36
XXXVI – Sûrat Yâ-Sĩn
[Kabanata Yâ-Sĩn – (Ang Mga Titik) Yâ-Sĩn]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Yâ-Sĩn. Ang mga titik na ito ng ‘Arabic’ ay nauna nang naipaliwanag sa ‘Sûratul Baqarah.’
2-4. Sumusumpa ang Allâh (I) sa pamamagitan ng Banal na Qur’ân na punung-puno ng karunungan dahil nakapaloob dito ang mga alituntunin, mga batas, mga karunungan at mga katibayan, na walang pag-aalinlangang ikaw, O Muhammad, ay kabilang sa mga Sugo na pinadalhan ng Allâh (I) ng ‘Wahi’ (o Rebelasyon) para sa Kanyang mga alipin (mga ‘Jinn’ at mga tao), at ikaw ay nasa Matuwid na Landas na ito ay ang Islâm.
5. Itong Banal na Qur’ân ay ipinahayag ng Allâh (I) na ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan, na Ganap na Makapangyarihan sa Kanyang pagpaparusa sa mga walang pananampalataya at mga makasalanan, na ‘Ar-Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa sinumang nagsipagsisi mula sa Kanyang alipin at gumawa ng kabutihan.
6. Ipinahayag Namin ito sa iyo, O Muhammad, upang balaan ang mga tao na hindi dumating sa kanilang mga ninuno at magulang na nauna sa iyo ang mensahe, na sila ay hindi nabalaan, na sila ay yaong mga Arabo, na sila ay ang mga tao na nalinlang mula sa paniniwala at pagpapakatuwid sa mabuting gawa. Lahat ng sambayanan na natigil (o nahinto) sa kanila ang babala ay nasa pagkalinlang
Dito sa talatang ito ang katibayan na nararapat sa may kaalaman sa Allâh (I) at sa Kanyang batas ang mag-anyaya at magpaalalaa upang gisingin ang mga Muslim sa kanilang kahibangan.
7. Katiyakan, naging karapat-dapat ang parusa sa karamihan sa kanila na mga walang pananampalataya, pagkatapos ihayag sa kanila ang katotohanan at tinanggihan nila, dahil sila ay hindi naniniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo at hindi sumusunod sa Kanyang batas.
8. Katiyakan, ginawan Namin ang mga walang pananampalataya na tumanggi na ipinakita sa kanila ang katotohanan at pagkatapos ay kanilang tinanggihan at nanatili sila sa pagtanggi at di-paniniwala, ng kadena na nakapulupot sa kanilang mga leeg at isinama sa pagkakadena ng kanilang mga leeg ang kanilang mga kamay na nasa ilalim ng kanilang mga baba, na kung kaya, napilitan sila na itingala ang kanilang mga ulo paitaas, samakatuwid, naipagkait sa kanila ang anumang kabutihan, at hindi na nila nakikita ang katotohanan at hindi na sila nagabayan tungo rito.
9. At naglagay Kami ng harang sa karapan ng mga walang pananampalataya at gayundin sa kanilang likuran ng isa pang harang, kaya katulad sila ng hinarangan sa harapan at sa likuran, na kung kaya, nabulag na ang kanilang mga mata; dahil sa kanilang di-paniniwala at pagmamataas, na kung kaya, hindi na nila nakikita ang patnubay at hindi na sila nagagabayan, samakatuwid, sinuman ang natagpuan ang paanyaya ng Islâm at pagkatapos ay tinalikuran at nagmatigas ay karapat-dapat sa ganitong kaparusahan.
10. Pareho rin lamang sa kanila na hindi naniwala at nagmatigas, O Muhmamad, kung balaan mo man sila o di mo na sila babalaan ay hindi na sila maniniwala at hindi na rin sila susunod.
11. Ang makikinabang lamang sa iyong babala, ay ang sinumang naniwala lamang sa Qur’ân at sumunod sa anumang nakapaloob dito na batas ng Allâh (I), at natakot sila sa Allâh (I) na Pinakamahabagin dahil walang sinuman ang nakakikita sa kanya bukod sa Allâh (I), na kung kaya, ipamalita mo sa kanya ang magandang balita ng kapatawaran mula sa Allâh (I) sa kanyang mga kasalanan, at ang gantimpala mula sa Kanya sa Kabilang-Buhay sa lahat ng kanyang mga mabubuting gawain, na ito ay ‘Al-Jannah’ (Hardin).
12. Katiyakan, bubuhayin Namin na mag-uli ang lahat ng namatay sa Araw ng Muling Pagkabuhay, at itatala Namin ang lahat ng kanilang nagawa na masama at mabuti, at ang mga bakas ng kanilang mga nagawang kabutihan sa kanilang buhay pagkatapos nilang mamatay, katulad ng mabuting anak, mabuting kaalaman, kawanggawa, at ganoon din ang masama na katulad ng pagsamba ng iba at paglabag sa Allâh (I), at ang lahat ng mga ito ay itatala Namin sa malinaw na talaan na ito ang pinakatalaan ng lahat ng talaan, na roon bumabalik ang lahat, na ito ay ‘Al-Lawh Al-Mahfoudh.’ Na kung kaya, sa sinumang may kaisipan ay nararapat niyang suriin ang kanyang sarili; upang siya ay magiging huwaran sa kabutihan sa kanyang sarili at pagkatapos niyang mamatay.
13-14. At magbigay ka ng halimbawa, O Muhammad, sa mga walang pananampalataya mula sa iyong sambayanan, na tinatanggihan nila ang iyong paanyaya, ng halimbawa na mauunawaan nila, na ito ay kuwento ng isang bayan, nang dumating sa kanila ang mga Sugo, noong nagpadala Kami sa kanila ng dalawang Sugo upang aanyayahan sila sa paniniwala sa Allâh (I) at pagtalikod sa pagsamba ng iba, subali’t tinanggihan ng bayang ito ang dalawang Sugo, na kung kaya, nagdagdag pa kami ng pangatlo upang patatagin ang dalawa, at sinabi ng tatlo sa nanirahan sa bayan na yaon: “Katiyakan, kami ay ipinadala sa inyo bilang mga Sugo.”
15. Sinabi ng mga nanirahan sa bayan na yaon sa mga Sugo: “Kayo ay hindi hihigit na mga tao lamang na katulad din namin, at hindi nagpahayag ang Allâh (I) na Pinakamahabagin ng anumang Rebelasyon. At kayo, O kayong mga Sugo ay mga nagsisinungaling.”
16-17. Sinabi ng mga Sugo bilang pagtitiyak: “Ang Allâh (I) na aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha na nagpadala sa amin ay Siyang Ganap na Nakaaalam na kami ay mga Sugo para sa inyo, at wala kaming tungkulin kundi iparating lamang nang malinaw ang mensahe, at wala kaming kakayahan na gabayan kayo dahil ang gabay ay pagmamay-ari lamang ng Allâh (I) na Bukod-Tangi.”
18. Sinabi ng mga naninirahan sa bayan na yaon: “Katiyakan, nakikita namin na wala na kaming pag-asa sa inyo na mabuti, na kung kaya, kapag hindi kayo tumigil sa inyong paanyaya sa amin ay papatayin namin kayo sa pamamagitan ng pagbabato at magaganap sa inyo mula sa amin ang masidhing parusa.”
19. Sinabi ng mga Sugo: “Ang inyong kawalan ng pag-asa at ang masama ninyong gawain na pagsamba ng iba ay ito ang kasamaan na nasa inyo at sa inyo rin babalik, dahil kapag pinapayuhan ba kayo ng mabuti ay tinatawag ninyo itong masamang pangitain at hinahamon ninyo kami ng pagpatay at pagparusa? Gayong ang katotoohanan ay kayo ang lumampas ng hangganan sa pagiging masama at pagtanggi.”
20-21. At dumating mula sa isang malayong lugar sa dulo ng siyudad ang isang lalaki na nagmamadali (nang malaman niya na ang mga nanirahan sa bayan ay nagbalak na patayin ang mga Sugo o di kaya ay parusahan), sinabi niya: “O aking sambayanan! Sundin ninyo ang mga Sugo na ipinadala sa inyo mula sa Allâh (I), sundin ninyo sila dahil hindi sila humihingi ng kabayaran sa kanilang pagpaparating ng mensahe, dahil sila ay ginabayan sa kanilang pag-anyaya sa inyo tungo sa pagsamba sa Allâh (I) nang bukod-tangi.” Dito sa talatang ito ang katangian ng sinumang nagpupunyagi sa pag-uutos ng mabuti at pagbabawal ng masama.
22. “At bakit hindi ko sasambahin ang Allâh (I) na Siyang lumikha sa akin at sa Kanya kayo ay magbabalik lahat?
23-25. “Sasamba ba ako ng iba na mga diyus-diyosan bukod sa Allâh (I) na walang anumang magagawa, at kapag ninais ng Allâh (I) na Pinakamahabagin na gumawa ng kapinsalaan sa akin ay walang magagawa sa anumang kaparaanan ang mga diyus-diyosan na ito para ito’y pigilin sa akin at wala ring kakayahan para ako ay iligtas mula rito?
“Sa katunayan, kapag ito ay ginawa ko, walang pag-aalinlangang ako ay nasa malinaw na kamalian. Na kung kaya, ako ay naniwala sa Kanya na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha (Allâh I), na kung kaya, makinig kayo sa anumang sasabihin ko sa inyo at sumunod kayo sa paniniwala sa Kanya.” At nang sinabi niya ito ay nagdagsaan ang mga tao sa kanya at pinatay siya, na kung kaya, pinapasok siya kaagad ng Allâh (I) sa ‘Al-Jannah’ (Hardin).
26. Sinabi sa kanya pagkatapos niyang mamatay: “Pumasok ka na sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) bilang parangal sa iyo.”
27. Sinabi niya, habang siya ay nasa maligayang pamumuhay at pagpaparangal: “Kung nabatid lamang sana ng aking sambayanan ang pagpapatawad ng aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa akin at pagpaparangal sa akin; dahil sa aking paniniwala sa Allâh (I) at pagtitiis ko habang Siya ay aking sinusunod, pagsunod ko sa Kanyang mga Sugo, hanggang sa ako ay pinatay, upang sila ay maniwala sa Allâh (I) at makapasok sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) na tulad ko.”
28. At hindi na nangangailangan ang pangyayaring ito na magpadala pa Kami ng sundalo mula sa kalangitan upang sila ay parusahan pagkatapos nilang patayin ang lalaki na nagpayo sa kanila at pinasinungalingan ang mga Sugo dahil sa sila ay mga mahihina, at hindi na Namin kinakailangan pang magpababa ng mga anghel para sa mga sambayanan upang sila ay Aming puksain kundi magpapadala na lamang Kami ng parusa para sila ay wasakin.
29. Hindi nangyari ang pagwasak sa kanila kundi sa pamamagitan lamang ng isang malakas na ingay, na sa pamamagitan nito ay namatay silang lahat at walang natira sa kanila.
30. Kahabag-habag sa mga tao at sa kanilang pagsisisi sa Araw ng Muling Pagkabuhay kapag nakita na nila ang parusa, dahil walang sinumang Sugo na ipinapadala mula sa Allâh (I) nang hindi nila kinukutya at minamaliit.
31. Hindi ba nila nakita na mga nangungutya at mapagkunan man lamang ng aral ang mga nauna sa kanila na iba’t ibang nakalipas na henerasyon na pinuksa Namin at kailanman sila ay hindi na makababalik pa sa daigdig?
32. At lahat ng mga henerasyon na ito na Aming pinuksa at ang iba pa kaysa kanila ay titipuning lahat tungo sa Amin sa Araw ng Muling Pagkabuhay para sa Paghuhukom at Pagbabayad.
33. At ang katibayan para sa kanila na mga walang pananampalataya hinggil sa kapangyarihan ng Allâh (I) sa pagbubuhay na mag-uli: ay itong patay (o tuyot) na kalupaan na walang anumang tumutubong pananim ay binubuhay Namin sa pamamagitan ng pagpapadala ng tubig, at pinasisibol Namin mula rito ang iba’t ibang pananim na kinakain ng tao at mga hayop. Na kung kaya, sinuman ang nagbubuhay ng kalupaan sa pamamagitan ng pagpapasibol ng mga luntian (mga tumutubong halamanan o pananim) ay Siya rin ang bubuhay na mag-uli sa Kanyang nilikha pagkatapos ng kamatayan.
34. Ginawa Namin dito sa kalupaang ito ang mga hardin ng mga datiles at mga ubasan, at pinabubulwak Namin dito ang mga bukal ng tubig upang ito ay diligin.
35. Lahat ng ito ay upang mabuhay ang mga alipin mula sa bunga nito, at ito ay walang iba kundi mula sa Awa ng Allâh (I) sa kanila at hindi dahil sa kanilang pagpupunyagi at pagpapagod, at hindi rin sa kanilang talino at lakas, na kung kaya, hindi ba sila dapat na magpasalamat sa mga biyayang ito sa kanila, na ang mga ito ay mula sa mga biyaya na napakarami na hindi kayang bilangin?
36. Na kung kaya, luwalhati sa kadakilaan ng Allâh (I) na Siyang lumikha ng lahat ng iba’t ibang uri ng mga pananim na ito sa kalupaan, at ganoon din sa mga sariling uri nila na mga kalalakihan at kababaihan, at sa iba pa na mga nilikha ng Allâh (I) na hindi nila alam. Siya ay Bukod-Tangi sa paglikha na hindi kailanman nararapat na magkaroon Siya ng katambal.
37. At ang isa pang tanda para sa kanila sa Kaisahan ng Allâh (I) at ang Kanyang ganap na kakayahan: ay ang gabi, na inaalis Namin sa pamamagitan nito ang liwanag ng araw kapag ito ay dumating, na kung kaya, ang mga tao ay nasa kadiliman na.
38. At ang tanda pa rin para sa kanila ay ang araw na umiikot lamang mismo sa sariling kinalalagyan nito, na ito ay itinakda ng Allâh (I) na hindi ito maaaring lumampas at hindi nito maaaring bawasan, at ito ay pagtakda ng Allâh (I) na ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan, na Ganap na Makapangyarihan na hindi nagagapi, na ‘Al-`Aleem’ – ang Ganap na Nakaaalam na walang anumang naililihim sa Kanya.
39. At ang buwan ay tanda pa rin para sa kanila ang paglikha nito, at sinukat Namin ang daraanan nito sa bawa’t gabi, na mag-uumpisa ito bilang isang maliit na gasuklay (o ‘crescent’) hanggang sa ito ay maging isang bilog na buwan, at pagkatapos ay babalik na naman ito sa kaliitan na katulad ng matandang baluktot na tuyong sanga ng datiles dahil sa nipis, pagkabaluktot at pagkadilaw nito.
40. At lahat ng ito: araw, buwan, gabi at araw ay may sari-sariling oras na itinakda ang Allâh (I) sa bawa’t isa rito na hindi nito lalampasan, na kung kaya, hindi maaaring maabot ng araw ang buwan upang mabura nito ang kanyang liwanag o di kaya ay babaguhin nito ang kanyang dinaraanan, at hindi rin maaari sa gabi na mauunahan nito ang araw, na papasok ito rito bago matapos ang oras ng araw, ang lahat ng ito: araw, buwan at mga ‘heavenly bodies’ ay lumulutang sa mga sariling ‘orbit’ (o ligiran) nito.
41. At tanda pa rin para sa kanila na ang Allâh (I) ay Bukod-Tangi na karapat-dapat na sambahin at nagkakaloob ng mga biyaya, ay Kami ang nagdala sa lahat ng nakaligtas na angkan ni Âdam sa Arka (malaking sasakyang pantubig) ni Nûh na punung-puno ng iba’t ibang uri ng mga nilikha, upang mapanatili ang lahi nito pagkatapos ng delubyo (o malaking baha).
42. At ginawa Namin para sa kanila na walang pananampalataya at sa iba pa, ang katulad ng Arka ni Nûh na sasakyang pantubig at iba pa na mga sasakyan, na kanilang sinasakyan at pinararating sila sa kanilang mga bayan.
43. At kung nais Namin na sila ay malunod ay hindi na sila makatatagpo pa ng sinumang sasaklolo sa kanila mula sa kanilang pagkalunod, at walang sinupaman ang makapagliligtas sa kanila.
44. Maliban sa kung sila ay kinaawaan Namin at iniligtas Namin upang sila ay makapagsaya pansamantala; baka sakali na sila ay magbalik-loob at pagpunan nila ang anuman na kanilang pagkukulang.
45. At kapag sinabi sa mga walang pananampalataya: “Katakutan ninyo ang Kabilang-Buhay at ang mga kalagiman na mangyayari roon at ganoon din sa mga sakuna na mangyayari rito sa daigdig na mga parusa; nang sa gayon ay hangarin nila ang Awa ng Allâh (I) para sa kanila, subali’t sila ay tumanggi at hindi tumanggap ng pagpapayo.”
46. At walang anumang dumating sa kanila na mga walang pananampalataya na malinaw na palatandaan mula sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha; upang sila ay gabayan sa katotohanan at patunayan sa kanila ang pagiging totoo ng Sugo sa kanila, kundi sila ay tumanggi at hindi pakikinabangan ang mga ito.
47. At kapag sinabi sa mga walang pananampalataya: “Gumasta kayo mula sa kabuhayan na ipinagkaloob ng Allâh (I) sa inyo,” sasabihin nila sa mga mananamapalataya bilang pangangatwiran: “Bubuhayin ba namin at pakakainin namin ang sinuman na kapag ninais ng Allâh (I) na pakanin ay mapakakain Niya? Na kung kaya, kayong mga naniwala ay nasa malinaw na pagkakamali dahil sa inyong mga ipinag-uutos sa amin.”
48. At sinasabi ng mga walang pananampalataya bilang pagtanggi at pagmamadali: “Kailan pa ba mangyayari ang Muling Pagkabuhay kung kayo ay totoo sa inyong mga sinasabi?”
49. Walang inaabangan ang mga walang pananampalataya sa kanilang pagmamadali sa babala ng Allâh (I) kundi isang sigaw ng unang ihip ng trumpeta lamang sa oras ng pagkagunaw ng daigdig, at sila ay kukubkubin nang biglaan, habang sila ay nagtatalu-talo dahil sa kanilang kabuhayan dito sa daigdig.
50. At hindi magkakaroon ng kakayahan ang mga walang pananampalataya sa oras ng pag-ihip ng trumpeta na makapaghabilin pa sa sinuman, at hindi na sila makababalik sa kanilang pamilya, kundi sila ay mamamatay na roon sa kanilang mga pamilihan at sa kinaroroonang lugar.
51. At pagkatapos ay hihipan ang trumpeta sa ikalawang pagkakataon, at ibabalik sa kanilang mga katawan ang kanilang mga kaluluwa, at sila ay kaagad na lamang lilitaw mula sa kanilang mga libingan na patungo sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha nang mabilisan.
52. Sasabihin ng mga walang pananampalataya sa Araw ng Muling Pagkabuhay bilang pagsisisi: “Kapighatian sa amin, sino ang nagpabangon sa amin mula sa aming mga libingan?” Sasagutin sila at sasabihin sa kanila: “Ito ang ipinangako ng Allâh (I) na Pinakamahabagin at iniulat ng mga matatapat na mga Sugo!”
53. Ang pagbangon mula sa mga libingan ay sa pamamagitan lamang ng isang malakas na pag-ihip sa trumpeta, pagkatapos lahat ng nilikha ay sa Amin haharap para sa Paghuhukom at Pagbabayad!
54. Sa Araw na ito, magaganap ang makatarungang paghuhukom, na kung kaya, walang sinuman ang dadayain na mabawasan ang kanyang kabutihan o di kaya ay maragdagan ang kanyang kasalanan, at walang pagbabayad na magaganap kundi ito ay bunga rin lamang ng inyong nagawa sa daigdig.
55. Katiyakan, ang mga maninirahan sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) sa Araw na yaon ay abalang-abala na di nila mapapansin ang iba dahil sa kaluguran at iba’t ibang uri ng mga biyaya na kanilang tinatamasa.
56. Sila at ang kanilang mga asawa ay nagpapakasaya sa pag-upo sa magagarang upuan na may mga palamuti na nasa ilalim ng mga maginhawa at kaigaya-igayang lilim.
57. Para pa rin sa kanila sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) ay iba’t ibang uri ng mga masasarap na prutas, at para sa kanila ang anuman na kanilang nais na iba’t ibang uri ng biyaya.
58. Para pa rin sa kanila ang nakahihigit na uri ng biyaya na ito ay kapag nakipag-usap sa kanila ang Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Pinakamapagmahal at Napakamaawain sa kanila bilang pagbabati ng ‘Salâm’ (kapayapaan). At doon ay mabubuo na sa kanila ang pinakamataas na uri ng kapayapaan sa lahat ng pagkakataon.
59. At sasabihin sa mga walang pananampalataya sa Araw na yaon: “O kayo na mga kriminal! Bumukod na kayo sa mga mananampalataya at lumayo na kayo sa kanila.”
60. At sasabihin ng Allâh (I) sa kanila bilang pag-aalipusta at pagpapaalaala sa kanila sa nakaraan: “Hindi ba pinagpayuhan Ko kayo, O mga anak ni Âdam, sa pamamagitan ng pagpapayo ng Aking mga Sugo na huwag ninyong sambahin si ‘Shaytân’ at huwag kayong sumunod sa kanya? Dahil siya sa katotohanan ay malinaw ninyong kalaban.
61. “At inutusan Ko kayo na sambahin lamang Ako nang bukod-tangi, dahil sa pagsamba at pagsunod lamang sa Akin at pagsalungat kay ‘Shaytân’ ay ito ang Matuwid na Landas na Daan patungo sa Aking Pagmamahal at Aking mga Hardin.
62. “Katiyakan, iniligaw ni ‘Shaytân’ mula sa katotohanan ang marami sa inyo, na kung kaya, wala ba kayong pag-iisip, O kayong mga walang pananampalataya, na pipigil sa inyo sa pagsunod sa kanya?
63. “Ito ang Impiyernong-Apoy na ipinangako sa inyo sa daigdig dahil sa inyong di-paniniwala sa Allâh (I) at pagtanggi sa Kanyang mga Sugo.
64. “Pumasok na kayo rito ngayon at lasapin ninyo ang lagablab nito; dahil sa inyong di-paniniwala.”
65. Ngayon ay isasara Namin ang mga bibig ng mga walang pananampalataya, na kung kaya, hindi na sila makapagsasalita, at ang kanilang mga kamay ay mag-uulat sa Amin hinggil sa kung ano mismo ang ginawa nito, at titestigo sa Amin ang kanilang mga paa kung paano ito nagpunyagi sa daigdig at kung ano ang nagawa nito na mga kasalanan.
66. At kung gugustuhin Namin ay buburahin (o bubulagin) Namin ang kanilang mga mata upang hindi na sila makakita na tulad ng ginawa Naming pagsara sa kanilang mga bibig, upang sila ay magsipag-unahan sa tulay (sa ibabaw ng Impiyerno) para sila ay makatawid, subali’t paano ito mangyayari sa kanila kung nawalan na sila ng mga paningin?
67. At kung gugustuhin Namin ay babaguhin Namin ang kanilang anyo at pananatilihin Namin sila sa kanilang kinaroroonan, na kung kaya, hindi na sila magkakaroon pa ng kakayahan na humakbang paharap (o pasulong) at hindi rin sila magkakaroon ng kakayahan na umatras pabalik.
68. At sinuman ang pahahabain Namin ang kanyang buhay hanggang sa siya ay tatanda ay ibabalik Namin siya sa dati niyang kahinaan na tulad noong siya ay murang edad pa lamang na kahinaan ng kaisipan at katawan, na kung kaya, hindi ba nila iniisip na ang sinumang may kakayahan na gawin ito ay kaya rin Niyang buhaying sila na mag-uli?
69-70. At hindi Namin tinuruan si Muhammad ng tula, at hindi angkop sa kanya ang pagiging manunula, kundi ang anuman na kanyang dala-dalang mensahe ay paalaala lamang sa mga nagtatangan ng talino at malinaw na Aklat ng Banal na Qur’ân dahil sa mga batas, mga karunungan at mga pagpapayo na nakapaloob dito; upang balaan ang sinuman na buhay ang kanyang puso na nakikita niya ang liwanag, at maging karapat-dapat ang parusa sa mga di-naniniwala sa Allâh (I); dahil naitatag na sa kanila ang katibayan ng Banal na Qur’ân bilang ganap na katibayan ng Allâh (I).
71. Hindi ba nakita ng mga tao kung paano Namin nilikha sa pamamagitan ng Aming mga Kamay para sa kanila ang mga hayop upang maging madali ang pakinabang nila rito, at ito ay kanilang nakukuntrol?
72. At ito ay nilikha Namin para sa kanilang kapakinabangan, na mayroon mula rito ang kanilang sinasakyan sa kanilang paglalakbay, at nagdadala para sa kanila ng mga kanilang mga mabibigat na dalahin at mayroon din naman sa mga ito ang kanilang kinakain.
73. At para sa kanila mula rito ang iba pang kapakinabangan na nakakamtan nila, katulad ng pakinabang sa mga balahibo nito, buhok (‘fur’) upang maging palamuti sa tahanan, kasuotan at iba pa, iniinom nila ang gatas nito, na kung kaya, di ba karapat-dapat lamang na magpasalamat sila sa Allâh (I) na Siyang nagkakaloob sa kanila ng mga ganitong biyaya at Siya lamang ang kanilang sasambahin?
74. At gumawa ang mga walang pananampalataya ng mga diyus-diyosan bukod sa Allâh (I) na kanilang sinasamba; sa pag-aakalang ito ay makatutulong sa kanila at maililigtas sila mula sa kaparusahan ng Allâh (I).
75. Hindi magkakaroon ng kakayahan ang mga diyus-diyosan na ito na tulungan ang mga sumamba sa kanila dahil mismo ang kanilang mga sarili ay hindi nila matutulungan, at ang mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) at ang kanilang sinamba na diyus-diyosan, silang lahat ay lilikumin sa kaparusahan at itatanggi nila ang isa’t isa.
76. Na kung kaya, huwag mong ikalungkot, O Muhammad, ang kanilang di-paniniwala sa Allâh (I), ang kanilang pagtanggi at kanilang pag-aalipusta sa iyo; dahil katiyakang Ganap na Nababatid Namin kung ano ang kanilang kinikimkim at kung ano ang kanilang inilalantad, at ayon dito Amin silang tutumbasan.
77. Hindi ba nakikita ng tao na hindi naniniwala sa Muling Pagkabuhay ang umpisa ng paglikha sa kanya upang maging katibayan para sa kanya sa kanyang pagkabuhay na mag-uli, dahil walang pag-aalinlangang nilikha Namin siya mula sa ‘Nutfah’ na dumaan sa iba’t ibang yugto ng pagkalikha hanggang siya ay lumaki, at ngayon pagmasdan, siya mismo ang kumakalaban, na matindi ang kanyang pakikipaglaban at malinaw ang pakikipagtalo?
78. At nagbigay sa Amin ng halimbawa ang hindi naniniwala sa Pagkabuhay na Mag-uli ng halimbawa na hindi maaaring ihalimbawa, dahil inihambing niya ang kapangyarihan ng nilikha sa kapangyarihan ng Tagapaglikha, at nakalimutan niya ang umpisa ng paglikha sa kanya at kanyang sinabi: “Sino pa ba ang makapagbibigay ng buhay sa mga buto pagkatapos nitong mabulok at maging mga alikabok?”
79. Sabihin mo sa kanya: “Ang bubuhay na mag-uli sa kanila ay Siya na lumikha sa kanya sa unang pagkakataon, dahil Siya ay Ganap na Nakaaalam sa Kanyang nilikha at walang anuman ang naililihim sa Kanya.”
80. Na Siyang nagpalitaw para sa inyo ng apoy na nakasusunog mula sa luntiang puno na sariwa, at kayo mula roon ay nagsisipagsindi ng apoy, na kaya rin Niya kung gayon na palabasin ang isang bagay mula sa kabaligtaran nito. At nandito ang katibayan hinggil sa Kaisahan ng Allâh (I) at sa Kanyang Ganap na Kapangyarihan, at kabilang sa Kanyang Ganap na Kapangyarihan ay pagpalitaw ng mga namatay mula sa kanilang mga libingan bilang mga buhay.
81. Hindi ba Siya na lumikha ng mga kalangitan at kalupaan at ang anuman na mga nasa loob nito, ay Siya ring may kakayahan na lumikha ng mga katulad nila at ibabalik lamang sila sa kung paano ang pagkalikha sa kanila sa una? Tunay nga, na Siya ang may kakayahan nito, dahil Siya ay ‘Al-Khallâqul `Aleem’ – ang Tagapaglikha sa lahat ng mga nilalang, na Ganap na Nakaaalam sa anuman na Kanyang nilikha at maging ang lilikhain pa lamang at walang anuman ang naililihim sa Kanya.
82. Ang pamamaraan lamang ng Allâh (I) ay kapag ninais Niya ang isang bagay ay sasabihin Niya lamang: ‘Kun fayakun!,’ ‘Mangyari’ at ito ay mangyayari! At kabilang dito ay ang pagsasanhi ng kamatayan at pagbibigay ng buhay, at gayundin ang pagbubuhay na mag-uli.
83. Na kung kaya, luwalhati sa Allâh (I) na Siya ay dalisay na malayo sa anumang kahinaan at katambal, na Siya ay Nagmamay-ari ng lahat ng bagay, na Nangangasiwa sa lahat ng Kanyang nilikha na wala Siyang kahati at walang makapipigil sa Kanya, at dito ipinakita ang mga palatandaan ng Kanyang kapangyarihan at sa kabuuan ng Kanyang biyaya, at sa Kanya kayo magbabalik para sa Paghuhukom at Pagbabayad.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment