Sunday, May 16, 2010

Sûrat Al-Mutaffifîn

83
LXXXIII – Sûrat Al-Mutaffifîn [Mga Mandaraya]

بسم الله الرحمن الرحيم
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal

1-6. Matinding parusa at kapighatian sa mga yaong nandaraya sa sukat at timbang, na mga yaong, kapag sila ay bumili sa mga tao ng bagay na sinusukat o di kaya ay tinitimbang ay hinihingi para sa kanilang mga sarili bilang karapatan ang hustong timbang, at kapag sila naman ang nagbenta sa mga tao ng bagay na sinusukat o di kaya ay tinitimbang ay binabawasan nila ang sukat at timbang nito, na kung kaya, paano pa kaya ang katayuan ng isang nangangamkam sa karapatan ng iba? Katiyakan, mas higit ito na karapat-dapat sa ibinababala ng Allâh (I) na parusa kaysa sa nandaraya lamang sa timbang at sukat. Hindi ba iniisip ng mga nandarayang ito na ang Allâh (I) ay walang pag-aalinlangan na bubuhayin sila na mag-uli at huhukuman sa anuman na kanilang mga nagawa sa Araw na napakatindi ang kalagiman nito? Sa Araw na tatayo ang mga tao sa harapan ng Allâh (I), na sila ay huhukuman, sa kaunti man o marami, at sila ay nasa ilalim ng pangunguntrol ng Allâh (I) na Tagapaglikha ng lahat ng mga nilikha.

7-9. Katiyakan, hindi ang inyong inaakala hinggil sa mga nandaraya ng sukat at timbang, na ito ay hindi mabigat na pananagutan, na kung kaya, magsitigil na kayo sa pagsasagawa nito. Katotohanan, ang patutunguhan ng masasama ay ‘Sijjin’ na isang lugar na napakasikip, at paano mababatid ang pagiging sikip nito? Ito ay nasa Aklat na iniukit ang pagkakasulat na katulad ng numerong itinatak sa kasuotan na hindi na makalilimutan at hindi na mabubura pa.



10-17. Masidhing kaparusahan sa Araw na yaon sa mga walang pananampalataya, na hindi nila pinaniniwalaan ang pagdating ng Araw ng Pagbabayad, at walang sinuman ang hindi naniniwala rito kundi lahat ng masasama na napakaraming kasalanan, na kapag binigkas sa kanya ang mga talata ng Qur’ân, kanyang sasabihin: “Ito ay mga haka-haka ng mga naunang tao.” Ang katotohanan ay hindi ang yaong kanilang inangkin, kundi bagkus ito ay Salita ng Allâh (I) at Kanyang kapahayagan sa Kanyang Propeta, at ang tunay na nakapagtakip sa kanilang mga puso sa di paniniwala ay ang nakabalot dito na kaitiman na siyang nagpaitim ng kanilang budhi dahil sa rami ng kanilang mga nagawang kasalanan. Hindi ang inangkin ng mga walang pananampalataya ang siyang katotohanan, kundi walang pag-aalinlangan, sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay lalagyan ng harang sa kanilang harapan upang hindi nila makita ang Allâh (I) na Lumikha sa kanila. Pagkatapos sila ay papapasukin sa Impiyernong-Apoy na malalasap nila ang lagablab nito. Pagkatapos sasabihin sa kanila, “Iyan ang kabayaran ng inyong kinaugalian na pagtanggi.”

18-21. Katotohanan, hindi ang kanilang inaakala na ang Qur’ân ay ginaya lamang mula sa mga naunang tao. Walang pag-aalinlangan, ang mga talaan ng mabubuti ay nasa mataas na antas ng ‘Al-Jannah.’ At ano ang makapagbabatid sa iyo, O Muhammad, kung ano ang mataas na antas na ito? Ang Aklat ng mga mabubuti na ang pagkakasulat ay iniukit na katulad ng numerong itinatak sa kasuotan na hindi na makalilimutan at hindi na mabubura pa, na ito ay nababasa ng mga malalapit sa Allâh (I) na mga anghel sa bawa’t kalangitan.

22-28. Katiyakan, ang mga matatapat at ang mga masunurin ay nasa kasiyahan sa ‘Al-Jannah,’ na sila ay nasa kanilang mga trono, na nakatingin sila sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at nakatingin sila sa anumang inihanda sa kanila na kalugud-lugod na bagay na tulad ng kaharian at iba pa, na makikita sa kanilang mga mukha ang liwanag ng kaligayahan, na pinaiinom sila ng malinis na alak na nakasara sa pinagkalagyan nito, na ang pinakaalak nito ay napakabangong amoy na tulad ng ‘musk,’ at dito sa ganitong walang hanggang kaligayahan ay nararapat na makipag-unahan ang sinuman na nagnanais na manguna. At ang inuming ito ay nahahaluan ng sangkap mula sa bukal sa ‘Al-Jannah’ na nakikilala dahil sa taas ng antas nito sa pangalang ‘Tasnîm,’ na isang bukal na inihanda; upang makainom dito ang mga malalapit sa Allâh (I) at malalasap ang tunay na sarap nito.

29-34. Walang pag-alinlangan, yaong mga makasalanan, na kung saan, noong sila ay nasa daigdig pa, minamaliit nila ang mga mananampalataya, at kapag sila ay napadaan sa kanila na mga mananampalataya ay nagbubulung-bulungan sila na may panlalait sa kanila. At kapag nakabalik itong mga makasalanan sa kanilang mga pamilya at mga kamag-anak ay nagbibiruan sila bilang panlalait sa mga mananampalataya. At kapag nakita nila na mga walang pananampalataya ang mga tagasunod ni Propeta Muhammad, na sa katunayan, sila ang tunay na sumunod sa patnubay, kanilang sasabihin: “Katiyakan, sila ang mga ligaw dahil sa pagsunod nila kay Muhammad,” gayong hindi naman ipinadala ng Allâh (I) ang mga makasalanang yaon upang magmanman sa mga tagasunod ni Propeta Muhammad. At sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay mamaliitin ng mga naniwala sa Allâh (I), sa Kanyang Sugo at sumunod sa Kanyang batas ang mga walang pananampalataya na katulad ng kanilang ginawang panlalait sa kanila sa daigdig.

35-36. Nasa mga matataas na uri ng trono, nakaupo ang mga mananampalataya na kanilang pinagmamasdan ang anumang ipinagkaloob ng Allâh (I) sa kanila na karangalan, kaligayahan, biyaya sa ‘Al-Jannah,’ at mas higit pang dakila kaysa rito ang kanilang pagtingin sa Dakilang Mukha ng Allâh (I). Na kung kaya, hindi ba pinagbayad lamang ang mga walang pananampalataya – kung ganito ang ginawa sa kanila – nang ganap at sapat na pagbabayad sa anuman na kanilang ginawa sa daigdig na mga kasamaan at mga kasalanan?

No comments: