81
LXXXI – Sûrat At-Takwîr [Ang Pagpulupot]
بسم الله الرحمن الرحيم
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1-14. Kapag ang araw ay nag-kuwwirat – umikot nang papulupot hanggang sa ito ay kumuyumos at pagkatapos ay titilapon nang biglaan at mawalan na ito ng liwanag, at kapag ang mga bituin ay nagkandalaglagan at nawala na rin ang ningning nito, at kapag ang mga kabundukan ay pinagalaw na sa ibabaw ng kalupaan at parang alikabok na lamang na nagliliparan, at kapag ang mga babaeng kamelyo na mga buntis ay pinabayaan na lamang at hindi na pinag-ukulan ng pansin, at kapag ang mga iba’t ibang mababangis na hayop ay nagsama-sama na at nagkahalu-halo; upang pagagantihin ng Allâh (I) ang isa sa isa, at kapag ang mga karagatan ay umapaw at pagkatapos ay sasabog at kakalat, at kapag pinagsama-sama na ang mga kaluluwa na magkakatulad (na ang kaluluwa ng mga mabubuti ay magkakasama at ganoon din ang mga masasama ay magkakasama rin), at kapag ang batang babaing sanggol na inilibing nang buhay ay tatanungin sa Araw ng Muling Pagkabuhay ng tanong bilang pagpapagaan ng kalooban, at bilang pagsindak sa sinumang naglibing sa kanya: kung ano ba ang kasalanan niya at bakit siya inilibing nang buhay, at kapag ilalantad na ang mga talaan ng gawain, at kapag ang kalangitan ay aalisin na at tatanggalin na sa kinaroroonan nito, at kapag ang Impiyernong-Apoy ay sinilaban na at pagliliyabin, at kapag ang ‘Al-Jannah’ (Hardin) na tahanan ng kasiyahan ay ilalapit na sa mga maninirahan dito na mga matatakutin sa Allâh (I), at kapag ito ay nangyari, matitiyak na at matatagpuan na ng bawa’t tao kung ano ang bunga ng kanyang nagawa, mabuti man ito o masama.
15-21. Sumumpa ang Allâh (I) sa pamamagitan ng mga bituin na nakatago ang liwanag nito sa araw (‘day’), at sa mga planeta na nakalutang na itinatago ang mga sarili nito sa kanilang mga nililigiran, at sa pamamagitan ng gabi habang dumarating ang dilim nito, at ang umaga kapag lumitaw na ang liwanag nito, katotohanan, ang Qur’ân ay ipinararating ng kagalang-galang na Sugo – na siya ay si Anghel Jibril – na nagtatangan ng lakas sa pagpapatupad ng anumang ipinag-utos sa kanya, na nagtataglay ng mataas na antas sa Allâh (I) na Siyang ‘Rabb’ ng ‘`Arsh’ [ang Trono ng Allâh (I) na angkop sa Kanyang Kamaharlikaan], na siya (Jibril) ay sinusunod ng mga anghel, na ipinagkatiwala sa kanya ang kapayahagan na siya ay bumababa na dala-dala ito.
22-25. At si Muhammad na kilala ninyo ay hindi siya nasisiraan ng bait, at katiyakan, nakita ni Muhammad si Anghel Jibril na dala-dala sa kanya ang mensahe, na siya ay nasa dakilang kalawakan (‘Horizon’ – Abot-Tanaw na nasa dakong silangan), na siya ay hindi nagmamaramot sa pagpaparating ng kapahayagan, at ang Qur’ân na ito ay hindi salita ng isinumpang ‘Shaytân’ na inilayo mula sa Awa ng Allâh (I), kundi ito ay Salita ng Allâh (I) at Kanyang kapahayagan.
26-29. Kung gayon, saan na ba nakarating ang inyong kaisipan sa pagpapasinungaling sa Qur’ân pagkatapos nitong mga matitibay na mga katibayan? Ito ay walang iba kundi aral mula sa Allâh (I) sa lahat ng sangkatauhan sa sinumang nagnanais mula sa inyo na magpakatuwid sa katotohanan at tamang paniniwala, at ang anuman na nanaisin ninyo na pagpapakatuwid ay hindi kayo magkakaroon ng kakayahan para rito, kung ito ay hindi gugustuhin ng Allâh (I) na ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng lahat ng nilalang.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment