13
XIII – Sûrat Ar-Ra`d
[Kabanata Ar-Ra`d – Ang Kidlat]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Alif-Lãm-Mĩm-Râ. Ang mga titik na ito ng Alpabetong ‘Arabic’ ay nauna nang naipaliwanag sa ‘Sûratul Baqarah.’ Ang mga talata ng Banal na Qur’ân na ito ay mataas ang antas, at ang ipinahayag na ito sa iyo ng Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay katotohanan, na di-tulad ng mga sinasabi ng mga nagtatambal sa pagsamba sa Allâh (I) na mga ‘Mushrikûn’ na: Ikaw sa katunayan ay gawa-gawa mo lamang ito sa iyong sarili, na kung kaya, karamihan sa mga tao ay hindi naniwala rito (sa Qur’ân) at di nila ito isinasapamuhay.
2. Ang Allâh (I), Siya ang nagtaas ng pitong kalangitan sa pamamagitan ng Kanyang Kapangyarihan na wala kayong mga haliging nakikita, pagkatapos Siya ay nag-‘Istawâ’ – pumaibabaw sa Kanyang ‘`Arsh’ ayon sa pamamaraan na angkop na angkop sa Kanyang Kamaharlikaan. Sinanhi Niya sa ilalim ng Kanyang pag-aatas ang araw at ang buwan upang maging kapaki-pakinabang sa Kanyang mga alipin, na ang dalawang ito ay kapwa umiikot sa mga ‘orbit’ o ligiran nito hanggang sa itinakdang panahon (pagkagunaw ng sandaigdigan). Pinangangasiwaan ng Allâh (I) ang lahat ng bagay dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay, na ipinaliliwanag Niya nang ganap sa inyo ang mga palatandaang nagpapatunay sa Kanyang Kapangyarihan, na walang pag-aalinlangan na walang sinuman ang may karapatan at karapat-dapat na sambahin bukod sa Kanya; upang kayo ay maniwala nang may katiyakang paniniwala sa Kanya at sa inyong pakikipagharap sa Kanya (sa Kabilang-Buhay), na kung kaya, maniwala sa Kanyang pangako at babala, at gawin ninyong taos-puso ang inyong pagsamba na bukod-tanging para lamang sa Kanya.
3. At walang sinuman kundi Siya – ang Allâh (I) – ang Lumikha ng kalupaan nang palatag at ito ay Kanyang inihanda upang kayo ay mamuhay dito, at itinalusok Niya rito ang mga kabundukan nang matatag na pagkakatalusok, at ganoon din ang mga ilog ay ginawa Niya para inyong magiging inumin at mga kapakinabangan, at nilikha rin Niya rito ang bawa’t uri ng mga bunga na magkakaparis, kaya mayroong maputi at mayroong maitim, mayroong matamis at mayroong maasim, at iba pa. At ginawa Niya ang gabi bilang pantakip sa araw sa pamamagitan ng kadiliman nito. Walang pag-aalinlangan, ang mga nabanggit na ito ay mapagkukunan ng maraming aral at mapapakinabangan ng mga taong nag-iisip.
4. At iba’t-ibang kalupaan na magkakaratig (magkakatabi) ay mayroong mataba na kalupaan na tumutubo mula roon ang anumang pananim na napapakinabangan ng tao at mayroon namang tuyot na kalupaan na hindi tinutubuan ng anumang pananim, at sa matabang kalupaan ay naroroon ang mga hardin ng mga ubas, at ginawa rin ng Allâh (I) doon ang iba’t ibang pananim at mga puno ng palmera ng ‘Tamr’ o datiles na nagkukumpulan at mayroon din namang magkakahiwalay, na ang pinagmumulan ng lahat ng ito ay iisang uri ng lupa lamang at diniligan sa pamamagitan ng iisang uri ng tubig lamang subali’t iba’t ibang uri ang kinalabasan ng mga bunga nito, sukat, lasa at iba pa, na kung kaya, mayroong matamis mula rito at ang iba naman ay maasim, at ang iba ay nakahihigit kaysa iba na kainin. Katiyakan, ito ay mga palatandaan para sa sinumang mayroong puso na nag-iisip hinggil sa Allâh (I) sa Kanyang pag-uutos at pagbabawal.
5. At kung namangha ka, O Muhammad (r), dahil sa hindi nila paniniwala pagkatapos maipakita ang mga palatandaang ito ay lalo kang mamamangha sa sinasabi ng mga walang pananampalataya: “Kapag kami ay namatay na at naging alikabok na ay katotohanan bang bubuhayin pa kami na mag-uli?” Sila ang mga yaong hindi naniwala at tinanggihan nila ang kanilang ‘Rabb’ na Lumikha sa kanila mula sa wala! At sila ang mga yaong kakadenahan ng bakal ang kanilang mga paa na gawa sa apoy at ipupulupot ito sa kanilang mga leeg sa Araw ng Muling Pagkabuhay, at sila ay mananatili sa Impiyerno magpakailanman na hindi na sila makalalabas pa roon.
6. At minamadali ka, O Muhammad (r), ng mga walang pananampalataya sa parusa na kung saan ay hindi Ko minadaling iparusa ito sa kanila rito sa daigdig, bago sila mamulat sa katotohanan na kung saan naririto ang kaligtasan at mga kabutihan, gayong walang pag-aalinlangang nauna nang iginawad ang parusa sa mga hindi naniwala na nauna kaysa kanila, kung gayon, paano itong hindi naging aral sa kanila?
At katiyakan na ang iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, O Muhammad (r) ay nagpapatawad sa mga kasalanan ng sinumang nagsisisi sa kanyang mga pagkakasala at kanyang pang-aapi sa iba, binubuksan Niya ang pintuan ng kapatawaran at hinihikayat sila tungo rito, kahit na ipinapahamak pa nila ang kanilang mga sarili dahil sa kanilang paglabag sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, magkagayunpaman, dapat ding mabatid na walang pag-aalinlangang ang iyong ‘Rabb’ ay matindi ang Kanyang parusa sa sinumang nagpupumilit sa pagtanggi, pagkaligaw at paglabag sa Kanyang kagustuhan.
7. At sinasabi ng mga walang pananampalataya sa Makkah (noon): “Bakit hindi na lamang dumating sa kanya mula sa kanyang ‘Rabb ang himala na tulad ng tungkod ni Mousâ (u) o kamelyo ni Sâleh (u)?” Ikaw ay Tagapagbabala lamang, O Muhammad (r), wala ito sa kakayahan mo, kundi ang tungkulin mo lamang ay iparating ang mensahe sa kanila at balaan sila mula sa kaparusahan ng Allâh (I), at sa bawa’t sambayanan ay mayroong Sugo na ginagabayan sila tungo sa Allâh (I).
8. Ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa anumang dala-dala ng mga kababaihan sa kanilang mga sinapupunan, kung ito ba ay sanggol na lalaki o babae? O kung sawing-palad ba ito o pinagpala? At batid din Niya kung ano ang kakulangan ng sanggol sa sinapupunan kaya ito ay malalaglag o di kaya ay ipanganganak bago mabuo ang siyam na buwan, at kung sino ang hihigit sa panahon ng pagdadala sa kanya ng kanyang ina. At ang bawa’t bagay ay nakatakda na sa Allâh (I), na ang Kanyang pagkakatakda ay maaaring kulang, labis o sapat na sapat lamang.
9. Ang Allâh (I) ay Siyang Ganap na Nakaaalam ng anumang di-nakikita ng mga mata at di-nababatid ng kaalaman, at saka yaong mga nakikita at nababatid, Siya ay ‘Al-Kabeer’ – ang Pinakadakila mismo sa Kanyang Sarili, sa Kanyang mga Pangalan at sa Kanyang mga Katangian; na Siya ay Ganap na Kataas-Taasan sa Kanyang mga nilikha, sa Kanyang Sarili, sa Kanyang Kapangyarihan at sa Kanyang Pangunguntrol (na ang ibig sabihin ay walang sinuman ang makahahadlang sa anuman na Kanyang naisin).
10. Pantay sa Kaalaman ng Allâh (I) ang sinumang naglilihim ng kanyang salita mula sa inyo at ang sinuman ang naghahayag nito, at pantay din sa Kanyang kaalaman ang sinumang inililihim niya ang kanyang mga gawain sa kadiliman ng gabi at sa sinumang inilalantad niya ito sa liwanag ng araw.
11. Ang Allâh (I) ay mayroong mga anghel na nagsasalit-salitan sa pagmamatyag sa sinumang tao, na mayroon sa mga ito ang nasa kanyang harapan at nasa kanyang likuran, at pinangangalagaan siya sa anumang pangyayari sa pamamagitan ng pag-aatas ng Allâh (I) at itinatala nito ang anumang nagmumula sa kanya, mabuti man o masama.
Katiyakan, hindi binabago ng Allâh (I) ang biyaya na ipinagkaloob Niya sa sambayanan maliban na lamang kung babaguhin nila mismo sa kanilang sarili ang kalagayan ng kanilang kabutihan at labagin nila ang ipinag-utos sa kanila. At kapag ninais ng Allâh (I) ang pagsubok sa isang grupo ay hindi na ito mapipigilan pa, at walang sinuman ang maaaring maging tagapangalaga bukod sa Allâh (I) na mangangalaga sa kanila, na dadalhin para sa kanila ang anumang bagay na naiibigan nila at ilalayo sila sa anumang hindi kanais-nais.
12. Siya, ang Allâh (I) ang nagpapakita sa inyo ng kidlat, na ito ay kabilang sa Kanyang mga palatandaan, na kayo ay natatakot sa pamamagitan nito dahil sinusunog ng kidlat ang sinumang tamaan nito at inaasam-asam naman ninyo na ibababa sa pamamagitan nito ang ulan. At sa kapangyarihan ng Allâh (I) ay ginawa Niya ang ulap bilang tagapagdala ng maraming tubig para sa inyong kapakinabangan.
13. At niluluwalhati ng ‘Ar-Ra`d’ (kidlat) at pinupuri ang Allâh (I) na nangangahulugan ng pagpapasailalim nito sa kanyang ‘Rabb,’ at ganoon din ang mga anghel, niluluwalhati nila ang Allâh (I) bilang pagkatakot sa Kanya. At ipinapadala ng Allâh (I) ang mga kidlat na nakapipinsala sa mga nilikha, na napipinsala nito ang sinuman na Kanyang nais sa Kanyang mga nilikha, subali’t ang mga walang pananampalataya ay nagtatalu-talo sa Katangian ng Allâh (I) at sa Kanyang kakayahan na Pagbuhay na Mag-uli, samantalang Siya ay Pinakamakapangyarihan sa Kanyang Kakayahan at masidhi ang Kanyang parusa sa sinumang lumabag sa Kanya
14. Para sa Kanya lamang ang Salita ng Katotohanan, na ito ay ‘Lâ ilâha il-lal-lâh’ – walang sinuman ang may karapatan at karapat-dapat na sambahin kundi ang Allâh (I) – na kung kaya, walang nararapat na sambahin at tatawagan sa panalangin kundi Siya lamang, dahil ang mga diyus-diyosan na sinasamba nila bukod sa Allâh (I) ay hindi nito matutugunan ang panalangin ng sinumang nanalangin sa kanila, at ang katulad nila kasama ang kanilang mga sinasamba ay tulad ng isang (tao na) nauuhaw na pilit na iniuunat (inilalahad) nito ang kanyang dalawang kamay upang abutin ang tubig na malayo sa kanya (na katulad ng tubig na nasa kailaliman ng balon); upang mapalapit ito sa kanyang bibig subali’t hindi ito umaabot sa kanya; na kung kaya, ang panalangin ng mga walang pananampalataya ay napakalayo na matugunan dahil ito ay wala sa katotohanan, na wala silang gabay dahil sa kanilang ginawang pagtatambal sa pagsamba sa Allâh (I).
15. At sa Allâh (I) na Bukod-Tangi nagpapatirapa bilang pagpapakumbaba ang lahat ng mga nasa kalangitan at kalupaan, nagpapasailalim sa Kanyang kagustuhan ang mga mananampalataya nang kusang-loob, at ganoon din ang mga walang pananampalataya kahit ayaw pa nila dahil sa sila ay nagmamataas na ayaw nilang sumamba sa Kanya, gayong ang kanilang katayuan at ang kanilang likas na katangian ay tinatanggihan ang kanilang ginagawang paglabag, at nagpapasailalim sa Kanyang Kadakilaan ang mga anino ng lahat ng mga nilikha, at ito ay gumagalaw dahil sa Kanyang kagustuhan mula sa simula ng araw hanggang sa duluhan nito.
16. Sabihin mo, O Muhammad (r), sa mga ‘Mushrikin:’ “Sino ang Lumikha ng mga kalangitan at kalupaan at ang nangangasiwa nito?” Sabihin mo: “Ang Allâh (I) ay Siyang Lumikha at Nangangasiwa nito, at ito ay inyong sinasang-ayunan,” pagkatapos sabihin mo sa kanila bilang pagdidiin sa kanila sa pamamagitan ng katibayan: “Itinuturing ba ninyo bilang tagapangalaga at sinasamba ang iba bukod sa Allâh (I), samantalang ang mga ito ay walang kakayahan na magdulot ng anumang kapakinabangan o kapinsalaan sa kanilang mga sarili, paano pa kaya sa inyo, na kung kaya, paano ninyo tinalikuran ang pagsamba sa tunay na Nagmamay-ari nito?”
Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Maaari bang magkatulad sa inyong paningin ang walang pananampalataya na bulag at ang mananampalataya na nakakikita? O di kaya, maaari bang magkatulad sa inyo ang kadiliman na ito ay pagtanggi sa katotohanan at ang liwanag na ito ay paniniwala sa katotohanan? O di kaya, ang kanila bang mga sinasamba na itinuturing nila bilang katambal ng Allâh (I) ay makalilikha ba ito ng tulad ng nilikha ng Allâh (I), kaya naghalo sa kanilang maling pananaw kung ano ang nilikha ng kanilang mga sinasamba bukod sa Allâh (I) sa anumang nilikha ng Allâh (I), na kung kaya, inaakala nilang karapat-dapat sambahin ang mga ito?”
Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Ang Allâh (I) ay ‘Khâliq’ – Siyang Lumikha ng lahat ng bagay mula sa wala, na kung kaya, Siya lamang ang bukod-tangi na may karapatang sambahin; at Siya rin ay ‘Al-Wâhid’ – ang Bukod-Tangi at Nag-iisa, na ‘Al-Qahhâr’ – ang Ganap na Tagapagkontrol (Tagapamahala) na nagtatangan ng pagiging ‘Ilâh’ (o Diyos na karapat-dapat sambahin) at hindi yaong kanilang mga diyus-diyosan at mga rebulto na hindi man lamang nakapipinsala ni nakapagbibigay ng kapakinabangan.”
17. Pagkatapos ay nagbigay ang Allâh (I) ng pagkakahalintulad ng katotohanan sa kamalian sa pamamagitan ng tubig na Kanyang ibinababa mula sa kalangitan at ito ay umaagos sa mga lambak batay sa laki o liit nito, kaya natatangay ng agos (baha) ang mga bula na nasa ibabaw nito na walang pakinabang.
At nagbigay (pa rin) Siya ng isa pang halimbawa: ang ‘Ma`âdin’ (inang-mina) na idinadarang ito sa apoy upang gawing palamuti o kagamitan na tulad ng ginto o pilak, o anumang mapapakinabangan nila na katulad ng tanso, at humihiwalay mula rito sa ‘Ma`âdin’ ang kalawang o anumang katulad nito na walang pakinabang na tulad din ng nangyari sa tubig na nabanggit.
Na kung kaya, sa pamamagitan nito inihahalimbawa ng Allâh (I) ang katotohanan sa kamalian: na ang kamalian ay katulad ng bula na nawawala, natatangay at naitatapon dahil sa wala itong pakinabang, at ang katotohanan ay yaong malinis na tubig na nananatili, at ganoon din yaong malinis na inang-mina ay nananatili rin upang mapakinabangan, na kung paano ito ipinaliliwanag sa inyo bilang paghahambing ay gayon ding ipinaliliwanag ito sa mga tao; upang maging malinaw ang katotohanan mula sa kamalian at ang gabay mula sa pagkaligaw.
18. Sa mga mananampalataya na tumugon sa Panawagan ng kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na sila ay ang mga yaong sumunod sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, ang para sa kanila ay ‘Al-Jannah;’ at sa mga yaon namang hindi sumunod at lumabag, ang para sa kanila ay Impiyernong-Apoy, at kahit pagmamay-ari pa nila ang lahat ng nasa kalupaan o doblehin pa nila ito, at ito ay kanilang gamitin bilang pantubos sa kanilang mga sarili mula sa parusa ng Allâh (I) sa Araw ng Muling Pagkabuhay, kailanman ay hindi ito tatanggapin sa kanila, na sila ay hahatulan ng matinding paghahatol sa lahat ng kanilang mga nagawang kasamaan. Ang kanilang patutunguhan ay Impiyernong-Apoy; at walang pag-aalinlangan, na anong napakasamang lugar na kanilang inihanda para sa kanilang mga sarili.
19-20. Siya ba na nakaaalam ng inihayag sa iyo, O Muhammad (r), mula sa Allâh (I) na katotohanan, na kung kaya, ito’y kanyang pinaniniwalaan, ay magiging katulad ba ito ng isang bulag sa katotohanan na hindi niya ito pinaniwalaan? Katiyakan, ang mga taong tumatanggap ng payo ay ang mga yaong matutuwid ang kanilang kaisipan na tinutupad nila ang kanilang pangako sa Allâh (I) na ipinag-utos sa kanila, at hindi nila sinisira ang pangako nila sa Allâh (I).
21. At sila ang mga yaong pinanatili ang ugnayang ipinag-utos ng Allâh (I) sa kanila na dapat panatilihin na katulad ng ugnayan nila sa kanilang mga kamag-anak at sa mga nangangailangan, at sila ay natatakot sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na pinangangambahan nila na sila ay hahatulan sa Araw ng Paghuhukom sa kanilang mga kasalanan, na nangangamba sila na baka ito ay hindi mapatawad sa kanila.
22. At yaong mga nanatili sa pagtitiis sa mga pagsubok habang sila ay sumusunod sa kautusan at umiiwas sa ipinagbabawal bilang paghahangad na makita ang Mukha ng Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at mamahalin sila at isinasagawa nila ang pagsasa-‘Salah’ sa pinakatamang pamamaraan nito, at ginugugol nila ang anumang ipinagkaloob sa kanila mula sa kanilang mga kayamanan na obligadong kawanggawa (‘zakah’) at ganoon din ang pangkaraniwang kawanggawa (‘sadaqah’), palihim man ito o lantad, at hinaharangan nila ang masamang gawain sa pamamagitan ng pagsagawa ng kabutihan – sila na mga yaong nagtatangan ng mga ganitong katangian ang para sa kanila ay pinakamagandang tahanan sa Kabilang-Buhay.
23. Ang pinakamagandang tahanan na yaon ay ang mga Hardin na Tahanan ng walang-hanggan; na sila ay mananatili roon magpasawalang-hanggan at kasama nila ang mga mabubuting tao na kanilang mga magulang, mga asawa at kanilang lahi, mga kalalakihan man o kababaihan, at papapasukin sila ng mga anghel na magmumula sa lahat ng pintuan upang sila ay batiin sa kanilang pagpasok sa ‘Al-Jannah’ (o Hardin).
24. Sasabihin ng mga anghel sa kanila: “Salâmun `Alaykum (kapayapaan ay sumainyo) na ligtas kayo sa anumang masama dahil sa inyong pagtitiis sa pagsunod sa Allâh (I), na kung kaya, napakaganda ng inyong hantungan na tahanan sa ‘Al-Jannah.’”
25. Ang mga sawing-palad naman na inilalarawan ang kanilang mga katangian na salungat sa mga mananampalataya, na sila ay yaong hindi tumutupad sa kanilang pangako sa Allâh (I) na pagsamba sa Kanya nang bukod-tangi pagkatapos nila itong ipangako sa kanilang mga sarili, at ang mga yaong sinira nila ang ugnayan na ipinag-utos ng Allâh (I) na panatilihin na katulad ng ugnayang magkakamag-anak at iba pa. At sila ay namiminsala sa ibabaw ng kalupaan sa pamamagitan ng pagsagawa ng kasamaan, ang mga yaong nabanggit ang kanilang mga masasamang katangian, ang para sa kanila ay sumpa na malayo sila sa Awa ng Allâh (I), at ang para sa kanila ay ang anumang kinamumuhian nila na matinding parusa sa Kabilang-Buhay.
26. Ang Allâh (I) na Bukod-Tangi ang nagsasanhi na lumuwag ang kabuhayan ng sinuman na Kanyang nais mula sa Kanyang alipin, at hinihigpitan naman Niya ang sinuman na Kanyang nais, at nagagalak ang mga walang pananampalataya sa kanilang masaganang pamumuhay dito sa daigdig, subali’t ang makamundong buhay na ito, na para sa kanila ay napakaliit dahil sa ito ay pansamantalang kaligayahan lamang kung ihahambing sa Kabilang-Buhay na walang hanggan.
27. At sinasabi ng mga walang pananampalataya bilang pagmamatigas: “Bakit hindi ka na lamang pinadalhan, O Muhammad (r), ng himala na nakikita na tulad ng himala na ipinagkaloob kay Mousâ (u) at `Îsã (u)?” Sabihin mo sa kanila: “Katiyakang ang Allâh (I), inililigaw Niya ang sinuman na Kanyang nais mula sa mga lumabag sa anumang Patnubay sa pamamagitan ng di-pakikinabang sa mga ipinakitang himala, at ginagabayan Niya tungo sa katotohanan ang sinumang nagbabalik-loob sa Kanya at naghahangad ng Kanyang pagmamahal.”
28. At ginagabayan Niya ang mga yaong panatag ang kanilang kalooban sa kanilang bukod-tanging pagsamba sa Allâh (I) at pagpuri sa Kanya. Na kung kaya, dapat mong mabatid na ang pagsunod sa Allâh (I) at ang pag-aalaala sa Kanya at ang Kanyang gantimpala, na ang mga ito ang sanhi ng pagkakapanatag ng mga kalooban.
29. Ang mga yaong naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, at gumawa ng mga mabubuting gawa, ang para sa kanila ay kasiyahan at kapanatagan, at magandang kalalagyan, at mabuting patutunguhan na ito ay ‘Al-Jannah’ (Hardin) ng Allâh (I) at Kanyang pagmamahal.
30. Na kung paano Namin ipinadala ang mga Sugo na nauna sa iyo, ay ganoon ka rin Namin ipinadala, O Muhammad (r), sa iyong sambayanan na kung saan ay may nauna na sa kanilang sambayanan na pinadalhan ng mga Sugo, upang bigkasin mo sa sambayanang ito ang Banal na Qur’ân na ipinahayag sa iyo, at samanatalang sila ay tumanggi sa Kaisahan ng Allâh (I) na Pinakamahabagin. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Ang Allâh (I) na Pinakamahabagin na hindi ninyo sinamba nang bukod-tangi ay Siya ang aking ‘Rabb’ na Bukod-Tangi na walang karapat-dapat na sambahin bukod sa Kanya, na kung saan, sa Kanya ko ipinauubaya ang aking sarili at sa Kanya rin ako nagbabalik-loob at humihingi ng kapatawaran.”
31. Tinugunan ng Allâh (I) ang mga walang pananampalataya na humingi ng tuwirang himala kay Propeta Muhammad (r), kaya sinabi sa kanila (ng Allâh I): At kung mayroong binibigkas na Qur’ân, na naaalis nito ang mga kabundukan sa kinaroroonan nito, o di kaya ay nabibiyak nito ang kalupaan upang magkaroon dito ng ilog na umaagos, o di kaya ay bubuhayin nito ang mga patay at makikipag-usap sa kanila na katulad ng hinihingi nila ay walang iba kundi ang Qur’ân lamang na ito, subali’t magkagayunpaman ay hindi pa rin sila naniwala, samantalang bukod-tangi na ang Allâh (I) ay pinagmumulan ng lahat ng kautusan sa mga himala at iba pa.
Hindi ba batid ng mga mananampalataya na ang Allâh (I) sa katotohanan na kung nanaisin Niya na maniwala ang lahat ng nasa kalupaan nang walang kahima-himala ay mangyayari? Subali’t patuloy pa rin sila na mga walang pananampalataya na tinatamaan ng mga parusa ng Allâh (I) dahil sa kanilang kasamaan na katulad ng pagkamatay, pagkabihag sa kanila sa pakikipaglaban nila sa mga Muslim, o mga parusa na nangyayari sa mga karatig-pook nila, hanggang sa dumating ang Pangako ng Allâh (I) na mananalo ang mga Muslim laban sa kanila. Katiyakang hindi sinisira ng Allâh (I) ang Kanyang pangako.
32. At kung kinutya nila ang paanyaya mo, O Muhammad (r), ay kinutya rin ng mga naunang sambayanan ang kanilang mga Sugo na nauna sa iyo, na kung kaya, huwag kang malungkot, dahil walang pag-aalinlangang pinagbibigyan Ko lamang ang mga walang pananampalataya, subali’t pagkatapos nito ay pupuksain Ko rin sila sa pamamagitan ng Aking parusang napakasidhi, anong kakila-kilabot na kaparusahan!
33. At kung sino ang nangangalaga ng bawa’t tao na nagtatala sa anumang nagagawa nito, ay di ba Siya ang karapat-dapat na sambahin kaysa sa mga nilikha lamang na walang kakayahan? Subali’t dahil sa kakulangan ng kanilang kaalaman ay gumawa sila ng mga katambal ng Allâh (I) na sinamba nila mula sa Kanyang nilikha. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r):
“Sabihin ninyo ang mga pangalan ng mga ito at mga katangian nila, subali’t kailanman ay hindi sila makatatagpo ng anumang katangian nito na magiging sapat na kadahilanan upang ito ay kanilang sambahin! Kayo ba ang magsasabi sa Allâh (I) na hindi Niya batid ang mga itinatambal ninyo na nasa ibabaw ng kalupaan o di kaya ay banggitin ninyo ang mga pangalan ng mga itinatambal ninyo na pawang pangalan lamang na walang katotohanan.”
Na kung kaya, pinaganda lamang ni Shaytan sa mga walang pananampalataya ang pagsabi ng mga kamalian at kanilang pagharang sa Daan ng Allâh (I); at sinuman ang hindi ginabayan ng Allâh (I) tungo sa Kanyang Patnubay ay walang sinuman ang makagagabay sa kanya ni siya ay mapapatnubayan tungo sa katotohanan.
34. Para sa mga walang pananampalataya na hinarangan ang Daan ng Allâh (I) ay matinding kaparusahan dito sa daigdig na pagkamatay, pagkabihag at kapahamakan; at walang pag-aalinlangan na lalong masidhi ang kanilang kaparusahan sa Kabilang-Buhay at wala silang tagapagtanggol o tagapagligtas mula sa parusa ng Allâh (I).
35. Ang paglalarawan ng ‘Jannah’ (Hardin) na ipinangako ng Allâh (I) sa mga yaong may takot sa Kanya: ito ay mayroong umaagos na ilog sa ilalim ng mga puno at mga palasyo, at ang bunga rito ay walang hanggan at ganoon din ang lilim nito; at ang gantimpalang ito na Hardin ay patutunguhan ng mga yaong may takot sa Allâh (I), na kung kaya, iniwasan nila ang paglabag at isinagawa nila ang ipinag-utos, gayong ang huling hantungan ng mga walang pananampalataya ay Apoy ng Impiyerno.
36. Ang mga yaong pinagkalooban ng Kasulatan na mga Hudyo at Kristiyano, na sila ay naniwala sa iyo na katulad ni `Abdullâh Ibn Salâm at saka ang haring si An-Najâshi, na nagagalak sa pagkapahayag ng Banal na Qur’an sa iyo bilang patunay sa anumang Kasulatan na nasa kanila, at mayroon sa mga nagtitipun-tipon na mga walang pananampalataya ang laban sa iyo na katulad ni Sayyid at saka si Al-`Âqib na sila ay mga Monghe ng Najran, at saka si Ka`b Ibnul Ashraf na tinatanggihan ang iba sa mga ipinahayag sa iyo. Sabihin mo sa kanila: “Ang ipinag-utos lamang ng Allâh (I) sa akin ay sambahin ko Siya nang bukod-tangi, na hindi ako magtatambal ng sinuman sa pagsamba ko sa Kanya at dito ko hinihikayat ang mga tao at sa Kanya ako magbabalik at patutungo.”
37. At kung paano Kami nagpahayag ng mga Kasulatan sa mga Propeta sa kani-kanilang wika ay nagpahayag naman Kami sa iyo, O Muhammad (r), ng Banal na Qur’ân sa wikang ‘Arabic;’ upang ito ang maging panuntunan ninyo bilang batas, at kung susundin mo ang kagustuhan ng mga walang pananampalataya sa pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I) pagkatapos na dumating sa iyo ang katotohanan mula sa Allâh (I) ay walang sinuman ang makatutulong sa iyo at magliligtas mula sa kaparusahan ng Allâh (I).
38. At kapag sinabi nila: “Bakit ikaw, O Muhammad (r), ay nag-aasawa ng mga kababaihan?” Walang pag-aalinlangan, nagpadala Kami ng mga nauna sa iyo na mga Sugo na mula sa mga tao at nilikha Namin ang kanilang naging mga asawa at mga lahi, at kung sinabi nila: “Kung siya ay tunay na Sugo ay ipakita nga niya ang hiningi natin na mga himala,” samantalang walang kakayahan ang sinumang Sugo na magpakita ng himala na hinihingi ng kanyang sambayanan maliban na lamang sa kagustuhan ng Allâh (I). Sa lahat ng bagay na itinakda ng Allâh (I) ay nakatala na at may hangganan, na ito ay itinala ng Allâh (I) na nasa Kanya na kailanman ay hindi maiaantala ni maiuusad.
39. Inaalis ng Allâh (I) ang anuman na Kanyang nais alisin na batas at iba pa, at pinananatili Niya ang anuman na Kanyang nais sa kadahilanang Siya lamang ang Nakaaalam, at nasa Kanya ang pinakatalaang ito, na tinatawag na ‘Al-Lawh Al-Mahfoudh.’
40. At kapag ipinakita Namin sa iyo, O Muhammad (r), ang iilan sa mga parusa na ipinangako Namin sa iyong mga kalaban bilang paghamak at kahihiyan dito sa daigdig, na yaon ang ipinamadali nilang parusa sa kanila; o di kaya ay sanhiin Namin na ikaw ay mamatay bago maipakita ang parusang ito, walang pag-aalinlangang ang tungkulin mo lamang ay iparating ang mensahe at sa Amin naman ang Pagtutuos at Pagbabayad.
41. Hindi ba nakita ng mga walang pananampalataya na binabawasan Namin ang kalupaan mula sa mga dulo nito, na katulad ng pagpasok ng mga Muslim sa lugar ng mga walang pananampalataya at napapasailalim ito sa pangangasiwa ng mga Muslim? At ang Allâh (I) ay Siyang Nagpapasiya, at kapag Siya ay nagpasiya, wala nang maaari pang makapagbago ng Kanyang ipinasya, na mabilis ang Kanyang pagtutuos at paghuhukom, na kung kaya, huwag ninyong madaliin ang Kanyang kaparusahan dahil sa ito ay walang pag-aalinlangang darating.
42. Katiyakan, nagpakana ang mga nauna sa inyo laban sa kanilang mga Sugo, na katulad ng ginawa nila sa iyo, O Muhammad (r), subali’t Pagmamay-ari ng Allâh (I) ang lahat ng panukala, at ginawa Niyang walang kabuluhan ang kanilang mga pakana at wala silang matatamo kundi kabiguan at pagsisisi.
Batid ng Allâh (I) ang anumang napapala ng bawa’t tao, mabuti man ito o masama, at ayon dito sila ay gagantihan. At walang pag-aalinlangan, mababatid ng mga walang pananampalataya kapag sila ay humarap na sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha kung sino ang magiging kaaya-aya ang kanyang patutunguhan pagkatapos ng buhay dito sa daigdig, na ito ay para sa mga tagasunod ng mga Sugo. At ito ay matinding paghahamon at babala sa mga walang pananampalataya.
43. At sinasabi ng mga yaong walang pananampalataya: “O Muhammad (r)! Hindi ka ipinadala ng Allâh (I) bilang Sugo.” Sabihin mo sa kanila: “Sapat na ang Allâh (I) bilang testigo sa aking pagiging totoo at sa pagiging sinungaling ninyo, at sapat na ring testigo ang sinumang nakaaalam ng Aklat na mula sa mga Hudyo at mga Kristiyano, na naniwala sa aking mensahe, na ang dala-dala ko ay mula sa Allâh (I), at sinunod niya ang katotohanan at inihayag ang kanyang pagsasaksi at hindi niya inilihim.”
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment