28
XXVIII – Sûrat Al-Qasas
[Kabanata Al-Qasas – Ang Pagsasalaysay]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Tã-Sĩn-Mĩm – Ang mga titik na ito ng ‘Arabic’ ay nauna nang naipaliwanag sa ‘Sûratul Baqarah.’
2. Ito ay mga talata ng Banal na Qur’ân na ipinahayag sa iyo, O Muhammad (r), na nagsasaad sa lahat ng pangangailangan ng mga alipin sa kanilang makamundong buhay at maging sa Kabilang-Buhay.
3. Isinasalaysay Namin sa iyo ang ilang bahagi sa katotohanang kuwento hinggil kay Mousâ (u) at Fir`âwn para sa mga taong naniniwala sa Banal na Qur’ân, at naniniwala na ito ay nagmula sa Allâh (I) at sinusunod nila ang gabay nito.
4. Walang pag-aalinlangan, si Fir`âwn ay nagmataas at nagmalabis sa ibabaw ng kalupaan, at ginawa niya ang kanyang sambayanan na iba’t ibang grupo, minamaliit niya ang isang grupo mula sa kanila at hinahamak, na sila ay yaong mga angkan ni Isrâ`îl, na pinapatay niya ang kanilang mga anak na kalalakihan at inaalipin naman niya ang kanilang mga kababaihan, na kung kaya, katiyakang siya ay kabilang sa mga namiminsala sa ibabaw ng kalupaan.
5. At nais Naming ibukod-tangi ang mga yaong hinamak ni Fir`âwn dito sa kalupaan, at sasanhiin Namin na pamunuan nila ang kalupaan ng kabutihan at mag-aakay tungo rito, at gagawin Namin silang tagapagmana rito sa kalupaan pagkatapos mawasak si Fir`âwn at ng kanyang sambayanan.
6. At itatatag sila rito sa kalupaan, at sasanhiin Namin sina Fir`âwn at Hâmân, at ang mga sundalo nilang dalawa, na makikita nila mula sa mahinang grupong ito, ang anuman na kinatatakutan nilang pagkawasak at pagkawala ng kanilang kaharian, at pagpapaalis sa kanila mula sa kanilang bayan sa pamamagitan ng isang ipapanganak na mula sa angkan ni Isrâ`îl.
7-8. At tuwirang inihayag Namin sa pamamagitan ng inspirasyon sa ina ni Mousâ (u) nang siya ay isinilang at nangangamba siya sa kanya na baka mapatay siya ni Fir`âwn na katulad ng ginawang pagpatay ni Fir`âwn sa mga anak na kalalakihan mula sa angkan ni Isrâ`îl: “Pasusuhin mo siya na may kapanatagan sa iyong kalooban, at kapag natakot ka na mabatid ang hinggil sa kanya ay ilagay mo siya sa kahon at itapon mo ang kahon na ito sa ilog ng Nile, na wala kang pinangangambahang takot mula kay Fir`âwn at sa kanyang mga tauhan na siya ay mapapatay nila, at huwag kang malungkot sa paghiwalay niya sa iyo, dahil Kami sa katotohanan ay ibabalik Namin ang anak mo sa iyo at gagawin Namin siyang isa sa Aming mga Sugo.
At kanya siyang inilagay sa kahon at itinapon sa ilog ng Nile, at natagpuan siya ng mga tauhan ni Fir`âwn at kanilang kinuha, at sinanhi ng Allâh (I) ang ganoon upang maging kalaban siya para sa kanila at magiging sanhi ng kanilang pagdadalamhati, dahil nangyari ang kanilang pagkawasak sa pamamagitan niya. Walang pag-aalinlangan, si Fir`âwn, si Hâmân at ang kanilang mga tauhan ay kabilang sa mga makasalanan na sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I).
9. At sinabi ng asawa ni Fir`âwn kay Fir`âwn: “Ang batang ito ay tiyak na magiging dahilan ng kasiyahan at kapanatagan ng aking paningin at ng iyong paningin, na kung kaya, huwag ninyo siyang patayin; dahil baka maaaring makatagpo tayo ng kabutihan mula sa kanya o di kaya ay ituturing nating siyang anak,” samantalang si Fir`âwn at ang kanyang pamilya ay hindi nila batid na ang magiging dahilan ng kanilang pagkawasak ay magaganap sa pamamagitan niya.
10. At nawalan ng laman ang kalooban ng ina ni Mousâ maliban sa pagkalungkot at pag-alaala kay Mousâ (u), at halos maihayag niya ang lihim na ito na si Mousâ (u) ay tunay niyang anak kung hindi lamang Namin siya pinatatag, at siya ay nagtiiis at hindi niya ito inihayag; upang siya ay maging kabilang sa mga naniwala sa pangako ng Allâh (I) na mga nakatitiyak hinggil dito.
11. At sinabi ng ina ni Mousâ sa kapatid ni Mousâ na babae noong itinapon niya ito sa ilog: “Sundan mo si Mousâ (u) upang malaman mo kung ano ang mangyayari sa kanya,” at sinundan nga niya ang mga bakas ni Mousâ (u) at siya ay nakamasid mula sa malayo, samantalang ang mga tauhan ni Fir`âwn ay hindi nila batid na siya pala ay kapatid niyang babae habang siya ay sinusundan ito.
12. At ipinagbawal Namin na makasuso si Mousâ (u) sa lahat ng tagapagpasuso hanggang sa hindi pa Namin siya naibabalik sa kanyang ina, at sinabi ng kanyang kapatid na babae: “Nais ba ninyong ituro ko para sa inyo ang isang pamilya na pagbubutihin nila ang pag-aalaga at pagpapasuso sa kanya, habang sila ay naaawa sa kanya?” At sumang-ayon sila sa kanyang mungkahi.
13. At sa ganoon Namin ibinalik si Mousâ (u) sa kanyang ina; upang mapanatag ang kanyang paningin, at tinupad Namin sa kanya ang pangako; dahil siya ay nakabalik sa kanya na ligtas na hindi napatay ni Fir`âwn, at wala siyang pinangambahan sa paghiwalay (o pansamantalang paglayo) na ginawa sa kanya, at upang mabatid niya na ang pangako ng Allâh (I) ay totoo sa anuman na Kanyang ipinangako sa kanya, na si Mousâ (u) ay walang pag-aalinlangang ibabalik sa kanya at gagawing isa sa mga Sugo. Katiyakan, ang Allâh (I) ay hindi Niya sinisira ang Kanyang pangako, subali’t ang karamihan sa mga hindi naniniwala sa Kanya ay hindi nila batid na ang Allâh (I) ay totoo sa Kanyang pangako.
14. At nang inabot na ni Mousâ (u) ang edad ng kakisigan at hustong gulang, ay ipinagkaloob Namin sa kanya ang karunungan at kaalaman, na sa pamamagitan nito ay natutunan niya ang mga alitututunin ng batas, at kung paano Namin ginantimpalaan si Mousâ (u) dahil sa kanyang pagsunod at kabutihan ay ganoon din Namin gagantimpalaan ang sinumang mabuti mula sa Aming mga alipin.
15. At pumasok si Mousâ (u) sa siyudad nang palihim habang ang mga tao ay abala sa kanilang mga gawain, natagpuan niya roon ang dalawang lalaki na nag-aaway: ang isa sa kanila ay kabilang sa sambayanan ni Mousâ (u) na mula sa angkan ni Isrâ`îl at ang isa naman ay mula sa sambayanan ni Fir`âwn, at humingi ng tulong ang kalahi ni Mousâ (u) kay Mousâ (u) laban sa kanyang kalaban, na kung kaya, sinuntok ni Mousâ (u) sa pamamagitan ng kanyang kamao yaong kalaban at namatay, sinabi ni Mousâ (u) noong napatay niya yaon: “Ito ay mula sa masamang gawain ni ‘Shaytân,’ dahil sa pinabugso niya ang aking galit hanggang sa siya ay aking nasuntok at namatay, katiyakan, si ‘Shaytân’ ay kalaban ng angkan ni Âdam, na inililigaw niya ito mula sa Daan ng Patnubay, at napakalinaw ang kanyang pagiging kalaban.” At ang nagawang ito ni Mousâ (u) ay naganap bago pa siya naging Propeta.
16. Sinabi ni Mousâ (u): “O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Katiyakan, naapi ko ang aking sarili sa pamamagitan ng pagpatay ko ng isang tao na hindi Mo ipinag-utos sa akin na patayin, na kung kaya, patawarin Mo ako sa aking nagawang kasalanan, at pinatawad siya ng Allâh (I). Walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) ay ‘Al-Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa pagkakasala ng Kanyang mga alipin, na ‘Ar-Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila.
17. Sinabi ni Mousâ (u): “O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Dahil sa pinagkalooban Mo ako ng biyaya na pagpapatawad at masaganang kagandahang-loob, kailanman ay hindi na ako magiging katulong ng sinuman para siya ay makagawa ng kasamaan at kasalanan.”
18. At si Mousâ (u) ay patuloy na nanatili sa siyudad na natatakot, na nagmumuni-muni ng mga balita sa anumang pag-uusapan ng mga tao hinggil sa kanya at hinggil sa kanyang napatay, samantala sa gayong pagkakataon ay nakita na naman niya ang lalaki na humingi ng tulong kahapon na nakikipag-away na namang muli sa ibang Ehipsiyo, at humihingi na naman ng tulong kanya, sinabi ni Mousâ (u) sa kanya: “Tunay na ikaw ay malinaw na nasa pagkaligaw.”
19. Nang nagpasiya na si Mousâ (u) na paluin niya ang Ehipsiyo, sinabi nito: “Nais mo ba akong patayin na tulad ng ginawa mong pagpatay sa isang tao kahapon? Wala kang hangad kundi upang maghasik ng kapinsalaan sa kalupaan at hindi upang pag-ayusin ang pagitan ng mga tao na di nagkakasundu-sundo.”
20. At samantala may dumating naman na isang lalaki na nagmamadali mula sa dulo ng siyudad, at sinabi niya: “O Mousâ (u), katiyakan, ang mga matataas ng sambayanan ni Fir`âwn ay nagpapakana at nagkasundo na ikaw ay kanilang papatayin, na kung kaya, umalis ka na sa siyudad na ito dahil sa ako ay kabilang sa mabuting tagapagpayo at naaawa sa iyo.”
21. Umalis si Mousâ (u) mula sa siyudad ni Fir`âwn na natatakot na di-mapakali na baka siya ay maabutan ng mga naghahanap sa kanya at siya ay mahuhuli, kaya nanalangin siya sa Allâh (I) na iligtas siya mula sa mga masasamang tao.
22. At nang naplano na niya na siya ay tutungo sa bayan ng Madyan at umalis na siya sa kaharian ni Fir`âwn, kanyang sinabi: “Nawa’y gabayan ako ng aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa pinakamabuting daan patungo sa Madyan.”
23. At nang siya ay makarating sa lugar na pinagkukunan ng tubig ng mga taga-Madyan ay natagpuan niya roon ang grupo ng mga kalalakihan na nagpapainom ng kanilang mga inaalagaang hayop, at maliban sa kanila ay natagpuan niya ang dalawang kababaihan na nakabukod sa grupo ng mga kalalakihan, na naghihintay sila na pansamantalang inantala muna nila ang pagpapainom sa kanilang mga inaalagaang kambing dahil sa kanilang kahinaan na nahihirapan silang makipagsiksikan sa mga kalalakihan, at hinihintay nila na makaalis muna roon ang mga hayop na inaalagaan ng mga kalalakihan, pagkatapos ay saka pa lamang sila makapagpapainom ng kanilang mga inaalagaang hayop, at nang nakita sila ni Mousâ (u) ay naawa siya sa dalawa, pagkatapos ay sinabi niya: “Ano ba ang problema ninyong dalawa (bakit nakatigil lamang kayo diyan)?” Sinabi ng dalawa: “Hindi namin kayang makipagsiksikan sa mga kalalakihan, at hindi namin kayang painumin ang aming mga inaalagaang hayop hanggang hindi pa natatapos magpainom ang mga kalalakihan, at ang aming ama naman ay matanda na, na hindi na niya kayang magpainom ng aming mga hayop dahil sa kanyang kahinaan at katandaan.”
24. At dahil doon ay pinainom ni Mousâ (u) para sa dalawang kababaihan ang kanilang mga inaalagaang hayop, pagkatapos siya ay tumungo sa lilim ng puno upang doon magpalilim at kanyang sinabi: “O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Katiyakang ako ay nanangailangan sa anumang kabutihan na Iyong ipagkakaloob sa akin, na tulad ng pagkain.” At sa mga panahong yaon ay gutom na gutom na siya.
25. At dumating ang isa sa dalawang kababaihan na pinainom niya ang kanilang inaalagaang hayop na nahihiyang naglalakad, at kanyang sinabi: “Katiyakan, pinapupunta ka ng aking ama upang ibigay sa iyo ang kaukulang halaga bilang kabayaran sa pagpapainom mo sa aming mga inaalagaang hayop.” Na kung kaya, sumama si Mousâ (u) sa kanya tungo sa kanyang ama, at nang dumating sila sa kanyang ama, doon ay isinalaysay niya ang nangyari sa kanya at ni Fir`âwn at ng kanyang mga tagasunod, sinabi sa kanya ng ama ng babae: “Huwag kang matakot dahil ligtas ka na mula sa mga masasamang tao, na ang mga ito ay sina Fir`âwn at ang kanyang mga tagasunod; dahil hindi na sakop ng kanilang kapangyarihan ang aming bayan.”
26. Sinabi ng isa sa dalawang kababaihan sa kanyang ama: “O aking ama! Kunin mo siya bilang tagapag-alaga ng iyong mga hayop; dahil ang pinakamabuti sa mga kalalakihan para sa iyo na kunin mong tagapag-alaga ng mga hayop ay malakas na kaya niyang alagaan ang iyong mga hayop at makapagkakatiwalaan na walang dapat ipangamba na dadayain ka sa anumang ipinagtiwala mo sa kanya.”
27. Sinabi ng matandang lalaki kay Mousâ (u): “Katiyakan, nais kong mapangasawa mo ang isa sa aking dalawang anak na babae, na ang kapalit (bilang ‘Mahr’) ay pagtatrabaho mo sa akin ng walong taon bilang tagapag-alaga ng aking mga hayop, at kung ito ay bubuin mong sampung taon ay ituturing ko itong kagandahang-loob na mula sa iyo. Subali’t hindi ko nais na ilagay ka sa kahirapan para ito ay gawin mong sampung taon, at sa kapahintulutan ng Allâh (I) ay matatagpuan mo ako na kabilang sa mga matatapat na mabuti ang aking pakikisama at pagpapatupad ng aking sinabi.”
28. Sinabi ni Mousâ (u): “Ang sinabi mong ito ang magiging kasunduan sa pagitan ko at pagitan mo, na kung alinman sa dalawang panahon ang aking natupad sa pagtatrabaho ay natupad ko samakatuwid ang ating napakagkasunduan at wala akong nagawang di-makatarungan, at ang Allâh (I) ay walang pag-aalinlangang Saksi sa anuman na ating sinasabi at Tagapangalaga na Walang-Hanggang Nakamasid sa atin, at Nakaaalam sa anuman na ating pinagkasunduan.”
29. At nang naisakatuparan na ng Propeta ng Allâh (I) na si Mousâ (u) ang sampung taon, na ito ang kabuuan ng ikalawang itinakdang kasunduan, ay umalis na siya kasama ang kanyang pamilya tungo sa Ehipto, na nakita niya sa gawing gilid ng bundok ng Tûr ang apoy, na kanyang sinabi sa kanyang pamilya: “Magdahan-dahan muna kayo at maghintay sandali dahil sa ako ay nakakita ng apoy; at baka maaaring makapagdala ako para sa inyo mula sa apoy na yaon ng balita o di kaya ay makapagdala ako sa inyo ng nagniningas na gatong upang makapagpainit kayo mula sa kalamigan.”
30-31. At nang dumating si Mousâ (u) sa apoy, ay tinawag siya ng Allâh (I) na ang tinig ay nagmula sa gawing kanan ng lambak, na kung saan si Mousã (u) ay nasa banal na lugar mula sa tabi ng puno: “O Mousâ! Katiyakan, Ako ang Allâh (I) na ‘Rabb’ ng lahat ng mga nilikha at inuutusan kita na bitiwan mo ang iyong tungkod,” at binitiwan nga ito ni Mousâ (u) at ito naman ay naging ahas na gumagalaw, at nang makita ni Mousâ (u) na ito ay gumagalaw na parang sinapian ng ‘Jinn’ na mga ahas ay tumalikod siya na tumalilis, at hindi na siya lumingon pa dahil sa kanyang takot, at tinawag siya ng Allâh (I) na kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha: “O Mousâ! Humarap ka sa Akin at huwag kang matakot; dahil ikaw ay kabilang sa mga maliligtas sa anumang di kanais-nais na mangyayari.”
32. “Ipasok mo ang iyong kamay sa butas ng iyong kasuotan at ilabas mo pagkatapos nito at ito ay magiging kulay puti na parang yelo sa kaputian nito subali’t hindi naman ito ketong, at iyakap mo ito sa dibdib mo upang mawala ang takot mo, at itong dalawang ipinakita Ko sa iyo, O Mousâ (u): ang pagiging ahas ng tungkod at pagputi ng iyong kamay na kumikinang sa kaputian na hindi naman sakit na ketong, ay dalawang tanda na mula sa iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha na ipakikita mo o dadalhin mo kay Fir`âwn at sa matataas mula sa kanyang sambayanan. Katiyakan, si Fir`âwn at ang kanyang mga tagasunod ay kabilang sa mga hindi naniwala.”
33-34. Sinabi ni Mousâ (u): “O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Ako ay nakapatay mula sa sambayanan ni Fir`âwn ng isang tao, na kung kaya, natatakot ako na baka ako ay papatayin din nila, at ang aking kapatid na si Hâroun ay mas bihasa kaysa akin sa pananalita, na kung kaya, isugo Mo siya, kasama ko bilang aking makatutulong upang siya ay magpatotoo sa akin, at maipaliwanag niya sa kanila mula sa akin ang anumang kapaliwanagan na ipaparating Mo sa kanila. Katiyakan, natatakot ako na baka ako’y pasinungalingan nila kapag sinabi ko sa kanila: ‘Katiyakan, ako ay walang pag-aalinlangang ipinadala bilang Sugo sa kanila.’”
35. Sinabi ng Allâh (I) kay Mousâ (u): “Walang pag-aalinlangan, palalakasin ka Namin sa pamamagitan ng iyong kapatid, at ibibigay Namin sa inyo ang katibayan laban kay Fir`âwn at sa kanyang sambayanan, na sila ay hindi makagagawa ng anumang kasamaan sa inyo; kayong dalawa, ikaw Mousâ (u) at si Hâroun at ang sinumang sumunod sa inyong dalawa ay magtatagumapay laban kay Fir`âwn at sa kanyang sambayanan; dahil sa ang Aming mga palatandaan at ang anuman na pinatutunayan nito ay pawang katotohanan.”
36. At nang dumating si Mousâ (u) kay Fir`âwn at sa kanyang mga matataas na tauhan na dala-dala nila ang Aming mga palatandaan at mga katibayaan na nagpapatunay sa pagiging totoo ng dala-dala ni Mousâ (u), na ito ay mula sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, sinabi nila kay Mousâ (u): “Kung ano man ang dala-dala mo sa amin ay walang iba kundi inyong inimbentong salamangka bilang kasinungalingan at walang katotohanan, at wala kaming narinig na katulad nitong mga inaangkin ninyo sa mga nauna sa amin na mga sinaunang tao.”
37. At sinabi ni Mousâ (u) kay Fir`âwn: “Ang aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay Siyang Ganap na Nakaaalam kung sino ang totoo sa ating dalawa, na kung ang dala-dala ba niya ay patnubay mula sa Kanya, at kung sino ang mabuti ang kanyang patutunguhan sa Kabilang-Buhay, dahil walang pag-aalinlangan, hindi magtatagumpay ang mga masasama sa kanilang mga hangarin.”
38. At sinabi ni Fir`âwn sa kanyang matataas na mga tauhan: “O kayong mga tao na mula sa mga matataas na antas, wala akong alam para sa inyo na diyos na maliban sa akin na karapat-dapat na sambahin, na kung kaya, magpaapoy ka para sa akin, O Hâmân, hanggang sa ito ay magnigas at ihurno mo ako ng mga bloke, at igawa mo ako ng napakataas na palasyong tore; upang makita ko ang Diyos na sinasamba ni Mousâ at nag-aanyaya tungo sa pagsamba sa Kanya, at katunayan, ako ay may pag-aalinlangan na si Mousâ ay isa sa mga sinungaling sa kanyang mga pinagsasasabi.”
39. At nagmataas si Fir`âwn at ang kanyang mga sundalo sa kalupaan ng Ehipto gayong wala silang karapatan hinggil sa pagtanggi kay Mousâ (u) at di-pagsunod sa anumang kanyang paanyaya sa kanila, at iniisip nila pagkatapos nilang mamatay ay hindi na sila bubuhayin pa na mag-uli.
40. At pinuksa Namin si Fir`âwn at ang kanyang mga sundalo at dinala Namin silang lahat sa karagatan at nilunod Namin sila roon, na kung kaya, pagmasdan mo, O Muhammad (r), kung ano nga ba ang nagiging katapusan nila na mga masasama na inapi nila ang kanilang sarili sa pamamagitan ng kanilang pagmamataas at hindi nila paniniwala sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha.
41. At ginawa Namin si Fir`âwn at ang kanyang mga tagasunod bilang mga pinuno na nag-anyaya at nagbulid sa mga tao tungo sa Impiyerno, dahil tinularan nila ang mga walang pananampalataya at mga masasama, at sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay hindi na sila matutulungan pa; dahil sa kanilang di-paniniwala at pagtanggi sa Sugo ng kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha na ipinadala sa kanila at sila ay nanatili sa pagtangging ito.
42. At ginawa Namin na isang sumpa sa sinumang susunod kay Fir`âwn at sa kanyang mga tagasunod dito sa daigdig, at sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay kasuklam-suklam para sa kanila ang kanilang mga ginawa at mapapalayo sila mula sa Awa ng Allâh (I).
43. At katiyakan, ipinagkaloob Namin kay Mousâ (u) ang ‘Tawrah’ pagkatapos Naming wasakin ang mga naunang henerasyon pagkatapos niya – na tulad ng sambayanan ni Nûh, `Âd, Thamud, Lût at ang mga nanirahan sa Madyan – at nilalaman nito (‘Tawrah’) ang mga paglilinaw para sa mga angkan ni Isrâ`il, na rito ay malilinawan nila ang anumang ikabubuti nila at anumang ikapapahamak nila, at nandirito rin ang awa sa sinumang magpapatupad nito sa kanila; upang maalaala nila ang mga Biyaya ng Allâh (I) sa kanila, at tatanaw sila ng utang na loob at ito ay hindi nila babalewalain.
44. At wala ka noon, O Muhammad (r), sa gawing kanluran na tabi ng bundok ng Sinai nang inutusan Namin si Mousâ (u) hinggil sa Aming Batas, na mga Kautusan at pagbabawal, at hindi ka kabilang sa mga saksi roon, upang sabihin sa iyo na ito ay dumating sa iyo sa ganoong kaparaanan.
45. Subali’t lumikha Kami ng mga henerasyon pagkatapos ni Mousâ (u) at lumipas na ang maraming panahon pagkatapos nilang manatili, pagkatapos ay nakalimutan na nila ang Pangako ng Allâh (I) at tinalikuran nila ang Kanyang pag-uutos. At hindi ka rin kabilang sa mga nanirahan sa Madyan para basahin mo sa kanila ang Aming Kapahayagan, upang mabatid mo ang kuwento hinggil sa kanila at ito ay isasalaysay mo, samakatuwid ang kuwentong ito na dala-dala mo hinggil kay Mousâ (u) ay walang pag-aalinlangan na ‘Wahee’ o Rebelasyon, at bilang testigo para sa mensahe na dala-dala mo.
46. At wala ka (rin), O Muhammad (r), sa tabi ng bundok ng Tûr noong tinawag Namin si Mousâ (u), at wala ka ring anumang nakita hinggil doon para ito ay mabatid mo, kundi ipinadala ka bilang habag mula sa Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha; upang balaan mo ang mga tao, na walang dumating sa kanila na babala bago ang pagkakapadala sa iyo; upang tanggapin nila bilang payo na kabutihan ang dala-dala mo at ito ay kanilang ipatutupad, at ipinagbabawal mo ang masama upang ito ay kanilang iiwasan.
47. At kung hindi ka Namin ipinadala sa mga taga-Makkah na walang pananampalataya, kung sakaling may kaparusahan na nangyari sa kanila dahil sa kanilang di-paniniwala sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay kanilang sasabihin: “O aming ‘Rabb!’ Bakit hindi Ka muna nagpadala ng Sugo sa amin bago ito nangyari, nang sa gayoon ay masunod namin ang Iyong ipinahayag na mga talata sa Iyong Aklat at kami ay maging kabilang sa mga naniwala sa Iyo?”
48. Subali’t noong dumating sa kanila si Muhammad (r) bilang babala mula sa Amin, kanilang sinabi: “Hindi ba nararapat na ang Sugo na ipinadala sa amin ay mayroong mga lantarang himala na katulad ng kay Mousâ (u) at Aklat na minsanang ibinaba?” Sabihin mo sa kanila, O Muhammad: “Hindi ba tumanggi rin sila na mga Hudyo mula sa mga dala-dala ni Mousâ (u) noon sa kanila?” At kanilang sinabi hinggil sa ‘Tawrah’ at Qur’ân: “Ito ay dalawang uri ng salamangka, na nagtutulungan sa isa’t isa sa pagiging salamangka nito!” At kanilang sinabi: “Katiyakan, sa parehong (Kasulatan) kami ay hindi naniniwala.”
49. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Magpakita kayo ng Aklat na nagmula sa Allâh (I) na mas matuwid pa kaysa sa ‘Tawrah’ at Qur’ân at ito ay aking susundin, kung kayo ay totoo sa inyong pag-aangkin.”
50. At kapag hindi sila tumugon sa iyo bilang pagpapakita ng Aklat at katiyakang wala silang anumang maipakikitang katibayan, dapat mong mabatid kung gayon na ang sinusunod lamang nila ay ang kanilang sariling kagustuhan, at wala nang hihigit sa pagkaligaw kaysa sa kanya na ang sinusunod lamang ay ang kanyang sariling kagustuhan na walang patnubay mula sa Allâh (I). Katiyakan, ang Allâh (I) ay hindi Niya ginagabayan sa katotohanan ang mga taong masasama na lumabag sa Kanyang kautusan at lumampas sa hangganang Kanyang itinakda.
51. At katiyakan, ipinaliwanag Namin ang Qur’ân bilang habag sa iyong sambayanan, O Muhammad (r), nang sa gayon ay makaalaala sila at mapagkunan nila ito ng aral.
52. Ang mga yaong pinagkalooban Namin ng Kasulatan na nauna sa Banal na Qur’ân – na sila ay ang mga Hudyo at mga Kristiyano na hindi nila pinalitan ang Aklat – ay naniwala rin sila sa Banal na Qur’ân at kay Muhammad (r).
53. At kapag binigkas ang Banal na Qur’ân sa mga yaong pinagkalooban ng naunang Kasulatan, kanilang sasabihin: “Naniwala kami at sinusunod namin ang anuman na niloloob nito, walang pag-aalinlangan, ito ay katotohanan na mula sa Allâh (I) na aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha. Katotohanan, kahit na noon pa man bago ang pagkakapahayag nitong Qur’ân ay sumusuko na kami nang ganap sa kagustuhan ng Allâh (I) at pinaniniwalaan na namin ang Kanyang Kaisahan bilang Muslim dahil ang ‘Deen’ ng Allâh (I) ay bukod-tangi na walang iba kundi ang Islâm.”
54-55. Sila na mga yaong naisalaysay ang kanilang katangian ay ipagkakaloob sa kanila ang gantimpala ng kanilang gawain nang doble: dahil sa kanilang paniniwala sa kanilang Aklat, at sa kanilang paniniwala sa Banal na Qur’ân, at sa kanilang pagtitiis, at kabilang sa mga katangian nila ay pinangangalagaan nila ang kanilang mga sarili mula sa mga kahalayan at masasamang gawain sa pamamagitan ng pagsagawa ng mga kabutihan, at ginagasta nila sa daan ng kabutihan ang anumang Aming ipinagkaloob sa kanila na mga biyaya. At kapag nakarinig sila ng mahalay na salita ay lumalayo sila mula rito at hindi nila ito pinagtutuunan ng pansin, at kanilang sinasabi: “Para sa amin ang aming mga gawain na hindi kami lumilihis mula rito, at para sa inyo rin ang inyong mga gawain at ang anumang kaparusahan para rito, at hindi kami nag-aaksaya ng panahon para sagutin ang anumang ipinukol (o sinabi) sa amin na masasamang salita, at wala kayong maririnig sa amin kundi pawang kabutihan lamang at hindi namin ito tutugunan nang pabalag o pangit na salita dahil sa inyong kakulangan ng kaalaman; dahil hindi namin nais na tahakin ang daan ng kamangmangan at ito ay hindi namin gugustuhin.” At ito ang pinakamabuti na marapat sabihin ng mga nag-anyaya tungo sa Allâh (I).
56. Katiyakan, ikaw, O Muhammad (r), ay hindi mo kayang gabayan ang sinumang nais mong gabayan, kundi ang paggagabay ay nasa Allâh (I) lamang na ginagabayan Niya ang sinuman na Kanyang nais tungo sa paniniwala at nagpapatnubay Siya para rito, at Siya ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa sinumang karapat-dapat na gabayan kaya ito ay Kanyang ginabayan.
57. At sinabi ng mga walang pananampalataya na taga-Makkah: “Kung susunod kami sa katotohanan na dala-dala mo at babalewalain namin ang aming sinusunod at sinasamba, ay pagdadadamputin kami mula sa aming bayan, papatayin, bibihagin; o di kaya ay aagawin ang aming mga kayamanan.” Hindi ba ginawa Namin na sila ay namumuhay nang mapayapa sa ligtas at tahimik na bayan, at ipinagbawal Namin sa mga tao rito na magpadanak ng dugo, at dinadala tungo rito ang lahat ng bunga bilang kabuhayan na mula sa Amin? Subali’t magkagayunpama’y karamihan sa kanila ay sumasamba pa rin ng iba bukod sa Allâh (I) na hindi nila batid ang kahalagahan ng mga biyayang ito sa kanila, upang sila ay tumanaw ng utang na loob sa nagkaloob nito sa kanila at sila ay susunod sa Kanya.
58. At karamihan sa mga nanirahan sa mga bayan na Aming winasak ay hindi marunong magpasalamat sa marangyang pamumuhay na kanilang tinamasa, na sila ay nalinlang at lumayo sa paniniwala sa mga Sugo, na kung kaya, sila ay tumanggi at nagmalabis sa pamamagitan ng pagsagawa ng kasamaan. At ang kanilang mga tinirhan ay nandoroon pa rin na wala nang nanirahan pagkatapos nila kundi mangilan-ngilan na lamang. At katiyakan, Kami ay Ganap na Nagmamay-ari ng mga tao at Kami ang nagsasanhi ng kanilang kamatayan, pagkatapos sila ay magbabalik sa Amin at pagbabayarin sa anuman na kanilang nagawa.
59. At kailanman ang iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, O Muhammad (r), ay hindi Niya wawasakin ang mga bayan na nakapalibot sa Makkah sa iyong kapanahunan hanggang hindi Siya makapagpadala mula sa pinakainang bayang ito – na ito ay Makkah – ng isang Sugo, na siya ay magpapahayag sa kanila ng Aming mga talata, at hindi rin Namin wawasakin ang mga bayan maliban na lamang kung ang mga nanirahan dito ay masasama na inaapi nila ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng di-nila paniniwala sa Allâh (I) at paglabag sa Kanyang kagustuhan, at sa gayong kadahilanan ay magiging karapat-dapat sila sa parusa.
60. At hindi kayo pinagkaloban, O kayong mga tao, ng anumang bagay na tulad ng kayamanan o mga anak, kundi ito ay kasiyahan na pansamantala lamang upang kayo ay masiyahan dito sa buhay sa daigdig, at bilang palamuti upang mapalamutian ang buhay ninyo rito, subali’t ang anumang inilaan ng Allâh (I) para sa mga sumusunod at nagmamahal sa Kanya ay napakahigit at walang-hanggang nananatili; dahil sa ito ay patuloy na walang katapusan, na kung kaya, di ba nararapat na mag-isip kayo, O kayong mga tao, at pag-aralan ito upang maintindihan ninyo kung ano ang mas nakabubuti at kung ano ang hindi?
61. Siya ba na Aming pinangakuan mula sa Aming nilikha ng ‘Al-Jannah’ dahil sa kanyang pagsunod sa Amin – na walang pag-aalinlangang matatagpuan niya na totoo ang ipinangako sa kanya at siya ay katiyakang patutungo roon – ay katulad din ba siya ng sinumang pinasaya lamang Namin ng kasiyahan dito sa buhay sa daigdig at siya ay nagpakasaya at mas ginusto niya ang panandalian na kasiyahan na may katapusan, pagkatapos siya sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay pahaharapin para sa paghuhukom at pagbabayad? Hindi maaaring magkatulad ang dalawang uri ng taong ito, na kung kaya, piliin ng sinumang may kaisipan para sa kanyang sarili kung ano ang mas nakakabuti para sa kanya na piliin, na ito ay pagsunod sa Allâh (I) at paghahangad ng Kanyang pagmamahal.
62. At sa Araw na mananawagan ang Allâh (I) sa mga yaong ‘Mushrikin’ – sumamba ng iba bukod sa Allâh (I) na mga tao at mga rebulto rito sa daigdig, at Kanyang sasabihin sa kanila: “Nasaan na ang mga yaong inyong sinamba na iba na inaangkin ninyo na sila ay Aking mga katambal?”
63. Sasabihin ng mga yaong karapat-dapat para sa kanila ang parusa, na sila ang mga yaong nag-anyaya tungo sa maling paniniwala: “O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Sila ang mga yaong iniligaw namin, na iniligaw namin sila na katulad din ng pagkaligaw namin sa aming mga sarili, itinatatwa (o itinatanggi) namin sila ngayon tungo sa Iyo at ganoon din ang aming ginawang pagsunod at pagmamahal sa kanila. Hindi kami ang kanilang sinamba kundi ang kanilang mga sinamba ay ‘Shayâtin’ (mga Satanas).”
64. Sasabihin sa mga yaong sumamba ng iba bukod sa Allâh (I) sa Araw ng Muling Pagkabuhay: “Tawagin ninyo ang inyong mga sinamba na sinamba ninyo sila bukod sa Allâh (I),” at sila ay tatawagin nila subali’t hindi sila tutugon sa kanila at makikita nila ang parusa. Kung sila ay nagabayan lamang sa katotohanan dito sa daigdig ay hindi sila maparurusahan.
65. Sa Araw na tatawagin ng Allâh (I) ang mga ‘Mushrikin’ – yaong sumamba ng iba bukod sa Allâh (I), na Kanyang sasabihin: “Ano ba ang inyong itinugon sa mga Sugo na Aming ipinadala sa inyo?”
66. At wala silang maipapakita na anumang katibayan, at hindi na nila alam kung paano sila mangangatwiran, na kung kaya, hindi sila makapagtatanungan sa isa’t isa ng tanong na mapapakinabangan nila sa kanilang ikakatwiran.
67. Subali’t ang sinumang nagsisi mula sa mga sumamba ng iba at naging taos-puso ang kanyang pagsamba sa Allâh (I), at isinagawa niya ang anumang ipinag-utos ng Allâh (I) at ng Kanyang Sugo, siya kung gayon ay magiging kabilang sa mga magtatagumapay dito daigdig at sa Kabilang-Buhay.
68. At ang Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay nililikha Niya ang anuman na Kanyang nais na likhain, at pinipili Niya sa pamamagitan ng Kanyang pagmamahal ang sinuman na Kanyang nais mula sa Kanyang nilikha, at walang sinuman ang may karapatan na anuman sa pagpili Niya rito, dahil sa ito ay Pagmamay-ari lamang ng Allâh (I) na Bukod-Tangi, na Luwalhati sa Allâh (I) na Siya ay ligtas sa anuman na kanilang ginagawang pagtatambal.
69. At ang Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay Ganap na Nakaaalam sa kung ano ang kinikimkim sa mga dibdib ng Kanyang mga nilikha at kung ano ang kanilang inilalantad.
70. At Siya ang Allâh (I); ‘Lâ i-lâ-ha il-lâ Huwa’ – walang sinuman ang may karapatan at karapat-dapat na sambahin bukod sa Kanya, Siya lamang ang Bukod-Tanging Nagmamay-ari ng papuri at pinakamabubuting pasasalamat dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay, sa Kanya lamang ang bukod-tanging pagpapasiya sa pagitan ng Kanyang mga nilikha, at sa Kanya ibabalik ang lahat pagkatapos ng kamatayan para sa paghuhukom at pagbabayad.
71. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad: “Sabihin nga ninyo sa akin, O kayong mga tao! Kung gagawin ng Allâh (I) para sa inyo ang gabi na tuluy-tuloy hanggang sa Araw ng Muling Pagkabuhay, sino pa kayang sinasamba bukod sa Allâh (I) ang makapagbibigay sa inyo ng liwanag? Hindi ba kayo nakaririnig ng pakinig na may pag-intindi at pagtanggap?”
72. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Sabihin nga ninyo sa akin, O kayong mga tao! Kung gagawin ng Allâh (I) para sa inyo ang araw na tuluy-tuloy hanggang sa Araw ng Muling Pagkabuhay, sino pa kayang sinasamba bukod sa Allâh (I) ang makapagbibigay sa inyo ng gabi upang kayo ay makapagpahinga at magkaroon ng katahimikan? Hindi ba nakikita ng inyong mga mata ang pagkakaiba ng gabi at araw?”
73. At kabilang sa Kanyang kagandahang-loob sa inyo, O kayong mga tao, na ginawa Niya para sa inyo ang gabi at araw, at pinagsalit-salit niya ito sa isa’t isa, at ginawa Niya ang gabi na madilim; upang kayo ay magkaroon ng katahimikan at makapagpahinga ang inyong mga katawan, at ginawa Niya para sa inyo ang araw na maliwanag; upang kayo ay makapaghanap-buhay at upang kayo ay tatanaw ng utang na loob sa Kanyang mga biyaya sa inyo.
74. At tandaan ang Araw na tatawagin ng Allâh (I), sila na mga sumamba ng iba at Kanyang sasabihin sa kanila: “Nasaan na ang inyong mga sinamba na inaangkin ninyo na sila ay Aking katambal sa daigdig?”
75. At kukunin Namin sa bawa’t sambayanan mula sa mga sambayanan na tumanggi ang kanilang saksi, na siyang sasaksi sa anumang nangyari sa kanila sa daigdig na pagsamba nila ng iba at pagtanggi nila sa mga Sugo, na sasabihin Namin sa kanila na mga sambayanang tumanggi sa kanilang mga Sugo at sa anuman na dala-dala ng mga ito mula sa Allâh (I): “Ipakita ninyo ang inyong katibayan sa ginawa ninyong pagsamba ng iba bilang katambal ng Allâh (I),” at mababatid nila roon na ang matibay na katibayan laban sa kanila at ang katotohanan ay pagmamay-ari lamang ng Allâh (I), at maglalaho na ang anuman na kanilang inimbento laban sa Allâh (I) at hindi na nila ito mapakikinabangan pa, bagkus ito ay kapinsalaan na magsasanhi ng pagkakatapon sa kanila sa Impiyernong-Apoy.
76. Katiyakan, si Qâroun ay kabilang sa sambayanan ni Mousâ (u) na lumampas sa kanyang hangganan sa pamamagitan ng kanyang pagmamataas at pagmamalabis. At pinagkalooban Namin siya ng kayamanan na napakasagana, dahil sa ang mga susi nito ay mahihirapang buhatin ng maraming malalakas na mga kalalakihan.
Alalahanin noong sinabi sa kanya ng kanyang sambayanan: “Huwag kang labis na magpakasaya sa anumang tinataglay mong kayamanan, dahil walang pag-aalinlangang ang Allâh (I) ay hindi Niya minamahal ang mga mayayabang mula sa Kanyang mga nilikha na hindi tumatanaw na utang na loob sa anumang ipinagkaloob sa kanila.
77. “Kundi hangarin mo mula sa anumang ipinagkaloob ng Allâh (I) sa iyo na kayamanan ang gantimpala sa Muling Pagkabuhay, sa pagsagawa sa pamamgitan nito ng pagsunod sa Allâh (I) dito sa daigdig, at huwag mo rin namang kaligtaan ang iyong bahagi rito sa daigdig na pagpapakasaya sa pamamagitan ng kinita mo na legal na walang pagmamalabis, at maging mabuti ka sa mga tao sa pamamagitan ng pagbibigay ng kawanggawa na tulad ng pagiging mabuti sa iyo ng Allâh (I) sa pamamagitan pagkaloob sa iyo ng masaganang kayamanan, at huwag mong hangarin ang anumang ipinagbabawal ng Allâh (I) sa iyo na pang-aapi sa iyong sambayanan. Katiyakan, hindi minamahal ng Allâh (I) ang gumagawa ng mga kapinsalaan.”
78. Sinabi ni Qâroun sa kanyang sambayanan na nagpayo sa kanya: “Itong kayamanan na pagmamay-ari ko ay nakamtan ko dahil sa aking kaalaman at kapangyarihan.” Hindi ba batid ni Qâroun na ang Allâh (I) ay walang pag-aalinlangang winasak Niya ang mga nauna sa kanya na mga Nasyon na mas matindi pa ang kanilang kapangyarihan kaysa kanya at mas masagana kaysa kanya ang kanilang mga kayamanan? At hindi na tatanungin ang mga masasamang tao sa kanilang nagawang kasalanan; dahil alam na ito ng Allâh (I), at kung tinatanong man sila ay kundi isang pag-aalipusta lamang sa kanila bilang pagpapatunay ng kanilang nagawa, at parurusahan sila ng Allâh (I) sa anuman na batid Niya hinggil sa kanila.
79. At inilantad ni Qâroun sa kanyang sambayanan ang kanyang palamuti at kayabangan na nais niyang ipakita ang kanyang kadakilaan at dami ng kanyang kayamanan, noong nakita niya ang mga yaong mapaghangad ng kinang na makamundo, na kanilang sinabi: “Sana ay nagkaroon din tayo ng kayamanan at kinang ng daigdig at mataas na antas na tulad ni Qâroun dahil siya ay pinagkalooban ng masaganang kayamanan dito sa daigdig.”
80. At sinabi ng mga yaong pinagkalooban ng kaalaman hinggil sa Allâh (I) at sa Kanyang batas, at batid nila ang katotohanan hinggil sa mga bagay-bagay na sinabi ng mga yaong mapaghangad ng kinang na makamundo na sana ay nagkaroon din kami ng katulad ng ipinagkaloob kay Qâroun: “Kapighatian sa inyo, matakot kayo sa Allâh (I) at sundin ninyo Siya! Ang gantimpala ng Allâh (I) para sa sinumang naniwala sa Kanya at sa Kanyang mga Sugo at gumawa ng mga mabubuting gawa ay higit na mabuti kaysa sa ipinagkaloob kay Qâroun, at walang sinuman ang tatanggap ng ganitong pagpapayo at magagabayan tungo rito at magpatupad nito maliban sa sinumang pinangangalagaan at pinipigilan niya ang kanyang sarili at nagtitiis siya habang siya ay sumusunod sa kagustuhan ng Allâh (I) at umiiwas sa mga paglabag sa Kanya.”
81. Samakatuwid, ipinalamon Namin si Qâroun at ang kanyang tahanan sa kalupaan, na kung kaya, walang sinumang grupo ang nakatulong sa kanya maliban sa kung ito ay kagustuhan ng Allâh (I), at hindi siya nagkaroon ng kakayahan na pigilin ang parusa ng Allâh (I) noong ito ay nangyari sa kanya.
82. At ang mga yaong naghangad ng katulad ng karangyaang ipinatamasa kay Qâroun bago naganap sa kanya ang kaparusahan ay kanilang sinabi bilang paninisi sa kanilang mga sarili, pag-iintindi at pagkatakot na mangyari sa kanila ang parusa: “Katiyakan, ang Allâh (I) ay pinaluluwag Niya sa kabuhayan ang sinuman na Kanyang nais at hinihigpitan Niya ang sinuman na Kanyang nais mula sa Kanyang mga alipin. Kung hindi lamang nahabag ang Allâh (I) sa atin at hindi na tayo pinarusahan sa anuman na ating sinabi ay ipinalamon na rin Niya tayo sa kalupaan na tulad ng Kanyang ginawa kay Qâroun! Samakatuwid, hindi mo ba alam na walang pag-aalinlangang hindi magtatagumpay ang mga walang pananampalataya rito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay?”
83. Yaong tahanan sa Kabilang-Buhay na ginawa Namin doon ang mga kasiyahan, ay itatalaga Namin sa sinumang hindi nagnanais na magmataas sa pamamagitan ng pagtanggi sa katotohanan dito sa daigdig at hindi namiminsala. At ang mabuting patutunguhan sa ‘Al-Jannah’ ay para lamang sa sinumang natakot sa parusa ng Allâh (I) at isinagawa ang mga pagsunod, at iniwasan ang mga ipinagbawal.
84. Sinuman ang darating sa Kabilang-Buhay na may dalisay na paniniwala sa Kaisahan ng Allâh (I) at pagsagawa ng mga kabutihan ayon sa Batas ng Allâh (I), para sa kanya ang dakilang kabutihan doon at ito ay kabutihan sa ‘Al-Jannah’ at walang hanggang kaligayahan, at sino naman ang dumating na dala-dala niya ang kanyang mga masamang gawain, samakatuwid, hindi pagbabayarin ang mga yaong gumawa ng mga kasamaan kundi ang kung ano lamang ang karapat-dapat na kabayaran sa kanilang ginawa.
85. Katiyakan, Siya na nagbaba sa iyo ng Banal na Qur’ân at nag-utos sa iyo na ito ay iyong ipamahagi at sundin ay walang pag-aalinlangang Siya rin ang magbabalik sa iyo sa lugar na kung saan doon ka nagmula, na ito ay ang Makkah. Sabihin mo sa kanila, O Muhammmad, na mga ‘Mushrikin:’ “Ang Allâh (I) na aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay Ganap na Nakaaalam sa kanya na nagdala ng patnubay, at sa kanya na malinaw na nasa kamalian.”
86. At hindi mo inaasahan, O Muhammad, na ibababa sa iyo, ang Banal na Qur’ân, subali’t bilang habag sa iyo ng Allâh (I) ay ipinahayag Niya ito sa iyo, na kung kaya, magpasalamat ka sa Allâh (I) sa Kanyang mga biyaya sa iyo, at huwag gawin ang iyong sarili na maging katulong ng mga yaong nagtatambal ng iba sa pagsamba at mga ligaw.
87. At huwag mong pahitulutang mailihis ka ng mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) mula sa pagpaparating mo ng mga talata at mga palatandaan ng iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha at ng Kanyang mga katibayan pagkatapos itong ipahayag sa iyo, at iparating mo ang mensahe ng iyong ‘Rabb’ at huwag mong ibilang ang iyong sarili sa sumamba ng iba bukod sa Allâh (I)
88. At huwag kang sumamba sa Allâh (I) na may itinatambal na iba sa pagsamba sa Kanya; dahil walang sinuman ang may karapatan at karapat-dapat na sambahin bukod sa Allâh (I), lahat ng bagay ay mawawasak at maglalaho maliban sa Kanyang Mukha. Siya ang magpapasiya, at sa Kanya kayo ay ibabalik pagkatapos ng inyong kamatayan para sa paghuhukom at pagbabayad. Dito sa talatang ito ang pagpapatunay na ang katangian na Mukha na tinataglay ng Allâh (I) ay ayon lamang sa Kanyang Kaganapan, Kadakilaan at Kamaharlikaan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment