59
LIX – Sûrat Al-Hashr
[Kabanata Al-Hashr – Ang Pagtitipon]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Pinuri ang Allâh (I) at inilayo sa anumang bagay na hindi karapat-dapat sa Kanyang Kamaharlikaan, ng lahat ng mga nasa kalangitan at mga nasa kalupaan, at Siya ay ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan na hindi nadaraig, na ‘Al-Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang Pagtakda, Pangangasiwa, Paglikha at Pagtala ng mga Batas, na inilalagay Niya ang lahat ng bagay sa karapat-dapat nitong paglagyan.
2. Walang iba kundi Siya (Allâh I) ang nagpaalis sa mga yaong tumanggi sa pagiging Propeta ni Muhammad, mula sa mga nagtatangan ng kasulatan na sila ay yaong mga Hudyo ng Banu Nadheer, mula sa kanilang mga tahanan na malapit sa mga Muslim na karatig lugar sa Madinah, at ito ang kauna-unahang pagpapaalis sa kanila mula sa lugar ng mga Arabo tungo sa ‘Sham.’ Hindi ninyo iniisip, O kayong mga Muslim, na sila ay aalis mula sa kanilang mga tahanan, na ganoon sila kaaba at kahamak; dahil sa matinding kapangyarihan at lakas ng kanilang mga kuta. At iniisip ng mga Hudyo na ang kanilang mga kuta ang magliligtas sa kanila mula sa kaparusahan ng Allâh (I) at walang sinuman ang makakagapi sa kanila, subali’t dumating sa kanila ang pinagpasiyahan ng Allâh (I) na hindi man lamang sumagi sa kanilang kaisipan na ito ay mangyayari, at ipinasok ng Allâh (I) sa kanilang mga puso ang takot at matinding pagkagimbal, na sinisira nila ang kanilang mga tahanan sa pamamagitan ng kanilang mga sariling kamay at sa kamay ng mga mananampalataya. Kung gayon, maging aral sa inyo, O kayong mga nagtatangan ng matitinong pag-iisp at matatalino, ang ganitong nangyari sa kanila.
3. At kung hindi lamang itinakda ng Allâh (I) sa kanila na sila ay lalabas mula sa kanilang mga tahanan at ito ay napagpasiyahan na ay agad nang pinarusahan sila rito pa lamang sa daigdig sa pamamagitan ng pagpatay at pagbihag sa kanila, at para sa kanila sa Kabilang-Buhay ay masidhing kaparusahan sa Impiyernong-Apoy.
4. Itong nangyari sa mga Hudyo na kaparusahan dito sa daigdig at sa anumang nakatambang (o naghihintay) sa kanila na kaparusahan sa Kabilang-Buhay ay sa kadahilanang nilabag nila ang Allâh (I) at Kautusan ng Kanyang Sugo nang matinding paglabag, at kinalaban nila ang Allâh (I) at ang Kanyang Sugo at nagpunyagi sila sa pagsagawa ng mga kasalanan. At ang sinumang lalabag sa Allâh (I) at sa Kanyang
5. Anuman ang inyong pinutol, O kayong mga mananampalataya, na mga punong palmera ng mga datiles o di kaya ay pinanatili ninyo sa pagkakatayo ang mga punong yaon, na hindi na ninyo pinakialaman, ito ay kapahintulutan ng Allâh (I) at Kanyang kagustuhan; upang ipahamak sa pamamagitan nito ang sinumang hindi sumunod sa kagustuhan ng Allâh (I) at lumabag sa Kanyang Batas na pag-uutos at pagbabawal, dahil hinayaan kayo na magapi sila sa pamamagitan ng pagputol ng kanilang mga punong palmera ng mga datiles at pagsunog nito.
6. At anumang ibinigay ng Allâh (I) sa Kanyang Sugo na napanalunan niya mula sa kayamanan ng mga Hudyo mula sa Banu Nadheer na tinatawag na ‘Fâ`i,’ nang hindi na ginamitan ng kabalyeriya [60] ni pagsakay man sa kamelyo upang ito ay mapasainyo at hindi na kayo naghirap pa.
Subali’t ibinibigay Niya ang kapangyarihan na magapi ng Kanyang mga Sugo ang sinuman na Kanyang nais sa mga kumakalaban sa Kanya, na sila ay susuko nang wala nang labanan, at ang ‘Fâ`i’ ay ang anumang nakuha na kayamanan sa mga walang pananamapalataya sa makatarungang paraan nang walang naganap na labanan. At ang Allâh (I) ay Siyang ‘Qadeer’ – Ganap na Makapangyarihan sa lahat ng bagay na walang anumang makapipigil sa Kanya.
7. At ang anumang ‘Fâ`i’ na ipinagkaloob ng Allâh (I) sa Kanyang Sugo mula sa kayamanan ng mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I), na mga taga-Makkah, na sila ay hindi na sumakay ng kabayo ni kamelyo man – ito ay pagmamay-ari ng Allâh (I) at ng Kanyang Sugo na ginagasta para sa kapakanan ng lahat ng mga Muslim, at sa mga kamag-anak ng Sugo ng Allâh (r), at sa mga ulila na sila ang mga yaong batang mahihirap na namatay ang kanilang mga ama, at sa mga mahihirap na sila ay nasa tunay na paghihikahos at pangangailangan, at anak sa daan (o tao na natigil o na-‘estranded’ sa daan) na siya ay dayuhan na naglakbay na naubusan ng baon at wala siyang anumang nalabing panustos para sa kanyang sarili; upang hindi ito maging yaman na pagpapasa-pasahan lamang ng mga mayayaman at ipagkakait sa mga mahihirap.
At anumang ipinagkaloob ng Sugo sa inyo na yaman o di kaya ay Batas na itinala para sa inyo ay panghawakan ninyo, at ang anumang ipinagbawal Niya sa inyo na huwag kunin o ipagawa ay iwasan ninyo, at matakot kayo sa Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang ipinag-uutos at pag-iwas sa Kanyang ipinagbabawal. Katiyakan, ang Allâh (I) ay masidhi ang Kanyang kaparusahan sa sinumang lumabag at sumalungat sa Kanyang ipinag-uutos at ipinagbabawal. Ang talatang ito ang katibayan na dapat sundin ang ‘Sunnah:’ salita man ito o di kaya ay gawa o di kaya ay ipinahintulot ng Sugo ng Allâh.
8. At ganoon din, mayroon ding bahagi mula sa yaman ng ‘Fâ`i’ na ibinigay ng Allâh (I) sa Kanyang Sugo ang mga mahihirap na mga ‘Muhâjireen’ na sila ay mga yaong pinilit na paalisin ng mga walang pananampalataya sa Makkah sa kanilang mga tahanan at pinaiwan ang kanilang mga kayamanan na hinihingi nila sa Allâh (I) na pagkalooban sila ng kabuhayan dito sa daigdig at pagmamahal sa Kabilang-Buhay, at itinataguyod nila ang ‘Deen’ (o Relihiyon) ng Allâh (I) at ng Kanyang Sugo sa pamamagitan ng pakikipagpunyagi sa Daan ng Allâh (I). Ang mga katulad nila ang katiyakang matatapat na pinatunayan ng kanilang gawa ang kanilang mga sinasabi.
9. At maging ang mga yaong naninirahan sa Madinah, at naniwala sa Allâh (I) bago mangibang-bayan ang mga taga-Makkah, na sila ay ang mga yaong ‘Ansar’ na minamahal nila ang mga ‘Muhâjireen’ na mga taga-Makkah, at tinutulungan nila sila sa pamamagitan ng kanilang mga kayamanan, at walang anumang pag-iimbot sa kanilang mga sarili mula sa anumang ipinagkaloob sa mga taga-Makkah na ‘Fâ`i’ at iba pa, at inuuna nila ang mga ‘Muhâjireen’ at ang mga nangangailangan kaysa sa kanilang mga sarili, kahit pa sila ay nangangailangan din. At sinuman ang nailigtas niya ang kanyang sarili sa pagiging maramot at pagkakait ng anumang kagandahang-loob mula sa kanyang yaman ay sila ang mga magtatagumpay na makakamtan nila ang anuman na kanilang inaasam.
10. At ang mga yaong dumating na mga mananampalataya pagkatapos nila na mga ‘Ansar’ at mga ‘Muhâjireen’ na mga nauna, na kanilang sinasabi: “O Allâh (I) na aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Patawarin Mo ang aming mga kasalanan at patawarin Mo ang aming mga kapatid sa pananampalataya na mga nauna kaysa sa amin na naniwala sa Iyo, at huwag Mong hayaan na magkaroon ng kahit na anumang pag-iimbot, galit ang aming mga puso sa kaninuman sa kanila na mga naniwala, O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Katiyakan, Ikaw ay ‘Raouf’ – Punung-Puno ng Kabutihan sa Iyong alipin, na ‘Raheem’ – Ganap na Mapagmahal sa kanila at Napakamaawain.”
Nasa talatang ito ang patunay na nararapat sa isang Muslim na isaalang-alang ang kabutihan ng mga nauna at manalangin para sa kanila, at mahalin niya ang mga tagasunod ng Sugo ng Allâh (r) at alalahanin niya ang kanilang kabutihan at ihingi sila ng pagmamahal ng Allâh (I).
11. Hindi mo ba napagmasdan ang mga mapagkunwari na sinasabi nila sa kanilang mga kapatid sa di-paniniwala na mga Hudyo mula sa Banu Nadheer: “Kapag kayo ay pinaalis ni Muhammad at ng kanyang mga kasamahan mula sa inyong mga tahanan ay aalis din kami na kasama ninyo, at hindi kami kailanman susunod sa kahit kaninuman sa kanila laban sa inyo upang kayo ay ipahamak, at hindi namin susundin ang utos ng kahit sinumang mag-utos sa amin na ipahamak kayo o pagbawalan kami na hindi sasama sa inyong pag-alis, at kapag nakipaglaban sila sa inyo ay makikipagtulungan kami sa inyo laban sa kanila.” Subali’t ang Allâh (I) ay Testigo na ang mga mapagkunwari ay mga sinungaling sa kanilang ipinangako sa mga Hudyo ng Banu Nadheer.
12. Katiyakan, kapag pinaalis ang mga Hudyo mula sa Madinah ay hindi sasama sa kanila ang mga mapagkunwari, at kapag sila ay kinalaban ay hindi sila makikipaglaban kasama ng mga Hudyo na tulad ng ipinangako nila, at kung sakali na sila ay makipaglaban kasama nila ay tatalikod din sila at tatakas dahil sa pagkatalo, pagkatapos ay hindi na sila tutulungan ng Allâh (I) sa halip ay ipahahamak sila at ipahihiya.
13. Katiyakan, ang takot ng mga mapagkunwari sa inyo, O kayong mga mananampalataya, ay mas matindi na nasa kanilang mga kalooban kaysa sa takot nila sa Allâh (I); dahil sa sila ang mga tao na hindi nila naiintindihan ang kapangyarihan ng Allâh (I) at ang tamang paniniwala sa Kanya, at sila ay hindi natatakot sa Kanyang kaparusahan.
14. Hindi makikipagharap sa inyo ang mga Hudyo sa pakikipaglaban nang magkakasama sila, maliban na lamang kung sila ay nasa mga bayan na protektado ng mga pader at mga kuta at sila ay nasa ilalim ng mga hukay o di kaya sila ay nasa likuran ng mga haligi o malalapad na pader. At ang kanilang poot at paglalaban-laban sa isa’t isa ay mas matindi, na iniisip ninyo na sila ay nagkakaisa sa iisang salita lamang, subali’t ang mga puso nila ay magkakalayo; dahil sa sila ay mga tao na hindi nila naiintindihan ang utos ng Allâh (I) at hindi nila sinusuri ang mga talata ng Banal na Qur’ân.
15. Ang katulad nila na mga Hudyo sa nangyari sa kanila na parusa ng Allâh (I) ay tulad ng nangyari sa mga walang pananampalatayang Quraysh sa Badr at sa mga Hudyo ng Bani Qaynuqa`, dahil natikman nila ang masamang bunga ng kanilang di-paniniwala at ng kanilang pakikipaglaban sa Sugo ng Allâh (r) dito sa daigdig, at ang para sa kanila sa Kabilang-Buhay ay masidhing parusa.
16. At ang katulad nila na mga mapagkunwari sa paghihikayat nila sa mga Hudyo sa pakikipaglaban at pangangako nila na sila ay makikipagtulungan sa kanila laban sa Sugo ng Allâh (r) ay tulad ni ‘Shaytân’ noong hinikayat niya ang tao: “Huwag kang maniwala,” na inanyayahan niya para rito, at nang hindi na nanampalataya ang tao ay kanyang sinabi: “Walang pag-aalinlangan, ako ay walang pananagutan sa iyo, dahil katiyakang ako ay natatakot sa Allâh (I) na ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng mga nilalang.”
17. Na kung kaya, ang naging bunga ng pangyayari kay ‘Shaytân’ at sa tao na sumunod sa kanya sa di-paniniwala, ay sa Impiyerno silang pareho na sila ay mananatili roon magpasawalang-hanggan, at ito ang kabayaran sa mga masasama na lumabag sa Batas ng Allâh (I).
18. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo at sumunod sa Kanyang gabay, katakutan ninyo ang Allâh (I), at maging maingat kayo sa Kanyang parusa sa pamamagitan ng pagsagawa ng ipinag-uutos Niya sa inyo at pag-iwas ng ipinagbabawal Niya sa inyo, at hayaang suriin ng sinuman sa inyo ang anuman na kanyang nagawang gawain para sa Kabilang-Buhay, at matakot kayo sa Allâh (I) sa lahat ng inyong mga ginagawa at iniiwasan. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ganap na Nakababatid sa anuman na inyong ginagawa, at walang anumang naililihim sa Kanya sa inyong mga gawain, at ayon dito kayo ay tutumbasan.
19. At huwag ninyong gawin, O kayong mga mananampalataya, ang tulad ng mga yaong hindi nila isinakatuparan ang karapatan ng Allâh (I) na ipinag-utos sa kanila, at ito ay nakaligtaan nila, dahil doon ay ipinakaligta rin sa kanila ang karapatan ng kanilang mga sarili na kabutihan para sila ay makaligtas mula sa parusa ng Allâh (I) sa Araw ng Muling Pagkabuhay, sila ang mga yaong itinuturing na mga masasama na lumabag sa pagsunod sa Allâh (I) at sa pagsunod sa Kanyang Sugo.
20. Na kung kaya, hindi maaaring magkatulad ang mga taong maninirahan ng Impiyerno na pinarurusahan at ang mga taong maninirahan ng ‘Al-Jannah’ (Hardin) na pinaliligaya, dahil ang mga maninirahan sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) ang tunay na mga nagtagumpay na nagkamit ng lahat ng kanilang minimithi, na ligtas sa anumang bagay na di kanais-nais.
21. Kung ibinaba lamang Namin ang Banal na Qur’ân sa isa sa mga bundok mula sa maraming kabundukan, ay maiintindihan nito (bundok) kung anuman ang pangako at babala na nasa loob nito (Qur’ân), at makikita na kahit na napakatibay at napakalakas at napakalaki ng bundok na ito, ay magpapasailalim pa rin ito at magpapakumbaba na mabibiyak at madudurog dahil sa takot sa Allâh (I).
Ito ang mga parabola na Aming ibinibigay at nililinaw sa tao upang mapag-isipan nila ang Kapangyarihan ng Allâh (I) at ang Kanyang Kadakilaan. Nasa talata ring ito ang pag-uutos sa pagsuri ng Banal na Qur’ân, at pag-iintindi ng mga kahulugan nito at pagpapatupad.
22. Siya ang Allâh (I), na bukod sa Kanya ay ‘Lâ i-lâ-ha il-lâ Huwa’ – walang sinumang ‘Ilâh’ (Diyos) na sinasamba o bukod-tangi na may karapatan at karapat-dapat na sambahin kundi Siya, ang ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam ng anumang kinikimkim at inihahayag, nababatid Niya ang anumang lihim at lantad, na Siya ay ‘Ar-Rahmân’ – ang Pinakamahabagin na saklaw ng Kanyang habag ang lahat ng bagay, na Siya ay ‘Ar-Raheem’ – ang Pinakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa mga naniwala sa Kanya.
23. Siya ang Allâh (I), na bukod sa Kanya ay ‘Lâ i-lâ-ha il-lâ Huwa’ – walang sinumang Diyos na sinasamba o bukod-tangi na may karapatan at karapat-dapat sambahin kundi Siya, ‘Al-Malik’ – ang Nagmamay-ari at Hari ng lahat ng bagay, na Siya ang ganap na may kapangyarihan sa kanila, na ginagawa Niya ang anuman na Kanyang nais na walang sinuman ang makapipigil at makahahadlang sa Kanya; na Siya ay ‘Al-Quddûs’ – ang Dalisay at Ganap na Napakalayo sa pagiging di-kaganapan; ‘As-Salâm’ – na Siya ay Ligtas sa lahat ng kapintasan, kakulangan o pangangailangan na ikasasanhi ng pagkabawas o pagkababa ng Kanyang mga ganap na katangian at mga pagkilos; ‘Al-Mu`min’ – ang Tagapagpatunay sa mga malilinaw na mga palatandaan ng Kanyang mga Sugo at Propeta sa anumang mensahe na dala-dala nila; ‘Al-Muhaymin’ – na Siya ang Tagapagmasid sa lahat ng Kanyang nilikha sa kanilang gawain na sakop sila ng Kanyang Kapangyarihan at Pangunguntrol; ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan na walang sinuman ang makahihigit sa Kanya, na nangingibabaw sa lahat ng bagay; ‘Al-Jabbar’ – ang Tagapagpuwersa na kuntrolado Niya ang Kanyang mga alipin at nagpapasailalim sa Kanya ang lahat ng Kanyang mga nilikha, ‘Al-Mutakabbir’ – ang nagtataglay ng Pagmamataas na Siya lamang ang may karapatan ng Pagmamataas at Kadakilaan. Luwalhati sa Allâh (I) ang Kataas-taasan, na Siya ay ligtas na malayo sa anumang ginagawa nilang pagtatambal sa pagsamba sa Kanya.
24. Siya ang Allâh (I), ‘Al-Khaliq’ – ang Tagapaglikha na napakagaling sa Kanyang paglikha ayon sa Kanyang karunungan; ‘Al-Bâri’ – ang Manlilikha (o Imbentor) ng lahat ng bagay ayon sa Kanyang kagustuhan; ‘Al-Musawwir’ – ang Tagapagkaloob ng mga hugis ayon sa Kanyang nais. Pagmamay-ari Niya ang mga mabubuti at magagandang Pangalan at mga matataas na katangian, na pumupuri sa Kanya ang lahat ng mga nasa kalangitan at kalupaan, at Siya ay ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan na matindi ang Kanyang paghihiganti sa mga kumakalaban sa Kanya, na ‘Al-Hakeem’ – ang Ganap na Maalam sa Kanyang pangangasiwa sa Kanyang mga nilikha.”
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment