58
LVIII – Sûrat Al-Mujâdilah
[Kabanata Al-Mujâdilah – Ang Babaing Sumasangguni]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Katiyakan, narinig ng Allâh (I) ang sinabi ni Khawlah na anak na babae ni Ta`labah na isinasangguni niya sa iyo ang hinggil sa kanyang asawa na si Aws Ibnus Sâmit, at ang ginawa niya sa karapatan ng kanyang asawa na tinatawag na ‘Dzihâr’ – na ito ay ang pagsasabi niya sa kanyang asawa: “Ikaw para sa akin ay katulad ng likuran ng aking ina,” na ang ibig sabihin ay hindi na kita maaaring maging asawa, na siya ay nagsusumamo sa Allâh (I); upang malutas ang kanyang suliranin, at ang Allâh (I) ay nakikinig sa inyong pag-uusap na dalawa at sa kanyang pagsasangguni sa iyo. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Samee`’ – Ganap na Nakaririnig sa anumang salita, na ‘Baseer’ – Ganap na Nakababatid sa lahat ng bagay na walang anuman ang naililihim sa Kanya.
2. Ang mga yaong gumagawa ng ‘Dzihâr’ sa kanilang mga asawa na sinasabi ng isa sa kanila sa kanyang asawa: “Ikaw para sa akin ay katulad ng likuran ng aking ina,” nang sa gayon ay maging bawal na sa kanya ang kanyang asawa ay sa katotohanan hindi naman talaga sila ang tunay nilang ina kundi sila ay kanilang mga asawa, dahil ang kanilang mga ina ay mga kababaihang nagsilang sa kanila. Kaya, katiyakang ang mga gumagawa ng ganitong gawain ay nakapagsabi sila ng mga karumal-dumal na kasinungalingan na wala sa katotohanan. At katiyakang ang Allâh (I) ay `Afûwun Ghafourun – Ganap na Mapagpatawad sa sinumang nakagawa ng ganitong kamalian, na siya ay taos-puso na agad na humihingi ng kapatawaran sa Allâh (I).
3. At ang mga yaong ipinagbabawal nila ang kanilang mga asawa sa kanilang mga sarili sa pamamagitan ng ‘Dzihâr,’ pagkatapos ay gusto nilang bawiin ang kanilang sinabi at nais na nilang makipagtalik sa kanilang asawa, ay nararapat sa asawang lalaki na gumawa ng ‘kaffarah’ – kabayaran sa kanyang ginawa, na ito ay pagpapalaya ng babaing mananampalatayang alipin o di kaya ay lalaki bago siya makipagtalik sa kanyang asawa, at ito ang batas ng Allâh (I) sa sinumang gumawa ng ‘Dzihâr’ sa kanyang asawa na ipinapayo Niya sa inyo, O kayong mga mananampalataya, upang hindi kayo makagawa ng ‘Dzihâr’ o makapagsabi ng ganitong kasinungalingan, at pagbabayaran ninyo kung kayo ay nakagawa ng katulad nito, at upang hindi na ninyo babalikan pa ang ganitong gawain, at ang Allâh (I) ay ‘Khabeer’ – Ganap ang Kanyang Kagalingan na walang anumang naililihim sa Kanya sa inyong mga gawain at ayon dito kayo ay tutumbasan.
4. At sinuman ang hindi makatatagpo ng alipin na kanyang papalayain ay nararapat sa kanya na mag-ayuno nang tuluy-tuloy na dalawang buwan bago siya makipagtalik sa kanyang asawa, at sinumang hindi makakayanan ang pag-ayuno nang tuluy-tuloy na dalawang buwan dahil mayroon siyang katanggap-tanggap na katwiran ay nararapat siyang magpakain ng animnapung mahihirap na sapat na pagkain. At ito ang paglilinaw Namin sa inyo ng Batas sa sinumang nakagawa ng ‘Dzihâr;’ upang kayo ay maniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo, at ipatupad ang Batas ng Allâh (I), at iwasan na ang anumang nakasayanan ninyo noong kapanahunan ng kamangmangan, at ang mga Batas na nabanggit ay pag-uutos ng Allâh (I) at Kanyang hangganan na itinakda para sa inyo, na kung kaya, huwag ninyong lampasan. At sa mga walang pananampalataya ay mayroong masidhing kaparusahan para sa kanya.
5. Katiyakan, ang mga yaong sumalungat sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo na sinalungat ang pag-uutos nilang dalawa ay ipahihiya sila ng Allâh (I), na katulad ng pagpapahiya sa mga nauna sa kanila na mga sambayanan na nilabag ang Allâh (I) at ang Kanyang mga Sugo. At katiyakang nagpahayag Kami ng malilinaw na mga talata na mga katibayan bilang pagpapatunay na ang batas ng Allâh (I) at ang Kanyang hangganang itinakda ay katotohanan. At para sa mga tumanggi sa mga talatang nabanggit ay parusang magpapahamak sa kanila sa Impiyernong-Apoy.
6. At alalahanin mo, O Muhammad, sa Araw ng Muling Pagkabuhay, na Araw na bubuhayin ng Allâh (I) ang lahat ng namatay, at titipunin ng Allâh (I) ang mula sa kauna-unahang tao hanggang sa kahuli-hulihang tao sa isang lugar, at sasabihin sa kanila ang kanilang kinasanayan na gawin, mabuti man o masama, na ito ay naitala ng Allâh (I) at ng Kanyang mga tagasulat sa ‘Al-Lawh Al-Mahfoudh,’ at pinangalagaan ng Allâh (I) sa kanila sa mga talaan ng kanilang gawain, samantalang sila ay nakalimutan na nila ang mga ito, at ang Allâh (I) ay Siyang ‘Shaheed’ – Testigo sa lahat ng bagay at walang anumang naililihim sa Kanya.
7. Hind mo ba alam na walang pag-aalinlangang batid ng Allâh (I) ang lahat ng bagay sa mga kalangitan at kalupaan? Na walang anumang nag-uusap na lihim na tatlong tao kundi ang Allâh (I) ay pang-apat dahil sa Kanyang Ganap na Kaalaman, samantalang Siya sa Kanyang Sarili ay nasa ibabaw ng Kanyang ‘Arsh (batay sa Kanyang Kamaharlikaan), at walang lima na nag-uusap nang ganoong kaparaanan kundi Siya ay pang-anim, kahit na kakaunti pa ang bilang kaysa rito o mas marami ay kasama pa rin nila ang Allâh (I) dahil sa Kanyang Ganap na Kaalaman, kahit saang dako man sila narorooon, walang naililihim sa Kanya ang hinggil sa kanila na kahit na anuman, at pagkatapos ay ipababatid Niya sa Araw ng Muling Pagkabuhay kung anuman ang kanilang ginawa mabuti man o masama at ayon dito sila ay tutumbasan. Katiyakang ang Allâh (I) ay Siyang ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam ng lahat ng bagay.
8. Hindi mo ba nakita, O ikaw na Sugo ng Allâh, ang mga Hudyo na ipinagbawal ang pag-uusap-usap sa kanila nang lihim dahil sa kaduda-dudang idinudulot nito sa kaisipan ng mga mananampalataya sa kanila, subali’t binalikan pa rin nila ang ipinagbawal na ito sa kanila at nagsabwatan pa rin sila nang lihim sa isa’t isa para sa kasalanan, pang-aapi at paglabag sa ipinag-utos ng Sugo? At kapag dumating sila sa iyo dahil sa anumang bagay ay babatiin ka nila ng pagbabati na iba sa pagbabati na iniutos ng Allâh (I) sa iyo, dahil kanilang sinabi: “As-Sâmu `alayka,” na ang ibig sabihin ay “Ang kamatayan ay sumaiyo,” at kanilang sinasabi sa pagitan nila: “Hindi kaya tayo parurusahan ng Allâh (I) sa sinasabi natin kay Muhammad kung siya ay totoo nga na Sugo ng Allâh (I),” sapat na sa kanila ang Impiyernong-Apoy na papasukan nila, at magdurusa sila sa sidhi ng init nito at napakasamang lugar na patutunguhan nila.
9. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo, kung kayo ay nag-uusap nang lihim sa pagitan ninyo, ay huwag kayong mag-usap para sa kasalanan na salita, o di kaya ay anumang pang-aapi sa iba, o di kaya ay labag sa utos ng Sugo, kundi pag-usapan ninyo ang anumang kabutihan, pagsunod at magandang pakikitungo, at matakot kayo sa Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsunod ninyo sa Kanyang ipinag-uutos at pag-iwas ninyo sa Kanyang ipinagbabawal, dahil sa Kanya lamang na Bukod-Tangi kayo patutungo, kasama ang lahat ng inyong mga gawain, mga salita, na Kanyang itinala sa inyo, at ayon dito kayo ay tutumbasan.
10. Katiyakan, ang pag-uusap nang lihim bilang kasalanan at pang-aapi ay kabilang sa mga ibinubuyo ni ‘Shaytân’ at siya ang nagdadala nito na pinapalamutian niya ito sa inyo; upang magkaroon ng lungkot ang mga puso ng mga mananampalataya. Subali’t hindi niya masasaktan sa pamamagitan nito ang mananampalataya maliban sa kung gugustuhin ng Allâh (I) at Kanyang nanaisin, at sa Allâh (I) na Bukod-Tangi nagtitiwala ang mga mananampalataya.
11. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, sundin ninyo ang Kanyang katuruan, kapag hiniling sa inyo na luwagan ninyo ang inyong mga pagitan sa isa’t isa mula sa inyong mga kinauupuan sa pagtitipun-tipon ay magbigay kayo ng puwang (o luwagan ninyo ang inyong mga pagitan sa isa’t isa), at luluwagan kayo ng Allâh (I) dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay, at kapag sinabi sa inyo, O kayong mga mananampalataya, na tumayo mula sa inyong kinauupuan dahil sa anumang bagay na ikabubuti ninyo ay tumayo kayo. Iniaangat ng Allâh (I) sa antas ang mga mananampalataya na mga malilinis ang kalooban mula sa inyo at iniaangat din ng Allâh (I) sa antas ang mga nagtatangan ng kaalaman ng mga matataas na antas na masaganang gantimpala na mga antas na kalugud-lugod sa Allâh (I). At ang Allâh (I) ay Siyang Ganap na Nakababatid ng inyong mga gawain, na walang anumang naililihim sa Kanya, at ayon dito kayo ay tinutumbasan. Dito sa talatang ito ang pagpapakita sa antas ng mga may kaalaman at ang kanilang katangian at taas ng kanilang mga antas.
12. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Kapag nais ninyo na sumangguni nang sarilinan sa Sugo ng Allâh (r), na kayo at siya lamang ay magbigay muna kayo ng kawanggawa sa mga nangangailangan, at ito ang mas higit na nakabubuti sa inyo dahil sa gantimpalang idudulot nito, at nakalilinis ng inyong mga puso mula sa mga kasalanan, at kung wala kayong makikitang kaparaanan para rito, samakatuwid ay walang kayong kasalanan; dahil katiyakang ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa Kanyang mga alipin na mga mananampalataya, na ‘Raheem’ – Ganap na Mapagmahal at Napakamaawain sa kanila.
13. Nangangamba ba kayo na maghihirap kung magbibigay kayo ng kawanggawa bago sumangguni nang sarilinan sa Sugo ng Allâh? Kung hindi ninyo ginawa ang ipinag-utos sa inyo ay pinatawad pa rin kayo ng Allâh (I), at pinahintulutan pa rin kayo na sumangguni nang sarilinan sa kanya kahit na hindi na ninyo ito gagawin, kung gayon, patatagin ninyo ang inyong mga sarili sa pananampalataya at magpatuloy kayo sa pagsasagawa ng ‘Salâh,’ at pagbibigay ng obligadong kawanggawa na ‘Zakâh,’ at pagsunod sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo sa lahat ng ipinag-utos sa inyo, at ang Allâh (I) ay ‘Khabeer’ – Ganap ang Kanyang Kagalingan na Nababatid Niya nang ganap ang inyong mga gawain, at ayon dito kayo ay tutumbasan.
14. Hindi ba ninyo nakikita ang mga mapagkunwari (‘munâfiqûn’) na itinuring nila ang mga Hudyo na mga kaibigan at mga minamahal? At ang mga mapagkunwari sa katotohanan ay hindi sila mga Muslim at hindi rin sila mga Hudyo, at sumusumpa sila ng kasinungalingan na sila (raw) ay mga Muslim, at ikaw naman ay walang pag-aalinlangang Sugo ng Allâh (r), at sila ay batid nila na kasinungalingan ang kanilang panunumpa.
15. Inihanda ng Allâh (I) sa kanila na mga mapagkunwari ang napakatindi at napakasidhing kaparusahan, dahil katiyakang napakasama ang kanilang ginawa na pagiging mapagkunwari at pagsumpa ng kasinungalingan.
16. Ginagamit ng mga mapagkunwari ang kanilang panunumpang kasinungalingan upang maging proteksiyon sa kanila sa kamatayan na mailigtas nila ang kanilang mga sarili na hindi patayin dahil sa kanilang di-paniniwala, nang sa gayon ay hindi sila kakalabanin ng mga Muslim at hindi pakikialaman ang kanilang mga kayamanan, at dahil doon hinarangan nila ang kanilang mga sarili at ang iba pa sa Daan ng Allâh (I) na ito ay Islâm, kaya para sa kanila ang parusang magpapahamak sa kanila sa Impiyerno; dahil sa kanilang pagmamataas sa pamamagitan ng pagtanggi sa paniniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo at pagharang sa Daan ng Allâh (I).
17. Hindi maililigtas ang mga mapagkunwari ng kanilang kayamanan at ganoon din ng kanilang mga anak mula sa kaparusahan ng Allâh (I). Sila ay mananatili sa Impiyerno magpasawalang-hanggan, na hindi sila makalalabas mula roon at doon ay hindi na sila magkakaroon pa ng kamatayan. At ang ganitong pagtutumbas o parusa ay para sa sinuman na hinarangan ang ‘Deen’ (o Relihiyon) ng Allâh (I) sa pamamagitan ng kanyang salita o gawa.
18. Sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay bubuhayin ng Allâh (I) ang lahat ng mga mapagkunwari mula sa kanilang mga libingan, at susumpa sila sa Kanya na sila ay mga mananampalataya, na katulad din ng pagsumpa nila sa inyo, O kayong mga mananampalataya sa daigdig, at iniisip nila na ang ginagawa nilang ito ay mapakikinabangan nila sa Allâh (I) na katulad ng pakinabang nila sa daigdig sa mga Muslim. Walang pag-aalinlangang dapat ninyong mabatid na sukdulan ang kanilang kasinungalingan na hindi ito nagawa ninuman bukod sa kanila.
19. Nadaig sila ni ‘Shaytân’ at nangibabaw sa kanila, hanggang sa sila ay hindi na sumunod sa mga Kautusan ng Allâh (I). Sila ang mga nasa panig ni ‘Shaytân’ at kanyang mga tagasunod. Katiyakan, na dapat ninyong mabatid na ang mga nasa panig ni ‘Shaytân’ ay sila ang tunay na mga talunan dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.
20. Katiyakan, ang mga yaong nilabag nila ang kautusan ng Allâh (I) at ng Kanyang Sugo, sila ang kabilang sa mga hamak na mga talunan na hahamakin sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.
21. Itinala ng Allâh (I) sa ‘Al-Lawh Al-Mahfoudh’ at pinagpasiyahan Niya na; “Ang pangingibabaw ay para sa Kanya, sa Kanyang Aklat, sa Kanyang mga Sugo at sa Kanyang mga alipin na mga mananampalataya.” Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Qawee’ Ganap na Malakas na hindi nagagapi, na ‘`Azeez’ – Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan na walang sinuman ang makadaraig sa Kanya.
22. Hindi ka makatatagpo, O Muhammad, ng mga tao na naniniwala sa Allâh (I) at sa Kabilang-Buhay at ipinatutupad nila ang batas ng Allâh (I) sa kanila, na pakamamahalin nila ang sinuman na kumakalaban sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, na lumabag sa kagustuhan ng Allâh (I) at Kanyang Sugo, kahit na sila pa ay kanilang magulang o di kaya ay kanilang mga anak o di kaya ay kanilang mga kapatid o di kaya ay kanilang mga kamag-anak.
Sila ang mga nagmamahal sa Allâh (I) at kumakalaban sa kalaban ng Allâh (I), na itinanim ng Allâh (I) ang kanilang Pananampalataya sa kanilang mga puso, at pinatatag sila sa pamamagitan ng tulong mula sa Kanya at pagtataguyod laban sa kanilang mga kalaban dito sa daigdig, at sa Kabilang-Buhay ay papapasukin sila sa mga Hardin na umaagos ang mga ilog sa ilalim ng mga puno nito, at sila ay mananatili roon magpasawalang-hanggan, ipagkakaloob ng Allâh (I) sa kanila roon ang Kanyang pagmamahal at hindi na sila kailanman kamumuhian ng Allâh (I), at mamahalin nila ang Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha dahil sa mga ipinagkaloob sa kanila na mga karangalan at mga matataas na antas. Sila ang mga nasa panig ng Allâh (I) at ang Kanyang mga lubos na minamahal, at sila ang magkakamit ng kaligayahan sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment