Sunday, May 16, 2010

Sûrat Al-Muzzammil

73
LXXIII – Sûrat Al-Muzzammil
[Kabanata Al-Muzzammil – Ang Nagtalukbong ng Buong Katawan]

بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1-4. O ikaw na nagtalukbong ng buong katawan, tumayo ka at magsagawa ka ng ‘Salâh’ sa gabi na wala kang ipagpapaliban maliban sa maikling bahagi lamang nito. Mag-‘Salâh’ ka nang kalahati ng gabi o di kaya ay bawasan mo ng kaunti ang kalahating ito hanggang sa ito ay maging ikatlong bahagi (1/3), o di kaya ay dagdagan mo ang kalahating ito hanggang sa ito ay maging dalawang bahagi ng tatlo (2/3), at bigkasin mo ang Banal na Qur’ân nang marahan upang mapalitaw mo ang ganda ng bigkas ng mga titik nito at ang mga hinihintuan nitong salita habang ito ay binibigkas.

5. Katiyakan, ipapahayag Namin sa iyo, ang Dakilang Qur’ân na nagsasaad ng lahat ng ipinag-uutos at ipinagbabawal, at ang mga alituntunin ng batas.

6. Katiyakan, ang pagsamba na isinasagawa sa kalaliman ng gabi ay mas matindi ang idinudulot nitong tibay sa puso at para sa pag-uunawa at pagmumuni-muni sa mga kahulugan at higit na kaangkop-angkop para sa pagbibigkas sa mga salita; dahil mailalayo nito ang puso mula sa mga nakasasagabal dito na mga makamundo.

7. Katiyakan, para sa iyo sa araw ay gawain upang tugunan ang iyong pangangailangan, at mahabang panahon upang isagawa ang tungkulin sa iyong mensahe, na kung kaya, bigyan mo ng pagkakataon ang iyong sarili sa gabi upang sambahin ang Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha.

8-9. At alalahanin mo, O Muhammad, ang Pangalan ng iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha at manawagan ka sa Kanya sa pamamagitan Nito, at ibukod-tangi mo ang kabuuan ng oras na ito sa pagtuon at sa pagsamba mo lamang sa Kanya, at ipaubaya mo ang iyong sarili sa Kanya. Siya ay ‘Rabb’ na Nagmamay-ari ng silangan at kanluran, na walang sinuman ang ‘Ilâh’ – Diyos na sinasamba o bukod-tangi na may karapatan at karapat-dapat na sambahin bukod sa Kanya, na kung kaya, ipaubaya mo ang iyong sarili sa Kanya at ipasa-Kanya mo na lamang ang lahat ng mga bagay-bagay hinggil sa iyo.

10. At maging matiisin ka, O Muhammad, sa anuman na sinasabi sa iyo ng mga walang pananampalataya at sinasabi hinggil sa iyong ‘Deen,’ at salungatin mo sila sa kanilang mga maling gawain kalakip ang pagtalikod mo sa kanila sa maayos na kaparaanan at iwasan mo na ang paghihiganti sa kanila.

11. At pabayaan mo na Ako, O Muhammad, at sila na mga di-naniwala sa Aking mga talata na mga nagtatangan ng mararangya at maririwasang pamumuhay dito sa daigdig, at hayaan mo sila sa ganitong kalagayan dahil sa ito ay palugit na maikling panahon lamang bilang pag-aantala ng parusa hanggang sa dumating sa kanila ang nakatakda na naitala sa kasulatan na pagpaparusa.

12-13. Katiyakan, para sa kanila mula sa Amin sa Kabilang-Buhay ang mabigat na kadena na nakakadena sa kanila, at naglalagablab na Apoy na roon sila ay susunugin, at mabahong pagkain na bumabara sa mga lalamunan at hindi maatim, at parusa na napakasidhi.

14. Sa Araw na yayanig ang kalupaan at mga kabundukan nang napakasidhing pagkayanig hanggang sa ang mga kabundukan ay magiging parang nakatambak lamang na ibinuhos na mga buhangin na nakakalat, pagkatapos maging buo nito at pagiging matibay nito.

15-16. Katiyakan, ipinadala Namin sa inyo, O kayong mga taga-Makkah, si Muhammad bilang Sugo na titestigo laban sa inyo sa anuman na ginawa ninyo na di-paniniwala at paglabag, na katulad din ng pagkapadala Namin kay Mousã (u) tungo sa masamang tao na si Fir`âwn, subali’t di-pinaniwalaan ni Fir`âwn si Mousã (u) at hindi naniwala sa kanyang mensahe at nilabag ang kanyang utos, na kung kaya, pinuksa Namin sila nang matinding pagkapuksa. Nandirito sa kapahayagang ito ang babala mula sa paglabag sa Sugo na si Muhammad; upang hindi mangyari sa sinumang lumabag ang katulad ng nangyari kay Fir`âwn at sa kanyang sambayanan.

17. Kung gayon, paano ninyo mapangangalagaan ang inyong mga sarili kung kayo ay di-naniwala sa kaparusahan na mangyayari sa Araw ng Muling Pagkabuhay na sa tindi nito ay mamumuti ang buhok ng mga batang sanggol; dahil sa kagimbal-gimbal na pangyayaring ito?

18. Ang kalangitan ay magkakabiyak-biyak sa Araw na yaon; sa tindi ng pangyayari, ang pangako ng Allâh (I) hinggil sa pagdating ng Araw na ito ay katiyakang magaganap na walang pag-aalinlangan.

19. Katiyakan, ang mga talatang ito na nakakakilabot na naglalaman ng mga babala at mga panakot ay bilang payo at aral sa sangkatauhan, na kung kaya, sinuman ang nagnanais na matuto at makinabang sa mga aral na ito ay hayaan niyang piliin ang pagsunod at pagkatakot sa Allâh (I), na ito ang kanyang tatahakin na daan, na samakatuwid magdadala sa kanya tungo sa pagmamahal ng Allâh (I) na kanyang ‘Rabb’ na Siyang lumikha at nagkalinga sa kanya.
20. Katiyakan, ang Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, O Muhammad, ay Ganap na Nakaaalam na ikaw ay tumatayo sa kalaliman ng gabi upang maisagawa ang ‘Tahajjud,’ na minsan ay halos dalawang bahagi ng tatlo (2/3) ng gabi, at minsan naman ay halos kalahati ng gabi, at minsan naman ay ikatlong bahagi (1/3) ng gabi. At sumasama sa pagsagawa mo nito ang ilan sa iyong grupo na mga tagasunod. At ang Allâh (I) ay Siyang Bukod-Tanging Tagasukat ng gabi at araw, at batid Niya ang bawa’t sukat nito, at batid Niya kung ano ang nakalipas na at kung ano ang nananatili pa mula sa dalawang ito.
Batid ng Allâh (I) na hindi maaaring maisagawa ninyo nang buong magdamag ang pagdarasal, na kung kaya, ito ay pinagaan sa inyo, kaya basahin ninyo sa inyong pagsa-‘Salâh’ sa gabi ang anuman na makayanan ninyong basahin mula sa Qur’ân, batid ng Allâh (I) na katiyakang mayroon sa inyo na hindi niya kaya ang mag-‘Salâh’ sa gabi dahil sa siya ay maysakit, at mayroon namang iba na naglalakbay sa kalupaan para sa pangangalakal at ibang gawain upang hangarin ang ipinahintulot (o legal) na kabuhayan mula sa Allâh (I), at ang iba naman sa inyo ay nagpupunyagi sa pakikipaglaban sa Daan ng Allâh (I); upang mangibabaw ang Kanyang Salita at maipalaganap ang Kanyang ‘Deen,’ kaya bigkasin ninyo sa inyong pagsa-‘Salâh’ ang anuman na kaya ninyong bigkasin mula sa Qur’ân, at walang patid na ipagpatuloy ninyo na isagawa ang mga obligadong ‘Salâh’ at ibigay ninyo ang ‘Zakâh’ na obligadong kawanggawa mula sa inyo, at gumawa kayo ng iba’t ibang uri ng kabutihan sa pamamagitan ng pagbibigay mula sa inyong kayamanan bilang pagmamagandang-loob; sa paghahangad na pakikipagharap ninyo sa Allâh (I), at ang anuman na ginawa ninyo na iba’t ibang uri ng kawanggawa at kabutihan at mga pagsunod, ay matatagpuan ninyo ang gantimpala nito sa Allâh (I) sa Araw ng Muling Pagkabuhay na higit pa kaysa sa inyong nagawa sa daigdig at mas dakila sa gantimpala, at hingin ninyo ang kapatawaran ng Allâh (I) sa lahat ng pagkakataon, katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa inyo, na ‘Raheem’ – ganap na Mapagmahal at Napakamaawain sa inyo.

No comments: