Sunday, May 16, 2010

Sûrat Yûnus

10
X – Sûrat Yûnus
[Si Propeta Yûnus – Jonah]

بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Alif-Lãm-Râ – Ang mga titik na ito ng ‘Arabic’ ay nauna nang ipinaliwanag sa ‘Sûratul Baqarah,’ na ilan sa mga himala ng Qur’ân, at walang sinuman kundi ang Allâh (I) (lamang) ang nakaaalam ng mga kahulugan nito. Ito ay mga Talata ng Aklat na naglilinaw nang ganap, na ipinaliwanag ng Allâh (I) sa Kanyang mga alipin (ang hinggil sa niloloob ng Aklat na ito).

2. Nakapagtataka ba sa mga tao ang Aming pagpapahayag ng Rebelasyon o kapahayagan ng Banal na Qur’ân sa isang tao na mula sa kanila, na nagbababala sa kanila hinggil sa kaparusahan ng Allâh (I), at bini-bigyan ng Allâh (I) ng magandang balita ang mga naniwala sa Kanya at sa Kanyang mga Sugo, na ang para sa kanila ay dakilang gantimpala dahil sa kanilang mga nagawang kabutihan? At noong dumating sa kanila ang Sugo ng Allâh (I), na dala-dala ang ‘Wahi’ o Rebelasyon ng Allâh (I) at ito ay binasa at binigkas sa kanila, sinabi ng mga tumanggi: “Katiyakan, si Muhammad ay isang salamangkero, at ang anuman na kanyang dala-dala ay salamangka at malinaw sa pagiging kamalian nito.”

3. Katiyakan, ang inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay ang Allâh (I) na Siyang lumikha ng mga kalangitan at kalupaan sa loob ng anim na araw, pagkatapos Siya ay nag-‘Istawâ’ sa Kanyang ‘`Arsh’ na angkop na angkop sa Kanyang Kadakilaan at Kamaharlikaan, pinangangasiwaan Niya ang Kanyang mga nilikha at walang sinuman ang makasasalungat sa Kanyang pinagpasiyahan at walang sinuman ang maaaring mamagitan sa Kanya sa Araw ng Muling Pagkabuhay, kundi ang sinuman na Kanyang pahintulutan lamang na mamagitan, na kung kaya, sambahin ninyo ang Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha na nagtatangan ng ganitong mga katangian, at maging taimtim kayo sa inyong pagsamba sa Kanya. Samakatuwid, hindi ba nagiging aral sa inyo ang mga talata at ang mga katibayang ito?

4. Sa Kanya na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, kayo ay babalik lahat sa Araw ng Muling Pagkabuhay. Ito ay tunay na pangako ng Allâh (I). Siya ang nagpasimula ng paglikha at Siya rin ang mag-uulit nito pagkatapos ng kamatayan, at ito ay Kanyang ibabalik na buhay na katulad noong una; upang gantimpalaan Niya ang sinumang naniwala sa Kanya at sa Kanyang Sugo at gumawa ng mga mabubuting gawa ng pinakamabuting gantimpala na makatarungan. Subali’t yaong mga tinanggihan ang Kaisahan ng Allâh (I) at mensahe ng Kanyang Sugo, ang para sa kanila ay inumin na mula sa napakainit na tubig na nakasusunog at nakalalapnos ng mga mukha at nakapuputol ng mga bituka, at ang para sa kanila ay masidhing kaparusahan dahil sa kanilang pagtanggi at pagkaligaw.

5. Ang Allâh (I) ay Siyang lumikha ng araw na nagbibigay ng liwanag, at maging ng buwan na nagbibigay ng tanglaw, at sinukat Niya nang ganap ang kinaroroonan ng buwan; upang sa pamamagitan ng araw (‘sun’) ay mabilang mo ang mga araw (‘day’) at sa pamamagitan ng buwan ay mabilang mo ang mga buwan (‘month’) at mga taon, hindi nilikha ng Allâh (I) ang araw at ang buwan kundi sa napakadakilang kadahilanan, at nagpapatunay ng Kanyang pagiging ganap na Kakayahan at Kaalaman, nililinaw Niya ang mga katibayan at ang mga palatandaan sa mga taong naiintindihan nila ang kadahilanan sa pagkalikha ng mga nilikha.

6. Katiyakan, sa pagpapalit-palit ng gabi at araw at sa paglikha ng mga kalangitan at kalupaan ay nandoroon ang mga kamangha-manghang paglikha, at ang anumang nasa dalawang bagay na ito na kagandahan at ang nasa pagiging ganap na kaayusan ng mga nito, ay mga palatandaan at malinaw na katibayan sa mga taong natatakot sa kaparusahan ng Allâh (I) at sa Kanyang galit.
7. Katiyakan, ang mga yaong hindi naghahangad na makipagtagpo sa Amin sa Huling Araw sa paghuhukom, at ang anumang kasunod nito na pagbabayad sa anumang gawain dahil sa kanilang pagtanggi at hindi paniniwala sa Pagkabuhay na Mag-uli, na sila ay nakuntento na lamang sa maka-mundong buhay bilang kapalit ng buhay sa Kabilang-Buhay at naging panatag na sila rito, at ang mga yaong kinalimutan ang Aming mga palatandaan at Aming mga batas mula sa Aming mga nilikha.

8. Sila, ang kanilang patutunguhan ay Impiyernong-Apoy sa Kabilang-Buhay; bilang kabayaran sa anuman na kanilang natamo dito sa daigdig na mga kasalanan at mga pagkakamali.

9. Katiyakan, ang mga yaong naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, at gumawa ng mga kabutihan ay gagantimpalaan sila ng Allâh (I) ng dakilang gantimpala dahil sa kanilang paniniwala, at gagabayan sila ng Allâh (I) tungo sa Kanyang ‘Al-Jannah’ (Hardin), na umaagos sa ilalim nito ang mga ilog sa mga Hardin ng kaligayahan.

10. Ang kanilang mga panalangin sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) ay pagpupuri sa pamamagitan ng pagbigkas ng ‘Sub-hâ-na-ka Allâ-hum-ma’ – Luwalhati sa Iyo na aming Allâh (I), at ang pagbati sa kanila ng Allâh (I) at ng mga anghel, at ang pagbabati nila sa isa’t isa sa ‘Al-Jannah’ ay ‘Salâm’ (kapayapaan), at ang dulo ng kanilang panalangin ay pagsasabi ng ‘Al-ham-du-lil-lâ-hi Rab-bil `Â-la-mîn’ – ang pasasalamat at papuri ay sa Allâh (I) lamang na lumikha ng lahat ng mga nilalang at pinangangasiwaan ito sa pamamagitan ng Kanyang biyaya.

11. Kung mamadaliin lamang ng Allâh (I) ang katugunan sa panalangin ng mga tao na masama habang sila ay nagagalit na katulad ng Kanyang pagmamadali sa pagtugon sa kanilang mabuting panalangin ay mawawasak sila, na kung kaya, pinababayaan Namin ang mga yaong hindi natatakot sa parusa at hindi naniniwala sa Araw ng Muling Pagkabuhay, sa kanilang paghihimagsik at sa kanilang pagmamataas na sila ay patuloy sa kanilang pagkaligaw.

12. Kapag may nangyaring sakuna sa isang tao ay humihingi siya ng saklolo sa Amin upang paginhawahin siya, na nakahigang nakataligid sa isang bahagi niya, o di kaya ay nakaupo o di kaya ay nakatayo, ayon sa kung ano ang kanyang katayuan noong dumating sa kanya ang sakuna.

Subali’t noong inialis Namin sa kanya ang sakuna na dumating sa kanyang buhay ay nagpatuloy pa rin siya sa kanyang maling kinaugalian bago dumating sa kanya ang sakuna, at nakalimutan niya ang anumang paghihirap at mga pagsubok na nangyari sa kanya, at hindi siya nagpasalamat sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha na nagligtas sa kanya mula sa sakuna na nangyari, na kung paano pinaganda sa taong ito na magpatuloy sa kanyang paglabag at pagmamatigas pagkatapos siyang iligtas ng Allâh (I) sa sakunang nangyari sa kanya ay ganoon din pinaganda sa mga nagmalabis sa kanilang pagtanggi sa Allâh (I) at sa Kanyang mga Sugo ang kanilang ginagawang paglabag at pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I).

13. At katiyakan, pinuksa Namin ang mga sambayanan na tinanggihan ang mga Sugo ng Allâh (I) na nauna sa inyo, O kayo na mga ‘Mushrikûn,’ noong sila ay sumamba ng iba, at dumating sa kanila ang mga Sugo na mula sa Allâh (I) na dala-dala nila ang mga malilinaw na himala at mga katibayan, na nagpapatunay sa kanilang mga dalang mensahe, at kailanman ay hindi naniwala ang mga sambayanang yaon sa mga Sugo at hindi nila sila pinaniwalaan, na kung kaya, sila ay karapat-dapat sa kapahamakan, samakatuwid, ganoon Namin pinuksa ang mga lumabag sa hangganang itinakda ng Allâh (I).

14. Pagkatapos, ginawa Namin kayo, O kayong mga tao, na kahalili rito sa kalupaan pagkalipas ng maraming henerasyon; upang mapatunayan kung ano ang inyong gagawin: mabuti ba o masama, at doon Namin kayo gagantimpalaan ayon sa inyong nagawa.
15. At kapag binigkas sa mga walang pananampalataya ang mga talata ng Allâh (I) na ipinahayag Namin sa iyo, O Muhammad (r), na mga malilinaw, sasabihin ng mga yaong hindi natatakot sa Araw ng Paghuhukom at hindi naghahangad ng gantimpala at hindi naniniwala sa Araw ng Muling Pagkabuhay, “Magpakita ka sa amin ng ibang Qur’ân o di kaya ay palitan mo ang Qur’ân na ito, na gawin mong ‘halâl’ ang ‘harâm,’ na ang ‘harâm’ ay ‘halâl,’ at ang pangako ay babala at ang babala ay pangako, at baguhin mo ang katuruan, na alisin mo ang anumang nakasaad na paninira sa aming mga sinasamba at pangungutya sa aming talino,” sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Katiyakan, ito ay hindi para sa aking pagpapasiya, bagkus kung anuman ang ipinag-uutos ko sa inyo at ipinagbabawal ay sa kadahilanang sinusunod ko lamang ang kung ano ang ipinahayag ng Allâh (I) sa akin at Kanyang ipinag-utos sa akin, at katiyakang natatakot ako sa Allâh (I) kung sasalungatin ko ang Kanyang kagustuhan na parurusahan Niya ako pagdating ng Dakilang Araw – ang Araw ng Muling Pagkabuhay.”

16. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Kung nanaisin lamang ng Allâh (I) ay hindi ko bibigkasin sa inyo ang Banal na Qur’ân na ito at hindi ko ito ipaaalam sa inyo, subali’t dapat ninyong mabatid na ang katotohanan ay nagmumula lamang sa Allâh (I), at katiyakang batid ninyo na ako ay nanatili sa inyo nang matagal na panahon bago ito ipinahayag sa akin ng aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha at bago ko ito binigkas sa inyo, hindi ba ninyo ginagamit ang inyong mga kaisipan upang mag-isip?”

17. Sino pa ba ang hihigit ang kasamaan kaysa sa isa na nag-imbento ng kasinungalingan laban sa Allâh (I) o pinasinungalingan ang Kanyang mga Talata? Katiyakan, hindi magtatagumpay ang sinumang pinasinungalingan ang mga Propeta ng Allâh (I) at ang Kanyang mga Sugo at kailanman ay hindi sila magkakamit ng tagumpay!

18. At sila na mga walang pananampalataya ay sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I), na hindi man lang makapipinsala sa kanila at hindi man lamang makapagbibigay ng kapakinabangan sa kanila dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay at sinasabi nila: “Katiyakan, sinasamba lamang namin ito upang mamagitan sa amin sa Allâh (I),” sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Gusto ba ninyong pagsabihan ang Allâh (I) na hindi Niya batid ang hinggil sa inyong mga inaangkin na mga tagapamagitan na nasa kalangitan o di kaya ay sa kalupaan? Dahil katiyakan, kung mayroon mang tagapamagitan sa kalangitan at kalupaan na mamamagitan sa inyo roon sa Allâh (I) ay tiyak na nababatid Niya (I) ito nang ganap kaysa sa inyo.” ‘Subhânahu wa Ta`alâ’ – Luwalhati sa Allâh (I) at Kataas-Taasan, na Siya ay ligtas sa anumang kalapastanganan na ginagawa ng mga walang pananampalataya na pagsamba ng iba, na di man lamang nakapipinsala ni nakapagdudulot ng anumang kapakinabangan.

19. Ang sangkatauhan noon ay iisa lamang ang kanilang Relihiyon (‘Deen’) at ito ay ang Islâm, pagkatapos sila ay nagkasalungatan pagkatapos nito, dahil tumanggi ang iba sa kanila at nanatili naman sa katotohanan ang iba sa kanila, kung hindi lamang nauna nang nakatala ang salita ng Allâh (I) na iaantala Niya ang kaparusahan sa mga lumabag at hindi muna sila mamadaliin na parusahan dahil sa kanilang kasalanan, ay agad na pinagpasiyahan na ang anumang nasa pagitan nila; na puksain o parusahan ang mga nasa kamalian at iligtas naman ang mga nasa katotohanan.

20. At sinasabi nila na mga walang pananampalataya na tumanggi: “Bakit hindi nagpahayag kay Muhammad ng kaalaman at malinaw na katibayan mula sa Kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha na sa pamamagitan nito ay mababatid namin kung sino ang totoo sa kanyang sinasabi,” sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Walang sinuman ang nakaaalam ng lihim maliban sa Allâh (I), na kung nanaisin Niya ang anuman ay gagawin Niya ito at kung hindi Niya nanaisin ang anuman ay hindi Niya ito gagawin, na kung kaya, abangan na lamang ninyo ang hatol ng Allâh (I) sa pagitan namin at sa pagitan ninyo, upang agad na maparusahan ang sinumang mali sa atin, at itaguyod ang sinumang nasa katotohanan, dahil sa ako ay katiyakang nag-aabang din.”

21. At kapag ipinaranas Namin ang Aming habag sa mga walang pananampalataya na sila ay nakaligtas at nakaluwag pagkatapos ng kahirapan at mga sakuna na dumating sa kanila, sila pagkatapos nito ay muli na namang tatanggi, at nilalait nila ang mga talata ng Allâh (I), sabihin mo sa kanila na mga walang pananampalataya na nanlalait, O Muhammad (r): “Ang Allâh (I) ay mas mabilis ang Kanyang panukala upang luwagan kayo nang sa gayon ay hindi ninyo mamamalayan na kayo ay pinarurusahan.” Katiyakan, ang mga Sugo na nagtatala na ipinadala Namin sa inyo ay isinusulat ang inyong mga masamang balakin sa Aming mga talata, pagkatapos Kami naman ang makikipagtuos sa inyo.
22. Walang sinuman kundi Siya, ang Allâh (I), ang nagsanhi na kayo ay maglakbay sa kalupaan sa pamamagitan ng mga sasakyang hayop at iba pa, at sa karagatan naman ay sa pamamagitan ng mga sasakyang pandagat, hanggang sa kapag kayo ay nandoon na at ang inyong sasakyan ay naglalayag sa pamamagitan ng kaiga-igayang hangin at natutuwa ang mga nakasakay dito dahil sa mabuting simoy ng hangin, na pagkatapos ay darating naman sa sasakyang-pandagat na ito ang malakas na hangin at mararanasan ng mga nakasakay ang mga malalakas na alon mula sa iba’t ibang dako, at natitiyak nila na sila ay hindi ligtas sa kapahamakan, kaya sila ay magsusumamo sa Kaisahan ng Allâh (I) nang taimtim, at kalilimutan nila kung anuman ang dati nilang sinasamba, at kanilang sasabihin: “Kapag iniligtas Mo kami mula sa kapahamakang ito na inabot namin ay walang pag-aalinlangan na magpapasalamat kami sa Iyo, sa Iyong mga biyaya.”

23. Subali’t nang sila ay iniligtas ng Allâh (I) mula sa kapahamakan at panganib na yaon, ay mamiminsala na naman sila at gagawa ng mga kasalanan dito sa kalupaan. O kayong mga tao! Ang parusa na nangyari sa inyo ay dahil din sa inyong mga sariling pinaggagawa. Ang inyong pagtanggi sa Allâh (I) ay laban lamang sa inyong mga sarili, – isang pansamantalang kaligayahan sa makamundong buhay na ito, pagkatapos kayo ay ibabalik at tutungo sa Amin, upang sabihin Namin sa inyo ang lahat ng inyong ginawa at kayo ay Aming huhukuman.

24. Walang pag-aalinlangan, ang parabola (o kathang may aral) ng buhay dito sa daigdig at ang anumang ipinagmamalaki ninyo sa isa’t isa na mga palamuti at kayamanan ay katulad ng ulan na Aming ibinaba mula sa kalangitan tungo sa kalupaan, at tumutubo sa pamamagitan nito ang iba’t ibang uri ng mga pananim, na nakahalo na mula rito ang pinagkukunan ng mga tao ng mga bunga, at ang anumang kinakain ng mga hayop na mga damo o mga luntian, na kapag sumibol na ang mga halamanan ay lumilitaw ang kagandahan ng daigdig, at iniisip ng mga tao na kaya na nilang anihin at pakinabangan ang mga ito, subali’t dumating ang Aming kautusan at pagpasiya na masira ang anumang nasa ibabaw ng kalupaan na mga pananim at mga palamuti, na kung hindi sa gabi ay sa araw, at ginawa Namin ang mga pananim at mga puno na masalanta at hindi maani, na para bagang walang sumibol dito noon, na kung kaya, ganoon dumating ang pagkawala ng anumang ipinagmamalaki ninyo na makamundong buhay at ng mga palamuti nito, na aalisin ng Allâh (I) at Kanyang sisirain.

Ganito ang pagpapaliwanag Namin sa inyo na mga tao hinggil sa katotohanan ng makamundong buhay, na ipinaliliwanag Namin ang Aming mga katibayan at mga palatandaan sa mga tao na pinag-iisipan ang mga talata ng Allâh (I), at ang anuman na kanilang pakikinabangan dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay

25. At ang Allâh (I) ay hinihikayat kayo tungo sa Kanyang mga Hardin (‘Al-Jannât’) na Kanyang inihanda sa Kanyang ‘awliyâ`’ – taong malalapit sa Kanya, at ginabayan Niya ang sinuman na Kanyang nais mula sa Kanyang mga nilikha tungo sa Matuwid na Daan na ito ay ang Islâm.


26. Para sa mga mananampalataya na kanilang pinagbuti ang pagsamba sa Allâh (I) na kung kaya sinunod nila ang batas ng Allâh (I) sa pag-uutos at pagbabawal, para sa kanila ang ‘Al-Jannah’ (Hardin) at karagdagan pa na higit kaysa rito, na ito ay ang pagharap nila sa Mukha ng Allâh (I) sa ‘Al-Jannah,’ at ang kapatawaran at pagmamahal. Hindi matatakpan ang kanilang mga mukha ng alikabok at hindi sila mamaliitin na katulad ng mangyayari sa mga nasa Impiyerno. Na sila na nagtatangan ng mga ganitong katangian ay mga maninirahan sa ‘Al-Jannah,’ na roon sila mananatili magpasawalang-hanggan.
27. Ang mga yaong gumawa ng kasamaan dito sa daigdig na sila ay tumanggi at lumabag sa Allâh (I), para sa kanila ang kabayaran sa kanilang masamang gawain, na ito ay ang kaparusahan ng Allâh (I) sa Kabilang-Buhay, matatakpan sila ng pagkahamak at kadiliman bilang pagbabalewala at pagsasawalang-halaga sa kanila, at walang sinuman ang makapipigil sa kaparusahan ng Allâh (I) sa kanila kapag sila ay pinarusahan, na ang kanilang mga mukha ay parang sinakluban ng kadiliman ng gabi. At sila ay maninirahan sa Impiyernong-Apoy magpasawalang-hanggan.

28. At alalahanin mo, O Muhammad (r), ang Araw na titipunin Namin ang lahat ng mga nilikha para sa Paghuhukom at Pagbabayad, pagkatapos ay sasabihin Namin sa mga ‘Mushrikun’ – sumamba ng iba bukod sa Allâh (I): “Manatili kayo sa inyong kinaroroonan, kayo at ang inyong sinamba na iba bukod sa Allâh (I), hanggang sa makita ninyo kung ano ang gagawin sa inyo,” kaya paghihiwalayin Namin ang mga sumamba sa iba bukod sa Allâh (I) na mga ‘Mushrikun’ at ang kanilang mga sinamba, at itatanggi ng sinamba nila bukod sa Allâh (I), ang ginawa nilang pagsamba sa kanila, at kanilang sasabihin sa mga ‘Mushrikin’ na mga sumamba ng iba bukod sa Allâh (I): “Hindi kami ang inyong sinamba noon sa daigdig.”

29. “(Ang tinutukoy dito ay pagsamba ng tao sa tao) Na kung kaya, sapat na ang Allâh (I) bilang testigo sa pagitan namin at sa inyo, na katiyakan, kami ay hindi namin alam kung ano sinasabi ninyo at ginagawa, at katotohanan lingid sa aming kaalaman ang inyong ginagawang pagsamba sa amin, at ito ay hindi namin namalayan.”

30. Doon sa himpilang yaon sa paghuhukom ay susuriin ang bawa’t isa sa kanyang naging katayuan at gawain noon at ito ay kanyang matitiyak, at siya ay pagbabayarin ayon dito: kung mabuti ay mabuti at kung masama naman ay masama rin, at ibabalik ang lahat sa Allâh (I) na Makatarungang Hukom, at papapasukin ang maninirahan sa ‘Al-Jannah’ sa ‘Al-Jannah’ at ang mga maninirahan naman sa Impiyerno ay sa Impiyerno, at maglalaho ang mga sinasamba ng mga ‘Mushrikun,’ na inimbento lamang nila laban sa Allâh (I).

31. Sabihin mo sa kanila na mga ‘Mushrikin,’ O Muhammad (r): “Sino ang nagbibigay ng kabuhayan sa inyo mula sa kalangitan sa pamamagitan ng pagpapababa Niya ng ulan, at mula sa kalupaan sa pamamagitan ng pagpapatubo Niya ng iba’t ibang uri ng mga pananim at mga puno na ikinabubuhay ninyo, kayo at ang inyong mga inaalagaang hayop? At sino ang nagmamay-ari ng mga pinakikinabangan ninyo, kayo at ang mga iba, na pandinig at paningin? At sino ba ang kumukuntrol na nagmamay-ari ng buhay at pagkamatay sa buong daigdig, na nagsasanhi ng pagkakaroon ng buhay sa mga walang buhay at kamatayan sa mga may buhay, at sa mga bagay na alam ninyo na mga nilikha at saka sa mga hindi ninyo alam? At sino ang nangangasiwa sa kalangitan, at kalupaan at sa mga niloloob nito, at sa inyo at sa lahat ng mga nilikha?” Walang pag-aalinlangan, sasabihin nila sa iyo na ang gumagawa ng lahat ng ito ay ang Allâh (I), kung gayon ay sabihin mo sa kanila, “Hindi ba kayo natatakot sa kaparusahan ng Allâh (I) dahil sa inyong pagtatambal o pagsamba ng iba bukod sa Kanya?”

32. Ganito ang Allâh (I), ang inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha na makatotohanan, na walang pag-aalinlangan, na bukod-tangi na may karapatan lamang na sambahin, na wala Siyang katambal, na kung kaya, mayroon pa bang kaiba sa katotohanan maliban sa pagkaligaw? Na kung kaya, paano ninyo itinuon ang pagsamba sa iba sa halip na para lamang sa Kanya?

33. Kung paano tumanggi sa katotohanan ang mga ‘Mushrikun’ at patuloy sa kanilang pagsamba ng iba, ay naisakatuparan ang salita ng iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, ang Kanyang batas at pagpasiya sa mga yaong lumabag sa pagsunod sa kanilang ‘Rabb’ tungo sa pagkakasala at sila ay tumanggi sa Kanya dahil sa hindi nila pinaniwalaan ang Kanyang Kaisahan, at hindi sila naniwala sa pagiging Propeta ng Kanyang Propeta na si Muhammad (r), at hindi nila ipinatutupad ang Kanyang katuruan.
34. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Mayroon ba sa inyong mga sinasambang diyus-diyusan ang nagpasimula sa paglikha ng anumang bagay na walang pinagmulan, pagkatapos itong likhain ay sasanhiin niya itong maglahong muli, at pagkatapos ay uulitin niya itong muli na katulad ng pagkalikha niya nito sa una? Katiyakang hindi nila ito kayang angkinin,” kung gayon, sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Ang Allâh (I) na Bukod-Tangi ay Siya lamang ang maaaring gumawa nito, at pagkatapos Niya itong sanhiin na maglaho ay ibabalik Niya ito na katulad nang una Niyang pagkalikha rito, kung gayon, paano ninyo tinatanggihan ang Daan ng Katotohanan tungo sa kamalian na ito ay ang pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I)?”

35. Sabihin mo sa kanila na mga ‘Mushrikin,’ O Muhammad (r): “Mayroon ba sa inyong mga itinatambal sa pagsamba sa Allâh (I) na makagagabay tungo sa Matuwid na Landas? Katotohanang ito ay hindi nila kayang angkinin,” kung gayon, sabihin mo sa kanila: “Ang Allâh (I) na Bukod-tangi ang gumagabay sa naligaw ng landas tungo sa katotohanan. Sino kung gayon ang karapat-dapat na sinusunod: Siya ba na Bukod-Tanging nakagagabay lamang sa katotohanan o siya na hindi man lamang makapagturo ng anumang patnubay dahil wala siyang alam at siya ay ligaw, na ito ay yaong mga itinatambal o sinasamba ninyo bukod sa Allâh (I) na hindi man lamang makapagtuturo ni ang kanyang sarili ay hindi niya kayang gabayan kung walang gagabay sa kanya? Na kung kaya, paano niya pinagpantay ang pagitan ng Allâh (I) at ng Kanyang nilikha? Dahil ito ay maling pagpapasiya.”

36. At ang karamihan sa kanila na mga ‘Mushrikin’ sa pagturing nila sa mga rebultong ito na mga sinasamba at ang kanilang paniniwala na ito ay magpapalapit sa kanila sa Allâh (I), ay wala silang sinusunod sa ganitong panuntunan kundi haka-haka lamang nila na walang pinagbabatayan, sapagka’t hindi ito makapapantay ni katiting sa katotohanan. Katiyakan, ang Allâh (I) ay Siyang ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa anumang ginagawa ng mga ‘Mushrikun’ na paglabag at pagtanggi.

37. At kailanman ay hindi makapagpapalitaw ang sinuman bukod sa Allâh (I) ng tulad nitong Qur’ân, dahil sa katiyakan, walang sinuman ang may kakayahan nito sa alinman sa Kanyang mga nilikha, subali’t ang Allâh (I), ito’y Kanyang ipinahayag bilang patotoo sa mga Aklat na Kanyang ipinahayag sa Kanyang mga Propeta noon; dahil walang pag-aalinlangan na ang Relihiyon (‘Deen’) ng Allâh (I) ay nag-iisa, at ang niloloob ng Banal na Qur’ân ay ganap na kapaliwanagan sa batas ng Allâh (I) na Kanyang ipinag-utos sa sambayanan ni Muhammad (r), na walang pag-aalinlangan na ang Banal na Qur’ân ay Rebelasyon mula sa Allâh (I) na ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng lahat ng mga nilalang.

38. O sinasabi ba nila: “Katunayan, ang Qur’ân na ito ay sariling gawa lamang ni Muhammad? Gayong sa katotohanan ay batid nila na siya (Muhammad r) ay tao lamang na katulad din nila!” Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Gumawa sila ng isang ‘sûrah’ o kabanata na katulad ng taludtod ng Banal na Qur’ân at ng katuruan (nito), at magpatulong kayo sa sinumang may kakayahan na tumulong sa inyo bukod sa Allâh (I), tao man ito o ‘jinn,’ kung kayo ay totoo sa inyong pag-aangkin.”

39. Hindi nila ito makakayanang pantayan! Kundi sila ay nagmadali na pasinungalingan ang Banal na Qur’ân sa kauna-unahang pagkarinig pa lamang nila rito, at bago nila pag-aralan ang mga talata nito, at hindi nila pinaniwalaan ang anumang hindi inabot ng kanilang kaalaman na katulad ng Pagkabuhay na Mag-uli, Paghuhukom, ‘Al-Jannah,’ Impiyernong-Apoy at iba pa, dahil sa hindi pa dumating sa kanila ang katotohanan hinggil sa anumang ipinangako sa kanila na nasa Aklat.

At kung paano pinasinungalingan ng mga ‘Mushrikun’ ang babala ng Allâh (I) ay ganoon din ang mga naunang tao sa kanila, na kung kaya, tingnan mo, O Muhammad (r), kung ano ang mapapala ng mga masasama. Katiyakan, pinuksa ng Allâh (I) ang iba sa kanila sa pamamagitan ng paglamon sa kanila ng kalupaan, at ang iba naman sa pamamagitan ng pagkalunod, at ang iba naman ay ibang kaparusahan.

40. Mayroon sa mga sambayanan mo, O Muhammad (r), ang naniniwala sa Banal na Qur’ân, at mayroon din naman sa kanila ang hindi naniniwala hanggang sa siya ay namatay nang ganito at bubuhayin na mag-uli na ganito rin, at ang iyong ‘Rabb’ ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa mga masasama na hindi naniniwala dahil sa sukdulang kasamaan, paghihimagsik at pamiminsala, at sila ay pagbabayarin dahil sa kanilang pamiminsala at kasamaan ng matinding kaparusahan.

41. At kung tinanggihan ka, O Muhammad (r), ng mga ‘Mushrikun’ na iyan ay sabihin mo sa kanila: “Sa akin ang aking Relihiyon at aking gawa, at sa inyo naman ang inyong Relihiyon at inyong gawa, at kayo ay hindi pagbabayarin sa anuman na aking nagawa, at ako naman ay hindi rin pagbabayarin sa anuman na inyong nagawa.”

42. At mayroon sa mga walang pananampalataya na naririnig ang sinasabi mong katotohanan, at ang pagbibigkas ng Banal na Qur’ân, subali’t sila ay hindi nagagabayan. Kung gayon, may kakayahan ka ba na parinigin ang bingi? Katotohanan na wala kang kakayahan na gabayan ang mga iyan, maliban sa kung nanaisin ng Allâh (I) na sila ay gabayan, dahil sa sila ay bingi sa pagdinig ng katotohanan at hindi nila iniintindi.

43. At mayroon sa mga walang pananampalataya na pinagma-masdan ka at nakikita ang mga katibayan ng iyong pagka-Propeta na totoo, subali’t hindi niya nakikita ang ipinagkaloob ng Allâh (I) sa iyo na Liwanag ng Paniniwala, na kung kaya, may kakayahan ka ba na maipakita ang gabay sa mga bulag upang sila ay mapatnubayan? Walang pag-aalinlangan, na wala sa kakayahan mo na gabayan sila kung sila ay wala sa pagkakaunawa nito, kundi Bukod-Tangi na ang nagsasanhi nito ay ang Allâh (I) lamang.
44. Katiyakan, ang Allâh (I) ay hindi Niya dinadaya nang kahit na kaunti ang sinumang tao na tulad ng pagdaragdag ng kaparusahan sa kanila o pagbabawas ng kanilang kabutihan, kundi ang mga tao mismo ang nagmamali sa kanilang mga sarili dahil sa kanilang pagtanggi at paglabag sa kagustuhan ng Allâh (I).

45. At sa Araw na titipunin ng Allâh (I) ang mga ‘Mushrikun,’ sa Araw ng Muling Pagkabuhay at Paghuhukom, na para bang hindi sila nanatili rito sa buhay sa daigdig kundi isang oras lamang na kabahagi ng isang araw, magkakakilanlan sila sa isa’t isa na katulad ng pagkakakilala nila sa isa’t isa rito sa daigdig, pagkatapos ay biglang naputol ang kanilang ugnayan at ang kanilang pagkakalinlan sa isa’t isa (dahil sa tindi ng pangyayari). Walang pag-aalinlangan, natalo ang mga yaong tinanggihan nila ang paniniwala sa Allâh (I), sa Kanyang gantimpala at kaparusahan, at hindi sila nagabayan.

46. Ipakita man Namin sa iyo, O Muhammad (r), habang ikaw ay nabubuhay ang ipinangako Naming parusa sa kanila dito sa daigdig, o di kaya ay sanhiin Namin na ikaw ay mamatay muna bago ito maipakita sa iyo, (kahit alin ang mangyari sa dalawang ito) magkagayunpaman sa Amin pa rin ang kanilang pagbabalik, pagkatapos noon, ang Allâh (I) ay Siyang ‘Shaheed’ – Testigo sa lahat ng kanilang mga ginawa dito sa daigdig, at walang anumang naililihim sa Kanya, pagkatapos, sila ay pagbabayarin Niya ng angkop na kabayaran para sa kanila.

47. At sa bawa’t sambayanan na nauna sa inyo, O kayong mga tao, ay mayroong Sugo na ipinadala sa kanila na katulad pagkakapadala Ko kay Muhammad (r) sa inyo, upang kayo ay akayin tungo sa Relihiyon (‘Deen’) ng Allâh (I) at sa pagsunod sa Kanya, at kapag dumating ang Sugo nila sa Kabilang-Buhay ay doon huhukuman ang pagitan nila nang makatarungang paghuhukom, at sila ay hindi dadayain sa anumang pagbabayad na gagawin sa kanilang mga ginawa.

48. At sasabihin ng mga ‘Mushrikûn,’ na mula sa iyong sambayanan, O Muhammad (r): “Kailan pa ba mangyayari ang ‘As-sa`ah’ (pagkagunaw ng daigdig) kung ikaw at ang iyong mga tagasunod ay nagsasabi ng katotohanan ayon sa inyong mga ipinapangako sa amin?”

49. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Hindi ko kayang ilayo sa kapahamakan ang aking sarili, at hindi ko rin kayang magdulot ng kapakinabangan maliban na lamang kung ninais ng Allâh (I) na ako‎ ay mailayo sa kapahamakan o magkamit ng kapakinabangan. Sa bawa’t sambayanan ay mayroon silang kani-kaniyang kapanahunan upang matapos ang pagkakatakda ng kanilang buhay o kamatayan, at kapag dumating ang panahon na yaon na nakatakda bilang katapusan ng kanilang buhay, ay hindi sila magkakaroon ng kakayahan na ito ay antalain ni iusad ito nang kahit na isang sandali.”

50. Sabihin mo sa kanila na mga ‘Mushrikin,’ O Muhammad (r): “Sabihin ninyo nga sa akin, kung dumating sa inyo ang parusa ng Allâh (I) sa gabi o sa araw, ano ba sa mga bahagi ng kaparusahan kung gayon ang inyong minamadali, O kayong mga masasama?”

51. Pagkatapos pa bang dumating ang kaparusahan ng Allâh (I) sa inyo, O kayong mga ‘Mushrikun’ ay saka pa kayo maniniwala, gayong sa pagkakataong yaon ay wala na kayong pakikinabangan sa inyong paniniwala? At sasabihin sa inyo sa Araw na yaon: “Ngayon lang ba kayo maniniwala samantalang noon ay iminamadali ninyo na dumating sa inyo ang kaparusahan?”

52. Pagkatapos ay sasabihin sa mga masasama na minali nila ang kanilang mga sarili dahil sa kanilang pagtanggi sa Allâh (I): “Lasapin ninyo ang parusa ng Allâh (I) na walang katapusan, at parurusahan ba kayo nang bukod sa kabayaran sa kasamaan na inyong ginawa sa daigdig?”

53. At tinatanong ka nila na mga ‘Mushrikûn,’ O Muhammad (r), hinggil sa parusa sa Araw ng Muling Pagkabuhay, kung ito ba ay totoo. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Oo! Sumusumpa ako sa aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha na ito ay totoo na walang pag-aalinlangan, na kayo ay bubuhayin na mag-uli at pagbabayarin, at hindi kayo makatatakas ni makaliligtas sa Allâh (I) dahil kayo ay nasa ilalim ng Kanyang kapangyarihan.”


54. At kahit pagmamay-ari pa ng bawa’t tao na sumamba ng iba at lumabag sa Allâh (I), ang lahat ng nasa kalupaan, at hahangarin niya itong ipantubos para sa kanya mismong sarili mula sa kaparusahan ng Allâh (I) (subali’t ito ay hindi tatanggapin sa kanya), at ililihim ng mga masasama ang kanilang pagsisisi sa kanilang mga kalooban kapag nakita na nila ang lahat ng kaparusahan ng Allâh (I) na dumating sa kanila, at magpapasiya ang Allâh (I) sa kanila nang makatarungan, at sila ay hindi dadayain dahil ang Allâh (I) ay hindi Niya parurusahan ang sinuman kundi ayon din lamang sa kasalanan na kanyang nagawa.
55. Dapat mong mabatid na ang lahat ng niloloob ng mga kalangitan at kalupaan ay bukod-tanging Pagmamay-ari lamang ng Allâh (I), at walang anuman ang pagmamay-ari ng sinuman bukod sa Kanya. Dapat mong mabatid na ang pakikipagharap ng Allâh (I) at pagpaparusa sa mga nagtambal o sumamba ng iba ay katiyakang magaganap, subali’t ang karamihan sa kanila ay hindi nila batid ang katotohanan hinggil dito.

56. Katiyakan, ang Allâh (I) ay Siyang nagbibigay ng buhay at nagsasanhi ng kamatayan, na hindi mahirap para sa Kanya na buhayin ang mga tao pagkatapos nilang mamatay na katulad din ng pagkamatay nila kapag ito ay Kanyang ninais, at sila ay babalik sa Kanya pagkatapos nilang mamatay.

57. O sangkatauhan! Katiyakang mayroong dumating sa inyo na isang mabuting payo mula sa Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na nagpapaalaala sa inyo hinggil sa kaparusahan ng Allâh (I) at pinag-iingat kayo hinggil sa Kanyang babala, na ito ay ang Banal na Qur’ân at ang anuman na nakasaad dito na mga pagpapayo upang ituwid ang inyong mga pag-uugali at ang inyong mga gawain, at niloloob din nito ang lunas sa anumang nasa inyong mga kalooban (puso) na kamangmangan, paniniwala sa iba bukod sa Allâh (I) at sa lahat ng uri ng mga sakit; at gabay sa sinumang susunod rito na mga tao upang sila ay iligtas sa kapahamakan, na ginawa ito ng Allâh (I) bilang biyaya at awa sa mga mananampalataya, na ito ay bukod-tangi na para lamang sa kanila; dahil sila ang makikinabang nito dahil sa kanilang paniniwala, subali’t ang mga walang pananampalataya ay hindi nila ito nakikita.
58. Sabihin mo sa lahat ng mga tao, O Muhammad (r): “Sa Kagandahang-Loob ng Allâh (I) at sa Kanyang Awa, na ito ay ang dumating sa inyo na Islâm mula sa Allâh (I) na gabay at ‘Deen’ (o Relihiyon) ng katotohanan, na kung kaya, dahil dito ay malugod kayo; sapagka’t walang pag-aalinlangan na ito ay ang Islâm, na kung saan dito kayo inanyayahan ng Allâh (I) at ang Banal na Qur’ân na ipinahayag Niya kay Muhammad, na higit pa sa kung anuman na nalikom ninyo mula sa mga makamundong bagay at kung anumang mga palamuti nito na may hangganan.”

59. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r), na hindi naniwala sa Rebelasyon: “Sabihin nga ninyo sa akin, ang hinggil sa kabuhayan na ipinagkaloob ng Allâh (I) sa inyo na tulad ng mga hayop, mga pananim at ang mga mabubuting kabuhayan na ipinahintulot ninyo sa inyong sarili ang iba at ang iba naman ay ipinagbawal ninyo,” sabihin mo sa kanila: “Ang Allâh (I) ba ay Siyang nagpahintulot sa inyo na gawin ito, o nagsasabi lang kayo ng kasinungalingan laban sa Allâh (I) na wala kayong karapatan?”

60. Ano kaya sa tingin nila ang gagawin ng Allâh (I) sa kanila, sila na mga nag-imbento ng kasinungalingan laban sa Allâh (I), sa Araw ng Muling Pagkabuhay, na dinaragdagan nila ang batas ng pagbabawal sa hindi ipinagbawal ng Allâh (I) na kabuhayan, ano kaya ang gagawin ng Allâh (I) sa kanila sa Araw ng Muling Pagkabuhay dahil sa kanilang pagsisinungaling laban sa Allâh (I)? Iniisip ba nilang sila ay patatawarin ng Allâh (I)? Katotohanan, ang Allâh (I) ay Punung-Puno ng kagandahang-loob sa Kanyang nilikha na hindi muna Niya pinarurusahan kaagad dito sa daigdig at pinababayaan muna Niya ang sinumang nagsinungaling laban sa Kanya, subali’t ang karamihan sa mga tao ay hindi tumatanaw ng utang na loob sa anumang kagandahang-loob sa kanila ng Allâh (I).

61. Anuman ang iyong ginagawa, O Muhammad (r), sa iyong mga sariling gawain, at kung anuman na iyong binibigkas mula sa Banal na Qur’ân na mga talata, at kung anuman ang ginawa ng sinuman sa iyong sambayanan na mabuting gawain o masama, ay tiyak na nababatid Namin ito at Kami ay nakamasid habang ito ay inyong ginagawa, at ito ay itinala Namin para sa inyo at gagantihan Namin kayo para rito, at walang anuman ang naililihim sa kaalaman ng iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, O Muhammad (r), na kahit na kasinliit ng atomo (o ‘atom’), dito sa kalupaan at ganoon din sa mga kalangitan. Kahit na maliit pa o malaki kaysa rito ay nakatala ito nang malinaw sa Aklat na nasa Allâh (I) dahil saklaw ng Kanyang Kaalaman ang lahat at ito ay itinala ng Kanyang panulat.

62. Dapat ninyong mabatid na katiyakan, ang mga ‘Awliyâ`’ ng Allâh (I) ay wala silang dapat na katakutan sa Kabilang-Buhay na kaparusahan ng Allâh (I), at wala silang dapat na ikalungkot sa anuman na hindi nila nakamtan na makamundong buhay.


63. At sila na mga malalapit sa Allâh (I), ang kanilang katangian ay naniwala sila sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo at sa anuman na kanyang dinala na kautusan mula sa Allâh (I), at sila ay natatakot sa Allâh (I) sa pamamamgitan ng pagsunod nila sa Kanyang mga ipinag-uutos at pag-iwas sa Kanyang mga ipinagbabawal.
64. Para sa kanila na malalapit sa Allâh (I), ang magandang balita mula sa Allâh (I), dito sa daigdig na kalugud-lugod para sa kanila, at sa Kabilang Buhay naman ay ‘Al-Jannah.’ Hindi binabago ng Allâh (I) ang Kanyang pangako, na ito sa katotohanan ang dakilang tagumpay; dahil saklaw nito ang kaligtasan mula sa anumang hindi kanais-nais at pagkakamit ng anumang kaluguran.

65. At huwag kang magdalamhati, O Muhammad (r), sa mga sinabi ng mga ‘Mushrikin’ hinggil sa kanilang ‘Rabb’ at sa kanilang pagsisinungaling laban sa Kanya at sa pagsamba nila ng mga diyus-diyusan; dahil walang pag-aalinlangan na ang Allâh (I) ay Bukod-Tangi na nagtatangan ng ganap na kapangyarihan dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay, Siya ay ‘As-Samee`’ – Ganap na Nakaririnig sa kanilang mga sinasabi, na ‘Al-`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa kanilang mga gawain at layunin.

66. Dapat mong mabatid na walang pag-aalinlangan, Pagmamay-ari ng Allâh (I) ang lahat ng mga nasa kalangitan at kalupaan, na mga anghel, mga tao, mga ‘Jinn’ at iba pa. At ano ba talaga ang sinusunod ng mga yaong sumasamba at nananalangin sa iba bukod sa Allah, na kanilang mga itinatambal at pinapanalanginan? Sa katotohanan, wala silang sinusunod kundi haka-haka at mga pala-palagay lamang gayong ang mga ito kailanman ay hindi maaaring ipanghalili sa katotohanan, at sila ay nag-iimbento lamang ng mga kasinungalingan hinggil sa anumang itinatangi nila sa Allâh (I).

67. Siya ay gumawa para sa inyo, O mga tao, ng gabi upang kayo ay makapagpahinga at maging panatag mula sa kapaguran sa inyong mga gawain na paghahanap-buhay, at ginawa Niya rin sa inyo ang araw (‘day’) upang maging lantad sa paningin ang mga bagay sa inyo at magsumigasig kayo upang makahanap ng kabuhayan. Katiyakan, sa pagbabagu-bago ng gabi at araw, at ang mga kalagayan ng mga tao (dito sa gabi’t araw na ito) ay tanda at mga katibayan na ang Allâh (I) ay Bukod-Tangi lamang na may karapatan at karapat-dapat na sambahin, sa mga taong pinakikinggan ang mga ganitong katibayan at pinag-iisipan.

68. Sinabi ng mga ‘Mushrikûn:’ “Ang Allâh (I) ay nagkaroon ng anak na katulad ng kanilang sinabi, na ang mga anghel ay mga anak ng Allâh (I) na kababaihan, o di kaya ay si Al-Masih (Messiah – Kristo) ay anak ng Allâh (I).” Luwalhati sa Allâh (I) na Siya ay malayo sa lahat ng ito! Siya ay ‘Al-Ghanee’ – ang Napakayaman na Ganap at Malaya sa lahat ng anumang pangangailangan, Pagmamay-ari Niya ang lahat ng mga nasa kalangitan at kalupaan, na kung kaya, paano Siya magkakaroon ng anak mula sa Kanyang mga nilikha, samantalang ang lahat ng mga bagay ay Pagmamay-ari Niya? At wala kayong katibayan sa anumang inaangkin ninyo na kasinungalingan, na kung kaya, nagsasabi ba kayo laban sa Allâh (I) ng mga bagay na hindi ninyo alam na katotohanan hinggil dito?

69. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Katiyakan, ang mga yaong nag-imbento ng kasinungalingan laban sa Allâh (I) na sinasabi nilang Siya ay nagkaroon daw ng anak na lalaki at binigyan nila ng katambal ang Allâh (I), ay wala silang mapapala na anuman dito sa daigdig at lalung-lalo na sa Kabilang-Buhay.”

70. Ang matatamasa lamang nila dahil sa kanilang pagtanggi at pagsinungaling ay kaunting kaligayahan dito sa daigdig, pagkatapos ng kanilang kamatayan ay sa Amin sila magbabalik, na pagkatapos nito ay ipalalasap Namin sa kanila ang kaparusahan sa Impiyerno dahil sa kanilang pagtanggi sa Allâh (I) at pagpapasinungaling sa Kanyang mga Sugo at paglabag sa Kanyang mga talata o katuruan.

71. Isalaysay mo, O Muhammad (r), sa mga walang pananam-palataya sa Makkah ang kuwento hinggil kay Nûh (u) kasama ang kanyang sambayanan noong siya ay nagsabi sa kanila: “Kung ang aking pananatili sa inyo para kayo ay paalalahanan sa mga katibayan at mga palatandaan ng Allâh (I) ay mabigat para sa inyo ay ipinauubaya ko na lamang ang aking sarili sa Allâh (I), at sa Kanya ko ipinagkakatiwala. Samakatuwid, ihanda ninyo ang inyong mga pakana, at tawagin ninyo ang inyong mga itinatambal o sinasamba na iba, pagkatapos ay huwag na ninyong ilihim ang inyong mga ginagawa bagkus ay ilantad na ninyo, pagkatapos ay magpasiya na kayo na ako ay inyong parusahan at saktan kung ito ay kaya ninyo, at huwag na ninyo akong pagbigyan pa ng kahit na isang oras man lamang na bahagi ng isang araw.

72. “At kapag tinanggihan ninyo ang aking paanyaya, samantalang ako sa katotohanan ay hindi humihingi sa inyo ng anumang kabayaran; kundi ang aking gantimpala ay nagmumula lamang sa aking ‘Rabb,’ na Luwalhati sa Kanya na Bukod-Tangi na walang katambal, na ako ay inutusan na maging kabilang sa mga sumusuko at sumusunod sa Kanyang batas bilang isang Muslim.”

73. Subali’t tinanggihan si Nûh (u) ng kanyang sambayanan sa kanyang ipinarating na mensahe mula sa Allâh (I), na kung kaya, iniligtas Namin siya at ang sinumang sumama sa kanya sa pamamagitan ng pagsakay sa sasakyang pantubig, at ginawa Namin sila na kahalili sa pangangasiwa rito sa kalupaan ng mga tumanggi sa katotohanan, at sinanhi Namin na malunod ang mga tumanggi sa Aming mga katibayan, na kung kaya, tingnan mo, O Muhammad (r), kung ano ang naging hantungan (katapusan) ng mga tao na binalaan ng Sugo na ipinadala sa kanila hinggil sa kaparusahan ng Allâh (I)?

74. Pagkatapos ay nagpadala Kami ng mga Sugo, pagkatapos ni Nûh (u) tungo sa kanilang mga sambayanan – na katulad ng Sugong si Propeta Hûd (u), Sâleh (u), Ibrâhim (u), Lût (u) at Shu`ayb (u) at iba pa – at dala-dala ng mga Sugong yaon sa kani-kanilang sambayanan ang mga himala na nagpapatunay sa kanilang mensahe at nagpapatotoo sa kanilang inihihikayat, subali’t magkagayunpaman ay hindi pa rin sila naniwala`t sumunod sa anumang tinanggihan ng mga sambayanan ni Nûh at sa sinumang nauna pa sa kanila na mga tao. Na kung kaya, kung paano isinara ng Allâh (I) ang mga puso ng mga taong yaon kaya sila ay hindi na naniwala, ay ganoon din isasara ng Allâh (I) ang mga puso ng sinumang katulad nila na darating pagkatapos nila, na mga lumabag sa batas o sa hangganang itinakda ng Allâh (I) at nilabag nila ang anumang mensahe na dala-dala ng Sugo na ipinadala sa kanila, bilang kaparusahan sa kanilang kasalanan.

75. Pagkatapos, ipinadala Namin kasunod ng mga Sugong yaon si Mousâ (u) at saka si Hâroun (u) tungo kay Fir`âwn at sa mga namumuno sa kanyang sambayanan, na dala-dala nila ang mga himala na nagpapatotoo sa kanilang mga mensahe, subali’t sila ay nagmataas at tinanggihan ang katotohanan (Fir`âwn at ang kanyang sambayanan), dahil sa sila ay mga makasalanan at pinasinungalingan ang katotohanan.

76. At nang dumating kay Fir`âwn at sa kanyang sambayanan ang katotohanan na dala-dala ni Mousâ, ay kanilang sinabi: “Katotohanan, ang dala ni Mousâ na mga palatandaan ay malinaw na salamangka.”

77. Sinabi sa kanila ni Mousâ na may pagkamangha sa kanilang sinabi: “Sinasabi ba ninyo ang hinggil sa katotohanan na dumating sa inyo, na ito ay malinaw na salamangka? Tingnan ninyo ang katangian ng (pahayag na) dumating sa inyo at ang niloloob nito dahil makikita ninyo na ito ay totoo. At kailanman ay hindi magtatagumpay ang mga salamangkero, at wala silang mapapala na anuman dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.”

78. Sinabi ni Fir`âwn at ang mga namumuno sa kanyang sambayanan kay Mousâ: “Dumating ka ba para alisin kami sa aming kinagisnan sa aming mga ninuno sa pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I), at upang kayong dalawa – ikaw at si Hâroun ay maging dakila at makilala dito sa kalupaan ng Ehipto? Na kung kaya, hindi kami maniwala na kayong dalawa ay mga Sugo na ipinadala sa amin; na para lamang masamba namin ang Allâh (I) nang Bukod-Tangi at walang katambal.”


79. At sinabi ni Fir`âwn: “Dalhin ninyo sa akin ang lahat ng mga bihasa at mga marurunong na mga salamangkero.”
80. Nang dumating ang mga salamangkero ni Fir`âwn, sinabi sa kanila ni Mousâ: “Ihagis ninyo sa kalupaan ang anuman na dala-dala ninyo na mga lubid at mga tungkod.”

81. At nang inihagis nila ang kanilang mga lubid at mga tungkod, sinabi sa kanila ni Mousâ (u): “Katiyakan, ang dala ninyo at ang inyong mga inihagis ay salamangka, katiyakan na ang Allâh (I) ay aalisan Niya ng bisa ang anumang dala-dala ninyong salamangka. Walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) ay hindi Niya itinutuwid ang gawain ng sinumang nagsusumigasig na gumawa sa kalupaan ng Kanyang kinamumuhian at namiminsala rito sa pamamagitan ng kanyang masasamang gawain.”

82. “At ang patatatagin ng Allâh (I) ay ang katotohanan na dala-dala ko sa inyo na mula sa Kanya at ito ay pahihintulutan Niya na mangibabaw laban sa inyong mga kamalian sa pamamagitan ng Kanyang mga Salita at Utos, kahit ito ay kamuhian ng mga makasalanan na mula sa pamilya ni Fir`âwn.”

83. Subali’t walang sinuman ang naniwala kay Mousâ kahit dala-dala na niya ang mga katibayan at mga palatandaan kundi ang mga lahi lamang na mula sa kanyang sambayanan na mga angkan ni Isrâ`îl, dahil sa takot nila kay Fir`âwn at sa kanyang mga pinuno, na sila ay parusahan at pigilan mula sa kanilang relihiyon dahil katiyakang si Fir`âwn ay mapagmalupit at mapagmataas sa kalupaan, at siya sa katotohanan ay kabilang sa mga lumampas sa hangganan sa pagtanggi at sa pamiminsala.

84. At sinabi ni Mousâ: “O aking sambayanan, kapag kayo ay naniwala sa Allâh (I) at nagtiwala kayo sa Kanya at ipinaubaya ninyo ang inyong mga sarili sa kagustuhan Niya, at sa Allâh (I) lamang kayo dapat na magtiwala kung kayo ay tunay na sumusunod sa Kanyang kagustuhan bilang mga Muslim.”

85. At kanilang sinabi kay Mousâ: “Sa Allâh (I) lamang kami na Bukod-Tangi na walang katambal nagtitiwala, na sa Kanya lamang namin ipinauubaya ang aming mga sarili. O Allah (I) na aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Huwag mong pahintulutang mangibabaw laban sa amin ang mga masasama, dahil ito ang magsasanhi na mapalayo kami mula sa aming ‘Deen.’”

86. “At iligtas Mo kami sa pamamagitan ng Iyong awa mula sa mga walang pananampalataya na si Fir`âwn at ang mga namumuno sa kanyang sambayanan; dahil sa pinahihirapan nila kami sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga mahihirap na mga gawain (pang-aalipin).”

87. At Aming ipinahayag kay Mousâ at sa kanyang kapatid na si Hâroun na: “Magsagawa kayo ng mga tahanan sa Ehipto para sa inyong sambayanan na kanilang titirhan at magiging taguan, at gawin ninyo ang mga tahanang yaon bilang lugar ng sambahan kapag kayo ay natatakot, at isagawa ninyo ang obligadong ‘Salah’ sa tamang oras na itinakda para rito. At ipamalita mo sa mga mananampalataya na sumusunod sa Allâh (I) ang pagwawagi at pangingibabaw, at masaganang gantimpala mula sa Allâh (I).”

88. At sinabi ni Mousâ: “O Allah (I) na aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Katotohanan, pinagkalooban Mo si Fir`âwn at ang mga pinuno sa kanyang sambayanan ng masaganang kayamanan dito sa daigdig; subali’t hindi sila nagpasalamat at tumanaw ng utang na loob sa Iyo, bagkus ito pa ang tumulong upang maligaw ang mga tao tungo sa Iyong Daan. O Allah (I) na aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Wasakin Mo ang kanilang kayamanan, nang sa gayon ay hindi na nila ito mapakinabangan pa, at isara Mo ang kanilang mga puso upang hindi na sila makatanggap ng katotohanan, at hindi na sila maniniwala hanggang sa makita nila ang matinding kaparusahan.”


89. Sinabi ng Allâh (I) sa kanilang dalawa na sina Mousâ at Hâroun: “Katiyakan, dininig ang inyong panalangin laban kay Fir`âwn at sa mga namumuno sa kanyang sambayanan at sa kanilang mga kayamanan – habang nananalangin si Mousâ ay nagsasabi naman ng ‘Âmeen’ si Hâroun, na kung kaya, sa kanilang dalawa itinangi ang ganitong paanyaya – at magpakatuwid kayo sa inyong ‘Deen’ at ipagpatuloy ninyo ang inyong paanyaya kay Fir`âwn at sa kanyang sambayanan tungo sa Kaisahan ng Allâh (I) at sa pagsunod sa Kanya, at huwag sundin ang daan ng mga hindi nakababatid ng katotohanan hinggil sa Aking pangako at babala.”
90. At biniyak Namin ang karagatan para sa mga angkan ni Isrâ`il, hanggang sa sila ay nakatawid, at sinundan sila ni Fir`âwn at ng kanyang mga sundalo bilang pang-aapi at paghihimagsik, na kung kaya, lumusong sila sa karagatan kasunod nila, hanggang sa nagsara ang karagatan noong nasa kalagitnaan na si Fir`âwn at malulunod na, kanyang sinabi: “Naniwala na ako na walang dapat sambahin kundi Siya, na pinaniniwalaan ng mga Angkan ni Isrâ`îl, at ako’y kabilang sa naniwala sa Kanyang Kaisahan at sumusuko sa Kanyang kagustuhan bilang isa sa mga Muslim.”

91. Ngayon pa lamang, O Fir`âwn, dahil dumating na sa iyo ang kamatayan ay saka ka pa lamang naniwala na ang Allâh (I) lamang ang dapat sambahin, samantalang nilabag mo Siya bago dumating sa iyo ang kaparusahan, at ikaw ay kabilang sa mga namiminsala at humaharang sa Kanyang Daan! Samakatuwid, walang kapakinabangan ang iyong pagsisisi sa oras ng iyong pag-aagaw-buhay.

92. Na kung kaya, ngayon ay gagawin Namin na makarating sa kalupaan ang iyong bangkay (na ito ay ipapadpad sa dalampasigan), na makikita ka ng sinumang hindi naniwala sa iyong kamatayan; upang ito ay maging aral sa sinumang darating na mga tao pagkatapos mo. At katotohanan, karamihan sa mga tao ay pabaya sila sa Aming mga katibayan at mga palatandaan, na ito ay hindi nila pinagtutuunan ng pansin at hindi nagsisilbing aral para sa kanila.

93. At pinatira Namin ang mga angkan ni Isrâ`îl sa maayos at marangal na tirahan sa ‘Sham’ at sa Ehipto, at pinagkalooban Namin ng mabubuting kabuhayan mula sa mga biyaya rito sa kalupaan, na sila ay hindi nagkakasalungatan patungkol sa Relihiyon (‘Deen’) maliban na lamang noong pagkatapos dumating sa kanila ang kaalaman na magbubuklod sa kanila, at kabilang sa kaalaman na yaon na niloloob ng ‘Tawrah’ ay ang mga kuwento hinggil sa pagiging Propeta ni Muhammad (r). Katiyakan, ang iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, O Muhammad (r), ang huhukom sa pagitan nila sa Araw ng Muling Pagkabuhay, at doon sa hindi nila pinagkakasunduan na patungkol sa iyo, kaya, makapapasok sa Impiyerno ang mga hindi naniwala at sa ‘Al-Jannah’ naman ang mga naniwala.

94. At kapag ikaw ay may pag-aalinlangan, O Muhammad (r), hinggil sa katiyakan ng ikinukuwento Namin sa iyo, ay tanungin mo ang mga yaong nagbabasa ng Kasulatan na nauna sa iyo, na sa kanila’y ipinadala ang ‘Tawrah’ at ‘Injeel,’ dahil sa ito ay naitala (nakasulat) sa kanilang mga Kasulatan. Katiyakan na dumating sa iyo ang katotohanan na walang pag-aalinlangan, mula sa iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na ikaw ay Sugo ng Allâh (r), at walang pag-aalinlangan, sila na mga Hudyo at mga Kristiyano ay batid nila ang katotohanan hinggil dito, at matatagpuan nila ang iyong katangian na naipahayag sa kanilang mga kasulatan, subali’t ito ay tinanggihan nila, na kung kaya, huwag na huwag mong ibilang ang iyong sarili sa mga taong nag-aalinlangan hinggil sa katotohanang ito.

95. At huwag kang pabibilang sa mga yaong tumanggi sa mga katibayan at mga palatandaan ng Allâh (I) kundi ay mabibilang ka sa mga talunan na kinamuhian ng Allâh (I) at Kanyang parurusahan.

96. Katiyakan, ang mga yaong naipatupad ang Salita ng Allâh (I) sa kanila, O Muhammad (r), na pagsumpa at pagpaparusa sa kanila, ay hindi na sila maniniwala sa mga katibayan mula sa Allâh (I), at hindi na nila paniniwalaan pa ang Kaisahan ng Allâh (I) at hindi na sila susunod sa Kanyang batas.


97. At kahit dumating pa sa kanila ang lahat ng katuruan at mga aral ay hindi sila maniniwala, hanggang sa makita nila ang masidhing kaparusahan ng Allâh (I) ay saka pa lamang sila maniniwala subali’t sa pagkakataong yaon ay wala nang saysay ang kanilang paniniwala.
98. Samakatuwid, mayroon ba ni isang bayan ang naniwala noong nakita na nila ang kaparusahan, at pagkatapos ay naging kapaki-pakinabang ang kanilang paniniwala sa oras na yaon? Maliban sa sambayanan ni Yunus Ibnu Matta; noong natiyak nila na ang kaparusahan ng Allâh (I) ay mangyayari sa kanila ay kaagad silang dumulog sa Allâh (I) at nagsipagsisi nang taimtim na pagsisisi, at noong napatunayan na sila ay totoo sa kanilang pagsisisi ay inalis Namin sa kanila ang kaparusahan na pagpapahamak sa daigdig na ito pagkatapos na ito ay muntik nang mangyari sa kanila, at hinayaan Namin silang magpakasiya rito sa daigdig hanggang sa katapusan ng kanilang mga buhay.

99. At kung ninais lamang ng iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, O Muhammad (r), na maniwala ang lahat ng tao sa daigdig ay maniniwala silang lahat sa anumang dala-dala mong mensahe, subali’t Siya ay mayroong ‘Hikmah’ (o karunungan) hinggil sa bagay na ito; dahil sa Siya, ginagabayan Niya ang sinuman na Kanyang nais, at inililigaw ang sinumang Kanyang nais batay sa ‘Hikmah’ na ito, na kung kaya, wala ka sa kakayahan – O Muhammad (r) – na pilitin ang lahat ng tao na maniwala

100. At hindi maaari sa sinumang tao na maniwala sa Allâh (I) maliban na lamang sa kung ito ay Kagustuhan ng Allâh (I) at Kanyang gagabayan, na kung kaya, huwag mong pilitin ang iyong sarili hinggil sa bagay na ito, dahil ang Allâh (I) ay Ganap na Nakaaalam hinggil sa kanila. At pinarurusahan Niya ng matinding kaparusahan bilang kapahamakan ang mga yaong hindi nila iniintindi ang batas ng Allâh (I), na pag-uutos at pagbabawal.

101. Sabihin mo, O Muhammad (r), sa iyong sambayanan: “Pag-isipan ninyo at pagmasdan ang anumang nasa mga kalangitan at kalupaan na malilinaw na mga palatandaan ng Allâh (I),” subali’t ang mga palatandaang ito, mga aral at mga Sugo na nagbigay ng babala hinggil sa kaparusahan ng Allâh (I) ay hindi magiging kapaki-pakinabang sa mga taong walang anumang pinaniniwalaan sa mga bagay na ito; dahil sa kanilang pagtanggi at pagmamatigas.

102. Na kung kaya, mayroon bang inaabangan ang mga yaon maliban sa araw na makikita nila ang kaparusahan ng Allâh (I) na katulad ng mga araw ng mga nauna sa kanila na mga tumanggi at hindi naniwala? Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Abangan ninyo ang kaparusahan ng Allâh (I), dahil ako ay kasama rin ninyo na nag-aabang sa kaparusahan ng Allâh (I) sa inyo.”

103. Pagkatapos ay ililigtas Namin ang Aming mga Sugo at ang mga yaong naniwala! At kung paano Namin sila iniligtas ay ganoon din ang gagawin Naming pagliligtas sa iyo, O Muhammad (r), kasama ang sinumang naniwala sa iyo bilang kagandahang-loob at awa na mula sa Amin.

104. Sabihin mo, O Muhammad (r): “O kayong mga tao! Kung kayo ay nag-aalinlangan hinggil sa katotohanan ng aking Relihiyon (‘Deen’), na rito ay hinihikayat ko kayo, na ito ay ang Islâm, at hinggil sa aking pagiging matatag dito, na naghahangad kayo na ito ay aking talikuran! Samakatuwid, dapat ninyong mabatid na katiyakang hindi ko sasambahin sa anumang pagkakataon ang sinuman mula sa mga sinasamba ninyo na mga diyus-diyosan at mga rebulto, bagkus ang sasambahin ko ay ang Allâh (I) na Bukod-Tangi na Siyang nagsasanhi ng inyong kamatayan at kumukuha ng inyong mga kaluluwa, at ako ay inutusan na maging kabilang sa mga mananampalataya na naniniwala sa Kanya.”

105. At ipinag-uutos na ituon mo, O Muhammad (r), ang iyong sarili sa pamamagitan ng pagpapakatuwid sa Relihiyon ng Islâm, na huwag na huwag kang pumanig sa mga Hudyo, Kristiyano at sa mga nagtatambal o sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I); at huwag mong ibilang ang iyong sarili sa mga nagtatambal sa pagsamba sa Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, ng mga diyus-diyosan, kundi ay mapapabilang ka sa mga mapapahamak.

106. At huwag kang manalangin, O Muhammad (r), sa kahit kaninuman bukod sa Allâh (I), na katulad ng mga rebulto at mga diyus-diyosan; dahil ang mga ito ay walang pakinabang at hindi nakapagdudulot ng kapahamakan, subali’t kapag ito ay ginawa mo at nanalangin ka ng iba bukod sa Allâh (I), ay walang pag-aalinlangang magiging kabilang ka sa mga ‘Mushrikin,’ na dinaya nila ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagsagawa ng ‘Shirk’ at kasalanan.
107. At kapag sinanhi ng Allâh (I) na may mangyari sa iyo na kapinsalaan ay walang sinuman ang makapag-aalis nito bukod sa Kanya at kapag ninais (naman) Niya sa iyo na ikaw ay magkaroon ng biyaya ay walang sinuman ang makapipigil nito, at sinasanhi ng Allâh (I) na mangyari ang mga bagay na nakagagalak at ang mga nakapipinsala sa sinuman na Kanyang nais mula sa Kanyang mga alipin, dahil sa Siya ay ‘Al-Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa kasalanan ng sinumang nagsisisi, na ‘Ar-Raheem’– Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa sinumang naniwala at sumunod sa Kanya.

108. Sabihin mo, O Muhammad (r), sa kanila na mga tao: “Katiyakan, dumating sa inyo ang Sugo ng Allâh (r) na dala-dala ang Banal na Qur’ân na nagsasaad ng inyong gabay mula sa Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na kung kaya, sinuman ang susunod sa gabay ng Allâh (I) ay walang pag-aalinlangan na ang bunga nito ay siya (rin) ang makikinabang; at sinuman ang lilihis sa katotohanan at manatili sa pagkaligaw ay walang pag-aalinlangan na ang kanyang pagkaligaw ay sarili lamang niya ang kanyang pinipinsala; at hindi ako ipinadala upang obligahin kayo na maniwala, kundi ako ay Sugo na ipinararating sa inyo ang mensahe na ipinagkatiwala sa akin.”

109. Sundin mo, O Muhammad (r), ang kapahayagan na ipinagkaloob sa iyo at ito ay iyong isagawa at maging matiisin ka sa gagawing paglabag ng sinumang lalabag sa iyo mula sa mga tao, hanggang sa pagpasiyahan ng Allâh (I) ang anumang hinggil sa kanila at hinggil sa iyo, dahil Siya, ang Allâh (I) ay Kataas-Taasan at ‘Khayrul Hâkimeen’ – Pinakamabuti sa lahat ng Tagahukom, dahil ang Kanyang paghuhukom ay Ganap at Makatarungan.

No comments: