72
LXXII – Sûrat ‘Al-Jinn’
[Kabanata ‘Al-Jinn’ – Ang ‘Jinn’]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1-2. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad: “Inihayag sa akin ng Allâh (I) na walang pag-aalinlangang may isang grupo ng mga ‘jinn’ ang nakinig sa aking pagbabasa ng Qur’ân, at nang marinig nila ito ay sinabi nila sa kanilang sambayanan: ‘Katiyakan, narinig namin ang kamangha-manghang Qur’ân sa pagiging magaling (o ‘eloquente’) nito at sa pagiging malinaw nito, na nag-aanyaya tungo sa katotohanan at gabay, na kung kaya, pinaniwalaan namin ang Qur’ân na ito, at kailanman ay hindi kami magtatambal ng kahit na sinupaman sa pagsamba namin sa Allâh (I) na aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha!
3. ‘At katiyakang Siya, na napakataas ng Kamaharlikaan ng aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha at Kanyang Kadakilaan, na kailanma’y hindi Siya nagkaroon ng asawa at kailanma’y hindi Siya nagkaroon ng anak.
4. ‘Katiyakan, siya na may kakulangan ng kaisipan mula sa amin – na siya ay si Iblees (‘Shaytân’) – ay nagsabi laban sa Allâh (I) ng salita na malayo sa katotohanan, sa pag-aangkin niya na nagkaroon ng asawa at anak ang Allâh (I).
5. ‘At katiyakan, iniisip namin na ang tao at ang ‘jinn’ ay hindi magsisinungaling laban sa Allâh (I) sa pamamagitan ng paglalagay niya ng kahanay sa pagsamba sa Allâh (I) sa pagsasabi niyang Siya ay mayroong asawa at anak.
6. ‘At katiyakan, mayroon sa mga kalalakihan mula sa mga tao ang humihingi ng proteksiyon sa mga kalalakihan mula sa ‘jinn,’ gayong sa pamamagitan nito ay mas lalong nadaragdagan ng mga kalalakihang ‘jinn’ ang paglabag ng mga kalalakihan na mula sa mga tao at paglampas sa hangganang itinakda ng Allâh (I) at sa kasiraan ng kaisipan.’
Ang ganitong paghihingi ng kalinga sa iba bukod sa Allâh (I) na tinutukoy ng Allâh (I) na ginagawa ng mga tao sa kapanahunan ng kamangmangan ay kabilang sa malaking ‘Shirk’ na hindi pinatatawad ng Allâh (I) ang ganitong uri ng kasalanan maliban na lamang kung ang nakagawa nito ay nagsisi ng totoong pagsisisi.
At ang talatang ito ay nagbibigay ng matinding babala sa sinumang tumutungo sa mga salamangkero, manghuhula at iba pang mga katulad nito.
7. ‘At katiyakan, ang mga walang pananampalataya mula sa sangkatauhan ay gayundin ang kanilang iniisip na tulad ninyo, O kayong mga ‘jinn,’ na ang Allâh (I) ay hindi na magpapadala ng Sugo pagkatapos ng mahabang panahon.
8. ‘At katiyakan, kami na mga ‘jinn’ ay humiling kami na marating namin ang kalangitan; upang marinig namin ang mga sinasabi ng mga naninirahan doon, subali’t natagpuan namin ang kalangitan na punung-puno ng napakaraming anghel na binabantayan ito, na mayroon silang mga bulalakaw na nakasusunog na ipinambabato nila sa sinumang lalapit doon.
9. ‘At katiyakan, ginagawa namin noon na magtungo sa mga lugar sa kalangitan; upang makarinig kami ng mga balita roon, subali’t ngayon ang sinumang magsikap na makarinig ng mga balita ay matatagpuan niya ang mga nakasusunog na bulalakaw na nakatambang sa kanya, na susunugin siya at papatayin.’
Nandirito sa dalawang magkasunod na talatang ito ang pagpapawalang-saysay sa mga inaangkin ng mga salamangkero at manghuhula, na sila ay nag-aangkin ng kaalaman hinggil sa mga bagay na di-nakikita, na nalilinlang nila ang mga mahihina ang kaisipan mula sa mga tao; dahil sa kanilang kasinungalingan at pag-iimbento ng mga kuwento.
10. ‘At katiyakan, kami na mga ‘jinn’ ay hindi namin alam, kung masama [63] ba ang nais na iparating sa mga naninirahan sa kalupaan o ang nais ba ng Allâh (I) sa kanila ay kabutihan at gabay?
11. ‘At kami sa katotohanan, ay mayroon sa amin ang mga mabubuti na mga matatakutin (sa Allâh I), at mayroon din sa amin na hindi ganoon ang katangian na tulad ng mga walang pananampalataya at masasama, at kami ay iba’t ibang grupo at iba’t ibang mga sekta.
12. ‘At walang pag-aalinlangang natiyak na namin sa aming mga sarili na ang Allâh (I) ay Ganap na Makapangyarihan sa anuman na Kanyang nais sa amin, at katiyakang kami ay nasa ilalim ng Kanyang Kamay at Kapangyarihan, at kailanman ay hindi namin Siya matatakasan sa anuman na Kanyang nais sa amin kahit saan man kami naroroon, at kailanman ay hindi namin matatakasan ang Kanyang parusa mula sa kalupaan at hindi kami makaliligtas sa pamamagitan ng pagtakas tungo sa kalangitan, kung nais Niya ang parusa sa amin.
13. ‘At katiyakan, noong marinig namin ang Banal na Qur’ân ay amin itong pinaniwalaan, tinanggap namin na ito ay katotohanan mula sa Allâh (I), na kung kaya, sinuman ang naniniwala sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha (Allâh I) ay walang pag-aalinlangan na siya ay walang dapat na ipangamba na mababawasan ang kanyang kabutihan at dadayain siya upang maragdagan ang kanyang kasalanan.
14-15. ‘At katiyakan, mayroon sa amin ang nagpapasailalim sa kagustuhan ng Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanya, at mayroon din sa amin ang mga masasama na sila ay lumihis sa Daan ng Katotohanan, na kung kaya, sinuman ang yumukap ng Islâm na ang ibig sabihin ay sumuko at nagpasailalim sa pagsunod sa Allâh (I) ay sila ang mga yaong tunay na naghangad ng Matuwid na Landas at Katotohanan, at nagsumikap sa pagpili nito, na kung kaya, ginabayan sila ng Allâh (I) tungo rito,’” subali’t ang mga masasama na lumihis sa Daan ng Islâm ay sila ang mga yaong panggatong ng Impiyernong-Apoy.
16-17. At katiyakan, kung ang mga walang pananampalataya na mga jinn at mga tao ay sumunod at naniwala lamang sa Daan ng Islâm, at hindi sila lumihis mula rito ay walang pang-aalinlangang ibababa Namin sa kanila ang masaganang tubig, at gagawin Naming maluwag para sa kanila ang pamumuhay dito sa daigdig; upang subukin Namin sila: kung paano sila tatanaw ng utang na loob sa mga biyaya ng Allâh (I) sa kanila. At sinuman ang tatalikod sa pagsunod sa Allâh (I) na kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at tatalikod sa pakikinig ng Qur’ân at pag-iintindi nito, at di-pagpapatupad nito ay papapasukin siya sa matindi at masidhing kaparusahan.
18. At katiyakan, ang mga ‘Masjid’ ay para sa pagsamba sa Allâh (I) na Bukod-Tangi, na kung kaya, huwag kayong magsagawa rito ng pagsamba sa iba, at maging taimtim kayo sa panalangin at pagsamba ninyo sa Kanya; dahil walang pag-aalinlangan, ang mga ‘Masjid’ ay hindi itinayo kundi upang sambahin ang Allâh (I) na Bukod-Tangi roon, na walang sinuman bukod sa Kanya.
At dito sa talatang ito ang kautusan hinggil sa paglinis sa mga ‘Masjid’ mula sa anumang bagay na dumurungis sa pagiging taimtim sa Allâh (I) at sa pagsunod sa Kanyang Sugo na si Propeta Muhammad.
19. At katiyakan, nang tumayo si Muhammad para sa pagsamba Niya sa Allâh (I) na kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, ay halos magkapatung-patong na maraming grupo sa ibabaw ng isa pagkatapos ng isa ang mga ‘jinn’ dahil sa dami at tindi ng kanilang pagsisiksikan; upang mapakinggan ang Qur’ân mula sa kanya.
20. Sabihin, O Muhammad sa kanila na mga walang pananampalataya: “Katiyakan, ang sinasamba ko lamang ay ang Allâh (I) na Bukod-Tangi na aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha at hindi ako sumasamba sa kahit na sinuman na itatambal ko sa pagsamba sa Kanya.”
21-23. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad: “Katiyakan, wala ako sa kakayahan na magsanhi sa inyo ng kapahamakan, at wala rin akong kakayahan na dalhin kayo sa Tamang Landas.” Sabihin mo: “Katiyakan, kailanman ay hindi ako maililigtas ng sinuman mula sa parusa ng Allâh (I) kung Siya ay aking nilabag, at hindi ako makatatagpo bukod sa Kanya ng sinuman upang tunguhan kung ako ay tatakas mula sa Kanyang parusa. Ang kakayahan ko lamang ay iparating sa inyo mula sa Allâh (I) ang anuman na ipinag-utos Niya sa akin na iparating sa inyo at ang Kanyang mensahe na ipinag-utos Niya na iparating ko sa inyo. At sinuman ang lalabag sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, at tatalikod sa ‘Deen’ ng Allâh (I), walang pag-aalinlangang ang kanyang kabayaran ay Impiyernong-Apoy na kailanma’y hindi na siya makalalabas pa mula roon.”
24. Hanggang, kapag nakita na ng mga walang pananampalataya ang anuman na ipinangako sa kanila na kaparusahan ay katiyakang mababatid nila habang ito ay dumarating sa kanila: kung sino ang mas mahina ang kanyang tagatulong at mas kakaunti ang bilang ng kanyang sundalo.
25-28. Sabihin mo, O Muhammad, sa kanila na mga walang pananampalataya: “Hindi ko alam kung ang parusang ipinangako sa inyo ay malapit nang dumating o ginawa ng aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha na mahaba pa ang panahon ng pagdating nito? At Siya na luwalhati sa Kanya ay Ganap na Nakaaalam sa anumang bagay na di-nakikita ng mga mata, na walang sinuman ang maaaring makapagpalitaw ng Kanyang inilihim mula sa Kanyang nilikha.” Maliban sa sinumang pinili ng Allâh (I) para sa Kanyang mensahe na siya ay naging katanggap-tanggap sa Kanya, dahil walang pag-aalinlangang ipinakikita Niya sa kanila ang ilan sa mga lihim, at pagkatapos ay nagpapadala Siya sa harapan ng Kanyang Sugo mula sa Kanyang nilikha at sa kanilang likuran ng mga anghel upang sila ay pangalagaan mula mga ‘jinn;’ upang hindi sila makapagnakaw ng mga balita at maibulong ito sa mga manghuhula; upang mapatunayan ng Sugong si Muhammad, na ang mga Sugo na nauna sa kanya ay katulad din niya sa kalagayan sa pagpaparating ng katotohanan, at katiyakang siya ay pinangangalagaan na tulad ng pangangalaga sa kanya mula sa mga ‘jinn,’ at katiyakang ang Allâh (I) na luwalhati sa Kanya at Kataas-Taasan ay saklaw ng Kanyang kaalaman ang anuman na mayroon sila, lantad man ito o lihim na mga batas at mga alituntunin at iba pa, at wala Siyang anumang nakaliligtaan mula rito, at katiyakang ang Allâh (I) ay itinala Niya ang lahat ng bagay at walang anumang bagay ang naililihim sa Kanya.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment