Saturday, May 15, 2010

Sûrat An-Nisâ`

4
IV – Sûrat An-Nisâ`
[Ang mga Kababaihan]

بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na 1. O sangkatauhan! Katakutan ninyo ang Allâh (I) at sundin ninyo ang Kanyang mga ipinag-uutos, at iwasan ang Kanyang mga ipinagbabawal, sapagka’t Siya ang lumikha sa inyo mula sa isang tao na si Âdam (u) at mula sa kanya ay nilikha Niya ang kanyang asawa na si Hawwa` (Eba) at mula sa kanilang dalawa ay kumalat sa buong daigdig ang maraming kalalakihan at kababaihan; katakutan ninyo ang Allâh (I) dahil sa pamamagitan Niya ay nahihiling ninyo ang inyong mga karapatan sa isa’t isa, at ingatan ninyo na maputol ang inyong ugnayang magkakamag-anak. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Raqeeb’ – Walang-Hanggang Tagapagmatyag sa inyo at sa lahat ng mga nilikha, nang sabay-sabay.

2. At ibigay sa mga naulila – namatayan ng kanilang mga ama samantalang sila ay wala pa sa hustong gulang – ang ipinagkatiwala sa inyo na mga kayamanan kapag sila ay umabot na sa hustong gulang, at kapag nakikita na ninyo sa kanila ang kakayahan na mapangangalagaan na nila ang kanilang mga kayamanan. At huwag ninyong palitan ang mga mabubuting bagay na pagmamay-ari nila ng mga masasama, mula sa inyong kayamanan, at huwag ninyong ihalo ang kanilang mga kayamanan sa inyong mga kayamanan bilang paraan para mapakialaman ninyo ang kanilang kayamanan.

Katiyakan, ang sinumang maglakas-loob na gumawa nito, walang pag-aalinlangang nakagawa siya ng malaking pagkakasala.

3. At kung sakaling nangangamba kayo na hindi kayo magiging pantay sa pagturing sa mga ulilang kababaihan, na nasa ilalim ng inyong pangangalaga dahil sa hindi ninyo maibibigay sa kanila ang ‘Mahr’ na katulad ng maibibigay ninyo sa iba, ay mag-asawa kayo ng ibang kababaihan bukod sa kanila, na inyong nagugustuhan, na dalawa, tatlo o di kaya ay apat; subali’t kapag natatakot kayo na hindi kayo magiging makatarungan sa pakikitungo ninyo sa kanila, ay maging sapat na lamang sa inyo ang isa o di kaya ay ang sinuman na pagmamay-ari ninyong alipin. Ito ang Aking itinalagang batas sa inyo hinggil sa mga ulilang kababaihan at sa pag-aasawa ng mula isa hanggang apat, o di kaya ay manatili na lamang siya sa pag-aasawa ng isa o sa kanyang aliping babae, ito ang pinakamalapit na paraan upang kayo ay makaiwas sa pagsagawa ng di-makatarungan.

4. At ibigay ninyo sa mga kababaihan ang kanilang mga ‘Mahr,’ na ito ay isang obligadong handog na kinakailangang ibigay mula sa inyong mabubuting kalooban. Kapag naging kalugud-lugod sa kanilang mga sarili (kababaihan) na bahaginan kayo mula sa ‘Mahr’ na ito ay tanggapin at gawin ninyo itong kapaki-pakinabang, dahil sa ito ay ipinahintulot sa inyo.

5. At huwag ninyong ibigay, O kayo na mga pinagkatiwalaan, sa sinumang bulagsak (gumagasta nang walang kontrol o walang katuturan) na mga kalalakihan, mga kababaihan at mga kabataan, ang kanilang mga kayamanan na nasa ilalim ng inyong pangangalaga – na ito ay kanilang lulustayin lamang sa hindi tamang pamamaraan, sapagka’t ang mga kayamanang ito ang tumutugon sa pangangailangan ng tao. Kung kaya, tustusan at damitan ninyo sila mula rito, at pawang mga mabubuting salita lamang ang inyong sasabihin sa kanila at makitungo kayo sa kanila sa magandang pamamaraan.

6. At subukin ninyo ang sinumang ulila na nasa ilalim ng inyong pangangalaga, para malaman ninyo ang kakayahan nila sa tamang paggasta sa kanilang mga kayamanan, hanggang abutin nila ang hustong gulang, at nang sa gayon ay mabatid ninyo kung sila ay matuwid sa kanilang ‘Deen’ at may kakayahan na sa pangangalaga ng kanilang kayamanan at saka ninyo ito ibigay sa kanila. At huwag ninyo itong gastusin sa di-makatarungang pamamaraan – na ito ay lulustayin ninyo nang tuluy-tuloy bilang pagsasamantala bago ito mapasakamay nila.

At sinuman sa inyo ang nakaririwasa sa buhay, ay huwag na siyang kumuha (sa kayamanan ng ulila) bilang kapalit sa kanyang ginawang pangangalaga. Magkagayunpaman, kung siya ay isang mahirap, maaari siyang kumuha, subali’t ito ay ayon lamang sa kung ano ang kanyang sapat na pangangailangan, kung ito ay kailangang-kailangan lamang. At kapag nalaman na ninyo na kaya na nilang pangalagaan ang kanilang kayamanan pagkatapos nilang umabot sa hustong gulang at sapat na pag-iisip, at ito ay ibinigay na ninyo sa kanila; samakatuwid ay magpatestigo kayo bilang kasiguruhan na natanggap nila ang kanilang karapatan nang buo, nang sa gayon, ang pangyayaring ito ay hindi nila maitatanggi. At ang Allâh (I) ay sapat na sa inyo bilang testigo at Siya ang maghahatol sa inyong ginawa.

7. Para sa mga kalalakihan, mga bata man o matatanda – ang kanilang mana na itinalaga ng Allâh (I) na para sa kanila mula sa naiwanang kayamanan ng kanilang mga magulang at mga kamag-anak, kakaunti man ito o marami, ay nasa tiyak at makatarungang karapatan na itinalaga ng Allâh (I) para sa kanila, ganoon din ang sa mga kababaihan.
8. At kapag dumating na sa oras ng pagbabaha-bahagi ng mana, ang mga kamag-anak ng namatay na hindi kabilang sa may karapatan ng naiwang yaman ng namatay, o di kaya ay ang mga ulila at mahihirap na nandoroon, bigyan ninyo sila ng anuman mula sa yamang yaon bilang pampalubag-loob bago mangyari ang pagbabaha-bahagi nito sa mga may karapatan. At pawang mabubuting salita lamang ang sasabihin sa kanila at maging makatarungan sa pakikitungo sa kanila.

9. At katakutan ng mga yaong pinagkatiwalaan sa mga ibabahaging mamanahin, na kapag sila ay namatay at naiwan nila ang kanilang mga anak na maliliit pa at mahihina ay ayaw din nila itong dadayain at pakikitunguhan nang di-makatarungan, na kung gayon, ay magkaroon sila ng takot sa Allâh (I), hinggil doon sa pakikitungo nila sa ulila na nasa ilalim ng kanilang pangangalaga at sa iba pa – na ito ay sa pamamagitan ng pangangalaga sa kanilang (ulila) kayamanan at tamang paraan ng pagpapalaki sa kanila at paglalayo sa kanila mula sa anumang adhâ (pamiminsala at kapahamakan), at tanging pagsabi sa kanila ng mga mabubuting salita at pakikitungo sa kanila nang makatarungan.

10. Katiyakan, yaong mga kumakamkam ng mga yaman na pagmamay-ari ng mga ulila at inaangkin nila ito gayong wala naman silang karapatan, walang pag-aalinlangan, ang ipinapasok lamang nila sa kanilang mga sikmura ay apoy, at yaon ang magiging dahilan ng pagpasok nila sa Impiyerno. At walang pag-aalinlangan, makapapasok sila sa Impiyerno at malalasap nila ang lagablab nito.

11. Pinapayuhan kayo ng Allâh (I) at inuutusan hinggil sa inyong mga anak, na kapag namatay ang isa sa inyo at naiwan niya ang kanyang mga anak, mga kalalakihan at mga kababaihan, ang kanyang ipamamana sa kanilang lahat ay: ang mamanahin ng lalaki ay katumbas ng mamanahin ng dalawang babae, kung wala nang iba pang tagapagmana maliban sa kanila.

Subali’t kung ang mga naiwan naman niya ay mga anak na kababaihan, ang para sa dalawang babae o higit kaysa sa dalawa ay dalawang-ikatlong bahagi ( 2/3 ) mula sa naiwanang yaman; at kapag siya ay nag-iisang anak na babae, ang para sa kanya ay kalahati. At ang para naman sa magulang noong namatay, ang bawa’t isa sa kanilang dalawa ay ikaanim na bahagi ( 1/6 ), kung mayroon siyang anak, lalaki man ito o babae, nag-iisa man siya o sila ay marami.

Subali’t kung wala siyang anak at ang tagapagmana lamang niya ay ang kanyang dalawang magulang, para sa kanyang ina ang ikatlong bahagi ( 1/3 ) at ang lahat nang matitira ay para sa kanyang ama.

At kapag may mga kapatid naman na naiwan ang namatay, dalawa man ito o marami, kalalakihan man o kababaihan, ang para sa kanyang ina ay ( 1/6 ) at ang matitira ay para sa kanyang ama at walang mamanahin ang kanyang mga kapatid.

At ang pagbabaha-bahaging ito ng mana ay mangyayari lamang pagkatapos alisin ang habilin ng namatay, na hindi hihigit sa ikatlong bahagi ( 1/3 ) ng kanyang yaman o di kaya ay pagkatapos alisin ang pambayad sa kanyang utang.

Ang mga magulang ninyo at ang mga anak ninyo, na inilaan sa kanila ang mamanahin nila sa inyo, ay hindi ninyo alam kung sino sa kanila ang makapagbibigay ng higit na kapakinabangan sa inyo, rito sa daidig at sa Kabilang-buhay; na kung kaya, wala kayong dapat kilingan na sinuman sa kanila.

Ito ang ipinapayo ko sa inyo na ipinag-utos para sa inyo mula sa Allâh (I). Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa Kanyang mga nilikha, na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam (Marunong) sa pagsasagawa ng batas para sa kanila.


12. At ang para sa inyo, O kayong mga kalalakihan, ang kalahati ng naiwan ng inyong mga asawa pagkatapos nilang mamatay kung wala silang anak, lalaki man o babae; subali’t kung mayroon silang anak, ang para sa inyo ay ikaapat na bahagi ( 1/4 ) mula sa kanilang naiwan, na ito ay mamanahin ninyo pagkatapos isagawa ang kanilang habilin na ipinahintulot ng Islâm, o di kaya ay pagkatapos ng anumang pagbabayad sa kanilang pagkaka-utang.
Ang para naman sa inyong mga asawa, O kayong mga kalalakihan, ang ikaapat na bahagi ( 1/4 ) mula sa inyong mga naiwan, kung kayo ay walang anak, lalaki man o babae mula sa kanila o mula sa ibang babae. Subali’t kapag mayroon kayong anak, babae man o lalaki, ang para sa kanila (asawa) ay ikawalong bahagi ( 1/8 ) mula sa inyong naiwan, at paghahati-hatian nila ang ikaapat na bahagi ( 1/4 ) o di kaya ay ikawalong bahagi ( 1/8 ) kung sila ay higit kaysa sa isa.

Subali’t kapag siya (ang asawa mo) ay nag-iisa lamang, ang mamanahing yaon ay para lamang sa kanya (1/4 o di kaya ay 1/8), pagkatapos isagawa ang anumang habilin ninyo mula sa karapat-dapat na ipinahintulot na habilin, o di kaya ay pagkatapos bayaran ang anuman na inyong pagkakautang.

At kapag namatay ang lalaki o babae, na walang sinuman sa kanila ang may anak o magulang, subali’t mayroon silang kapatid na lalaki o babae, na mula sa kanyang ina, ang para sa bawa’t isa sa kanila ay ikaanim na bahagi ( 1/6 ).

At kapag ang mga magkakapatid na kalalakihan o mga kababaihan sa ina ay marami, sila ay maghahati-hati nang pantay-pantay mula sa kanilang mamanahin na ikatlong bahagi ( 1/3 ). Walang pagkakaiba ang lalaki sa babae.

Ito ang batas na itinalaga ng Allâh (I) na mamanahin ng mga magkakapatid na kalalakihan at mga kababaihan sa ina, pagkatapos mabayaran ang mga utang ng namatay at pagkatapos isagawa ang kanyang habilin, kung ang kanyang paghahabilin ay hindi magdudulot ng kapahamakan sa mga tagapagmana.
Sa pamamagitan nito ay inuutusan kayo ng inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha bilang kapaki-pakinabang na pagpapayo para sa inyo. Ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Siya ay Ganap na Nakaaalam sa anumang makabubuti sa Kanyang nilikha, na Siya ay ‘Haleem’ – Ganap at Napakalawak ang Kanyang Pang-unawa, na Siya ay di-kaagad nagpaparusa sa kanila (na nakagagawa ng mga pagkakasala).

13. Yaon ang mga batas ng Allâh (I) na Kanyang itinalaga sa mga ulila, mga kababaihan at sa pagbabaha-bahagi ng mga mana, na nagpapatunay na ang mga batas na ito ay nagmula sa Allâh (I) na Walang-Hanggan at Ganap na Nakaaalam, at Walang-Hanggan at Ganap na Maalam.

At sinuman ang susunod sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo, mula sa Kanyang mga alipin, hinggil sa mga isinagawa Niyang batas at iba pa, ay papapasukin Niya sa Kanyang mga Hardin (‘Al-Jannât’) na may maraming puno at mga palasyo, na sa ilalim nito ay may umaagos na mga ilog-tabang. At sila ay mananatili roon sa lubos na kaligayahan at hindi na sila lalabas pa mula roon magpakailanman. Ang gantimpalang yaon ang siyang pinakadakilang tagumpay.

14. At sino naman ang lalabag sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo sa pamamagitan ng pagtanggi sa mga batas ng Allâh (I) at paglabag sa anumang itinalaga Niyang batas para sa Kanyang mga alipin sa pamamagitan ng pagbabago nito, o di kaya ay pagwawalang-halaga nito, ay papapasukin Niya sa Impiyerno, na siya ay mananatili roon at ang para sa kanya ay kaparusahan na siyang magpapahiya at magpapahamak sa kanya.


15. At yaong gumagawa ng pakikiapid mula sa inyong mga kababaihan, humanap kayo ng mga testigo para sa kanila, O kayong mga tagapagkalinga at mga hukom, ng apat na matutuwid na mga kalalakihan mula sa mga Muslim. At kapag tumestigo sila sa kanila sa ganoong gawain, ay ikulong ninyo sila sa inyong mga tahanan hanggang sa katapusan ng kanilang buhay at sila ay mamatay, o di kaya ay gagawa ang Allâh (I) ng paraan para makaligtas sila mula roon.
16. Ang dalawang gumagawa ng pakikiapid, parusahan ninyo sila sa pamamagitan ng pagpalo, paglayo at pagpapahiya sa kanila, subali’t kapag sila ay nagsisi sa kanilang nagawang pagkakasala at sila ay nagpakabuti sa pamamagitan ng pagsagawa nilang dalawa ng mga mabubuting gawa, ay hayaan na ninyo sila at huwag nang parusahan pa.

Nauunawaan sa talatang ito at sa nauna pa kaysa rito, na ang mga kalalakihan kapag sila ay gumawa ng pakikiapid ay parurusahan sila, at ang mga kababaihan naman ay ikukulong at parurusahan, at ang pagkukulong sa kanila ay hanggang kamatayan; na ang katapusan naman ng pagparusang ito ay hanggang sa sila ay magsisi at magpakabuti.

Ito ang mga batas, noong simula pa lamang ng Islâm (sa kapanahunan ni Propeta Muhammad r), pagkatapos ay pinawalang-bisa ito sa pamamagitan ng pagtatala ng Allâh (I) at ng Kanyang Sugo ng iba pang batas, na ang lalaki at babae na nagkasala ng pakikiapid ay babatuhin, (subali’t) silang dalawa ay (kinakailangang) malayang tao (hindi mga alipin), nasa tamang edad, nasa tamang pag-iisip, na silang dalawa ay nakaranas ng legal na pag-aasawa; at ang pagpapalo naman ng isang daang palo at paglalayo (sa kanyang bayan) ng isang taon – na ito ang kaparusahan sa iba na hindi nakaranas ng legal na pag-aasawa. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Tawwâb’ – Tagapagtanggap ng sinumang nagsisisi at humihingi ng kapatawaran mula sa Kanyang mga alipin na mga nagsisisi, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila.
17. Katiyakan, ang tinatanggap lamang ng Allâh (I) ay ang pagsisisi ng mga yaong nakagawa ng paglabag at mga pagkakasala dahil sa kanilang kamangmangan sa anumang kaparusahan nito at sa pagdudulot nito ng pagkagalit ng Allâh (I) – sa lahat ng lumabag sa Allâh (I), nagkamali man o sinadya ay itinuturing na mangmang sa ganitong kapaliwanagan kahit na alam pa niya na ito ay bawal – pagkatapos ay nanumbalik sila sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa pamamagitan ng paghingi ng kapatawaran at pagsunod bago dumating sa kanila ang kamatayan.

Ang kanilang pagsisisi ang siyang tinatanggap ng Allâh (I), dahil ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa Kanyang mga nilikha, na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang pangangasiwa at pagtatakda.

18. At hindi tinatanggap ang pagsisisi ng sinumang nagpupumilit sa pagsasagawa ng mga kasalanan at hindi nanunumbalik sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha hanggang sa dumating sa kanila ang paghihingalo at sasabihin ng isa sa kanila: “Ako’y nagsisisi na ngayon.” At ganoon din, hindi rin tinatanggap ng Allâh (I) ang pagsisisi ng mga namatay na tumanggi na hindi naniwala, na tinanggihan nila ang Kaisahan ng Allâh (I) at mensahe ng Sugo ng Allâh na si Propeta Muhammad (r), na sila ay nagpupumilit na magsagawa ng mga kasalanan hanggang sa sila ay namatay na patuloy na tumatanggi na walang pananampalataya. Ang inihanda Namin para sa kanila ay masidhing kaparusahan.

19. O kayong mga naniwala! Hindi ninyo maaaring ituring na kabilang sa mga naiwanang mamanahin ang mga asawa ng inyong mga ama, na maaari ninyo silang panghimasukan sa pamamagitan ng pagpapakasal ninyo sa kanila, o di kaya ay pagpigil sa kanila sa nais nilang pag-aasawang muli o di kaya ay pagpapakasal nila sa iba, samantalang hindi sila sumasang-ayon sa lahat ng ito.

At hindi rin maaari sa inyo na pahirapan ang inyong mga asawa dahil sa kayo ay wala nang pagmamahal sa kanila, nang sa gayon ay maipaubaya na nila sa inyo ang bahagi ng inyong ibinigay sa kanila (noon) na ‘Mahr’ at iba pa, maliban na lamang kung nakagawa sila ng pagkakasala na katulad ng pakikiapid, dahil kapag ito ay nangyari o kapag nangyari na nahuli ninyo sila sa aktuwal habang ginagawa nila ang pagkakasala ay magkakaroon kayo ng karapatan para bawiin ang lahat ng ibinigay ninyo sa kanila.

At ang karapat-dapat na pakikisama ninyo sa inyong mga asawa ay dahil sa pagmamahalan, pag-uunawaan at pagbibigay sa kanila ng kanilang karapatan. At kung sakaling ayaw na ninyo sa kanila dahil sa kadahilanang makamundo ay pagtiisan ninyo (ang situwasyon), dahil maaari na ang bagay na ayaw ninyo ay siyang makapagdudulot ng maraming kabutihan.


20. At kung nais ninyong hiwalayan ang inyong asawa at magnanais kayong mag-asawa ng iba at nakapagbigay kayo noon sa kanila ng malaking halagang ‘Mahr’ ay wala na kayong karapatang kumuha pa ng kahit kaunti mula roon (sa ‘Mahr’ na yaon). Mag-aangkin ba kayo mula roon kahit kayo ay makapagsinungaling at makagawa ng malinaw na pagkakasala?
21. At paano kayo magkakaroon ng karapatang mag-angkin mula sa inyong ibinigay na ‘Mahr’ samantalang kapwa naman kayong lumigaya sa isa’t isa noong kayo ay nagsasama pa, at nagkaroon sila mula sa inyo ng matibay na kasunduan na pananatilihin ninyo sila bilang asawa ninyo sa marangal na pamamaraan, o di kaya ay hiwalayan ninyo sila sa maayos na pakikipagkasunduan?

22. At huwag ninyong pakasalan ang sinumang napangasawa ng inyong mga ama na mga kababaihan, maliban na lamang kung ang pangyayaring ito ay nangyari noong kayo pa ay nasa kapanahunan ng kamangmangan, dahil hindi kayo mananagot hinggil sa bagay na ito.

Ang pag-aasawa ng mga anak sa mga asawa o naging asawa ng kanilang mga ama ay isang bagay na karumal-dumal at masidhi ang pagiging kasamaan nito, kinamumuhian ng Allâh (I) ang mga gumagawa nito. At ito ay masamang kaugalian na inyong ginagawa noong kayo ay nasa kamangmangan pa.

23. Ipinagbawal ng Allâh (I) sa inyo na mapangasawa ang inyong mga ina at kasama rito ang inyong mga lola sa ama o di kaya ay sa ina; at ang inyong mga anak na kababaihan kasama rito ang inyong mga apo na kababaihan kahit na gaano pa kalayo ang pagkaka-agwat ng pagkakasali’t-saling lahi nito; at ang inyong mga kapatid na mga kababaihan sa ama’t ina o di kaya ay sa ama o sa ina; ang inyong mga tiyahin na mga kapatid na babae ng inyong mga ama at kapatid na babae ng inyong mga lolo’t lola sa ama; at ang inyong mga tiyahin na mga kapatid na babae ng inyong mga ina at mga kapatid ng inyong mga lolo’t lola sa ina;

Ang inyong mga pamangking babae sa inyong kapatid na lalaki at mga pamangking babae sa inyong kapatid na babae, kasama rito ang kanilang mga anak; at ang inyong mga ina sa gatas na siyang nagpasuso sa inyo at ang inyong mga kapatid na kababaihan sa gatas – katiyakang ipinagbawal ng Sugo ng Allâh ang kapatid sa gatas na katulad ng pagbabawal niya sa kapatid sa dugo, – at ang mga ina ng inyong mga asawa, sa mga asawa man ninyo na nagkaroon kayo ng pagtatalik o hindi;

At mga anak na kababaihan ng inyong mga asawa na hindi kayo ang ama, na sila ay lumaki sa inyong mga tahanan at nasa ilalim ng inyong pangangalaga, na mas matagal ang inilagi nila sa inyo sa kanilang buhay. Sila ay ipinagbabawal sa inyo, kahit na hindi sila lumaki sa inyong mga tahanan subali’t nagkaroon kayo ng pagtatalik sa kanilang mga ina, magkagayunpaman kung hindi kayo nagkaroon ng pagtatalik sa kanilang ina at hiniwalayan ninyo sila (na ang ibig sabihin ay ang kanilang ina) o di kaya ay namatay sila bago naganap ang pagtatalik, ay wala kayong kasalanan kung magpapakasal kayo sa kanila (sa anak);

At ganoon din, ipinagbabawal ng Allâh (I) sa inyo na mapangasawa ang mga naging asawa ng inyong anak na tunay mula sa inyo at sa sinumang naging kapatid nila sa gatas, at ang pagbabawal na ito ay kapag nangyari na ang kasalan, nagkaroon man ang inyong anak ng pagtatalik sa kanila o hindi,

At ipinagbabawal din sa inyo na mapangasawa nang magkasabay ang dalawang magkapatid na babae, magkapatid man sila sa dugo o sa gatas, maliban na lamang kung ito ay nakaraan na, na ito ay nangyari sa inyo noon sa panahon ng kamangmangan.

At hindi rin maaaring sabay na mapangasawa ang isang babae at ang kanyang tiyahin sa kanyang ama o kanyang tiyahin sa kanyang ina, na katulad nang nasasaad sa ‘Sunnah.’

Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa mga nagkakasala kapag sila ay nagsisi, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila at hindi nag-uutos sa kanila ng mga bagay na hindi nila makakayanan.
24. At ipinagbabawal din sa inyo na mag-asawa ng mga kababaihang may asawa, maliban na lamang sa sinuman na inyong nabihag sa pakikipaglaban sa Daan ng Allâh (I) dahil sa ito ay ‘Halâl’ (ipinahihintulot) sa inyo na mapangasawa ninyo, sa kondisyon na matapos ninyong matiyak na walang sanggol sa kanilang mga sinapupunan sa pamamagitan ng pagkakaroon nila ng buwanang-dalaw (o regla).

Itinala ng Allâh (I) sa inyo bilang batas, ang pagbabawal sa pag-aasawa ng katulad nila (na mga kababaihang may asawa), at ipinahintulot sa inyo ang pag-aasawa ng iba mula sa ipahintulot ng Allâh (I) sa inyo, na hangarin ninyo na kayo ay maging marangal sa pamamagitan ng pagbibigay ninyo mula sa inyong mga kayamanan bilang ‘Mahr,’ nang sa gayon ay mapalayo kayo sa mga ipinagbabawal.

At kung sinuman sa kanila na mga kababaihan na nangyari ang pagtatalik ninyo sa kanila pagkatapos ng legal na kasal, ay kinakailangang ibigay ninyo sa kanila ang kanilang ‘Mahr,’ na ito ay ginawa ng Allâh (I) na obligado sa inyo para sa kanila. At hindi rin magiging kasalanan sa inyo ang anumang napagkasunduan ninyo sa isa’t isa bilang ‘Mahr,’ kung sakaling magkaroon ito ng pagdaragdag o pagbabawas pagkatapos itong maitakda.

Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa mga pangyayari sa Kanyang mga alipin, na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa pagbibigay o pagpapatupad Niya ng batas at sa pangangasiwa nito.

25. At sinuman ang walang kakayahan sa pagbibigay ng ‘Mahr’ para makapag-asawa ng mga malalayang mananampalatayang kababaihan, ay maaari sa kanya na mag-asawa ng iba mula sa inyong mga kababaihang mananampalatayang alipin.

Ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam ng katotohanan hinggil sa inyong paniniwala, na kung kayo nga ba ay para sa isa’t isa, samakatuwid, pakasalan ninyo sila kapag sumang-ayon ang kanilang mga tagapangalaga (‘guardians’) at ibigay ninyo ang mga ‘Mahr’ sa kanila ayon sa inyong napagkasunduan na bukal sa inyong kalooban, na sila (ang inyong pakakasalan) ay mararangal, malayo mula sa kahalayan, hindi lantarang nakikiapid at hindi rin lihim na nakikisama sa mga kalalakihan.

At kapag sila (na ang tinutukoy ay ang aliping babae) ay nakapag-asawa at pagkatapos ay nakagawa sila ng pakikiapid, nararapat na sila ay parusahan ng kalahati lamang ng kaparusahan na ipinapataw sa mga kababaihang malalaya (na ang ibig sabihin ay hindi mga alipin) na nagkasala.

Ito ang pagpapahintulot sa pag-asawa ng alipin, na ayon sa katangiang nabanggit ay ipinahihintulot lamang ito sa sinumang nangangamba sa kanyang sarili, at natatakot na makagawa ng pakikiapid, at nahihirapan siyang magtiis at mapigilan ang kanyang sarili na hindi makagawa ng kahalayan.

Magkagayunpaman, ang pagtitiis para hindi na siya makapag-asawa ng alipin at pagpapanatili niya sa kanyang sarili sa pagiging marangal ay mas higit na nakabubuti.

Ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa inyo, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa inyo dahil ipinahintulot niya sa inyo na mag-asawa ng mga katulad nila, kung hindi ninyo makakayanan ang pag-aasawa ng mga malalayang kababaihan.

26. Hinahangad ng Allâh (I) sa inyo sa pamamagitan ng mga batas na ito, na maipaliwanag Niya sa inyo ang mga alituntunin ng Kanyang Matuwid na ‘Deen,’ at ang Kanyang makatarungang batas, at itinuturo sa inyo ang mga pamamaraan ng mga Propeta at ng mga mabubuting tao na nauna sa inyo; sa batas hinggil sa pagpapahintulot at pagbabawal; at pinatatawad kayo sa pamamagitan ng inyong panunumbalik tungo sa pagsunod sa Kanya.

At Siya ang Allâh (I), Luwalhati sa Kanya, ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam kung ano ang nakabubuti sa Kanyang mga alipin, na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang pagtatala ng Kanyang batas sa inyo.


27. At ang Allâh (I) ay naghahangad na mapatawad kayo at pinagbibigyan Niya kayo sa inyong mga pagkakamali, subali’t yaon namang nalulong sa kanilang pagnanasa at pansamantalang kaligayahan ay naghahangad na malihis kayo sa ‘Deen’ ng Allâh (I) nang malaking pagkakalihis.
28. Hinahangad ng Allâh (I) sa pamamagitan ng pagtatala ng Kanyang batas, na ito ay maging magaan para sa inyo at nang hindi kayo mahirapan, sapagka’t kayo ay nilikha na mga mahihina.

29. O kayong mga matatapat sa inyong paniniwala sa Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha at sa inyong pagsunod sa Kanyang Sugo na si Muhammad (r)! Hindi ipinahintulot sa inyo na lustayin ang yaman ng iba na wala kayong karapatan, maliban na lamang sa kung ito ay nababatay sa batas at legal na pakikipagkalakalan, na may kasunduan sa isa’t isa.

At huwag ninyong patayin ang inyong mga sarili ni magpatayan sa isa’t isa, sapagka’t ipapahamak lamang ninyo ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng pagsagawa ng mga ganitong ipinagbabawal ng Allâh (I) at anumang mga paglabag sa Kanya. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Raheem’ – Siya ay Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa inyo sa pamamagitan ng Kanyang pag-uutos at pagbabawal sa inyo.

30. At sinuman ang makagawa ng anumang ipinagbabawal ng Allâh (I), na tulad ng pag-aangkin ng kayamanan sa maling kaparaanan, halimbawa ay pagnanakaw, pangangamkam at pandaraya bilang paglabag sa batas; walang pag-aalinlangan, papapasukin siya ng Allâh (I) sa Impiyerno at ipalalasap sa kanya ang lagablab nito, at ito ay napakadali para sa Allâh (I).

31. Subali’t kapag iniwasan ninyo, O kayong mga naniniwala, ang mga malalaking kasalanan na katulad ng paglalagay ng katambal sa pagsamba sa Allâh o pagsamba ng iba bukod sa Allâh (na tinatawag na ‘Shirk’), pagsuway sa magulang, pagkitil sa mga may buhay na ipinagbawal ng Allâh (I) maliban na lamang sa makatarungang kadahilanan at iba pa; ay patatawarin Namin kayo sa inyong mga maliliit na kasalanan at papapasukin Namin kayo nang marangal na pagpasok sa ‘Al-Jannah’ (Hardin).

32. At huwag na kayong umasam pa sa mga bagay na itinakda ng Allâh (I), hinggil sa pangingibabaw ng ilan sa inyo sa iba; sa mga katangian, kabuhayan at iba pa, sapagka’t ang Allâh (I), itinala na Niya ang tadhana ng bawa’t isa ayon sa kung ano ang kanyang nagawa; na ito ay magkatulad, sa mga kalalakihan man o mga kababaihan.

Kung kaya, hilingin na lamang ninyo sa Allâh (I) na Mapagbigay, na pagkalooban kayo ng anumang kagandahang-loob mula sa Kanya, kaysa hangarin ninyo ang pagmamay-ari ng iba.

Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam ng lahat ng mga bagay at batid Niya kung ano ang nakabubuti sa Kanyang mga alipin sa pamamagitan ng pagbabaha-bahagi Niya ng anumang kabutihan sa kanila.

33. Nagtalaga Kami sa bawa’t isa mula sa inyo ng tagapagmana, na kanilang mamanahin ang anumang maiiwan ng kanilang mga magulang at mga kamag-anak, at ganoon din sa mga yaong pinangakuan ninyo ng tunay na sumpaan-na-kasunduan na pagkakapatiran at pagtutulung-tulungan, na bibigyan ninyo sila mula sa anuman na inyong mga mamanahin, na samakatuwid ay ibigay ninyo sa kanila ang kung anuman na karapat-dapat na para sa kanila.

Ang pagmamana sa pamamagitan ng sumpaan-na-kasunduan ay nangyari noong kasisimula pa lamang ng Islâm (sa kapanahunan ni Propeta Muhammad r), subali’t pagkatapos nito ay pinawalang-bisa ang ganitong uri ng batas sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mga talata ng Banal na Qur`ân hinggil sa pagmamana.

Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Shaheed’ – na Siya ay Saksi na Ganap na Nakababatid sa lahat ng mga bagay na inyong ginagawa at kayo ay gagantihan ayon dito.



34. Ang mga kalalakihan, sila ang mga tagapagtuwid ng mga kababaihan, tagapangasiwa at tagapangalaga; dahil sa pagtatangi ng Allâh (I) sa kanila ng mga katangian, na sila’y naging karapat-dapat hinggil sa mga bagay na ito; at dahil din sa kanilang naibigay na mga ‘Mahr’ at sa obligasyon nila bilang tagapagtustos.

Sa mga mabubuti at matutuwid na kababaihan at sumusunod sa batas ng Allâh (I), sa kanilang mga asawa at pinangangalagaan nila ang lahat ng mga bagay na ipinagkatiwala sa kanila sa oras na wala ang kanilang mga asawa sa pamamagitan ng pangangalaga at pamamatnubay ng Allâh (I), at sa mga yaon namang nangangambang baka sila ay lalabag sa inyo, ay pagpayuhan ninyo sila ng magandang salita; at kapag hindi nagbunga para sa kanila ang magandang salita, ay huwag ninyo silang tabihan sa higaan; at kapag hindi naging mabisa ang hindi ninyo pagtabi sa kanila sa higaan, ay paluin ninyo sila sa pamamagitan ng pagpalong hindi nakasasakit; at kapag sila ay sumunod sa inyo ay huwag ninyo silang aapihin sa pamamagitan ng hindi pakikitungo nang maganda sa kanila, sapagka’t ang Allâh (I) na ‘`Alee’ – Kataas-taasan, at ‘Kabeer’ – Pinakadakila ay Siya ang mangangalaga sa kanila at Siya ang gaganti sa sinumang gagawa ng di-makatarungan at pang-aapi sa kanila.

35. At kapag nalaman ninyo, O kayong mga tagapangalaga ng mag-asawa, na ang kanilang hindi pagkakasundo ay hahantong sa hiwalayan, ay magpadala kayo sa kanila ng hukom na patas mula sa pamilya ng lalaki at hukom din na patas mula sa pamilya ng babae, nang sa gayon ay mapag-aralan nila ang pangyayari at makapagpasiya sila ng anumang bagay na makabubuti sa dalawa, na dahil sa hangarin ng dalawang hukom na pagtutuwid at pagsasagawa ng mabuting ugnayan ay magabayan ng Allâh (I) ang mag-asawa.

Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam at walang anumang bagay ang maililihim sa Kanya sa nangyayari sa Kanyang mga alipin, na ‘Khabeer’ – Ganap ang Kagalingan na Nababatid Niya nang ganap ang anumang niloloob ng kanilang mga sarili.

36. At sambahin ninyo ang Allâh (I) nang bukod-tangi at magpasailalim kayo sa Kanyang Kaisahan, at huwag na huwag kayong gagawa ng pagtatambal sa Kanyang pagiging ‘Rabb’ na Tagapaglikha at sa pagsamba sa Kanya; at makitungo kayo nang mabuti sa inyong mga magulang at gampanan ninyo ang tungkulin ninyo sa kanila; at ganoon din ang karapatan sa inyo ng inyong mga kamag-anak, mga ulila, mga mahihirap na nangangailangan; at maging sa inyong mga kapitbahay na kamag-anak at mga kapitbahay na di kamag-anak, at sa inyong mga kasamahan sa pang-araw-araw at ganoon din sa mga kasamahan ninyo sa paglalakbay at sa mga manlalakbay na nangangailangan; at saka sa mga alipin na nasa ilalim ng inyong pangangasiwa, mga kababaihan man o mga kalalakihan.

Katiyakan, ang Allâh (I) ay hindi nagmamahal sa sinumang mapagmataas mula sa Kanyang mga alipin at mapagmayabang sa mga tao.

37. Yaong mga sakim na ayaw nilang gumasta at magbigay mula sa kabuhayang ipinagkaloob sa kanila ng Allâh (I), at hinihikayat nila ang ibang tao na maging sakim ding katulad nila, at ipinagkakait nila ang anumang biyaya at kagandahang-loob na ipinagkaloob sa kanila ng Allâh (I). At inihanda Namin para sa mga walang pananampalataya ay kahabag-habag na kaparusahan.


38. At inihanda (rin) Namin ang ganitong kaparusahan, sa mga taong gumagasta ng kanilang mga yaman bilang pagpapakitang-tao, na para lamang makita at marinig ng mga tao (ang kanilang ginagawa), at hindi talagang naniniwala sa Allâh (I) mula sa kanilang mga kalooban at gawa; at ganoon din, hindi rin sila naniniwala sa Kabilang Buhay. At ang mga masasamang gawaing ito ay mula sa pambubuyo sa kanila ni ‘Shaytân.’ Ang sinumang maging kaibigan ni ‘Shaytân’ ay siya na (ang ibig sabihin ay si ‘Shaytân’) ang pinakamasamang kaibigan.
39. At ano bang kapahamakan ang maaaring mangyari sa kanila kung sila ay naniwala sa Allâh (I) at sa Kabilang Buhay, at gumasta mula sa anumang biyayang ipinagkaloob sa kanila ng Allâh (I) bilang paghahangad ng pagmamahal ng Allâh (I) at malinis na kalooban, ang Allâh (I) ay Siyang ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa kanila at sa kung anumang kanilang ginagawa at huhukuman sila ayon sa mga gawain na ito.

40. Katiyakan! Ang Allâh (I), hindi Niya binabawasan nang kahit na katiting na katiting ang gantimpala ng gawain ng sinuman, subali’t ang kahit na katiting na katiting na kabutihan ay dinaragdagan Niya at Kanyang pinararami sa sinumang gumagawa nito at pinagkakalooban Niya pa ito ng karagdagan at ibinibigay Niya ang dakilang gantimpala mula sa Kanya, na ito ay ‘Al-Jannah’ (Hardin).

41. Paano kung gayon, ang mangyayari sa mga tao sa Araw ng Muling Pagkabuhay, kapag dinala ng Allâh (I) sa bawa’t nasyon ang kanilang Sugo para tumestigo sa kanila, sa anumang kanilang nagawa; at dadalhin ka ng Allâh (I), O Muhammad (r) para maging testigo sa iyong sambayanan at sa lahat ng mga Sugo na sila ay naiparating nila sa kanilang mga sambayanan ang mga mensahe ng kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha?

42. Sa Araw na yaon ay magaganap ang pag-aasam ng mga walang pananampalataya sa Allâh (I), at sa mga sumalungat at hindi sinunod ang Kanyang Sugo; na sana ay nanatili na lamang silang nasa ilalim ng kalupaan, na sana ay naging mga alikabok na lamang sila, nang sa gayon ay hindi sila bubuhayin na mag-uli; subali’t hindi nila maitatago ang kahit na anumang bagay sa Allâh (I) na nasa kanilang mga kalooban, dahil isinara ng Allâh (I) ang kanilang mga bibig at tumestigo laban sa kanila ang mga bahagi ng kanilang katawan sa anumang kanilang nagawa.

43. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Huwag ninyong lapitan ang pagsa-‘Salâh’ at huwag ninyo itong isagawa habang kayo ay nasa kalagayang kalasingan, hanggang sa mabatid ninyo kung ano ang inyong mga sinasabi.

Ito ang katuruang inihayag bago ipinahayag ang pinakahuling batas hinggil sa pagbabawal ng mga nakalalasing na bagay sa lahat ng pagkakataon.

At huwag kayong lumapit sa pagsa-‘Salâh’ (na ang ibig sabihin ay huwag ninyo itong isagawa) kung kayo ay nasa kalagayan ng ‘Janâbah,’ [28] at huwag din kayong lumapit sa mga dasalang lugar na katulad ng ‘Masjid,’ maliban na lamang sa sinuman sa inyo na nais lamang dumaan mula sa isang pinto patungo sa kabila. At ang pagsa-‘Salah’ ay hindi ninyo maaaring gawin hanggang hindi ninyo naisasagawa ang pangkalahatang pagpapaligo ng buong katawan (na tinatawag na ‘Ghusl’).

At kapag kayo ay may sakit at hindi ninyo kayang gumamit ng tubig, o di kaya ay naglalakbay kayo, o di kaya ay nagbawas (o dumumi) ang isa sa inyo, o di kaya ay nakipagtalik kayo sa inyong mga asawa; at wala kayong makitang tubig para malinis ninyo ang inyong mga sarili, samakatuwid ay kumuha kayo ng malinis na alikabok at ito ang ipahid ninyo sa inyong mga mukha at sa inyong mga kamay (na tinatawag na ‘Tayammum’). [29] Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘`Afouwan Ghafourâ’ – Napakalawak ang Kanyang Pang-unawa na Ganap na Mapagpatawad sa inyo.

44. Hindi mo ba alam, O Muhammad (r), ang nangyari sa mga Hudyo na pinagkalooban ng kaalaman, hinggil sa kung ano ang ipinahayag sa ‘Tawrah;’ subali’t ipinagpalit nila ang patnubay sa pagkaligaw, at tinalikuran nila ang anuman na nasa kanila na mga katibayan at mga palatandaan, na nagpapatunay sa pagiging totoo ng mensahe ng Sugong si Muhammad (r); at hinahangad nila sa inyo, O kayong mga naniniwala na pinatnubayan, na kayo ay lilihis mula sa Matuwid na Landas, nang sa gayon ay magiging ligaw din kayo na katulad nila.


45. At ang Allâh (I) ay Siyang ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam kaysa sa inyo, O kayong mga naniwala, hinggil sa tunay na pakikipaglaban ng mga Hudyo sa inyo; subali’t sapat na ang Allâh (I) sa inyo bilang inyong ‘Walee’ – Tagapagkalinga, Tagapangalaga at sapat na Siyang Tagapagtaguyod na tumutulong sa inyo laban sa inyong mga kalaban.
46. Mayroong grupong kabilang sa mga Hudyo, na naging kaugalian na nila, ang pagpalit-palitin at baguhin ang mga salita ng Allâh (I), bilang pagsisinungaling laban sa Allâh (I). At sinasabi nila sa Sugo na si Propeta Muhammad (r): “Narinig namin ang iyong salita at nilalabag namin ang iyong ipinag-uutos; na kung gayon, makinig ka sa amin na parang wala kang narinig.”

Sinasabi nilang: “Râ`i-na sam`aka” (na ang ibig sabihin ay “intindihin mo ang anumang nagmumula sa amin at unawain mo kami”), na binabaluktot nila ang kanilang mga dila ng mga ganoong pananalita na ang hangarin ay panalangin laban sa kanya (kay Propeta Muhammad r), na sa kanilang wikang Hebreo, ang kahulugan nito ay pag-aalipusta sa kanya at pag-alipusta sa Relihiyon ng Islâm.

Subali’t kung sinabi nila na: “Narinig namin at sinunod namin,” sa halip na pagsabi nila ng, “Nilabag namin at makinig ka na parang wala kang narinig;” at “Ipaunawa mo sa amin,” sa halip na pag-aalipusta; yaon ay mas makabubuti para sa kanila sa paningin ng Allâh (I) at yaon ang pinakamatuwid na salita.

Kaya inilayo sila ng Allâh (I) mula sa Kanyang awa dahil sa kanilang pagtanggi at di-pagtanggap sa pagiging Propeta ni Propeta Muhammad (r); na sila ay walang paniniwala sa katotohanan kundi napakaliit, na ito ay di man lamang nakapagbibigay sa kanila ng kapakinabangan.

47. O kayong mga nagtatangan ng Kasulatan, na mga Hudyo at mga Kristiyano! Maniwala kayo at tuparin ninyo ang anumang ipinahayag Namin sa Banal na Qur’ân, na nagpatotoo sa anumang nasa inyong mga Kasulatan; bago Namin kayo puksain dahil sa inyong masasamang gawain, at baligtarin ang inyong mga mukha na ito ay papupuntahin Namin sa inyong mga likuran; o di kaya ay isumpa Namin ang mga yaong gumagawa ng paninira sa pamamagitan ng pagbabagong-anyo sa kanila, na sila ay gagawing mga unggoy at mga baboy, na katulad ng ginawa Naming pagsumpa sa mga Hudyo na pinili sa kanila ng Allâh (I) ang Sabado bilang araw ng pagsamba at pamamahinga – mga ‘Ashâbus Sabbath’ – na sila ang mga yaong pinagbawalan ng Allâh (I) na mangisda sa araw ng Sabado, subali’t nagpatuloy pa rin sila sa pangingisda; na kung kaya, isinumpa sila ng Allâh (I) at inilayo sila mula sa Kanyang awa. Samakatuwid, ang anumang naisin ng Allâh (I) ay Siyang palaging nagaganap sa lahat ng pagkakataon.

48. Katiyakan, ang Allâh (I), hindi Niya pinatatawad at hindi Niya pinalalampas ang kasalanan ng sinumang sumamba ng iba bukod sa Kanya mula sa Kanyang mga nilikha; o di kaya ay nakagawa ng pagtanggi na kahit na anumang uri ng pagtanggi o di-paniniwala; subali’t pinatatawad Niya ang anumang kasalanan maliban sa ‘Shirk’ na ito, sa sinumang Kanyang nais mula sa Kanyang mga alipin; na kung kaya, ang sinumang nagsagawa ng pagtatambal o ‘Shirk’ sa pagsamba sa Allâh (I) ay walang pag-aalinlangan na nakagawa siya nang napakalaking pagkakasala.

49. Hindi mo ba alam, O Muhammad (r), ang nangyari sa mga yaong pinupuri nila ang kanilang mga sarili at mga gawa, at binabansagan nila ang kanilang mga sarili bilang malilinis at malayo mula sa kasamaan? Gayong ang Allâh (I) lamang ang Bukod-tangi na karapat-dapat na pumuri sa sinumang Kanyang nais mula sa Kanyang mga alipin, dahil Siya lamang ang Ganap na Nakaaalam ng katotohanan sa anumang kanilang nagawa; at wala Siyang binabawas ng kahit na katiting na katiting na bagay mula sa kanilang ginawa, na kahit kasing tulad ng ‘Fatîla’ – ang hibla (o parang isang maiksing sinulid na kulay puti) na nasa buto ng bunga ng ‘Tamr’ o datiles.

50. Pagmasdan mo sila, O Muhammad (r), nang may pagkamangha kung paano sila lumikha ng kasinungalingan laban sa Allâh (I); gayong ang Allâh (I) ay ligtas sa anumang uri na hindi angkop sa Kanyang Kadakilaan? Sapat na ang pagsisinungaling nila bilang isang napakalaking kasalanan na nagbubunyag ng mali nilang paniniwala.

51. Hindi mo ba alam, O Muhammad (r), ang nangyari sa mga Hudyong pinagkalooban ng ilang bahagi ng kaalaman, na ang pinaniniwalaan nila ay ang lahat ng sinasamba bukod sa Allâh (I) na tulad ng mga rebulto, at saka mga ‘Shaytân’ ng mga tao at mga ‘Jinn;’ at sinasabi nila sa mga yaong walang pananampalataya sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugong si Muhammad (r): “Ang mga taong ito (na walang pananampalataya) ang mas higit na matuwid at nasa tamang landas, kaysa sa kanila na mga mananampalataya.”


52. Sila ang mga yaong dumami na ang kapinsalaan sa kanilang mga nagawa at lumaganap na ang kanilang pagkaligaw, inilayo sila ng Allâh (I) mula sa Kanyang awa bilang sumpa, at sinuman ang inilayo ng Allâh (I) mula sa Kanyang awa; kailanman, ay hindi na siya makakikita pa ng sinumang makatutulong sa kanya at maglalayo mula sa masidhing kaparusahan.
53. O mayroon ba silang kabahagi sa Kaharian? Kung sakaling sila ay pagkalooban noon ay hindi nila bibigyan ang sinuman ng kahit na kaunti na maging kasing-liit ng isang ‘Naqîr’ – isang batik o tuldok na nasa buto ng datiles;

54. O di kaya ay naiinggit ba sila kay Muhammad (r), sa anumang ipinagkaloob sa kanya ng Allâh (I), na biyaya na pagiging isang Propeta at Sugo; at naiinggit sila sa kanyang mga ‘Sahâbah’ sa biyaya ng Patnubay tungo sa paniniwala at sa pagtanggap nila sa mensahe at pagsunod nila sa Sugo, at pangingibabaw sa daigdig; na inaasam-asam nila na mawala ang mga biyayang ito sa kanila?

Subali’t pinagkalooban Namin noon ang pamilya ni Ibrâhim (u) ng mga Aklat na ipinahayag ng Allâh (I) sa kanila at kung ano ang ipinahayag sa kanila na wala sa Aklat na kanilang binabasa; at pinagkalooban din Namin sila kalakip noon ng malawak na kaharian.

55. At mayroon sa kanila na pinagkalooban ng bahagi ng kaalaman ang naniwala sa mensahe ni Propeta Muhammad (r) at sinunod ang kanyang batas; at mayroon din namang tumanggi at di-tinanggap ang kanyang paanyaya, at pinagbawalan ang mga tao na sumunod sa kanya. Sapat na sa inyo na mga sinungaling ang lagablab ng Impiyernong-Apoy.

56. Katiyakan, yaong mga tumanggi sa anumang ipinahayag ng Allâh (I) na Kanyang mga talata at Rebelasyon bilang Kanyang Aklat, at sa mga katibayan at mga palatandaan; walang pag-aalinlangan, ipapasok Namin sila sa Impiyerno, na malalasap nila ang tindi ng lagablab nito, at sa tuwing masusunog ang kanilang mga balat ay papalitan Namin ito ng panibagong mga balat, nang sa gayon ay patuloy nilang malasap ang kaparusahan para sa kanila at ang kasidhian nito. Katiyakan, ang Allâh (I) ay Siyang ‘`Azeez’ – Kataas-Taasan at Punong-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan at walang sinuman ang makapipigil sa Kanya, na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang pangangasiwa at paghahatol.

57. At sa mga yaong naging panatag ang kanilang mga kalooban sa pamamagitan ng paniniwala sa Allâh (I) at pagtanggap sa mensahe ng Sugo ng Allâh na si Propeta Muhammad (r), at nagpakatuwid sila sa pagsunod, walang pag-aalinlangan, ipapasok Namin sila sa ‘Al-Jannât’ (mga Hardin) na sa ilalim nito ay may umaagos na mga ilog, at sila ay lubos na masisiyahan doon nang walang-hanggan, at hindi na sila palalabasin pa mula roon magpakailanman. At para sa kanila ay mga asawa, na nilinis ng Allâh (I) mula anumang dungis, at papapasukin sila sa napakalawak na mga lilim sa ‘Al-Jannah’ (Hardin).

58. Katiyakan, inutusan kayo ng Allâh (I) na ibalik ang mga ipinagkatiwala sa inyo doon sa mga nagmamay-ari nito, at huwag kayong magpapabaya hinggil sa pangangalaga nito; at inutusan din Niya kayo na humatol sa pagitan ng mga tao, nang pantay at makatarungang paghatol kapag kayo ay maghahatol sa pagitan nila, katiyakang napakaganda ang mga ganitong payo ng Allâh (I) at Kanyang pamamatnubay patungo sa Kanya. Walang pag-aalinlangan, anong kahanga-hanga at napakahusay na pagpapayo ang ibinigay ng Allâh (I) sa inyo!

Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Samee`’ – Ganap na Nakaririnig sa lahat ng inyong mga sinasabi, na ‘Baseer’ – Ganap na Nakakikita sa lahat ng inyong mga ginagawa na walang anuman ang naililihim sa Kanya.

59. O kayong mga matatapat sa inyong paniniwala! Sundin ninyo ang utos ng Allâh (I) at huwag ninyo itong labagin, at sundin din ninyo ang Sugong si Propeta Muhammad (r) sa kanyang dala-dalang katotohanan; at sundin din ang inyong mga pinuno sa kanilang mga ipinag-uutos na hindi labag sa kagustuhan ng Allâh (I), at kapag kayo ay mayroong bagay na di-napagkasunduan sa pagitan ninyo ay isangguni ninyo ang hatol hinggil dito sa Aklat ng Allâh (I) at sa ‘Sunnah’ ng Kanyang Sugo na si Propeta Muhammad (r), kung kayo nga ay naniniwala nang tunay na paniniwala sa Allâh (I) at sa Araw ng Paghuhukom.

Ang pagsangguning ito sa Aklat ng Allâh (I) at sa ‘Sunnah’ ay higit na makabubuti sa inyo kaysa sa hindi ninyo pagkakasundu-sundo sa isa’t isa at sa pagbibigay lamang ninyo ng sariling pananaw; at ang pagsasangguni ding ito ay higit na makapagdudulot ng mabuting kahihinatnan.


60. Hindi mo ba alam, O Muhammad (r), ang hinggil sa mga mapagkunwari, na inaangkin nilang sila ay mga naniwala sa anumang ipinahayag sa iyo na Banal na Qur’ân at sa anumang ipinahayag sa mga Sugong nauna sa iyo; na ninanais nila na magpahukom para maayos ang kanilang mga di-napagkakasunduan sa batas na hindi batas ng Allâh (I), na isang batas na hindi makatarungan; gayong ipinag-utos sa kanila ng Allâh (I) na tanggihan at di-paniwalaan ang anumang kamalian? At subali’t ang hina-hangad sa kanila ni ‘Shaytân’ ay mailayo sila sa Daan ng Katotohanan, nang matinding pagkakalayo.
Dito sa ‘Âyah’ o talatang ito, ang katibayan na ang tunay na paniniwala ay nangangahulugan ng pagpapasailalim sa batas ng Allâh (I) at ito ang magiging panuntunan sa lahat ng bagay, na kung kaya, sinuman ang nag-aangkin na siya ay naniwala subali’t ang pinili niya ay ang maling batas kaysa sa batas ng Allâh (I), siya ay sinungaling sa kanyang pag-aangking ito.

61. At kapag pinayuhan ang mga yaong mapagkunwari, na sinasabi sa kanila: “Halina kayo sa ipinahayag ng Allâh (I), at sa Kanyang Sugong si Muhammad (r), at sa Kanyang gabay,” makikita mo ang mga yaong mapagkunwari na ipinakikita nila na sila ay may paniniwala at itinatago ang kanilang di-paniniwala, na tinatalikuran ka na may matinding pagtanggi.

62. Paano kung gayon, ang mangyayari sa yaong mapagkunwari, kapag dumating sa kanila ang kaparusahan dahil sa nagawang kasamaan ng kanilang mga kamay, pagkatapos sila ay nagtungo sa iyo, O Muhammad (r), na humihingi ng paumanhin at sumusumpa sa Allâh (I), at tinitiyak nila sa iyo na sila ay wala raw hangaring anuman sa kanilang mga nagawa kundi kabutihan at para ayusin ang hindi pagkakasundu-sundo!

63. Sila ang mga yaong batid ng Allâh (I) ang katotohanan sa kanilang mga puso na pagkukunwari; na kung kaya, hayaan mo na sila (huwag mo na silang parusahan) subali’t balaan mo sila mula sa kasamaang kanilang kinalalagyan, at magsabi ka sa kanila ng mga salitang makabuluhan na tatalab sa kanilang kalooban.

64. Hindi Kami nagpadala ng mga magkakasunod na Sugo kundi para sila ay sundin bilang kagustuhan ng Allâh (I) at Kanyang kapasiyahan. At kung ang mga yaong nagkasala sa kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagsasagawa nila ng mga kamalian, ay dumating sa iyo, O Muhammad (r), na mga nagsisisi, na humihiling sa Allâh (I) na sila ay patawarin sa mga kasalanang kanilang nagawa at hiniling mo sa Allâh (I) para sa kanila ang kapatawaran, (na kung gayon,) matatagpuan nila ang Allâh (I) na ‘Tawwâb’ – Tagapagtanggap ng sinumang nagsisisi at humihingi ng kapatawaran, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal.

65. Sumumpa ang Allâh (I) sa Kanyang Sariling Kataas-taasan, na kailanman ay hindi sila magiging tunay na mananampalataya hanggang hindi ka nila ginagawang hukom, O Muhammad (r), sa anumang hindi nila napagkakasunduan sa mga pagitan nila, na ito ay noong ikaw ay nabubuhay pa, o di kaya ay magpahukom sila sa iyong ‘Sunnah,’ kapag ikaw ay namatay na, [30] pagkatapos ay hindi sila makararamdam sa kanilang mga sarili ng pagtutol sa anumang iyong pinasyahang paghahatol, at sila ay susunod nang ganap na pagsunod, sapagka’t ang pagsunod sa anumang dinala ni Propeta Muhammad (r) na Qur’ân at ‘Sunnah’ bilang panuntunan at batas sa lahat ng larangan ng pamumuhay ay pinakaugat ng Paniniwala na kalakip ang kabuuang pagtanggap at kasiyahan.


66-68. At kung inutusan lamang Namin sila na mga mapagkunwari na nagpa-pahatol sa mga maling batas, na patayin ng mga inosente mula sa kanila ang mga yaong nagkasala o di kaya ay palabasin sila mula sa kanilang mga bayan, ay hindi sila susunod sa ganoong kautusan maliban na lamang sa mangilan-ngilan sa kanila. Subali’t kung sinunod lamang nila ang anumang ipinayo sa kanila, ito ay magdudulot ng kapakinabangan para sa kanila at magpapatibay ng kanilang Pananamapalataya, at pagkakalooban Namin sila ng dakilang gantimpala mula sa Amin, dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay, at gagaba-yan Namin sila at papatnu-bayan patungo sa Matuwid na Landas.
69. At sinuman ang susunod sa mga kautusan ng Allâh (I) at sa patnubay ng Kanyang Sugong si Propeta Muhammad (r), ay itinaas nila ang kanilang mga antas at kabilang sila sa mga hanay ng mga biniyayaan ng Allâh (I) at pinagkalooban ng ‘Al-Jannah’ (Hardin), na mga propeta, mga matutuwid na mga naniwala nang buong katapatan, at mga ‘Shuhadah’ (namatay nang alang-alang sa Allâh I), at mga mabubuting mananampalataya, na sila ang mga pinakamabubuting kasamahan sa ‘Al-Jannah’ (Hardin).

70. Iyan ang kagandahang-loob mula sa Allâh (I) na Nag-iisa at Bukod-Tangi, at sapat na ang Allâh (I) bilang Ganap na Nakababatid ng lahat, batid Niya ang mga pangyayari sa Kanyang mga alipin at kung sinuman sa kanila ang karapat-dapat na pagkalooban ng masaganang gantimpala dahil sa kanyang mga mabubuting nagawa.

71. O kayong mga naniwala! Maging maingat kayo sa pamamagitan ng paghahanda sa pakikipaglaban sa inyong mga kalaban at magtungo kayo para makipagtagpo sa kalaban nang pangkat-pangkat o di kaya ay sabay-sabay.

72. At katiyakan, mayroong kabilang sa inyo na mga taong nagpapahuli o nagpapaantala sa kanyang pag-alis para sa pakikipagharap sa mga kalaban, na nagtatamad-tamaran at sadyang sinisira ang kalooban ng iba.

At kapag naitakda sa inyo na subukin kayo sa pamamagitan ng pagkamatay o pagkatalo, sasabihin niya nang may kagalakan, “Pinangalagaan ako ng Allâh (I), dahil sa hindi ako nakasama noong dumating sa kanila ang sakuna na kinamumuhian ko,” at matutuwa siya dahil sa kanyang ginawang pagpapaiwan mula sa inyo.

73. At kapag nagkamit kayo ng kagandahang-loob mula sa Allâh (I) at ‘Ghanîmah’ ay sasabihin niya na may kasamang panibugho at panghihinayang na parang walang nangyaring pagmamahalan sa pagitan ninyo at niya, “Sana ay nakasama ako sa kanila, nang sa gayon ay nagkamit din ako ng tagumpay na katulad nila na nagkamit ng kaligtasan, pagkapanalo at ‘Ghanîmah.’ ”

74. Samakatuwid ay makipaglaban kayo sa mga kumakalaban sa ‘Deen’ ng Allâh (I) para itaguyod ang Kanyang ‘Deen’ at mangibabaw ang Kanyang batas, na sila ay ang mga yaong ipinagpalit ang makamundong bagay sa buhay sa Kabilang-Buhay at ang gantimpala nito. At sinuman ang nakipag-‘Jihâd’ sa Daan ng Allâh (I) nang taimtim pagkatapos siya ay napatay o di kaya ay nagwagi, walang pag-aalinlangang ipagkakaloob Namin sa kanya ang dakilang gantimpala.

75. Ano ba ang pumipigil sa inyo, O kayong mga naniwala, sa pakikipaglaban sa mga kuma-kalaban sa ‘Deen’ ng Allâh (I) at nang-aapi sa mga mananam-palataya bilang ‘Jihâd’ upang itaguyod ang ‘Deen’ ng Allâh (I); at pagtulong sa mga alipin ng Allâh (I) na mahihina, mga pinagma-malupitan, mga hinahamak mula sa mga kalalakihan at mga kababaihan at mga murang edad, na sila ay walang kakayahan at anumang kaparaanan kundi ang paghingi ng saklolo sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na sila ay nananalangin at kanilang sinasabi: “O aming ‘Rabb,’ iligtas Mo kami mula sa bayang ito – Makkah [31] – na ang mga tao rito ay sinira nila ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagtanggi ng katotohanan at mapanghamak sa mga mananampalataya sa pamamagitan ng pang-aapi. At pagkalooban Mo kami mula sa Iyo ng taong mamumuno, at mangangalaga sa amin, at magtataguyod, at ipagtatanggol kami laban sa mga mang-aapi?”

76. Yaong tunay na naniwala, na taimtim sa kanilang kalooban at gawa, ay nakipaglaban sa Daan ng Allâh (I) bilang ‘Jihad’ patungo sa pagtaguyod ng katotohanan at ang mga tagasunod nito; samantalang yaong mga walang pananampalataya na tumanggi sa katotohanan, ay nakipaglaban para maghasik ng kasamaan sa ibabaw ng kalupaan dahil sa pagsunod nila sa ‘Tâghût’ o ‘Shaytân;’ na kung gayon, makipaglaban kayo, O kayong mga naniwala, sa mga yaong mang-aapi at mga mapanghamak na nagmamahal kay ‘Shaytân’ at sumusunod sa kanyang kagustuhan, dahil walang pag-aalinlangang ang pakana ni ‘Shaytân’ para sa kanyang mga tagasunod ay sadyang napakahina.

77. Hindi mo ba napagtuunan ng pansin, O Muhammad (r), yaong mga pinagsabihan noong hindi pa inihahayag ang pahintulot hinggil sa pakikipaglaban sa Daan ng Allâh (I) bilang ‘Jihâd’ na: “Pigilan ninyo ang inyong mga kamay sa pakikipaglaban sa inyong mga kalabang ‘Mushrikin,’ at nararapat sa inyo na isagawa ang ipinag-utos ng Allâh (I) na pagsa-‘Salâh’ at pagbibigay ng ‘Zakâh;’” subali’t noong ipinag-utos na sa kanila ang pakikipaglaban, ang isang grupo mula sa kanila ay nabago ang pananaw, sila ay naging mga duwag at natakot sa mga tao na katulad ng kanilang pagkatakot sa Allâh (I) o naging mas higit pa ang kanilang pagkatakot; at inihayag nila ang nangyari sa kanila na matinding pagkatakot sa pamamagitan ng pagsasabi ng: “O aming ‘Rabb,’ bakit mo ipinag-utos sa amin ang pakikipaglaban? Hindi ba maaari na bigyan Mo kami nang kahit na kaunting palugit man lamang na panahon?”

Ito ay sa kadahilanang pagnanasa sa makamundong buhay. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Ang kaligayahan ng makamundong buhay ay napakaikli lamang, gayong sa Kabilang-Buhay, naroon ang dakilang gantimpalang walang hanggan sa sinumang natatakot at isinagawa ang anumang ipinag-utos sa kanya, at iniwasan ang anumang ipinagbawal. At hindi dadayain ng iyong ‘Rabb’ ang sinuman sa inyo nang kahit na katiting na ‘Fatîla’ – ang hibla na kulay puti na matatagpuan sa biyak na buto ng prutas ng ‘Tamr’ o datiles.

78. “Kahit saan man kayo naroroon ang kamatayan ay darating sa inyo, kahit saang lupalop man kayo, kahit na kayo ay nasa loob ng inyong mga kuta na itinayo nang pagkatatag-tatag na malayo sa mga lugar ng labanan, at kapag dumating ang nakatakdang panahon sa inyo ay mamamatay kayo.”

At kapag nangyari sa kanila ang anumang kasiyahan sa makamundong buhay, sasabihin nila: “Ito ay nagmula sa Allâh (I),” at kapag may nangyari naman sa kanila na di-kanais-nais na bagay, sasabihin nila: “Ito ay nanggaling sa Sugong si Muhammad (r),” bilang kamangmangan at kawalan ng kanilang pag-asa. At hindi nila alam na ang lahat ng mga pangyayari ay nagmula lamang sa Allâh (I), sa Kanyang pagpapasiya at pagtatakda. Samakatuwid, ano ba ang nangyayari sa mga tao na sila ay walang maintindihan sa anumang mga paliwanag?

79. Ang anumang nangyari sa iyo bilang tao na kabutihan at biyaya, ay nagmula lamang sa Allâh (I) bilang kagandahang-loob at kabutihan; at ang anumang nangyari sa iyo na kasamaan, mga di-kanais-nais na bagay, at paghihikahos; ay dahil sa masamang iyong nagawa at sa anumang nagawang pagkakamali at mga kasamaan ng iyong mga kamay.

Ipinadala ka Namin, O Muhammad (r), sa lahat ng mga tao bilang Sugo para iparating sa kanila ang mensahe ng iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at sapat na ang Allâh (I) bilang Testigo na ang iyong mensahe ay katotohanan.


80. Sinuman ang sumunod sa Sugong si Propeta Muhammad (r) at isasagawa ang kanyang katuruan, katiyakang sinunod niya ang Allâh (I) at isinagawa niya ang Kanyang ipinag-utos; at sinuman ang tatanggi sa pagsunod sa kagustuhan ng Allâh (I) at ng Kanyang Sugo, samakatuwid, hindi ka Namin ipinadala, O Muhammad (r), para pagmatyagan ang mga yaong tumanggi sa kanilang mga gawain at para sila ay husgahan, sapagka’t Kami ang maghuhusga sa kanila.
81. At ipinakikita ng mga tumanggi habang sila ay nasa kapulungan na kasama ang Sugo ng Allâh, na sila ay sumusunod sa Sugo at sa anumang kanyang dinalang kautusan; subali’t kapag sila ay nakaalis at nakalayo na mula sa kanyang (Muhammad) pinag-pulungan, nagpapakana ang grupo mula sa kanila sa gabi na salungat doon sa kanilang ipinahayag na pagsunod; gayong hindi nila alam na ito ay batid ng Allâh (I), na itinatala ang kanilang mga ginagawang pakana at gagantihan sila ayon dito nang buong kabayaran.

Kung gayon, pabayaan mo sila, O Muhammad (r), at huwag mo na silang alalahanin dahil hindi ka nila maipapahamak, at ipaubaya mo ang iyong sarili sa Allâh (I) sapagka’t sapat na ang Allâh (I) bilang iyong ‘Wakeel’ – Tagapangalaga at Tagapagtaguyod.

82. Hindi ba nila napagtutuunan ng pansin ang Banal na Qur’ân at ang niloloob nito na katotohanan para unawain at alamin, dahil ito ay inihayag na nasa ganap na kaayusan at kaangkupan, na walang pag-aalinlangan, ito ay nagmula lamang sa Allâh (I) na Bukod-tangi? At kung ito ay nagmula sa iba bukod sa Allâh (I) ay makakikita sila rito ng maraming pagkakasalungatan.

83. At kapag dumating sa mga yaong hindi pa lubusang nakatanim ang Pananampalataya sa kanilang mga puso, ang mga pangyayaring nararapat na ilihim hinggil sa kaligtasang nagdudulot ng kabutihan sa Islâm at saka sa mga Muslim, o di kaya ay pagkatakot na nagdudulot ng pangamba sa kanilang mga puso, ay ikinakalat nila at ipinamamalita nila sa mga tao; gayong kung isinangguni lamang nila ang anumang dumating sa kanila sa Sugo ng Allâh at sa mga may kaalaman at mga paham, ay tiyak na malalaman ng mga marurunong mula sa kanila ang tamang kahulugan at pagkakaunawa hinggil (sa bagay na) ito.

At kung hindi lamang dahil sa kagandahang-loob at awa mula sa Allâh (I) para sa inyo, ay susunod kayo kay ‘Shaytân’ at sa kanyang mga ibinubuyo, maliban sa mangilan-ngilan sa inyo.

84. Kung gayon, makipaglaban ka sa mga kumakalaban sa ‘Deen’ ng Allâh (I), O Muhammad (r), sa Daan ng Allâh (I), at sa pangingibabaw ng Kanyang batas; hindi ka mananagot sa gawain ng iba kundi sarili mo lamang ang iyong pananagutan. At utusan mo ang mga mananampalataya na makipaglaban sa mga kumakalaban sa ‘Deen’ ng Allâh (I) at himukin mo sila, nang sa gayon, pipigilin ng Allâh (I) sa pamamagitan mo at sa pamamagitan nila, ang kasamaan at kalupitan ng mga di-naniwala.

At ang Allâh (I) ay Siyang Pinakamalakas at napakasidhi ang Kanyang kaparusahan sa mga walang pananampalataya.

85. Ang sinumang mamagitan para sa mabuting kapakanan ng iba ay magkakamit siya ng gantimpala nito, subali’t ang mamagitan para sa ikapapahamak ng iba ay magkakaroon siya ng bahagi sa kasalanan at sa kaparusahan nito. At ang Allâh (I) ay ‘Muqeet’ – Siyang May Kakayahang Gawin at Magmasid sa lahat ng bagay.

86. At kapag bumati ng ‘Salâm’ (kapayapaan) sa inyo ang isang Muslim ay tugunin ninyo nang higit pa kaysa sa kanyang ginawang pagbati sa inyo o binigkas na ‘Salâm,’ na may maaliwalas na pagmumukha; o di kaya ay tugunin ninyo nang katulad ng ginawa niyang pagbati ng ‘Salâm’ – at alinman sa mga ito ang iyong gagawin ay walang pag-aalinlangan na mayroon itong sapat na gantimpala. Katiyakang ang Allâh (I) ay ‘Haseeb’ – Napakaingat at Angkop na Angkop ang Kanyang Paghuhusga sa lahat ng bagay.


87. Ang Allâh (I) ay Siyang Bukod-Tanging karapat-dapat na sambahin, na walang sinuman ang may karapatang sambahin ng lahat ng mga nilalang kundi Siya lamang, na katiyakang titipunin Niya kayo sa Araw ng Muling Pagkabuhay, na walang pag-aalinlangan ang hinggil dito na paghuhukom at pagbabayad. At walang sinuman ang hihigit sa pagiging totoo sa pananalita kaysa sa Allâh (I) sa Kanyang pagmumungkahi.
88. Ano ang nangyari sa inyo, O kayong mga naniwala, na kayo ay nagkaroon ng dalawang grupong magka-salungat sa pananaw hinggil sa kanila na mga mapagkunwari: ang isang grupo sa inyo na nagsasabing makipaglaban sa kanila at yaong isang grupo naman ay salungat sa sinabi noong isa? Ibinalik sila ng Allâh (I) sa maling pananampalataya at pagkaligaw dahil sa kanilang mga maling gawain. Nagnanais ba kayo na gabayan ang sinumang inilihis ng Allâh (I) ang kanyang puso mula sa Kanyang ‘Deen?’ At sinuman ang ililihis ng Allâh (I) mula sa Kanyang ‘Deen’ at sa pagsunod sa Kanyang Kautusan ay wala na siyang kaparaanan pa tungo sa patnubay.

89. Ang inaasam-asam ng mga mapagkunwari sa inyo, O kayong mga naniwala, na sana ay tanggihan ninyo ang anumang inyong pinaniniwalaan sa inyong mga puso, na katulad ng kanilang pagtanggi sa kanilang mga puso; nang sa gayon ay magiging magkatulad kayo sa pagtanggi ng katotohanan. Samakatuwid, huwag ninyo silang ituring na mga ‘Awliyâ`’ (tagapangalaga) hanggang hindi sila nangingibang-bayan sa Daan ng Allâh (I), na magpapatunay na sila ay totoo sa kanilang paniniwala.

At kapag sila ay tumalikod sa Islâm ay hulihin ninyo sila na mga mapagkunwari kahit saan ninyo sila matagpuan at patayin, at huwag na huwag ninyong ituring ang kahit na sinuman sa kanila na tagapagtaguyod o katulong (tagapangalaga) bukod sa Allâh (I).

90. Subali’t ang mga yaong may kasunduan sa mga taong nakipagkasundo sa inyo, ay huwag kayong makipaglaban sa kanila; at ganoon din sa kanila na dumating sa inyo, na hindi nila matanggap sa kanilang mga kalooban ang makipaglaban sa inyo at ayaw din nilang makipaglaban sa kanilang sambayanan, na kung kaya, huwag ninyo silang kalabanin, at kung gugustuhin ng Allâh (I), katiyakang mangingibabaw sila sa inyo at makikipagpatayang kasama ang inyong mga kalabang ‘Mushrikin;’ subali’t inilayo sila ng Allâh (I) sa inyo dahil sa Kanyang kagandahang-loob at kapangyarihan.

Kung kaya, kapag pinabayaan nila kayo at hindi na sila nakipaglaban sa inyo at nagpasailalim sila sa inyo bilang pagsuko, ay wala na kayong karapatan sa anumang kaparaanan para makipaglaban sa kanila.

91. Katiyakan, makikita ninyo ang ibang grupo ng mga mapagkunwari, na hinahangad lamang nila ay kasiguruhan sa kanilang mga sarili para sila ay ligtas mula sa inyo; at dahil sa ganoong kadahilanan ay ipinakikita nila sa inyo na kunwari sila ay naniniwala.

At ganoon ding kasiguruhan ang hinahangad nila sa kanilang mga sarili para sila ay ligtas mula sa kanilang mga kasamahang walang pananampalataya; na kung kaya, ipinakikita nila sa kanila ang kanilang pagtanggi sa katotohanan.

Sa tuwing sila ay ibinabalik sa lugar ng mga walang pananampalataya ay mas lalong tumitindi ang kanilang kasamaan.

At kapag hindi sila umatras (umurong) sa inyo, ni ayaw nilang mag-alok ng kapayapaan, ni ayaw nilang tumigil ng pakikipaglaban sa inyo; samakatuwid, kubkubin ninyo sila nang mahigpit at patayin ninyo sila saan man ninyo sila matagpuan; sapagka’t umabot na sila sa sukdulan ng kanilang kasamaan, na nagpapakilala ng kanilang kaibahan sa iba. Kung kaya, sa ganitong usapin, ay gumawa Kami sa inyo ng malinaw na katibayan para sila ay inyong patayin o bihagin.


92. Walang karapatan ang sinumang nanampalataya na apihin o patayin ang kanyang kapatid na mananampalataya, maliban na lamang kung ito ay nangyari nang hindi sinasadya bilang pagkaka-mali.
At sa sinuman na nangyari sa kanya ang ganitong pagkakamali ay kinakailangang magpalaya siya ng babaing alipin na mananampalataya at magbigay ng kaukulang ‘Diyah’ sa pamilya ng namatay, maliban na lamang kung kusang-loob nilang patatawarin ang nakapatay at hindi na ito sisingilin sa kanya.

Kapag ang napatay ay mula sa mga walang pananampalataya na kalaban ng mga mananampalataya, at siya na nakapatay ay kabilang sa mga naniniwala sa Allâh (I) at naniniwala sa anumang ipinahayag na katotohanan ng Kanyang Sugo na si Propeta Muhammad (r); nararapat sa kanya na magpalaya ng babaing alipin na mananampalataya.

At kapag ang napatay naman ay mula sa mga taong mayroon kayong ginawang kasunduan sa pagitan ninyo at nila (na ang kasunduang ito ay walang mangyayaring labanan), nararapat sa nakapatay na magbigay sa pamilya ng napatay ng kaukulang ‘Diyah’ at magpalaya siya ng babaing alipin na mananampalataya. At sinuman ang walang kakayahan na magpalaya ng alipin ay nararapat sa kanya na mag-ayuno ng dalawang buwan, araw-araw na magkakasunod; nang sa gayon ay mapatawad siya ng Allâh (I).

At ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Siyang Ganap na Nakaaalam ng katotohanan hinggil sa Kanyang mga alipin, na ‘Hakeem’ – Ganap na Marunong sa pagtatakda ng Kanyang batas para sa kanila.

93. At sinuman ang pumatay nang sadya sa isang mananampalataya na wala siyang karapatan, ang kanyang kaparusahan ay Impiyernong-apoy, siya ay mananatili roon magpasawalang-hanggan, kasama ang pagkamuhi ng Allâh (I) sa kanya at ang pagkakalayo mula sa awa ng Allâh (I). At inihanda ng Allâh (I) para sa kanya ang masidhing kaparusahan dahil sa kanyang ginawang matinding pagkakasala.
94. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Kapag kayo ay lumabas sa kalupaan upang makipaglaban sa Daan ng Allâh (I), tiyakin ninyo kung ano ang dapat ninyong gawin, kung ano ang dapat ninyong iwasan, at huwag ninyong huhusgahan ang sinumang walang pananampalataya na nagpapakita sa inyo ng Islâm at hindi nakipaglaban sa inyo. Sapagka’t siya ay maaaring naniniwala sa Allâh (I) subali’t ito ay kanya lamang inililihim, at huwag ninyo itong gawin ng dahil sa paghahangad ng makamundong buhay, dahil sa Allâh (I) nagmumula ang kagandahang-loob at pagbibigay ng anumang bagay na magiging sapat para sa inyo.

At ganoon din naman kayo noong simula pa lamang ng inyong pagiging Muslim, inililihim din ninyo ang inyong mga paniniwala sa inyong mga kababayan na ‘Mushrikin.’ At biniyayaan kayo ng Allâh (I), pinarangalan kayo ng Pananampalataya at pinagkalooban kayo ng lakas; na samakatuwid ay maging tiyak kayo sa inyong mga sarili at sa pag-aalam ninyo kung ano talaga ang nararapat para sa inyo.

Katiyakan, ang Allâh (I) ay Siyang Ganap na Nakaaalam ng lahat ng inyong mga ginagawa, at ‘Khabeer’ – Ganap ang Kanyang Kagalingan na Nakababatid sa lahat ng mga bagay hinggil sa inyo. At walang pag-aalinlangan, ayon dito kayo ay Kanyang tutumbasan.


95. Hindi magkatulad ang mga mananampalataya na nanatili (lamang sa kanilang tahanan) at hindi sumama sa ‘Jihâd’ sa Daan ng Allâh (I); at saka sa mga yaong nakipaglaban sa Daan ng Allâh (I) sa pamamagitan ng kanilang mga kayamanan at ng kanilang mga sarili, maliban na lamang sa sinuman na may sapat na kadahilanan na tulad ng kapansanan.
Mas binukod-tangi ng Allâh (I) ang mga nakipaglaban sa Daan ng Allâh (I) kaysa sa mga nanatili lamang sa kanilang mga tahanan; at iniangat ng Allâh (I) sa mataas na antas sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) ang sinumang nakipag-‘Jihâd’ sa pamamagitan ng kanilang mga kayamanan at ng kanilang mga sarili, at ganoon din sa mga nanatili lamang sa kanilang mga tahanan na may sapat na kadahilanan. Ang bawa’t isa sa kanila ay pinangakuan ng Allâh (I) ng ‘Al-Jannah’ (Hardin) dahil sa kanilang ginasta at pagsasakripisyo sa Daan ng Katotohanan. Samakatuwid, mas binukod-tangi ng Allâh (I) ang mga ‘Mujâhideen’ kaysa sa mga nanatili lamang sa kanilang mga tahanan, sa pagkakaloob ng dakilang gantimpala.

96. Ito ang dakilang gantimpala na mga matataas na antas sa ‘Al-Jannât’ (mga Hardin), na nagmula sa Allâh (I) para lamang sa Kanyang mga alipin na nakipag-‘Jihâd’ sa Kanyang Daan; at pagpapatawad sa kanilang mga pagkakasala at pagkakaloob ng malawak na biyaya at awa; na roon (sa ‘Al-Jannât’) ay paliligayahin sila nang lubus-lubusan.

At ang Allâh (I) ay Siyang ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa sinumang nagsisi at nanumbalik sa Kanya, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa sinumang sumunod na nakipag-‘Jihâd’ sa Kanyang Daan.

97. Katiyakan, ang mga yaong kinuha ng mga anghel ang kanilang mga kaluluwa (sa oras ng kanilang kamatayan); samantalang isinasagawa nila ang mga pagkakasala sa kanilang mga sarili, sa pamamagitan ng pagpapanatili nila sa lugar ng mga walang pananampalataya at hindi nangibang-bayan, sasabihin sa kanila ng mga anghel bilang pag-aalipusta sa kanila, “Sa ano bang kondisyon ang inyong kinalalagyan at ano ang nagawa ninyo sa inyong ‘Deen?’” Sasabihin nila: “Kami ay mahihina at hinamak sa kalupaan, na hindi namin kayang ipagtanggol ang aming mga sarili sa mga nang-aapi sa amin at nanggigipit,” Kung gayon, sasabihin sa kanila sa marahas na pagsagot: “Hindi ba napakalawak ang kalupaan ng Allâh (I) para sa inyo upang kayo ay mangibang-bayan, nang sa gayon ay mapangalagaan ninyo ang inyong ‘Deen?’” Ang mga katulad nila kung gayon, ang hahantong sa Impiyerno – anong napakasamang kalalagyan!

98. Maliban na lamang sa mga may sapat na kadahilanan, dahil sa sila ay mga mahihina na mga kalalakihan, mga kababaihan at mga musmos na mga bata, na hindi nila kayang ipagtanggol ang kanilang mga sarili mula sa mga pagmamalupit at pang-aapi, at wala silang alam na kaparaanan, para sila ay makaligtas mula sa paghihirap na kanilang dinaranas.

99. At silang mga mahihina ang may pag-asa na patatawarin ng Allâh (I), dahil Siya (Allâh I) ay Ganap na Nakaaalam ng buong katotohanan hinggil sa kanila, ‘`Afouwan Ghafoura’ – Napakalawak ang Kanyang Pang-unawa na Ganap na Mapagpatawad.

100. Ang sinumang nangibang-bayan mula sa lugar ng ‘Shirk’ patungo sa lugar ng ‘Islâm’ para mailigtas niya ang kanyang ‘Deen;’ na siya ay naghahangad ng kagandahang-loob sa kanyang ‘Rabb,’ at nagtitiwala siya na maitataguyod ng Allâh (I) ang Kanyang ‘Deen;’ ay makatatagpo siya ng lugar sa kalupaan ng malilipatan at mapapamuhayan; na yaon ang magiging dahilan ng pagkakaroon niya ng lakas, at pagpapahamak sa kanyang mga kaaway; kalakip ang masaganang kabuhayan at maluwag na pamumuhay.

At sinuman ang aalis sa kanyang tahanan na naghahangad na itaguyod ang ‘Deen’ ng Allâh (I) at ng Kanyang Sugo; at para mangingibabaw ang batas ng Allâh (I), at pagkatapos ay inabot siya ng kamatayan bago naisakatuparan ang kanyang minimithi; walang pag-aalinlangan, nakatala na ang para sa kanya na gantimpala ng Allâh (I) bilang kabutihan at kagandahang-loob mula sa Kanya. At ang Allâh (I) ay Siyang ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa Kanyang mga alipin.

101. At kapag kayo ay naglakbay sa kalupaan ng Allâh (I), O kayong mga mananampalataya, walang kasalanan sa inyo kapag pinaikli ninyo ang inyong mga ‘Salâh’ kung kayo ay natatakot na makikipaglaban sa inyo ang mga walang pananampalataya habang isinasagawa ninyo ang inyong pagsa-‘Salâh.’

At naging madalas ang panganib noon sa paglalakbay ng mga Muslim sa simula ng kanilang pagiging Muslim, na samakatuwid, ang pagpapaikli ng ‘Salâh’ ay ipinahihintulot sa panahon ng paglalakbay, ligtas man ito o may panganib. Katiyakan, lantaran ang pakikipaglaban sa inyo ng mga walang pananampalataya, na kung kaya ay maging maingat kayo.

102. At kapag ikaw, O Muhammad (r), ay nasa lugar ng labanan na kasama nila at nais mo silang pamunuan sa ‘Salâh,’ samakatuwid ay tatayo ang isang grupo mula sa kanila, na kasama ka sa pagsa-‘Salâh’ na hawak-hawak nila ang kanilang mga sandata. At kapag sila ay natapos nang magpatirapa sa unang ‘raka`at,’ habang ang pangalawang grupo na nasa kanilang likuran ay nakaharap sa kanilang kalaban, ay tatapusin naman ng unang grupo ang kanilang ikalawang ‘raka`at’ at sila ay magsa-‘Salâm.’
Habang ikaw naman ay nakatayo (na nasa ‘qiyâm’ na kaayusan) na hinihintay ang pagsama ng pangalawang grupo, samantalang natapos na ang unang grupo ay sasama naman ang pangalawang grupo na hindi pa nakapagsimula ng ‘Salâh’ at susunod sa iyo para sa kanilang unang ‘raka`at,’ na ang isinasagawa mo kasama nila ay ang ikalawang ‘raka`at,’ pagkatapos ikaw ay magsa-‘Salâm’ at sila naman ay bubuuin nila nang sila-sila na lamang ang kanilang pangalawang ‘rak`at,’ at maging maingat sila sa kanilang mga kalaban at hawakan nilang maigi ang kanilang mga sandata.

Inaasam-asam ng mga tumanggi sa ‘Deen’ ng Allâh (I) na mapabayaan ang inyong sandata at mga dala-dalahan, nang sa gayon ay malusob nila kayo nang minsanan lamang at magapi nila kayo. At wala kayong kasalanan kung gayon, kung mayroong sagabal na katulad ng ulan o di kaya kayo ay mayroong karamdaman kung itatabi ninyo ang inyong mga sandata na may kasamang pag-iingat. Katiyakan, inihanda ng Allâh (I) para sa mga tumanggi sa Kanyang ‘Deen’ ang parusang magpapahamak sa kanila at magpapahiya.

103. At kapag naisagawa na ninyo ang pagsa-‘Salâh’ ay ipagpatuloy ninyo ang pag-alaala sa Allâh (I) sa lahat ng pagkakataon – nakatayo man kayo, nakaupo o nakahiga; at kapag nawala na ang panganib ay isagawa na ninyo ang ‘Salâh’ sa kabuuan nitong kaayusan at huwag ninyo itong ipagsawalang-bahala, dahil ito ang ipinag-utos ng Allâh (I) sa Kanyang batas sa mga mananampalataya sa mga itinakdang oras.

104. Huwag kayong manghina sa pakikipaglaban sa inyong mga kalaban at pagtugis sa kanila, dahil kung kayo ay nakaranas ng kahirapan sa inyong pakikipaglaban; ganoon din ang inyong mga kalaban, mas nakaranas sila nang higit na paghihirap kaysa sa inyo; magkagayunpaman ay hindi pa rin sila tumitigil sa pakikipaglaban sa inyo gayong kayo ang mas karapat-dapat na magsumigasig, dahil sa hinahangad ninyong gantimpala mula sa Allâh (I) at Kanyang pagtataguyod; samantalang sila ay wala ng mga ganitong paghahangad. At ang Allâh (I) ay Siyang ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa lahat ng nangyayari sa inyo, na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang Pag-aatas at Pangangasiwa.

105. Katiyakan, ipinahayag Namin sa iyo, O Muhammad (r), ang Banal na Qur’ân na ang niloloob nito ay makatotohanan, upang ikaw ang magpaliwanag at maging hukom sa pagitan ng mga tao, sa pamamagitan ng mga ipinahayag ng Allâh (I) sa iyo at sa itinuro Niya; kung gayon ay huwag mong hayaan ang iyong sarili na maging kabilang sa mga yaong nagtaksil sa kanilang mga sarili sa pamamagitan ng paglihim nila sa mga katotohanan, at huwag kang sasang-ayon sa kanilang mga sinasabing labag sa katotohanan.


106. Hilingin mo sa lahat ng pagkakataon ang kapatawaran mula sa Allâh (I), dahil ang Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Siyang Ganap na Mapagpatawad sa sinumang naghahangad ng Kanyang kapa-tawaran at kagandahang-loob, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanya (na naghahangad ng kapatawaran).
107. At huwag kang makipagtalo sa mga yaong nagtaksil sa kanilang mga sarili sa pamamagitan ng paglabag nila sa kagustuhan ng Allâh (I). Katiyakan, ang Allâh (I) ay hindi nagmamahal sa sinumang nakagawa ng matinding kataksilan at maraming pagkakasala.

108. Nagtatago sila sa mga tao dahil sa natatakot silang mabatid nila (ng mga tao) ang kanilang mga masasamang gawain, nguni’t hindi sila natatakot at nahihiya sa Allâh (I); gayong kasama nila ang Allâh (I) sa pamamagitan ng Kanyang kaalaman at pagmamasid sa kanila, habang isinasagawa nila ang mga pakana sa gabi, sa pamamagitan ng mga di-kanais-nais na salita, at ang Allâh (I) ang Siyang Nakababatid sa lahat ng kanilang mga sinasabi at ginagawa, at walang anumang bagay ang naililihim sa Kanya.

109. Nariyan na naman kayo, O kayong mga mananampalataya, na nakikipagtalo hinggil sa kanila na nagtaksil sa kanilang mga sarili, dito sa buhay sa daigdig; subali’t sino ang makikipagtalo sa Allâh (I) para sa kanila sa Araw ng Muling Pagkabuhay at Paghuhukom? Sino pa ba ang maaari nilang maging tagapagtanggol sa Araw ng Muling Pagkabuhay?

110. Sinuman ang gumawa ng kasamaan o di kaya ay dinaya niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagsasagawa ng anumang labag sa Kautusan ng Allâh (I) at sa Kanyang batas, subali’t pagkatapos nito ay nanumbalik siya sa Allâh (I) at pinagsisihan niya ang kanyang mga nagawa, naghangad siya ng kapatawaran mula sa Kanya at paglihim sa kanyang pagkakasala, makatatagpo niya ang Allâh (I) na magpapatawad sa kanya at magmamahal sa kanya.

111. At sinumang sinadyang gawin ang kasalanan, ay pinahahamak niya lamang ang kanyang sarili. At ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Siyang Ganap na Nakaaalam ng katotohanan hinggil sa Kanyang mga alipin, na ‘Hakeem’ – Ganap na Marunong sa paghahatol sa Kanyang mga nilikha.

112. At sinuman ang nakagawa ng pagkakamali nang hindi sinasadya o di kaya ay nakagawa ng pagkakamali na kanyang sinadya, pagkatapos ay ibinintang niya ang kanyang nagawang pagkakasala sa taong walang kasalanan, katiyakan, pinatawan niya ang kanyang sarili ng kasinungalingan at malinaw na pagkakasala.

113. At kung hindi ka lamang biniyayaan ng Allâh (I), O Muhammad (r), at pinagkalooban ng awa sa pamamagitan ng iyong pagiging Propeta; at pinatnubayan ng Kanyang gabay sa pamamagitan ng pagbibigay ng kapahayagan sa iyo, ay maghahangad ang grupo ng mga nagtaksil sa kanilang mga sarili, na ilihis ka sa katotohanan; subali’t wala silang inililigaw kundi ang kanila lamang mga sarili.

At wala silang kakayahan upang ikaw ay kanilang ipahamak, dahil sa ikaw ay nasa pangangalaga ng Allâh (I). At ibinaba ng Allâh (I) sa iyo ang Banal na Qur’ân at ang ‘Sunnah’ bilang pagpapaliwanag nito. At ginabayan ka tungo sa kaalamang hindi mo alam noon. At ang pagtatangi sa iyo ng Allâh (I) bilang Kanyang kagandahang-loob ay isang napakadakilang bagay.


114. Walang kapakinabangang naidudulot sa karamihan ang mga pagbubulungan na pakikipag-usap ng mga tao sa isa’t isa; maliban na lamang kung ang pakikipag-usap na ito ay mag-aakay sa tao tungo sa pagsasagawa ng kabutihan at pagkakawanggawa, o mabubuting salita, o pagsasa-ayos sa pagitan ng mga tao. At ang sinuman ang magsasagawa ng mga bagay na yaon bilang paghahangad sa kaluguran ng Allâh (I), na umaasa sa Kanyang gantimpala; walang pag-aalinlangang ipagkakaloob Namin sa kanya ang masagana at dakilang gantimpala.
115. At sinuman ang sumalungat sa Sugo ng Allâh, pagkatapos naipahayag sa kanya nang malinaw ang katotohanan at sumunod siya sa ibang landas kaysa sa landas ng mga mananampalataya at sa anumang nasa kanilang katotohanan, pababayaan Namin siya sa landas na kanyang tinahak at hindi Namin siya gagabayan sa kabutihan; at pagkatapos ay ipapasok Namin siya sa Impiyernong-Apoy at malalasap niya ang lagablab nito – anong napakasamang patutunguhan!

116. Katiyakan, ang Allâh (I) ay hindi nagpapatawad sa sinumang nakagawa ng anumang ‘Shirk’ – paglalagay ng katambal sa pagsamba sa Allâh (I) o pagsamba ng iba bukod sa Kanya; subali’t pinatatawad Niya ang anumang kasalanan maliban sa ganitong uri ng kasalanan, sa sinumang Kanyang nais mula sa Kanyang mga alipin. At sinuman ang nakagawa ng pagtatambal sa pagsamba sa Allâh (I) o sumamba ng iba bukod sa Allâh (I), mula sa Kanyang nilikha, ay walang pag-aalinlangang lumayo siya nang pagkalayu-layo mula sa katotohanan.

117. Walang sinasamba ang mga ‘Mushrikun’ bukod sa Allâh (I) kundi mga rebulto na hindi nagdudulot ng kapakinabangan o kapinsalaan, at wala silang sinasamba kundi si ‘Shaytân’ na naghimagsik sa pamamagitan ng kanyang paglabag sa kagustuhan ng Allâh (I) at umabot sa sukdulan ang kanyang kasamaan.

118. Isinumpa siya – itinaboy at inilayo siya ng Allâh (I) mula sa Kanyang awa, biyaya at kagandahang-loob; at sinabi ni ‘Shaytân,’ “Kukuha ako ng nakatakdang bahagi (bilang o porsiyento) mula sa Iyong mga alipin para sila ay iligaw sa salita at gawa.”

119. At katiyakang ililigaw ko mula sa katotohanan ang sinumang susunod sa akin, at pangangakuan ko sila ng mga pangakong kasinungalingan, at uutusan ko sila na putulin at hiwain ang mga tainga ng mga hayop, sapagka’t pagagandahin ko sa kanilang paningin ang kamalian; at uutusan ko silang baguhin ang likas na nilikha ng Allâh (I) at ang kaanyuan nito.

At sinuman ang susunod kay ‘Shaytân,’ at ituturing siyang tagapagtaguyod at katulong kaysa sa Allâh (I) na Siyang Ganap na Makapangyarihan; ay walang pag-aalinlangang mapapahamak siya nang malinaw na malinaw na pagkapahamak.

120. Nangangako si ‘Shaytan’ sa kanyang mga tagasunod ng pangakong kasinungalingan, at pinatitindi lamang ang kanilang mga maling pagnanasa; gayong walang ipinangako si ‘Shaytan’ sa kanila kundi pawang kasinungalingan at panlilinlang na walang katibayan.

121. Ang kanilang patutunguhan ay Impiyernong-Apoy at wala silang matatagpuang anumang kaparaanan para sila ay makaligtas mula sa Impiyernong yaon.


122. At ang mga yaong tapat na naniwala sa kanilang paniniwala sa Allâh (I) at sinamahan nila ito ng paggawa ng mga mabubuting gawa; walang pag-aalinlangan, papapasukin Namin sila sa mga Hardin na may umaagos na mga ilog sa ilalim ng mga puno nito, at sila ay mananatili roon magpasawalang-hanggan.
At ito ang pangakong mula sa Allâh (I), na hindi sumisira sa Kanyang pangako; at walang sinuman ang higit na tumutupad sa Kanyang mga salita at pangako kaysa sa Allâh (I).

123. Hindi ipagkakaloob ang dakilang gantimpalang ito sa pamamagitan lamang ng paghahangad ninyo nito sa pangarap, O kayong mga Muslim; at ganoon din sa mga taong pinagkalooban ng Aklat na mga Hudyo at mga Kristiyano, na hindi rin nila ito makakamtam sa pamamagitan lamang ng pangarap; kundi ito ay ipagkakaloob sa pamamagitan ng tunay na paniniwala sa Allâh (I) at pagsasagawa ng mga mabuting gawa na kalugud-lugod sa Kanyang paningin.

At sinuman ang gagawa ng kasamaan, siya ay gagantihan ayon din sa kasamaang kanyang ginawa; at wala siyang makatatagpong sinuman bilang kanyang tagapagtaguyod at tagapangasiwa sa lahat ng kanyang mga pangangailangan bukod sa Allâh (I); at wala nang maaari pang tumulong at magligtas sa kanya mula sa masidhing kaparusahan.

124. At sinuman ang gagawa ng mga mabubuting gawa, lalaki man o babae, na siya ay naniniwala sa Allâh (I) at sa anumang ipinahayag na katotohanan, sila ay papapasukin ng Allâh (I) sa ‘Al-Jannah’ na tahanan ng walang hanggang kaligayahan; at hindi sila dadayain at hindi mababawasan ang gantimpala ng kanilang mga gawain nang kahit na kasing liit ng ‘Naqîr’ – isang marka o tuldok sa buto ng prutas ng datiles.

125. Walang sinupaman ang higit na mabuti sa kanyang Relihiyon kaysa sa kanya na isinuko ang buong katauhan sa Allâh (I) na Bukod-Tangi at Nag-iisa; at siya na gumagawa ng kabutihan na sumunod sa ‘Deen’ ni Ibrâhin at sa kanyang batas; at lumayo sa lahat ng mga maling paniniwala at di-makatarungang batas.

At walang pag-aalinlangan, pinili ng Allâh (I) si Ibrâhim (u) at siya ay itinuring Niya bilang isang malapit na kaibigan sa lahat ng Kanyang nilikha. Ang ‘Âyah’ o talatang ito ay nagpapatunay na Siya, ang Allâh (I) ay nagtataglay ng katangian na pagiging malapit na kaibigan, at ito ang pinakamataas na antas ng pagmamahal at pagtatangi.

126. Pagmamay-ari ng Allâh (I) ang lahat ng mga nasa kalangitan at kalupaan, at ito ay Bukod-Tanging Siya lamang ang Nagmamay-ari. At ang Allâh (I) ay Siyang Ganap na Nakababatid sa lahat, at walang anumang bagay ang naililihim sa Kanya na mga pangyayari sa Kanyang nilikha.

127. Hinihiling ng mga tao sa iyo, O Muhammad (r), na ipaliwanag mo sa kanila ang anumang hindi nila naiintindihan hinggil sa pamantayan at batas para sa mga kababaihan. Sabihin mo sa kanila: “Ang Allâh (I) ay Siyang magpapaliwanag sa inyo hinggil sa mga alituntunin para sa mga kababaihan; at sa anumang binibigkas sa inyo na nasa Aklat hinggil sa mga ulilang kababaihan, na hindi ninyo ibinibigay sa kanila ang karapat-dapat na ‘Mahr’ na ipinag-utos ng Allâh (I), at sa mga mamanahin nila, at sa iba pang mga karapatan nila; gayong ninanais ninyo silang pakasalan,

“At ipinaliliwanag din ng Allâh (I) sa inyo ang hinggil sa tamang pakikitungo sa mga mahihina at mga murang edad at pag-uutos sa pangangalaga at pangangasiwa ng mga ulila sa makatarungang pamamaraan, at pag-iwas sa pandaraya sa kanilang mga karapatan.”

At anuman ang nagawa ninyong kabutihan, walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Siyang Ganap na Nakaaalam hinggil dito; at wala anumang bagay ang naililihim sa Kanya hinggil dito at sa iba pa.


128. At kapag ang babae ay natatakot na siya ay aayawan ng kanyang asawa, o siya ay pagmamalupitan, o di kaya siya ay lalayuan; walang kasalanan sa kanilang dalawa kung sila ay mag-aayos sa paraang kaiga-igaya sa kanilang mga kalooban, hinggil sa karapatan niya na panahon o di kaya ay panustos, dahil ang pagsasaayos ay higit na nakabubuti. Sapagka’t likas sa kalooban ng mga tao na minsan siya ay nadadala ng pagiging makasarili at pagma-maramot.
At kapag kayong mga kalalakihan ay naging mabuti sa pakikitungo ninyo sa inyong mga asawa at nagkaroon kayo ng takot sa Allâh (I) hinggil sa kanilang mga karapatan, walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) ay ‘Khabeer’ – Ganap ang Kanyang Kagalingan na Nakababatid sa anumang inyong mga ginagawa, ang anumang hinggil dito at sa iba pa; at walang anumang bagay ang naililihim sa Kanya; na kung kaya, kayo ay Kanyang tutumbasan ayon dito.

129. At kailanman ay hindi ninyo makakayanan, O kayong mga kalalakihan, na ipatupad ang ganap na pagkakapantay-pantay sa pagitan ng inyong mga asawa, hinggil sa pagmamahal at sa pagiging malapit nila sa inyong mga puso; at kahit ano pa ang inyong gawin na pagsusumigasig. Kung kaya, huwag ninyong pababayaan ang sinumang hindi masyadong malapit sa inyong puso mula sa inyong mga asawa, na mailalagay ninyo siya sa isang sitwasyong alanganin, na parang babaeng walang asawa gayong hindi naman siya hiniwalayan, dahil kapag ginawa ninyo ito ay magkakasala kayo.

At kapag naituwid ninyo ang inyong mga gawain, at naging makatarungan kayo sa pagbaha-bahagi ng mga panahon para sa inyong mga asawa, at nagkaroon kayo ng takot sa Allâh (I), at naging maingat kayo sa kanilang mga karapatan, walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I), Siya ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa Kanyang mga alipin, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila.

130. At kapag nangyari ang paghihiwalay sa pagitan ng mag-asawa, walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) ay Siyang magkakaloob sa bawa’t isa sa kanila mula sa Kanyang kagandahang-loob at masaganang biyaya; dahil ang Allâh (I) ay ‘Wâsee`’ – Ganap at Napakalawak ang Kanyang awa, kagandahang-loob at biyaya, na ‘Hakeem’ – Ganap na Marunong sa pagbabaha-bahagi sa Kanyang mga alipin.

131. At pagmamay-ari ng Allâh (I) ang lahat ng nasa kalangitan at ang lahat ng nasa kalupaan at ang mga nasa pagitan nitong dalawa. At katiyakan, Aming iminungkahi sa mga taong pinagkalooban ng Aklat na mga Hudyo at mga Kristiyano, na nauna kaysa sa inyo; at ganoon din sa inyo na mga tagasunod ni Muhammad (r), na matakot sa Allâh (I) at isagawa ang Kanyang mga ipinag-uutos at iwasan ang Kanyang mga ipinagbabawal.

At iminumungkahi rin Namin sa inyo na kapag kayo ay tumanggi sa Kaisahan ng Allâh (I) at sa Kanyang batas; katiyakang ang Allâh (I) ay hindi nangangailangan sa inyo; dahil pagmamay-ari Niya ang lahat ng mga nasa kalangitan at ang lahat ng nasa kalupaan. Ang Allâh (I), Siya ay ‘Ghanee’ – Napakayaman na Ganap na Malaya mula sa lahat ng pangangailangan, na hindi Siya nangangailangan sa Kanyang mga nilikha ng kahit na anuman; na ‘Hameed’ – Ganap na Kapuri-Puri na Siya lamang ang karapat-dapat ng lahat ng papuri na pinupuri sa Kanyang mga katangian at sa Kanyang mga gawa sa lahat ng pagkakataon.

132. At Pagmamay-ari ng Allâh (I) ang lahat ng nasa kalangitan at ang lahat ng nasa kalupaan; kung gayon, sapat na ang Allâh (I) bilang Tagapangasiwa, Tagapagtaguyod at Tagapangalaga sa Kanyang mga nilikha.

133. Kung nanaisin lamang ng Allâh (I) ay kaya Niya kayong puksain lahat, O kayong mga tao; at magpalitaw Siya nang panibago bukod sa inyo. At ang Allâh (I) ay higit na may kakayahan hinggil sa bagay na ito.

134. At sinuman ang magnanais mula sa inyo, O kayong mga tao, ng gantimpala dito sa daigdig at ipagsasawalang-bahala niya ang gantimpala sa Kabilang-Buhay; samakatuwid, walang pag-aalinlangan, ang gantimpala ng makamundong buhay na ito at sa Kabilang-Buhay ay nasa Allâh (I) lamang. Kung kaya, hilingin ninyo mula sa Allâh (I) na Bukod-Tangi at Nag-iisa, ang kabutihan para sa inyo, dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay, dahil Siya lamang ang Nagmamay-ari ng lahat ng ito.

At ang Allâh (I), Siya ay ‘Samee`’ – ang Walang-Hanggan at Ganap na Nakaririnig sa lahat ng mga sinasabi ng Kanyang mga alipin, na ‘Baseer’ – Walang-Hanggan at Ganap na Nakakikita sa kanilang mga ginagawa at mga layunin na walang anuman ang naililihim sa Kanya, at ayon dito sila ay Kanyang tutumbasan.
135. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Panindigan ninyo ang katarungan at isagawa ninyo ang pagtestigo nang alang-alang sa Allâh (I), kahit na ito ay laban pa sa inyong mga sarili, o di kaya ay sa inyong mga magulang, o di kaya ay sa inyong mga kamag-anak, kahit na siya man ay mayaman o mahirap; dahil ang Allâh (I) ay Ganap na Tagapagtanggol para sa inyo kaysa sa kanila, at Ganap na Nakaaalam kung ano ang nakabubuti sa kanilang pareho.

Kung gayon, huwag na huwag kayong padadala sa bugso ng inyong mga damdamin, at huwag kayong gagawa ng pagtatangi-tangi na magiging dahilan ng inyong pagiging di-makatarungan. At kapag binago ninyo ang salaysay sa pamamagitan ng inyong mga dila at hindi ninyo pinalitaw ang katotohanan, o di kaya ay iiwasan ninyo ang tumestigo, o di kaya ay ililihim na lamang ninyo, katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Khabeer’ – Ganap ang Kanyang Kagalingan na Nakaaalam sa lahat ng inyong mga ginagawa, at ayon dito kayo ay Kanyang tutumbasan.

136. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Manatili kayo sa inyong matapat na paniniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugong si Propeta Muhammad (r), at sa pagsunod sa kanilang dalawa – sa Allâh (I) at kay Propeta Muhammad (r); at ganoon din sa Banal na Qur’ân na Kanyang ipinahayag kay Propeta Muhammad (r), at ganoon din sa mga Aklat na Kanyang ipinahayag sa Kanyang mga naunang Sugo.

At sinuman ang tumanggi at hindi naniwala sa Allâh (I), sa mga kagalang-galang na mga Anghel, sa Kanyang mga Aklat na Kanyang ipinahayag bilang gabay sa Kanyang nilikha, sa Kanyang mga Sugo na Kanyang pinili upang iparating ang Kanyang mensahe, at sa Kabilang Buhay na kung saan doon ay mabubuhay na mag-uli ang lahat ng tao pagkatapos nilang mamatay upang iharap at hukuman; ay katiyakang lumabas siya sa ‘Deen’ ng Allâh (I) at naligaw siya nang pagkalayu-layo mula sa katotohanan.

137. Katiyakan, ang mga yaong pumasok sa tunay na pananampalataya, at pagkatapos ay nanumbalik sila sa pagiging ‘Kufr’ (pagtanggi sa Allâh I), at pagkatapos ay muli na naman silang naniwala at pagkatapos ay muli na naman silang nanumbalik sa pagiging ‘Kufr,’ at nagpumilit sila pagkatapos nito sa pagtanggi at nagpatuloy sa maling paniniwala; hindi na sila maaari pang patawarin ng Allâh (I) at hindi na maaaring ituro pa sa kanila ang anumang daan tungo sa patnubay na siyang magliligtas sa kanila sa masama nilang patutunguhan.

138. Ipamalita mo, O Muhammad (r), sa mga ‘Munâfiqin’ – yaong mga mapagkunwari na ipinakikita nila na kunwari sila ay may paniniwala at itinatago nila sa kanilang mga kalooban ang pagtanggi – na ang para sa kanila ay masidhing kaparusahan.

139. Ang mga yaong nananalig sa mga walang pananampalataya at itinuturing sila bilang kaagapay at katulong, at iniiwasan nilang tumangkilik at makipagmahalan sa mga mananampalataya; naghahangad ba sila ng karangalan, kapangyarihan, tulong, lakas mula sa mga walang pananampalataya? Katotohanang wala namang kakayahan ang mga ito hinggil doon, na ang tunay na tulong, karangalan at kapangyarihan ay nagmumula lamang sa Allâh (I).

140. At inihayag sa inyo, O kayong mga mananampalataya, sa Aklat ng inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha; na kapag narinig ninyo sa usapan na nilabag at hinamak ang mga talata ng Allâh (I), ay huwag kayong makiumpok sa kanila na mga walang pananampalataya at mga mapang-alipusta; maliban na lamang kung babaguhin nila ang usapan na hindi nila ito ipatutungkol sa pagtanggi at paghamak sa mga talata ng Allâh (I).

Walang pag-aalinlangan, kapag kayo ay nakiumpok sa kanila sa gayong kalagayan ay magiging katulad nila kayo dahil sinang-ayunan ninyo ang kanilang mga salitang paglabag at paghamak; at ang pagsasang-ayon sa kasalanan ay katumbas din ng pagsasagawa nito.

Katiyakan, ang Allâh (I) ay pagsasama-samahin Niya ang mga mapagkunwari at mga walang pananampalataya sa Impiyernong-Apoy; at doon ay malalasap nila ang masidhing kaparusahan.


141. Ang mga mapagkunwari ay nagmamasid sa inyo, O mga mananampalataya! Hinggil sa mangyayari sa inyong mga kaguluhan at labanan; at kapag pinagkalooban kayo ng Allâh (I) ng biyaya at tinulungan Niya kayo laban sa inyong mga kalaban at nakakuha kayo ng mga ‘Ghanîmah;’ sinasabi nila sa inyo: “Hindi ba magkakasama tayo at kaagapay ninyo kami?” Nguni’t kapag ang pagkapanalo ay nasa panig ng mga walang pananampalataya, ang sasabihin naman nila sa kanila: “Hindi ba tumulong kami sa inyo at pinangalagaan namin kayo laban sa mga mananampalataya?”
Ang Allâh (I) ay Siyang maghuhukom sa pagitan ninyo at nila sa Araw ng Muling Pagkabuhay; at kailanman ay hindi pagkakalooban ng Allâh (I) ang mga walang pananampalataya ng kaparaanan para sila ay magwagi laban sa Kanyang mga mananampalatayang alipin; sapagka’t ang magandang hantungan ay para lamang sa mga matatakutin sa Allâh (I), dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.

142. Katiyakan, ang pamamaraan ng mga yaong mapagkunwari upang linlangin ang Allâh (I) sa kanilang panlabas na ipinakikitang sila ay totoong may paniniwala at paglihim sa kanilang kalooban ng pagtanggi; na iniisip nilang ito ay wala sa kaalaman ng Allâh (I); samakatuwid, hindi sila ang naglinlang sa Allâh (I) kundi sila ang nalinlang ng Allâh (I) bilang kabayaran ng kanilang ginawa.

At kapag silang mga mapagkunwari ay tumindig para magsagawa ng ‘Salâh,’ tumitindig sila nang may katamaran, na ang kanilang hangarin ay para lamang makita at marinig ng mga tao; at hindi nila pinupuri at inaalaala ang Allâh (I) kundi kakaunti lamang.

143. Katiyakan, kabilang sa mga katangian ng mga mapagkunwari ay pagdududa, pag-aalinlangan at pagkalito; at hindi sila namamalagi sa iisang kalagayan, dahil hindi sila kabilang sa mga mananampalataya at hindi rin sila kabilang sa mga walang pananampalataya. Samakatuwid, sinuman ang inilayo ng Allâh (I) ang kanyang puso mula sa paniniwala, at sa pagsunod sa Kanyang gabay at patnubay; kailanman ay hindi na siya makatatagpo pa ng daan tungo sa patnubay at katiyakan (kapanatagan).

144. O kayong mga naniwala sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo! Huwag ninyong ituring ang mga walang pananampalataya bilang inyong kaagapay, katu-katulong at pakamamahalin kaysa sa mga mananampalataya. Nais ba ninyong magkaroon ang Allâh (I) ng matibay na katibayan laban sa inyo, na kayo ay hindi totoo sa inyong paniniwala, dahil sa ginagawa ninyong pagmamahal sa inyong mga kalaban?

145. Katiyakan, ang mga mapagkunwari ay nasa kaila-ilaliman ng Impiyernong-Apoy sa Araw ng Muling Pagkabuhay; at kailanman ay hindi ka na makatatagpo pa, O Muhammad (r), ng tutulong sa kanila para sila ay iligtas mula sa napakasamang patutunguhang ito.

146. Maliban sa mga yaong nanumbalik sa Allâh (I) at nagsisi, at itinuwid nila ang kanilang mga sarili (sa panlabas at sa panloob) sa pamamagitan ng pagsunod sa Allâh (I) at ganap na pagtitiwala sa Kanyang mga aliping mananampalataya; at pagsunod sa ‘Deen’ ng Allâh (I) nang taos-puso na ito ay para lamang sa Kanya, kung gayon, sila ay mapapabilang sa mga mananampalataya, dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.

At walang pag-aalinlangan, ipagkakaloob ng Allâh (I) sa mga mananampalataya ang dakilang gantimpala.

147. Hindi gagawin ng Allâh (I) na kayo ay parusahan kapag itinuwid ninyo ang inyong mga gawain, at naniwala kayo sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo. At walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) ay hindi nangangailangan kahit kaninuman, at ang pinarurusahan lamang Niya ay ang mga aliping nagkasala. At Siya ay ‘Shâkir’ – Ganap na Tagapagtangkilik at Nagpapahalaga nang labis sa kabutihan ng Kanyang mga alipin dahil sa pagsunod nila sa Kanya, na Siya ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam ng lahat ng bagay.

148. Hindi nais ng Allâh (I) na maghayag ng masamang salita ang sinuman, magkagayunpaman ay pinahihintulutan ang inaapi na banggitin ang masamang nagawa ng sinumang nang-api sa kanya, nang sa gayon ay maisiwalat ang pang-aaping ito na ginawa sa kanya.

At ang Allâh (I) ay ‘Samee`’ – Siyang Ganap na Nakaririnig sa inyong mga hinaing, na ‘`Aleem’ – Ganap na Nakababatid kung ano inyong inililihim.

149. Ipinag-utos ng Allâh (I) ang pagpapatawad, at inihanda rin Niya ang mga mananampalataya para rito, na maaari nilang ilantad ang ginawang kabutihan sa kanila, o di kaya ay ilihim niya ito; at ganoon din sa gumawa ng kasamaan sa kanya, maaari rin niya itong ilantad sa makatarungang pamamaraan, o di kaya ay patawarin niya ito.

At ang pagpapatawad sa nagkasala ay mas nakahihigit at nakabubuti, dahil kabilang sa mga katangian ng Allâh (I) ay ‘Ghafour’ – Ganap ang Kanyang pagpapatawad sa Kanyang mga alipin, gayong Siya ay ‘Qadeer’ – Walang-Hanggan at Ganap na Makapangyarihan kaysa sa kanila.

150. Katiyakan, ang mga yaong tumanggi sa Allâh (I) at sa Kanyang mga Sugo mula sa mga Hudyo at mga Kristiyano, na sila ay gumawa ng pagtatangi sa pagitan ng Allâh (I) at ng Kanyang mga Sugo sa pamamagitan ng kanilang paniniwala sa Allâh (I) at pagpapasinungaling sa Kanyang mga Sugo na ipinadala sa Kanyang nilikha; o pag-amin nilang naniniwala sila sa iilang mga Sugo at tinatanggihan ang iba, at inaangkin nila na ang iba sa kanila (Sugo) ay nagsinungaling laban sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha; at ninanais nila itong gawin bilang daan tungo sa pagkaligaw na ginawa nilang pagbabago;

151. Sila ang nasa malinaw na paglabag, na walang pag-aalinlangan, ang inihanda Namin sa mga tumanggi sa paniniwala sa Allâh (I) ay kaparusahan na magpapahamak at magpapahiya sa kanila.

152. At ang mga yaong naniwala sa Kaisahan ng Allâh (I), at naniwala sa pagiging Propeta ng lahat ng mga Sugo, at sila ay walang ginawang pagtatangi sa pagitan ng isa at ng iba mula sa kanilang lahat; at sinusunod nila ang batas ng Allâh (I) – sila ay walang pag-aalinlangang pagkakalooban ng gantimpala dahil sa kanilang paniniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang mga Sugo. At ang Allâh (I) ay Siyang ‘Ghafour’– Ganap na Mapagpatawad, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal.

153. Hinihiling ng mga Hudyo sa iyo, O Muhammad (r), na magpakita ka ng himala na tulad ng himalang ginawa ni Mousâ bilang patunay ng iyong pagiging totoo sa pamamagitan ng tuwirang paghahayag sa kanila ng kasulatan mula sa Allâh (I), na ang pagkakasulat ay katulad ng mga Lapidang ipinadala kay Mousâ mula sa Allâh (I); na kung kaya, huwag kang magtaka, O Muhammad (r), dahil ganoon din ang ginawa ng mga ninuno nila kay Mousâ, humiling sila ng mas matindi pang kahilingan kaysa rito, hiniling nila kay Mousâ na magpakita sa kanila ang Allâh (I) nang lantaran; na sa ganoong kadahilanan ay sinanhi ng Allâh (I) na tamaan sila ng kidlat dahil sa kasamaan nila, na humihiling sila ng bagay na wala naman silang karapatan.

Pagkatapos ay binuhay silang mag-uli ng Allâh (I) matapos silang tamaan ng kidlat, at nakita nila ang mga malinaw na palatandaang dinala ni Mousâ bilang katunayan sa kamalian ng paggawa ng ‘Shirk,’ subali’t sumamba pa rin sila sa inanyuang baka bukod sa Allâh (I); magkagayunpaman ay pinatawad pa rin Namin sila sa ginawa nilang maling pagsamba sa inanyuang baka dahil sa kanilang pagsisisi. At ipinagkaloob Namin kay Mousâ ang dakilang katibayang nagpapatunay ng kanyang pagiging Propeta.
154. At itinaas Namin sa ibabaw ng kanilang mga ulunan ang bundok ng ‘Tur’ noong tumanggi silang ipatupad ang kanilang pangako, na sila ay nangakong tutuparin nila ang batas ng ‘Tawrah.’

At inutusan Namin sila na pumasok sa ‘Baitul Maqdis’ (sa ‘Falisteen’) na naka-‘sujud’ (na ang ibig sabihin ay nakayuko na may kasamang pagpapakumbaba), subali’t sila ay pumasok nang patihaya na nakasadsad ang kanilang mga pigi, upang sila ay hindi makapag-‘sujud;’ at inutusan Namin silang huwag gawin ang pangingisda sa araw ng ‘Sabbath’ subali’t nilabag nila ito at sa halip ay nangisda pa rin sila; at nagkaroon Kami ng matibay na kasunduan sa kanila, subali’t ito ay kanilang nilabag.


155. Kung kaya, isinumpa Namin sila dahil sa ginawa nilang pagsira sa kasunduan; at sa pagtanggi nila sa mga talata at mga palatandaan ng Allâh (I), na nagpapatunay sa pagiging totoo ng Kanyang mga Sugo; at dahil din sa ginawa nilang pagpatay sa mga Propeta nang di-makatarungan, at sa sukdulan nilang kasamaan, at sa pagsabi nila ng: “Ang aming mga puso ay nakabalot, na kung kaya, hindi namin naiintindihan ang iyong mga sinasabi;” – gayong sa katotohanan, isinara ito ng Allâh (I) dahil sa kanilang pagtanggi, na kung kaya, hindi sila naniwala kundi kakaunti lamang na paniniwala na wala man lamang itong kapakinabangan.
156. At isinumpa rin Namin sila dahil sa kanilang pagtanggi at pag-aakusa kay Maryam (birheng Maria), na siya ay nakagawa (raw) ng pakikiapid gayong siya ay wala namang kasalanan.

157. At dahil sa kanilang sinasabi bilang pagmamayabang at pang-aalipusta: “Katiyakan, napatay namin ang ‘Al-Masih’ (ang Messiah) na si `Îsã (Hesus u) na anak ni Maryam,” – gayong sa katotohanan ay hindi nila napatay si `Îsã (u) at mas lalong hindi nila ito naipako; bagkus ang naipako nila ay isang lalaki na kamukha niya dahil sa iniisip nilang ito ay si `Îsã (u).

At sinuman ang nag-angkin ng pagpatay sa kanya mula sa mga Hudyo at sa sinumang nagkanulo sa kanya mula sa mga Kristiyano, lahat sila ay nasa pagdududa at pag-aalinlangan at wala silang tiyak na kaalaman, kundi ang sinusunod lamang nila ay haka-haka at hindi sila nakatitiyak na siya ay napatay nga nila bagkus sila ay punung-puno ng pag-aalinlangan.

158. Gayong sa katotohanan ay iniangat ng Allâh (I) si ``Îsã (u) na buhay – mismo ang kanyang katawan at kaluluwa; at nilinis siya mula sa dungis nila na mga hindi naniwala. At ang Allâh (I), Siya ay ‘`Azeez’ – Kataas-Taasan at Punong-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan sa Kanyang mga kaharian, na ‘Hakeem’ – Ganap na Marunong sa Kanyang pangangasiwa at pagtatakda.

159. At walang pag-aalinlangan, walang sinumang matitira mula sa mga Angkan ng Kasulatan (mga Hudyo at mga Kristiyano) sa dulo ng panahon sa pagbabalik ni `Îsã (u) nang hindi maniniwala sa kanya bago siya (`Îsã) mamatay; at sa Araw ng Muling Pagkabuhay, si ` Îsã (u) ay magiging testigo sa kasinungalingan ng sinumang di-naniwala sa kanya at sa paniniwala ng sinumang naniwala.

160. At dahil sa di-makatarungang nagawa ng mga Hudyo sa pamamagitan ng paggawa nila ng mga malalaking kasalanan ay ipinagbawal ng Allâh (I) sa kanila ang ilan sa mga mabubuting pagkain na dati’y ipinahintulot sa kanila; at dahil din sa pagpigil at pagharang nila sa kanilang mga sarili at sa iba, na magtungo mula sa matuwid na Relihiyon ng Allâh (I).

161. At dahil din sa paglustay nila ng kanilang mga kinita mula sa patubuan na ipinagbawal sa kanila, at sa pakikialam nila sa mga kayamanan ng tao na wala silang karapatan. Samakatuwid, inihanda Namin sa mga hindi naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo mula sa mga Hudyo, ang napakasidhing kaparusahan sa Kabilang-Buhay.

162. Subali`t yaong mga maalam hinggil sa batas ng Allâh (I) mula sa mga Hudyo at yaong naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo ay pinaniniwalaan nila ang anumang ipinahayag sa iyo, O Muhammad (r), na Banal na Qur’ân; at gayundin ang mga ipinahayag sa mga Sugo na nauna sa iyo na katulad ng ‘Tawrah’ at ‘Injeel,’ at isinasagawa nila ang pagsa-‘Salâh’ sa tamang oras, at ibinibigay nila ang mga ‘Zakâh’ (obligadong kawanggawa) ng kanilang mga kayamanan; at naniwala sila sa Allâh (I) at sa Araw ng Muling Pagkabuhay at Paghuhukom; walang pag-aalinlangan, sila ay pagkakalooban ng Allâh (I) ng dakilang gantimpala, na ito ay ‘Al-Jannah’ (Hardin).


163. Katiyakan, nagpahayag Kami sa iyo, O Muhammad (r), para maiparating mo ang mensahe, na katulad ng ginawa Naming pagkaka-pahayag kay Nûh at sa mga Propetang sumunod pagka-tapos niya, nagpahayag din Kami kina Ibrâhim, Ismâ`il, Ishâq, Ya`aqûb at saka sa mga ‘Al-Asbât’ – na sila ang mga Propeta na ipinadala sa mga Angkan ni Isrâ`îl na labindalawa mula sa pamilya ni Ya`aqûb (u). At ganoon din kina `Îsã (u), Ayyûb (u), Yunus (u), Hâroun (u), Sulaymân (u). At kay Dâwood (u) ipinagkaloob Namin ang ‘Zabour’ – na ito ay Aklat at ‘Suhuf ’ na nakatala.
164. At nagpadala Kami ng mga Sugo na ikinuwento Namin sa iyo sa Banal na Qur’ân bago ang pagkakapahayag ng talatang ito, at ang mga Sugo na hindi na Namin ikinuwento sa iyo dahil sa kaalaman na Kami lamang ang Nakababatid.

At nakipag-usap ang Allâh (I) kay Mousa nang tuwirang pakikipag-usap, na ang ganitong katangian ay bilang parangal sa kanya. Dito sa talatang ito, nagpapatunay na ang katangian ng Allâh (I) na pakikipag-usap ay karapat-dapat o naaangkop lamang sa Kanyang Kamaharlikaan at Kadakilaan; at walang pag-aalinlangan na ang Allâh (I) ay nakipag-usap nang tuwiran kay Mousâ – isang tunay na pakikipag-usap na walang namagitan.

165. Ipinadala Ko ang mga Sugo sa Aking mga nilikha, na may dala-dalang magagandang balita hinggil sa Aking gantimpala at tagapagbigay ng babala hinggil sa Aking kaparusahan; nang sa gayon ay hindi magkaroon ang mga tao ng katwiran sa harapan ng Allâh (I), na kanilang idadahilan pagkatapos ipinadala ang mga Sugo.

At ang Allâh (I) ay ‘`Azeez’ – Kataas-taasan at Punong-puno ng Karangalan na Makapangyarihan sa Kanyang mga Kaharian, na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang pangangasiwa.

166. Kapag tumanggi sa iyo ang mga Hudyo at ang iba pa, O Muhammad (r); walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) ay tumitestigo sa iyo na ikaw ay Kanyang Sugo, na binigyan ng kapahayagan, na ito ay ang Dakilang Qur’ân na Kanyang ipinahayag mula sa Kanyang kaalaman; at ganoon din ang mga Anghel, tumitestigo rin sila na ang ipinahayag sa iyo ng Allâh (I) ay totoo. Samakatuwid, sapat na ang Allâh (I) bilang testigo.

167. Katiyakan, ang mga yaong tumanggi at hindi naniwala sa iyong pagiging Propeta; at hinaharangan nila ang mga tao sa Islâm, katiyakan, lumayo sila nang matinding pagkakalayo sa Daan ng Katotohanan.

168. Katiyakan, ang mga yaong tumanggi at hindi naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo at sukdulan ang kanilang kasamaan sa pamamagitan ng patuloy nilang pagtanggi; hindi na maaaring sila ay patawarin ng Allâh (I) sa kanilang mga kasalanan, at hindi na rin ituturo sa kanila ang Daan para sila ay makaligtas.

169. Maliban sa daan patungo sa Impiyerno, na sila ay mananatili roon magpasawalang hanggan; at ito ay napakadali para sa Allâh (I) at walang anumang bagay ang makapipigil sa Kanya.

170. O kayong mga tao! Katiyakan, dumating sa inyo ang Aming Sugo na si Muhammad (r) na dala-dala ang Islâm na ‘Deen’ ng Katotohanan mula sa inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha; na samakatuwid, ay maniwala kayo sa kanya at sumunod, dahil ang paniniwala sa kanya ay higit na makabubuti para sa inyo.

At kapag kayo ay nagpumilit sa pagtanggi, katiyakang ang Allâh (I) ay hindi nangangailangan sa inyo at sa inyong paniniwala, dahil Siya ang Nagmamay-ari ng lahat ng nasa mga kalangitan at nasa kalupaan. At ang Allâh (I), Siya ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa inyong mga sinasabi at mga ginagawa, na ‘Hakeem’ – Ganap na Marunong sa pagtatala ng Kanyang mga batas at pag-aatas.

Kung ang mga kalangitan at kalupaan ay walang pag-aalinlangang nagpapasailalim sa Allâh (I) bilang nilikha at itinakdang magpasailalim na katulad ng lahat ng Kanyang Pagmamay-ari, samakatuwid karapat-dapat sa inyo, O kayong mga tao, at ito ay katiyakang makatarungan para sa inyo kapag ito ay inyong ginawa, na kayo ay maniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugong si Muhammad (r), at ganoon din sa Banal na Qur’ân na ipinahayag sa kanya. At kapag kayo ay sumunod sa Kautusan bilang batas, ay nangangahulugan lamang na ang pagsunod ninyo ay pagsasabuo sa kahulugan ng pagpapasailalim ng lahat ng nilikha ng Allâh (I) sa Kanyang kagustuhan.

Ang talatang ito ang katibayan sa pagiging pangkahalatang mensahe ng Propeta ng Allâh at Kanyang Sugo na si Muhammad (r).


171. O kayong mga pinagkalooban ng ‘Injeel!’ Huwag kayong magmalabis sa inyong relihiyon, at huwag kayong magsabi ng anumang bagay hinggil sa Allâh (I) kundi pawang katotohanan lamang, at huwag kayong magturing para sa Kanya ng asawa at anak.
Walang pag-aalinlangan, si Al-Masih `Îsã Ibnu Maryam (ang Messiah Hesus u na anak ni Maria) ay hindi hihigit kaysa sa pagiging Sugo ng Allâh, na Kanyang ipinadala bilang katotohanan; at siya ay nilikha Niya sa pamamagitan ng Salita [32] na Kanyang ipinadala kay Jibril patungo kay Maryam, na ito ay Kanyang pagsasabi: ‘Kun’ – maging (maganap), ‘Fakâna’ – at ito ay naging (kaagad na naganap); at ang paghingang ito ni Jibril sa Espiritu ng Allâh [33] kay Maryam ay bilang Kautusan ng Kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha.

Kung gayon, maniwala kayo na ang Allâh (I) ay Bukod-Tangi at Nag-iisa, at isuko ninyo ang inyong mga sarili sa Kanya, at paniwalaan ninyo ang Kanyang mga Sugo sa kanilang mensahe na dinala mula sa Allâh (I), at huwag ninyong ituring si `Îsã (Hesus u) at ang kanyang ina bilang katambal ng Allâh (I) na sinasamba. Itigil na ninyo ang mga ganitong salita dahil ito ang higit na makabubuti para sa inyo. Walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) ay Bukod-Tangi at Nag-iisa lamang bilang ‘Ilâh’ (Diyos na karapat-dapat sambahin). Ang lahat ng mga nasa kalangitan at kalupaan ay Pagmamay-ari Niya. Samakatuwid, paanong mangyayari na magmumula sa mga ito ang Kanyang asawa o anak? Sapat na ang Allâh (I) bilang pinagkakatiwalaan sa Kanyang pangangasiwa sa Kanyang mga nilikha, at sa pagkakaloob sa kanila ng mga kabuhayan; kung gayon, sa Kanya lamang ninyo ipaubaya ang inyong mga sarili at Siya ay sapat na sa inyo.

172. Kailanman, hindi magmamataas at hindi tatanggihan ng ‘Al-Masih’ (Messiah) na siya ay maging alipin ng Allâh; at ganoon din, hindi rin magmamataas ang mga malalapit na Anghel sa Allâh (I), sa pag-aamin ng kanilang pagiging alipin sa Allâh.

Samakatuwid, ang sinumang tumanggi at magmataas; walang pag-aalinlangan, titipunin silang lahat tungo sa Allâh (I) sa Araw ng Muling Pagkabuhay at Siya ang maghuhukom sa kanila ng Kanyang makatarungang paghuhukom, at tutumbasan ang bawa’t isa ayon sa karapat-dapat na para sa kanya.

173. Subali`t ang mga yaong naniwala sa Allâh (I) ng tunay na paniniwala sa pamamagitan ng salita at sa gawa, at sumunod sa Kanyang batas, walang pag-aalinlangan, ipagkakaloob ng Allâh (I) sa kanila ang gantimpala sa kanilang mga gawain at sila ay pagkakalooban pa ng karagdagan mula sa Kanyang kagandahang-loob. Subali’t ang mga yaong tumanggi sa pagsunod sa Allâh (I) at nagmataas, walang pag-aalinlangan, sila ay parurusahan nang matinding pagpaparusa; at wala silang matatagpuang tagapangalaga na magliligtas sa kanila mula sa kaparusahan, at bukod sa Allâh (I) ay hindi na sila makatatagpo ng sinumang makatutulong sa kanila.

174. O kayong mga tao! Katiyakan, dumating sa inyo ang kapani-paniwalang katibayan mula sa Allâh na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na ito ay ang Sugong si Muhammad (r); at sa anuman na kanyang dinalang mga kapaliwanagan at mga matitibay na katibayan, at ang pinakadakila rito ay ang Banal na Qur’ân na siyang tumitestigo sa pagiging totoo ng kanyang pagiging Propeta at ang kanyang mensahe ang pinakahuli; at ipinahayag Namin sa inyo ang Banal na Qur’ân bilang gabay at malinaw na liwanag.

175. At ang mga yaong naniwala sa Allâh (I) ng tunay na paniniwala, sa pamamagitan ng salita at sa gawa at pinanghahawakan nila ang liwanag na siyang ipinahayag sa kanila, walang pag-aalinlangan, sila ay papapasukin ng Allâh (I) sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) bilang awa at kagandahang-loob na mula sa Allâh (I); at gagabayan sila tungo sa Matuwid na Landas na siyang magdadala sa kanila tungo sa malalawak na mga Hardin at mga parang (ilog).
176. Tinatanong ka nila, O Muhammad (r), hinggil sa batas ng pagmamana ng isang taong namatay na walang tagapagmanang anak at magulang. Sabihin mo sa kanila, ang Allâh (I) ang Siyang magpapaliwanag sa inyo ng batas hinggil dito:

At kapag namatay ang isang tao, na siya ay walang anak at wala siyang naiwang magulang subali’t mayroon siyang kapatid na babae sa kanyang ama at ina, o di kaya ay sa kanyang ama lamang; ang para sa kapatid na ito ay kalahati ng kanyang maiiwanang mana;

Subali`t kapag babae naman ang namatay, ang mamanahin ng kanyang kapatid na lalaki sa ama at ina, o di kaya ay sa ama lamang, ay ang lahat ng kanyang maiiwanan kapag siya ay namatay na wala siyang anak at wala siyang magulang na naiwan. At kung may kapatid na dalawang babae ang sinumang namatay na lalaki, na walang anak at magulang, ang mamanahin nilang dalawa mula sa kanyang naiwan ay dalawang-ikatlong bahagi ( 2/3 ). At kapag ang mga tagapagmana ay marami na mga kalalakihan at kababaihan na magkakapatid, ang mamanahin ng mga kalalakihan ay katumbas ng mamanahin ng dalawang babae mula sa kanyang mga kapatid na kababaihan.

Sa ganito, ipinapahayag ng Allâh (I) sa inyo ang paghahati-hati ng mga mamanahin at ang batas hinggil sa namatay na walang anak at magulang, nang sa gayon ay hindi kayo maligaw mula sa katotohanan hinggil sa pagmamana. Ang Allâh (I) ay Siyang ganap na Nakaaalam sa mga idudulot ng mga pangyayari at kung ano ang nakabubuti sa Kanyang mga alipin.

No comments: