Sunday, May 16, 2010

Sûrat Al-Hijr

15
XV – Sûrat Al-Hijr
[Kabanata Al-Hijr – Mga Malalaking Bato na Gabundok o mga Batong Bundok]

بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Alif-Lãm-Râ. Ang mga titik na ito ng Alpabetong ‘Arabic’ ay nauna nang naipaliwanag sa ‘Sûratul Baqarah.’ Ito ay mga dakilang talata ng dakilang Aklat na ibinaba kay Muhammad (r), na ito ay mga talata ng Qur’ân na naglilinaw sa katotohanan sa pinakamagandang pagkaka-pahayag at ganap na maliwanag sa pagbibigay ng kahulugan nito. Ang Aklat ay ang Banal na Qur’ân na kung saan pinagsama ng Allâh (I) (sa Kasulatang) ito ang dalawang pangalan – ‘Kitâb’ at Qur’ân.

2. Walang pag-aalinlangan, aasamin ng mga walang pananampalataya kapag nakita na nila ang paglabas ng mga makasalanan na mga mananampalataya mula sa Impiyernong-Apoy, aasamin nila na sana ay naging mga Muslim sila na sumamba sa Kaisahan ng Allâh (I) upang sila ay makalabas din na tulad ng mga nagsilabas.

3. Pabayaan mo, O Muhammad (r), ang mga lumabag na walang pananampalataya na kumain at magpakasaya sa kanilang buhay, at hayaan silang maging abala sa maling pag-aakala at malinlang ng kanilang walang kakuntentuhan na pagnanasa, na mapalayo mula sa pagsunod sa Allâh (I), dahil walang pag-aalinlangang di-maglalaon ay mababatid nila ang bunga ng kanilang ginawa na pagkatalo rito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.

4. Kapag hiniling nila na mangyari sa kanila ang kaparusahan bilang pagsisinungaling sa iyo, O Muhammad (r), ay walang pag-aalinlangang hindi Namin winawasak ang isang bayan kundi batay sa pagkakatakda nito, at hindi Namin sila wawasakin hanggang hindi dumarating sa kanila ang pagkakatakda na pagkawasak.

5. Kailanman ay hindi maipauuna (maipasusulong o maipauusad) ng isang sambayanan ang anumang nakatakda at hindi rin ito kailanman maaantala.

6-7. At sinabi ng mga hindi naniwala kay Propeta Muhammad (r) bilang pangungutya: “O ikaw na pinagpahayagan ng Qur’ân! Katiyakang ikaw ay may kakulangan sa kaisipan! Bakit hindi mo dalhin sa amin ang mga anghel – kung ikaw ay totoo; – upang tumestigo sila na ang Allâh (I) ay Siyang tunay na nagpadala sa iyo?”

8. At sinagot sila ng Allâh (I): “Walang pag-aalinlangan! Hindi Namin ibinababa ang mga anghel maliban sa pagpaparusang hindi maiaantala sa sinumang hindi naniwala, na kung kaya, kapag bumaba ang mga anghel upang magparusa ay hindi sila bibigyan ng kahit na kaunting palugit.”

9. Walang pag-aalinlangan, Kami ang nagbaba ng Qur’ân kay Propeta Muhammmad at walang pag-aalinlangan na Kami rin ang patuloy na mangangalaga nito mula sa pagdaragdag o pagbabawas, o sa anumang kasiraan.

10-11. At katiyakan, nagpadala Kami ng mga Sugo na nauna sa iyo, O Muhammad (r), tungo sa iba’t ibang bayan ng mga naunang tao, subali’t walang sinumang Sugo ang dumating sa kanila nang hindi nakatanggap ng pangungutya. At ito ay bilang pampalubag-loob kay Propeta Muhammad (r). Na kung anuman ang ginawa sa iyo ng mga ‘Mushrikûn’ ay ganoon din ang ginawa sa mga nauna sa iyo na mga Sugo.

12-13. Kung paano Namin sinanhi sa kalooban ng mga kriminal mula sa mga naunang tao na sila ay lalabag sa pamamagitan ng pangungutya nila sa mga Sugo at pagpapasinungaling sa kanila, ay gayon din Namin ginawa sa kalooban ng mga hindi naniwala mula sa iyong sambayanan, na sila ay naging masasama dahil sa kanilang pagtanggi sa Allâh (I) at pagpapasinungaling sa Kanyang Sugo, na hindi nila pinaniwalaan ang paalaala na ipinahayag sa iyo, at walang pag-aalinlangan, nakalipas na ang pangyayari na pagkawasak sa mga naunang tao na walang pananampalataya at katulad din sila (ng mga taga-Makkah na walang pananampalataya), [49] na kung kaya, wawasakin din sila dahil sa kanilang pagpapasinungaling at pagtanggi.

14-15. At kahit na buksan pa Namin para sa kanila na mga hindi naniwala na taga-Makkah ang mga pintuan ng kalangitan at patuloy sila na umakyat doon hanggang sa makita nila ang mga anghel, subali’t magkagayunpaman ay hindi pa rin sila maniniwala, at sasabihin nila: “Nilinlang lamang ang mga aming mata na iniisip namin na ang nakikita namin ay mga anghel, at walang nangyayari sa amin kundi naapektuhan lamang kami ng salamangka sa aming kaisipan na nagmula kay Muhammad (r).”

16. At bilang patunay sa Aming kapangyarihan: Walang pag-aalinlangan, nag-sagawa Kami sa mababang kalangitan bilang lugar para sa mga dakilang bituin na kung saan doon namamalagi ang mga ito, at ang mga ito ay bilang gabay sa mga nanlalakbay (sa gabi) at pag-aalam sa mga panahon na tulad ng panahon ng tagtuyot at tagsagana, at pinalamutian Namin ang mga kalangitan ng mga bituin na makikita para sa sinumang magmamasid nito, at sa sinumang nagninilay-nilay hinggil dito upang mapagkunan ito ng aral.
17. At ito rin ay proteksyon sa kalangitan mula sa lahat ng isinumpang ‘Shaytân’ na inilayo sa awa ng Allâh (I); nang sa gayon ay hindi sila makapunta roon.

18. Maliban sa kanya (‘Shaytân’) na paminsan-minsan ay nakananakaw ng mga salita na pinag-uusapan ng mga naninirahan sa kalangitan, pagkatapos siya (‘Shaytân’) ay tinutugis ng isang bituin na nakasisilaw na ito ay parang apoy na nakasusunog (na tinatawag na bulalakaw). At maaaring maipaabot muna ng ‘Shaytân’ sa kanyang kaibigan (na tao na tulad halimbawa ng manghuhula) ang ilan sa kanyang nanakaw (na impormasyon) bago siya tuluyang masunog noong nakasisilaw na liwanag.

19. At pinalawak Namin ang kalupaan at naglagay Kami ng mga matatag na kabundukan upang ito ay hindi yumanig, at nagpatubo Kami mula rito ng iba’t ibang uri ng mga pananim na kung saan ay itinakda ayon sa pangangailangan ng mga alipin.

20. At nagkaloob Kami para sa inyo mula rito ng anumang pinagmumulan ng inyong ikabubuhay na tulad ng mga mina o mahahalagang bato at iba pa. At lumikha Kami para sa inyo ng inyong pamilya, mga tagapagsilbi at mga hayop na napapakinabangan ninyo, at ang kabuhayan ng mga ito ay hindi nagmumula sa inyo at hindi kayo ang nagkakaloob nito kundi ito ay mula sa Allâh (I) para sa lahat ng Kanyang mga nilalang bilang Kanyang kagandahang-loob at pagpaparangal.

21. At walang anumang bagay ang napapakinabangan ng mga alipin kundi ito ay nasa Aming lahat na nakaimbak, at hindi Kami nagbababa kundi ayon sa karapat-dapat na dami at sukat, batay sa kung papaano at kung ano ang Aming nais, at ang mga imbakan na ito ay Pagmamay-ari ng Allâh (I) na ipinagkakaloob Niya sa sinuman na Kanyang nais at pinagkakaitan Niya ang sinuman na Kanyang nais, ayon sa Kanyang malawak na awa at walang-hanggang karunungan.

22. At nagpadala Kami ng mga masaganang hangin na inilalagay sa ulap at ito ang nagdadala ng ulan, alabok, biyaya at kapakinabangan, at ibinaba Namin mula sa ulap na ito ang tubig, na ito ay inilaan upang ito ay inyong inumin at ang iba ay para sa inyong kalupaan at mga hayop na inaalagaan, at kailanman ay hindi ninyo kayang pangalagaan sa inyong mga imbakan, samantalang Kami ang nag-iimbak nito upang ito ay mapangalagaan, at hindi kayo ang nagmamay-ari ng mga panustos na ito.

23. At katiyakan, Kami ang nagbibigay ng buhay sa anumang bagay na patay sa pamamagitan ng paglikha nito mula sa wala, at sinasanhi rin Namin na mamatay ang anumang may buhay kapag natapos na ang nakatakdang buhay nito, at Kami rin ang Nagmamay-ari ng lahat ng kalupaan at ang mga nasa ibabaw nito.

24. At walang pag-aalinlangan, batid Namin ang mga naunang henerasyon sa inyo na mga nangamatay na simula pa lamang sa kapanahunan ni Âdam, at walang pag-aalinlangan, batid Namin ang mga kasalukuyan ninyong henerasyon, at ganoon din ang mga yaong darating pa hanggang sa Pagkabuhay na Mag-uli.

25. At katiyakang titipunin sila ng iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha upang managot at magbayad. Katiyakan, Siya ay ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang pangangasiwa, at ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam at walang anuman ang naililihim sa Kanya.

26. At katiyakan, nilikha Namin si Âdam (u) mula sa pinatuyong luwad, na kapag ito ay tinuktok ay tumutunog ito, at ang pinatuyong luwad na ito ay mula sa alabok na kulay itim na nagbabago ang kulay at amoy nito dahil sa matagal nitong pagkakapanatili.

27. At nilikha rin ang ama ng mga ‘Jinn’ na si Iblees (‘Shaytân’) bago pa likhain si Âdam mula sa matinding init ng apoy na walang usok.

28. At banggitin mo sa kanila, O Muhammad (r), ang sinabi ng Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa mga anghel: “Katiyakan, Ako ay lilikha ng tao na mula sa pinatuyong luwad, at ang pinatuyong luwad na ito ay mula sa itim na alabok na nag-iiba ang kulay.”

29. “At kapag hinugis Ko na siya at binuo Ko na nang ganap ang Kanyang anyo at naihinga Ko na sa kanya ang Aking Espiritu ay magpatirapa kayo sa kanya bilang paggalang at hindi pagsamba.”

30-31. Nagpatirapa sa kanya ang lahat ng mga anghel bilang pagsunod nila sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at walang sinuman sa kanila ang tumanggi, subali’t si Iblees ay tumanggi na magpatirapa kay Âdam na kasama (noon) ng mga anghel na nagpatirapa.
32. Sinabi ng Allâh (I) kay Iblees: “O Iblees! Ano ang dahilan ng hindi mo pagpapatirapa na kasama ng mga anghel?”

33. Sinabi ni Iblees bilang pagpapakita ng pagmamataas at panibugho, “Hindi maaari sa akin na magpatirapa sa tao na ginawa Mo lamang mula sa pinatuyong luwad na itim na nagbabago ang kulay.”

34-35. Sinabi ng Allâh (I) sa kanya: “Lumabas ka mula sa Hardin, dahil katiyakang ikaw ay pinagkaitan ng lahat ng biyaya at katiyakang mananatili sa iyo ang Aking sumpa at pagkalayo mula sa Aking awa, hanggang sa Araw na bubuhayin na mag-uli ang mga tao para sa paghuhukom at pagbabayad.”

36. Sinabi ni Iblees: “O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Panatilihin Mo ako rito sa daigdig hanggang sa Araw na bubuhaying mag-uli ang Iyong mga alipin, na ito ay ang Araw ng Muling Pagkabuhay.”

37-38. Sinabi ng Allâh (I) sa kanya: “Katiyakan, ikaw ay kabilang sa mga inantala Ko ang kanilang kamatayan hanggang sa araw na mamamatay ang lahat ng mga nilikha pagkatapos ng pag-ihip ng unang trumpeta at hindi sa Araw ng Muling Pagkabuhay.” Kaya, siya ay tinugunan tungo sa kahilingan na ito bilang dahan-dahan na pagpaparusa sa kanya na di niya namamalayan, upang siya ay manlinlang at maging ‘fitnah’ o pagsubok sa mga tao at mga ‘Jinn.’

39-40. Sinabi ni Iblees: “O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Dahil sa pagmali at pagligaw Mo sa akin ay aakitin ko ang mga angkan ni Âdam sa mga kasalanan dito sa kalupaan, at ililigaw ko silang lahat mula sa Daan ng Patnubay, maliban sa mga alipin Mo na Iyong ginabayan at taos-puso sila sa pagsamba nang bukod-tangi sa Iyo, na sila ay hindi matutulad sa ibang mga nilikha Mo.”

41-42. Sinabi ng Allâh (I): “Ito ang Matuwid na Daan patungo sa Akin at sa Tahanan ng Aking Karangalan. Katiyakan, ang Aking mga alipin ay yaong taos-puso sa kanilang pagsamba at hindi kita bibigyan ng kakayahan na makuntrol ang kanilang mga puso para mailigaw sila mula sa Matuwid na Landas, subali’t ang kakayahan mo lamang ay sa mga yaon na sumunod sa iyo na mga naligaw na mga sumamba ng iba bukod sa Allâh (I) na naging sapat sa kanila ang pangangasiwa mo at pagsunod sa iyo na sa halip ay pagsunod sa Akin.”

43-44. “At katiyakan, ang masidhing naglalagablab na apoy ang parusang nag-aabang kay Iblees at sa lahat ng kanyang mga tagasunod, na ito ay mayroong pitong pintuan na sa bawa’t pintuan ay may magkakahelerang pababa, na sa bawa’t pinto ay nakalaan sa bawa’t grupong sumunod kay Iblees batay sa antas ng kanilang masamang gawain.”

45-48. “Katiyakan, ang mga yaong matatakutin sa Allâh (I) na umiwas sa lahat ng kasalanan at pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I), sila ay nasa mga Hardin at mga umaagos na ilog at sasabihin sa kanila: ‘Pumasok na kayo sa mga Hardin na ito nang mapayapa na ligtas sa anumang kasamaan at anumang kaparusahan.’ At inalis Namin sa kanilang mga kalooban ang panibugho at paglalaban-laban, na sila ay mamumuhay sa Hardin na mga nagmamahalang magkakapatid, na sila ay nakaupo sa mga magagarang supa (o luklukan) na magkakaharap ang kanilang mga mukha bilang pagpapatuloy sa kanilang samahan at pagmamahalan, na hindi magaganap sa kanila ang anumang kapaguran, doon sila ay mananatili magpasawalang-hanggan.”

49-51. Ipamalita mo sa Aking mga alipin, O Muhammad (r), na Ako ay katiyakang ‘Al-Ghafour’ – ang Ganap na Mapagpatawad sa mga mananampalataya na nagsisisi, na ‘Ar-Raheem’ – ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila, at katiyakan ding ang Aking kaparusahan ay napakasidhi para sa mga hindi nagsipagsisi, at ipamalita mo sa kanila, O Muhammad (r), ang hinggil sa mga panauhin ni Ibrâhim (u) na mga anghel na sila ang mga yaong nagdala ng magandang balita na pagkakaroon ng anak na lalaki ni Ibrâhim at sa pagkawasak ng sambayanan ni Lût (u).

52. Noong pumasok sila na mga anghel sa kanya na kanilang sinabi: “Salâm!” (Kapayapaan!); at tinugunan sila ni Ibrâhim ng kapayapaan din, pagkatapos ay nag-alok siya sa kanila ng pagkain at hindi sila kumain, na kanyang sinabi: “Katotohanan, natatakot kami sa inyo.
53. Sinabi ng mga anghel sa kanya: “Huwag kang matakot! Dahil ang pakay namin ay upang bigyan ka ng magandang balita na pagkakaroon ng sanggol na batang lalaki na maalam sa ‘Deen’ (o Relihiyon) na ito ay si Ishâq.”

54. Sinabi ni Ibrâhim na namamangha sa balita: “Binabalitaan ninyo ako ng pagkakaroon ng anak na lalaki, samantalang ako ay matanda na at gayon din ang aking asawa, kaya ano ang dapat ninyong ibalita sa akin na magandang balita na kamangha-mangha?”

55. Sinabi nila: “Binalitaan ka namin ng magandang balita na makatotohanan na ipinaalam sa amin ng Allâh (I), na kung kaya, huwag kang pabilang sa mga nawalan na ng pag-asa na magkaroon ng anak.”

56-57. Sinabi niya: “Walang sinuman ang nawawalan ng pag-asa sa awa ng kanyang ‘Rabb’ maliban sa mga ligaw na malayo sa Daan ng Katotohanan.” Kanyang sinabi: “Ano ang napakahalagang pakay ninyo kung gayon, O mga Sugo, na inyong dala-dala mula sa Allâh (I)?”

58-60. Sinabi nila: “Katiyakan, ipinadala kami ng Allâh (I) upang puksain ang sambayanan ni Lût na mga walang pananampalataya na mga ligaw maliban kay Lût at sa kanyang pamilya na mga mananampalataya na naniwala sa kanya, dahil hindi namin sila kailanman pupuksain at ipapahamak, at ililigtas namin silang lahat maliban sa kanyang asawa na walang pananampalataya na pinagpasiyahan naming siya ay mamatay bilang parusa kasama ang ibang parurusahan.

61-62. Nang dumating ang mga anghel na mga Sugo kay Lût, sinabi niya sa kanila: “Walang pag-aalinlangan, kayo ay hindi ko mga kakilala.”

63-65. Kanilang sinabi: “Huwag kang matakot dahil katiyakang dala-dala namin ang parusa na pinagdududahan ng iyong sambayanan at hindi nila pinaniniwalaan, at dala-dala namin ang katotohanan mula sa Allâh (I) at walang pag-aalinlangan na kami ay mga matatapat. Na kung kaya, lumikas ka at lumayo ka mula sa kanila na kasama ang iyong pamilya na mga naniwala paglipas ng ilang bahagi ng gabi, at maglakad ka na ikaw ang nasa likuran nila; upang walang sinuman ang maiwan sa kanila dahil kapag ito ay nangyari ay makakamtan niya ang parusa, at ingatan ninyo na mayroong lilingon sa inyo, at magmadali kayo tungo sa anumang ipinag-utos ng Allâh (I) sa inyo; upang kayo ay mapunta sa ligtas na lugar.”

66. At ipinahayag namin kay Lût na katiyakang ang iyong sambayanan ay wawasakin lahat hanggang sa kahuli-hulihan nila, pagliwanag ng umaga.

67. At dumating ang mga tao mula sa lunsod ni Lût noong nalaman nila na mayroon siyang mga panauhin, na sila ay mga masasaya at nagdiriwang dahil sa kanyang mga bisita; upang sila ay mapasakanila at makagawa sila ng kahalayan.

68-69. Sinabi sa kanila ni Lût (u): “Katiyakan, sila ay aking mga panauhin na nasa ilalim ng aking pangangalaga, na kung kaya, huwag ninyo akong ipahiya, at katakutan ninyo ang parusa ng Allâh (I) na huwag ninyo silang panghimasukan, dahil ang paglapastangan sa kanila bilang aking mga panauhin ay pagpapahiya sa akin.”

70. Sabi ng kanyang sambayanan: “Hindi ba pinagbawalan ka namin na magkaroon ng panauhin na kahit na sinuman sa mga tao; dahil nais naming gumawa sa sinuman sa kanila ng kahalayan?”

71. Sinabi ni Lût (u) sa kanila: “Ito ang aking mga anak na kababaihan, pakasalan ninyo sila kung nais ninyo na mapagbigyan ang inyong mga pagnanasa, at nararapat na sapat na sa inyo ang inyong mga asawang kababaihan, at huwag kayong gumawa ng anumang ipinagbabawal sa inyo ng Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsagawa ng kahalayan sa kapwa ninyo kalalakihan.”
72-73. Sumusumpa ang Allâh (I) na Tagapaglikha sa sinuman na Kanyang nais mula sa Kanyang nilikha, subali’t ang mga nilikha ay hindi sila maaaring manumpa kundi sa Pangalan lamang ng Allâh (I), at katiyakan, sumusumpa ang Allâh (I) sa buhay ni Propeta Muhammad (r) bilang pagpaparangal sa kanya. Walang pag-aalinlangan, ang sambayanan ni Lût ay nasa matinding kahibangan at gumagala nang bulag, na patuloy sila hanggang dumating sa kanila ang ‘As-Saihah’ (nakabibinging ingay ng kidlat) sa oras ng pagsikat ng araw bilang kaparusahan sa kanila.

74. At binaligtad Namin ang kanilang bayan na ang ibabaw nito ay napunta sa ilalim at pinaulanan Namin sila ng mga bato na mula sa mga matitigas na mga luwad na matindi sa pagiging katigasan nito.

75-77. At katiyakan, ang anumang dumating sa kanilang parusa ay bilang pagpapayo sa mga nakasaksi na nakakakuha ng aral, at katotohanan na ang kanilang bayan ay nasa daanan na patuloy na nakikita ng mga dumaraan na mga manlalakbay. Walang pag-aalinlangan, sa pagpuksa Namin sa kanila ay katiyakang isang matibay na palatandaan para sa mga naniwala.

78-79. At katiyakan, ang sambayanan na nanirahan sa lunsod ng ‘Ayka’ (maraming puno na magkakatabi) na ito ang sambayanan ni Shu`ayb (u), na gumawa ng mga kasamaan na dinaya nila ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng paglabag sa Allâh (I) at sa kagalang-galang na Sugo na ipinadala sa kanila, ay ginantihan Namin sila ng paglindol, at parusa sa araw sa pamamagitan ng pagpapadala sa kanila ng maitim na ulap na nagtataglay ng apoy na iniulan sa kanila. At katiyakan, ang tirahan ng sambayanan ni Lût (u) at Shu`ayb (u) ay nasa kilalang daan na dinaraanan ng mga tao sa kanilang paglalakbay upang maging aral sa kanila.
80. At katiyakan, pinasinungalingan ng mga nanirahan sa lambak ng ‘Hijr’ (mababatong bundok na may mga kuweba) si Sâleh (u), na yaon ay sina Thamoud, na kung kaya, dahil dito ay pinasinungalingan nila ang lahat ng mga Sugo; dahil sinuman ang hindi naniwala sa isang Sugo ay nangangahulugan ng pagpapasinungaling sa lahat ng Propeta, dahil silang lahat ay iisa lamang ang kanilang Relihiyon.

81. At ipinagkaloob Namin sa sambayanan ni Sâleh ang Aming mga palantandaan na nagpapatunay sa katotohanan na dala-dala ni Sâleh sa kanila, ang kabilang (sa palatandaang) ito ay ang kamelyong babae subali’t ito ay hindi naging aral sa kanila, dahil nagpatuloy pa rin sila sa paglayo at pagtanggi.

82. At ugali nila na ukitin ang mga bundok upang ito ay gawin nilang mga tahanan, at tinitiyak nila na sila ay ligtas, na ito ay hindi babagsak sa kanila o masisira.

83-84. At pinarusahan Ko sila sa pamamagitan ng nakabibinging parusa sa oras ng umaga na ito ay ang yaong pinakamaagang-maaga, at kailanman ay hindi sila nailigtas sa parusa ng Allâh (I), ng kanilang mga kayamanan at ng mga bundok na ginawa nilang panangga at sa kung anuman na ipinagkaloob sa kanila na lakas at kapangyarihan.

85. At hindi Namin nilikha ang mga kalangitan at kalupaan at ang mga nasa pagitan nito kundi bilang katotohanan, na ang dalawang ito ay katibayan sa pagiging ganap ng Tagapaglikha nito at sa Kanyang Kapangyarihan, na walang sinuman ang may karapatan at karapat-dapat na sambahin kundi Siya na Bukod-Tangi at walang sinuman ang Kanyang katambal. At katiyakan, ang oras ng pagkagunaw ng daigdig ay walang pag-aalinlangan na mangyayari; na katiyakang ipagkakaloob sa bawa’t isa ang bunga ng kanyang ginawa, na kung kaya, patawarin mo na, O Muhammad (r), ang mga walang pananampalataya ng magiliw na pagpapatawad.

86. Katiyakan, ang Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ ay Siyang ‘Al-Khallâqul `Aleem’ – ang Pinakadakilang Tagapaglikha na Ganap na Maalam sa lahat ng bagay, na walang anumang bagay dito sa kalupaan at sa kalangitan ang makagagapi sa Kanya at walang anumang bagay ang naililihim sa Kanya.

87. Katiyakan, ipinagkaloob Namin sa iyo, O Muhammad (r), ang pambungad ng Qur’ân, na pitong talata, na patuloy na inuulit-ulit ang pagbibigkas nito sa tuwing ‘Salâh’ at ipinagkaloob Namin sa iyo ang Dakilang Qur’ân.

88. Huwag mong pagtuunan ng pansin at asamin ang mararangyang bagay na ipinalasap Namin sa mga walang pananampalataya bilang pansamantalang kasiyahan dito sa daigdig, at huwag mong ikalungkot ang kanilang paglabag, at magpakumbaba ka sa mga mananampalataya na naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo.

89-90. At sabihin mo: “Katiyakan, ako ay isang malinaw na tagapagbabala na naghahayag ng patnubay sa mga tao tungo sa paniniwala sa Allâh (I) na Siyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng lahat ng mga nilalang, at binabalaan ko kayo, upang hindi kayo maparusahan, na katulad ng iginawad na parusa sa mga yaong hinati nila ang Qur’ân, na pinaniwalaan nila ang isang bahagi nito at nilabag naman ang isang bahagi, na sila ay ang yaong mga Hudyo, mga Kristiyano at iba pa.”

91. At sila ang mga yaong pinagbaha-bahagi nila ang Qur’ân na mayroon sa kanilang nagsasabi: “Na ito ay ‘Sihr’ (Salamangka), panggagayuma at mayroon pang nagsasabi sa kanila ng iba bukod dito upang maharangan nila ang mga tao mula sa patnubay at mailalayo nila patungo sa anumang kanilang sariling pagnanasa.”

92-93. Sumusumpa Ako sa iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, walang pag-aalinlangan na papananagutin Namin silang lahat sa Araw ng Muling Pagkabuhay, at papagbabayarin Namin silang lahat dahil sa kanilang ginawang pagbabaha-bahagi sa Banal na Qur’ân, dahil sa kanilang mga kasinungalingan, at sa kanilang pagbabago at pagpapalit na ginawa sa kahulugan nito, at sa iba pa na kanilang ginawa na katulad ng pagsamba sa mga diyus-diyosan at pagsagawa ng mga kasalanan. Ang mga talatang ito ay bilang pananakot sa kanila at babala mula sa pagsagawa nila ng mga ganitong karumal-dumal na gawain.

94. Na kung kaya, isagawa mo nang lantaran ang pagpapalaganap ng katotohanan na ipinag-utos ng Allâh (I) sa iyo, at pabayaan mo ang mga ‘Mushrikin’ na nagnanais na ilayo ka mula sa mga palatandaan ng Allâh (I) dahil katiyakang ipinagtanggol ka ng Allâh (I) mula sa anuman na kanilang mga sinasabi.

95-96. Katiyakan, sapat na ang Aming pangangalaga sa iyo upang ikaw ay makaligtas sa mga nangungutya at nanlalait mula sa mga pinuno ng Quraysh na sumasamba ng iba bilang pagtatambal sa pagsamba sa Allâh (I), na tulad ng mga rebulto at iba pa, at walang pag-aalinlangan, mababatid nila ang bunga ng kanilang ginawa rito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.

97. At walang pag-aalinlangan, batid Namin ang paninikip ng iyong dibdib, O Muhammad (r), dahil sa sinasabi ng mga walang pananampalataya hinggil sa iyo at sa iyong pamamahayag ng katotohanan.

98. Na kung kaya, ituon mo ang iyong sarili sa iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa oras ng paninikip ng iyong dibdib sa pamamagitan ng pagpupuri at pagluluwalhati bilang pasasalamat sa Kanya, at ibilang mo ang iyong sarili sa mga nagsasagawa ng ‘Salâh’ nang alang-alang sa Allâh (I), na sumasamba sa Kanya nang bukod-tangi, at sapat na ito sa anumang ikinalulungkot mo.

99. At magpatuloy ka sa iyong pagsamba sa iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, habang ikaw ay nabubuhay hanggang dumating sa iyo ang katiyakan, na ito ay ang kamatayan. At sinunod ng Sugo ng Allâh ang utos ng kanyang ‘Rabb,’ na kung kaya, siya ay patuloy sa pagsusumamo sa pagsamba sa Kanya, hanggang sa dumating sa kanya ang katiyakan na kamatayan mula sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha.

No comments: