sinabi sa kanya ng mga anghel ng Allâh (I): “Ganito ang sinabi ng Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na tulad ng ipinarating namin sa iyo, at Siya ang may kapangyarihan para rito, at walang nakapagtataka sa Kanyang Kapangyarihan, dahil Siya sa katotohanan, na luwalhati sa Kanya ay ‘Al-Hakeem’ – Ganap na Maalam na inilalagay Niya ang mga bagay sa mga nararapat nitong paglagyan, na ‘Al-`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa ikakabuti ng Kanyang mga alipin.”
31-34. Sinabi ni Ibrâhim sa mga anghel: “Ano ang inyong pakay at bakit kayo isinugo, O kayong mga sugo?” Sinabi nila: “Katiyakan, ipinadala kami ng Allâh (I) sa mga tao na nagpakasama dahil sa kanilang pagtanggi at di-paniniwala sa Allâh (I); upang puksain namin sila sa pamamagitan ng pag-ulan ng mga bato na mula sa luwad na pinatigas na may tanda mula sa iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na ito ay para sa kanila na lumabag sa batas sa pamamagitan ng kanilang pagiging masama at paghihimagsik.”

35. At pinaalis Namin mula sa bayan ng sambayanan ni Lût ang mga mananampalataya.

36. Na kung kaya, wala Kaming natagpuan sa bayan na yaon ng anumang tahanan ng mga Muslim maliban sa isa, na ito ay tahanan ni Lût.

37. At nag-iwan Kami sa bayan na yaon ng bakas ng parusa na nanatili bilang tanda sa kapangyarihan ng Allâh (I) at Kanyang kaparusahan sa mga di-naniwala, na ito ay aral sa sinuman na mga natatakot sa masidhing kaparusahan ng Allâh (I).

38-39. At sa pagpapadala Namin kay Mousã (u) tungo kay Fir`âwn at sa mga matataas na tao ni Fir`âwn na dala-dala niya ang mga talata at mga malilinaw na mga himala ay bilang tanda (rin) para sa mga yaong natatakot sa masidhing parusa. At tumanggi siya na nagmamataas dahil sa kanyang kapangyarihan at sa mga haligi ng kanyang kaharian na siyang nagpapalakas sa kanya (mga tauhan), at kanyang sinabi hinggil kay Mousã (u): “Katiyakan, siya ay salamangkero o di kaya ay isang nasisiraan ng bait.”

40. Na kung kaya, pinuksa Namin si Fir`âwn at ang kanyang mga sundalo, at itinapon Namin sila sa karagatan, habang ginagawa niya ang kasamaan na karapat-dapat na sisihin at papanagutin; dahil sa kanyang di-paniniwala, pagtanggi at paghihimagsik.

41-42. At sa nangyari naman sa sambayanan ni `Âd at sa pagpuksa sa kanila ay mga palatandaan (din), mga aral sa sinumang nagsusuri, dahil ipinadala Namin sa kanila ang hangin na walang dala-dala na anumang biyaya at kabutihan, na hindi nito iniiwan ang anumang bagay na nadaraanan kundi ginagawa nitong tuyot at winawasak nang lubusan.

43-44. At hinggil naman sa sambayanan ni Thamoud at sa pagpuksa sa kanila ay mga palatandaan (din) at mga aral, noong sinabi sa kanila: “Pansamantalang pakinabangan ninyo ang inyong buhay hanggang dumating ang inyong kamatayan.” At nilabag nila ang utos ng Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na kung kaya, pinuksa sila sa pamamagitan ng parusang ‘Sâ`iqah’ – nakakikilabot na ingay ng kidlat o anumang masidhing kaparusahan – habang pinagmamasdan nila ang parusa sa kanila sa kanilang mga sariling mga mata.

45. Na kung kaya, hindi na nila nakayanang tumakas ni tumayo man lamang mula sa kanilang kinaroroonan na kaparusahan, at wala silang anumang nagawang pangangalaga sa kanilang mga sarili.

46. At pinuksa Namin ang sambayanan ni Nûh bago pa sa kanila, dahil ang mga ito ay walang pag-aalinlangang mga tao na lumabag sa kautusan ng Allâh (I), at naghimagsik na lumampas sa hangganang itinakda ng Allâh (I).

47. Ang kalangitan ay nilikha Namin na isinaayos Namin nang ganap ang pagkalikha nito, at ginawa Namin bilang bubong ng kalupaan, mula sa Aming lakas at dakilang kapangyarihan, at patuloy na pinalalawak Namin ang lahat ng bahagi nito.

48. At nilikha Namin ang kalupaan nang palatag upang pahingahan ng Aming mga nilikha, at anong galing at pagiging napakabuti Namin na Tagapaglatag (nito)!

49. Bawa’t bagay na iba’t ibang uri na nilikha Namin ay ginawa Namin na dalawang magkasalungat na magkaparis; upang maalaala ninyo ang kapangyarihan ng Allâh (I), at maging aral sa inyo.

50. Na kung kaya, magsiparoon kayo, O kayong mga tao, mula sa parusa ng Allâh (I) tungo sa Kanyang Awa sa pamamagitan ng paniniwala sa Kanya at sa Kanyang Sugo, at sa pagsunod sa Kanyang ipinag-uutos at pagsagawa ng Kanyang kagustuhan, dahil walang pag-aalinlangang ako ay tagapagbabala sa inyo na malinaw ang aking ibinababala. At ang Sugo ng Allâh, kapag mayroong matinding bagay na nangyari sa kanya ay kaagad siyang nagsasagawa ng pagsa-‘Salah,’ at ang ganitong kaparaanan ay pagtakas mula sa parusa tungo sa Allâh (I).

51. At huwag kayong maglagay ng katambal sa Allâh (I) na iba pang sinasamba, dahil sa katiyakang ako ay mula sa Allâh (I) na nagbabala ng malinaw na babala para sa inyo.
52. Na kung paano di-naniwala ang mga Quraysh sa Propeta na si Muhammad, na kanilang sinabi: “Siya ay manunula o di kaya ay salamangkero, o di kaya ay nasisiraan ng bait,” ay ganoon din ang ginawa ng mga naunang tao kaysa sa kanila na di-naniwala sa kanilang mga Sugo, na kung kaya, pinarating ng Allâh (I) sa kanila ang Kanyang kaparusahan.

53. Nagpayuhan ba ang mga nauna at saka ang yaong huli sa pagtanggi at di-paniniwala sa Sugo, noong sinabi nilang lahat ang ganito? Hindi ang kanilang inaakala ang katotohanan kundi sila ay mga masasama na magkakapareho ang kanilang mga puso at mga gawain na di-paniniwala at paglabag, na kung kaya, sinabi ng mga huli sa kanila ang katulad ng sinabi ng mga nauna.

54. Na kung kaya, pabayaan mo na, O Muhammad, ang mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I), hanggang dumating sa iyo ang anumang pinagpasiyahan ng Allâh (I) para sa kanila, at di ka sisisihin ng sinuman dahil katiyakang naiparating mo ang anumang mensahe na ipinadala sa iyo.

55. At kalakip ng iyong pagtalikod sa kanila, O Muhammad, at pagbalewala sa kanilang pagpapahiya sa iyo, ay ang pagpapatuloy mo na pag-anyaya tungo sa Allâh (I), at pagpapayo sa kanila na kung saan ikaw ay ipinadala; dahil katiyakang ang pagpapaalaala at pagpapayo ay mapapakinabang ng mga taong may pananampalataya ang puso, at nandirito sa dalawang bagay na ito ang katibayan sa mga tumanggi.

56. At hindi ko nilikha ang ‘Jinn’ at ang tao, at sa pagkapadala ng lahat ng mga Sugo kundi sa napakataas na uri ng layunin, na ito ay sambahin lamang Ako nang bukod-tangi at wala nang iba pa.

57. At hindi Ko kailangan mula sa kanila ang kabuhayan at hindi Ko kailangan na Ako ay pakanin nila, dahil walang pag-aalinlangan, Ako ay nagbibigay ng kabuhayan at Tagapagkaloob. Na ang Allâh (I), luwalhati sa Kanya ay hindi nangangailangan sa Kanyang mga nilikha, sa halip sila ang mga nangangailangan sa Kanya sa lahat ng pagkakataon, na Siya na lumikha sa kanila at bumubuhay sa kanila ay ganap na hindi nangangailagan sa kanila at sa kahit na anupaman.

58. Katiyakang ang Allâh (I), Siya ay ‘Ar-Razâq’ – ang Bukod-Tanging Tagapagkaloob ng kabuhayan sa Kanyang mga nilikha at ginagarantiyahan Niya ang kanilang kabuhayan, na ‘Dhul Qûwatil Muteen’ – ang Tagapagtangan ng Matibay na Lakas, na di-nagagapi at di-natatalo dahil Pagmamay-ari Niya ang lahat ng kapangyarihan at lakas.

59. Katiyakan, para sa mga masasama na tinanggihan ang Sugo na si Muhammad, ang bahagi ng parusa mula sa Allâh (I) na ito ay walang pag-aalinlangang darating sa kanila, na tulad ng bahagi ng parusa na iginawad sa mga nauna kaysa sa kanila, na kung kaya, huwag nilang madaliin ang parusa dahil ito ay tiyak na darating sa kanila na walang pag-aalinlangan.

60. Na kung kaya, kapighatian, kapahamakan, sa mga yaong di-naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo sa Araw na ipinangako sa kanila na pagdating ng parusa na ito ay Araw ng Muling Pagkabuhay.

No comments: