Sunday, May 16, 2010

Sûrat Hûd

11
XI – Sûrat Hûd
[Si Propeta Hud]

بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Alif-Lãm-Râ – ang mga titik na ito ng Alpabetong ‘Arabic’ ay nauna nang naipaliwanag sa ‘Suratul Baqarah.’ Ang mga talata ng Aklat na ito na ipinahayag ng Allâh (I) kay Muhammad ay nasa kaganapan na walang pagkukulang at walang pagkakamali, at pagkatapos ay ipinaliwanag nang ganap ang hinggil sa mga ipinag-uutos at ipinagbabawal, ipinahihintulot (‘Halâl’) at di-ipinahihintulot (‘Harâm’) na mula sa Allâh (I) na Siyang ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Pangangasiwa ng mga bagay, na ‘Khabeer’ – ganap ang Kanyang Kagalingan na Nababatid Niya ang anumang magiging bunga nito.

2. Ang pagpapahayag ng Qur’ân at paglilinaw sa Kanyang batas at sa pagpapaliwanag nito nang ganap; ay upang hindi kayo sumamba ng iba kundi sa Allâh (I) lamang na Bukod-Tangi na walang katambal. Na ako para sa inyo, O kayong mga tao, ay tagapagbigay ng babala hinggil sa kaparusahan ng Allâh (I) at tagapagdala ng magandang balita hinggil sa Kanyang gantimpala.

3. At hilingin ninyo sa Kanya na patawarin kayo sa inyong mga pagkakasala, at pagkatapos ay magbalik-loob kayo sa Kanya na mga nagsisipagsisi upang matamasa ninyo ang magandang kabuhayan dito sa daigdig hanggang sa pagdating ng nakatakdang panahon, at ipinagkakaloob Niya sa bawa’t may kaalaman at mabuting gawa ang kabuuan ng Kanyang gantimpala bilang kagandahang-loob. Subali’t kapag kayo ay tumalikod sa katotohanan na kung saan kayo ay hinihikayat, samakatuwid, ako sa katotohanan ay natatakot para sa inyo na kayo ay parusahan ng masidhing kaparusahan sa Araw ng Muling Pagkabuhay. At ito ang matinding babala sa sinumang tumalikod sa mga Kautusan ng Allâh (I) at hindi naniwala sa Kanyang mga Sugo.

4. Sa Allâh (I) kayo ay magbabalik lahat pagkatapos ninyong mamatay, na kung kaya, matakot kayo sa Kanyang kaparusahan, dahil Siya ay ‘Qadeer’ – Ganap na Makapangyarihan sa pagbubuhay sa inyo na mag-uli, na kayo ay pagtitipun-tipunin at pagbabayarin.
5. Walang pag-aalinlangan, sila na mga walang pananampalataya ay kinikimkim nila sa kanilang mga puso ang pagtanggi; dahil sa iniisip nila na naililihim sa Allâh (I) ang anumang kanilang kinikimkim sa kanilang mga sarili. Hindi ba nila batid na kahit na takpan pa nila ang kanilang mga katawan ng kanilang mga kasuotan ay katiyakang walang anumang naililihim sa Allâh (I) sa kanilang mga itinatago at inilalantad? Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa anumang kinikimkim ng kanilang mga kalooban na mga layunin at mga balakin.


6. Katiyakan, ginarantiyahan ng Allâh (I) ang kabuhayan ng lahat ng mga gumagapang sa ibabaw ng kalupaan bilang kagandahang-loob na mula sa Kanya, at batid Niya kung saan ito maninirahan sa tanang buhay nito at saan ito patutungo pagkatapos nitong mamatay, at batid Niya kung saang lugar ito mamamatay. Ang lahat ng ito ay naitala sa Aklat sa malinaw na talaan na nasa Allâh (I).


7. Siya ang Lumikha ng mga kalangitan at ng kalupaan at ang anumang mga niloloob nito sa loob ng Anim na Araw. At ang Kanyang ‘`Arsh’ ay nasa ibabaw ng tubig bago pa likhain ang mga kalangitan at kalupaan, upang subukin kayo kung sino sa inyo ang higit na mabuti ang kanyang pagsunod at gawain, na ito ay ang anumang taimtim na ginagawa para lamang sa Allâh (I) na sang-ayon sa anumang ginawa ng Sugo ng Allâh (r). At kapag sinabi mo, O Muhammad (r), sa kanila na mga walang pananampalataya mula sa iyong sambayanan: “Katiyakan, kayo ay bubuhayin na mag-uli pagkatapos ninyong mamatay,” ay kaagad nilang sasabihin: “Ang Qur’ân na binibigkas mo sa amin ay walang iba kundi isang malinaw na ‘Sihr’ (o salamangka).”

8. At kapag inantala Namin sa kanila na mga walang pananampalataya ang kaparusahan hanggang sa itinakdang panahon, ay ipinamamadali nila ito na inip na inip sila, na katiyakan na kanilang sasabihin bilang pag-aalipusta at pagpapasinungaling: “Ano ba ang pumipigil sa kaparusahang iyan para maganap kung iyan ay katotohanan?” Dapat nilang mabatid sa araw na kapag dumating sa kanila ang kaparusahan ay walang sinuman ang maaaring makapigil nito, at makukubkob sila ng kaparusahan dahil sa kanilang pang-iinsulto bago ito naganap.

9. At kapag pinagkalooban Namin ang tao ng Biyaya mula sa Amin, na katulad ng kalusugan o kapanatagan at iba pa, at pagkatapos ito ay Aming aalisin sa kanya, walang pag-aalinlangan na magiging matindi ang kanyang pagdadalamhati at panghihinayang sa Awa ng Allâh (I) bilang hindi pagtanaw ng utang ng loob sa Biyaya ng Allâh (I) na ipinagkaloob sa kanya.

10. At kapag ipinatikim Namin sa kanya ang sarap ng buhay dito sa daigdig at pinaluwag Namin sa kanya ang kabuhayan pagkatapos ng kahirapan, ay tiyak na kanyang sasabihin: “Nawala na ang aking paghihirap at tapos na ang panahon ng aking pagdadalamhati,” katiyakan, siya ay mayabang dahil sa mga biyayang ipinagkaloob sa kanya at labis ang kanyang pagmamayabang at pagmamataas sa mga tao.

11. Subali’t ang mga yaong nagtiis sa anumang dumating sa kanila na mga kahirapan bilang paniniwala sa Allâh (I) at paghahangad ng gantimpala mula sa Kanya, at gumawa sila ng mga kabutihan bilang pasasalamat sa mga biyaya ng Allâh (I), ang para sa kanila ay kapatawaran sa kanilang pagkakasala at dakilang gantimpala sa Kabilang-Buhay.

12. Samakatuwid, O Muhammad (r), maaari bang talikuran mo ang ilan sa ipinahayag sa iyo at ipinag-utos, sa pamamagitan ng di pamamahayag ng mensahe nito dahil sa tindi ng nakikita mong pagtanggi mula sa kanila, at sisikip ang iyong dibdib dahil sa nangangamba ka na hihiling sila ng mga bagay sa iyo bilang pagmamaang-maangan o pagmamatigas, na katulad ng kanilang sasabihin: “Bakit hindi na lang kayamanan ang ibinaba sa kanya, o di kaya ay dumating na kasama niya ang anghel na magpapatotoo sa kanyang mensahe?” Na kung kaya, iparating mo sa kanila ang anumang ipinahayag Ko sa iyo, dahil sa katotohanang ang tungkulin mo lamang ay balaan sila sa anumang ipinahayag Ko sa iyo. At ang Allâh (I) ay ‘Wakeel’ – Tagapagkaloob ng lahat ng bagay.

13. O sinasabi ba nila na mga walang pananampalataya na mga taga-Makkah: [44] “Katunayan, si Muhammad ay inimbento niya lamang itong Qur’ân?” Sabihin mo sa kanila: “Kung ang pangyayari ay katulad ng inyong mga inaangkin, samakatuwid ay magpakita kayo ng sampung kabanata na tulad ng Banal na Qur’ân na mula sa inyong mga inimbento, at tawagin ninyo ang sinuman na kaya ninyong tawagin mula sa lahat ng nilikha ng Allâh (I) upang tumulong sa inyo sa pagsagawa nito, kung kayo ay totoo sa inyong pag-aangkin.”

14. Kapag hindi sila tumugon sa iyong paghamon, O Muhammad (r) at sa sinumang naniwala sa iyo; dahil sa hindi nila kayang gawin ang lahat ng yaon, dapat nilang mabatid na ang Banal na Qur’ân sa katotohanan ay ipinahayag ng Allâh (I) sa Kanyang Sugo na mula sa Kanyang Kaalaman at hindi salita ng tao, at dapat ninyong mabatid na walang sinumang may karapatang sambahin bukod sa Allâh (I)! Na kung kaya, kayo ba pagkatapos ng lahat ng mga katibayang ito ay susuko na sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo bilang Muslim?

15. Sinuman ang naghahangad sa kanyang gawain para sa buhay lamang dito sa daigdig at ang kaligayahan nito ay ipagkakaloob Namin sa kanila ang mga bunga ng kanilang gawain nang ganap at sila ay hindi dadayain ni katiting sa kanilang makamundong kabayaran.

16. Sila ay wala nang anumang mapapala sa Kabilang-Buhay kundi Impiyernong-Apoy na malalasap nila ang lagablab nito, at mawawalan ng saysay para sa kanila ang anuman na kanilang nagawa dahil sa ang kanilang mga gawain ay mali, sapagka’t ito ay hindi nila ginawa nang alang-alang lamang sa Allâh (I).

17. Siya (Muslim) ba na nanindigan sa malinaw na katibayan na mula sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na ito ay kanyang pinaniniwalaan at siya ay nag-aanyaya tungo rito sa pamamagitan ng rebelasyon na roon ay ipinahayag ng Allâh (I) ang malinaw na katibayan at sinunod ito, na ang isa pang malinaw na katibayan na tumitestigo rito ay si Anghel Jibril o si Propeta Muhammad, at ito ay sinuportahan pa ng pangatlong katibayan na nauna kaysa sa Qur’ân, na ito ay ang ‘Tawrah’ na ipinahayag ng Allâh (I) kay Mousâ ( u) upang maging panuntunan at bilang awa sa sinumang naniwala rito, ay katulad ba ito ng sinuman na ang hangarin lamang ay makamundong buhay na may katapusan ang kinang nito?

Samakatuwid, sila ang mga yaong pinaniwalaan ang Banal na Qur’ân, na kung kaya, sinuman ang hindi naniniwala sa Qur’ân na kabilang mula sa mga grupo ng lumabag sa Sugo ng Allâh (r) na si Propeta Muhammad (r), ang kabayaran ng kanilang ginawa ay Impiyernong-Apoy, na walang pag-aalinlangan na sila ay mapupunta roon.

Na kung kaya, huwag kang mag-aalinlangan hinggil sa Banal na Qur’ân, na ito ay mula sa Allâh (I) pagkatapos tumestigo para rito ang mga palantandaan at mga katibayan, at dapat mong mabatid na ang ‘Deen’ o Relihiyon na ito ay katotohanan na nagmula sa Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, subali’t ang karamihan sa mga tao ay hindi naniniwala.

18. At sino pa ba ang higit na masama kaysa sa sinumang nag-imbento ng kasinungalingan laban sa Allâh (I)? Sila ay ihaharap sa kanilang ‘Rabb’ sa Araw ng Muling Pagkabuhay; upang sila ay hukuman sa kanilang mga gawa, at sasabihin ng mga testigo na mga anghel, mga Propeta at iba pa: “Sila ang mga yaong nagsinungaling laban sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa daigdig.” Walang pag-aalinlangan! Kinamuhian sila ng Allâh (I) at patuloy ang pagsumpa ng Allâh (I) sa kanila; dahil ang kanilang pagiging masama ay isang katangian na likas sa kanila.

19. Yaong mga pinipigilan ang mga tao sa Daan ng Allâh (I) tungo sa pagsamba sa Kanya, at hinahangad nila na maging baluktot ang Daan na ito ayon sa kanilang kagustuhan, ay sila ang mga yaong hindi naniniwala sa Kabilang-Buhay at hindi naniniwala sa Pagkabuhay na Mag-uli at Paghuhukom.


20. Kailanman, sila na mga walang pananampalataya ay hindi nila matatakasan ang Allâh (I) dito sa daigdig, at walang sinumang makatutulong sa kanila upang pigilin para sa kanila ang Kanyang kaparusahan. Dodoblihin sa kanila ang kaparusahan sa Impiyerno; dahil sa hindi nila nakayanang pakinggan ang Banal na Qur’ân nang may kapakinabangan, o di kaya ay makita man lamang ang mga palatandaan ng Allâh (I) dito sa daigdig nang makatotohanang pagsusuri; dahil sa kanilang pagiging abala sa kanilang pagtanggi at mga paglabag, na sila ay doon na mananatili.
21. Sila ang yaong ipinahamak ang kanilang mga sarili dahil sa kanilang pagsisinungaling laban sa Allâh (I), at naglaho ang anuman na kanilang inimbento na mga sinasamba bukod sa Allâh (I), na inaangkin nilang ito ang magtatanggol sa kanila.

22. Katotohanan, sila sa Kabilang-Buhay ang pinakatalunan sa lahat ng tao sa pakikipagkalakalan, dahil sa ipinagpalit nila ng hamak na antas ng Impiyerno ang mga mataas na antas ng Hardin, dahil sa sila ay nasa Impiyerno at ito ang napakalinaw na pagkatalo.

23. Katiyakan, ang mga yaong naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, at gumawa ng mga mabubuting gawa, at nagpakumbaba sa anumang pag-uutos at anumang pagbabawal, sila ang mga maninirahan sa ‘Al-Jannah’ (Hardin), na hindi sila mamamatay pa roon at sila ay mananatili roon magpasawalang-hanggan.

24. Ang kahalintulad ng dalawang grupo: ang mga walang pananampalataya at ang grupo ng mga may pananampalataya ay katulad ng bulag na hindi nakakikita at bingi na hindi nakaririnig sa nakakikita na nakaririnig: ang grupo ng mga walang pananampalataya ay hindi niya nakikita ang katotohanan upang ito ay kanyang sundin at hindi niya naririnig ang nag-aanyaya sa kanya tungo sa Allâh (I) upang siya ay magpagabay, subali’t ang grupo ng mga may pananampalataya ay tiyak na nakikita ang mga katibayan ng Allâh (I) at naririnig ang nag-aanyaya sa kanya tungo sa Allâh (I) at ito ay kanyang tinugunan, maaari ba na magkaparehas ang dalawang grupong ito? At kung gayon hindi ba kayo nakauunawa at nakaiintindi?
25. At katiyakan, ipinadala Namin si Nûh (u) tungo sa kanyang sambayanan at sinabi sa kanila: “Katiyakan, ako ay babala sa inyo mula sa kaparusahan ng Allâh (I), at naglilinaw sa anumang mensahe na dala-dala ko para sa inyo, na mga ipinag-uutos ng Allâh (I) at Kanyang ipinagbabawal.”

26. “Inuutusan ko kayo na huwag sumamba ng iba kundi sa Allâh (I) lamang, at katotohanan na ako ay nangangamba sa inyo hinggil sa matinding kaparusahan ng Allâh (I) kung hindi ninyo sasambahin ang Allâh (I) nang bukod-tangi.”

27. At sinabi ng mga pinuno ng mga walang pananampalataya mula sa kanyang sambayanan: “Ikaw sa katotohanan ay hindi anghel kundi ikaw ay tao lamang, na kung kaya, paano nangyari na ikaw ay pinagkalooban ng Rebelasyon at hindi kami? At wala kaming nakikita na sumusunod sa iyo kundi ang mga yaong mababang uri mula sa amin at sinunod ka nila nang hindi nila ginagamit ang kanilang pag-iisip, at hindi namin nakikita na nalalamangan ninyo kami sa kabuhayan at kayamanan, noong pinasok ninyo ang ‘Deen’ o Relihiyong ito, sa halip ay naniniwala kami na kayo ay nagsisinungaling sa inyong pag-aangkin.”

28. Sinabi ni Nûh (u): “O aking sambayanan! Sabihin nga ninyo sa akin, kung ako ba ay nagtatangan ng malinaw na katibayan mula sa aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha, sa anumang dala-dala ko sa inyo na mensahe mula sa Kanya na nagpapatunay na ako ay nasa katotohanan, at pinagkalooban Niya ako ng Awa mula sa Kanya, na ito ay ang aking pagiging Propeta at Sugo, subali’t ito ay inilihim sa inyo dahil sa inyong kamangmangan at inyong kayabangan. Maaari kayang pilitin ko kayo na sumunod kahit kayo ay tumatanggi at kinamumuhian ito? Hindi namin ito gagawin bagkus ay ipauubaya namin sa Allâh (I) ang anumang pangyayari hinggil sa inyo hanggang sa magpasiya ang Allâh (I) ng anuman na Kanyang nais para sa inyo.”


29. Sinabi ni Nûh (u) sa kanyang sambayanan: “O aking sambayanan! Hindi ako humihiling sa inyo hinggil sa aking iniaanyaya sa inyo na Kaisahan ng Allâh (I) at sa taos-pusong pagsamba lamang sa Kanya ng anumang kayamanan na ibibigay ninyo sa akin kapag kayo ay naniwala, subali’t ang gantimpala ng aking pagpapayo sa inyo ay sa Allâh (I) lamang nagmumula, at hindi maaaring ipagtabuyan ko ang mga naniwala, dahil katiyakan na makatatagpo nila ang Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa Araw ng Muling Pagkabuhay, subali’t ang nakikita ko sa inyo, kayo ay mga tao na mga mangmang; dahil sa pag-uutos ninyo sa akin na ipagtabuyan ang mga taong malalapit sa Allâh (I) at ilayo ko sila sa akin.”

30. “O aking sambayanan! Sino ang tutulong sa akin sa Allâh (I) kapag pinarusahan Niya ako dahil sa aking pagtataboy sa mga mananampalataya? Hindi ba ninyo sinusuri-suri ang mga bagay-bagay upang gawin ninyo ang anumang kapaki-pakinabang at nakabubuti sa inyo?

31. “At hindi ko sinasabi sa inyo na ako ay may kapangyarihan na panghimasukan ang mga Kabuhayan na nagmumula sa Allâh (I), ni sinasabing ako ay may kaalaman hinggil sa ‘Ghayb’ o mga bagay na lihim; ni sinasabing ako ay nagmula sa mga anghel, at hindi ko rin sinasabi sa kanila na inyong mga minamaliit na tinatawag ninyong mahihinang mananampalataya na: kailanman ay hindi kayo pagkakalooban ng Allâh (I) ng gantimpala sa inyong mga gawain, dahil ang Allâh (I) ay Bukod-Tangi na Ganap na Nakaaalam sa anuman na nasa kanilang mga kalooban at mga puso, at kapag ito ay aking ginawa, samakatuwid, magiging kabilang ako sa kanila na mga masasama na ipinahamak ang kanilang mga sarili at ipinahamak nila ang iba.”

32. Sinabi nila: “O Nûh! Sa katunayan, ikaw ay nakipagtalo sa amin at labis na ang iyong pagkikipagtalo, na kung kaya, dalhin mo na rito ang ipinapangako mong kaparusahan kung ikaw ay totoo sa iyong pag-aangkin.”

33. Sinabi ni Nûh sa kanyang sambayanan: “Katiyakan, ang Allâh (I), Siya lamang ang Bukod-Tanging magpaparating ng kaparusahan sa inyo kung ito ay Kanyang nanaisin, at hindi kayo makatatakas kapag ninais Niya ang pagpaparusa sa inyo; dahil Siya lamang, sa katotohanan ang hindi mapipigilan sa anumang Kanyang kagustuhan dito sa kalupaan at ganoon din sa kalangitan.”

34. “At hindi magiging kapaki-pakinabang sa inyo ang aking pagpapayo at ang aking pagsusumikap na pag-aanyaya sa inyo tungo sa paniniwala kapag ninais ng Allâh (I) na kayo ay iligaw at ipahamak, dahil Siya lamang ang Nagmamay-ari sa inyo at sa Kanya lamang kayo ibabalik sa Kabilang-Buhay para sa Paghuhukom at Pagbabayad.”

35. O di kaya ay sinasabi ba ng mga walang pananampalataya mula sa sambayanan ni Nûh: “Inimbento ni Nuh ang salitang ito?” Sabihin mo sa kanila: “Kung ito ay aking inimbento laban sa Allâh (I) ay sa akin lamang ang pagkakasala nito – ako ang mananagot nito, subali’t kung ako ay totoo at inosente sa lahat ng inyong mga ibinibintang ay kayo naman ang ituturing na masasama at mga makasalanan, at ako ay ligtas sa ginawa ninyong pagtanggi, pagpapasinungaling at pagiging masama.”

36. At ipinahayag ng Allâh (I) kay Nûh noong napatunayan, na ang kanyang sambayanan ay karapat-dapat sa parusa: “Katiyakan, wala nang sinuman ang maniniwala sa Allâh (I) mula sa kanila maliban sa sinumang naniwala noon, na kung kaya, huwag kang malungkot, O Nûh, sa anuman na kanilang ginagawa.”

37. “Gawin mo ang Arka sa pamamagitan ng Aming Pagmamasid at ayon sa Aming Rebelasyon, at huwag mo nang hilingin pa sa Akin na iantala Ko ang kaparusahan sa kanila na mga masasama mula sa iyong sambayanan dahil sa kanilang pagtanggi, walang pag-aalinlangan, sila ay malulunod sa pamamagitan ng delubyo o dakilang baha.”

Dito sa ‘Âyah’ o talatang ito, ang patunay na ang Allâh (I) ay mayroong paningin ayon sa Kanyang Kamaharlikaan, na walang kahalintulad na alinman.


38. At habang ginagawa niya ang Arka, sa tuwing dumaraan sa kanya ang grupo ng mga matataas na tao mula sa kanyang sambayanan ay kanila siyang kinukutya, na sinabi naman ni Nûh sa kanila: “Kung kinukutya ninyo kami ngayon dahil sa hindi ninyo alam ang katotohanan hinggil sa pangako ng Allâh (I), walang pag-aalinlangan ay kukutyain din namin kayo pagdating ng inyong pagkalunod na katulad ng pangungutya ninyo sa amin.”
39. “At walang pang-alinlangang malalaman ninyo kapag dumating ang pasiya ng Allâh (I); kung kanino ipararanas ang parusa ng Allâh (I) dito sa daigdig na pagpapahamak, at magaganap sa kanya ang walang hanggang masidhing kaparusahan sa Kabilang-Buhay.”

40. Na kung kaya, nagpatuloy sa ganoong kahibangan hanggang sa dumating ang Aming kautusan na puksain sila na katulad ng ipinangako Namin kay Nûh, at bumulwak ang malakas na tubig mula sa ‘Tannur’ (lugar na pagawaan ng tinapay) bilang tanda ng pagdating ng kaparusahan hanggang kumalat sa kalupaan, at sinabi Namin kay Nûh: “Dalhin mo sa Arka mula sa bawa’t uri ng hayop ang dalawang magkaparis at isama mo rin doon ang iyong pamilya – maliban sa kanya na nauna na ang pasiya dahil sa hindi siya naniwala sa Allâh (I), na katulad ng kanyang isang anak at saka ang kanyang asawa – at isama mo rin doon sa Arka ang sinumang naniwala sa iyo mula sa iyong sambayanan. At walang sinuman ang naniwala sa kanya kundi kakaunti lamang, kahit na ganoon pa katagal ang pananatili ni Nûh sa kanila.”

41. At sinabi ni Nûh sa sinumang naniwala sa kanya: “Sumakay kayo sa Arka: sa Ngalan ng Allâh (I) ito ay lulutang sa tubig at sa Ngalan ng Allâh (I) ito ay dadaong at titigil sa paglayag nito. Katiyakan, ang aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha, Siya ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa kasalanan ng sinumang nagsisi at nagbalik-loob sa Kanya mula sa Kanyang mga alipin, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila na hindi sila pinarurusahan pagkatapos ng kanilang pagsisisi.”
42. At inilalayag sila nito mula sa kalagitnaan ng mga naglalakihang alon na kasing-taas ng mga bundok, at tinawag ni Nûh ang kanyang anak na inilayo nito ang kanyang sarili mula sa mga mananampalataya, at sinabi sa kanya: “O aking anak, sumakay ka na sa Arka kasama sa amin at huwag kang sumama sa mga walang pananampatalaya dahil malulunod ka.”

43. Sinabi ng anak ni Nûh: “Ililigtas ko ang aking sarili sa pamamagitan ng pagpunta roon sa bundok upang ako ay mapalayo sa tubig, at mailigtas mula sa pagkalunod.” Tinugunan siya ni Nûh: “Walang sinuman na maliligtas mula sa kagustuhan ng Allâh (I) at Kanyang pagpasiya na mangyari ang pagkalunod at pagkawasak sa Kanyang mga nilikha maliban sa sinuman ang kinaawaan ng Allâh (I), na kung kaya, maniwala ka na at sumakay ka na sa Arka na kasama namin.” At humarang na pagkatapos nito sa pagitan ng mag-ama ang matataas na alon at napasama na siya sa mga nalunod at namatay.

44. At sinabi ng Allâh (I) sa kalupaan, pagkawasak ng sambayanan ni Nûh: “O kalupaan! Sipsipin mo ang tubig mo, at O kalangitan! Itigil mo ang ulan.” At humupa ang tubig, at naganap ang itinakda ng Allâh (I) na pagkawasak sa sambayanan ni Nûh at dumaong ang Arka sa bundok ng ‘Al-Jûdi,’ at sinabi: “Kapahamakan at sumpa sa mga taong masasama na lumabag sa batas ng Allâh (I) at hindi naniwala.”

45. At nanawagan si Nûh sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at sinabi: “O aking ‘Rabb!’ Katiyakang ipinangako Mo sa akin na ililigtas Mo ako at ang aking pamilya mula sa pagkalunod at pagkawasak, at katotohanan na ang aking anak ay kabilang sa aking pamilya, at tunay na ang Iyong pangako ay totoo, at Ikaw ay ‘Ahkamul Hâkimeen’ – Pinakamatarungan sa lahat ng makatarungan.”

46. Sinabi ng Allâh (I): “O Nûh, ang anak mo na namatay ay di-kabilang sa pamilya na ipinangako Ko sa iyo na Aking ililigtas; dahil sa siya ay lumabag sa Allâh (I) at ang kanyang gawain ay kawalang-katarungan (masama), at katiyakan na pinagba-bawalan kita na hilingin sa Akin ang bagay na wala kang kaalaman, katiyakang pinapayuhan kita upang hindi ka mapabilang sa mga mangmang sa paghiling mo sa Akin hinggil diyan.”

47. Sinabi ni Nûh: “O aking ‘Rabb!’ Hinihingi ko ang kalinga Mo at ang Iyong pangangalaga mula sa hiniling ko sa Iyo na wala akong kaalaman, at kapag hindi Mo pinatawad ang aking pagkakasala, at hindi Mo ako pagka-kalooban ng Awa ay mapapabilang ako sa mga talunan at hinamak ang kanilang mga sarili.”

48. Sinabi ng Allâh (I): “O Nûh! Bumaba ka mula sa Arka tungo sa kalupaan na nasa kaligtasan at kapayapaan mula sa Amin, at ang mga biyaya ay sumaiyo at sa mga tao na kasama mo. Subali’t mayroong mga tao at mga grupo na mula sa mga talunan na pagkakalooban (din) Namin sila ng kasiyahan ng buhay dito sa daigdig, hanggang sa marating nila ang dulo ng kanilang buhay, pagkatapos ay ipalalasap Namin sa kanila ang matinding kaparusahan mula sa Amin sa Araw ng Muling Pagkabuhay.”

49. Iyan ang kuwento na Aming isinalaysay sa iyo, O Muhammad (r), hinggil sa kuwento ni Nûh at ng kanyang sambayanan, na kabilang sa mga kuwento ng ‘Ghayb’ – kabilang sa kuwento ng mga nakaraan na hindi mo nasaksihan, na Aming ipinahayag sa iyo, na wala kang kaalaman, ikaw at ang iyong sambayanan, bago naganap ang pagkakapahayag na ito.

Na kung kaya, tiisin mo ang pagpapasinungaling ng iyong sambayanan at ang kanilang pananakit sa iyo, na katulad ng pagtitiis ng mga naunang mga Propeta.

Katiyakan, ang magandang hantungan dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay ay para lamang sa mga may takot sa Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsunod sa lahat ng mga ipinag-uutos ng Allâh (I) at pag-iwas sa lahat ng Kanyang mga ipinagbabawal.

50. At sa sambayanan ni `Âd, Aming ipinadala sa kanila ang kanilang kapatid na si Hûd (u), na sinabi sa kanila: “O aking sambayanan! Sambahin ninyo ang Allâh (I) nang bukod-tangi at walang sinuman sa inyo ang karapat-dapat na sumamba sa iba kundi sa Kanya lamang, na kung kaya, sambahin ninyo Siya nang taos-puso. Walang pag-aalinlangan na pagsisinungaling at pag-iimbento lamang ang ginagawa ninyong pagtatambal sa pagsamba sa Kanya.”

51. “O aking Sambayanan! Wala akong hinihiling sa inyo bilang kabayaran sa paghihikayat ng pagsamba nang taimtim na bukod-tangi na para lamang sa Allâh (I) at pag-iwas sa pagsamba ng mga diyus-diyosan, dahil ang aking gantimpala sa pag-aanyaya ko sa inyo ay nagmumula lamang sa Allâh (I) na Siyang Lumikha sa akin. Na kung kaya, hindi ba kayo nakaiintindi kung gayon, nang sa gayon ay mabatid ninyo ang pagkakaiba ng katotohanan sa kamalian?”

52. “At O aking sambayanan! Humingi kayo ng kapatawaran sa Allâh (I) sa pamamagitan ng paniniwala ninyo sa Kanya at magbalik-loob kayo sa Kanya sa pamamagitan ng pagsisisi sa mga nagawa ninyong kasalanan, at kapag ito ay inyong ginawa magpapadala sa inyo ang Allâh (I) ng masaganang ulan na magkakasunud-sunod, upang lumaganap nang masagana ang kabutihan, at makaragdag ito ng lakas sa inyong lakas sa pamamagitan ng dami ng inyong lahi at sa pagkakasunud-sunod na mga biyaya sa inyo, at huwag ninyong talikuran ang paanyaya ko sa inyo na magpumilit kayo sa inyong mga masasamang gawain.”

53. Sinabi nila: “O Hûd! Wala kang katibayan hinggil sa dinala mo sa amin bilang pagpapatunay na totoo ang iyong paanyaya, at hindi namin iiwan ang mga diyus-diyosan na aming mga sinasamba dahil lamang sa iyong sinasabi at hindi kami naniniwala sa mga pag-aangkin mo.”


54-55. Ang masasabi lamang namin ay ipinaranas sa iyo ang sumpa ng ilan sa aming mga diyus-diyosan na sinasamba kaya ka nasiraan ng kaisipan dahil sa pagbabawal mo na sambahin ang mga ito. Kanyang sinabi sa kanila: “Pinasasaksi ko ang Allâh (I) sa anuman na aking sinasabi at pinasasaksi ko kayo na ako ay walang pananagutan sa anumang inihahanay ninyo na sinasamba bukod sa Allâh (I), na mga itinatambal ninyo na mga rebulto na inyong sinasamba, na kung kaya, maghanap kayo at gawin na ninyo ang anuman na inyong kakayahan, kayo at ang mga inaangkin ninyo na mga sinasamba upang ipahamak ako, pagkatapos ay huwag ninyong iaantala nang kahit na isang kisap-mata.”
Ito ang patunay na si Propeta Hûd ay ganap ang pagtitiwala sa Allâh (I) na walang anumang maaaring mangyari sa kanya na kapinsalaan na magmumula sa kanila at kahit sa kanilang mga sinasamba na mga diyus-diyosan.

56. “Katiyakan na ipinauubaya ko ang aking sarili sa Allâh (I) na aking ‘Rabb’ at inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha na Nagmamay-ari ng lahat ng bagay at Nangangasiwa nito, na kung kaya, walang anuman ang maaaring mangyari sa akin maliban sa Kanyang kagustuhan, at Siya ay Ganap na Makapangyarihan sa lahat ng bagay! Walang anumang bagay na gumagapang sa ibabaw ng kalupaan kundi bukod-tangi na Pagmamay-ari lamang ng Allâh (I), at ito ay nasa ilalim ng Kanyang Kapangyarihan at Pangangasiwa.

“Katiyakan, ang aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay Siyang nasa Matuwid na Landas, na Siya ay Ganap na Makatarungan sa Kanyang pagpasiya sa Kanyang Batas at sa Kanyang Kautusan, at tinutumbasan Niya ng kabutihan ang sinumang gumagawa ng kabutihan at pinarurusahan Niya ang sinumang gumagawa ng kasamaan.

57. “Na kung kaya, kung tatanggihan ninyo ang paghihikayat ko sa inyo tungo sa Kaisahan ng Allâh (I) at taimtim na pagsamba lamang sa Kanya ay walang pag-aalinlangan na naiparating ko na sa inyo ang mensahe ng aking ‘Rabb’ na para sa inyo, naipamalas ko na ang malinaw na katibayan, at dahil sa hindi kayo naniwala sa Allâh (I) ay pupuksain Niya kayo at magpapalitaw Siya ng ibang tao na papalit sa inyo sa inyong mga tahanan at sa inyong mga kayamanan, na sila ay dalisay ang kanilang pagsamba sa Kaisahan ng Allâh (I) at wala kayong anumang magagawa laban sa Allâh (I). Katiyakan, ang Allâh (I) na aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay ‘Hafeedz’ – Ganap na Tagapangalaga sa lahat ng bagay, na kung kaya, ililigtas Niya ako mula sa anumang masama ninyong balakin.”

58. At nang dumating ang Aming kautusan na parusahan ang sambayanan ni Hûd ay iniligtas Namin si Hûd at ang mga mananampalataya na naniwala sa kanya bilang Kagandahang-Loob at Awa Namin sa kanila, at iniligtas Namin sila mula sa matinding parusa na Aming iginawad kina `Âd at sa kanyang mga tagasunod, hanggang sa wala ka nang makikita kundi ang kanilang mga tahanan na lamang.

59. Ganoon ang nangyari sa sambayanan ni `Âd na nilabag nila ang mga talata ng Allâh (I) at sinalungat nila ang Kanyang mga Sugo, at ang sinunod lamang nila ay ang kautusan ng lahat ng nagmataas laban sa Allâh (I) na hindi tumatanggap ng katotohanan at hindi nagpapakumbaba.

60. At nangyari sa kanila ang sumpa dito sa daigdig mula sa Allâh (I) at pagkamuhi sa Araw ng Muling Pagkabuhay. Katiyakan! Walang pag-aalinlangang ang sambayanan ni `Âd ay tumanggi sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at pinasinungalingan ang Kanyang mga Sugo. Na kung kaya, hinamak ang sambayanan ni `Âd na kabilang sa sambayanan ni Hûd at malayung-malayo na sila sa awa ng Allâh (I) dahil sa kanilang pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I) at pagbabalewala nila sa biyaya ng kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha.

61. At ipinadala Namin sa sambayanan ni Thamoud ang kanilang kapatid na si Sâleh (u), at kanyang sinabi sa kanila: “O aking sambayanan! Sambahin ninyo ang Allâh (I) nang bukod-tangi na walang katambal, at maging taimtim kayo sa pagsamba sa Kanyang Kaisahan, dahil walang pag-aalinlangan, wala kayong ibang ‘ilâh’ (diyos na karapat-dapat sambahin) bukod sa Kanya, Siya ang Lumikha sa inyo sa unang paglikha na mula sa lupa dahil sa nilikha Niya ang inyong ama na si Âdam mula rito, at ginawa Niya na kayo ay manahan (manirahan) doon, na kung kaya, hilingin ninyo sa Kanya ang kapatawaran sa inyong mga pagkakasala at magbalik-loob kayo sa Kanya sa pamamagitan ng taos-pusong pagsisisi. Katiyakang ang aking ‘Rabb’ ay napakalapit (sa pamamagitan ng Kanyang Ganap at Walang-Hanggang Kaalaman) sa sinumang taimtim ang kanyang pagsamba sa Kanya, at nagnanais na malinis ang kanyang sarili na tumutugon sa kanya kapag siya ay nangangailangan.”

62. Sinabi ng sambayanan ni Thamoud sa kanilang Propeta na si Sâleh: “Katiyakan, kami ay umaasa na ikaw ay maging pinuno para sa amin na sinusunod noong bago mo sabihin ang bagay na iyan sa amin, pagbabawalan mo ba kami na sambahin ang mga diyus-diyosan na sinamba ng aming mga ninuno? At kami sa katunayan ay may pag-aalinlangan sa anumang hinihikayat mo sa amin tungo sa pagsamba sa Kaisahan ng Allâh (I).”
63. Sinabi ni Sâleh sa kanyang sambayanan: “O Aking sambayanan! Sabihin nga ninyo sa akin, kung ako ay mayroong malinaw na katibayan mula sa Allâh (I), at pinagkalooban Niya ako ng biyaya bilang pagka-Propeta, sino ang may kakayahan na iligtas ako mula sa kaparusahan ng Allâh (I) kapag Siya ay aking nilabag at hindi ko ipinarating ang Kanyang mensahe at hindi ako nagbigay ng pagpapayo sa inyo? Subali’t wala kayong naidaragdag sa akin kundi pagkaligaw at pagkalayo mula sa kabutihan.”


64. “At O aking sambayanan! Ito ay babaing kamelyo ng Allâh (I) na ginawa Niya para sa inyo bilang katibayan at palatandaan, na nagpapatunay na ako ay totoo sa aking paghihikayat sa inyo, na kung kaya, pabayaan ninyo ito na manginain sa kalupaan ng Allâh (I) dahil hindi naman kayo ang nagkakaloob ng kabuhayan nito, huwag ninyong pakialaman at patayin sa pamamagitan ng pagsaksak dahil kapag ito ay ginawa ninyo, hindi magtatagal ay pupuksain kayo ng Allâh (I) sa pamamagitan ng Kanyang masidhing kaparusahan.”
65. Subali’t hindi sila naniwala kay Sâleh at pinatay nila ang babaing-kamelyo, kaya sinabi sa kanila ni Sâleh: “Magpakasaya na kayo sa inyong mga sarili sa inyong mga bahay nang tatlong araw dahil pagkatapos nito ay darating sa inyo ang kaparusahan, at ito ay pangako ng Allâh (I) na walang kasinungalingan at tiyak na magaganap.”

66. At nang dumating ang Aming Kautusan na pagpuksa sa sambayanan ni Thamoud ay iniligtas Namin si Sâleh at ang mga yaong naniwala sa kanya mula sa pagkahamak dahil sa Aming Awa sa kanila. At iniligtas Namin sila sa kapahamakan at kahihiyan. Katiyakan, ang Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, O Muhammad (r), Siya ay ‘Al-Qawee’ – ang Ganap na Malakas, na ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan, at bilang Lakas Niya at Kapangyarihan ay pinuksa Niya ang mga naunang naghimagsik na mga tao, at iniligtas Niya ang mga Sugo at ang kanilang mga tagasunod.

67. At dumating sa sambayanan ni Thamoud na mga masasama ang napakalakas na ingay, na kung kaya, sila ay nakahandusay na mga bangkay na nakasubsob ang kanilang mga mukha na walang anumang buhay sa kanilang mga tahanan.

68. Na katulad ng napakabilis nilang pagkamatay ay parang hindi man lamang sila nabuhay noon doon. Katiyakan! Walang pag-aalinlangan na ang sambayanan ni Thamoud ay nilabag ang mga talata ng kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at mga katibayan. Na kung kaya, napakalayo na ng sambayanan ni Thamoud at itinakwil mula sa Awa ng Allâh (I), samakatuwid, napakasama ng kanilang naging kapalaran at napakahamak nila.
69. At katiyakan, dumating ang mga anghel kay Ibrâhim (u) na may magandang balita para sa kanya at sa kanyang asawa, na siya ay magkakaroon ng anak na magngangalang Ishâq (u) at si Ishâq naman ay magkakaroon ng anak na si Ya`aqub (u), at kanilang sinabi (ng mga anghel): “Salâman – Kapayapaan ay sumainyo,” kanyang sinabi bilang pagtugon sa kanilang pagsabi: “Salâmun – Kapayapaan ay sumainyo (rin),” at pagkatapos siya ay umalis nang dali-dali at dala-dala niya sa kanyang pagbalik ang inihaw na matabang anak ng baka upang sila ay pakanin mula rito.

70. Nang makita ni Ibrâhim na hindi nila ginagalaw ang pagkaing baka na inihain niya sa kanila at hindi sila kumain mula rito, namangha siya sa kanila, at nagkaroon siya ng takot sa kanyang sarili at ito ay kanyang kinimkim. Sinabi ng mga anghel – noong nakita nila kay Ibrâhim ang takot: “Huwag kang matakot dahil walang pag-aalinlangan na kami ay mga anghel mula sa Allâh na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na ipinadala kami tungo sa sambayanan ni Lût upang sila ay puksain.”

71. At ang asawa ni Ibrâhim na si Sârah ay nakatayo (roon) na nakakubli sa likuran nila na narinig niya ang salita, at natawa siya bilang pagkamangha sa kanyang narinig. Subali’t ibinigay Namin sa kanya ang magandang balita sa pamamagitan ng mga anghel, na siya ay magkakaroon ng anak mula sa kanyang asawa na si Ibrâhim, na ang sanggol na ito ay pangangalanang Ishâq, at ang kanyang anak na ito ay mamumuhay at magkakaroon siya mula sa anak na ito na si Ishâq ng apo, na ang kanyang pangalan ay Ya`qub.


72. Sinabi ni Sârah bilang pagtataka noong ibinalita sa kanya na siya ay magkakaroon ng anak na si Ishâq: “Kapighatian sa akin! Paano ako magkakaroon ng anak samantalang ako ay matanda na, at itong aking asawa ay nasa matindi na ring katandaan? Katiyakan, ang pagkakaroon ng anak ng katulad ko at ang katulad ng aking asawa na nasa matinding katandaan ay isang bagay na hindi kapani-paniwala.”
73. Sinabi ng mga Sugo (mga anghel) sa kanya: “Namamangha ka ba sa kagustuhan at itinakda ng Allâh (I)? Ang awa ng Allâh (I) at ang Kanyang pagpapala ay sumainyo, O kayong pamilya na mula sa Tahanan ng pagka-Propeta. Walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) na Luwalhati sa Kanya na Kataas-Taasan, Siya ay ‘Hameed’ – Ganap na Kapuri-Puri na nasa Kanya ang mga kapuri-puring katangian at mga gawain, na ‘Majeed’ – Ganap na Kapuri-Puri dahil sa Kanyang Kataas-Taasan at Karangalan, Pinakamaluwalhati.”

74. At nang mawala na ang takot ni Ibrâhim dahil sa hindi pagkain ng kanyang mga panauhin at hinggil sa pagdating sa kanya ng magandang balita na pagkakaroon ng anak na si Ishâq at pagkakaroon ng apo na si Ya`qub (u) ay nagpatuloy pa rin siya sa pakikipagtalo sa Aming mga Sugo hinggil sa pagpapadala Namin sa kanila upang parusahan ang sambayanan ni Lût at puksain.

75. Katiyakan, si Ibrâhim ay walang pag-aalinlangan na napakalawak ang kanyang pang-unawa, na ayaw niya ang biglaang pagpaparusa, at kinagawian niya na manalangin sa Allâh (I) nang buong kapakumbabaan at kataimtiman, at siya ay nagbabalik-loob tungo sa Allâh (I) at ipinauubaya niya sa Allâh (I) ang lahat ng mga pangyayari.

76. Sinabi ng mga Sugo ng Allâh (mga anghel): “O Ibrâhim! Iwasan mo na ang pakikipagtalo hinggil sa sambayanan ni Lût at paghihingi ng awa para sa kanila; dahil katiyakan na itinakda na ng Allâh (I) ang pagpaparusa sa kanila, at dumating na ang Kautusan ng iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha na nakatakda para sila ay puksain. Katiyakan, ibababa na ang kaparusahan mula sa Allâh (I) na walang sinuman ang makapipigil nito.”

77. At noong dumating ang mga anghel na Sugo Namin kay Lût ay nagdalamhati siya sa kanilang pagdating at nalungkot; dahil sa hindi niya alam na sila ay mga Sugo ng Allâh, kaya natakot siya sa gagawin laban sa kanila ng kanyang sambayanan at kanyang sinabi: “Ito ay araw ng matinding pagsubok at paghihinagpis.”

78. At dumating ang sambayanan ni Lût na nagmamadali tungo sa kanya upang hilingin na mapahintulutan sila na makagawa ng karumal-dumal na gawain sa kanila, at sila noon bago ang pagdating ng mga Sugo ay pinagnanasaan at nakikipagtalik ang mga kalalakihan sa kapuwa nila kalalakihan at hindi sa mga kababaihan (na kanilang mga asawa), at sinabi ni Lût sa kanila: “Ito ang aking mga anak, mga kababaihan, pakasalan ninyo sila dahil sila ay higit na malinis para sa inyo kaysa sa inyong nais na masama,” – at tinawag ni Lût ang mga kababaihan na aking mga anak dahil ang isang Propeta sa kanyang sambayanan ay katumbas ng kanilang ama, – “at matakot kayo sa Allâh (I) sa pamamagitan ng paglayo sa Kanyang mga kaparusahan, at huwag ninyo akong ipahiya sa pamamagitan ng pakikialam sa aking mga panauhin! Wala ba kayo ni isa mang matinong lalaki na pagbabawalan ang sinumang nagnanais na gumawa ng anumang kahalayan at ilalayo ang sinuman mula rito?”

79. Sinabi ng sambayanan ni Lût sa kanya: “Katiyakan, alam mo noon pa man na wala kaming anumang pagnanasa sa mga kababaihan at hindi kami nangangailangan sa kanila, at katotohanan na batid mo ang aming kagustuhan, na kami ay walang hilig kundi mga kalalakihan at hindi namin nais na mag-asawa ng mga kababaihan.”

80. Sinabi sa kanila noong sila ay tumanggi sa kanya at nais pa rin nilang gumawa ng kahalayan: “Kung mayroon lamang akong kapangyarihan, o mga kaagapay na tagatulong sa akin, na gapiin sila, o di kaya ay tutungo ako sa mga may kapangyarihan na tutulong sa akin laban sa kanila, ay tiyak na ilalayo ko sa kanila ang anuman na kanilang nais.”

81. Sinabi ng mga Anghel: “O Lût, katiyakan, kami ay Sugo ng iyong ‘Rabb,’ ipinadala kami upang puksain ang iyong sambayanan! Katiyakan na hindi ka nila maaabot upang ikaw ay kanilang pakialaman o pinsalain! Na kung kaya, lumabas ka na sa bayan na ito, ikaw at ang iyong pamilya habang may natitira pang bahagi sa gabing ito, at walang sinuman ang nararapat na lumingon sa inyo; upang hindi niya makita ang parating na parusa, subali’t ang iyong asawa ay maiiwan dahil niloko ka niya at siya ay lumabag sa Allâh (I), na kung kaya, walang pag-aalinlangan, matatamo niya ang anumang natamo ng iyong sambayanan na pagkawasak, at katiyakan na nakatakda ang pagkawasak sa kanila sa umaga, hindi ba napakalapit na ang pagdating ng umaga?”

82-83. At nang dumating ang Aming Kautusan na ibaba ang parusa sa kanila, binaligtad Namin ang kanilang bayan, na ang nasa ibabaw ay napunta sa ibaba, at pinaulanan Namin sila ng mga bato na mula sa mga matitigas na luwad o ‘clay’ at sa napakaayos na pagkakasalansan at pagkakasunud-sunod nito, na may tanda na nagpapahiwatig na ito ay mula sa Allâh (I), na ito ay hindi katulad ng alinmang bato rito sa kalupaan, at ang mga batong ito na pinaulan ng Allâh (I) sa sambayanan ni Lût ay hindi malayo na ipaulan din Niya ang mga ganito sa mga Quraysh, at ang kaparusahang ito na naganap ay pagbabanta sa sinumang lumalabag at naghi-himagsik laban sa Allâh (I).
84. At ipinadala rin Namin sa sambayanan ni Madyan ang kanyang kapatid na si Shu`ayb (u) at kanyang sinabi: “O aking sambayanan! Sambahin ninyo ang Allâh (I) nang bukod-tangi na Nag-iisa dahil wala kayong dapat na sambahin bukod sa Kanya, at huwag ninyong dayain ang karapatan ng mga tao sa pamamagitan ng di-pagbibigay ng tamang sukat at timbang, dahil nakikita ko na kayo ay nasa kasaganaan at maluwag na pamumuhay, at katiyakan na ako ay natatakot na mangyari sa inyo ang kaparusahan dahil sa pagbabawas na ginagawa ninyo sa sukat at timbang, sa Araw na kayo ay hindi makaliligtas sa kaparusahan.”

85. “At O aking sambayanan! Isagawa ninyo nang makatarungan ang pagbibigay ng sukat at timbang, at huwag ninyong bawasan ang karapatan ng mga tao sa lahat ng inyong pakikitungo sa kanila, at huwag kayong magsitungo sa kalupaan na gumagawa ng paglabag sa Allâh (I) at pagkalat ng kasamaan.”

86. “Katiyakan, anuman ang itinira ng Allâh (I) para sa inyo pagkatapos ninyong isagawa ang tamang sukat at timbang, ay ito ang tunay na legal o ‘halâl’ na kita ninyo, na higit na nakabubuti sa inyo kaysa sa inyong kinita sa pandaraya at sa anumang ipinagbabawal na pinagkakakitaan, kung kayo ay naniniwala sa Allâh (I) nang tunay ay sundin ninyo ang Kanyang ipinag-utos. At hindi ako tagapangalaga para sa inyo upang bilangin ang inyong mga gawain.”

87. At kanilang sinabi: “O Shu`ayb! Ang ‘Salah’ (o pagdarasal) mo bang ito na patuloy mong isinasagawa ay nag-uutos sa iyo na iwan ang anumang sinasamba ng ating mga ninuno na mga rebulto at mga imahen, o di kaya ay itigil namin ang mga panloloko at pandarayang ginagawa namin sa anumang pinagkakakitaan namin? At kanilang sinabi bilang pag-aalipusta: “Katunayan, ikaw ay isang tao na may malawak na pang-unawa at matino.”

88. Sinabi ni Shu`ayb: “O aking sambayanan! Sabihin nga ninyo sa akin kung ako ay nasa malinaw na daan mula sa aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa anumang hinihikayat ko sa inyo na pagsamba nang dalisay at taimtim na para lamang sa Kanya, at sa anumang ipinagbabawal ko sa inyo na pamiminsala sa kayamanan, at pinagkalooban Niya ako mula sa Kanya ng maraming kabuhayan na legal at malinis, hahaluan ko ba ito ng kita mula sa masama?

“At hindi ko nais na maging salungat sa inyo, na isasagawa ang anumang bagay na ipinagbabawal ko sa inyo, at wala akong hangarin sa anumang ipinag-uutos ko at ipinagbabawal sa inyo, kundi upang ituwid lamang kayo sa abot ng aking kakayahan.

“At ang aking patnubay tungo sa katotohanan at pagsasatuwid sa inyo ay hindi mangyayari maliban na lamang sa kagustuhan ng Allâh (I), at sa Allâh (I) na Bukod-Tangi ko ipinauubaya ang aking sarili at sa Kanya ako nagbabalik-loob at nagsisisi.”


89. “At O aking sambayanan! Huwag ninyong hayaan na maging daan ang inyong pakikipaglaban at galit sa akin upang kayo ay lumayo sa ‘Deen’ o Relihiyon na aking kinaroroonan, at pagpapanatili ninyo sa paglabag sa Allâh (I), dahil mangyayari sa inyo ang katulad ng nangyari sa sambayanan ni Nûh, o di kaya ay sa sambayanan ni Hûd, o di kaya ay sa sambayanan ni Sâleh, sa kanilang pagkawasak, at sa sambayanan ni Lût, na dumating sa kanila na kaparusahan, na maging sa lugar na pinangyarihan at panahon ay hindi pa rin ito nalalayo.”
90. “At hilingin ninyo sa inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha na patawarin kayo sa inyong mga pagkakasala, pagkatapos ay manumbalik kayo sa pagsunod sa Kanya at doon na kayo manatili. Katiyakan, ang aking ‘Rabb’ ay ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal, na ‘Wadoud’ – Pinakamapagmahal sa sinumang malalapit (sa Allâh) na nagsisisi at nagbabalik-loob sa Kanya, na kinaaawaan Niya ito at tinatanggap Niya ang kanyang pagsisisi.”

At sa ‘Âyah’ o talatang ito ang patunay hinggil sa katangian ng Allâh (I) na ‘Raheem’ at ‘Wadoud,’ na ang mga ito ay karapat-dapat lamang sa Kanyang Kaluwalhatian.

91. Sinabi nila: “O Shu`ayb, hindi namin naiintidihan ang karamihan sa iyong mga sinasabi, at katiyakan na ang tingin namin sa iyo ay mahina at hindi ka kabilang sa mga matataas o kinikilala, kung hindi lamang dahil sa iyong pamilya ay papatayin ka namin sa pamamagitan ng pagbato – ang tinutukoy na pamilya niya rito ay yaong sumusunod sa kanyang ‘Deen’ – at wala kang halaga sa amin upang ikaw ay aming igalang.”

92. Kanyang sinabi: “Ang akin bang pamilya ay mas matimbang at kagalang-galang sa inyo kaysa sa Allâh (I)? Samantalang tinalikuran ninyo ang ipinag-utos ng inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha at itinaboy ninyo sa inyong mga likuran, ayaw ninyong sumunod sa Kanya at ayaw ninyong iwasan ang Kanyang ipinagbawal. Katiyakan, ang aking ‘Rabb’ ay ganap na Nakaaalam sa anumang inyong ginagawa, na walang anuman ang naililihim sa Kanya sa inyong mga gawain na kahit na katiting, at walang pag-aalinlangan, na di-maglalaon ay gagantihan kayo.”
93. “At O aking sambayanan! Gawin na ninyo ang lahat ng kakayahan na magagawa ninyong gawin, dahil ako sa katotohanan ay gagawin ko rin ang anumang pamamaraan na ipinagkaloob sa akin ng aking ‘Rabb’ upang hikayatin kayo tungo sa Kanyang Kaisahan, at walang pag-aalinlangang malalaman ninyo kung sino sa atin ang daratnan ng kaparusahan na siyang magpapahamak sa kanya, at kung sino sa atin ang nagsisinungaling hinggil sa kanyang sinasabi, ako ba o kayo? At abangan ninyo ang tiyak na mangyayari sa inyo! Katiyakan, ako ay ganoon din na kasama ninyo sa pag-aabang.” At ito ay matinding pagbabanta sa kanila.

94. At nang dumating ang Aming Kautusan upang puksain ang sambayanan ni Shu`ayb ay iniligtas Namin ang Aming Sugo na si Shu`ayb at ang mga yaong naniwala na kasama niya bilang tunay na Awa mula sa Amin. At pinuksa Namin ang mga yaong masasama sa pamamagitan ng malalakas na ingay (o nakabibinging ingay) mula sa kalangitan at pinatay silang lahat, at sila sa kanilang mga tahanan ay nakasubsob ang kanilang mga mukha at katawan sa kanilang mga tuhod, na mga namatay na walang anumang buhay.

95. Na parang hindi man lamang sila nanatili nang matagal na panahon sa kanilang mga tahanan! Na kung kaya, napakalayo na ang mga sambayanan ng Madyan bilang sumpa sa kanila dahil pinuksa sila ng Allâh (I) at ipinahiya, na tulad ng napala ng sambayanan ni Thamoud, dahil magkatulad ang dalawang grupong ito sa kanilang paglayo at pagkawasak.

96. At katiyakan, Aming ipinadala si Mousâ (u) kalakip ang mga mga katibayan hinggil sa Kaisahan ng Allâh (I) at malinaw na katibayan sa sinumang makakikita nito – na may totoong puso – na ito ay nagpapatunay sa Kaisahan ng Allâh (I), at pagpapasinungaling sa sinumang nag-aangkin ng pagiging ‘Rabb’ na Tagapaglikha bukod sa Allâh (I) sa Kanyang Kaluwalhatian.


97. Ipinadala Namin si Mousâ tungo kay Fir`âwn at sa matataas na kanyang mga tagasunod, gayundin sa pinuno ng kanyang sambayanan, subali’t lumabag at hindi naniwala si Fir`âwn at inutusan niya ang kanyang sambayanan na sumunod sa kanya at sila naman ay sumunod, at sinalungat nila ang kautusan ni Mousâ, kahit na walang anumang gabay sa ipinag-uutos ni Fir`âwn kundi pawang kamangmangan, pagkaligaw, pagtanggi at pagma-matigas.
98. Pangungunahan ni Fir`âwn ang kanyang sambayanan sa Araw ng Muling Pagkabuhay at aakayin sila patungo sa Impiyerno, at napakasama ang kanilang hahantungan na kung saan sila ay inakay.

99. At ipinaabot sa kanila ng Allâh (I), na dito sa daigdig ay kasama bilang sumpa ang paunang parusa ng Allâh (I) sa kanila na pagkalunod sa karagatan at sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay isusumpa pa rin silang muli ng Allâh (I) sa pamamagitan ng pagpapapasok sa kanila sa Impiyerno, at napakasama ng pinagsama at magkasunod na parusa ng Allâh (I) sa kanila: ang pagsumpa sa kanila sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.

100. Iyan ang ilan sa mga isinalaysay Namin sa iyo, O Muhammad (r), na mga bayan na Aming pinuksa ang mga naninirahan doon, at mayroon sa mga bayang yaon na hanggang sa ngayon ay may mga natitira pang labi (o bakas) at mga tanda, at mayroon naman sa mga ito na wala nang natitirang anumang bakas ni anumang bagay bilang tanda ng naiwan.

101. At kailanman, ang pagpuksa Namin sa kanila ay hindi kamalian kundi sila mismo ang nagmali at nang-api sa kanilang mga sarili dahil sa kanilang pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I) at pamiminsala sa kalupaan, at kailanman ay walang magagawa sa kanila ang kanilang mga sinamba na mga diyus-diyosan at pinapanalanginan at hiningan ng kaligtasan na mailayo sila sa anumang kaparusahan kapag dumating ang pag-uutos ng iyong ‘Rabb’ na parusahan sila, ni walang maibibigay na anumang karagdagang kapakinabangan ang kanilang mga diyus-diyosan na sinasamba kundi pagkawasak, pagkapuksa at pagkatalo.
102. At kung paano Ko pinuksa ang mga masasama na nanirahan dito sa mga bayan na ito bilang parusa sa ginawa nilang pagtanggi sa Aking Kautusan at hindi paniniwala sa Aking mga Sugo, ay gayoon din ang mga iba na mga nanirahan sa kani-kanilang bayan kapag inapi nila ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng kanilang pagtanggi sa Allâh (I) at paglabag sa Kanyang Kautusan at pagtanggi sa Kanyang mga Sugo. Katiyakan, ang Kanyang pagpuksa ay napakasidhing kaparusahan.

103. Katiyakan, ang ginawang pagparusa sa mga naunang taong masasama ay bilang aral sa sinumang natatakot sa kaparusahan ng Allâh (I) at sa Kanyang pagpaparusa sa Kabilang-Buhay, na sa Araw na yaon ay titipunin ang lahat ng mga tao para sa paghuhukom at pagbabayad, na ito ay matutunghayan ng lahat ng nilikha.

104. At hindi Namin ito inantala para sa inyo hanggang sa Araw ng Muling Pagkabuhay kundi dahil sa naitakda na ang panahon nito na Kami lamang ang Nakaaalam, na hindi madaragdagan ni mababawasan ayon sa Aming pagkatakda sa pamamagitan ng Aming Ganap na Kaalaman.

105. Sa araw na kapag dumating ang Araw ng Muling Pagkabuhay ay walang sinuman ang makapagsasalita maliban na lamang sa kapahintulutan ng kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na kung kaya, mayroon sa kanila ang sawing-palad na karapat-dapat na parusahan sa Impiyerno at mayroon namang pinagpala na pinarangalan ng mga kagandahang-loob mula sa Allâh (I).

106-107. At para sa mga yaong sawing-palad dahil sa kanilang pagiging masama rito sa daigdig dahil sa pagkasira ng kanilang paniniwala at maling gawain, ay Impiyerno ang kanilang pananatilihan at para sa kanila roon dahil sa sidhi ng kaparusahan ay pag-atungal nila ng mataas at mababang boses, at ito ang dalawang napakasama at kakila-kilabot na boses, at sila ay mananatili sa Impiyernong-Apoy magpasawalang-hanggan, hanggang nananatili ang mga (ipinalit na panibagong) kalangitan at kalupaan, [45] at patuloy ang paggawad ng parusa sa kanila at ito ay walang katapusan, at ito ay katiyakang magpapatuloy, maliban na lamang sa sinumang naisin ng iyong ‘Rabb’ na palabasin mula rito, na mga makasalanan na naniwala sa Kaisahan ng Allâh (I) pagkatapos nilang manatili sa Impiyernong-Apoy. Katiyakan, ang Allâh na iyong ‘Rabb,’ O Muhammad (r), ay ginagawa Niya ang anuman na Kanyang nais.

108. At yaong mga pinagpala naman ng Allâh (I) ay papapasukin sila sa ‘Al-Jannah’ na sila ay mananatili roon hanggang nananatili ang mga (ipinalit na panibagong) kalangitan at kalupaan, maliban sa grupo na ninais ng Allâh (I) na maantala, na sila ay ang mga yaong makasalanan na naniwala at sumamba sa Kaisahan ng Allâh (I), dahil sa sila ay mananatili muna sa Impiyerno nang karapat-dapat na panahon, pagkatapos nito ay palalabasin sila mula roon patungo sa ‘Al-Jannah’ ayon sa kagustuhan ng Allâh (I) at ng Kanyang Awa: pagkakalooban ng iyong ‘Rabb’ ang mga yaong pinagpala ng Hardin bilang gantimpala na walang-hanggan.

109. Na kung kaya, huwag kang mag-alinlangan, O Muhammad (r), sa pagiging mali ng anumang sinasamba ng mga ‘Mushrikûn’ mula sa iyong sambayanan, dahil wala silang sinasamba kundi mga rebulto na katulad ng sinamba ng kanilang mga ninuno noon, at walang pag-aalinlangang tutuparin Namin ang Aming ipinangako sa kanila nang walang anumang kakulangan.
110. At katiyakan, ipinagkaloob Namin kay Mousâ (u) ang Aklat, na ito ay ang ‘Tawrah,’ at nagkasalungatan hinggil dito ang kanyang sambayanan, naniwala ang ibang grupo mula sa kanila at tumanggi naman sa paniniwala ang iba. At kung hindi lamang dahil sa paunang pagkakatakda mula sa iyong ‘Rabb’ na katiyakang hindi Niya mamadaliin sa Kanyang nilikha ang parusa, ay nangyari na sa kanila rito sa daigdig ang pinagpasiyahan ng Allâh (I) na pagpuksa sa mga tumanggi sa paniniwala at pagligtas naman sa mga naniwala. At ang mga walang pananampalataya sa iyong sambayanan, O Muhammad (r), ay may pagdududa sa Banal na Qur’ân na matindi ang pag-aalinlangan.

111. At katiyakan, lahat ng mga yaong iba’t ibang sambayanan na nagkakasalungatan na nabanggit Namin sa iyo, O Muhammad (r), ang hinggil sa kanila ay walang pag-aalinlangan na tutuparin ng iyong ‘Rabb’ sa kanila at ipagkakaloob ang kabayaran sa mga gawain nila sa Araw ng Muling Pagkabuhay, ang mabuti ay mabuti rin at ang masama ay masama rin, katiyakan, ang Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ ay ‘Khabeer’ – Ganap ang Kanyang Kagalingan na Nababatid Niya ang anumang ginagawa nila na mga ‘Mushrikun,’ na walang anumang naililihim sa Kanya sa mga gawain nila. At ito ay bilang pagbabanta para sa kanila.

112. Na kung kaya, magpakatatag ka, O Muhammad (r), na katulad ng ipinag-utos sa iyo ng iyong ‘Rabb,’ ikaw at ang sinuman na mga nanumbalik na kasama ka, at huwag ninyong lampasan ang hangganang itinakda ng Allâh (I) sa inyo, dahil katiyakan, ang iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay ‘Baseer’ – Siya ay Walang-Hanggan at Ganap na Nakakikita sa lahat ng inyong mga ginagawa na walang anumang bagay ang naililihim sa Kanya sa lahat ng pagkakataon at walang pag-aalinlangan, ayon dito kayo ay Kanyang pagbabayarin.

113. At huwag ninyong kampihan ang mga walang pananampalataya na mga masasama, dahil masusunog kayo sa Impiyernong-Apoy, at walang sinuman ang makatutulong sa inyo ni mangangalaga bukod sa Allâh (I).

114. Isagawa mo, O Muhammad (r), ang ‘Salâh’ sa pinakawastong paraan sa dalawang dulo ng araw – sa umaga at sa hapon, at sa ilang bahagi ng gabi. Katiyakan, ang pagsagawa ng mga kabutihan ay nabubura nito ang mga naunang kasalanan at naaalis, at ang pag-uutos sa pagsagawa ng ‘Salâh’ at pagpapahayag na ang mga kabutihan ay nabubura nito ang mga kasalanan, ay isang pagpapayo sa sinumang tumatanggap at nakaaalaala.

115. Pagtiisan mo, O Muhammad (r), ang pagsasagawa ng ‘Salâh’ at sa anumang natatamo mo na paninira ng mga ‘Mushrik’ mula sa iyong sambayanan; dahil katiyakan, ang Allâh ay hindi Niya binabalewala ang gantimpala ng mga mabubuti sa kanilang mga gawain.

116. Na kung mayroon lamang sa mga naunang mga henerasyon, ang natitira na mula sa mga mabubuti at mga matutuwid, na nagbabawal sa mga walang pananampalataya sa kanilang pagtanggi sa paniniwala at sa mga pamiminsala nila rito sa kalupaan, ay wala ka pa ring makikita mula sa kanila na mga naunang tao ang naniwala kundi mangilan-ngilan lamang, iniligtas sila ng Allâh (I) dahil sa kanilang gawain, na yaon ay mula sa Kanyang kaparusahan noong pinuksa Niya ang mga masasama! At sinunod naman ng karamihan sa kanila na mga masasama ang kanilang mga sarili sa pagkakalulong sa sarap ng buhay dito sa daigdig at lubusan ang kanilang kasamaan dahil sa pagsunod nila sa mga makamundong kasiyahan, na kung kaya, sila ay naging karapat-dapat sa kaparusahan.
117. At kailanman ang iyong ‘Rabb,’ O Muhammad (r), hindi Niya pupuksain ang isang bayan kung ang mga naninirahan doon ay mga matutuwid, na iniiwasan nila ang anumang pamiminsala at pang-aapi, subali’t sila ay pinuksa nang dahil sa kanilang pang-aapi at pamiminsala.

118. At kung nanaisin lamang ng iyong ‘Rabb’ ay gagawin Niya ang lahat ng tao na iisang grupo na nasa iisang paniniwala lamang sa ‘Deen’ o Relihiyon, na ito ay ‘Deen Al-Islâm,’ subali’t ang Allâh (I) ay hindi Niya ito ninais, na kung kaya, ang mga tao ay patuloy na nagkakasalungatan sa kanilang Relihiyon, at ito ay bunga ng Karunungan ng Allâh (I).

119. Maliban lamang sa sinumang kinaawaan ng iyong ‘Rabb,’ na sila ay naniwala sa Kanya at sumunod sa Kanyang mga Sugo, dahil sila ay hindi nagkakasalungatan sa paniniwala sa Kaisahan ng Allâh (I) at sa kung anumang dala-dala ng mga Sugo mula sa Allâh (I). Katiyakan, nakatakda na sa karunungan ng Allâh (I) sa paglikha sa kanila na sila ay magkakasalungatan sa isa’t isa; may grupo na sawing-palad, may grupo naman na pinagpala, at bawa’t isa ay ginawang madali sa kanya ang anumang nilikha para sa kanya, at sa pamamagitan nito natutupad ang pangako ng iyong ‘Rabb’ sa Kanyang pagpapasiya at sa Kanyang pagtatakda: “Katiyakan, pupunuin ng Allâh (I) ang Impiyernong-Apoy ng mga ‘Jinn’ at mga tao, na sila ang yaong sumunod kay ‘Iblees’ (Satanas na siya ang pinakapinuno ng ‘Shayâtin’) at sa kanyang mga sundalo, na sila ay hindi nagabayan sa paniniwala.”

120. At ang lahat ng Aming isinalaysay sa iyo, O Propeta, na mga kuwento na mula sa mga nangyari sa mga Sugo na nauna sa iyo at sa lahat ng kakailanganin mo na magpapatatag ng iyong kalooban, ay upang maisakatapuran ang pagpapalaganap ng mensahe, at katiyakan, dumating sa iyo, sa kabanatang ito na kinapapalooban ng mga pagsasalaysay at mga kuwento bilang paglilinaw sa katotohanan na kinaroroonan mo, at dumating pa rin sa iyo, dito sa kabanatang ito, ang pagpapapayo upang balaan ang mga walang pananampalataya at mga paalaala upang mapaalalahanan ang mga naniniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang mga Sugo.

121-122. At sabihin mo, O Muhammad (r), sa mga walang pananampalataya na hindi naniniwala sa Kaisahan ng Allâh (I): “Gawin na ninyo ang lahat ng kakayahan na kaya ninyo ayon sa inyong kalagayan at kaparaanan na pagharang sa ‘Da`wah’ (o sa pagpaparating ng mensahe ng Katotohanan) at sa paninira at pamiminsala sa Sugo at sa mga sumunod sa kanya, dahil kami naman sa katotohanan ay gagawin din namin ang anumang makakayanan naming gawin batay sa aming kaparaanan upang maging matatag kami sa aming ‘Deen’ at sa pagpapatupad sa Kautusan ng Allâh (I).

“At mag-abang na kayo sa magiging bunga ng aming mga ginagawa at kami naman sa katotohanan ay mag-aabang sa magiging bunga ng inyong ginagawa.” At ito ay pagbabanta at pagbababala sa kanila.

123. At Pagmamay-ari ng Allâh (I), ang kaalaman sa lahat ng lihim na mga nasa kalangitan at kalupaan, at sa Kanya babalik ang lahat ng bagay sa Araw ng Muling Pagkabuhay, na kung kaya, sambahin mo Siya, O Muhammad (r), at ipaubaya mo ang iyong sarili sa Kanya, at kailanman ang Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay hindi Niya Nakaliligtaan ang anumang inyong ginagawa mabuti man o masama, at gagantihan Niya ang sinuman ayon sa kanyang nagawa.

No comments: