67
LXVII – Sûrat Al-Mulk
[Kabanata Al-Mulk – Ang Kaharian]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Kataas-taasan sa Allâh (I) at Kadakilaan sa Kanya na Siya ay malayo, ang Kanyang Sarili, ang Kanyang mga Katangian at Gawain, sa anumang di-kaganapan; at napakasagana ng Kanyang Kabutihan at pagiging mabuti sa lahat ng nilikha, na nasa ilalim ng Kanyang kamay ang pagiging Tagapagmay-ari sa daigdig at sa Kabilang-Buhay, at sa pangunguntrol sa dalawang ito, na nangyayari ang anumang na Kanyang ipinag-utos at pinagpasiyahan, at Siya ay ‘Qadeer’ – Ganap na Makapangyarihan sa lahat ng bagay. Naiintindihan sa talatang ito bilang karagdagang patunay na ang Allâh (I) ay nagtataglay ng katangian na pagiging mayroon ng Kamay na angkop sa Kanyang Kamaharlikaan.
2. Na Siya ang lumikha ng kamatayan at buhay; upang subukin kayo, O kayong mga tao, kung sino sa inyo ang gagawa ng kabutihan at magiging taos-puso sa kanyang gawain? At Siya ay ‘Al-Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan na walang anumang nais Niya ang hindi mangyayari, na ‘Al-Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa sinumang nagsisisi mula sa Kanyang mga alipin. Nasa talatang ito ang paghihikayat sa paggawa ng mga kabutihan at pagbabawal sa paggawa ng mga kasalanan.
3. Na Siya ang lumikha ng mga pitong kalangitan na magkakaparehas sa kaparaanan ng paglikha na magkakapatung-patong sa isa’t isa, at wala kang makikita sa nilikha ng Allâh (I) na Pinakamahabagin – O ikaw na tumitingin – na anumang pagkakaiba at pagkakamali. Na kung kaya, muli mong tingnan ang kalangitan: “Mayroon ka bang nakikita na anumang pagkakabiyak o pagkakabutas-butas nito?”
4. At pagkatapos ay tumingin kang muli nang paulit-ulit at muli, babalik ang iyong paningin na abang-aba dahil sa pagkabigo na makakita ng anumang kakulangan at dahil (din) sa kapaguran.
5. At katiyakan, pinalamutian Namin ang malapit na kalangitan na nakikita ng mga mata ang mga dakilang maliliwanag na mga bituin, at ginawa Namin ang mga ito na nakasusunog na parang mga misayl (‘missile’) sa sinumang aakyat mula sa mga ‘Shaytân’ para sa pakikinig nang panakaw, at inihanda Namin para sa kanila sa Kabilang-Buhay ang parusa sa Impiyerno na naglalagablab na apoy na napakasidhi na masusunog sila sa tindi ng init nito.
6. At para sa mga hindi naniwala sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay napakasidhing parusa sa Impiyernong-Apoy, at katotohanang napakasama na kanilang patutunguhan na Impiyerno.
7. Kapag inihagis ang mga walang pananampalataya sa Impiyernong-Apoy ay makaririnig sila ng kagimbal-gimbal na ingay ng pagkulo ng Impiyerno.
8. Na halos sumabog ang Impiyerno dahil sa tindi ng galit nito sa mga walang pananampalataya. Sa tuwing ihahagis dito ang grupo ng mga tao ay tatanungin sila ng mga tagapangasiwa ng Impiyernong ito bilang pag-aalipusta: “Hindi ba dumating sa inyo sa daigdig ang Sugo upang balaan kayo hinggil sa parusa na kinaroroonan ninyo sa ngayon?”
9. Tutugon sila na kanilang sasabihin: “Oo, katiyakang dumating sa amin ang Sugo na mula sa Allâh (I) at binalaan kami, suabli’t hindi namin pinaniwalaan, at sinabi namin sa kanyang dala-dalang mga talata na kapayahagan: ‘Hindi nagpahayag ang Allâh (I) ng anuman sa kahit kaninumang tao, na kung kaya, kayong mga Sugo ay walang iba kundi malayung-malayo sa katotohanan bilang pagkaligaw.’”
10. At kanilang sasabihin bilang pag-aamin: “Kung nakinig lamang kami bilang pakikinig na naghahanap ng katotohanan, o di kaya ay pinag-isipan namin ang anumang paghikayat na ginawa sa amin, ay hindi kami magiging kabilang sa mga tao ng Naglalagablab na Impiyerno.”
11. Kaya ganoon nila inamin ang kanilang pagtanggi at di-paniniwala na siyang naging sanhi ng pagkabulid nila sa kaparusahan sa Impiyernong-Apoy. Samakatuwid, malayung-malayo ang mga taga-Impiyerno mula sa Awa ng Allâh (I).
12. Katiyakan, ang mga yaong natatakot sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at Siya ay sinasamba nila, at hindi nila nilalabag ang kagustuhan ng Allâh (I) habang sila ay malayo sa paningin ng tao, at kinatatakutan nila ang parusa sa Kabilang-Buhay gayong hindi pa nila ito nakikita, ang para sa kanila ay kapatawaran mula sa Allâh (I) sa kanilang mga kasalanan at dakilang gantimpala na ito ay ‘Al-Jannah’ (o Hardin).
13. Ilihim man ninyo ang inyong sinasabi, O kayong mga di-naniniwala sa ‘Deen’ ng Allâh (I) at sa Kanyang Sugo o di kaya ay ilantad ninyo ito, ay pareho lamang ito sa Allâh (I), dahil katiyakan, Siya ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa mga kinikimkim ng mga dibdib, na kung kaya, paano pa kaya maililihim sa Kanya ang inyong mga sinasabi at ginagawa.
14. Hindi ba batid ng Allâh (I) na Siyang Lumikha ng lahat ang Kanyang mga nilikha at ang anuman na hinggil sa kanilang katayuan? At Siya ay ‘Al-Lateef’ – ang Napakabait at Kapita-pitagan sa Kanyang mga alipin, na ‘Al-Khabeer’ – ang Pinakadalubhasa na Ganap na Tagapagmasid sa kanila at sa kanilang mga ginagawa.
15. Ang Allâh (I) na Bukod-Tangi ay Siyang lumikha sa inyo ng kalupaan na palatag upang maging madali para sa inyo ang pananatili rito, na kung kaya, maglakbay kayo sa mga lugar nito at sa iba’t ibang sulok nito, at mamuhay kayo mula sa kabuhayan na ipinagkaloob ng Allâh (I) sa inyo, na mula rito ay Kanyang pinalitaw para sa inyo; at sa Kanya lamang na Bukod-Tangi kayo patutungo mula sa libingan sa Pagkabuhay na Mag-uli para sa pagbabayad at pagtutumbas.
At nasa talatang ito ang pagpapahiwatig tungo sa paghingi ng kabuhayan, at pagiging katibayan sa Kaisahan ng Allâh (I) at Kanyang Kapangyarihan, at pagpapaalaala sa Kanyang mga biyaya, at babala mula sa pagtutuon lamang ng mga sarili sa makamundong bagay.
16-17. Kayo ba na mga hindi naniwala na taga-Makkah ay nakatitiyak na ligtas kayo sa Allâh (I) na nasa ibabaw ng kalangitan (sa itaas ng lahat ng Kanyang mga nilikha), na hindi Niya sasanhiin na lamunin kayo ng kalupaan kapag ito ay yumanig hanggang sa mamatay kayo? Nakatitiyak ba kayo sa Allâh (I) na nasa ibabaw ng kalangitan (sa itaas ng lahat ng Kanyang mga nilikha) na hindi Niya sasanhiin na magpadala sa inyo ng malakas na hangin na dala-dala nito ang mga maliliit na bato upang kayo ay batuhin? Walang pag-aalinlangan, mababatid ninyo, O kayong mga walang pananampalataya, kung gaano katotoo ang Aking babala sa inyo kapag nangyari na ang parusa sa inyo. At wala na kayong pakinabang pa sa anumang kaalaman na inyong tinaglay pagdating nito. Nasa talatang ito ang patunay sa pagiging Kataas-taasan ng Allâh (I) na angkop sa Kanyang Kamaharlikaan.
18. At katiyakan, tumanggi sa paniniwala ang mga yaong nauna kaysa sa kanila na mga taga-Makkah na walang pananampalataya, sa mga Sugo na ipinadala sa kanila na tulad ng sambayanan ni Nûh, ni `Âd at ni Thamoud, na kung kaya, gaano kasidhi ang Aking pagtanggi sa kanila at pagpalit Ko sa anumang biyaya na nasa kanila ng parusa na ibinaba sa kanila at nagpuksa sa kanila?
19-21. Nakalimutan ba nila na mga walang pananampalataya, at hindi ba nila napagmasdan ang mga ibon sa itaas nila, na nakadipa ang kanilang mga pakpak habang ang mga ito ay lumilipad sa himpapawid, at minsan ay tinitiklop nito ang kanilang mga pakpak? Na walang sinumang nag-aalaga sa mga ito upang ito ay hindi bumagsak bukod sa Allâh (I) na Pinakamahabagin. Katiyakan, Siya ay ‘Baseer’ – Ganap na Tagapagmasid ng lahat ng bagay na walang anumang makikita na kakulangan at pagkakasalungatan sa Kanyang mga nilikha.
Na kung kaya, sino pa ba ang inaangkin ninyo, O kayong mga walang pananamapalataya, na kakampi ninyo na tutulong sa inyo bukod sa Kanya na Pinakamahabagin, kung nais Niya ang kapinsalaan sa inyo? Kaya, ang mga walang pananampalataya sa gayong pag-aangkin ay nasa kahibangan na nalinlang lamang sila at nailigaw ni ‘Shaytân.’
O sino ba ang maaaring makapagkaloob ng kabuhayan mula sa inyong inaangkin na nagbibigay (daw) sa inyo ng kabuhayan kapag itinigil ng Allâh (I) sa inyo ang Kanyang kabuhayan na ipinagkakaloob sa inyo? Hindi ang kanilang inaakala ang katotohanan, kundi walang pag-aalinlangan, patuloy ang mga walang pananampalataya sa kanilang paglabag at pagkaligaw bilang pagmamatigas at pagmamataas at paglayo sa katotohanan, na hindi nila ito (katotohanan) pinakikinggan at sinusunod.
22. Siya ba na naglalakad na nakatungo na hindi tumitingin sa kanyang nilalakaran at hindi niya alam kung saan siya dadaan at kung paano siya tutungo ay mas napatnubayan sa matuwid na daan, o siya na naglalakad nang matuwid na nasa Matuwid na Landas na malinaw na walang anumang kamalian? At ito ang halimbawa na ibinigay ng Allâh (I) hinggil sa mananampalataya at walang pananampalataya.
23-24. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad: “Ang Allâh (I) ay Siyang lumikha sa inyo mula sa wala, at iginawa Niya kayo ng pandinig upang kayo ay makarinig, at mga paningin upang kayo ay makakita, at mga puso upang kayo ay makaintindi, subali’t kakaunti lamang sa inyo, O kayong mga walang pananampalataya, ang tumatanaw ng utang na loob sa mga biyayang ito, sa Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha na Siyang nagkaloob sa inyo ng mga biyayang ito.” Sabihin mo sa kanila: “Ang Allâh (I) ay Siyang lumikha sa inyo at nagpakalat sa inyo sa kalupaan, at sa Kanya na Bukod-Tangi kayo titipunin pagkatapos ng inyong pagkakahiwa-hiwalay para sa pagbabayad at pagtutumbas.”
25-26. At sinasabi ng mga walang pananampalataya: “Kailan pa ba mangyayari ang ipinangako mong pagtitipun-tipon, O Muhammad? Sabihin ninyo sa amin kung kailan ito, O kayong mga mananampalataya, kung kayo ay totoo sa inyong mga inaangkin.” Sabihin mo sa kanila, O Muhammad: “Katiyakan, ang kaalaman hinggil sa Oras ng Pagkagunaw ng daigdig ay Pagmamay-ari lamang ng Allâh (I), at walang pag-aalinlangang ako ay tagapagbabala lamang sa inyo upang balaan kayo sa parusa ng inyong pagtanggi sa paniniwala, at linawin sa inyo ng ganap na paglilinaw kung ano ang ipinag-utos sa akin ng Allâh (I).”
27. At nang makita na ng mga walang pananampalataya ang parusa ng Allâh (I) na nasa kanila nang harapan ay lumitaw ang pagkaaba at pagkahamak sa kanilang mga mukha, at sasabihin sa kanila bilang pag-aalipusta: “Ito na ang inyong ipinama-madaling kahilingan sa daigdig noon.”
28. Sabihin mo, O Muhammad, sa mga walang pananampalataya: “Sabihin nga ninyo sa akin! Kapag sinanhi ng Allâh (I) na ako ay mamatay at yaong mga kasama ko na mga mananampalataya na tulad ng inyong hinahangad o di kaya ay kinawaan Niya kami at inantala ang aming kamatayan, at iniligtas Niya kami mula sa Kanyang parusa – sino pa kaya ang magliligtas sa inyo at maglalayo sa inyo mula sa masidhing kaparusahan?”
29. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad: “Ang Allâh (I) na Pinakamahabagin na aming pinaniwalaan at sinunod, at sa Kanya lamang na Bukod-Tangi namin ipinauubaya ang aming mga sarili, at walang pag-aalinlangan, mababatid ninyo, O kayong mga walang pananampalataya, kapag dumating na sa inyo ang parusa: kung sino sa dalawang panig, kami ba o kayo, ang nasa malayung-malayo sa katotohanan.”
30. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad, na mga walang pananampalataya: “Sabihin nga ninyo sa akin! Kapag ang lahat ng inyong tubig ay hinigop ng kalupaan at wala na kayong matatagpuan na anupaman, sino pa ba bukod sa Allâh (I) ang makapagbibigay sa inyo ng tubig na umaagos sa kalupaan na malinaw na nakikita ng inyong mga paningin?”
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment