3
III – Sûrat Ãle `Imrân
[Ãle `Imrân – Ang Pamilya ni `Imrân]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Alif-Lãm-Mĩm – Ang mga titik na ito ng Alpabeto ng ‘Arabic’ ay nauna nang ipinaliwanag sa Sûratul Baqarah.
2. Siya ang Allâh (I)! ‘Lâ i-lâ-ha il-lâ Huwa’ – walang sinuman ang ‘Ilâh’ (Diyos na sinasamba) o bukod-tangi na may karapatan at karapat-dapat na sambahin kundi Siya, ‘Al-Hayyul-Qayyum:’ ‘Al-Hayy’ – ang Walang-Hanggang Buhay, nasa Kanya ang buong kahulugan ng pagkabuhay na angkop na angkop sa kanyang Kamaharlikaan. ‘Al-Qayyum’ – na Siya ay Tagapagtaguyod, Taga-pagkaloob at Tagapangalaga sa lahat ng bagay.
3-4. Ipinahayag Niya sa iyo, (O Muhammad r) ang Banal na Qur’ân nang buong katotohanan at walang pag-aalinlangan na ang nasa loob nito ay nagpapatotoo sa mga naunang Aklat at sa mga Sugo.
At ipinahayag Niya ang ‘Tawrah’ (Torah) kay Mousã (u) at ang ‘Injeel’ (Ebanghelyo) kay `Îsã (Hesus u) bago ang pagkakapahayag ng Qur’ân, bilang patnubay sa mga may takot sa Allâh (I) tungo sa tamang pananampalataya, at pagtutuwid sa kanilang ‘Deen’ at sa kanilang pamumuhay. At Kanyang ipinahayag ang pamantayan sa pagitan ng katotohanan at kamalian.
Katotohanan, ang mga yaong hindi naniwala sa ipinahayag na mga talata ng Allâh (I), ang para sa kanila ay masidhing kaparusahan. At ang Allâh (I) ay ‘`Azeez’ – Siya ay Kataas-taasan at Punung-puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan sa lahat na walang sinuman ang makahihigit sa Kanya, na Siya ang maghihiganti sa sinumang tumanggi sa Kanyang mga matibay na katibayan at palatandaan, at sa Kanyang pagiging bukod-tangi na karapat-dapat na sambahin.
5. Katiyakan, ang Allâh (I), batid Niya ang lahat ng Kanyang mga nilikha at walang anumang bagay ang maililihim sa Kanya sa kalupaan at sa kalangitan, kakaunti man ito o marami.
6. Siya ang tanging Lumikha sa inyo sa sinapupunan ng inyong mga ina batay sa Kanyang kagustuhan: maging ito man ay lalaki o babae, maganda o pangit, sawi o matagumpay. ‘Lâ i-lâ-ha il-lâ Huwa’ – walang sinuman ang ‘Ilâh’ (Diyos na sinasamba) o bukod-tangi na may karapatan at karapat-dapat na sambahin kundi Siya, ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan sa lahat na walang sinuman ang makahihigit sa Kanya, na ‘Al-Hakeem’ – ang Ganap na Maalam sa Kanyang pag-aatas at pangangasiwa.
7. Siya ang nag-iisang nagpahayag sa iyo, (O Muhammad r) ng Banal na Qur’ân, na ang nasa loob nito ay mga talata na mga malilinaw na palatandaan. Ito ang mga pundasyon ng Aklat na kapag may mga bagay na hindi nalilinawan, ito ang ginagamit na batayan, ito rin ang batayan sa mga bagay [na iniisip o inaakala ng tao] na may pagkakasalungatan, at naririto rin ang ibang mga talata na hindi tuwirang lantad ang kahulugan – na maaaring magtaglay ng ibang pakahulugan, – na ang mga ito ay mauunawaan lamang sa pamamagitan ng ibang mga talata na malilinaw, subali’t sa mga yaong ang puso ay may sakit na pagkaligaw dahil sa kanilang masamang layunin, ang sinusunod lamang nila ay ang mga ganitong uri ng talata na hindi lantad ang kahulugan, nang sa gayon ay makapagkalat sila ng mga pag-aalinlangan sa mga tao upang ang mga ito ay iligaw; at nagbibigay sila ng kanilang sariling pakahulugan na sang-ayon lamang sa kanilang maling paniniwala.
Walang sinuman ang nakaaalam ng tunay na mga kahulugan nito kundi ang Allâh (I) lamang. At yaong pinagkalooban ng malawak na kaalaman, kanilang sinasabi: “Pinaniniwalaan namin ang buong Qur’ân na dumating sa amin na nagmula sa aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha, ayon sa pagkakasalaysay ng Kanyang Sugo na si Propeta Muhammad (r).”
At ibinabatay nila ang anumang hindi lantad na mga kahulugan sa mga lantad na kahulugan; na kung kaya, ang tanging makaiintindi lamang at makapagsusuri ng mga kahulugan nito sa tamang pananaw ay ang sinumang pinagkalooban ng dalisay at matutuwid na pag-iisip.
8. At sinasabi nila: “O Allâh na aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Huwag Mong ilihis ang aming mga puso mula sa paniniwala sa Iyo pagkatapos Mong ipagkaloob sa amin ang Iyong gabay para sa Iyong ‘Deen,’ at ipagkaloob Mo sa amin mula sa Iyong kagandahang-loob ang malawak Mong biyaya at awa dahil sa Ikaw ay ‘Al-Wahhâb’ – Mapagbigay: Iyong masasaganang kagandahang-loob at biyaya na ito ay ipinagkakaloob Mo sa sinuman na Iyong nais nang walang hangganan.”
9. “O Allâh na aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Inaamin namin at tumitestigo kami na titipunin Mo ang lahat ng tao sa walang pag-aalinlangan na Araw --- ang Araw ng Muling Pagkabuhay. Katiyakan na hindi Mo nilalabag ang anuman na Iyong pangako sa Iyong mga alipin.”
10. Katiyakan, ang sinumang hindi naniwala sa katotohanan at ito ay kanilang tinanggihan, kailanman ay hindi sila magkakaroon ng pakinabang sa kanilang mga kayamanan ni sa kanilang mga anak, upang sila ay mailigtas sa kaparusahan ng Allâh (I) dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay; at sila ay mga panggatong sa Impiyernong-Apoy sa Araw ng Muling Pagkabuhay.
11. Ang katulad ng mga walang pananampalataya sa pagtanggi at pagpapasinungaling sa anumang ipinahayag sa kanila, ay katulad ng pag-uugali ng mga tauhan ni Pharaon (Fir`âwn) at saka ng mga walang paniniwala na nauna sa kanila.
Tinanggihan nila ang mga malinaw na palatandaan ng Allâh (I), na kung kaya, sila ay kaagad na pinarusahan ng Allâh (I) dahil sa kanilang pagpapasinungaling at pagmamatigas. At ang Allâh (I) ay matindi sa Kanyang pagpaparusa sa sinumang hindi naniwala sa Kanya at sa nagpasinungaling sa Kanyang mga Sugo.
12. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r), sa mga hindi naniwala mula sa mga Hudyo at iba pa, at sa mga minamaliit ang pagkapanalo sa labanan sa Badr: “Walang pag-aalinlangan na kayo (na mga Hudyo at iba pa) ay matatalo rito sa mundo at mamamatay na walang pananampalataya. At lilipulin kayo sa Impiyerno at ito ang inyong magiging tahanan magpasawalang-hanggan, na isang napakasamang paroroonan.”
13. Katiyakan, may dakilang palatandaan para sa inyo na mapagmataas na mga Hudyo at mga tumanggi, hinggil sa dalawang grupo na nagtagpo sa labanan sa Badr: grupo na nakipaglaban dahil sa ‘Deen’ ng Allâh (I) --- at sila ay sina Muhammad (r) at ang kanyang mga ‘Sahâbah’ (kasamahan), at ang isang grupo naman ay ang mga walang pananampalataya sa Allâh (I), na nakipaglaban dahil sa kamalian. Nakikita nila (ng mga walang pananampalataya) mismo (sa pamamagitan) ng kanilang mga mata, na ang mga mananampalataya ay doble sa kanilang bilang, na naging sanhi ng kanilang pagkapanalo (mga mananampalataya) sa kanilang kalaban.
At ang Allâh (I), itinataguyod Niya ang sinuman na Kanyang nais sa Kanyang mga alipin sa pamamagitan ng Kanyang tulong.
Sa pangyayaring ito, isang malaking aral sa sinumang tao na pinagkalooban ng matinong pag-iisip, na ginagabayan sila upang maunawaan nila ang batas ng Allâh (I) at ang Kanyang mga gawa.
14. Ginawang kahali-halina sa mga tao ang pagsunod sa kanilang mga pagnanasa at kagustuhan: mga babae, mga anak at maraming kayamanan na nagmumula sa mga ginto at pilak; at mga magagandang kabayo at mga inaalagaang hayop na tulad ng kamelyo, baka at kambing, at lupain na tinataniman.
Ito ang mga palamuti ng makamundong buhay at pansamantalang kaligayahan, subali’t nasa Allâh (I) ang pinakamagandang patutunguhan at gantimpala na ‘Al-Jannah.’
15. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Sasabihin ko ba sa inyo ang nakahihigit na kabutihan kaysa sa mga palamuti ng makamundong buhay sa pananaw ng mga tao, na ito ay para sa sinuman na maingat at natatakot sa kaparusahan ng Allâh (I) --- (ang nakahihigit na kabutihan kaysa sa mga palamuti ng makamundong buhay) ay ang mga hardin na may umaagos na mga ilog sa ilalim ng mga palasyo at puno nito. Sila ay mananatili roon magpakailanman.
“Ang para pa rin sa kanila ay mga asawang malilinis mula sa sanhi ng buwanang-dalaw (o regla), dugo na sanhi ng panganganak at masasamang pag-uugali. (At karagdagan) na para pa rin sa kanila na higit pa kaysa sa mga ito (na nabanggit) ay ang lubusang pagmamahal ng Allâh (I) (sa kanila).”
At ang Allâh (I) ay ‘Baseer’ – Walang-Hanggang Nakakikita, Ganap na Nakababatid ng anumang lihim ng Kanyang mga nilikha, Ganap na Nakaaalam ng lahat ng nangyayari sa kanila at sa pamamagitan nito sila ay gagantihan.
16. Yaong mga alipin na may takot sa Allâh (I), sinasabi nila: “O Allâh na aming ‘Rabb!’ Kami ay naniwala sa Iyo at sumunod sa Iyong Sugo na si Propeta Muhammad (r). Na kung kaya, patawarin Mo kami sa aming mga kasalanan at iligtas Mo kami sa kaparusahan sa Impiyerno.” [23]
17. Sila ang mga matiisin sa pamamagitan ng kanilang pagsunod, pag-iwas sa mga kasalanan, at sa mahihirap na pagsubok na itinakda ng Allâh (I) para sa kanila; at mga matatapat sa kanilang mga pananalita, mga gawa at ganap na pagsunod.
At ganoon din sa kanilang paggasta nang palihim at lantaran sa Daan ng Allâh (I); at sa kanilang paghingi ng kapatawaran sa mga huling oras ng gabi, dahil (sa mga oras na) yaon ang malaking pagkakataon ng pagtanggap sa mga panalangin.
18. Tumitestigo ang Allâh (I) na Siya ay Bukod-Tangi na ‘Ilâh’ o Diyos na karapat-dapat sambahin; at kasabay ng Kanyang pagtestigo ay ang pagtestigo ng mga anghel; at maging yaong mga nagtatangan ng kaalaman ay sinaksihan ang napakadakilang bagay na ito --- ang Kanyang Kaisahan at sa Kanyang pananatili sa pagiging makatarungan sa Kanyang mga nilikha. Walang sinuman ang bukod-tangi na may karapatan at karapat-dapat na sambahin kundi Siya, na ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan sa lahat, na walang sinuman ang makapipigil sa anuman na Kanyang nais, na ‘Al-Hakeem’ – ang Ganap na Maalam sa anuman na Kanyang mga sinasabi at mga ginagawa.
19. Katiyakan, ang ‘Deen’ na katanggap-tanggap sa Allâh (I) para sa Kanyang mga nilikha, na ito ang naging dahilan ng pagkakapadala Niya ng mga Sugo, at wala Siyang tatanggapin maliban (sa ‘Deen’ na) ito. Ito ay ang Al-Islâm, ang pagsuko sa Kanya --- pagsuko sa Allâh (I) na Nag-iisa sa pamamagitan ng pagsunod at pagpapasailalim sa Kanya bilang alipin; at pagsunod sa lahat ng ipinahayag ng Allâh (I) sa pamamagitan ng Kanyang mga Sugo sa bawa’t panahon hanggang sa ito ay tinapos sa pamamagitan ni Propeta Muhammad (r). Na wala nang tatanggapin pa ang Allâh (I) na ‘Deen’ sa kaninuman maliban sa ‘Al-Islâm,’ na siyang dahilan ng pagkakapadala sa kanya (kay Propeta Muhammad r).
At hindi nangyari ang anumang pagkakasalungatan sa pagitan ng mga ‘Ahlul Kitâb’ (mga taong nagtatangan ng mga naunang Kasulatan) – mga Hudyo at mga Kristiyano, hanggang sa sila ay nagkahiwa-hiwalay sa isa’t isa sa maraming grupo (sekta), kundi pagkatapos nang lumitaw sa kanila ang katibayan sa pagkakapadala ng mga Sugo at pagkakapahayag ng mga Aklat; na ang dahilan ng kanilang pagkainggit at panibugho sa isa’t isa ay dahil sa hangaring makamundo.
At sinuman ang sasalungat sa mga talata ng Allâh (I) na Kanyang ipinahayag bilang Kanyang mga Palatandaan, at katibayan ng Kanyang pagiging ‘Rabb’ na Tagapaglikha at pagiging ‘Ilâh’ na karapat-dapat sambahin, samakatuwid, walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I), mabilis Siyang tumuos at gagantihan sila sa anuman na kanilang nagawa.
20. Kung makikipagtalo sa iyo ang mga ‘Ahlul Kitâb,’ O Muhammad (r), hinggil sa Kaisahan ng Allâh (I), pagkatapos mong iharap sa kanila ang mga katibayan, sabihin mo sa kanila: “Ako ay taimtim na sumusuko sa Kaisahan ng Allâh (I) at hindi ako sasamba ng iba kundi sa Kanya lamang; ganoon din ang mga sumunod sa akin na mga mananampalataya, taimtim sila sa Allâh (I) at sumusunod sa Kanya bilang mga Muslim.”
At sabihin mo sa kanila, ganoon din sa mga paganong Arabo at iba pa: “Kapag isinuko ninyo ang inyong mga sarili at tinanggap ang Islâm, kayo ay nasa Matuwid na Landas, gabay at katotohanan. Subali’t kapag kayo ay tumalikod, ang Allâh (I) ang bahala na Makikipagtuos sa inyo. Ang tungkulin ko lamang ay ang pagpapahayag, at walang pag-aalinlangan na nagpahayag ako sa inyo at nagpakita ng katibayan.” At ang Allâh (I) ay ‘Baseer’ – Walang-Hanggan at Ganap na Nakakikita sa Kanyang mga alipin at walang anumang bagay hinggil sa kanila ang maililihim sa Kanya.
21. Katiyakan, yaong tumanggi sa mga malinaw na palatandaan, at sa lahat ng mga dinala ng mga Sugo, at pinapatay nila ang mga Propeta ng Allâh bilang patunay ng kanilang sukdulang kasamaan, gayong wala naman silang karapatang pumatay, at pinapatay nila ang mga nag-uutos ng pagiging makatarungan at sumusunod sa Daan ng mga Propeta. Samakatuwid, ipamalita mo sa kanila ang masidhing kaparusahan.
22. Sila ang mga yaong nawalan ng saysay ang kanilang mga gawain dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay; at hindi tatanggapin sa kanila ang anumang kabutihan, wala rin silang tagapagtaguyod upang mailigtas nila ang kanilang mga sarili mula sa kaparusahan ng Allâh (I).
23. Nakakita ka ba, O Muhammad (r) ng higit pang nakagugulat kaysa sa mga Hudyo na binahaginan ng Allâh (I) ng kasulatan, na alam nila na ang dala-dala mo ay katotohanan, na nag-aakay sa kanila tungo sa Aklat ng Allâh (I) na Banal na Qur’ân, upang ayusin ang kanilang hindi pinagkakasunduan – ang pagtatalo sa isa’t isa; subali’t kapag ito ay hindi sumasang-ayon sa kanilang kagus-tuhan, tumatanggi ang karamihan sa kanila sa batas ng Allâh (I) dahil kinaugalian na nila ang tumanggi sa katotohanan?
24. At ang pagtanggi nilang ito sa katotohanan, ay dahil sa maling paniniwala ng ‘Ahlul Kitâb,’ na sila raw ay hindi parurusahan ng Allâh (I) kundi sa mabibilang na mga araw lamang; at ang paniniwala nilang ito ang nagtulak sa kanila sa kanilang pagiging matapang sa paglabag sa Allâh (I) at panlalait sa Kanyang ‘Deen,’ at pananatili nila sa kanilang ‘deen’ o relihiyon na mali, na sa pamamagitan nito ay dinaya nila ang kanilang mga sarili.
25. Paano kaya ang mangyayari sa kanila (paano kaya ang magiging kalagayan nila), kapag sila ay tinipon na ng Allâh (I) upang pagbayarin, sa walang pag-aalinlangan na Araw, ang Araw ng Muling Pagkabuhay at makakamit ng bawa’t isa ang ganap na kabayaran sa anuman na kanyang nagawa, na hindi sila dadayain?
26. Sabihin mo, O Muhammad (r), sa pagharap mo sa iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha upang manalangin: “O Allâh (I) na nagtataglay ng lahat ng Kaharian, Ikaw ang tanging nagkakaloob ng kaharian, yaman at pamamahala sa ibabaw ng kalupaan sa sinuman na Iyong nais mula sa Iyong nilikha; at kinukuha Mo ang kaharian sa sinuman na Iyong nais, at pinagkakalooban Mo ng kapangyarihan dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay ang sinuman na Iyong nais, at hinahamak Mo ang sinuman na Iyong nais. Nasa Iyong Kamay ang kabutihan. Katiyakan, Ikaw ay ‘Qadeer’ – Walang-Hanggan at Ganap na Makapangyarihan na may kakayahang gawin ang lahat ng bagay at walang sinuman ang makapipigil sa Iyo.” Ang talatang ito ay patunay na ang Allâh (I) ay mayroong Kamay na angkop sa Kanyang Kamaharlikaan.
27. At kabilang sa mga tanda ng kapangyarihan Mo, O Allâh (I) ay ipinapasok Mo ang gabi sa araw at ang araw ay ipinapasok Mo sa gabi, kaya minsan ito ay nagiging mahaba at minsan ito ay nagiging maikli; at inilalabas Mo ang may buhay mula sa patay na walang buhay, na katulad ng pananim mula sa butil, ng sumasampalataya mula sa lumalabag; at inilalabas Mo ang isang patay (na bagay) mula sa buhay na katulad ng paglabas ng itlog mula sa manok; at nagkakaloob Ka ng kabuhayan sa sinuman na Iyong nais mula sa Iyong nilikha nang walang hangganan.
28. Ipinagbabawal ng Allâh (I) sa mga mananampalataya na gawin nila bilang kanilang ‘Awliyâ`’ (– taong pakamamahalin at gagawing tagapagtaguyod) ang mga walang pananampalataya, na ito ay mamahalin at tatangkilikin, na sa halip ay mananampalataya ang kanilang gawing ‘Awliyâ`,’ at sinuman ang gumawa nito ay wala na siyang pag-asa pa na gabayan ng Allâh (I) sa anumang kaparaanan at tatanggihan siya ng Allâh (I).
Maliban lamang kung kayo ay mahihina na natatakot sa anumang panganib na magmumula sa kanila, na sa ganitong kadahilanan ay pinahihintulutan kayo na makipagpayapa sa kanila para maiwasan ang kanilang kasamaan hanggang sa kayo ay magkaroon ng lakas.
At binabalaan kayo ng Allâh (I) laban sa Kanyang Sarili hinggil sa Kanyang kaparusahan, na kung kaya, katakutan ninyo Siya; at sa Allâh (I) lamang na Nag-iisa at Bukod-Tangi, ang huling hantungan ng Kanyang mga nilikha para sa pagtutuos at pagkakamit ng kabayaran.
29. Sabihin mo, O Muhammad (r) sa mga nananampalataya: “Kung ilihim man ninyo ang anuman na nasa inyong kalooban na pakikipagsabwatan sa mga walang pananampalataya at pagtataguyod sa kanila o kung ito man ay inyong ilantad, (anuman ang inyong gawin) ay hindi (pa rin) ito maaaring mailihim sa Allâh (I); dahil Siya, nalalaman Niya ang anumang bagay at batid Niya ang mga nasa kalangitan at kalupaan, at Siya ay ‘Qadeer’ – Walang-Hanggan at Ganap na Makapangyarihan sa lahat ng bagay.”
30. Sa Araw ng Muling Pagkabuhay na Araw ng Pagbabayad, matatagpuan ng bawa’t isa ang anuman na kanyang nagawa na mabuti, ito ay nag-aabang sa kanya at ihaharap sa kanya ang kanyang gantimpala. Ang anumang nagawa niyang masama ay nag-aabang (rin) sa kanya at nanaisin niya na ito – ang kanyang nagawang masama ay mapalayo nang pagkalayu-layo mula sa kanya. Na kung kaya, paghandaan ninyo ang Araw na ito, katakutan ninyo ang galit ng Allâh (I) na walang hanggang Makapangyarihan.
At ang Allâh (I), binabalaan Niya kayo mismo sa pamamagitan ng Kanyang Sarili sa tindi ng Kanyang parusa; magkagayunpaman, Siya rin ay ‘Raouf’ – Punung-Puno ng Kabutihan sa Kanyang mga alipin.
31. Sabihin mo, O Muhammad (r): “Kung kayo ay tunay na nagmamahal sa Allâh (I), ako ang dapat ninyong sundin, maniwala kayo sa akin, lantad man ito o lihim, upang mahalin kayo ng Allâh (I); at patatawarin Niya ang inyong mga kasalanan, sapagka’t ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa kasalanan ng Kanyang mga alipin na sumasampalataya, na ‘Raheem’ - Pinakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila.” Ang talatang ito ng Banal na Qur’ân ay nagpapatunay na ang sinumang nag-aangkin ng pagmamahal sa Allâh (I), subali’t hindi naman siya sumusunod sa Kanyang Propeta na si Propeta Muhammad (r) nang tamang pamamaraan ng pagsunod sa kanya, sa kanyang mga ipinag-uutos at ipinagbabawal; samakatuwid, siya ay sinungaling sa kanyang pag-aangkin hanggang hindi niya sinusunod ang Sugo ng Allâh sa tamang pamamaraan ng pagsunod.
32. Sabihin mo, O Muhammad (r): “Sumunod kayo sa Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang Aklat, at sumunod sa Kanyang Sugo sa pamamagitan ng pagsunod sa kanyang ‘Sunnah’ at sa kanyang pamamaraan, noong siya ay nabubuhay pa at pagkatapos niyang mamatay.” Subali’t kapag sila ay tumalikod at nagpumilit na manatili sa kanilang pagtanggi at pagkaligaw, hindi sila nararapat na mahalin ng Allâh (I); katiyakan, ang Allâh (I) ay walang pagmamahal sa mga walang pananampalataya.
33. Katiyakan, ang Allâh (I), pinili Niya si Âdam (u), si Nûh (Noah u), ang pamilya ni Ibrâhim (u), at ang pamilya ni `Imrân at ginawa sila na bukod-tangi sa lahat ng mga tao sa kani-kanilang kapanahunan.
34. Sila ang mga Propeta at mga Sugo, na mga dalisay na magkakadugtung-dugtong na mga angkan, na sila ay taimtim sa Allâh (I) sa Kanyang Kaisahan at pagsunod sa Kanyang Rebelasyon. At ang Allâh (I) ay ‘Samee`’ – Walang-Hanggan at Ganap na Nakaririnig ng lahat ng sinasabi ng Kanyang mga alipin, na ‘`Aleem’ – Walang-Hanggan at Ganap na Nakaaalam ng lahat ng kanilang mga ginagawa, na kung kaya, sila ay gagantihan ayon sa kanilang ginawa.
35. Ipaalaala mo, O Muhammad (r), ang nangyari kay Maryam (Maria) at sa kanyang ina at sa kanyang anak na si `Îsã (Hesus u), upang tugunan ang sinumang nag-aangkin nang pagiging ‘Ilâh’ (Diyos) ni `Îsã na sinasamba o di kaya ay sa kanyang pagiging anak ng Allâh (I); noong sinabi ng asawa ni `Imrân habang siya ay nagdadalang-tao:
“O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Ako ay nangangako sa Iyo na ipagkakaloob ko sa Iyo ang nasa aking sinapupunan, bilang taimtim na pangako mula sa akin, na siya ay pagsisilbihin ko sa ‘Baytul Maqdis’ (Falisteen), na kung kaya hinihiling ko na ito ay tanggapin Mo sa akin, dahil Ikaw lamang ang ‘As-Samee`’ – ang Ganap na Nakaririnig ng aking panalangin, na ‘Al-`Aleem’ – ang Ganap na Nakaaalam ng aking layunin.”
36. Noong nabuo ang kanyang pagdadalang-tao, ipinanganak niya ang kanyang sanggol na babae, sinabi niya:
“O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Ang aking ipinanganak ay babae at hindi maaaring manilbihan sa ‘Baytul Maqdis.’ Subali’t ang Allâh (I) ang Nakaaalam kung anuman ang kanyang isinilang at ito ay pagkakalooban ng Allâh (I) ng di-pangkaraniwang katangian.”
At sinabi niya: “Hindi maaari na ang lalaki na aking hinahangad para manilbihan ay katulad ng babae. Dahil ang lalaki ay higit na malakas at karapat-dapat sa paninilbihan; gayunpaman, pinangangalanan ko siya ng Maryam [24] at hinihiling ko ang kalinga Mo para sa kanya at sa kanyang magiging pamilya mula sa ‘Shaytân’ (Satanas) na isinumpa at inilayo mula sa Iyong Awa.”
37. Dininig ng Allâh (I) ang kanyang panalangin at tinanggap sa kanya ang pangako ng magandang pagtanggap. At pinangalagaan ng Allâh (I) ang kanyang anak na si Maryam, inaruga at siya ay lumaki sa mabuting aral ng magandang paglaki; at ginawa ng Allâh (I) na maging madali para sa kanya ang pangangalaga ni Zakariyâ (u), kaya siya (Maryam) ay pinatira sa kanyang lugar na sambahan (‘Al-Mihrâb’). Sa tuwing papasok sa lugar na ito si Zakariyâ (u) ay natatagpuan niya ang mga nakahain na masasarap na pagkain.
Sinabi ni Zakariyâ (u): “O Maryam, saan nanggaling ang mga ‘rizq’ (mabuting pagkain) na ito?” Sinabi niya: “Ito ay biyaya na nagmula sa Allâh (I). Sa katotohanan ang Allâh (I), sa Kanyang kagandahang-loob, binibiyayaan Niya ang sinuman na Kanyang nais mula sa Kanyang mga nilikha nang walang hangganan.”
38. Noong nakita ni Zakariyâ (u) ang kagandahang-loob ng Allâh (I) kay Maryam sa pamamagitan ng pagbibigay ng biyaya, humarap siya sa Allâh (I) na kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at nanalangin, na nagsabi:
“O aking ‘Rabb!’ Pagkalooban Mo ako ng anak mula sa Iyo, na mabuti, matuwid at mabiyaya. Dahil Ikaw ay ‘Samee`’ – Ganap na Nakaririnig ng mga panalangin ng sinumang nananalangin sa Iyo.”
39. Tinawag siya ng mga anghel habang siya ay nakatayo na nakaharap sa Allâh (I), sa lugar na dasalan na nananalangin. Kanilang sinabi:
“Katiyakan, binibigyan ka ng Allâh (I) ng magandang balita na ikaw ay pagkakalooban ng anak na ang pangalan ay Yahya (Juan u), patutunayan siya sa pamamagitan ng salita na mula sa Allâh (I), na ito ay si `Îsã (Hesus u) na anak ni Maryam, [25] na siya ay magiging pinuno sa kanyang sambayanan, at siya ay ikararangal sa mataas na antas, at ilalayo siya mula sa mga kasalanan, at mga nakapipinsalang kahalayan, at siya ay magiging Propeta na kabilang sa mga mabubuti na mga yaong inabot nila ang pinakamataas na antas ng kabutihan.”
40. Si Zakariyâ (u) ay nagsabi na may katuwaan at pagtataka: “O aking ‘Rabb!’ Paano ako magkakaroon ng sanggol samantalang ako ay inabot na ng katandaan at ang aking asawa ay isang baog at hindi maaaring magkaanak? Sinabi ng anghel: “Ganoon ang Allâh, gumagawa ng anuman na Kanyang nais na mga gawain na hindi pangkaraniwan.”
41. Si Zakariyâ (u) ay nagsabi: “O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Bigyan Mo ako ng tanda, na magiging katibayan na ang sanggol ay magmumula sa akin, nang sa gayon, ako ay matuwa at masiyahan.”
Kanyang sinabi: “Ang tanda na iyong hinihiling ay hindi mo makakayanang magsalita sa mga tao ng tatlong araw maliban sa mga senyas. Kahit na ikaw ay walang karamdaman, at sa mga panahong yaon, dalasan mo ang pagpuri sa iyong ‘Rabb’ at pagdarasal sa mga dulo ng umaga at sa mga umpisa nito.”
42. At ipaalaala mo, O Muhammad (r), nang sinabi ng mga anghel: “O Maryam, katotohanan ang Allâh (I) ay pinili ka para sumunod sa Kanya, at nilinis ka mula sa mga masasamang pag-uugali at kahalayan; at bukod-tangi kang pinili sa lahat ng mga kababaihan sa sangkatauhan sa iyong kapanahunan.
43. “O Maryam! Ipagpatuloy mo ang iyong pagsunod sa iyong ‘Rabb’ at tumayo ka na may pagkatakot at pagpapakumbaba, mag-‘sujud’ (magpatirapa) ka at yumuko na kasama ng mga yaong yumuyuko bilang pasasalamat sa Allâh (I) sa Kanyang mga biyayang ipinagkaloob sa Iyo.”
44. Ang mga ikinukuwento Naming ito sa iyo, O Muhammad (r) ay mula sa mga nakatagong kuwento na ipinahayag ng Allâh (I) sa iyo, dahil hindi ka naman nila nakasama noong sila ay di-nagkasundo kung sino sa kanila ang mag-aalaga kay Maryam, kung sino ang may karapatan nito.
At naganap sa pagitan nila ang paligsahan na palabunutan sa pamamagitan ng pagtapon ng kanilang mga panulat, [26] at ang nagwagi ay si Zakariyâ (u) at siya samakatuwid ang nag-alaga sa kanya.
45. At wala ka roon, O Propeta ng Allâh, nang sinabi ng mga anghel: “O Maryam! Katotohanan ang Allâh (I), binibigyan ka Niya ng magandang balita ng isang sanggol na mangyayari sa pamamagitan ng salita ng Allâh (I) na sasabihin sa kanya na ‘kun’ – maging, ‘fa yakun’ – at ito ay magiging (maganap at ito ay kaagad na magaganap).
“Ang kanyang pangalan ay ‘Al-Masih, `Îsã ibnu Maryam’ (ang Messiah, Hesus na anak ni Maria) at siya ay igagalang dito at sa Kabilang-Buhay; at kabilang sa mga malalapit sa Allâh (I) sa Araw ng Muling Pagkabuhay.”
46. “At siya ay magsasalita sa mga tao habang siya ay isang sanggol pa lamang sa duyan pagkapanganak sa kanya at makikipag-usap din siya sa kanila pagdating ng kanyang hustong gulang, ayon sa kung ano ang ipinahayag sa kanya.”
“Ang pakikipag-usap na ito na kanyang gagawin ay pakikipag-usap bilang Propeta, pamamahayag at pagpapatnubay. At isa siya sa mga mabubuting tao, matuwid sa kanyang pananalita at gawa.”
47. Sinabi ni Maryam, na nagugulat sa balita: “Paano ako magkakaroon ng anak gayong wala naman akong asawa at hindi ako masamang babae?” Sinabi sa kanya ng anghel: “Ito ay mangyayari, hindi ito kataka-taka sa kapangyarihan ng Allâh (I), na Siyang lumikha ng anuman na Kanyang nais mula sa wala. Kapag Siya ay nagpasiya na lumikha ng anumang bagay, sinasabi Niya lamang dito ‘kun’ – maging, ‘fa yakun’ – at ito ay magiging (maganap at ito ay kaagad na magaganap).”
48. At tuturuan siya ng Allâh (I) na sumulat, at ng matuwid na pananalita at gawa; ituturo (rin) sa kanya ang ‘Tawrah’ na ipinahayag kay Mousã (u) at ganoon din ang ‘Injeel’ na ipinahayag sa kanya (`Isã u).
49. At gagawin siyang Sugo sa mga angkan ni Isrâ`il at sasabihin sa kanila: “Ako ay dumating sa inyo na may dalang palatandaan mula sa Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na nagpapatunay na ako ay Sugo mula sa Kanya (I).
“At ako ay maghuhugis mula sa luwad (‘clay’) ng kamukha ng ibon at (pagkatapos ay) hihingahan ko ito upang ito ay maging isang tunay na ibon sa kapahintulutan ng Allâh (I).
“Pagagalingin ko ang ipinanganak na bulag, at gayundin ang mga ketongin, at bubuhayin ko ang namatay sa kapahintulutan ng Allâh (I). At sasabihin ko sa inyo kung ano ang inyong kakanin at kung ano ang inyong itatabing pagkain sa inyong mga tahanan.
“Katotohanan, ito ay mga dakilang pangyayari na wala sa kakayahan ng sinumang tao kundi patunay lamang na ako ay Propeta ng Allâh at Kanyang Sugo, kung kayo ay naniniwala sa katibayan ng Allâh (I) at sa Kanyang mga talata at sumasaksi sa Kanyang Kaisahan.”
50. “Ako ay naparito sa inyo, na magpapatotoo sa kung ano ang nilalaman ng ‘Tawrah’ at ipahihintulot sa inyo sa pamamagitan ng kapahayagan mula sa Allâh (I) ang ilan na ipinagbawal sa inyo ng Allâh (I) upang luwagan kayo bilang Awa mula sa Allâh (I).
“At dala-dala ko (rin) sa inyo ang mga palatandaan mula sa inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha bilang patunay na ang aking mga sinasabi sa inyo ay totoo; na kung kaya, katakutan ninyo ang Allâh (I), at huwag ninyong labagin ang Kanyang ipinag-utos, at sumunod kayo sa akin sa anumang ipinapahayag ko sa inyo mula sa Allâh (I).
51. “Katiyakan, ang Allâh (I) ay Bukod-Tangi na aking ‘Rabb’ at inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na ako ay nanghihikayat sa inyo tungo sa Kanya; na kung kaya, sambahin ninyo Siya. Dahil ako at kayo ay pareho sa pagkaalipin at pagpapakumbaba sa Kanya. Ito ang Matuwid na Landas.”
52. Noong mabatid ni `Îsã (Hesus u) ang kanilang di-pagtanggap, nanawagan siya sa kanyang tunay na mga tagasunod, at sinabi: “Sino ang sasama sa akin para itaguyod ang ‘Deen’ ng Allâh (I)?”
Sinabi ng kanyang mga Hawâriyyun (mga piling-piling disipulo): “Kami ang tagapagtaguyod ng ‘Deen’ ng Allâh (I) at nanghihikayat patungo rito. Naniwala kami sa Allâh (I) at sumunod sa iyo; na kung kaya, tumestigo ka para sa amin na kami ay mga Muslim – taimtim at ganap na sumusuko sa Allâh (I) sa pamamagitan ng paniniwala sa Kanyang Kaisahan at pagsunod sa Kanya.
53. “O Allâh na aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Pinaniwalaan namin ang anuman na iyong ipinahayag na ‘Injeel,’ at sinunod namin ang Iyong Sugo na si `Îsã (Hesus u); na kung kaya, ibilang Mo kami sa mga sumaksi sa Kaisahan Mo at sa pagkasugo ng lahat ng Iyong mga Propeta. Sila ang sambayanan ni Propeta Muhammad (r) na sumasaksi sa lahat ng mga Sugo, na naipahayag nila ang mensahe sa kani-kanilang mga sambayanan.”
54. At nagpakana ang mga walang pananampalataya mula sa angkan ni Isrâ`il sa pamamagitan ng pagpili ng mga tao na papatay kay `Îsã (u) nang pataksil; na kung kaya, ginawa ng Allâh (I) na maging kamukha ni `Îsã (u) ang taong nagturo (o nagkanulo) sa kanya; at siya ang nahuli nila, pinatay at ipinako, sa pag-aakala na siya ay si `Îsã (u). Tinumbasan ng Allâh (I) ang kanilang mga pakana nang higit pa kaysa roon. Ang talatang ito ang patunay na ang ‘Makr’ (pantumbas sa masamang gawain) ay kabilang sa katangian ng Allâh (I) na naaayon sa Kanyang Kadakilaan at Kaganapan, dahil ang Kanyang ‘Makr’ ay karapat-dapat at para tapatan ang mga pakana ng mga masasama.
55. Ang ginawang ‘Makr’ ng Allâh (I) laban sa kanila noong sinabi ng Allâh (I) kay `Îsã (u) na: “Kukunin kita mula sa kalupaan nang walang anumang masamang mangyayari sa iyo, at iaangat kita papunta sa Akin kasama ang iyong buong katawan at kaluluwa. At ililigtas kita mula sa mga di-naniwala sa iyo.
“At gagawin ang mga yaong sumunod sa iyo, at sa anuman na iyong dinala mula sa Allâh (I) na ‘Deen’ (batas o pamamaraan ng pamumuhay), at sa ipinahayag na magandang balita hinggil sa pagdating ni Muhammad (r) na sila ay naniwala kay Muhammad (r) pagkatapos siyang isugo ng Allâh (I) at nanatili sila sa batas na yaon --- na sila ay mangingibabaw sa sinumang hindi naniwala sa iyong pagiging Propeta (O `Îsã u) hanggang sa Araw ng Muling Pagkabuhay. Pagkatapos, sa Araw ng Pagbabayad, kayong lahat ay magbabalik sa Akin, upang linawin ang hindi ninyo pinagkaunawaan sa isa’t- isa hinggil kay `Îsã (u).”
56. “Subali’t ang sinumang hindi naniwala kay `Îsã Al-Masih (u) mula sa mga Hudyo at saka yaong mga nagmalabis mula sa mga Kristiyano, parurusahan Ko sila ng matinding kaparusahan dito sa mundo sa pamamagitan ng pagpatay o pagkawala ng kayamanan at kaharian; at sa Kabilang-Buhay ay mananatili sila sa Impiyernong-Apoy at wala silang sinuman na maaaring maging taga-pagtaguyod upang sila ay tulungan at iahon mula sa kaparusahan ng Allâh (I).”
57. At ang sinumang naniwala sa Allâh (I), sa lahat ng mga Sugo at gumawa ng mabubuting gawa; ipagkakaloob sa kanila ng Allâh (I) ang gantimpala sa kanilang mga gawain, ganap at walang pagkukulang. At ang Allâh (I) ay hindi nagmamahal sa mga gumagawa ng masama, gumagawa ng pagtatambal o pagsamba ng iba bukod sa Allâh (‘shirk’) at ‘kufr’ (pagtanggi).
58. Ito ang Aming kuwento sa iyo hinggil kay `Îsã (Hesus u) bilang malinaw na palatandaan na ang iyong mensahe ay totoo; ganoon din ang Banal na Qur’ân, na siyang pamantayan sa pagitan ng katotohanan at kamalian; at walang pag-aalinlangan ang anuman na nasa loob nito.
59. Katiyakan, ang paglikha ng Allâh (I) kay `Îsã (u) na walang ama ay katulad ng paglikha ng Allâh (I) kay Âdam (u) nang walang ama’t ina. Dahil siya ay nilikha Niya mula sa alabok, pagkatapos sinabi sa kanya na maging tao at ito ay naging (o naganap). Na kung kaya, ang pag-angkin na siya ay ‘Ilâh’ (diyos na dapat sambahin o sinasamba), dahil sa siya ay nilikha na walang ama ay mali at kasinungalingan na pag-aangkin, sapagka’t si Âdam (u) ay walang ama at ina; subali’t, ang lahat ay nagkasundo na siya ay alipin din lamang na katulad ng ibang mga alipin ng Allâh (I).
60. Ang anumang dumating sa iyo, O Muhammad (r) mula sa iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, ang siyang katotohanan na walang pag-aalinlangan hinggil kay `Îsã (u); na kung kaya, panatilihin mo ang katiyakan sa iyong sarili, at sa kung anuman na iyong katayuan bilang pag-iwas sa mga pagsisinungaling; at huwag mong ibilang ang iyong sarili sa mga nag-aalinlangan. At ito ang pagpapatatag at pagpapanatag sa kalooban ni Propeta Muhammad (r).
61. Na kung kaya, sinuman ang makikipagtalo sa iyo, O Muhammad (r) hinggil kay `Îsã Al-Masih (u) na anak ni Maryam, pagkatapos dumating sa iyo ang kaalaman hinggil kay `Îsã (u), sabihin mo sa kanila: “Halina kayo at isama natin ang aming mga anak at inyong mga anak, ang aming mga kababaihan at ang inyong mga kababaihan, ang aming mga sarili at ang inyong mga sarili. Pagkatapos, manalangin tayo sa Allâh (I) nang taimtim na ibaba Niya ang Kanyang parusa at sumpa sa mga hindi nagsasabi ng katotohanan at nananatili sa kanilang pagtanggi.”
62. Katiyakan, ang isinasalaysay Kong ito sa iyo na hinggil kay `Îsã (u) ay walang pag-aalinlangan na makatotohanang kuwento.
At ‘Lâ i-lâ-ha il-lal-lâh’ – walang sinumang ‘Ilâh’ (Diyos na sinasamba) o bukod-tangi na may karapatan at karapat-dapat na sambahin kundi ang Allâh (I) na Nag-iisa. Katiyakan, ang Allâh (I), Siya ay ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punong-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan sa Kanyang Kaharian, na ‘Al-Hakeem’ – ang Ganap na Maalam sa Kanyang panukala at gawa.
63. At kapag sila ay tumalikod at tumanggi sa pagsunod at paniniwala sa iyo, ay sa kadahilanang sila ay masasama; at ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakababatid sa kanila at sila ay pagbabayarin para rito.
64. Sabihin mo, O Muhammad (r) sa mga ‘Ahlul Kitâb’ – mga Hudyo at mga Kristiyano: “Halina sa makatarungan at makatotohanang salita, at tayong lahat ay sumunod at manatili rito (sa makatarungan at makatotohanang salita na ito): ito ay ang pagturing natin sa pagiging bukod-tangi ng Allâh (I) sa pagsamba sa Kanya, na hindi tayo gagawa ng anumang pagtatambal sa Kanya, na tulad ng mga imahen, rebulto o di kaya ay krusipiho o anumang uri ng sinasamba bukod sa Kanya; at hindi tayo susunod sa ibang batas o kagustuhan ng sinuman sa atin maliban sa kautusan ng Allâh (I).”
At kapag sila ay tumanggi sa mabuting paghihikayat na ito. Sabihin ninyo – O kayong mga mananampalataya – sa kanila: “Tumestigo kayo sa amin na kami ay mga Muslim na sumusuko sa aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha bilang alipin at taimtim na pagsamba namin sa Kanya.” At ang paghihikayat na ito tungo sa pagkakaisa, na ang ganitong pamamaraan ng paghihikayat ay hindi lamang para sa mga Hudyo at mga Kristiyano, kundi pati na rin sa ibang relihiyon na nasa labas ng Islâm.
65. O kayo na mga ‘Ahlul Kitâb’ – mga Hudyo at mga Kristiyano: “Paano kayong nakikipagtalo (hinggil kay Ibrâhim u) na inaangkin ng bawa’t grupo sa inyo na si Ibrâhim (u) ay kasama sa inyong ‘deen’ (o relihiyon), gayong hindi ipinahayag ang ‘Tawrah’ at ‘Injeel’ kundi pagkatapos na niya? Hindi ba ninyo naiintindihan na mali ang inyong sinasabi na si Ibrâhim (u) ay Hudyo o Kristiyano, at alam ninyo na ang mga Hudyo at mga Kristiyano ay saka lamang lumitaw pagkamatay ni Ibrâhim (u), na umabot pa muna nang matagal na panahon?”
66. Nariyan na naman kayo, O kayo na nakipagtalo sa Sugo ng Allâh na si Propeta Muhammad (r), hinggil sa mga kaalaman ninyo sa inyong relihiyon, na pinaniniwalaan ninyo na ito ay totoo ayon sa inyong mga Aklat; kung gayon, bakit kayo nakikipagtalo sa mga bagay na wala kayong kaalaman hinggil kay Ibrâhim (u)? Gayong ang Allâh (I) ay Ganap na Nakaaalam ng mga bagay na lihim subali’t kayo ay walang kaalam-alam.
67. Kailanman, si Ibrâhim (u) ay hindi isang Hudyo ni Kristiyano, at hindi lumitaw ang Judaismo at Kristiyanismo, kundi pagkawala na niya, na umabot pa muna nang napakatagal na panahon. Bagkus siya (Ibrâhim u) ay tunay na sumusunod sa kagustuhan ng Allâh (I), at ganap na sumusuko sa Kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha bilang Muslim at hindi siya kabilang sa mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I).
68. Katiyakan, ang taong may karapatan kay Ibrâhim (u) at sila ang kabilang sa kanya, ay yaong mga naniwala sa kanya, naniwala sa kanyang mensahe at sumunod sa kanyang ‘Deen;’ na ito ay si Propeta Muhammad (r) at yaong mga naniwala sa kanya.
At ang Allâh (I) ay Siyang ‘Wali’ – Tagapangalaga ng mga naniwala sa Kanya, na mga sumusunod sa Kanyang batas.
69. Hinahangad ng isang grupo mula sa mga Hudyo at mga Kristiyano, na sana ay mailigaw nila kayong mga Muslim at mailayo sa Islâm; subali’t wala silang inililigaw kundi ang kanila lamang mga sarili at ang kanilang mga tagasunod, gayong hindi nila ito nararamdaman at hindi nila ito nababatid.
70. “O kayong mga nagtatangan ng ‘Tawrah’ (Torah) at ‘Injeel’ (Ebanghelyo), bakit ninyo tinatanggihan ang mga talata ng Allâh (I) na Kanyang ipinahayag sa Kanyang mga Sugo na nasa inyong Aklat, gayong naroroon (sa inyong kasulatan) na si Muhammad (r) ay isang Sugo na inyong (inaabangan o hinihintay); at ang anuman na kanyang dinala sa inyo, ito ay pawang katotohanan at tumitestigo naman kayo? Subali’t tinatanggihan naman ninyo siya.”
71. “O kayo na mga nagtatangan ng ‘Tawrah’ at ‘Injeel,’ bakit ninyo pinaghalo ang katotohanan sa kamalian na nasa inyong mga Aklat, sa pamamagitan ng pagbabago na inyong ginawa at sa pagsusulat ng inyong mga kamay ng kasinunga-lingan; at itinatago ninyo ang anumang nakasaad doon hinggil sa katangian ni Propeta Muhammad (r), at ang kanyang ‘Deen,’ – na ito ay katotohanan; at batid ninyo ang bagay na ito?”
72. At sinabi ng isang grupo ng ‘Ahlul Kitâb’ na mga Hudyo: “Paniwalaan ninyo ang anuman na ipinahayag sa mga naniwala, sa simula (umpisa) ng araw at labagin ninyo ito sa dulo ng araw (hapon), nang sa gayon, ay magkaroon sila ng pagdududa sa kanilang ‘Deen,’ hanggang sa ito ay iwanan nila.
73. “At huwag kayong maniwala maliban lamang sa kung sino ang sumunod sa inyong ‘deen’ (relihiyon) at naging Hudyo.” Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Katiyakan, ang patnubay at ang gabay ay ang patnubay at gabay lamang ng Allâh (I) sa tunay na paniniwala.”
At sinabi nila (na mga Hudyo): “Huwag ninyong ituro sa mga Muslim ang anumang kaalaman na mayroon kayo, na ito ay matutunan nila mula sa inyo dahil magiging kapantay ninyo sila sa kaalaman o makahihigit pa sila sa inyo, o di kaya ay gagamitin nila itong katibayan sa inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha upang kayo ay magapi nila.”
Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Katiyakan, ang lahat ng kagandahang-loob, pangingibabaw at ang lahat ng bagay ay nasa Kamay ng Allâh (I) at nasa Kanyang Pangangasiwa; at ito ay ipinagkakaloob Niya sa sinuman na Kanyang nais, na naniwala sa Kanya at sa Kanyang Sugo.”
At ang Allâh (I) ay Walang-Hanggan at Ganap ang Kanyang kaalaman, saklaw ng Kanyang kaalaman at ng Kanyang biyaya ang lahat ng Kanyang nilikha; at ganoon din sa sinuman na karapat-dapat ng Kanyang kagandahang-loob at biyaya.
74. Katiyakan na ang Allâh (I), pumipili Siya mula sa Kanyang mga nilikha ng sinuman na Kanyang nais sa pagiging Propeta at patnubay tungo sa ganap na batas. At ang Allâh (I) ay Nagmamay-ari ng mga dakilang kagandahang-loob.
75. At mayroon sa mga ‘Ahlul Kitâb’ na mga Hudyo, na kapag pinagkatiwalaan mo ng maraming kayamanan, ito ay kanilang ibabalik sa iyo nang walang pandaraya. At mayroon naman sa kanila na kapag pinagkatiwalaan mo ng isang ‘dinar’ (ginto) ay halos ayaw na niya itong ibalik pa sa iyo. Maliban na lamang, kung magsisikap ka ng lahat ng paraan na bawiin ito sa kanya.
Ang dahilan nito ay mayroon silang maling paniniwala na nagtutulak sa kanila na gumawa nito, na sila (raw) ay mayroong karapatan na ipagkanulo at kunin ang mga kayamanan ng Arabo na wala silang karapatan at sinasabi nila na: “Wala tayong kasalanan kung kinain o pinakialaman natin ang kayamanan nila, dahil ang Allâh (I), ipinahintulot Niya ito para sa atin,” gayong sa katotohanan, ito ay pagsisinungaling laban sa Allâh (I), ito ay binibigkas ng kanilang mga dila kahit alam nila na sila ay nagsisinungaling.
76. Ang katotohanan ay hindi ang yaong inaangkin ng mga sinungaling, sapagka’t ang tunay na natatakot sa Allâh (I) ay ang sinumang ginagampanan niya ang kanyang pangako sa Allâh (I), tinutupad niya ang mga ito at pinangangalagaan ang ipinagkatiwala sa kanya; naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang mga Sugo, at sumunod sa gabay at batas Niya; at natakot sa Allâh (I) at isinasagawa niya ang ipinag-uutos at iniiwasan niya ang mga ipinagbabawal. At ang Allâh (I) ay Siyang nagmamahal sa mga ‘Al-Muttaqin’ na umiiwas sa paglalagay ng katambal sa pagsamba sa Allâh at sa mga kasalanan.
77. Katiyakan, yaong ipinagpalit nila ang kanilang pangako sa Allâh (I) at ang Kanyang katuruan na nasa kanilang mga Aklat na ipinahayag sa kanilang mga Propeta sa walang halagang makamundong bagay, sila ay walang bahagi na gantimpala sa Kabilang-Buhay; at hindi makikipag-usap sa kanila ang Allâh (I), sa paraan na kanilang ikasisiya; at hindi titingin sa kanila ang Allâh (I) ng tingin ng pagkaawa sa Araw ng Muling Pagkabuhay; at hindi sila lilinisin mula sa dungis ng kasalanan at pagtanggi. At ang para sa kanila ay masidhing kaparusahan.
78. At katiyakan, mayroon sa mga Hudyo ang grupo na binabago nila ang salita sa pamamagitan ng paglalayo nito sa tamang kahulugan, at pinapalitan nila ang salita ng Allâh (I) upang malinlang nila ang iba, na (sinasabi nilang) ito ay salita na ipinahayag bilang ‘Tawrah’ gayong hindi naman ito talaga nagmula sa ‘Tawrah;’ at sinasabi nila na ito ay nagmula sa Allâh (I) na ipinahayag Niya sa Kanyang Propeta na si Mousã (u), subali’t sa katotohanan, ito ay hindi talagang nagmula sa Allâh (I). Ang dahilan ay ang paghahangad nila ng makamundong bagay; na kung kaya, sila ay nagsasalita ng mga kasinungalingan laban sa Allâh (I), gayong alam nila na sila ay nagsisinungaling.
79. Hindi maaari sa sinumang tao na magpapahayag ang Allâh (I) sa kanya ng isang Aklat, gagawin siyang hukom sa Kanyang mga nilikha at pipiliin siya bilang Propeta, pagkatapos ay sasabihin niya sa mga tao na sambahin ninyo ako bukod sa Allâh (I), kundi bagkus ay kanyang sasabihin: “Gawin ninyo ang inyong mga sarili na Rab-ba-nî-yîn (na ang ibig sabihin ay maging maalam sa Relihiyon [‘Deen’] at ipahayag nila sa iba kung anuman ang kanilang natutunan na rebelasyon mula sa Allâh (I), at sa kung anuman na kanilang napag-aralan at naisaulo bilang kaalaman at panuntunan).”
80. At hindi maaari sa sinuman sa kanila na ipag-uutos sa inyo, na gawin ang mga anghel at ang mga Propeta bilang mga ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na sasambahin ninyo bukod sa Allâh (I). Matatanggap ba ito ng inyong mga kaisipan, O kayo na mga tao, na sila ay mag-uutos sa inyo ng paglabag sa Allâh (I) pagkatapos ninyong sumunod sa utos ng Allâh (I)?
81. At alalahanin mo, O Muhammad (r) noong nagbigay ang Allâh (I) ng kasunduan sa mga Propeta: “Na kapag pinagkalooban ko kayo ng Aklat at ng Karunungan, pagkatapos ay dumating sa inyo ang Sugo mula sa Akin na magpapatotoo sa anuman na pinanghahawakan ninyo; samakatuwid, maniwala kayo sa kanya at tulungan ninyo siya.” [Ito ang kasunduan na ginawa ng Allâh (I) sa mga Sugo.] Kung gayon, sinabi ng Allâh (I): “Sumasang-ayon ba kayo rito at tinatanggap ninyo ang kasunduang ito?” Sila ay nagsabi: “Sumasang-ayon kami.” Sinabi ng Allâh (I): “Kung gayon, magtestigo ang iba sa inyo sa iba, at kayo naman ay magtestigo sa inyong mga sambayanan hinggil sa kasunduang ito. At Ako naman ay kasama na titestigo sa inyo (Propeta) at sa kanila (sambayanan).”
At dito, ang Allâh (I) ay gumawa ng kasunduan sa bawa’t Propeta na siya ay maniniwala kay Propeta Muhammad (r) at gumawa ng kasunduan sa mga tagasunod ng mga Propeta (para sa usaping ito).
82. At sinuman ang tumalikod sa panawagan ng Islâm, pagkatapos ng pagkakapahayag at kasunduang ito na ginawa ng Allâh (I) sa kanyang mga Propeta – sila ang mga lumabas sa Relihiyon (‘Deen’) ng Allâh (I) at sa pagsunod sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha.
83. Naghahangad ba ang mga yaong masasama at lumabag mula sa ‘Ahlul Kitâb’ ng iba bukod sa Relihiyon (‘Deen’) ng Allâh (I) na Al-Islâm, na Kanyang ipinadala kay Propeta Muhammad (r); gayong ang lahat ng mga nasa kalangitan at kalupaan ay kusang sumusuko at nagpapasailalim sa Allâh (I) – na katulad ng mga mananampalataya – at maging ang mga walang pananampalataya ay sumusuko (rin) kahit ayaw pa nila, sa oras ng kanilang kagipitan, samantalang hindi ito makapagbibigay ng pakinabang sa kanila, na katulad ng pagsuko sa Kanya ng lahat ng mga nilikha; at sa Kanya babalik ang lahat sa Araw ng Muling Pagkabuhay, at tutumbasan ang bawa’t isa ayon sa kanyang nagawa. At ito ang babala mula sa Allâh (I) sa Kanyang nilikha na huwag silang babalik sa Allâh (I) nang wala sila sa ‘Deen’ ng Islâm.
84. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Naniwala kami sa Allâh (I), sinunod namin Siya, wala kaming ‘Rabb’ na Tagapaglikha bukod sa Kanya at wala kaming sinasamba bukod sa Kanya; at naniwala kami sa ipinahayag Niya sa amin; at sa anumang ipinahayag Niya kay Ibrâhim (u), at sa kanyang dalawang anak na sina Ismâ`il (u) at Ishâq (u), at sa kanyang apo na si Ya`qub (Jacob u), at sa anumang ipinahayag sa mga ‘Al-Asbât’ – na sila ang mga Propeta mula sa 12 Angkan ni Isrâ`il mula sa pamilya ni Ya`qub (u); at (sa Aklat) na ibinigay kina Mousã (Moises u) at `Îsã (Hesus u) na ‘Tawrah’ at ‘Injeel;’ at sa kung ano ang ipinahayag ng Allâh (I) sa Kanyang mga Propeta – ito ay pinaniniwalaan naming lahat, wala kaming pagtatangi sa sinuman sa kanila sa pagitan nilang lahat; at sa Allâh (I) na Nag-iisa at Bukod-Tangi, kami ay sumusuko at sumusunod bilang Muslim at tinanggap namin Siya bilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at bilang ‘Ilâh’ o Diyos na sinasamba.”
85. At sinuman ang maghahangad ng ‘Deen’ maliban sa ‘Deen’ na ‘Al-Islâm’ – na ito ay ang pagsuko sa Allâh (I) sa Kanyang Kaisahan, pagpapasailalim sa Kanya bilang pagsunod at pagkaalipin; at paniniwala sa Kanyang huling Sugo na si Muhammad (r) – pagsunod sa kanya, pagmamahal na lantaran o lihim – ang sinumang magnais ng iba maliban sa ‘Deen Al-Islâm’ ay hindi ito tatanggapin sa kanya at sa Kabilang-Buhay ay kabilang siya sa mga talunan, na sila ay walang mapapakinabangan na anuman sa kanilang mga sarili.
86. Paano gagabayan ng Allâh (I) sa paniniwala sa Kanya at sa Kanyang Sugo ang mga tao na tinanggihan ang pagiging propeta ni Muhammad (r) pagkatapos nila itong paniwalaan; gayong sila’y sumaksi na si Muhammad (r) ay totoo at ang kanyang dala-dala ay katotohanan, dahil siya ang nagdala ng mga katibayan mula sa Allâh (I) at mga palatandaan na nagpapatotoo sa kanya?
At ang Allâh (I), hindi Niya gagabayan sa katotohanan at sa tama ang mga grupong masasama, na sila ay lumihis sa katotohanan patungo sa kamalian at pinili ang pagtanggi kaysa sa paniniwala.
87. Sila ang sukdulang masasama, ang kabayaran para sa kanila ay ang sumpa ng Allâh (I), ng mga anghel at lahat ng tao; dahil sa sila ay inilayo mula sa Awa ng Allâh (I).
88. Mananatili sila sa Impiyerno at hindi aalisin sa kanila ang kaparusahan nang kahit na sandali para sila ay makapagpahinga, at hindi ito iaantala sa kanila kahit na anuman ang kanilang ikakatwiran.
89. Maliban sa yaong nanumbalik sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha nang makatotohanang pagsisisi, pagkatapos nilang tumanggi at naging masama. At itinuwid nila ang anuman na kanilang pagkakamali sa pamamagitan ng kanilang pagsisisi. Katiyakan, tatanggapin sila ng Allâh (I), dahil Siya ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa pagkakasala ng Kanyang mga alipin, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila.
90. Katiyakan, ang mga yaong hindi naniwala at tumanggi pagkatapos nilang maniwala at nagpatuloy sila sa kanilang pagtanggi hanggang sa dumating sa kanila ang kamatayan, hindi tatanggapin sa kanila ang pagsisisi sa oras ng kanilang pag-aagaw-buhay. At sila ang mga yaong naligaw ng landas at ipinagsawalang-bahala ang batas ng Allâh (I).
91. Katiyakan, yaong mga tumanggi sa pagiging propeta ni Muhammad (r) at sila ay namatay sa pagtanggi sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo; kailanman ay hindi tatanggapin sa sinuman sa kanila sa Araw ng Muling Pagkabuhay, kahit na punuin pa niya ng ginto ang buong kalupaan upang tubusin ang kanyang sarili mula sa parusa ng Allâh (I); at kahit na ito pa ay mangyari, hindi pa rin ito tatanggapin ng Allâh (I) sa kanya. Ang para sa kanila ay masidhing kaparusahan at walang sinuman ang makapagliligtas sa kanila mula sa kaparusahan ng Allâh (I).
92. Kailanman ay hindi ninyo mararating ang ‘Al-Jannah’ hanggang hindi ninyo ginagasta bilang kawanggawa ang anuman na inyong pinakamamahal. At ang anumang bagay na inyong ginasta kahit na gaano ito kaliit o karami, katiyakan nababatid ito ng Allâh (I) at ginagantihan Niya ang bawa’t gumagasta ayon sa kanyang nagawa.
93. Lahat ng malinis na pagkain ay ipinahintulot sa mga angkan ni Ya`qub (u) maliban lamang sa ipinagbawal niya sa kanyang sarili dahil sa kanyang karamdaman, at ito ay bago ipinahayag ang ‘Tawrah.’ Subali’t noong ipinahayag na ang ‘Tawrah,’ ay ipinagbawal na ng Allâh (I) sa kanila ang ilan na dating ipinahintulot sa kanila, dahil sa kanilang kasamaan at sa kanilang paglabag.
Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Dalhin ninyo rito ang ‘Tawrah’ at bigkasin ninyo ang nasa loob nito kung kayo ay totoo sa inyong pag-aangkin, na ang Allâh (I) ay nagpahayag ayon dito ng pagbabawal ng anuman na ipinagbawal ni Ya’aqub (u) sa kanyang sarili, nang sa gayon ay matiyak ninyo na totoo ang anumang isinasaad sa Banal na Qur’ân --- na ang Allâh (I) ay hindi nagbawal sa mga angkan ni Isrâ`il bago ipinahayag ang ‘Tawrah’ maliban lamang sa kung ano ang ipinagbawal ni Ya`qub (u) sa kanyang sarili.”
94. Na kung kaya, sinuman ang nagpasinungaling sa Allâh (I) pagkatapos niyang mabasa ang ‘Tawrah’ at mapatunayan ang mga katotohanan, sila kung gayon ang mga sukdulang masasama na nagsasabi ng mga kasinungalingan laban sa Allâh (I).
95. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Totoo ang Allâh (I) sa Kanyang sinasabi sa inyo at sa Kanyang mga batas; na samakatuwid, kung kayo’y totoong nagmamahal at nag-aangkin na kayo ay tagasunod ni Ibrâhim (u), sundin ninyo ang kanyang Relihiyon (‘Deen’) na itinalaga ng Allâh (I) na batas ayon sa ipinahayag ni Muhammad (r) dahil ito ang katotohanan, na walang pag-aalinlangan ang hinggil dito. Kailanman si Ibrâhim (u) ay hindi naging kabilang sa mga ‘Mushrikin,’ bagkus siya ay naniwala sa Kaisahan ng Allâh (I) at Siya lamang ang kanyang sinamba.”
96. Katiyakan, ang unang Tahanan na itinayo para sa pagsamba sa Allâh (I) sa kalupaan ay ang ‘Baytullâh Al-Harâm’ na nasa Makkah. Ito ay mabiyayang Tahanan at dinudoble-doble rito ang mga gantimpala sa mga nagawang kabutihan. Dito (rin sa lugar na ito) bumababa ang mga Biyaya at Awa ng Allâh (I), at sa pagharap dito sa tuwing magsa-‘Salâh,’ at sa pagtungo rito upang magsagawa ng ‘Hajj’ at ‘`Umrah;’ ay kabutihan at gabay sa lahat ng tao.
97. Dito, sa tahanang ito, ang malinaw na mga palatandaan na ito ay itinayo ni Ibrâhim (u). Dinakila at pinarangalan ng Allâh (I), kabilang (din sa dinakila at pinarangalan ng Allâh I) ay ang ‘Maqâm’ ni Ibrâhim (u). Na kung kaya, sinuman ang papasok sa lugar na ito ay iniligtas niya ang kanyang sarili at walang sinuman ang makapagpapahamak sa kanya.
At ipinag-utos ng Allâh (I) sa sinumang may kakayahan sa mga tao mula sa iba’t ibang lugar na magtungo sa Tahanang ito, upang isagawa ang mga alituntunin ng ‘Hajj.’ Kung sinuman ang tatanggi sa pag-uutos ng ‘Hajj’ na ito, ay ituturing na walang pananampalataya, sapagka’t ang Allâh (I) ay ‘Ghanee’ – Ganap na Malaya mula sa lahat ng pangangailangan na hindi nangangailangan sa kanya (na tumanggi); at sa kanyang ‘Hajj’ at sa kanyang gawa; at maging sa lahat ng Kanyang mga nilalang.
98. Sabihin mo, O Muhammad (r) sa mga ‘Ahlul Kitâb’ – mga Hudyo at mga Kristiyano: “Bakit ninyo tinatanggihan ang mga katibayan na nagmumula sa Allâh (I), na nagpapatunay na ang Islâm ay ‘Deen’ ng Allâh (I); at nilalabag ninyo ang mga katibayan at ang mga palatandaan na nasa inyong mga Aklat gayong ito ay batid (naman) ninyo?” At ang Allâh (I) ay ‘Shaheed’ – Saksi sa anuman na inyong ginagawa. Ito ay paghamon at pagbabanta sa kanila.
99. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r), sa mga Hudyo at mga Kristiyano: “Bakit ninyo pinagbabawalan sa Islâm ang mga gustong yumakap nito, na naghahanap kayo ng paraan upang ibaluktot ang katuruan ng Islâm; at iligaw ang mga tao sa Matuwid na Landas gayong batid ninyo na ang aking dala-dala ay katotohanan?” At batid ng Allâh (I) ang lahat ng inyong mga ginagawa at walang pag-aalinlangan na kayo ay mananagot para rito.
100. O kayo na naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo! Kung kayo ay susunod sa grupo ng mga Hudyo at mga Kristiyano na pinagkalooban ng Allâh (I) ng ‘Tawrah’ at ‘Injeel,’ ililigaw nila kayo; at naglalagay sila ng mga bagay na pag-aalinlanganan ninyo ang inyong ‘Deen,’ nang sa gayon ay bumalik kayo (sa kadiliman) at tumanggi sa katotohanan pagkatapos ninyong naniwala. Samakatuwid, huwag kayong magtiwala sa kanila hinggil sa inyong ‘Deen,’ at huwag makinig sa kanilang kapaliwanagan at mga idea (kuru-kuro) o pagpapayo.
101. At paano kayo hindi mani-niwala sa Allâh (I), O kayo na mga mananampalataya, gayong ang mga talata ng Banal na Qur’ân ay binibigkas sa inyo at nasa inyo ang Sugo ng Allâh, na nagpaparating ng mensahe sa inyo? Kung kaya, ang sinumang magtitiwala sa Allâh (I) at ipamumuhay ang katuruan ng Qur’ân at ‘Sunnah,’ ay nasa kanya ang gabay sa Malinaw na Daan at Matuwid na Landas.
102. O kayong naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Katakutan ninyo Siya sa tunay na kahulugan ng pagkatakot, sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanya at di-paglabag, pagpapasalamat at di-pagtanggi, pag-alaala at di-pagkalimot; at patuloy na pananatili sa pamumuhay ng Islâm, hanggang sa huling hibla ng inyong buhay upang makatagpo ninyo ang Allâh (I) sa ganitong kalagayan.
103. At hawakan ninyo nang mahigpit ang Aklat na mula sa inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha (Allâh I), at ang patnubay ng inyong Propeta, at huwag kayong gumawa ng anumang bagay na magiging dahilan ng inyong pagkakahiwa-hiwalay. At alalahanin ninyo ang mga dakilang biyaya ng Allâh (I) na ipinagkaloob sa inyo: noong kayo ay bago pa sa Islâm ay nagkakalaban-laban kayo at pagkatapos ay pinag-isa ng Allâh (I) ang inyong mga puso, sa pagmamahal sa Kanya at pagmamahal sa Kanyang Sugo. At itinanim Niya sa inyong mga puso ang pagmamahal sa isa’t-isa.
Samakatuwid, dahil sa Kanyang gabay ay nagmahalan kayo na (tulad ng) tunay na magkakapatid, at noon ay nasa bingit kayo ng Impiyerno at ginabayan kayo ng Allâh (I) sa Islâm at iniligtas kayo sa Impiyerno. At kung paano ipinaliwanag sa inyo ng Allâh (I) ang Daan ng Tamang Pananampalataya ay ginawa rin Niya ang lahat ng bagay para sa ikabubuti ninyo bilang gabay sa inyo tungo sa Daan ng Patnubay at ito ang inyong tatahakin nang sa gayon ay hindi kayo maligaw.
104. At magpalitaw kayo, O kayo na mga mananampalataya, mula sa inyo ng isang grupo, na nag-aakay tungo sa kabutihan at nag-uutos sa paggawa ng mabuti – at ito ay ang pag-aakay tungo sa Islâm at sa Kanyang batas, at pagbabawal sa paggawa ng masama, na ito ay ang lahat ng labag sa katuruan ni Propeta Muhammad (r); samakatuwid, sila ay magtatagumpay ng mga Hardin sa ‘Al-Jannah.’
105. At huwag ninyong gayahin, O kayong mga mananampalataya, ang mga ‘Ahlul Kitâb’ sa kanilang pag-aaway-away at hindi pagkakasundo hanggang sa sila ay nagkawatak-watak na mga grupo. At hindi sila nagkakasundo sa pundasyon o pinakaugat ng Relihiyon (‘Deen’) pagkatapos naging malinaw sa kanila ang katotohanan. At sila ay karapat-dapat sa masidhing pagpaparusa.
106. Sa Araw ng Muling Pagkabuhay, na kung saan, ang ilang mga mukha ay mapuputi at sila ay masasaya dahil sa kanilang paniniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo at pagsunod sa Kanyang ipinag-utos, ang ilan naman ay mangingitim ang kanilang mga mukha at sila ay maghihinagpis mula sa kaparusahan ng kanilang di-paniniwala sa Kanyang Sugo at paglabag sa Kanyang kautusan.
Ang mga yaong nangitim ang kanilang mukha, sasabihin sa kanila bilang paghamak: “Tumanggi ba kayo pagkatapos ninyong maniwala at pinili ninyo ang pagtanggi kaysa paniniwala? Samakatuwid, lasapin ninyo ang inyong kaparusahan dahil sa inyong pagtanggi.”
107. At yaon (namang) namuti ang kanilang mga mukha at maaliwalas dahil sa kasiyahan at dahil sa natamo nila ang magandang balita, sila ay mga nasa ‘Al-Jannah’ ng Allâh (I) at sa mga kasiyahan na naroroon, at sila ay mananatili roon na hindi na sila lalabas pa magpakailanman.
108. Ito ang mga talata ng Allâh (I), ang Kanyang maliwanag na palatandaan. Aming binibigkas at ikinukuwento sa iyo, O Muhammad (r) nang makatotohanan at may katiyakan.
At kailanman, ang Allâh (I), hindi Niya dinadaya ang sinuman sa Kanyang mga nilikha at hindi Niya binabawasan ang anuman na kanilang ginawa, dahil Siya ay Makatarungang Tagapaghatol at hindi nandaraya.
109. At pagmamay-ari ng Allâh (I) ang mga nasa kalangitan at kalupaan. Ito ay bukod-tanging pagmamay-ari Niya, nilikha at pinangangasiwaan; at ang lahat ng Kanyang mga nilikha ay sa Kanya lamang magbabalik at tutumbasan ang bawa’t isa ayon sa kanyang karapatan.
110. Kayo, O sambayanan ni Muhammad (r), ang pinakamabuti sa lahat ng mga sambayanan, at higit na kapaki-pakinabang sa mga tao dahil sa ipinag-uutos ninyo ang kabutihan --- ang lahat ng ipinag-utos ng Allâh (I) at ng Kanyang Sugo. At nagbabawal ng masama – ang lahat ng ipinagbawal ng Allâh (I) at ng Kanyang Sugo. At naniniwala kayo sa Allâh (I) ng tunay na paniniwala na pinatu-tunayan ng inyong mga gawa.
Na samakatuwid, kung naniwala (lamang) ang mga ‘Ahlul Kitâb’ – ang mga Hudyo at mga Kristiyano kay Muhammad (r) at sa kanyang dala-dalang katuruan mula sa Allâh (I) na katulad ng inyong ginawang paniniwala, ito ay higit na makabubuti para sa kanila rito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.
Subali’t mayroon sa kanila ang naniwala sa mensahe ni Muhammad (r) at sumunod (sa mensaheng) ito nguni’t sila ay kakaunti (lamang). At ang nakararami sa kanila ay lumabag sa ‘Deen’ ng Allâh (I) at hindi sumunod sa Kanya.
111. Ang mga ‘Fâsiqûn’ (sukdulang masasama) ng ‘Ahlul Kitâb’ ay hindi makagagawa ng kapahamakan sa inyo maliban na lamang sa mga nakaiinis sa pandinig na mga salitang ‘Shirk’ (pagtatambal o pagsamba ng iba), ‘Kufr’ (pagtanggi) at iba pa; at kapag sila ay nakipaglaban sa inyo matatalo sila, sila ay aatras, pagkatapos ay wala silang magiging kaagapay laban sa inyo sa anumang pagkakataon.
112. Ginawa ng Allâh (I) na itadhana, na bahagi na nila ang pagkatalo at pagkahamak. At hindi na ito mawawala pa sa mga Hudyo at sila ay mananatiling aba (hamak) kahit saan man sila naroroon. Maliban na lamang sa ilalim ng pangako ng Allâh (I) at sa pangako mula sa mga tao na pangangalagaan sila at ang kanilang mga kayamanan. Na ito ay ang pakikipagkasundo nila sa mga Muslim, na sila ay magpapasailalim sa batas ng Islâm (‘dimma’). Subali’t pagkatapos nito ay babalik pa rin sila sa sumpa ng Allâh (I) na karapat-dapat sa kanila, dahil itinalaga na sa kanila ang pagkahamak at pagkasumpa; na kung kaya, wala kang makikitang Hudyo na hindi palaging takot at nangangamba mula sa mga naniniwala sa Allâh (I); ito ang itinalaga sa kanila ng Allâh (I) dahil sa kanilang paglabag sa kagustuhan ng Allâh (I), at paglampas sa Kanyang hangganang itinakda, at pagpatay nila sa mga Propeta bilang sukdulang kasamaan at paghihimagsik; at ang nagpalakas ng loob sa kanila upang gawin ang ganitong bagay ay ang kanilang pagsasagawa ng mga kasamaan at paglabag sa batas ng Allâh (I).
113. Ang mga ‘Ahlul Kitâb’ ay hindi magkakaparehas, mayroon sa kanila ang grupo na nanatili sa kagustuhan (batas) ng Allâh (I), naniwala sa Kanyang Sugo na si Muhammad (r) at sila ay gumigising sa gabi sa kanilang pagsa-‘Salâh, binibigkas ang mga talata ng Banal na Qur’ân, humaharap at nakikipag-ugnayan sa Allâh (I) sa kanilang pagsa-‘Salâh.’
114. Naniniwala sila sa Allâh (I) at sa Kabilang-Buhay, nag-uutos sila ng lahat ng kabutihan at nagbabawal sila ng lahat ng kasamaan, at minamadali nila ang pagsasagawa ng mga kabutihan, at sila ay kabilang sa mga mabubuting alipin ng Allâh (I).
115. At ang anumang gawa mula sa mga mabubuting gawa, marami man ito o kakaunti, na ginagawa ng grupo ng mga mananampalataya; kailanman ay hindi ito babalewalain ng Allâh (I), bagkus sila ay pasasalamatan at gagantimpalaan para rito. At ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa mga natatakot sa Kanya at gumagawa ng mga kabutihan, at lumalayo sa mga ipinagbabawal sa paghahangad ng Kanyang pagmamahal at ng Kanyang gantimpala.
116. Katiyakan, yaong hindi naniwala sa mga talata ng Allâh (I) at tinanggihan ang Kanyang mga Sugo; kailanman, ang kanilang kayamanan at ang kanilang mga anak ay hindi makapagliligtas sa kanila sa kaparusahan ng Allâh (I), dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay; at sila ay maninirahan sa Impiyernong-Apoy, doon sila’y mananatili at hindi na sila makalalabas pa roon magpa-kailanman.
117. Ang katulad ng mga ginasta ng mga walang pananampalataya sa kabutihan dito sa mundo at ang kanilang inaasahan na gantimpala o kapalit, ay katulad ng hangin sa taglamig, na sinalanta ang mga pananim ng mga tao na nagha-hangad at umaasa na makaaani sila nang masagana, at dahil sa kanilang pagkakasala ay walang itinira ang hangin na anuman sa kanila.
At sila ang mga walang pananampalataya na walang matatamong gantimpala sa Kabilang-Buhay. At hindi sila dinaya ng Allâh (I) subali’t sila ang nandaya sa kanilang mga sarili dahil sa kanilang pagtanggi at paglabag.
118. O kayo na naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo, huwag ninyong gawing ‘awliyâ`’ (taong pakamamahalin at gagawing tagapagtaguyod) ang mga walang pananampalataya, pagkakatiwalaan ninyo at pagsasabihan ng inyong mga lihim bukod sa mga mananampalataya. Dahil hindi sila titigil hanggang hindi kayo mapapahamak at natutuwa pa sila kapag may nangyaring masama sa inyo. At lumilitaw ang tindi ng kanilang pagkagalit sa kanilang mga salita, subali’t ang anumang kinikimkim nila sa kanilang kalooban na poot at galit sa inyo ay lalong matindi.
Katiyakan, nililinaw Namin sa inyo ang mga katibayan at palatandaan bilang aral sa inyo at para kayo ay mag-ingat; kung pinag-iisipan ninyo ang mga pangaral, utos at ang ipinagbabawal mula sa Allâh (I).
119. At ito na ang katibayan ng inyong pagkakamali sa pagmamahal sa kanila, dahil kayo, minamahal ninyo sila at nakikitungo kayo nang mabuti sa kanila subali’t sila ay walang pagmamahal sa inyo, kundi kinikimkim nila ang matinding poot at galit sa inyo; samantalang kayo ay naniniwala sa lahat ng mga Aklat na ipinahayag, kabilang dito ang kanilang Aklat nguni’t sila ay hindi naniniwala sa Aklat ninyo, kaya paano ninyo sila mamahalin?
At kapag nakatagpo nila kayo, sinasabi nila, na may pagkukunwari: ‘Naniwala kami at tinatanggap namin ito,’ subali’t kapag sila-sila na lamang ang magkakasama ay lilitaw mula sa kanila ang pagsisisi at pagkalungkot, at kinakagat nila ang dulo ng kanilang mga daliri bilang pagkapoot dahil sa kanilang nakikitang pagkakasundo at pagkakaisa ng mga Muslim, at dahil sa pagyabong ng Islâm at pagkahamak nila.
Sabihin mo, O Muhammad (r): ‘Mamatay kayo sa galit at lungkot, katiyakang ang Allâh (I) ay Ganap na Nakababatid ng anumang kinikimkim ng inyong mga kalooban; at walang pag-aalinlangan, ginagantihan Niya ang sinuman ayon sa kanyang nagawa, mabuti man ito o masama.’
120. At kabilang sa kanilang poot sa inyo, O kayo na mga mananampalataya, ay kapag dumating sa inyo ang mga magagandang bagay, pagkapanalo at mga ‘ghanimah’ – mga bagay na nakuha ninyo sa panahon ng digmaan; makikita sa kanila ang saklap (ng kanilang mga mukha) at lungkot; subali’t kapag may nangyari sa inyong sakuna katulad ng pagkatalo, pagkabawas sa mga kayamanan, kamatayan, o pagkabawas sa mga inaaning bunga, ay nasisiyahan sila; magkagayunpaman, kung matitiis ninyo ang anumang dumating sa inyong pagsubok at naging matakutin kayo sa Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga ipinag-utos sa inyo at pag-iwas sa mga ipinagbabawal sa inyo, hindi kayo mapipinsala ng kanilang katusuhan.
At ang Allâh (I) ay Ganap na Nakaaalam sa lahat ng mga ginagawa ng mga walang pananampalataya na kasiraan at sila ay pagbabayarin sa ginawa nilang ito.
121. At alalahanin mo, O Muhammad (r), noong ikaw ay umalis mula sa iyong tahanan na nakasuot ng pandigmaang kasuotan, na isinasaayos mo ang mga hanay ng kawal ng iyong mga ‘Sahâbah’ (kasamahan) at inilalagay mo ang bawa’t isa sa karapat-dapat na kalagyan nito, upang harapin (sagupain) ang mga walang pananampalataya sa labanan sa `Uhud. At katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Samee`’ – Ganap na Nakaririnig ng inyong mga sinasabi, na ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam ng inyong mga ginagawa.
122. Alalahanin mo, O Muhammad (r) ang nangyari sa ‘Bani’ (angkan ng) ‘Salamah’ at ‘Bani Harithah,’ noong inudyukan ang kanilang mga sarili na bumalik kasama ang kanilang pinuno na ‘Munâfiq’ (mapagkunwari) na si `Abdullah ibn `Ubay, dahil takot silang harapin ang kalaban; subali’t sila ay pinangalagaan ng Allâh (I), iniligtas at nagpatuloy sila na kasama ka, na ipinaubaya na nila ang kanilang sarili sa Allâh (I). At samakatuwid, sa Allâh (I) nararapat na ituon ng mga mananampalataya ang kanilang pagtitiwala.
123. At katiyakan na pinagwagi kayo ng Allâh (I), O kayong mga mananampalataya sa Labanan sa ‘Badr’ laban sa inyong mga kalaban na mga ‘Mushrikin,’ kahit na kakaunti ang inyong bilang at ang inyong mga sandata; na kung kaya, katakutan ninyo ang Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsasagawa sa Kanyang mga ipinag-uutos at pag-iwas sa Kanyang mga ipinagbabawal, nang sa gayon ay matuto kayong tumanaw ng utang na loob sa Kanyang mga biyaya at kagandahang-loob.
124. Alalahanin mo, O Muhammad (r), ang nangyari sa mga tagasunod mo sa Labanan sa ‘Badr,’ noong naging mahirap sa kanila nang dumating ang mga puwersa ng mga ‘Mushrikin.’ Na kung kaya, nagpahayag Kami sa iyo na sabihin sa kanila na: “Hindi pa ba sapat sa inyo bilang tulong mula sa inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha (Allâh I) na Siya ay magpapadala ng 3,000 mga anghel na bababa mula sa kalangitan patungo sa lugar ng labanan para panatilihin kayo at makipaglaban na kasama ninyo?”
125. Katiyakan, sapat na sa inyo ang ganitong tulong. At ang isa pang magandang balita para sa inyo ay kapag natiis ninyo at kayo ay naging matatag sa pagsagupa sa kalaban, at natakot kayo sa Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Kanyang mga ipinag-uutos sa inyo at pag-iwas sa mga ipinagbabawal Niya sa inyo, at darating ang mga walang pananampalataya mula sa Makkah nang mabilisan para makipagsagupa sa inyo na iniisip nila na malulupig nila kayo, subali’t katotohanan, ang Allâh (I) ay magpapadala sa inyo ng 5,000 mga anghel na may marka ang kanilang mga sarili at mga kabayo na may malinaw na mga tanda.
126. At hindi ginawa ng Allâh (I) ang pagpapadala ng ganitong mga tulong sa inyo na mga anghel kundi upang pasiglahin kayo ng mga magagandang balita at papanatagin ang inyong mga kalooban at titiyakin sa inyo ang pangako ng Allâh (I). Samakatuwid, ang pagkapanalo ay nagmumula lamang sa Allâh (I) na ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan at walang sinuman ang makalulupig sa Kanya, na ‘Al-Hakeem’ – ang Ganap na Maalam sa Kanyang pangangasiwa at gawain.
127. At ang nangyari na pagkapanalo na ginawa ng Allâh (I) sa inyo sa Labanan sa ‘Badr,’ ay upang mawasak ang grupo ng mga ‘Kuffar’ (walang pananampalataya) sa pamamagitan ng kanilang pagkamatay; at sinuman ang nakaligtas sa kanila (roon) mula sa kamatayan, babalik siya (sa kanilang lugar) na may lungkot, at parang pinipiga siya sa pagkabigo, at makikita sa kanya ang pagkahamak at pagkapahiya.
128. Hindi ikaw, O Muhammad (r), ang magpapasiya para sa mga alipin ng Allâh, kundi ang buong pagpapasiya ay nagmumula lamang sa Allâh (I) na Bukod-Tangi at Walang Katambal; at maaari roon sa ilan na nakipaglaban sa inyo ay bubuksan ng Allâh (I) ang kanilang mga puso sa Islâm at yayakap sila at patatawarin sila ng Allâh (I). Subali’t sinuman ang manatili sa pagtanggi ay parurusahan sila ng Allâh (I) dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay dahil sa sukdulan nilang kasamaan at paglabag.
129. At Pagmamay-ari ng Allâh (I) ang mga nasa kalangitan at kalupaan, pinatatawad Niya ang sinuman na Kanyang nais mula sa Kanyang mga alipin bilang awa; at pinarurusahan Niya ang sinuman na Kanyang nais nang makatarungan. At ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa mga kasalanan ng Kanyang mga alipin, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila.
130. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Iwasan ninyo ang pagpapatubo sa pautang (‘Ribâ’) sa lahat ng uri nito, at huwag kayong kumuha ng dagdag sa inyong pinautang maliban sa kung ano lamang ang inutang sa inyo, kahit na gaano ito kaliit. Kung gayon, paano pa kaya kung ang tubo ay patung-patong sa tuwing sasapit ang bayaran? At katakutan ninyo ang Allâh (I) sa pagsunod ng Kanyang batas na ang hangarin ay magtagumpay kayo rito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.
131. At katakutan ninyo ang Impiyerno at ilayo ninyo ang inyong mga sarili mula roon dahil ito ay inihanda para sa mga walang pananampalataya.
132. At sundin ninyo ang Allâh (I), O kayong mga naniwala sa pamamagitan ng pagsunod sa lahat ng Kanyang ipinag-uutos, at pag-iwas sa lahat ng Kanyang ipinagbabawal – na katulad ng pagkain mula sa kinita sa patubuan at iba pa; at sumunod kayo sa Sugo upang kaawaan kayo ng Allâh I at hindi kayo parurusahan.
133. At magsipag-unahan kayo sa pagsunod sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, nang sa gayon ay makamtan ninyo ang lubos na kapatawaran mula sa inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha. At ang lawak ng isang ‘Jannah’ ay kasing-lawak ng mga kalangitan at kalupaan na inihanda para sa mga ‘Al-Muttaqin.’
134. Yaong ginugugol nila ang kanilang kayamanan sa panahon ng kasaganaan at kagipitan, at yaong napipigilan nila ang kanilang mga sarili kapag sila ay nagagalit sa pamamagitan ng pagtitimpi, at kapag nagapi nila ang nagkasala ay pinatatawad nila – ganito ang tunay na pagiging mabuti, na naiibigan ng Allâh (I) ang nagtatangan ng mga ganitong pag-uugali.
135. At ang mga yaong mananam-palataya, kapag sila ay nakagawa ng malaking kasalanan o nadaya nila ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagsagawa ng maliit na kasalanan, ay naalaala nila ang pangako at babala ng Allâh (I); na kung kaya, nanunumbalik sila sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha (Allâh I) na nagsisisi, na hinihiling nila ang kapatawaran para sa kanilang pagkakasala, at sila ay nakatitiyak na walang maaaring magpatawad ng mga kasalanan kundi ang Allâh (I) lamang. Na kung kaya, hindi sila nananatili sa kanilang pagkakasala at batid nila na kapag sila ay nagsisi ay patatawarin sila ng Allâh (I).
136. Sila na nagtataglay ng mga ganitong dakilang katangian, ang gantimpala nila ay pagpapatawad ng Allâh (I) sa kanilang pagkakasala, at para sa kanila ay ‘Al-Jannât’ – mga Hardin na may umaagos na mga ilog sa ilalim ng mga puno at palasyo nito, mananatili sila roon magpasawalang-hanggan, at ang pinakamaganda na gantimpala sa mga gumagawa ng kabutihan ay ang pagpapatawad at ‘Al-Jannah.’
137. Pinaliliwanagan ng Allâh (I) ang mga mananampalataya, noong sila ay sinubok sa Labanan sa ‘`Uhud’ bilang pakikiramay sa kanila. Na walang pag-aalinlangan, nakaraan na ang panahon ng mga nauna sa inyo na mga tao; sinubukang mga naniwala mula sa kanila ng pakikipaglaban sa mga walang pananampalataya at sila ay nagtagumpay. Samakatuwid, maglakbay kayo sa kalupaan upang makakuha kayo ng aral sa mga nangyari sa mga tumanggi at hindi naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang mga Sugo.
138. Ito ay Banal na Qur’ân, ang paliwanag at gabay tungo sa katotohanan, (at isang) paalaala; nang sa gayon ay lumambot ang kalooban ng mga matatakutin sa Allâh (I). At sila ang tunay na natatakot sa Allâh (I) at ito ay para lamang sa kanila dahil sa sila ang makikinabang nito, hindi ang ibang tao.
139. Huwag kayong manghina, O kayong mga naniwala sa Allâh (I), sa pagkikipaglaban ninyo sa inyong mga kalaban at huwag kayong malungkot sa mga natamo ninyo sa ‘`Uhud’ dahil kayo pa rin ang mananalo at magtatagumpay; kung kayo ay naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo.
140. Kung nagkaroon kayo ng mga pagsubok, O mga mananampalataya (na tulad) ng mga pagkasugat at pagkamatay sa Labanan sa ‘`Uhud’ at ito ay inyong ikinalungkot; ay katiyakang ganoon din ang natamo ng mga ‘Mushrikin,’ sila ay nagkaroon din ng mga pagkasugat at pagkamatay sa Labanan sa ‘Badr.’
At yaon ay mga pana-panahon na ibinabahagi ng Allâh (I) sa tao, minsan ay pagkapanalo at minsan ay pagkatalo; at sa mga pangyayaring ito ay mayroong nais iparating ang Allâh (I) na mga karunungan, nang sa gayon ay mapahiwalay ang mga taong naniwala mula sa mga hindi naniwala. At pinarangalan ang mga tao mula sa inyo ng pagka-‘Shaheed’ – pagkamatay sa labanan sa Daan ng Allâh (I).
At ang Allâh (I) ay hindi nagmamahal sa mga taong gumawa ng sukdulang kasamaan sa kanilang mga sarili at nanatili na hindi sumasama sa pakikipaglaban sa Daan ng Allâh (I).
141. At ang pagkatalong yaon na nangyari sa ‘`Uhud’ ay upang subukin, salain at linisin ang mga mananampalataya; at ilayo sila sa mga mapagkunwari, at wasakin ang mga walang pananampalataya.
142. O mga tagasunod ni Muhammad (r), iniisip ba ninyo na kayo ay makapapasok sa ‘Jannah’ nang hindi kayo susubukin sa pakikipaglaban at paghihirap? Hindi maaari sa inyo na makapasok doon hanggang hindi kayo sinusubok at palitawin ng Allâh (I) sa pamamagitan nito kung sino ang tunay na ‘Mujâhidîn’ sa inyo (nakipaglaban o nagpunyagi sa Daan ng Allâh I), ang mga matiisin, at mga matatag sa pakikipagsagupaan sa kalaban.
143. At katiyakan! Kayo na mga naniniwala sa Allâh (I), noong bago nangyari ang Labanan sa ‘`Uhud,’ inaasam-asam ninyo ang pakikipagtagpo sa kalaban upang matamo ninyo ang karangalan ng pakikipaglaban at pagkamatay nang alang-alang sa Allâh (I), na natamo ng inyong mga kapatid sa Labanan sa ‘Badr.’ At ito na, nangyari na nga ang inyong mga inaasam-asam at hinahangad; samakatuwid, kayo ay makipaglaban na at maging matatag.
144. At si Muhammad (r) ay hindi hihigit kaysa sa isang Sugo, na katulad ng lahat ng mga Sugo na nauna sa kanya, na pinararating niya ang mensahe mula sa Allâh (I) na kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha.
Na kung kaya, kapag siya ay namatay o di kaya ay napatay ng mga kalaban na katulad ng kanilang ipinamamalita, babalik ba kayo at tatalikuran ninyo ang inyong ‘Deen’ at iiwanan ninyo ang mensaheng dinala sa inyo ng inyong Propeta?
Subali’t, sa sinuman sa inyo na iiwanan niya ang kanyang ‘Deen,’ kailanman ay hindi siya makagagawa ng kapinsalaan sa Allâh (I) nang kahit na katiting, bagkus ang pinipinsala niya lamang nang malaking pagkakapinsala ay ang kanyang sarili. Nguni’t sinuman ang mananatili sa paniniwala at tumanaw ng utang na loob sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, sa biyaya ng Islâm, katiyakang gagantimpalaan siya ng Allâh (I) ng mabuting gantimpala.
145. Kailanman ay hindi mamamatay ang sinuman kung hindi kagustuhan ng Allâh (I) na Kanyang itinakda, at hanggang sa matapos niya ang panahon na itinakda sa kanya ng Allâh (I) sa kanyang talaan.
At sinuman ang maghahangad ng makamundo sa kanyang mabuting gawa, ipagkakaloob Namin sa kanya ang lahat ng nakatakda na kabuhayan para sa kanya at sa Kabilang-Buhay ay wala na siya na anumang parte (o bahagi).
At sino naman ang maghahangad ng gantimpala sa Kabilang-Buhay sa kanyang mabuting gawa, ipagkakaloob Namin sa kanya ang kanyang kahilingan at ipagkakaloob Namin sa kanya ang masaganang gantimpala kasama ang anumang itinakda sa kanya na kabuhayan dito sa mundo, dahil siya ay nagpasalamat sa pamamagitan ng pagsunod at pagsagawa ng ‘Jihâd;’ at walang pag-aalinlangan, ginagantimpalaan Namin ng mabuti ang tumatanaw ng utang na loob.
146. Marami sa mga naunang mga Propeta ang nakipaglaban kasama ang kanilang maraming mga grupo na mga tagasunod, at hindi sila humina sa anumang pagsubok na nangyari sa kanila, na pagkasugat at pagkamatay, dahil sa ito ay alang-alang sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha.
At hindi sila nanghina at hindi sila sumuko sa kanilang mga kalaban; bagkus ay tiniis nila kung anuman ang mga tinamo nila na mga pagsubok. At ang Allâh (I) ay nagmamahal sa mga matiisin.
147. At walang sinasabi ang mga matiisin o binibigkas, kundi: “O aming ‘Rabb!’ Patawarin Mo kami sa aming mga kasalanan at sa kung anuman na aming nagawa na pagmamalabis sa alituntunin ng aming ‘Deen,’ patatagin Mo ang aming mga paa nang sa gayon ay hindi kami tatakbo mula sa pakikipaglaban at ipagkaloob Mo sa amin ang tagumpay laban sa mga tumanggi sa Iyong Kaisahan at sa pagiging Propeta ng Iyong mga Propeta.”
148. Na kung kaya, ipinagkaloob ng Allâh (I) sa mga yaong matiisin ang gantimpala rito sa mundo na pagtatagumpay laban sa kanilang mga kalaban, at pangingibabaw nila rito sa daigdig; at dakilang gantimpala sa Kabilang-Buhay ng kasaganaan sa mga Hardin.
At ang Allâh (I) ay nagmamahal sa sinuman sa Kanyang mga alipin na ‘Al-Muhsinûn’ – gumagawa ng kabutihan nang alang-alang sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at napakagaling ang Kanyang pakikitungo sa Kanyang mga nilikha.
149. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo, kung susundin ninyo ang mga tumanggi mula sa Aking karapatan na pagiging ‘Ilâh’ na karapat-dapat na sambahin at hindi naniwala sa Aking mga Sugo, na mga Hudyo, mga Kristiyano, mga Mapagkunwari at mga Pagano, sa kung ano ang ipinag-uutos nila sa inyo at sa kung ano ang kanilang ipinagbabawal sa inyo, (kung susundin ninyo sila ay) ililigaw nila kayo mula sa Matuwid na Landas at matatalikuran ninyo ang inyong ‘Deen;’ na kung kaya, babalik kayo sa malinaw na pagkatalo at walang pag-aalinlangan na isang tiyak na kapahamakan.
150. Sila sa katotohanan ay hindi makatutulong sa inyo, bagkus ang Allâh (I) ay Siyang inyong Tagapagtaguyod. At Siya ang pinakamabuting Tagapagtaguyod at hindi Siya nangangailangan ng sinuman na Kanyang makatutulong.
151. Walang pag-aalinlangan, ilalagay Namin sa mga puso ng mga walang pananampalataya ang matinding sindak at takot, dahil sa kanilang ginawang ‘Shirk’ (pagtambal o pagsamba ng iba), na kanilang mga inangkin na sinasamba nang wala silang patunay at katibayan na yaon ang karapat-dapat na sambahin bilang katambal ng Allâh (I).
Na kung kaya, ang magiging kalagayan nila dito sa mundo ay sindak, takot sa mga mananampalataya; at sa Kabilang-Buhay naman, ang kanilang magiging tahanan ay Impiyerno dahil sa kanilang pagiging masama at pang-aapi. Ito ang pinakamasamang hantungan para sa kanila.
152. At katiyakan, tinupad ng Allâh (I) sa inyo ang Kanyang pangako na pagtatagumpay noong kayo ay nakipaglaban sa mga walang pananampalataya sa ‘`Uhud’ sa Kanyang kagustuhan, hanggang kayo ay natakot at nanghina sa pakikipaglaban at hindi kayo nagkasundu-sundo, na kung kayo ba ay mananatili sa inyong kinaroroonan o di kaya ay inyong lilisanin ito upang magtamasa ng mga ‘ghanâim’ kasama ang mga nagtamasa nito?
At nilabag ninyo ang kautusan ng inyong Sugo na nagsabi sa inyo na huwag kayong aalis sa inyong mga kinalalagyan anuman ang mangyari; na kung kaya, dumating sa inyo ang pagkatalo pagkatapos ninyong matanaw ang inaasam ninyo na pagkapanalo, at lumitaw mula sa inyo ang sinuman na ang nais lamang ay mga ‘ghanâim’ at sa sinuman na ang hangarin ay gantimpala sa Kabilang-Buhay, pagkatapos ay sinanhi ng Allâh (I) na kayo ay umiwas sa inyong mga kalaban upang kayo ay subukan; at katotohanan, batid ng Allâh (I) ang inyong panghihinayang at pagsisisi, na kung kaya, kayo ay Kanyang pinatawad; at ang Allâh (I) ay Labis ang Kanyang Kabaitan sa mga mananampalataya.
153. Alalahanin ninyo, O mga tagasunod ni Muhammad (r), ang nangyari sa inyo noong kayo ay nag-umpisa sa pag-akyat sa bundok at tumakas sa inyong kalaban, at hindi na kayo lumilingon kahit kanino dahil sa inyong matinding pagkagulat, sindak at takot.
Subali’t ang Rasulullâh (Sugo ng Allâh) ay nanatili sa labanan, na nanawagan sa inyo mula sa inyong likuran na nagsasabi: “Halina kayo mga alipin ng Allâh,” subali’t hindi ninyo naririnig at hindi kayo lumilingon; na samakatuwid, ang napala ninyo mula sa Allâh (I) ay magkakasunod na pagdurusa, kagipitan at pangamba; bilang kabayaran sa pagsuway ninyo sa kautusan ng Allâh (I) at ng Kanyang Sugo, upang turuan kayo na hindi manghinayang sa kung anumang hindi nangyari sa inyo na pagkapanalo at pagkamit ng ‘ghanîmah;’ at ganoon din sa nangyari sa inyo na pagkatakot at pagkatalo.
At ang Allâh (I) ay ‘Khabeer’ – Ganap ang Kanyang Kagalingan na Nababatid ang lahat ng inyong mga ginagawa at walang anumang naililihim sa Kanya.
154. Subali’t pagkatapos nito, dahil sa awa ng Allâh (I) sa mga mananampalataya na malinis ang kanilang kalooban, inilagay ng Allâh (I) sa kanilang mga puso ang kapanatagan at kasiguruhan sa pangako ng Allâh (I), pagkatapos nangyari sa kanila ang mga kalungkutan at pagdadalamhati; at dahil doon, sinanhi ng Allâh (I) na antukin ang mga grupo ninyo – sila ay yaong dalisay at nakatitiyak sa kanilang mga sarili; subali’t ang ibang grupo na ang iniisip lamang nila ay ang kaligtasan ng kanilang mga sarili, at humina ang kanilang mga kalooban, at naging abala sila sa kanilang mga sarili lamang, at nag-isip sila ng masama laban sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, sa Kanyang ‘Deen,’ at sa Kanyang Propeta; at iniisip nila na ang Allâh (I) ay hindi Niya maipagpapatuloy ang paghahayag ng mensahe ng Kanyang Sugo, at ang Islâm ay hindi na mananatili. Na kung kaya, makikita ninyo sila na pinagsisihan ang kanilang pagsama sa labanan, na sinasabi nila sa isa’t isa: “Nagkaroon ba tayo ng kalayaan? Binigyan ba tayo ng kalayaan na pumili sa pagsama natin sa labanan?”
Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r), “Katiyakan, ang lahat ng pangyayari ay nasa pangangasiwa at pagmamay-ari ng Allâh (I), na Siya ang nagtakda na kayo ay lalabas at sa anumang nangyari sa inyo,” subali’t sila ay mayroong kinikimkim sa kanilang mga sariling kalooban na hindi inilalantad sa iyo, O Muhammad (r), na panghihinayang dahil sa kanilang pagsama sa pakikipaglaban, sinasabi nila: “Kung mayroon lamang tayo na kahit na kaunting karapatan na pumili ay walang sinuman ang mamamatay sa atin dito.”
Sabihin mo sa kanila: “Katiyakan, ang kamatayan ay nasa kamay ng Allâh (I), kahit na kayo ay nasa inyong mga tahanan at kung itinakda ng Allâh (I) na kayo ay mamamatay, tiyak na lilitaw ang sinuman na itinakda sa kanya ang kamatayan
tungo sa kung saan sila mamamatay. At hindi ito ginawa ng Allâh (I) kundi upang subukin kung ano ang nasa inyong mga kalooban na pag-aalinlangan at pagkukunwari, at upang maihiwalay ang masama sa mabuti, at mailantad ang sinumang tunay na naniniwala mula sa nagkukunwari na mga tao, sa kanilang mga salita at mga gawa.”
At ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam kung ano ang niloloob ng Kanyang mga nilikha at walang anumang bagay ang naililihim sa Kanya sa anumang kanilang ginagawa.
155. Katiyakan, ang mga yaong tumakas mula sa inyo na mga tagasunod ni Muhammad (r) at tumalikod mula sa pakikipaglaban, sa araw ng sagupaan sa pagitan ng mga mananampalataya at ng mga ‘Mushrikûn’ sa Labanan sa ‘`Uhud, ’ ang nagtulak sa kanila sa ganitong kasalanan ay walang iba kundi si ‘Shaytân’ dahil sa ilang mga nagawa nilang kasalanan; at katiyakan, pinatawad sila ng Allâh (I) at hindi sila pinarusahan. Sapagka’t ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa mga nagkasala na mga nagsisipagsisi, na ‘Haleem’ – Ganap at Napakalawak ang Kanyang Pang-unawa at di-kaagad nagpapataw ng kaparusahan sa sinumang lumabag.
156. O kayo na mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Huwag ninyong gayahin ang mga walang pananampalataya na hindi naniwala sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, dahil sinasabi nila sa kanilang kapwa kapatid na walang pananampalataya, na kapag sila ay lumabas at naghanap ng kabuhayan sa kalupaan o di kaya ay sumama sa mga nakipaglaban at pagkatapos ay namatay o napatay: “Kung hindi lamang lumabas ang mga yaon at hindi nakipaglaban, bagkus ay nanatili lamang na kasama namin, ay hindi sila namatay o mapapatay.”
At ito ang salita na nagdulot sa kanila ng pagdurusa, pagdadalamhati at panghihinayang sa kanilang mga puso, subali’t ang mga mananampalataya ay nakatitiyak na ito ay itinakda ng Allâh (I); na kung kaya, ginabayan ng Allâh (I) ang kanilang mga puso at pinagaan sa kanila ang mga pagsubok; at ang Allâh (I), pinananatili Niyang buhay ang sinuman na nakatakda pa sa kanya ang buhay – manlalakbay man ito o nakikipaglaban – at sinasanhi Niya na mamatay ang sinuman na natapos na niya ang kanyang buhay (dito sa daigdig), kahit pa, na siya ay nakatigil lamang sa kanyang tahanan. At ang Allâh (I) ay ‘Baseer’ – Ganap na Tagapagmasid sa lahat ng inyong mga ginagawa at sa pamamagitan nito kayo ay pagbabayarin.
157. At kung kayo ay napatay, O mga mananampalataya, habang kayo ay nakikipaglaban nang alang-alang sa Allâh (I) o namatay kayo sa oras ng labanan; walang pag-aalinlangan na patatawarin ng Allâh (I) ang inyong mga kasalanan at ipagkakaloob sa inyo ang awa mula sa Kanya, nang sa gayon ay makamtan ninyo ang masaganang buhay sa mga Hardin at ito ay higit pa kaysa makamundo at sa anuman na natatamasa ng lahat ng mga nagpunyagi para rito.
158. At kapag kayo ay namatay dito sa mundo: namatay man kayo sa inyong higaan o namatay kayo sa pakikipaglaban, ay sa Allâh (I) pa rin kayo magtitipun-tipon at pagba-bayarin Niya kayo batay sa inyong mga nagawa.
159. Dahil sa awa mula sa Allâh (I) para sa iyo at sa iyong mga tagasunod, O Muhammad (r), ipinagkaloob ng Allâh (I) sa iyo ang pagiging mahinahon sa iyong pakikitungo sa kanila; at kung naging masama (lamang) ang iyong pag-uugali sa kanila at naging matigas ang iyong puso, lalayo sa iyo ang iyong mga tagasunod; kung gayon, huwag mo silang sisihin sa nangyari sa kanila sa ‘`Uhud’ at hilingin mo sa Allâh (I) na patawarin sila; at sumangguni ka sa kanila sa mga pangyayari na kailangan mo ang kanilang mga payo, subali’t kapag pinagpasiyahan mo na ang anumang bagay pagkatapos mong humingi ng payo (sa kanila) ay magpatuloy ka na, na ipinagkakatiwala mo sa Allâh (I) ang lahat; katiyakan, ang Allâh (I) ay nagmamahal sa mga nagtitiwala sa Kanya.
160. Kapag ipinagkaloob ng Allâh (I) sa inyo ang tagumpay at ang Kanyang tulong, walang sinupaman ang makatatalo sa inyo; subali’t kapag pinahamak kayo, sino pa kaya ang maaaring makapag-ahon sa inyo sa kapahamakan? Samakatuwid, sa Allâh (I) lamang nagtitiwala ang mga mananampalataya.
161. At hindi maaari sa Propeta na dayain niya ang kanyang mga tagasunod, na kukuha siya mula sa ‘ghanîmah’ maliban sa bahagi (o parte) na para lamang sa kanya, at sinuman ang gagawa nito mula sa inyo ay dadalhin niya ito sa Araw ng Muling Pagkabuhay upang siya ay ipahiya sa Araw na marami ang sasaksi, pagkatapos ay ipagkakaloob sa bawa’t isa ang kabayaran ayon sa kanyang natamo na gawain nang buung-buo, hindi kukulangan at hindi siya dadayain.
162. Hindi maaari na magkatulad ang sinumang naghangad sa pagmamahal ng Allâh (I) at sa sinuman na nalulong sa mga kasalanan na magiging sanhi ng pagkagalit ng kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha; sa kadahilanang ito, siya ay karapat-dapat na manirahan sa Impiyernong-Apoy na isang napakasamang patutunguhan.
163. Ang mga maninirahan sa ‘Al-Jannah’ na sumusunod sa lahat ng ikinalulugod ng Allâh (I) ay nasa iba’t iba ang kanilang antas, at (gayundin) ang maninirahan sa Impiyerno na isinagawa ang kung ano ang ikinagagalit ng Allâh (I), ay nasa iba’t iba (rin) ang kanilang antas-na-pababa na kalalagyan, na nasa kaila-ilaliman ng Impiyerno, na sila ay hindi magkakatulad (yaong mabubuti at masasama). At ang Allâh (I) ay ‘Baseer’ – Ganap na Nakakikita ng kanilang ginagawa at walang naililihim na anuman sa Kanya.
164. Walang pag-aalinlangan, ginawaran (pinagkalooban) ng dakilang kagandahang-loob ang mga mananampalataya mula sa mga Arabo, noong ipinadala sa kanila ang Sugo na mula sa kanila, na bumibigkas sa kanila ng mga talata ng Banal na Qur’ân, at nililinis sila mula sa ‘Shirk’ (pagtatambal o pagsamba ng iba) at masasamang pag-uugali, at itinuturo sa kanila ang Banal na Qur’ân at ‘Sunnah;’ samantalang noong bago dumating sa kanila ang Sugo ay nasa pagkaligaw sila at malinaw na kamangmangan.
165. (Bakit ganoon?) Noong nangyari sa inyo – O kayong mga mananampalataya – ang isang pagsubok, na ito ay yaong natamo ninyo noon sa Labanan sa ‘`Uhud,’ samantalang doble ang natamo ng mga ‘Mushrikûn’ mula sa inyo noon sa Labanan sa ‘Badr,’ ay inyong sinabi na may pagkamangha: “Paano ito nangyari gayong kami ay mga Muslim at ang Sugo ng Allâh ay nasa amin, samantalang sila ay mga ‘Mushrikûn?’”
Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Ang nangyaring pagsubok na ito ay nagmula (rin naman) sa inyong mga sarili dahil sa paglabag ninyo sa kautusan ng inyong Sugo at sa pagtuon na inyong ginawa upang makamit ang mga ‘ghanâim.’”
Katiyakang ang Allâh (I), ginagawa Niya ang anuman na Kanyang nais at nagpapasiya nang anuman na Kanyang nais at walang sinuman ang maaaring makapagbago ng Kanyang pinagpasiyahan.
166. At ang anumang natamo ninyo na mga sugat o pagkamatay sa labanan sa ‘`Uhud,’ sa Araw ng sagupan sa pagitan ng grupo ng mga mananampalataya at sa grupo ng mga ‘Mushrikin;’ at ang nangyari na pagkapanalo ng mga mananam-palataya sa unang pagkakataon, pagkatapos ay nanalo (naman) ang mga ‘Mushrikin’ sa ikalawang pagkakataon, ang lahat ng ito ay pinagpasiyahan at itinakda ng Allâh (I) upang palitawin sa pama-magitan nito kung sino ang tunay na nananampalataya sa Allâh (I).
167. At palitawin kung sino ang mga mapagkunwari, na inilantad ng Allâh (I) ang niloloob ng kanilang mga puso, noong sinabi ng mga mananampalataya sa kanila: “Halina makipaglaban kayo na kasama namin alang-alang sa Allâh (I) o di kaya ay maging kaagapay namin kayo para dumami ang ating mga bilang.” Sabi nila: “Kung alam lamang namin na kayo ay makikipaglaban, sasama kami sa inyo laban sa kanila,” subali’t sila ay mas malapit sa paglabag sa araw na yaon kaysa paniniwala dahil sinasabi nila sa pamamagitan ng kanilang mga bibig ang wala naman sa kanilang mga puso. At ang Allâh (I) ay Siyang ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam kung ano ang kinikimkim nila sa kanilang mga kalooban.
168. Iyan sila na mga ‘Munâfiqun’ (mapagkunwari), na nagpaiwan at sinabi nila sa kanilang mga kapatid (na mapagkunwari rin) na sinubukan, dahil kinamatayan sila na kasama ang mga Muslim sa kanilang pakikipaglaban sa mga ‘Mushrikûn’ sa ‘`Uhud:’ “Na kung sinunod lamang kami ng mga yaon ay hindi sila mamamatay,” sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Ilayo ninyo ang inyong mga sarili mula sa kamatayan kung kayo ay totoo sa inyong pag-aangkin, na kung sumunod (lamang) sila sa inyo ay hindi sila mamamatay at kayo ang nakaligtas dahil sa inyong pagpapaiwan.”
169. At huwag mong isipin, O Muhammad (r), na yaong mga namatay sa pakikipaglaban alang-alang sa Allâh (I), na sila ay mga patay, na wala silang nararamdaman, bagkus sila ay buhay na buhay sa libingan na kasama ng kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha dahil sa Kanya sila ay nakipaglaban at namatay alang-alang sa Kanya, at patuloy ang pagkakaloob sa kanila ng kabuhayan sa ‘Al-Jannah,’ habang sila ay nasa ‘Barzakh’ at ipalalasap sa kanila ang kasiyahan.
170. Katiyakan, saklaw sila ng lubos na kaligayahan noong ipinagkaloob na ito sa kanila ng Allâh (I), at pinagkalooban sila mula sa Kanyang dakilang kagandahang-loob at malawak na kabaitan ng walang-hanggang kasaganaan, at pagmamahal na kalugud-lugod sa kanilang paningin; at sila ay nasisiyahan sa kanilang mga kapatid na nakikipaglaban na kanilang iniwanan na mga buhay, dahil sila ay magtatagumpay din na katulad ng tagumpay na kanilang nakamit, dahil sa alam nila, na tiyak na makakamit ng kanilang mga kapatid ang anumang nakamit nila na kabutihan, kapag sila ay namatay nang alang-alang sa Allâh (I) na malinis ang kanilang kalooban; at katiyakan na wala silang dapat katakutan sa mangyayari sa kanila sa Kabilang-Buhay, at hindi sila manghihinayang sa anumang hindi nila natamo rito sa daigdig.
171. At katiyakan, sila ay nasa lubos na kaligayahan sa mga ipinagkaloob ng Allâh (I) sa kanila na walang-hanggang gantimpala; at katiyakang ang Allâh (I), hindi Niya babalewalain ang gantimpala ng mga naniwala sa Kanya, kundi ito ay Kanyang palalaguin at daragdagan mula sa Kanyang kagandahang-loob.
172. Ang mga yaong tumugon sa panawagan ng Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, at sila ay nagsipagtungo sa mga ‘Mushrikûn’ na nasa ‘Hamra Al-Asad’ pagkatapos nilang matalo sa Labanan sa ‘`Uhud,’ at kahit na sila ay nagdurusa at sugatan ay ginawa nila ito sa abot ng kanilang makakaya at nagpasailalim sila sa patnubay ng kanilang Propeta (r), ang para sa mga mabubuti at matatakutin sa Allâh (I) mula sa kanila, ay dakilang gantimpala.
173. At sila ay yaong sinabihan ng ilan sa mga pagano: “Katiyakan, si Abu Sufyan at ang kanyang mga kasamahan ay nagkaisa na babalikan kayo upang lupigin, na kung kaya ay maging maingat kayo at katakutan ninyo ang pakikipagsagupa sa kanila, dahil wala pa kayong lakas para lumaban sa kanila,” subali’t ang mga ganoong pananakot ay higit pang nagpapanatag at nagpatibay sa kanilang paniniwala sa pangako ng Allâh (I) sa kanila at hindi (man lamang) nagpahina ng kanilang katatagan; kung kaya, nagpatuloy sila sa kung ano ang ipinag-utos ng Allâh (I) at sinabi nila: “Ipinaubaya namin ang aming mga sarili sa Allâh (I) na Siyang ‘Al-Wakeel’ – ang Ganap na Tagapagkupkop, Tagapangalaga, nasa Kanya ang lahat ng Pangangasiwa sa Kanyang mga alipin.”
174. At sila ay bumalik mula sa ‘Hamra Al-Asad’ tungo sa ‘Al-Madinah’ na may kasamang biyaya ng maraming gantimpala, at kagandahang-loob mula sa Allâh (I) ng mataas na antas at karangalan.
Samakatuwid, mas lalong narag-dagan ang tibay ng kanilang paniniwala at kapanatagan, at nagapi nila ang kalaban ng Allâh (I), nanalo sila sa kanilang kalaban nang walang namatay at walang pakikipaglaban, at sinunod nila ay ang gawain na kalugud-lugod sa Allâh (I) na ito ay pagsunod sa Kanya at pagsunod sa Kanyang Sugo. At ang Allâh (I) ay ‘Dhul Fadhlil `Adzeem’ – Ganap na Nagmamay-ari ng Napakadakilang Kagandahang-Loob na nasa kanila at nasa iba.
175. Walang pag-aalinlangan, ang pumigil sa inyo sa pangyayaring yaon ay si ‘Shaytân,’ na dumating sa inyo para takutin kayo ng kanyang mga tagasunod; samakatuwid, huwag kayong matakot sa mga pagano (‘Mushrikin’) dahil sila ay mga mahihina at wala silang kakampi, Ako ang inyong katakutan sa pakikipagharap sa pamamagitan ng pagsunod sa Akin, kung kayo ay tunay na naniniwala sa Akin at sumusunod sa Aking Sugo.
176. Hindi ka dapat mangamba, O Muhammad (r), sa mga walang pananampalataya sa kanilang pagmamadali sa pagtanggi at pagkaligaw, dahil hindi nila makakanti ang Allâh (I), bagkus ang mapapahamak nila ay ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagkakait sa kanila ng tamis ng paniniwala at dakilang gantimpala, ninanais lamang ng Allâh (I) na wala silang mapapala na anumang gantimpala sa Kabilang-Buhay dahil tinanggihan nila ang panawagan ng katotohanan, at para sa kanila ay napakasidhing kaparusahan.
177. Katiyakan, yaong ipinagpalit ang paniniwala sa pagtanggi ay hindi nila makakanti ang Allâh (I) ni katiting, bagkus ang kapinsalaan na idinudulot ng kanilang gawa ay bumabalik sa kanilang mga sarili; at sa Kabilang-Buhay ay matinding kaparusahan ang para sa kanila.
178. At huwag isipin ng mga tumanggi sa paniniwala, na kung pinahahaba Namin ang kanilang buhay; at pinagbibigyan sila ng sarap sa makamundong buhay; at hindi Namin sila pinagbabayad sa kanilang pagtanggi at sa pagkakasala --- (huwag nilang isipin) na ito ay tiyak na nakabubuti sa kanilang mga sarili; bagkus ay inaantala (lamang) Namin ang pagpaparusa sa kanila at ang kanilang kamatayan, nang sa gayon ay lalo pa silang malulong sa sukdulang kasamaan at sukdulan na pagmamalabis, at ang para sa kanila ay kahabag-habag na kaparusahan.
179. Hindi maaari na pababayaan kayo ng Allâh (I), kayo na mga naniwala sa Kanya at sumunod sa Kanyang Sugo, sa inyong kalagayan, na walang katiyakan kung sino ang tunay na naniniwala at kung sino ang nagkukunwari (lamang), hanggang hindi Niya maihihiwalay ang masama sa mabuti, upang makilala kung sino ang nagkukunwari at kung sino naman ang tunay na naniniwala.
Kung kaya, hindi bahagi ng karunungan ng Allâh (I) na ipakita sa inyo – O kayong mga mananampalataya – ang mga lihim na Kanyang nalalaman hinggil sa Kanyang mga alipin, nang sa gayon ay malaman ninyo kung sino ang naniniwala at kung sino ang nagkukunwari, bagkus ang magpapahiwalay nito ay ang mga pagpapahirap at pagsubok; kaya nga lamang, ang Allâh (I), pumipili Siya mula sa Kanyang mga Sugo ng sinuman na Kanyang nais, upang ipakita kung ano ang kinikimkim ng iba sa kanilang mga kalooban sa pamamagitan ng Rebelasyon mula sa Kanya; samakatuwid, maniwala kayo sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, at kung kayo ay tunay na naniniwala at natatakot sa Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanya, ang para sa inyo ay dakilang gantimpala mula sa Kanya (I).
180. At huwag isipin ng mga yaong nagdadamot sa mga biyaya na ipinagkaloob ng Allâh (I) sa kanila, bilang kagandahang-loob na ito ay nakabubuti sa kanila, bagkus ito ay nakasasama sa kanila, dahil ang kayamanan na kanilang inipon ay magiging kulyar (kuwintas) na gawa sa apoy na itatali sa kanilang leeg sa Araw ng Muling Pagkabuhay.
At ang Allâh (I), Siya ang nagtatangan ng tunay na pagka-Hari, at Siya ay mananatili pagkatapos mawala ang lahat ng Kanyang mga nilikha, at Siya ay ‘Khabeer’ – Ganap ang Kanyang Kagalingan na Nababatid ang lahat ng inyong mga ginagawa, at ginagantihan Niya ang bawa’t isa ayon sa kanyang karapatan.
181. Katotohanan, dinig ng Allâh (I) ang sinabi ng mga Hudyo, noong sinabi nila: “Katiyakan, ang Allâh (I) ay Siyang nangangailangan sa amin, dahil kailangan Niya ang aming pautang at kami ay mayayaman.”
Walang pag-aaalinlangan, isusulat Namin ang anuman na kanilang sinabi at isusulat din Namin na sila ay sang-ayon sa pagpatay na ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga Propeta ng Allâh bilang sukdulang kasamaan at paglabag; at walang pag-aalinlangan na pagbabayarin Namin sila sa Kabilang-Buhay dahil sa kanilang ginawa at sasabihin Namin sa kanila habang sila ay pina-rurusahan sa Impiyerno: “Lasapin ninyo ang Impiyerno na nakasu-sunog.”
182. Yaon ang matinding kaparu-sahan dahil sa ginawa ninyong kasamaan dito sa buhay ninyo sa daigdig, na salita, gawa at paniniwala, at katiyakan na ang Allâh (I) ay hindi Niya dinadaya ang (Kanyang) mga alipin.
183. Silang mga Hudyo, noong sila ay hinikayat sa Islâm, sinabi nila: “Katotohanan, ang Allâh (I) ay nag-utos sa amin sa pamamagitan ng ‘Tawrah’ na hindi kami maniniwala sa sinumang darating sa amin na magsasabi na siya ay Sugo mula sa Allâh (I), hanggang siya ay makapagdala ng alay o kawanggawa, bilang paghahandog para sa Allâh (I) at bababa ang apoy mula sa langit at ito ay susunugin.”
Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Kayo ba’y nagsisinungaling sa inyong mga sinasabi, dahil dumating sa inyong mga ninuno ang mga Sugo bago ako, na dala-dala nila ang mga palatandaan ng mga himala, na nagpapatotoo sa kanila at mayroon ding katulad ng sinasabi ninyo na nag-alay at kakainin (susunugin) ng apoy, subali’t bakit pinatay ng inyong mga ninuno ang mga Propeta na yaon, kung kayo ay totoo sa inyong pag-angkin?”
184. At kung pasisinungalingan ka, O Muhammad (r) ng mga Hudyo na iyan at ang iba pang mga walang pananampalataya, ay marami ring mga tumanggi sa kanila na pinasinungalingan nila ang mga Sugo na nauna sa iyo, na dala-dala nila sa kanilang mga sambayanan ang ‘Al-Bayyinat’ --- mga kamangha-mangha na mga himala, malinaw na mga katibayan at mga kasulatan na nagmula sa Allâh (I); na ito ay liwanag sa kadiliman at Aklat na malilinaw.
185. Ang bawa’t may buhay ay matitikman ang kamatayan at sa pamamagitan nito babalik ang mga nilikha sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha upang sila ay hukuman. At walang pag-aalinlangan, makakamtan ninyo ang kabayaran sa inyong mga gawain nang buo at nang walang kakulang-kulang sa Araw ng Muling Pagkabuhay.
Samakatuwid, sinuman ang pinarangalan ng kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at iniligtas Niya sa Impiyerno at pinapasok Niya sa ‘Al-Jannah;’ katiyakan, nakamtan niya ang sukdulang tagumpay na kanyang hinahangad, dahil ang buhay na makamundo ay isa lamang na mapanlinlang na kaligayahan na may hangganan; kung gayon, ay huwag kayong magpalinlang.
186. Walang pag-aalinlangan na susubukin kayo, O mga mananampalataya, sa inyong mga kayamanan sa pamamagitan ng paggasta nito ng obligado o kusang-loob, o sa pamamagitan ng mga kasiraan na dumarating sa inyong mga kayamanan; at ganoon din sa inyong mga sarili, sa mga ipinag-utos sa inyo na pagsunod at sa mga pangyayari na pagkasugat o pagkamatay at pagkawala ng mga mahal sa buhay; at ito ay nangyayari nang sa gayon ay maihiwalay ang tunay na naniwala mula sa iba.
At walang pag-aalinlangan, maririnig ninyo mula sa mga Hudyo, mga Kristiyano at mga Pagano; ang di-kanais-nais sa inyong pandinig na mga salitang ‘Shirk’ (pagtatambal o pagsamba ng iba) o paninira sa inyong ‘Deen.’
At kung matitiis ninyo, O kayong mga mananampalataya, ang lahat ng mga ito; at matakot kayo sa Allâh (I), at manatili sa pagsunod sa Kanya at sa pag-iwas sa paglabag sa Kanya; na katiyakang, ito ang mga bagay na dapat ninyong pagpunyagian at patatagin sa pamamagitan ng inyong mga matibay na pagpapasiya.
187. At alalahanin mo, O Muhammad (r), noong nakipag-kasundo ang Allâh (I) nang matibay na pakikipagkasunduan sa mga pinagkalooban ng Aklat – na ‘Tawrah’ at ‘Injeel;’ na ito ay susundin nila at ipaliliwanag nila sa mga tao ang niloloob nito, at hindi nila ito ililihim at itatago sa kanila; subali’t binalewala nila ang kasunduan at hindi nila ito isinagawa, at nagkamit sila ng maliit na halaga bilang kabayaran sa paglihim nila ng katotohanan at sa ginawa nilang pagbabago sa Aklat, kaya napakasama ng bentahan na kanilang ginawa dahil sa pagbalewala nila sa kasunduan at pagbago nila ng kasulatan.
188. At huwag isipin ng mga yaong nasisiyahan sa kanilang ginawa na mga masasama at karumal-dumal na gawain, na katulad ng mga Hudyo, mga mapagkunwari at iba pa; at nais nilang sila ay purihin ng mga tao sa mga bagay na hindi nila nagawa, at huwag mong isipin na sila ay makaliligtas mula sa kaparusahan ng Allâh (I) dito sa daigdig, at ang para sa kanila sa Kabilang-Buhay ay matinding kaparusahan.
Dito, sa talatang ito ay nagbibigay nang matinding babala sa sinumang gumagawa ng masama, na ipinangangalandakan niya ito at sa sinumang nagmamayabang sa mga bagay na hindi niya nagawa upang mapuri lamang siya ng tao.
189. At bukod-tangi na Pagmamay-ari ng Allâh (I) ang mga kalangitan at kalupaan at anumang niloloob nito. At ang Allâh (I) ay Siyang ‘Qadeer’ – Ganap na Makapangyarihan sa lahat ng bagay.
190. Katiyakan, sa paglikha ng Allâh (I) ng mga kalangitan at kalupaan nang walang pinanggayahan, at sa pagpapalit ng gabi at araw, at pag-iiba-iba nito sa haba at sa iksi ay malilinaw at dakilang mga palatandaan na nagpapatunay sa Kaisahan ng Allâh (I) para sa mga taong may pang-unawa at may matutuwid na pag-iisip.
191. Yaong mga palaging inaalaala [27] ang Allâh (I) sa lahat ng pagkakataon habang sila ay nakatayo, nakaupo, nakahiga at iniisip nila nang lubusan ang hinggil sa pagkakalikha ng mga kalangitan at kalupaan, na sinasabi nila: “O Allâh na aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Luwalhati sa Iyo, hindi Mo ito nilikha nang walang anumang kadahilanan, dahil ligtas Ka sa mga ganoong bagay. Ilayo Mo kami sa kaparusahan ng Impiyernong-Apoy.”
192. “O Allâh na aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Iligtas Mo kami sa Impiyerno sapagka’t ang sinuman na ipasok Mo sa Impiyerno dahil sa kanyang pagkakasala ay katiyakan na ipinahiya at ipinahamak Mo, at walang sinuman ang makapagliligtas sa mga makasalanan at masasama mula sa kaparusahan sa Araw ng Muling Pagkabuhay bukod sa Iyo.”
193. “O Allâh na aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Katiyakan, narinig namin ang nanawagan, na siya ay Iyong Propeta na si Propeta Muhammad (r), nanawagan siya sa mga tao para maniwala sa Iyo at tumestigo hinggil sa Kaisahan Mo at isagawa ang Iyong batas; na kung kaya, tinanggap namin ang kanyang panawagan at naniwala kami sa kanyang mensahe, kung gayon patawarin Mo kami sa aming mga kasalanan at ilihim mo ang aming mga kapintasan, at ibilang Mo kami sa mga mabubuti.”
194. “O Allâh na aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Ipagkaloob Mo sa amin ang Iyong pangako ayon sa mga sinabi ng Iyong mga Sugo na pagiging matagumpay, ganap na kapangyarihan, gabay at patnubay; at huwag Mo kaming ipahiya dahil sa aming mga pagkakasala sa Araw ng Muling Pagkabuhay, dahil sa Iyong kabaitan, kailanman ay hindi Mo sinisira ang pangako na Iyong ipinangako sa Iyong mga alipin.”
195. Samakatuwid, dininig ng Allâh (I) ang kanilang mga panalangin at sinabi Niya, na hindi Niya pahihintulutan na masayang ang mga mabubuting gawain na pinaghirapan ng sinuman sa inyo, mapalalaki man siya o mapababae, dahil sila ay magkakapatid sa ‘Deen,’ at ang pagtanggap sa kanilang mga gawa at ang gantimpala para rito ay magkakatulad.
“Na kung kaya, sa mga nangibang-bayan na hinahangad ang pagmamahal ng Allâh (I), at sila ay pinaalis sa kanilang mga tahanan at pinahirapan dahil sa kanilang pagsunod sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at pagsamba sa Kanya, at nakipaglaban sila at namatay nang alang-alang sa Allâh (I) upang mangibabaw ang Kanyang batas; walang pag-aalinlangan, ililihim ng Allâh (I) ang kanilang nagawang kasalanan na katulad ng paglihim nito sa kanila rito sa mundo, na kung kaya, hindi na sila pagbabayarin pa (sa kanilang mga nagawang kasalanan), at papapasukin sila sa mga Hardin na may umaagos na mga ilog sa ilalim ng mga puno at mga palasyo nito, bilang gantimpala sa kanila mula sa Allâh (I). At ang Allâh (I) ay nasa Kanya ang mas higit na gantimpala.
196. Huwag kang palilinlang, O Muhammad (r), sa mga walang pananampalataya sa Allâh (I), na nasa kanila (raw) ang mararangyang kabuhayan, maraming biyaya, paglipat mula sa iba’t ibang lugar para sa pangangalakal upang kumita ng salapi, dahil hindi magtatagal ay mawawala rin itong lahat sa kanila at magbabayad sila sa kanilang mga masamang gawain.
197. Pansamantalang kaligayahan, pagkatapos ang kanilang hahantungan sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay Impiyerno na pinakamasamang tirahan.
198. Subali’t yaong mga natakot sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, sumunod sa Kanyang mga ipinag-utos, at umiwas sa Kanyang mga ipinagbawal; katiyakan, inihanda ng Allâh (I) para sa kanila ang mga Hardin na umaagos ang mga ilog sa ilalim ng mga puno nito, ito ang walang-hanggan na magiging tirahan nila at doon sila ay mananatili.
Na samakatuwid, kung ano man ang nasa Allâh (I) ay higit na dakila at nakabubuti para sa mga sumunod; kaysa sa kung ano ang mga kasiyahan na pinagpasasaan (o tinamasa) ng mga walang pananampalataya rito sa mundo.
199. At katiyakan, mayroon sa mga ‘Ahlul Kitâb’ (mga Hudyo at mga Kristiyano) ang nakatitiyak sa kanyang paniniwala, na ang Allâh (I) ay Siyang Bukod-Tanging ‘Rabb’ na Tagapaglikha at Siya lamang ang sinasamba nila, at sa kung anuman na ipinahayag sa inyo na Banal na Qur’ân, at ganoon din sa ipinahayag sa kanila na ‘Tawrah’ at saka ‘Injeel;’ na nagpapakumbaba sila sa Allâh (I), nagpapasailalim sa Kanyang kagustuhan, at hindi ipinagpalit ang mga talata ng Allâh (I) sa maliit na halaga ng makamundong bagay; at hindi nila inilihim ang ipinahayag ng Allâh (I), at hindi nila ito binago na tulad ng ibang ‘Ahlul Kitâb.’
Ang para sa kanila ay dakilang gantimpala sa Araw na makatatagpo nila ang Allâh (I) at ito ay matatamo nila nang walang kabawasan. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Saree`ul Hisâb’ – Ganap at Napakabilis Niyang Tumuos at walang kahirap-hirap para sa Kanya na tuusin ang kanilang mga gawain at ayon dito sila ay pagbabayarin.
200. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, at nagpatupad ng Kanyang batas! Maging matiisin kayo sa pamamagitan ng pagsunod ninyo sa inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha at sa anumang dumarating sa inyo na mga kahirapan at pagsubok. Lamangan ninyo ang inyong mga kalaban sa pagiging matiisin at magpakatatag kayo at isagawa ninyo ang pakikipaglaban sa Aking kalaban na kalaban ninyo, at katakutan ninyo ang Allâh (I) sa lahat ng pagkakataon sa paghahangad na makamtan ninyo ang tagumpay na Kanyang pagmamahal, dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment