Sunday, May 16, 2010

Sûrat Al-Munâfiqûn

63
LXIII – Sûrat Al-Munâfiqûn
[Kabanata Al-Munâfiqûn – Ang Mga Mapagkunwari]

بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Kapag dumating sa iyong pagpupulong, O Muhammad, ang mga mapagkunwari na kanilang sinabi: “Tumitestigo kami na sa katunayan ikaw ay Sugo ng Allâh.” Ganap na Nababatid ng Allâh (I) na ikaw ay Kanyang Sugo, at ang Allâh (I) ay tumitestigo na ang mga mapagkunwari ay mga sinungaling sa kanilang panlabas na pagpapakita ng pagtestigo sa iyo, na sila ay sumusumpa sa pamamagitan ng kanilang mga bibig at inililihim nila sa kanilang kalooban ang pagtanggi at di-paniniwala.

2-3. Katiyakan, ginagawa nila na mga mapagkunwari ang panunumpa upang mapangalagan nila ang kanilang mga sarili mula sa paninisi at parusa, at sa ganito nila pinigilan ang kanilang mga sarili at pinigilan ang mga tao mula sa Matuwid na Daan ng Allâh (I). Walang pag-aalinlangan, napakasama ng kanilang ginawa; dahil sa sila ay naniwala bilang panlabas na pagpapakita lamang, subali’t sa kanilang kalooban ay poot, pagtanggi at di-paniniwala, na kung kaya, isinara ng Allâh (I) ang kanilang mga puso dahil sa kanilang di-paniniwala, kaya hindi na nila naintidihan kung ano ang nakabubuti sa kanila.

4. At kapag nakita mo sila na mga mapagkunwari ay kalulugdan mo ang kanilang tindig at panlabas na kaanyuan, at kapag sila ay nagsalita, pakikinggan mo ang kanilang mga salita; dahil sa tatas ng kanilang mga dila, at ang kanilang mga puso ay walang laman na tamang paniniwala, at ganoon din ang kanilang kaisipan, wala rin ito sa tamang pag-iintindi at sa anumang kapaki-pakinabang na kaalaman. Ang katulad nila ay parang mga kahoy na nakasandal sa pader na walang halaga, na iniisip nila na sa tuwing may di-kanais-nais na pangyayari o nakatatakot na pangyayari ay laban sa kanila na sila ang pinupuntirya at sisirain sila; dahil katotohanang batid nila ang kanilang tunay na katayuan, at ito ay nagpapahiwatig ng kanilang labis na karuwagan at labis na pagkatakot na nakatanim sa kanilang kalooban. Sila ay iyong mga kaaway at sukdulan ang kanilang poot sa iyo at sa mga pananampalataya, na kung kaya, maging maingat ka sa kanila, isinumpa sila ng Allâh (I) at inilayo sa Kanyang Awa! Paanong tinatanggihan nila ang katotohanan at nagtungo sila sa pagiging mapagkunwari at pagkaligaw?

5. At kapag sinabi sa kanila na mga mapagkunwari: “Magsipagbalik-loob kayo sa Allâh (I) sa pamamagitan ng pag-anim ninyo sa anumang nagawa ninyong masasamang salita at kamangmangan, at ihihingi kayo ng Sugo ng Allâh ng kapatawaran sa Allâh (I) na ‘Rabb’ na Tagapaglikha,” ay iiiling nila ang kanilang mga ulo bilang pang-iinsulto at pagmamataas, at makikita mo sila, O Muhammad, na tatalikod sa iyo at nagmamataas sa pamamagitan ng di-pagsunod sa anumang iminungkahi mo sa kanila.
6. Pareho rin sa kanila na mga mapagkunwari, O Muhammad, ihingi mo man sila ng kapatawaran o hindi mo sila ihingi ng kapatawaran, kailanman ay hindi patatawarin ng Allâh (I) ang kanilang mga kasalanan; dahil sa kanilang pagpupumilit sa pagiging masama at pagiging matindi sa kanilang pagtanggi sa Allâh (I). Katiyakang hindi ginagabayan ng Allâh (I) sa paniniwala ang mga tumanggi sa Kanya, na mga naghimagsik na hindi sumunod sa Kanyang kagustuhan.

7. Sila na mga mapagkunwari ay sinasabi nila sa mga taga-Madinah: “Huwag kayong magbigay ng kawanggawa sa mga tagasunod ni Muhammad na mga ‘Muhâjireen,’ hanggang sa sila ay lumayo sa kanya (Muhammad),” gayong Pagmamay-ari lamang ng Allâh (I) na Bukod-Tangi ang mga yaman sa mga kalangitan at kalupaan, at ang anumang nasa dalawang ito na kabuhayan, pinagkakalooban Niya ang sinuman na Kanyang nais at pinagkakaitan Niya ang sinuman na Kanyang nais, subali’t hindi ito nauunawaan ng mga mapagkunwari.

8. Sinasabi ng mga mapagkunwari: “Kapag kami ay bumalik sa Madinah ay tiyak na palalabasin ng pinakakagalang-galang ang grupo ng mga hamak, na ang ibig sabihin ng mga hamak ay yaong mga mananampalataya,” subali’t pagmamay-ari lamang ng Allâh (I), ang karangalan, at ganoon din ng Kanyang Sugo at ng mga mananampalataya na naniniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, at hindi sa iba, gayunpaman, ang mga mapagkunwari ay hindi nila ito batid dahil sa tindi ng kanilang kamangmangan.

9. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Huwag ninyong pahintulutan na kayo ay malinlang ang inyong mga yaman, at ganoon din, ng inyong mga anak mula sa pagsamba sa Allâh (I) at pagsunod sa Kanya, at sinuman ang malinlang hinggil dito (pagsamba) ng kanyang mga yaman at kanyang mga anak, sila sa katotohanan ang mga ganap na talunan na wala silang anumang bahagi mula sa parangal ng Allâh (I) at ng Kanyang Awa.

10. At gumasta kayo, O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, mula sa ilang bahagi ng anumang ipinagkaloob Namin sa inyo sa Daan ng Mabuti, bago dumating sa isa sa inyo ang kamatayan, at kanyang sasabihin bilang pagsisisi kapag nakita na niya ang mga palatandaan nito: “O Allâh (I) na aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Maaari Mo ba akong pagkalooban ng maikli pang panahon, at iantala Mo ang aking kamatayan ng kahit maiksing oras, upang makapagbigay ako ng kawanggawa mula sa aking kayamanan, at nang ako ay maging kabilang sa mga mabubuti na may takot sa Iyo?”

11. At kailanman ay hindi na iaantala ng Allâh (I) ang sinumang may buhay kapag dumating na ang kamatayan nito, at nabuo na niya ang nakatakdang buhay na para sa kanya. At walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) ay ‘Khabeer’ – Ganap ang Kanyang Kagalingan na Nababatid Niya nang ganap ang anumang inyong ginagawa mabuti man o masama, at ayon dito kayo ay tinutumbasan.

No comments: