61
LXI – Sûrat As-Saff
[Kabanata As-Saff – Ang Hanay o ang Hilera]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Pinuri ang Allâh (I) at inilayo sa anumang bagay na hindi karapat-dapat sa Kanyang Kamaharlikaan ng lahat ng mga nasa kalangitan at mga nasa kalupaan, at Siya ay ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan na hindi nadaraig, na ‘Al-Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang mga salita at mga gawa: pagtatakda, pangangasiwa, paglikha at pagsasatala ng Batas, na inilalagay Niya ang lahat ng bagay sa karapat-dapat nitong paglagyan.
2. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Bakit kayo nangangako ng pangako o nagsasalita ng mga salita na hindi naman ninyo tinutupad? Ito ay pagsasalungat sa sinuman na sinasalungat ng kanyang gawa ang kanyang sinasabi.
3. Kapoot-poot sa paningin ng Allâh (I) ang inyong sinasabi sa inyong mga bibig na hindi naman ninyo ginagawa.
4. Katiyakan, ang Allâh (I) ay minamahal Niya ang mga nakikipaglaban sa Kanyang daan na mga nakahelera na para silang matitibay na mga estraktura (haligi o gusali) na hindi nalulusutan ng kalaban. Nasa talatang ito ang katangian ng ‘Jihâd’ – nagpunyagi sa Daan ng Allâh (I) at ng mga nakipaglaban; dahil sa pagmamahal ng Allâh (I) sa Kanyang mga alipin na mga mananampalataya kapag sila ay nakahelera na humaharap sa mga kumalaban sa Kanya (Allâh I), na sila ay nakipaglaban sa Kanyang Daan.
5. At ipaalaala mo sa iyong sambayanan, O Muhammad, noong sinabi ng Propeta ng Allâh (I) na si Mousã (u) sa kanyang sambayanan: “Bakit ninyo ako nilalait sa salita at sa gawa, gayong batid ninyo na ako ay Sugo ng Allâh (I) sa inyo?” Na kung kaya, nang sila ay lumihis sa katotohanan samantalang ito ay batid nila at nagpumilit sila rito, ay nilihis ng Allâh (I) ang kanilang mga puso mula sa pagtanggap ng patnubay; bilang parusa sa kanila sa kanilang paglihis na pinili ng kanilang mga sarili. At ang Allâh (I) ay hindi Niya ginagabayan ang mga taong naghimagsik na sumuway sa pagsunod sa Kanya at lumabag sa Kanyang Batas.
6. Ipaalaala mo, O Muhammad, sa iyong sambayanan, noong sinabi ni `Îsã na anak ni Maryam (u) sa kanyang sambayanan: “O angkan ni Isrâ`il, walang pag-aalinlangan, ako ay Sugo ng Allâh sa inyo na pinatutunayan ang anumang dumating na nauna kaysa sa akin na ‘Tawrah,’ at nagbibigay ng magandang balita at tumitestigo sa Sugo na darating pagkatapos ko na ang kanyang pangalan ay Ahmad, na siya si Muhammad, at mag-aanyaya na siya ay paniwalaan,” subali’t nang dumating sa kanila si Muhammad na may dala-dalang malilinaw na mga talata, kanilang sinabi: “Ang dala-dala mo sa amin ay malinaw na salamangka.”
7. At sino pa ba ang mas matindi ang kanyang kasamaan at paglabag kaysa sa kanya na nag-imbento ng kasinungalingan laban sa Allâh (I), na siya ay nagturing ng mga katambal sa kanyang pagsamba sa Allâh (I), gayong siya ay inaanyayahan na pumasok sa Islâm at maging taos-puso ang kanyang pagsamba sa Allâh (I) na Bukod-Tangi? At hindi ginagabayan ng Allâh (I) ang mga yaong hinamak nila mismo ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagtanggi sa Allâh (I) at pagsamba ng iba, na sila ay hindi Niya gagabayan sa anumang patnubay.
8. Ninanais nila na mga masasama na sirain ang katotohanan na dala-dala ni Muhammad, na ito ay ang Qur’ân, sa pamamagitan ng kanilang mga sinasabing mga kasinungalingan. Subali’t ito ay hindi nila kailanman maisasakatuparan bagkus ay pangingibabawin Niya ang Katotohanan – ang Liwanag ng Islâm – sa pamamagitan ng pagbubuo ng Kanyang ‘Deen’ (o Relihiyon) kahit ito ay kamuhian pa ng mga walang pananampalataya.
9. Ang Allâh (I) ay Siyang nagpadala sa Kanyang Sugo na si Muhammad na dala-dala niya ang Patnubay na ito ay ang Qur’ân at ang ‘Deen’ (o Relihiyon) ng Katotohanan na ito ay ‘Deen Al-Islâm;’ upang ito ay pangingibabawin Niya laban sa lahat ng relihiyon na labag at salungat dito kahit na ito ay kamuhian pa ng mga ‘Mushrikûn’ – sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I).
10. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Nais ba ninyong gabayan Ko kayo sa dakilang pakikipagkalakalan na magliligtas sa inyo mula sa masidhing kaparusahan?
11. Na kayo ay manatili sa inyong paniniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, at kayo ay magpunyagi at makipaglaban sa Daan ng Allâh (I); upang itaguyod ang Kanyang ‘Deen’ sa pamamagitan ng inyong yaman at inyong buhay, ito ang mas higit na nakabubuti sa inyo kaysa sa makamundong pakikipagkalakalan, kung kayo ay nakababatid sa anumang nakapipinsala at nakabubuti sa inyo ay sundin ninyo ito.
12-13. Kapag ginawa ninyo, O kayong mga mananampalataya, ang ipinag-utos sa inyo ng Allâh (I) ay patatawarin Niya sa inyo ang inyong mga kasalanan at papapasukin Niya kayo sa mga Hardin na umaagos ang mga ilog sa ilalim ng mga puno nito, at sa mga tahanan na kalugud-lugod na mga malilinis na nasa mga hardin na mananatili kayo roon magpasawalang-hanggan, na ito sa katotohanan ang dakilang tagumpay na wala nang makahihigit pa rito.
At iba pang karagdagang biyaya para sa inyo, O kayong mga mananmapalataya, na ito ay inaasam ninyo, ang inyong pangingibabaw at pagwawagi mula sa Allâh (I) ay darating sa inyo, at maagang tagumpay ninyo sa pamamagitan mismo ng inyong mga kamay. At ipamalita mo, O Muhammad, sa mga mananampalataya, ang tagumpay, pagkapanalo rito sa daigdig at ang ‘Al-Jannah’ (o Hardin) sa Kabilang-Buhay.
14. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Gawin ninyo ang inyong mga sarili na kaagapay ng ‘Deen’ ng Allâh (I), na katulad ng mga pinili na tagasunod ni `Îsã (Hesus u), na sila ang naging tagapagtaguyod ng ‘Deen’ ng Allâh (I) noong sinabi sa kanila ni `Îsã: “Sino sa inyo ang susunod at tutulong sa akin upang siya ay mapamahal sa Allâh (I) at mapalapit?” Sinabi nila: “Kami ang mga tagapagtaguyod ng ‘Deen’ ng Allâh (I) na kami ang magpupunyagi nang alang-alang sa Kanya.” Pagkatapos ang isang grupo mula sa angkan ni Isrâ`îl ay ginabayan at ang isang grupo naman ay naligaw, na kung kaya, pinagkalooban Namin ng kapangyarihan ang naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, at tinulungan Namin sila laban sa kanilang kalaban mula sa iba’t-ibang grupo ng mga nag-aangking tagasunod ni Îsâ (Hesus u) gayong hindi naman talaga totoo, at sila ay nagtagumpay laban sa kanila; at ito ay sa pamamagitan ng pagkakapadala kay Muhammad (r).
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment