Sunday, May 16, 2010

Sûrat Az-Zukhruf

43
XLIII – Sûrat Az-Zukhruf
[Kabanata Az-Zukhruf – Mga Palamuti]

بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal

1. Hâ-Mĩm. Ang mga titik na ito ng ‘Arabic’ ay nauna nang naipaliwanag sa ‘Sûratul Baqarah.’

2. Sumumpa ang Allâh (I) sa pamamagitan ng Banal na Qur’ân na malinaw ang kapaliwanagan at mga kahulugan nito.

3-4. Katiyakan, ibinaba Namin ang Banal na Qur’ân kay Muhammad sa wikang ‘Arabic;’ upang ito ay maintindihan ninyo, mapag-aralan ang mga kahulugan nito, at mga katibayan dito. Katiyakan, ito ay nakatala sa ‘Al-Lawh Al-Mahfoudh’ na nasa Amin na mataas ang antas nito at kalagayan, punung-puno ng karunungan na walang pagkakasalungatan sa niloloob nito.

5. Tatalikuran ba Namin kayo at pababayaan na lamang Namin na di na Kami magpapababa ng Banal na Qur’ân sa inyo, dahil sa inyong pagtalikod at hindi ninyo pagsunod, at inyong pagmamalabis sa di-paniniwala?

6-8. Karamihan sa mga Propeta na Aming ipinadala sa mga naunang panahon na nakalipas na nauna sa iyong sambayanan, O Muhammad, at walang sinuman na dumarating sa kanila na Propeta kundi ito ay kanilang kinukutya na katulad ng pagkutya ng iyong sambayanan sa iyo, at winasak Namin ang sinumang hindi naniwala sa Aming mga Sugo, at sila noon ay mas matindi ang lakas at kapangyarihan kaysa sa iyong sambayanan, O Muhammad, at nangyari ang pagparusa sa mga naunang henerasyon sa pamamagitan ng pagwasak; dahil sa kanilang di-paniniwala, pagmamalabis sa kasamaan, pangunutya sa kanilang mga Propeta. At dito sa kapaliwanagan na ito ang pagpapalubag-loob kay Propeta Muhammad.
9. At katiyakan, kapag tinanong mo, O Muhammad, sila na sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) mula sa iyong sambayanan, “Sino ang lumikha ng mga kalangitan at kalupaan?” Walang pag-aalinlangan na kanilang sasabihin: “Ang naglikha ng mga ito ay ang Allâh (I) na ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan sa Kanyang Kaharian, na ‘Al-`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa Kanyang mga nilikha at sa anumang mga bagay na nakapaloob dito at walang anuman ang naililihim sa Kanya.”

10. Na Siyang lumikha sa inyo ng kalupaan nang palatag, at ginawa Niyang madali ito sa inyo na magkaroon ng mga daanan sa ibabaw nito para sa inyong kabuhayan at pangangalakal; upang matututunan ninyo sa pamamagitan ng mga daan na yaon ang ikabubuti ninyo patungkol sa inyong ‘Deen’ (o Relihiyon) at makamundong buhay.

11. At Siya na nagbaba mula sa kalangitan ng tubig-ulan sa tamang kasukatan, na hindi bagyo na nakalulunod, na hindi naman kulang sa pangangailangan: upang ito ay maging kabuhayan ninyo at ng inyong mga inaalagaang hayop, at binubuhay Namin sa pamamagitan nitong tubig ang tuyot na kalupaan na walang tumutubo na mga pananim, kung paano Namin pinasisibol sa pamamagitan ng tubig na ito na Aming ibinababa mula sa kalangitan ang mga halamanan at pananim sa tuyot na kalupaan, ay ganoon din Namin kayo palalabasin, O kayong mga tao, mula sa inyong mga libingan pagkatapos ninyong maagnas (o mabulok).

12. At Siya rin na lumikha ng lahat ng iba’t ibang uri ng mga hayop at mga pananim, ay ginawa rin Niya para sa inyo ang mga sasakyang pandagat na sinasakyan ninyo sa karagatan, at ganoon din ang mga hayop na katulad ng kamelyo, kabayo at asno na siyang sinasakyan ninyo sa kapatagan.

13-14. Upang kayo ay makasakay sa mga likuran nito, at pagkatapos ay maalala ninyo ang biyaya ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha kapag kayo ay nakasakay dito, at inyong sasabihin: “Papuri sa Allâh (I) na Siyang lumikha nito para sa amin upang aming mapakinabangan, wala kaming kakayahan na gawin ito,” at sasabihin din ninyo: “At katiyakang kami ay patutungo sa Allâh (I) na aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha pagkatapos ng aming kamatayan at walang pag-aalinlangang kami ay babalik sa Kanya.”

Dito sa talatang ito ang paglilinaw ng Allâh (I) sa pagkakaloob Niya ng biyaya sa Kanyang alipin ng iba’t ibang uri ng biyaya, na Siya lamang kung gayon ang may karapatang sambahin sa lahat ng pagkakataon.

15. Yayamang nagturing ang mga ‘Mushrikûn’ – sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) – ng kabahagi (o kaparte) ng Allâh (I) mula sa kanyang nilikha, na kanilang sinasabi na ang mga anghel ay mga anak na kababaihan ng Allâh (I). Katiyakan, ang tao ay binabalewala ang mga biyaya na ipinagkaloob sa kanya ng Allâh (I) na kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na inilalantad niya ang kanyang pagbabalewala at pagtanggi sa Allâh (I) na ang binibilang lamang niya ay ang mga sakuna na nangyari at nakalimutan niya ang mga biyaya.

16. O di kaya ay inaangkin ba ninyo, O kayong mga mangmang, na ang Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay nagkaroon mula sa Kanyang mga nilikha ng mga anak na kababaihan samantalang kayo ay hindi ninyo ito tinatanggap sa inyong mga sarili, at binukod-tangi Niya para sa inyo ang mga anak na kalalakihan? Ito ay bilang pang-aalipusta sa kanila.

17. At kapag ang isa sa kanila ay binalitaan na ang kanyang naging batang sanggol ay babae, na ito ang itinatangi niya sa Allâh (I) na Pinakamahagin bilang pagbibigay ng parabola (paghahambing), ang kanyang mukha ay mangigitim sa sama ng ibinalita sa kanya, na siya ay malulungkot na punung-puno ng pagdadalamhati. (Paano nila natatanggap na ang inaayawan nila sa kanilang mga sarili ay yaon ang itinatangi nila para sa Allâh I?) Kataas-taasan ang Allâh (I), Siya ay malayo sa anuman na sinasabi ng mga walang pananampalataya ng pagkataas-taas at pagkalayu-layo hinggil sa kanilang inangkin na kasinungalingan para sa Kanya.

18. Napakalakas ba ng inyong mga loob na itinatangi ninyo sa Allâh (I) ang sinumang inaalagaan, pinapalamutian, dinadamitan sa kagandahan (babae), samantalang siya ay hindi niya kayang linawin ang kanyang katibayan sa pagtatalo dahil sa siya ay babae?

19. Ginawa nila na mga ‘Mushrikûn’ – sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) – ang mga anghel bilang mga anak na kababaihan ng Allâh (I) samantalang sila (anghel) ay mga alipin ng Allâh (I) na Pinakamahagin. Nakadalo ba sila sa paglikha ng mga ito upang sila ay maghusga na ito ay mga babae? Walang pag-aalinlangan, isusulat ang kanilang sinabi na ito ay mga babae at itatanong ito sa kanila sa Kabilang-Buhay.

20. At sinabi ng mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) mula sa mga Quraysh: “Kung ninais lamang ng Allâh (I) na Pinakamahagin ay hindi kami sasamba ng sinuman bukod sa Kanya,” at ito ay maling katwiran dahil walang pag-aalinlangang itinatag (itinayo) ng Allâh (I) laban sa Kanyang mga alipin sa pamamagitan ng pagkakapadala ng mga Sugo at pagkakapababa ng mga Aklat ang Kanyang katibayan, na kung kaya, ang kanilang pangangatwiran na dahil sa pagpapasiya at pagtatakda ay napakalaking kamalian pagkatapos ng pagbabala ng mga Sugo sa kanila. At wala silang tamang kaalaman hinggil sa katotohanan sa kanilang mga pinagsasabi, kundi ang mga sinasabi lamang nila ay mga haka-haka at kasinungalingan; dahil sa wala silang katibayan mula sa Allâh (I) at wala silang anumang rebelasyon na nagmumula sa Allâh (I).

21. Nakadalo ba sila sa paglikha ng mga anghel o di kaya ay pinagkaloban ba Namin sila ng Aklat bago dumating ang Qur’ân na ipinahayag Namin sa iyo, at ito ang kanilang pinanghahawakan na sinusunod nila ang nakapaloob dito at ikinakatwiran nila laban sa iyo, O Muhammad?

22. O di kaya ay kanilang sinabi: “Katiyakan, natagpuan namin ang aming mga ninuno sa ganitong pamamaraan at paniniwala, at katiyakang kami ay sumusunod sa yapak ng aming mga magulang at ito ang aming gabay na sinusunod.”

23. At gayundin, hindi Kami nagpadala ng Tagapagbabala na nauna sa iyo, O Muhammad, sa bawa’t bayan na binabalaan sila hinggil sa Aming kaparusahan dahil sa hindi nila paniniwala sa Amin, na binabalaan sila hinggil sa Aming galit pagdating ng Aming kaparusahan sa kanila, kundi sinabi ng mga nasa mararangyang pamumuhay mula sa mga namumuno at kinikilala: “Katiyakan, natagpuan namin ang aming mga ninuno sa ganitong paniniwala at ‘deen’ (o relihiyon), at kami ay sumusunod sa kanilang yapak (daan) at pamamaraan.”
24. Sinabi ni Muhammad at ang sinumang nauna sa kanya na mga Sugo sa sinumang tumanggi sa ganitong maling pangangatwiran: “Susundin ba ninyo ang inyong mga magulang, kahit ang dala-dala ko sa inyo mula sa Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay mas higit na naggagabay sa Daan ng Katotohanan at mas malinaw na katibayan sa Daan ng Patnubay kaysa anuman na natagpuan ninyo sa inyong mga ninuno na pamamaraan at paniniwala?” Sinabi nila bilang pagmamatigas: “Katiyakan, ang anuman na dala-dala ninyo sa amin ay tinatanggihan namin at hindi namin pinaniniwalaan.”

25. Na kung kaya, tinumbasan Namin ang mga taong ito na di-naniwala sa kanilang mga Sugo ng pagpaparating ng Aming parusa sa kanila na tulad ng paglamon sa kanila ng kalupaan, pagkalunod at iba pa, na kung kaya, pagmasdan mo, O Muhammad, kung ano ang naging hantungan nila noong hindi nila pinaniwalaan ang mga palatandaan ng Allâh (I) at ang Kanyang mga Sugo. At mag-ingat ang iyong sambayanan sa kanilang pananatili sa di-paniniwala, na mangyari sa kanila ang nangyari roon sa mga nauna sa kanila.

26. At alalahanin mo, O Muhammad, noong sinabi ni Ibrâhim sa kanyang ama at sa kanyang sambayanan na sila ay sumasamba sa katulad ng sinasamba ng iyong sambayanan, O Muhammad: “Walang pag-aalinlangan, ako ay walang pananagutan sa inyo sa anuman na inyong sinasamba bukod sa Allâh (I).”

27. Maliban sa Kanya na lumikha sa akin, dahil katiyakan, na walang pag-aalinlangan, gagabayan Niya ako sa pagsunod sa Daan ng Patnubay.

28. At ginawa ni Ibrâhim ang kataga ng Kaisahan ng Allâh (I) – ‘Lâ i-lâ-ha il-lal-lâh’ (walang sinumang ‘Ilâh’ o Diyos na sinasamba at bukod-tanging may karapatan at karapat-dapat na sambahin kundi ang Allâh I) – na manatili pagkatapos niya; upang sila ay magbabalik tungo sa pagsunod sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at maniwala sa Kanyang Kaisahan, at sila ay magsisisi mula sa kanilang di-paniniwala at pagsagawa ng mga kasalanan.

29. Katiyakan, pinasaya ko, O Muhammad, sila na mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) mula sa iyong sambayanan at ang kanilang mga ninuno na nauna sa kanila sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng magandang kabuhayan, at hindi Ko minadali sa kanila ang pagpaparusa dahil sa di nila paniniwala, hanggang sa dumating sa kanila ang Qur’ân at ang Sugo na nilinaw sa kanila ang anuman na kanilang pangangailangan hinggil sa kanilang ‘Deen’ o paniniwala.

30. At nang dumating sa kanila ang Qur’ân mula sa Allâh (I), kanilang sinabi: “Itong dala-dala sa amin ng Sugo ay salamangka upang linlangin kami, at hindi kapayahagan na mula sa Allâh (I), at kami sa katunayan ay hindi naniniwala sa kanyang dala-dala na kapahayagan.”

31. At sinabi nila na mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) na mga Quraysh: “Kung ang Qur’ân na ito ay tunay na mula sa Allâh (I), ay bakit hindi ipinahayag sa isang dakilang tao na mula sa isa sa dalawang bayan – Makkah o di kaya ay Taif – ?”

32. Sila ba ang magbabaha-bahagi ng biyaya ng pagiging Propeta na ibinibigay nila sa sinuman na kanilang nais? Walang iba kundi Kami ang nagbabaha-bahagi sa pagitan nila ng kanilang kabuhayan dito sa buhay sa daigdig na mga kabuhayan at mga pangangailangan, at iniangat Namin ang iba na higit kaysa sa iba sa mga antas: na ito ay mayaman at ito ay mahirap, na ito ay malakas at ito ay mahina; upang ang iba sa kanila ay magiging daan sa kabuhayan ng iba. At ang awa ng Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, O Muhammad, sa pagpapapasok sa kanila sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) ay higit na nakabubuti sa anuman na kanilang tinatamasa na buhay na makamundo na may katapusan.

33. At kung hindi lamang ang mga tao ay magiging isang grupo sa di-paniniwala na makamundong buhay lamang ang hinahangad ay iginawa na Namin ang sinumang hindi naniniwala sa Allâh (I) na Pinakamahabagin ng mga bubong mula sa kanilang mga tahanan na gawa sa pilak at iginawa na rin Namin sila ng mga hagdan na kung saan sila ay iaangat.
34-35. At iginawa na (rin) Namin sila ng mga pintuan sa kanilang mga tahanan na gawa sa pilak, at iginawa na (rin) Namin sila ng mga trono na gawa sa ginto na ito ay kanilang sasandalan. Subali’t ang lahat ng mga ito ay pawang kasiyahan lamang sa mundo na panandaliang kasiyahan. At ang kasiyahan sa Kabilang-Buhay ay inilaan ng Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, O Muhammad, para sa mga may takot sa Kanya at hindi para sa iba.

36. At sinuman ang tatalikod sa pag-aalaala sa Allâh (I) na Pinakamahabagin, na ito ay sa pamamagitan ng di-pagpapahalaga sa Banal na Qur’ân, at hindi natatakot sa Kanyang kaparusahan, at hindi sumunod sa Kanyang gabay, ay magtatalaga Kami para sa kanya ng isang ‘Shaytân’ dito sa daigdig upang magliligaw sa kanya; bilang kabayaran sa kanyang pagtanggi sa pag-aalaala sa Allâh (I), at ito ay mananatiling kasama niya na ipagbabawal sa kanya ang anumang ipinahintulot at uutusan siya na gawin ang anumang ipinagbabawal.

37. At katiyakan, ang mga ‘Shaytân’ ay hinaharangan nila sa Daan ng Katotohanan ang mga tumalikod sa pag-aalaala sa Allâh (I), at pinapalamutian nila sa kanila ang pagkaligaw, at ipinapopoot sa kanila ang paniniwala sa Allâh (I) at pagsunod sa Kanya, at iisipin nila na mga tumalikod, dahil sa pagpapaganda sa kanila ng mga ‘Shaytân’ sa anuman na kanilang ginagawa ay inaakala nilang ang kanilang kinalalagyan na pagkaligaw ay ito ang nasa katotohanan at gabay.

38. Hanggang kapag dumating sa Amin sa Araw ng Muling Pagkabuhay ang sinuman na tumanggi sa pag-aalaala sa Allâh (I) na Pinakamahabagin at ang kanyang kasamahan na mula sa mga ‘Shaytân’ para sa pagkukuwenta at pagbabayad, sasabihin ng tumalikod sa pag-aalaala sa Allâh (I) sa kanyang kasamahan na ‘Shaytân:’ “Sana’y hinangad ko, na ang pagitan ko at pagitan mo ay ang layo ng agwat ng silangan at kanluran, napakasama mong kaibigan dahil sa iniligaw mo ako.”

39. At kailanman ay hindi magiging kapaki-pakinabang sa inyo ngayon, O kayong mga tumalikod sa pag-aalaala sa Allâh (I), ang pagsisisihan dahil sa kayo ay sumamba ng iba bukod sa Allâh (I) sa daigdig, at walang pag-aalinlangang kayo ay magkasama sa parusa at ang inyong mga kaibigan, at bawa’t isa sa inyo ay makakamtan niya ang kanyang sapat na bahagi na kaparusahan, na tulad ng inyong pagsasama sa di-paniniwala.

40. Magagawa mo bang makarinig, O Muhammad, ang sinumang ginawang bingi ng Allâh (I) mula sa pagdinig ng katotohanan, o di kaya ay maaari mo bang magabayan tungo sa daan ng patnubay ang sinumang binulag ng Allâh (I) ang kanyang puso upang hindi na makakita pa, o di kaya ay maaari mo bang magabayan ang sinumang nasa pagkaligaw nang malinaw na pagkaligaw mula sa katotohanan? Ito ay hindi mo na tungkulin, dahil ang tungkulin mo lamang ay iparating ang mensahe, hindi ang pagdala sa kanila sa patnubay, subali’t ang Allâh (I) ay ginagabayan Niya ang sinuman na Kanyang nais at inililigaw Niya ang sinuman na Kanyang nais.

41-42. At kapag sinanhi Namin na dumating sa iyo ang kamatayan, O Muhamamd, bago mangyari ang iyong pangingibabaw sa mga walang pananampalataya mula sa iyong sambayanan, ay walang pag-aalinlangang Kami pa rin ang gaganti sa kanila sa Kabilang-Buhay, o di kaya ay ipakikita Namin sa iyo ang ipinangako Namin sa kanila na kaparusahan na ito ay mangyayari sa kanila na tulad ng nangyari sa araw ng Labanan sa Badr, dahil katiyakang Kami ang may kakayahang pangibabawin ka laban sa kanila, at aabahin Namin sila sa pamamagitan mo at sa pamamagitan ng mga naniwala sa iyo.

43. Na kung kaya, panghawakan mo, O Muhammad, ang anuman na ipinag-utos ng Allâh (I) sa iyo na nasa Banal na Qur’ân na ipinahayag sa iyo; dahil katiyakang ikaw ay nasa Matuwid na Landas, ito ang ‘Islâm,’ ang ‘Deen’ ng Allâh (I) na ipinag-utos sa iyo. Ito ay bilang pagpapatatag sa Sugo ng Allâh (r) at papuri sa kanya.

44. Katiyakan, ang Qur’ân na ito ay karangalan para sa iyo at sa iyong sambayanan mula sa mga Quraysh; dahil ito ay ipinahayag sa kanilang wika, at sila ang higit na nakaiintindi nito, na kung kaya, nararapat lamang na sila ang maging pinakamatatag sa pagtatangan nito kaysa sa ibang tao at mas maging higit sila sa pagsunod sa nilalaman nito, at walang pag-aalinlangang tatanungin kayo, ikaw at ang sinuman na iyong kasamahan hinggil sa pagtanaw ng utang na loob sa Allâh (I) at sa pagpapatupad nito.

45. Tanungin mo, O Muhammad, ang mga tagasunod ng mga Sugo na ipinadala Namin na nauna sa iyo at ang mga tagapagdala ng kanilang mga batas: “Nagdala ba ang kanilang mga Sugo ng Mensahe na pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I) na Pinakamahabagin?” Walang pag-aalinlangang sasabihin nila sa iyo na ito ay hindi nangyari; dahil katiyakan, lahat ng mga Sugo ay nag-aanyaya tungo sa anumang pag-aanyayang ginawa mo sa mga tao na pagsamba lamang nang bukod-tangi sa Allâh (I), na wala Siyang katambal, at pinagbawalan sila na sumamba ng iba bukod sa Allâh (I).

46-47. At katiyakan, ipinadala Namin si Mousâ kasama ang Aming mga katibayan tungo kay Fir`âwn at sa mga matataas na kanyang sambayanan, na katulad din ng pagkapadala Namin sa iyo tungo sa mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) mula sa iyong sambayanan at sinabi sa kanila ni Mousâ: “Katiyakan, ako ay Sugo ng Allâh na ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng mga nilalang,” at nang dumating siya sa kanila na dala-dala niya ang Aming mga malilinaw na palatandaan na nagpapatotoo sa kanyang paanyaya, ay pinagtawanan ni Fir`awn at ng kanyang kasamahan ang anuman na dala-dala ni Mousâ sa kanila na mga talata at mga aral.

48. At wala Kaming ipinakita kay Fir`âwn at sa kanyang mga matataas na kasamahan na katibayan kundi mas matindi pa kaysa sa nauna na katibayan sa kanila, at mas malinaw na nagpapatunay sa anumang paanyaya ni Mousã (u) sa kanila, at pinarusahan Namin sila ng iba’t ibang parusa na katulad ng mga tipaklong, kuto, mga palaka, delubyo (baha) at iba pa upang sila ay manumbalik mula sa kanilang di-paniniwala sa Allâh (I) tungo sa paniniwala sa Kanyang Kaisahan at pagsunod sa Kanya.
49. At sinabi ni Fir`âwn at ng kanyang matataas na kasamahan kay Mousã (u): “O ikaw na salamangkero! [57] Idalangin mo sa Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, dahil sa Kanyang pangako na ipinangako Niya sa iyo at sa pagtatangi Niya sa iyo ng mga katangian, na patigilin Niya ang parusa Niya sa amin, at kapag nawala na ang parusang ito sa amin ay walang pag-aalinlangang kami ay susunod at maniwala sa anumang dala-dala mo sa amin.”

50. At nang nanalangin si Mousâ na patigilin ang parusa sa kanila at pinatigil Namin sa kanila ito ay nilinlang nila si Mousâ at nanatili sila sa kanilang pagkaligaw.

51. At nanawagan si Fir`âwn sa mga matataas na tao sa kanyang sambayanan na nagmamayabang at nagmamataas na siya ang hari ng Ehipto: “Hindi ba ako ang hari ng Ehipto at itong mga ilog ay umaagos mula sa aking ibaba? Hindi ba ninyo nakikita ang aking kadakilaan at aking kapangyarihan, at ang kahinaan ni Mousâ at ang kanyang kahirapan?

52. “Katiyakan, ako ay mas higit sa kanya na walang tinataglay na anumang karangalan, pinahihirapan niya ang kanyang sarili upang makamtan niya ang kanyang pangangailangan dahil sa kanyang kahinaan at pagiging walang halaga sa lipunan, at halos hindi niya maililinaw ang kanyang sasabihin dahil sa kapansanan ng kanyang dila,” at katiyakang ang nagtulak kay Fir`âwn sa ganitong mga salita ay ang di niya paniniwala, pagmamatigas at pagharang sa Daan ng Allâh (I).

53. “Hindi ba dapat ay pagkalooban si Mousã (u) ng Allâh (I) na ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng mga nilalang, ng mga pulseras na mga ginto kung siya ay totoong Sugo, o di kaya ay darating kasama niya ang mga anghel na sila ay magkakasama sa isa’t isa, na sila ay magkakasunud-sunod na titestigo sa kanya na siya ay tunay na Sugo ng Allâh (I) sa atin?”

54. Sa ganito nilinlang at iniligaw ni Fir`âwn ang mga kaisipan ng kanyang sambayanan at inanyayahan sila tungo sa pagkaligaw, at sila ay sumunod sa kanya at di pinaniwalaan si Mousâ. Katiyakan, sila ang mga tao na lumayo sa pagsunod sa Allâh (I) at sa Kanyang Matuwid na Landas.

55. At nang ginalit nila Kami (Allâh I) – dahil sa kanilang paglabag sa Amin at pagtanggi kay Mousâ at sa dala-dala niyang talata at mga katibayan – ay ginantihan Namin sila na minadali Naming iginawad ang parusa sa kanila, na kung kaya, nilunod Namin silang lahat sa karagatan.

56. At ginawa Namin sila na mga nalunod sa karagatan na aral sa mga susunod na henerasyon sa kanila, na ang sinumang gagawa ng katulad ng ginawa nila ay karapat-dapat sa parusa, at magsilbing aral sa iba.

57. At nang inihalimbawa ng mga ‘Mushrikûn’ – sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) – si `Îsã (u) na anak ni Maryam noong sila ay nakipagtalo kay Muhammad, at ikinakatwiran nila ang pagsamba ng mga Kristiyano sa kanya, ay pagmasdan, ang iyong sambayanan ay humagalpak sa tuwa lalo na noong inihayag ang salita ng Allâh (I): “Katiyakan, kayo at ang iyong sinasamba bukod sa Allâh (I) ay panggatong lamang ng Impiyenong-Apoy, na kung saan, kayo ay katiyakang ilulublob doon.” At sinabi ng mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I): “Tanggap na namin na ang aming mga sinasamba ay kapantay ni `Îsã (u),” at doon ay ipinahayag ng Allâh (I) ang Kanyang salita: “Katiyakan, ang mga yaong nauna na ang pagtakda Namin sa kanila na sila ay gagabayan tungo sa kabutihan na sila (Propeta) ay ilalayo mula sa Impiyerno, na kung kaya, ang itatapon lamang sa Impiyerno mula sa mga sinasamba ng mga mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) ay ang mga yaong sinumang tinanggap niya ang pagsamba nila sa kanya.”

58. At sinabi ng mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) mula sa iyong sambayanan, O Muhammad: “Ang mga diyus-diyosan ba na aming sinasamba ay mas mabuti o si `Îsã (u) na sinamba ng kanyang sambayanan, kung si `Îsã (u) ay sa Impiyerno, maging kami kung gayon at ang aming mga sinasamba ay kasama sa kanya,” subali’t hindi nila inihahalimbawa ang halimbawang ito kundi bilang pakikipagtalo lamang, hindi ang kanilang inaakala ang siyang katotohanan, bagkus sila ay mga taong nakikipagtalo sa kamalian.

59. Si `Îsã na anak ni Maryam ay alipin lamang na pinagkalooban Namin ng biyaya ng pagiging Propeta, at ginawa Namin siya na tanda at aral sa mga Angkan ni Isrâ`îl na magiging gabay nila ayon sa Aming kapangyarihan.

60. Kung ninais Namin ay gumawa na Kami ng kapalit ninyo (mga Propeta) na mga anghel na magsasalit-salitan sa isa’t isa sa pagiging Sugo sa halip na mula sa angkan ni Âdam.

61. At katiyakan, ang pagbaba ni `Îsã (u) bago dumating ang Araw ng Muling Pagkabuhay ay tanda sa papalapit na pagdating ng pagkagunaw ng daigdig (‘As-Sâ`ah’), na kung kaya, huwag kayong magduda dahil ito ay tiyak na mangyayari, at sundin ninyo ako sa anumang aking ipinarating sa inyo mula sa Allâh (I), ito ang Matuwid na Landas tungo sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) na walang paliku-liko at hindi lihis.
62. At huwag ninyong hayaang maharangan kayo ni ‘Shaytân’ sa pamamagitan ng kanyang pambubuyo mula sa pagsunod sa Akin sa anumang Aking ipinag-utos sa inyo at Aking ipinagbawal, dahil sa katunayan, siya ay malinaw ninyong kalaban.

63. At nang dumating si `Îsã sa mga angkan ni Isrâ`îl na dala-dala niya ang mga malilinaw na mga katibayan, kanyang sinabi: “Katiyakan, dala ko sa inyo ang pagiging Propeta, at upang linawin ko sa inyo ang ilan na mga bagay na hindi ninyo pinagkakasunduan hinggil sa ‘Deen’ (o Relihiyon), na kung kaya, matakot kayo sa Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsunod ninyo sa Kanyang ipinag-uutos at pag-iwas ninyo sa Kanyang ipinagbabawal, at sundin ninyo ako sa anumang ipinag-utos ko sa inyo na pagkatakot sa Allâh (I) at pagsunod sa Kanya.

64. “Katiyakan, ang Allâh (I), Siya ay aking ‘Rabb’ at inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng lahat! Na kung kaya, sambahin ninyo Siya nang bukod-tangi, at huwag kayong sumamba ng kahit na anuman bukod sa Kanya. Itong ipinag-utos ko sa inyo ay mula sa pagkatakot sa Allâh (I) at paniniwala sa Kanyang Kaisahan ay ito ang Matuwid na Landas, at ito ang ‘Deen’ ng Allâh (I) na katotohanan na hindi Niya tinatanggap ang anumang maliban dito.”

65. Subali’t nagkasalungatan ang iba’t-ibang grupo hinggil kay `Îsã (u), at sila ay naging iba’t ibang sekta: mayroon sa kanilang naniniwala na siya ay alipin ng Allâh (I) at Kanyang Sugo, na ito ang katotohanan, at mayroon naman sa kanila na nag-aangking siya ay anak ng Allâh (I), at mayroon naman sa kanila na nagsasabing siya ay Allâh (I). Napakataas ng Allâh (I), Siya ay malayo hinggil sa kanilang pinagsasabing kasinungalingan nang pagkalayu-layo, na kung kaya, kapahamakan, kapighatian at masidhing parusa sa Araw ng Muling Pagkabuhay sa sinumang nagtangi kay `Îsã (u) ng iba bukod sa itinangi ng Allâh (I) sa kanya.

66. Mayroon bang hinihintay ang mga grupo na nagkakasalungatan hinggil kay `Îsã maliban sa pagkagunaw ng daigdig, na ito ay biglaang darating sa kanila samantalang ito ay hindi nila namamalayan?

67. Ang magkakaibigan sa pagkakasala sa Allâh (I) dito sa daigdig ay itatanggi nila ang isa’t isa sa Araw ng Muling Pagkabuhay, subali’t ang mga yaong magkakaibigan dahil sa pagkatakot sa Allâh (I), ay mananatili ang kanilang pagkakaibigan dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.

68. Sasabihin sa kanila na mga may takot sa Allâh (I): “O aking mga alipin! Wala na kayong dapat na katakutan ngayon sa Aking parusa, at wala na kayong dapat na ipangamba sa anuman na hindi ninyo nakamtan na kabuhayan sa buhay sa daigdig.”

69-70. Ang mga yaong naniwala sa Aming mga talata at isinagawa ang anumang mensaheng dala-dala ng mga Sugo na ipinadala sa kanila, at sila ay mga Muslim – ganap na nagpapasailalim sa kagusutuhan ng Allâh (I) na ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng mga nilalang, nang buong puso at pangangatawan nila, sasabihin sa kanila: “Pumasok na kayo sa ‘Al-Jannah’ (Hardin), kayo at ang inyong kaibigan na mga mananampalataya ay paliligayahin at pasisiyahin.”

71. Ipalilibot sa kanila na mga naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang mga Sugo sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) ang mga pagkain na nasa lalagyan na gawa sa ginto, at mga inumin na nasa mga tasa na gawa sa ginto, at nandoroon din sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) para sa kanila ang anuman na nais ng kanilang mga sarili at lahat ng mga kaaya-aya sa kanilang paningin, at sila roon ay mananatili magpasawalang-hanggan.

72. At itong ‘Al-Jannah’ (Hardin) na ipinamana ng Allâh (I) sa inyo; ay dahil sa inyong kinagawian na gawain sa daigdig na mga kabutihan at mga mabubuting gawain, na ginawa ng Allâh (I) mula sa Kanyang kagandahang-loob at awa bilang gantimpala sa inyo.

73. At para pa rin sa inyo sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) ang napakaraming prutas na kung saan ito ay inyong kakanin hanggang sa inyong naisin.

74-76. Katiyakan, ang mga yaong nakagawa ng mga kasalanan dahil sa kanilang di-paniniwala, ay mananatili sila sa parusa sa Impiyernong-Apoy, na hindi ito pagagaanin sa kanila, at doon ay wala na silang pag-asa pa sa awa ng Allâh (I), at kailanman ay hindi Namin dinaya ang mga masasama sa pamamagitan ng pagpaparusa sa kanila, kundi sila ang nandaya sa kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagsamba nila ng iba at pagtanggi nila sa Kaisahan ng Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha.
77-78. At nananawagan sila na mga masasama pagkatapos silang papasukin ng Allâh (I) sa Impiyernong-Apoy kay Malik na tagapangasiwa sa Impiyerno: “O Malik, ipapatay mo na kami sa iyong ‘Rabb;’ upang makapagpahinga na kami mula sa kinalalagyan namin ngayon,” tutugunin sila ni Malik: “Katiyakan, kayo ay mananatili rito magpasawalang-hanggan, walang sinumang makalalabas sa inyo mula rito at wala na kayong matatakasan pa mula rito. Katiyakan, dala-dala Namin sa inyo ang katotohanan at nilinaw Namin sa inyo, subali’t karamihan sa inyo ay kinamuhian ang anumang katotohanan na dala-dala ng mga Sugo.”

79. O nagsagawa ba ang mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) ng pakana sa katotohanan na dala-dala Namin? Dahil kung gayon, Kami ay nagplano rin para sa kanila ng anumang katumbas na parusa at pagpapahirap.

80. O iniisip ba nila na mga ‘Mushrikûn’ – sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) – na Kami ay hindi Namin naririnig ang anumang kinikimkim nila sa kanilang mga sarili at ang anuman na kanilang pinagbubulungan sa isa’t isa? Hindi ang kanilang inaakala ang siyang katotohanan, kundi ganap na naririnig Namin, ganap na nababatid Namin, at ang Aming mga Sugo na kagalang-galang na mga anghel ay isinusulat ang anuman na kanilang ginagawa.

81. Sabihin mo, O Muhammad, sa mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) mula sa iyong sambayanan, na nag-aangkin na ang mga anghel ay anak na mga kababaihan ng Allâh (I): “Kung ang Allâh (I) na Pinakamahabagin ay mayroong anak na katulad ng inaangkin nila, samakatuwid, ako ang kauna-unahang sasamba sa kanya mula sa mga sumasamba sa Allâh (I), na mga tumanggi sa inyong inaangkin, luwalhati sa Allâh (I) na Siya ay malayo sa pagkakaroon ng asawa’t anak.”

82. Luwalhati at papuri sa Allâh (I) na ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng mga kalangitan at kalupaan, na ‘Rabb’ na Nagmamay-ari ng dakilang ‘`Arsh,’ na Siya ay Napakadakila na malayo sa anuman na kanilang itinatangi na mga kasinungalingan at pag-iimbento na Siya ay may anak, at bukod pa rito na mga maling pag-aangkin nila.

83. Na kung kaya, pabayaan mo sila na mga nagsisinungaling, O Muhammad, na magpatuloy sa kanilang mga sinasabing walang kabuluhang bagay at sa kanilang paglalaro sa makamundo, hanggang dumating sa kanila ang araw na ipinangako sa kanila na parusa, na maaaring dito sa daigdig o sa Kabilang-Buhay, o pareho.

84. Walang iba kundi ang Allâh (I), Siya lamang ang Bukod-Tangi na ‘Ilâh’ – Diyos na sinasamba bilang katotohanan sa kalangitan at sa kalupaan, at Siya ay ‘Al-Hakeem’ – Ganap na Maalam at ginawa Niyang ganap ang Kanyang nilikha at ganoon din ang Kanyang batas, na ‘Al-`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa lahat ng bagay hinggil sa kalagayan ng Kanyang mga nilikha na walang anumang naililihim sa Kanya.

85. At napakasagana ang Biyaya ng Allâh (I) at napakarami ng Kanyang Kabutihan at napakadakila ng Kanyang Kaharian, na Siya ay Bukod-Tanging Tagapagmay-ari ng lahat ng pitong kalangitan at pitong kalupaan at ang anumang nasa pagitan ng mga ito, at nasa Kanya ang kaalaman hinggil sa pagkagunaw ng daigdig, na pagkatapos noon ay mangyayari ang pagkabuhay na mag-uli na titipunin ang lahat ng nilikha mula sa kanilang mga libingan tungo sa lugar na pagtitipunan at pagtutuos, at sa Kanya kayo ibabalik, O kayong mga tao, pagkatapos ng inyong kamatayan, at tutumbasan ang bawa’t isa sa anumang karapat-dapat na para sa kanya.

86. At walang kakayahan ang mga yaong sinasamba ng mga ‘Mushrikûn’ – sumasamba sa iba bukod sa Allâh (I) – na mamagitan sa Allâh (I) para sa kaninuman maliban sa sinumang tumestigo ng katotohanan at naniwala sa Kaisahan ng Allâh (I) at sa pagiging Propeta ni Muhammad, at sila ay batid nila ang katotohanan sa anuman na kanilang pinaniniwalaan at sinasaksihan.

87. At kapag tinanong mo, O Muhammad, sila na sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I), mula sa iyong sambayanan, kung sino ang lumikha sa kanila? Walang pag-aalinlangang kanilang sasabihin: “Ang Allâh (I) ay Siyang Lumikha sa amin.” Kung gayon, paano sila bumabaligtad at tumatalikod sa pagsamba sa Allâh (I) at sumasamba sila ng iba bukod sa Kanya?

88. At sinabi ni Muhammad bilang pagsusumbong sa Allâh (I) na kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha hinggil sa kanyang sambayanan na hindi naniwala sa kanya: “O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Katiyakan, sila ay mga tao na hindi naniwala sa Iyo at sa anumang mensahe na ipinadala Mo sa akin tungo sa kanila.”

89. Na kung kaya, patawarin mo sila, O Muhammad, at pabayaan mo na ang kanilang pamiminsala, at walang makikita mula sa iyo kundi kapayapaan para sa kanila na sinasabi ng mga may angking talino at mabubuting tao sa mga mangmang dahil sila ay hindi nila minamaliit ang mga ito at hindi tinutumbasan ang kanilang masamang gawain ng masama, dahil walang pag-aalinlangan, mababatid nila kung ano ang mangyayari sa kanila na kaparusahan. At ito ay matinding paghamon sa kanila na mga walang pnanamapalataya na nagmamatigas at gayundin sa mga katulad nila.

No comments: