Sunday, May 16, 2010

Sûrat Muhammad

47
XLVII – Sûrat Muhammad
[Kabanata Muhammad – (Si Propeta) Muhammad r]

بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Ang mga yaong hindi naniwala sa Kaisahan ng Allâh (I), at pinigilan nila ang tao hinggil sa Kanyang ‘Deen’ (o Relihiyon), ay sasanhiin ng Allâh (I) na magiging walang saysay ang kanilang mga gawain, at sila ay magiging sawimpalad dahil dito.

2. At ang mga yaong naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang batas at naniwala sa Kanyang Aklat na Kanyang ipinahayag kay Propeta Muhammad, at ito ay katotohanan na walang pag-aalinlangan na mula sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha – aalisin Niya mula sa kanila ang mga masama nilang nagawa at hindi na sila parurusahan pa, at itutuwid ang buhay nila rito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.

3. Ang kadahilanan ng pagkaligaw at patnubay, ay ang mga yaong di-naniwala ay sumunod sila kay ‘Shaytân’ at ito ang kanilang pinaniwalaan, samantalang ang mga yaong naniwala naman, ang sinunod nila ay ang Sugo ng Allâh at ang anuman na kanyang dala-dala na Liwanag at Patnubay, at kung paano nilinaw ng Allâh (I) ang Kanyang ginawa sa dalawang grupo: ang mga walang pananampalataya at ang mga mananampalataya, at kung anuman ang naging karapat-dapat sa kanila ay ganoon Siya nagbibigay ng mga halimbawa sa mga tao, na kung kaya, mangyayari sa sinumang tao ang katulad ng mga halimbawang ito ang kung anuman ang angkop at karapat-dapat na para sa kanila.

4-6. At kapag nakatagpo ninyo, O kayong mga mananampalataya, ang mga yaong di-naniwala sa labanan ay maging totoo kayo sa pakikipaglaban sa kanila, at tagain ninyo ang kanilang mga leeg, hanggang kapag napahina na ninyo sila dahil sa dami ng namatay sa kanila at nawasak na ninyo ang kanilang lakas ay pagtibayin ninyo naman ang inyong pagtali sa inyong mga bihag; na maaaring pagkalooban ninyo sila ng kagandahang-loob sa pamamagitan ng pagpapakawala o pagpapalaya sa kanila na walang kapalit, o di kaya ay tutubusin nila ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng kanilang yaman o iba pa, o di kaya sila ay gagawing alipin, o di kaya sila ay hatulan ng kamatayan; at manatili kayo sa gayong kalagayan hanggang matapos ang labanan. Gayon ang batas na nabanggit kapag dumating ang pagsubok sa mga mananampalataya mula sa kanilang kalaban na mga walang pananampalataya, at pagsasalit-salitan ng mga panahon sa pagitan nila (pagkatalo at pagkapanalo), at kung nanaisin ng Allâh (I) ay mananalo ang mga mananampalataya laban sa mga walang pananampalataya nang wala nang labanan, subali’t ninais ng Allâh (I) na ang parusa sa kanila ay maganap sa pamamagitan ng inyong mga kamay, na kung kaya, ipinag-utos Niya ang ‘Jihâd’ – pakikipaglaban sa mga kumakalaban sa Allâh (I); upang subukin kayo, at mangingibabaw sa pamamagitan ninyo ang Kanyang ‘Deen’ (o Relihiyon). At ang mga yaong namatay sa Daan ng Allâh (I) na mga mananampalataya ay hindi babalewalain ng Allâh (I) ang gantimpala sa kanilang mga gawain, at gagabayan sila tungo sa pagsunod sa kagustuhan ng Allâh (I) at sa mga gawaing kalugud-lugod sa Kanya, at itutuwid sila rito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay, at papapasukin sila sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) na siyang nilinaw at ipinakilala sa kanila.

7. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo, kung tutulungan ninyo ang ‘Deen’ ng Allâh (I) sa pakikipaglaban sa Daan ng Allâh (I) sa mga kumakalaban ng Islâm, pagpapatupad ng Kanyang batas, pagsunod sa Kanyang mga kautusan at pag-iwas sa Kanyang mga ipinagbabawal, ay tutulungan kayo ng Allâh (I) laban sa inyong kalaban, at patatatagin ang inyong mga paa sa pakikipaglaban.

8-9. At ang mga walang pananampalataya ay pagkawasak ang para sa kanila, pawawalan ng saysay ng Allâh (I) ang gantimpala ng kanilang mga mabuting gawain; dahil sa kinamuhian nila ang Aklat ng Allâh (I) na ipinahayag sa Kanyang Propeta na si Muhammad, at di nila pinaniwalaan, na kung kaya, naging walang kabuluhan ang kanilang gawain na ito ay kanilang ginawa upang sundin si ‘Shaytân.’

10. Hindi ba sila naglakbay na mga walang pananampalataya sa kalupaan ng Allâh (I) upang maging aral sa kanila ang nangyaring kaparusahan sa mga naunang sambayanan na hindi naniwala? Winasak ng Allâh (I) ang kanilang mga tahanan, at para sa mga walang pananampalataya ay ganoon din ang kanilang kahihinatnan.

11. Ganito ang Aming ginawa sa dalawang grupo: grupo ng mga naniwala at grupo ng di-naniwala; sa kadahilanang ang Allâh (I) ay Tagapagtaguyod, nagmamahal, tumutulong sa mga mananampalataya, samantalang ang mga walang pananampalataya naman ay walang nagmamahal at tumutulong sa kanila.

12. Katiyakan, ang Allâh (I) ay papapasukin Niya ang mga yaong naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo at gumawa ng mga kabutihan sa mga Hardin na umaagos ang mga ilog sa ilalim ng mga puno bilang parangal sa kanila, at ang katumbas ng mga yaong hindi naniwala na nagpakasaya lamang dito sa daigdig at walang ginawa kundi kumain ay katulad sila ng mga hayop na wala silang anumang hangarin kundi kumain at magpakasaya, at ang Impiyernong-Apoy ang kanilang patutunguhan.
13. At gaano karaming bayan ang mas matindi pa ang kanilang kapangyarihan kaysa sa mga iyong sambayanan, O Muhammad, na nakatira sa Makkah, na kung saan, pinalayas ka nila mula roon, subali’t winasak pa rin Namin sila ng iba’t ibang parusa at walang sinuman ang naging katulong nila upang tulungan na iligtas sila mula sa kaparusahan ng Allâh (I).

14. At siya ba na nasa malinaw na katibayan mula sa Allâh (I) na kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at nasa kaalaman hinngil sa Kanyang Kaisahan, ay magiging katulad ba ng sinumang pinaganda sa kanya ni ‘Shaytân’ ang kanyang masamang gawain at sinunod niya ang anumang nais ng kanyang sarili na paglabag sa Allâh (I) at pagsamba ng iba na wala namang anumang katibayan? Hindi sila magkatulad!

15. Ang katangian ng ‘Al-Jannah’ (Hardin) na ipinangako ng Allâh (I) sa mga matatakutin sa Kanya: nandoroon ang mga malalawak na ilog-tabang na tubig na hindi nabubulok, at mga ilog ng gatas na hindi napapanis at hindi nababago ang lasa nito, at mga ilog ng alak na napakasarap sa mga umiinom nito, at mga ilog ng pulot-pukyutan na napakalinaw at puro, at para pa rin sa mga matatakutin sa Allâh (I) sa Hardin ay ang lahat ng mga bunga ng iba’t ibang prutas at iba pa, higit pa rito ay ang pagpapatawad sa kanilang mga kasalanan, na kung kaya, siya ba na nasa ganitong uri ng Hardin ay magiging katulad ba ng sinumang nasa Impiyerno na hindi na makalalabas pa, na sila ay paiinumin ng napakainit na tubig na dahil sa tindi ng init nito ay magkakahiwa-hiwalay ang kanilang mga bituka?

16. At kabilang sa kanila ang mga mapagkunwari na nakikinig sa iyo, O Muhammad, na hindi naman iniintindi ang kanilang naririnig; bilang pagmamaliit at pag-aalipusta nila sa iyo, hanggang sa kapag nakaalis sila mula sa iyong pinagtipunan ay sasabihin nila sa sinumang nakadalo ng miting o pagpupulong na mga may kaalaman sa Aklat ng Allâh (I) bilang pangungutya: “Ano ba ang sinabi ni Muhammad ngayon?” Sila ang mga yaong isinara ng Allâh (I) ang kanilang mga puso, na kung kaya, hindi na nila maiintindihan ang katotohanan, at di na sila magagabayan tungo rito dahil ang sinunod nila ay kanilang mga sariling kagustuhan sa di paniniwala at pagkaligaw.

17. At ang mga yaong ginabayan sa pagsunod ng katotohanan ay dinaragdagan pa sila ng Allâh (I) ng gabay, na kung kaya, nagiging matatag sila sa kanilang patnubay, at ginabayan sila sa pagkatakot sa Allâh (I) at ito ay naging madali sa kanila.

18. Walang inaabangan ang mga walang pananampalataya kundi ang pagkagunaw ng daigdig na ipinangako sa kanila na ito ay darating nang biglaan, at katiyakan, lumitaw na ang mga palatandaan nito subali’t hindi pa rin naging kapaki-pakinabang sa kanila, na kung kaya, ano pa ang halaga ng kanilang pag-alaala kapag dumating na sa kanila ang pagkagunaw ng daigdig?

19. Dapat mong mabatid, O Muhammad, na walang sinuman ang may karapatan at karapat-dapat na sambahin kundi ang Allâh (I), at humingi ka sa Kanya ng kapatawaran sa iyong kasalanan at ihingi mo rin ng kapatawaran ang mga mananampalatayang kababaihan at mga kalalakihan. At ang Allâh (I) ay Siyang Ganap na Nakaaalam kung ano ang inyong ikinikilos habang kayo ay nagigising sa araw at ang inyong lugar na pinagpapahingahan sa inyong mga tahanan kapag kayo ay natutulog sa gabi.

20-21. At sinasabi ng mga naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo: “Bakit hindi nagbaba ang Allâh (I) na isang kabanata upang utusan kami na makikipaglaban sa mga walang pananampalataya,” at kapag naibaba ang isang kabanata na malinaw at ganap ang pagpapaliwanag nito na nasasaad doon ang mga pag-uutos hinggil sa pakikipaglaban, ay makikita mo ang mga yaong may pagdududa sa kanilang mga puso hinggil sa ‘Deen’ ng Allâh (I) at may pagkukunwari na nakatitig sila sa iyo, O Muhammad, na titig na parang nahihilo dahil sa pagkatakot na mamatay.
Subali’t mas makabubuti sa kanila na may mga sakit ang kanilang mga puso mula sa pagkukunwari na sumunod sa Allâh (I), at sasabihin lamang nila ang kung ano ang talagang sang-ayon sa batas, at kapag ipinag-utos na ang pakikipaglaban at dumating na ang utos ng Allâh (I) na pagiging obligado nito ay kinamumuhian nila ito na mga mapagkunwari, gayong kung naniwala lamang sila sa Allâh (I) ng tunay na paniniwala sa pamamagitan ng pagsagawa ng kabutihan ay ito ang mas nakabubuti para sa kanila kaysa sa pagsagawa ng kasalanan at paglabag.

22. At maaari ba kung sakali, na kaya ninyong talikuran ang Aklat ng Allâh (I) at ang ‘Sunnah’ ng Kanyang Propeta na si Muhammad, na lalabagin ninyo ang Allâh (I) dito sa kalupaan at di kayo maniwala sa Kanya, at magkalat kayo ng kapinsalaan sa kalupaan, at putulin ninyo ang inyong ugnayang magkamag-anak?

23. Ang mga katulad nila ang inilayo ng Allâh (I) mula sa Kanyang awa, at ginawa silang mga bingi at binulag ang kanilang pananaw sa anumang kapaki-pakinabang sa kanila, at hindi nila naintindihan ang mga katibayan ng Allâh (I) na napakarami.

24. Hindi ba sinusuri ng mga mapagkunwari ang mga pagpapayo ng Banal na Qur’ân at pag-isipan ang mga katibayan nito? Hindi nga, dahil ang kanilang mga puso ay nakasara na hindi rito nakararating ang anumang bagay na mula sa Qur’ân, na kung kaya, hindi nila napagtanto ang mga pagpapayo ng Banal na Qur’ân at ang mga aral nito.

25. Katiyakan, ang mga yaong tumalikod sa patnubay at paniniwala, at nagbalik sila sa di paniniwala sa Allâh (I) pagkatapos na naging malinaw sa kanila ang katotohanan, ay ang ‘Shaytân’ ang siyang nagpalamuti sa kanila ng kanilang kamalian at pinaasam sa kanila ang huwad na pag-asa bilang panlilinlang.

26. Itong pagtutuloy sa pag-aasam ng huwad na pag-asang ito hanggang sila ay lalong nalulong sa di-paniniwala; ay dahil sa sinabi nila sa mga Hudyo na kung saan kinamuhian ng mga ito ang ipinahayag ng Allâh (I): “Walang pag-aalinlangan, susunod kami sa inyo sa ilang bagay na labag sa ipinag-utos ng Allâh (I) at ng Kanyang Sugo,” at ang Allâh (I) ay Siyang ganap na Nakaaalam kung ano ang kanilang kinikimkim at itinatago, na kung kaya, maging maingat ang sinumang Muslim sa pagsunod sa iba bukod sa Allâh (I) sa bagay na labag sa ipinag-utos ng Allâh (I) at ipinag-utos ng Kanyang Sugo na si Propeta Muhammad.

27. Ano kaya ang mangyayari sa kanila kapag hinablot na ng mga anghel ang kanilang mga kaluluwa sa oras ng kanilang kamatayan habang hinahampas ang kanilang mga mukha at pinapalo ang kanilang mga likuran? Itong parusa na naging karapat-dapat at nangyari sa kanila ay dahil sa ang sinunod nila ay ang anumang kinamumuhian ng Allâh (I) na pagsunod sa kagustuhan ni ‘Shaytân,’ at kinamuhian nila ang anumang kalugud-lugod sa Allâh (I) na para sa kanila na mabuting gawain, at kabilang dito sa kinamuhian nila ay ang pakikipaglaban sa mga di-naniwala pagkatapos itong ipag-utos sa kanila, na kung kaya, inalisan ng Allâh (I) ng saysay ang gantimpala ng kanilang gawain na kawanggagawa, pagpatibay ng ugnayang magkakamag-anak at iba pa.

29. O iniisip ba ng mga mapagkunwari na hindi ilalantad ng Allâh (I) ang anumang nasa kanilang mga puso na pagkainggit at panibugho sa Islâm at sa mga sumusunod nito? Hindi ang kanilang inaakala ang katotohanan, kundi ang Allâh (I) ay paghihiwalayin Niya ang katotohanan sa kasinungalingan.
30. Kung nanaisin Namin, O Muhammad, ay ipakikita Namin sa iyo ang kanilang katauhan, walang pag-aalinlangang makikilala mo sila sa mga malilinaw nilang palatandaan, at makikilala mo rin sila sa kanilang mga pananalita na nagpapahiwatig ng kanilang mga layunin. At ang Allâh (I) ay hindi naililihim sa Kanya ang mga gawain ng sinumang sumusunod at sinumang lumalabag, at tutumbasan Niya ang bawa’t isa sa anumang karapat-dapat na para sa kanya.

31. At walang pag-aalinlangan, susubukin Namin kayo, O kayong mga mananampalataya, ng pakikipaglaban sa mga kalaban ng Allâh (I) upang palitawin kung sino ang tunay na nagpupunyagi sa inyo at nagtitiis sa pagkikipaglaban sa mga kalaban ng Allâh (I), at susubukin Namin ang inyong mga pananalita at mga gawain upang palitawin ang sinumang totoo sa inyo at ang sinumang sinungaling.

32. Katiyakan, ang mga yaong tinanggihan ang Kaisahan ng Allâh (I), at pinigilan ang mga tao mula sa Kanyang ‘Deen,’ at nilabag nila ang Sugo ng Allâh, at nakipaglaban sa Kanya pagkatapos dumating sa kanila ang mga katibayan at ang mga talata na siya ay Propeta na mula sa Allâh (I), subali’t hindi nila mapipinsala ang ‘Deen’ ng Allâh (I) sa kahit na anumang kaparaanan, at aalisan ng Allâh (I) ng saysay ang gantimpala ng mga mabubuting gawa na ginawa nila rito sa daigdig; dahil walang pag-aalinlangan, hindi nila hangad dito ang layunin na para makatagpo nila ang Allâh (I) na Siyang maggagantimpala sa kanila.

33. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Sundin ninyo ang Allâh (I) at ang Kanyang Sugo sa pag-uutos at pagbabawal nilang dalawa, at huwag ninyong sirain ang gantimpala ng inyong mga gawain dahil sa inyong di-paniniwala at paglabag.

34. Katiyakan, ang mga yaong tinanggihan nila ang Kaisahan ng Allâh (I) at pinigilan nila ang mga tao mula sa Kanyang ‘Deen,’ pagkatapos sila ay namatay, kailanman ay hindi sila patatawarin ng Allâh (I), at parurusahan sila ng tunay na parusa dahil sa kanilang di-paniniwala, at ipahihiya sila sa harapan ng madla.
35. Na kung kaya, huwag kayong manghina, O kayong mga naniniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo sa pakikipaglaban ninyo sa mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I), at huwag kayong maging duwag sa pakikipaglaban sa kanila na aanyayahan ninyo sila ng pakikipagsundo nang walang labanan, dahil kayo ang makagagapi sa kanila at mangingibabaw kayo sa kanila, at ang Allâh (I) ay nasa sa inyo sa pamamagitan ng Kanyang pagtulong at pagpapalakas sa inyo. At dito sa talatang ito ang dakilang magandang balita ng pagpanalo at pangingibabaw sa mga kalaban. At di babawasan ng Allâh (I) ang gantimpala ng iyong mga gawain.

36-37. Katiyakan, ang buhay dito sa daigdig ay kundi laro at libangan lamang. At kapag kayo ay naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, at natakot kayo sa Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsagawa ng Kanyang ipinag-uutos at pag-iwas sa Kanyang ipinagbabawal, ay ipagkakaloob sa inyo ang gantimpala ng inyong mga gawain, at hindi hihilingin sa inyo na ibigay ang lahat ng inyong kayamanan para sa ‘Zakâh’ (o obligadong kawanggawa), sa halip ang hihilingin lamang sa inyo ay ang pagbigay ng bahagi nito. At kapag hiniling sa inyo ang inyong kayamanan at ipinagdamot ninyo ito at hindi kayo nagbigay, ay lilitaw din ang anumang nasa inyong mga puso na pagkakait kapag hiningi sa inyo ang anuman na ayaw ninyong ibigay.

38. Pagmasdan ninyo, O kayong mga mananampalataya, na inaanyayahan kayo na gumasta sa pakikipaglaban sa mga kalaban ng Allâh (I) at pagtaguyod ng Kanyang ‘Deen,’ dahil mayroon sa inyo na nagmaramot sa paggasta sa Daan ng Allâh (I), at ang sinumang magmaramot ay ang pinagkakaitan niya lamang ay ang kanyang sarili, at ang Allâh (I) ay hindi nangangailangan sa inyo samantalang kayo ay nangangailangan sa Kanya, at kapag kayo ay tumalikod sa paniniwala sa Allâh (I) at pagsunod sa Kanyang utos ay wawasakin kayo, at papalitan kayo ng ibang mga tao, pagkatapos sila ay hindi magiging katulad ninyo sa pagtalikod sa utos ng Allâh (I), sa halip sila ay susunod sa Kanya at susunod sa Kanyang Sugo at makikipaglaban sa Daan ng Allâh (I) sa pamamgitan ng kanilang kayamanan at kanilang mga sarili.

No comments: