Sunday, May 16, 2010

Sûrat Al-Inshiqâq

84
LXXXIV – Sûrat Al-Inshiqâq [Ang Pagkakahiwa-hiwalay]

بسم الله الرحمن الرحيم
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal

1-5. Kapag ang kalangitan ay nagkandawarak-warak na, nagkahiwa-hiwalay dahil sa matinding pagkaulat sa Araw ng Muling Pagkabuhay, at nakinig ito at sumunod sa Allâh (I) na ‘Rabb’ nito na Tagapaglikha sa anumang pagkakautos rito na pagkakabiyak-biyak, at nararapat lamang na ito ay sumunod sa Kanyang kagustuhan. At kapag ang kalupaan ay pinalatag na at pinalawak (na magiging patag na ang lahat ng ito), at nagkadurug-durog na ang mga kabundukan sa Araw na yaon, at iniluwa nito (kalupaan) ang anuman na nasa ilalim nito na mga patay at binalewala na sila, at sumunod na ito (kalupaan) sa ipinag-utos dito ng Kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na nararapat lamang na ito ay sumunod sa Kanyang kagustuhan.

6. O ikaw na tao! Walang pag-aalinlangan, ikaw ay bumabalik patungo sa Allâh (I) na kasama ang iyong mga gawa at pagkilos, mabuti man ito o masama, isang katiyakang pagbabalik, na kung saan makatatagpo mo ang Allâh (I) sa Araw na yaon, ang Araw ng Muling Pagkabuhay, na kung kaya, huwag mong isipin na mawawala ang kabayaran mula sa Kanya bilang kagandahang-loob o katarungan.

7-9. Na kung kaya, ang para sa kanya na ibinigay ang kanyang Talaan ng gawain sa pamamagitan ng kanyang kanang kamay, na siya ay naniniwala sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, ay walang pag-aalinlangang siya ay huhukuman nang magaan na paghuhukom, at siya ay babalik sa kanyang pamilya sa ‘Al-Jannah’ nang masaya.

10-15. At sino naman na ipagkakaloob sa kanya ang Talaan ng kanyang gawain sa kanyang likuran, na siya ay hindi naniwala sa Allâh (I), walang pag-aalinlangang ang para sa kanya ay pagkahamak at pagkawasak, at siya ay papapasukin sa Impiyernong-Apoy na malalasap niya ang lagablab nito. Dahil walang pag-aalinlangan, noong siya ay nasa daigdig pa ay nagpakalulong siya sa kasiyahan kasama ang kanyang pamilya at napakayabang! Na hindi niya iniisip ang kanyang patutunguhan, na inaakala niyang hindi na siya magbabalik pa sa Allâh (I) na Tagapaglikha na Siyang muling bumuhay sa kanya para sa paghuhukom. Walang pag-aalinlangan, siya ay ibabalik ng Allâh (I) na katulad ng pagkakalikha sa kanya sa una at pagbabayarin siya sa kanyang mga nagawa. Hindi ang kanyang inaakala ang katotohanan, kundi katiyakan, ang kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay Ganap na Nakakikita at Nakababatid sa kanyang naging kalagayan mula sa araw na siya ay nilikha hanggang sa siya ay bubuhayin na mag-uli.

16-19. Sumumpa ang Allâh (I) sa pamamagitan ng pamumula ng kalawakan sa oras ng paglubog ng araw, at sa pamamagitan ng gabi at sa anumang nagsasama-sama sa kadiliman nito na mga gumagapang, mga insekto, mga nagsisiliparan at iba pa, at sa pamamagitan ng buwan kapag nabuo ang liwanag sa kabilugan nito, walang pag-aalinlangan, kayo ay naglalakbay, O kayong mga tao, patungo sa iba’t ibang yugto ng buhay at iba’t ibang kalagayan: mula sa ‘Nutfah,’ tungo sa ‘`Alaqah,’ tungo sa ‘Mudhghah,’ tungo sa pag-ihip o paglalagay ng kaluluwa sa iyong katawan, tungo sa kamatayan, tungo sa pagkabuhay na mag-uli at pagbabalik. At hindi maaari sa sinumang nilikha ng Allâh (I) na manunumpa maliban sa pamamagitan lamang ng Pangalan ng Allâh (I), at kung ito ay kanyang lalabagin, nagkasala siya kung gayon ng kasalanang ‘Shirk’ – pagtatambal o pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I).

20-25. Samakatuwid, ano pa ba ang pumipigil sa kanila mula sa paniniwala sa Allâh (I) at sa Muling Pagkabuhay pagkatapos linawin sa kanila ang mga talatang ito? At bakit sila, kapag binigkas sa kanila ang Banal na Qur’ân ay hindi sila nagpapatirapa sa Allâh (I) at hindi nila tinatanggap ang anumang nasa loob nito? Katiyakan, ang pag-uugali ng mga walang pananampalataya ay pagtanggi at paglabag sa katotohanan. At ang Allâh (I) ay Ganap na Nakababatid sa niloloob ng kanilang mga kalooban na pagmamatigas kahit pa alam nila na ang anumang kaalaman na nilalaman ng Banal na Qur’ân ay katotohanan, na kung kaya, ipamalita mo sa kanila, O Muhammad, na ang Allâh (I) na Kataas-taasan ay inihanda sa kanila ang masidhing kaparusahan, subali’t ang mga yaong naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo at isinagawa nila ang anuman na ipinag-utos sa kanila ng Allâh (I), ay para sa kanila ang gantimpala sa Kabilang-Buhay na walang katapusan at walang kabawasan.

No comments: