27
XXVII – Sûrat An-Naml
[Kabanata An-Naml – Ang Mga Langgam]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Tã-Sĩn. Ang mga titik na ito ng ‘Arabic’ ay nauna nang naipaliwanag sa ‘Sûratul Baqarah.’ Itong mga talata ng Banal na Qur’ân ay malinaw ang kahulugan at maliwanag sa pagiging katibayan nito, naglalaman ito ng mga kaalaman, mga karunungan at mga batas.
2-3. Ito ay mga talata na naggagabay tungo sa Daan ng Tagumpay dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay, at nagbibigay ng magandang balita hinggil sa dakilang gantimpala para sa mga nananampalataya na pinaniwalaan ang mga talatang ito, at sinunod ang patnubay nito, na mga yaong isinasagawa ang ‘Salâh’ ng limang beses na kumpleto sa pinakapundasyon nito, gayundin sa mga kundisyon nito, at ibinibigay nila ang obligadong-kawanggawa (‘Zakâh’) sa mga karapat-dapat nito, at sila ay nakatitiyak sa buhay sa Kabilang-Buhay, at sa anumang mayroon doon na gantimpala at kaparusahan.
4-5. Katiyakan, ang mga yaong hindi naniwala sa buhay sa Kabilang-Buhay at hindi gumagawa ng kabutihan bilang paghahanda para rito, sa halip ang kanilang ginagawa ay panay kasamaan na sa kanilang pananaw ay kabutihan, na sila ay pabalik-balik sa ganitong gawain na may kasamang pag-aalinlangan. Ang para sa kanila ay kaparusahan dito sa daigdig na katulad ng pagkamatay, pagkabihag, pagkapahamak o di kaya ay pagkatalo sa labanan, at sila sa Kabilang-Buhay ay pinakamatindi ang kanilang pagkatalo.
6. At katiyakan, ang nagturo sa iyo, O Muhammad, ng Banal na Qur’ân ay ang Allâh (I) na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang paglikha at pangangasiwa nito, na ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam na saklaw ng Kanyang Kaalaman ang lahat ng bagay.
7. Ipaalaala mo ang kuwento ni Mousâ (u) noong kanyang sinabi sa kanyang pamilya habang sila ay naglalakbay mula Medyan patungo sa Ehipto: “Katiyakan, nakakita ako ng apoy, na kung kaya, walang pag-aalinlangan, makatatagpo ako mula roon ng impormasyon (o kaalaman) na magsasabi sa atin kung saan ang ating patutunguhan, o di kaya ay makakakuha ako mula roon ng nagbabagang-apoy upang makapagpainit tayo mula sa kalamigan.”
8-12. At nang dumating si Mousâ (u) roon sa apoy na yaon ay tinawag siya ng Allâh (I) at sinabi sa kanya na ang lugar na yaon ay isang banal na lugar na biniyayaan ng Allâh (I), na ginawa Niya ang lugar na yaon para sa pagkikipag-usap kay Mousâ (u) na roon Niya siya uutusan, at katiyakan, ang Allâh (I) ay biniyayaan Niya ang sinumang naroroon sa may apoy na yaon at ang mga nakapalibot doon na mga anghel, na kung kaya, luwalhati sa Allâh (I) na Siya ay malayo sa anumang hindi karapat-dapat para sa Kanya na Siya ay ‘Rabb’ ng lahat ng mga nilikha.
“O Mousâ (u)! Katiyakan, Ako ang Allâh (I) na Bukod-Tanging karapat-dapat lamang na sambahin, na ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan na nagagapi Ko sa Aking paghihiganti ang sinumang kumakalaban sa Akin, na ‘Al-Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Pangangasiwa Ko sa Aking mga nilikha.
“At bitiwan mo ang iyong tungkod!” At ito ay kanyang binitiwan at naging ahas, at nang makita niya ito na gumagalaw na kasinggaan ng paggalaw ng mabilis na ahas ay tumalikod siya na tumatakas na hindi na siya lumingon pa, subali’t pinapanatag siya ng Allâh (I) na Kanyang sinabi: “O Mousâ (u)! Huwag kang matakot: walang pag-aalinlangan, ang mga Sugo na Aking pinili ay hindi natatakot sa pagpaparating ng Aking Mensahe, maliban sa sinumang nagkasala at lumamnpas sa kanyang hangganan, at pagkatapos siya ay nagsisi at nagpakatuwid sa kanyang taimtim na pagsisisi pagkatapos ng kanyang nagawang pagkakasala; kung gayon, walang pag-aalinlangan, Ako ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa kanya, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal, na kung kaya, huwag mawalan ng pag-asa ang sinuman sa Awa ng Allâh (I) at sa Kanyang kapatawaran.
“At ipasok mo ang iyong kamay sa gilid ng iyong braso at ito ay lalabas na maputi na kasimputi ng yelo gayong hindi ito sakit na ketong, na ito ay kabilang sa siyam na himala upang pagtibayan ka sa iyong mensahe tungo sa kay Fir`âwn at sa kanyang sambayanan, dahil walang pag-aalinlangan, sila ay mga masasama na mga tao na naghimagsik at lumabag sa kagustuhan ng Allâh (I), na sila ay mga tumanggi.”
13. At nang dumating sa kanila ang mga himalang ito na napakalinaw na lantarang nakikita ng sinumang nais pagmasdan ito nang makatotohanan bilang matibay na katibayan mula sa kanya (Mousâ u), kanilang sinabi: “Ito ay malinaw na salamangka.” At tinanggihan nila ang siyam na mga himalang ito na malilinaw na palatandaan na nagpapatunay sa pagiging Propeta ni Mousâ (u) at sa pagiging katotohanan ng kanyang paanyaya.
14. At tinanggihan nila na ito ay nagmula sa Allâh (I) sa pamamagitan ng kanilang mga dila, gayong sa katotohanan ay tiyak ang kanilang mga puso sa pagiging totoo nito, ginawa nila ito bilang pagmamalabis sa katotohanan at pagmamataas sa pagtanggap, na kung kaya, pagmasdan mo, O Muhammad (r), kung ano ang naging hantungan ng mga yaong hindi pinaniwalaan ang mga talata ng Allâh (I) at naminsala sa kalupaan, dahil nilunod sila ng Allâh (I) sa karagatan? At dito sa pangyayaring ito ay aral sa sinumang magnanais na umunawa.
15. At katiyakan, pinagkalooban Namin si Dâwood (u) at si Sulaymân (u) ng kaalaman at ito ay kanilang isinagawa, kanilang sinabing dalawa: “Papuri sa Allâh (I) na Siyang nagtangi sa amin sa pamamagitan nito mula sa marami Niyang mga alipin na mga mananampalataya.” At nasa talatang ito ang patunay sa karangalan ng pagkakaroon ng kaalaman at mataas na antas ng nagmamay-ari nito.
16. At namana ni Sulaymân (u) mula sa kanyang ama na si Dâwood (u) ang pagiging Propeta, kaalaman at kaharian, at sinabi ni Sulaymân sa kanyang sambayanan: “O sangkatauhan! Tinuruan kami at pinaintindi sa amin ang wika ng mga ibon, at pinagkalooban kami ng lahat ng bagay sa lahat ng aming pangangailangan. Katiyakan, ang anumang ipinagkaloob sa amin ng Allâh (I) ay malinaw na kagandahang-loob bilang pagtatangi sa amin kaysa iba.”
17. At tinipon (o pinagsama) para kay Sulaymân nang isang dagsaan ang kanyang mga sundalo mula sa mga ‘Jinn,’ mga tao at mga ibon; at kahit gayon sila karami ay hindi pa rin sila napapabayaan, sa halip sa bawa’t uri ay mayroong nangangasiwa sa kanila mula sa kauna-unahan hanggang sa pinakadulo nila upang sila ay maisaayos na nakahelerang lahat ayon sa bawa’t uri nila.
18-19. Hanggang sa sila ay dumating sa lambak ng mga langgam at sinabi ng isa sa mga langgam mula sa kanila: “O mga langgam! Magsipasok kayo sa inyong mga tirahan dahil baka madurog kayo ni Sulaymân at ng kanyang mga sundalo sa pamamagitan ng pagtapak sa inyo samantalang hindi nila ito namamalayan.” At napangiti si Sulaymân sa sinabi ng langgam dahil sa ito ay kanyang naintindihan at naunawaan niya ang ibinigay na babala sa mga langgam, at doon niya lubos na naramdaman ang Biyaya ng Allâh (I) sa kanya, na kung kaya, siya ay napaharap sa Allâh (I) na nanalangin: “O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Pagkalooban Mo ako ng kaalaman at gabayan upang pasalamatan ang Iyong biyaya na ipinagkaloob Mo sa akin at sa aking mga magulang, at upang makagawa ako ng mabuti at kalugud-lugod sa Iyo na gawain mula sa akin, at ipasok Mo ako sa Iyong Awa sa pamamagitan ng kaligayahan sa ‘Al-Jannah’ kabilang sa Iyong mga mabubuting alipin na naging katanggap-tanggap sa Iyo ang kanilang mga gawain.”
20-21. Sinuri ni Sulaymân ang mga ibon na ipinasailalim ang mga ito sa kanyang pangangasiwa, upang mabatid niya kung sino ang wala, at siya ay mayroong namumukod-tanging ibon, na ito ay si Hudhud na hindi niya nakita, at kanyang sinabi: “Bakit hindi ko nakita si Hudhud ngayon na nakasanayan ko na siya ay palaging nandirito? Natakpan lamang ba ninyo siya kung kaya hindi ko siya nakikita o talagang wala siya, kaya siya ay hindi ko nakikita?”
At nang napatunayan na siya ay talagang wala, kanyang sinabi: “Parurusahan ko siya nang matinding parusa dahil sa hindi siya nakadalo rito bilang kabayaran, o di kaya kakatayin ko siya bilang parusa sa kanya dahil hindi niya tinupad ang ipinag-utos sa kanya, o di kaya ay makapagpadala siya ng malinaw na katwiran na naging dahilan ng kanyang pagliban o di niya pagparito.”
22. At di-nagtagal ay dumating ang ibon (Hudhud), na dahil sa kanyang pagkawala at pagliban ay sinisi siya ni Sulaymân, at sinabi naman sa kanya ni Hudhud: “Nabatid ko ang isang bagay na hindi mo nabatid, at dala-dala ko sa iyo mula sa siyudad ng Saba` sa Yemen ang totoong balita, na ako ay nakatitiyak hinggil dito.
23. “Katiyakan, natagpuan ko ang isang babae na namumuno sa mga naninirahan sa Saba`, at pinagkalooban siya ng lahat ng bagay na makamundo, at nagtataglay siya ng dakilang trono na kung saan doon siya nakaupo upang pangasiwaan ang kanyang kaharian.
24. “At nakita ko siya at ang kanyang sambayanan na sumasamba sa araw na tinalikuran nila ang pagsamba sa Allâh (I), at hinikayat sila ni ‘Shaytân’ sa kanilang masamang gawain na kanilang ginagawa at inilayo sila sa paniniwala sa Kaisahan ng Allâh (I), na kung kaya, sila ay hindi nagabayan tungo sa Allâh (I) sa Kanyang Kaisahan at sa bukod-tanging pagsamba lamang sa Kanya.”
25-26. Hinikayat sila sa ganito ni ‘Shaytân;’ upang sila ay hindi makapagpatirapa sa Allâh (I) na Bukod-Tanging Siya lamang ang nakapagpapalabas ng anumang nakatago sa kalangitan at kalupaan na katulad ng ulan, mga pananim at iba pa, na Siya lamang ang Nakaaalam kung ano ang inyong inililihim at kung ano ang inyong inilalantad. Ang Allâh (I), ‘Lâ ilâha illa Huwa’ – walang sinuman ang karapat-dapat at may karapatan na sambahin bukod sa Kanya, na Nagmamay-ari ng Dakilang ‘`Arsh’ (Trono) na saklaw ng ‘`Arsh’ na ito ang lahat ng bagay bukod sa Allâh (I).
27-28. Sinabi ni Sulaymân (u) kay Hudhud: “Mababatid namin kung ang dala-dala mong impormasyon ay totoo o ikaw ay kabilang sa mga sinungaling? Dalhin mo ang sulat kong ito sa mga naninirahan sa Saba` at ibigay mo sa kanila, pagkatapos ay lumayo ka nang bahagya sa kanila na maaari mong marinig ang kanilang sasabihin at alamin mo kung ano ang kanilang pag-uusapan.”
29. Nagtungo roon si Hudhud at inihagis niya ang sulat sa Reyna at ito ay kanyang binasa, at pagkatapos ay tinipon niya ang mga matataas sa kanyang sambayanan, at narinig ni Hudhud na siya ay nagsasabi sa kanila nang ganito: “Katiyakan, dumating sa akin ang kagalang-galang na sulat na mula sa dakilang tao.”
30-31. Pagkatapos ay ipinaliwanag niya ang nilalaman nito at kanyang sinabi: “Katiyakan, ito ay nagmula kay Sulaymân, at walang pag-aalinlangan na sinimulan niya ito sa Pangalan ng Allâh (I), ang Pinakamahabagin na Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal – Bis-mil-lâ-hir Rah-mâ-nir Ra-heem, – na sinasabing huwag kayong magmataas at huwag kayong magmayabang laban sa aking paanyaya sa inyo, at humarap kayo sa akin na sumusunod sa Kaisahan ng Allâh (I) bilang mga Muslim na sinusunod at isinusuko ninyo nang ganap ang inyong buong sarili sa Kanyang kagustuhan.”
32. Kanyang (Reyna) sinabi: “O kayong mga namumuno, payuhan ninyo ako hinggil sa bagay na ito, dahil hindi ko pinagpapasiyahan ang anumang bagay maliban sa kung nakaharap ko muna kayo at naisangguni ko ito sa inyo.”
33. Kanilang sinabi bilang pagtugon sa kanya: “Tayo ay may kapangyarihan at lakas sa bilang man o sa sandata, at nasa atin ang kakayahan at katapangan sa matinding labanan, at ang pag-aatas ay nauukol sa iyo at ikaw ang nagtatangan ng kapasiyahan, na kung kaya, pag-isipan mong maigi kung ano ang ipag-uutos mo sa amin, at kami naman ay makikinig at susunod sa iyong ipag-uutos.”
34-35. Kanyang sinabi bilang babala sa kanila mula sa anumang pakikipagharap na labanan kay Sulaymân, na nililinaw niya sa kanila ang masamang idinudulot ng pakikipaglaban: “Katiyakan, ang mga hari, kapag sila ay pumasok kasama ang kanilang mga sundalo nang sapilitan sa isang bayan ay sisirain nila ito at babaligtarin nila na hahamakin nila ang mga mararangal at kagalang-galang, at sila ay pumapatay at bumibihag, at ganito ang kanilang patuloy na pamamaraan upang mapasunod nila ang tao dahil sa sila ay matatakot sa kanila.
“Magkagayunpaman, ako ay magpapadala kay Sulaymân at sa kanyang sambayanan ng regalo na kalakip nito ang mga mamahaling bagay bilang panlabas na pagpapakita ng pagsang-ayon, at hihintayin ko kung ano ang magiging dala-dalang kasagutan ng aking mga sugo.”
36. At nang dumating ang mga sugo ng Reyna na may dala-dalang regalo kay Sulaymân, kanyang sinabi bilang pagbabalewala rito at pagpapaliwanag sa kung ano ang mga Biyaya ng Allâh (I) na ipinagkaloob sa kanya: “Binibigyan ba ninyo ako ng kayamanan upang ako’y magalak sa inyo? Samantalang kung ano man ang ipinagkaloob ng Allâh (I) sa akin na pagka-Propeta, kaharian at maraming kayamanan ay higit pa at mas mabuti kaysa sa ipinagkaloob sa inyo, samantalang kayo ay tuwang-tuwa na sa regalo na ibinibigay sa inyo na katulad ng ibinibigay ninyo ngayon; dahil ang ipinagmamalaki lamang ninyo at ipinagma-mayabang ay makamundong buhay na ito.”
37. At sinabi ni Sulaymân sa sugo ng mga taga-Saba`: “Bumalik kayo sa kanila, at sumusumpa ako sa Allâh (I) na magpapadala ako sa kanila ng mga sundalo na walang sinuman ang may kakayahan na makipaglaban at humarap sa kanila, at walang pag-aalinlangang palalabasin namin sila mula sa kanilang bayan na mga hamak, minamaliit na walang dangal, kung hindi sila susunod sa bukod-tanging ‘Deen’ ng Allâh (I) at kung hindi nila tatalikuran ang pagsamba ng iba bukod sa Kanya.”
38. Sinabi ni Sulaymân, na siya ay nakipag-usap sa mga ipinasailalim sa kanya ng Allâh (I) na mga ‘Jinn’ at mga tao: “Sino sa inyo ang makapagdadala sa akin ng dakilang trono ng kanyang kaharian bago sila dumating sa akin na sumusunod at isinusuko ang buong sarili sa kagustuhan ng Allâh (I) bilang Muslim?”
39. Sinabi ng isang ‘`Ifrît’ na dalubhasa at malakas mula sa mga ‘Jinn:’ “Dadalhin ko ito sa iyo bago ka tumayo sa iyong kinauupuan, at katiyakang ako ay malakas na kaya ko itong buhatin at mapagkatiwalaan sa kung ano ang niloloob nito, na dadalhin ko ito sa iyo nang walang kakulangan at walang napalitan.”
40. Sinabi naman ng isang tao na maalam sa Kasulatan: “Dadalhin ko sa iyo ang trono bago kumurap ang mga talukap ng iyong mga mata, kapag ito ay gumalaw para tumingin sa anumang bagay.” At pinahintulutan siya ni Sulaymân (u) at siya naman (na maalam sa Kasulatan) ay nanalangin sa Allâh (I), na kung kaya, dumating ang trono. At nang makita ni Sulaymân na nasa sa kanya nang harapan na nakatayo ang trono ay kanyang sinabi: “Ito ay mula sa Kagandahang-Loob ng Aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha na lumikha sa akin at lumikha sa lahat ng bagay; upang subukin ako: kung ako ba ay magpapasalamat bilang pag-amin sa pagkakaloob Niya ng biyaya sa akin o tatanggi at di magpapasalamat? At sinuman ang tatanaw ng utang na loob sa Allâh (I) sa Kanyang mga biyaya ay magiging kapaki-pakinabang ito para sa kanya, at sino naman ang tatanggi at babalewalain ang biyaya at hindi magpapasalamat, walang pag-aalinlangan, ang aking ‘Rabb’ ay ‘Ghanee’ – Napakayaman na Ganap na Malaya mula sa lahat ng pangangailagan, na ganap na hindi nangangailangan ng pagpapasalamat ng kahit sinuman, na Siya ay ‘Kareem’ – Pinakamabait at masaganang Tagapagkaloob na saklaw ng Kanyang kabutihan dito sa daigdig ang nagpapasalamat at di-marunong magpasalamat, pagkatapos sila ay huhukuman at gagantihan sa Kabilang-Buhay.”
41. Sinabi ni Sulaymân sa sinumang kasama niya roon: “Baguhin ninyo ang trono ng kanyang kaharian na kanyang inuupuan sa kaanyuan na hindi na niya ito makikilala kapag ito ay kanyang nakita; mababatid natin kung makikilala pa niya ito at siya ay ginabayan o magiging kabilang siya sa mga yaong hindi ginagabayan.”
42. At nang dumating ang Reyna ng Saba` kay Sulaymân sa kanyang bulwagan, sinabi sa kanya (Reyna): “Ang iyo bang trono ay katulad nito?” Kanyang sinabi: “Katotohanan, parang hawig na hawig nito.” At dito napatunayan ni Sulaymân na tama siya sa kanyang pagsagot, at katiyakang nabatid niya (Reyna) ang kapangyarihan ng Allâh (I) at ang katotohanan sa pagiging Propeta ni Sulaymân, at sinabi ni Sulaymân: “Ipinagkaloob sa amin ang kaalaman hinggil sa Allâh (I) at sa Kanyang kapangyarihan bago sa kanya (Reyna), at kami ay nagpapasailalim sa kagustuhan ng Allâh (I) at sumusunod sa ‘Deen’ ng Islâm bilang Muslim.”
43. At hinarangan siya ng kanyang kinaugalian na pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I) sa bukod-tanging pagsamba lamang sa Allâh (I), at siya ay walang pag-aalinlangang walang pananampalataya sa Allâh (I) at lumaki sa kapaligiran ng mga taong walang pananampalataya, at siya ay nanatili sa kanilang ‘deen,’ at kung hindi lamang dahil dito (sa mali niyang pagsamba at maling kinamulatan na kapaligiran) ay mayroon siyang matinding katalinuhan na naiintindihan niya ang katotohanan mula sa kamalian, subali’t ang maling paniniwala ay inaalis nito ang liwanag ng puso.
44. Sinabi sa kanya: “Pumasok ka sa Palasyo, at doon ay nakalatag ang salamin na ang nasa ilalim nito ay tubig, at nang ito ay kanyang makita, inisip niya na ito ay tubig na umaalon, at itinaas niya ang kanyang kasuotan at nakita ang kanyang binti upang siya ay lulusong sa tubig, at sinabi sa kanya ni Sulaymân: “Walang pag-aalinlangan, ito ay patag na salamin na naaaninag ang ilalim nito na tubig.” At doon ay naunawaan niya kung gaano kadakila ang kaharian ni Sulaymân at kanyang sinabi: “O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Katiyakan, naimali ko ang aking sarili dahil sa pagsamba ko ng iba, at ngayon ay isinusuko ko nang ganap ang aking sarili at susunod sa Iyong kagustuhan bilang isang Muslim na kasama ni Sulaymân sa ‘Deen’ ng Allâh (I) na ‘Rabb’ ng lahat ng mga nilikha.”
45. Katiyakan, ipinadala Namin kay Thamoud ang kanilang kapatid na si Sâleh (u) na sinasabing: “Sambahin ninyo ang Allâh (I) nang bukod-tangi at huwag kayong gumawa ng kahit na anumang sinasamba bukod sa Kanya, at nang dumating sa kanila si Sâleh upang sila ay anyayahan tungo sa Kaisahan ng Allâh (I) at Bukod-Tanging pagsamba lamang sa Kanya ay nahati sa dalawang grupo ang kanyang sambayanan: isang grupo sa kanila ang naniwala sa kanya at isang grupo naman ay di-naniwala at tinanggihan ang kanyang paanyaya, at lahat sila ay nag-aangkin na ang katotohanan ay nasa kanila.”
46. Sinabi ni Sâleh sa grupo ng di-naniwala: “Bakit minamadali ninyo ang pagtanggi sa pamamagitan ng pagsagawa ng mga kasamaan, na ito ang naging dahilan ng pagpaparusa sa inyo at inaantala ninyo ang pagtanggap ng tamang pananampalataya at pagsagawa ng mga kabutihan gayong dito ninyo makakamtan ang gantimpala? Di ba nararapat na humingi kayo kaagad ng kapatawaran mula sa Allâh (I), at magbalik-loob kayo sa Kanya; upang kayo ay kaawaan?”
47. Sinabi ng sambayanan ni Sâleh sa kanya: “Nawalan na kami ng pag-asa sa iyo at sa sinuman na kasama mo na yumakap sa iyong ‘Deen,’” sinabi ni Sâleh sa kanila: “Anuman ang nangyari sa inyo, mabuti man o masama, ay mula ito sa kapahintulutan ng Allâh (I) na ito ay nakatakda na sa inyo at ayon dito kayo ay tutumbasan, kaya nga lamang kayo ay mga tao na sinusubok sa pamamagitan ng mga pangyayari na kalugud-lugod at nakalulungkot, mabuti at masama.
48. At nandoon sa siyudad ni Sâleh na tinatawag na ‘Hijr’– na ito ay nasa hilagang-kanluran ng ‘Arabian Peninsula’ (o Tangway ng Arabia) – ang siyam na mga kalalakihan, na wala silang hangarin kundi pamiminsala sa kalupaan na ayaw nilang baguhin at ituwid ang kanilang mga sarili.
49. Sinabi noong siyam na yaon sa isa’t isa: nagsumpaan sila sa Pangalan ng Allâh (I) na ang bawa’t isa ay susumpa sa harapan ng bawa’t isa: “Walang pag-aalinlangan, tutungo tayo kay Sâleh sa isang lihim na gabi nang biglaan na papatayin natin siya at papatayin natin ang kanyang pamilya, pagkatapos ay sasabihin natin sa kanyang mga kamag-anak: ‘Hindi namin nasaksihan ang kanilang pagkamatay, at kami sa katotohanan ay totoo sa anuman na aming sinasabi.’”
50. At binalak nila ang pakanang ito upang puksain si Sâleh at ang kanyang pamilya bilang masamang balakin mula sa kanila, subali’t tinulungan Namin ang Aming Propeta na si Sâleh, at pinuksa Namin sila bilang parusa na sila ay walang kaalam-alam, at hindi nila inaasahan na ito ay gagawin Namin sa kanila bilang ganti sa kanilang pakana.
51. Pagmasdan mo, O Muhammad (r), bilang aral kung ano ang naging bunga ng mga yaong nagpakana ng kasamaan laban sa kanilang Propeta na si Sâleh? Katiyakan, pinuksa Namin silang lahat at ang kanilang sambayanan, lahat-lahat sila at walang itinira sa kanila.
52. At nandoroon pa rin na pinanatili ang kanilang mga tirahan na wala ka nang makikitang sinupaman mula sa kanila roon, pinuksa sila ng Allâh (I); dahil sa kanilang pang-aapi laban sa kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagsamba nila ng iba bukod sa Allâh (I), at sa kanilang pagtanggi at di-paniniwala sa Propeta na ipinadala sa kanila. Katiyakan, sa pagwasak na yaon at pagpuksa ay katotohanang nakapagbibigay-aral sa mga tao na nakaaalam kung ano ang ginawa Namin sa kanila, at ito ang Aming pamamaraan sa sinumang tumanggi sa mga Sugo.
53. At iniligtas Namin mula sa anumang nangyaring pagpuksa sa sambayanan ni Thamoud si Sâleh at ang mga naniwala sa kanya, at ang yaong kinaugalian na matakot sa Allâh (I) dahil sa kanilang paniniwala sa parusa ng Allâh (I).
54-55. At alalahanin mo si Lût (u) noong sinabi niya sa kanyang sambayanan: “Nagsisitungo ba kayo sa gawain na karumal-dumal, samantalang batid ninyong ito ay kasuklam-suklam? Dahil itinutuon ninyo ang inyong pagnanasa sa mga kalalakihan sa halip na ito ay sa mga kababaihan? Na kung kaya, kayo ay mga taong mangmang na hindi naiintindihan ang karapatan ng Allâh (I) sa inyo, at dahil doon ay nilabag ninyo ang Kanyang kagustuhan, at sinalungat ninyo ang Kanyang Sugo sa pamamagitan ng pagsagawa ninyo ng karumal-dumal na gawain, na wala pang sinumang nakagawa nito na nauna sa inyo sa lahat ng sangkatauhan.”
56. At walang naisagot ang sambayanan ni Lût sa kanya kundi pagsasabi nila sa isa’t-isa: “Palabasin ninyo ang pamilya ni Lût mula sa inyong bayan, dahil sa sila ay mga taong malilinis na sila ay hindi gumagawa ng karumal-dumal na ganito. Sinasabi nila yaon sa kanila bilang pang-iinsulto.”
57. At iniligtas Namin si Lût at ang kanyang pamilya mula sa parusa na katiyakang ito ay mangyayari sa sambayanan ni Lût, maliban sa kanyang asawa – dahil sa pagtakda Namin – na siya ay kabilang sa pananatilihin sa parusa hanggang mapuksa kasama ang mga pupuksain; dahil sa siya ay naging katulong ng kanyang sambayanan sa pagsagawa ng karumal-dumal at ito ay naging katanggap-tanggap sa kanya.
58. Pinaulanan Namin sila mula sa kalangitan ng mga bato na gawa sa luwad na nakamamatay, at napakasama ng ulan sa mga taong binalaan dahil sa naging matibay na laban sa kanila ang katibayan.
59. Sabihin mo, O Muhammad (r): “Ang papuri at pasasalamat ay para lamang sa Allâh (I), at kapayapaan ay mula sa Kanya, at kaligtasan ay para sa Kanyang mga alipin na Kanyang pinili para sa Kanyang mensahe,” pagkatapos ay tanungin mo ang mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) na kabilang sa iyong sambayanan: “Ang Allâh (I) ba na nagtatangan ng kakayahan na makapagdulot ng kapakinabangan at makapagsanhi ng kapinsalaan ay mas mabuti o yaong kanilang sinasamba bukod sa Kanya, na walang kakayahan sa sarili nito at gayon din sa iba, na hindi man lamang makapagdudulot ng kapakinabangan ni makapagsasanhi ng kapinsalaan?”
60. At tanungin mo sila, kung sino ang lumikha ng mga kalangitan at kalupaan, at nagpapababa para sa inyo mula sa kalangitan ng tubig-ulan, at sumisibol sa pamamagitan nito ang mga hardin na nagtatangan ng magandang tanawin at kaluguran? Kailanman, ay hindi ninyo kayang patubuin ang puno nito, kung hindi lamang sa katotohanang nagpababa ang Allâh (I) sa inyo ng tubig-ulan mula sa kalangitan. Katiyakan, ang pagsamba sa Kanya ay Siyang katotohanan at ang pagsamba naman sa iba bukod sa Kanya ay pawang kamalian. Kung gayon, mayroon bang ‘Ilâh’ o Diyos na sinasamba bukod sa Allâh (I) na gumagawa nitong mga ganitong gawain upang makatwirang sasambahin, na magiging katambal ng Allâh (I)? Samakatuwid, sila na mga nagtatambal sa pagsamba ay mga taong lumihis sa Matuwid na Landas at Tamang Paniniwala, at ipinapantay nila ang Allâh (I) sa iba sa pagsamba at paggalang.
61. Ang inyo bang pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I) na inyong itinambal sa pagsamba sa Kanya (Allâh I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay mas nakabubuti o ang bukod-tanging pagsamba lamang sa Kanya (Allâh I) na gumawa ng kalupaan na itinalaga bilang inyong tirahan at ginawa Niya sa gitna nito ang mga ilog at ginawa (rin) Niya ang mga bundok na mga matatatag, at gumawa (rin) Siya sa pagitan ng dalawang karagatan, tabang at alat, ng harang upang hindi masira ang isa’t isa?
Ang sinasamba ba ninyo bukod sa Allâh (I) ay ginagawa niya ang mga ito upang siya ay magkaroon ng karapatan na sambahin ninyo bilang katambal ng Allâh (I)? O sa katotohanan, karamihan sa kanila na mga nagtatambal sa pagsamba ay hindi nila batid ang ganap na kadakilaan ng Allâh (I), na kung kaya, sila ay sumasamba ng iba bilang panggagaya lamang at pagiging masama.
62. Ang pagsamba ba ninyo ng iba bukod sa Allâh (I) ay mas nakabubuti o ang pagsamba lamang sa Kanya (Allâh I) na Bukod-Tanging tumutugon sa panalangin ng nasa kagipitan at pangamba, at inaalis Niya ang kasamaan na nangyari, at ginawa Niya kayong kahalili sa sinumang nauna sa inyo rito sa daigdig? Ang sinasamba ba ninyong iba bukod sa Allâh (I) ay binibiyayaan kayo ng mga katulad nitong biyaya? Katotohanan, kakaunti lamang ang mga nakaaalaala at nakapupulot ng aral sa mga pangyayari, na kung kaya, sumamba kayo ng iba bukod sa Allâh (I).
63. Ang pagsamba ba sa inyong mga sinasamba bukod sa Allâh (I) ay mas nakabubuti o Siya na ginagabayan kayo sa kadiliman ng kalupaan at karagatan kapag kayo ay naligaw at nagdilim na sa inyong ang mga daanan, at Siya na nagpapadala ng mga hangin bilang pagpapahiwatig ng magandang balita sa Kanyang Awa sa Kanyang alipin na pagkakaloob ng ulan na binubuhay Niya ang tuyot na kalupaan? Ang sinasamba ba na iba bukod sa Allâh (I) ay may magagawa na kahit na kaunti sa mga ito upang kayo ay manalangin sa kanya bukod sa Allâh (I)? Luwalhati sa Allâh (I), Siya ay Dalisay at Banal at malayo sa anuman na inyong sinasamba na iba.
64. At tanungin mo sila kung sino ang nagpanimula ng paglikha, pagkatapos ito ay Kanyang lilipuling lahat kung Kanya nang nanaisin, pagkatapos ay muli Niyang uulitin ang paglikha, at sino ang nagkakaloob sa inyo ng kabuhayan mula sa kalangitan sa pamamagitan ng pagbababa ng ulan at mula sa kalupaan sa pamamagitan ng pagpapatubo ng mga pananim at iba pa? Ang sinasamba ba bukod sa Allâh (I) ang gumagawa nito? Sabihin mo: “Ipakita ninyo ang inyong katibayan kung kayo ay totoo sa inyong pag-angkin na ang Allâh (I) ay may katambal sa Kanyang Kaharian at sa pagsamba sa Kanya.”
65-66. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r) “Walang sinuman ang nakaaalam ng anumang nasa kalangitan gayundin sa kalupaan sa anumang sinarili ng Allâh (I) na kaalaman sa mga ‘Ghayb,’ at hindi nila batid kung kailan sila bubuhayin na mag-uli mula sa kanilang mga libingan sa Araw ng Muling Pagkabuhay.” Hindi ang kanilang inaakala ang katotohanan kundi walang pag-aalinlangan, ang kabuuan ng kaaalaman hinggil sa Kabilang-Buhay at ang anuman na malalagim na pangyayari ay tiyak na mababatid nila kapag sila ay nandoroon na, at katiyakan, sila sa daigdig ay may pag-aalinlangan hinggil dito at higit sa lahat ay bulag sila at mangmang hinggil sa mga pangyayaring ito.
67. At sinabi ng mga yaong tinanggihan ang Kaisahan ng Allâh (I): “Kami ba at ang aming mga ninuno ay bubuhayin na mag-uli na katulad ng aming parehong kaanyuan pagkatapos ng aming kamatayan at pagkatapos naming naging alabok na?
68. “Katiyakan, pinangakuan kami ng pagkabuhay na mag-uli noon, kami at ang aming mga ninuno, subali’t wala kaming nakikita na katibayan, na kung kaya, hindi kami naniwala, kung gayon, itong iyong mga pangako ay walang iba kundi nagmula lamang sa mga isinulat ng mga naunang tao na kasinungalingan sa kanilang mga aklat.”
69. Sabihin mo, O Muhammad (r), sa kanila na mga walang pananampalataya: “Maglakbay kayo sa kalupaan, at pagmasdan ninyo ang mga tahanan ng mga nauna sa inyo na mga masasamang tao, kung ano ang kinahinatnan ng mga tumanggi sa mga Sugo? Pinuksa ba sila ng Allâh (I) dahil sa kanilang pagtanggi, at gagawin ng Allâh (I) sa kanila ang katulad ng mga ginawa sa mga walang pananampalatayang nauna sa kanila?”
70. At huwag kang malungkot sa pagtalikod sa iyo ng mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) at pagtanggi nila sa paniniwala sa iyo, at huwag sumikip ang iyong dibdib sa kanilang mga pakana, dahil walang pag-aalinlangan na ang Allâh (I) ang tutulong sa iyo laban sa kanila.
71. At sinasabi ng mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) mula sa iyong sambayanan, O Muhammad: “Kailan pa ba mangyayari ang parusa na iyong ipinangako, na ito ay ibinababala mo sa amin, ikaw at ang iyong mga tagasunod, kung kayo ay totoo sa inyong mga ipangako sa amin?”
72. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Marahil ay malapit nang mangyari sa inyo ang ilan sa ipinamamadali ninyong parusa ng Allâh (I).”
73. At katiyakan, ang iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay punung-puno ng kagandahang-loob sa sangkatauhan; dahil hindi Niya minamadali ang pagpaparusa sa kanilang kasamaan sa Kanya at sa kanilang pagtatanggi, magkagayunpaman ay karamihan sa kanila ay hindi tumatanaw ng utang na loob, sa pamamagitan ng paniniwala sa Kanya at pagiging taimtim nila sa pagsamba sa Kanya.
74. At katiyakan, ang iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay Siyang ganap na Nakaaalam sa anumang kinikimkim ng mga tao sa kanilang mga dibdib at kung ano ang kanilang inilalantad.
75. At walang anumang nakatago sa kalangitan at kalupaan kundi ito ay nasa malinaw na talaan mula sa Allâh (I). At katiyakan, naitala sa talaang ito ang lahat ng mga nangyari at mangyayari pa lamang.
76. Katiyakan, isinalaysay ng Banal na Qur’ân na ito, sa mga angkan ni Isrâ`il ang katotohanan hinggil sa maraming bagay, na sila ay hindi nagkasundu-sundo.
77. At katiyakan, ang Banal na Qur’an na ito ay gabay mula sa pagkaligaw at awa mula sa kaparusahan, sa sinumang maniniwala rito at susunod sa patnubay nito.
78. Katiyakan, ang iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay Siyang magpapasiya sa pagitan ng mga di-nagkasundu-sundo mula sa angkan ni Isrâ`il at sa iba pa hinggil sa Kanyang batas na nasa kanila, ginagantihan Niya ang sinumang nagkakamali, at ginagantimpalaan Niya ang mabuti. At Siya ay ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan, na kung kaya, walang sinuman ang makapipigil ng Kanyang pinagpasiyahan, na ‘Al-`Aleem’ – Ganap na Maalam, na kung kaya, hindi maaaring maghalo sa Kanya ang tama at kamalian.
79. Ipaubaya mo sa Allâh (I) ang iyong sarili, O Muhammad (r), sa lahat ng mga pangyayari sa iyo, at magtiwala ka sa Kanya; dahil walang pag-aalinlangan, sapat na Siya sa iyo, at walang pag-aalinlangang ikaw ay nasa malinaw na katotohanan na walang pag-aalinlangan.
80. Katiyakan, hindi mo kaya, O Muhammad, na maiparinig ang katotohanan sa sinumang isinara na ng Allâh (I) ang kanyang kalooban at pinatay na ang puso nito, at hindi mo na maiparirinig ang iyong paanyaya sa sinumang biningi ng Allâh (I) ang kanyang pandinig upang hindi niya marinig ang katotohanan nang sila ay umiiwas na tinatalikuran ka.
81. At hindi mo kayang gabayan mula sa pagkaligaw ang sinumang binulag ng Allâh (I) mula sa gabay at patnubay, at hindi mo rin maiparirinig ang anuman maliban lamang sa sinumang naniniwala sa Aming mga talata, dahil sila ay mga sumusuko na sumusunod sa kagustuhan ng Allâh (I) bilang Muslim, at tinutugunan ang iyong paanyaya sa kanila.
82. At kapag naging karapat-dapat na ang parusa sa kanila; dahil sa kanilang pagmamalabis sa mga kasalanan at paghihimagsik, sa pagtanggi nila sa batas ng Allâh (I) at sa Kanyang pinagpasiyahan, hanggang sa sila ang naging pinakamasama sa lahat ng nilikha, ay ilalabas Namin sa kanila mula sa kalupaan sa dulo ng panahon ang isang tanda mula sa mga palatandaan ng oras ng dakilang pagkagunaw ng daigdig na ito ay isang ‘Dhabb’ na malahayop ang kaanyuan na makikipag-usap sa kanila, dahil walang pag-aalinlangan, ang mga taong hindi naniwala sa Muling Pagkabuhay ay hindi rin sila naniwala sa Qur’ân, kay Muhammad at sa kanyang ‘Deen,’ at hindi nila ito isinasagawa.
83. At sa Araw ng Pagtitipun-tipon ay titipunin mula sa bawa’t nasyon ang mga grupo na pinasinungalingan ang Aming mga katibayan at mga palatandaan, na kung saan doon ay iaantala ang una sa kanila hanggang sa dumating ang pinakahuli sa kanila; upang pagsama-samahin silang lahat, pagkatapos ay dadalhin sila para sa paghuhukom.
84-85. Hanggang kapag dumating na mula sa bawa’t nasyon ang mga grupo ng mga tumanggi sa Aming mga palatandaan na magtitipun-tipon sila ay sasabihin ng Allâh (I): “Pinasinungalingan ba ninyo ang Aking mga talata na Aking ipinahayag sa Aking mga Sugo, at ang mga talata na Aking ipinakita bilang katibayan na patunay sa Aking Kaisahan at Aking pagiging karapatan na pagsamba nang bukod-tangi, na ito ay hindi man lamang ninyo inunawa sa inyong mga sarili kung ito ba ay katotohanan, hanggang sa kayo ay tumalikod at ito ay inyong pinasinungalingan, o ano ba ang inyong kinagawian na gawin?” Subali’t naging karapat-dapat sa kanila ang hatol na parusa dahil sa kanilang pagiging masama at pagpapasinungaling, na kung kaya, sila ay hindi na makabibigkas pa ng anumang katibayan upang mapangalagaan nila ang kanilang mga sarili mula sa masamang mangyayari sa kanila.
86. Hindi ba nila nakita na mga tumanggi na pinasinungalingan ang Aming mga talata, na katiyakang ginawa Namin ang gabi upang sila ay makapamahinga at makatulog, at ang araw upang sila ay makakita at makapagsagawa ng anumang ikabubuhay? Katotohanan, sa pagsasalit-salitan nito ay tunay nga na katibayan sa mga taong naniniwala sa ganap na kabuuan ng kapangyarihan ng Allâh (I) at ng Kanyang pagiging Bukod-Tanging Kaisahan sa pagsamba at sa kadakilaan ng Kanyang mga Biyaya.
87. At alalahanin mo, O Muhammad (r), ang Araw ng pag-ihip ng anghel sa trumpeta na magigimbal ang lahat ng mga nasa kalangitan at lahat ng nasa kalupaan nang matinding pagkagimbal dahil sa tindi ng pangyayaring ito, maliban sa sinumang binukod ng Allâh (I) mula sa sinumang Kanyang pinarangalan at pinangalagaan mula sa pagkagimbal, at ang lahat ng mga nilikha ay tutungo sila sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha na nagpapakumbaba at mga nagsisitalima (sumusunod).
88. At makikita mo ang mga bundok na iisipin mong ang mga ito ay matatag na nakatayo, subali’t ito ay gagalaw nang napakabilis na katulad ng mga ulap na dala-dala ng mga hangin, at ito ay kabilang sa mga nilikha ng Allâh (I), na ginawa Niya sa pinakamabuti’t pinakaganap ang lahat ng Kanyang mga nilikha. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Khabeer’ – Ganap ang Kanyang Kagalingan na Nakaaalam sa anumang ginagawa ng Kanyang mga alipin mabuti man ito o masama, at ayon dito sila ay Kanyang tutumbasan.
89. At sinuman ang darating sa Araw ng Muling Pagkabuhay na dala-dala ang kanyang paniniwala sa Kaisahan ng Allâh (I) ng tunay na paniniwala na bukod-tanging pagsamba lamang sa Kanya at ang mga mabubuting gawa, ang para sa kanya mula sa Allâh (I) ay dakilang gantimpala na higit pa sa kanyang ginawa, na ito ay ang ‘Al-Jannah,’ at sila sa Araw na kagimbal-gimbal ang pangyayari ay ligtas sa anumang kapahamakan.
90. At sino naman ang darating sa Araw ng Muling Pagkabuhay na dala-dala niya ang kanyang pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I) at ang mga masasamang gawain na kasuklam-suklam, ang kanilang kabayaran ay pagkaladkad sa kanila ng Allâh (I) na isinusubsob ang kanilang mga mukha sa Impiyerno, at sasabihin sa kanila bilang pag-aalipusta: “Di ba kayo ay pinagbabayad lamang sa kung ano ang inyong kinagawian na gawain sa daigdig?”
91-92. Sabihin mo, O Muhammad (r), sa sangkatauhan: “Katiyakan, ang ipinag-utos lamang sa akin ay sambahin nang bukod-tangi ang Allâh (I) na ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng bayang ito, na ito ay ang Makkah, na kung saan, ipinagbawal Niya sa Kanyang mga nilikha ang pagpapatayan o pagdadanakan ng dugo rito, o di kaya ay pang-aapi ng sinuman, o di kaya ay pangangaso ng anumang hinuhuling hayop, o di kaya ay pagpuputol ng anumang puno mula rito, at para sa Allâh (I) na Luwalhati sa Kanya ang lahat ng bagay, at inutusan Niya ako na bukod-tanging sambahin lamang Siya na wala nang iba pa, at inutusan din Niya ako na maging kabilang sa mga mabilisang sumusunod sa Kanya at nagpapasailalim sa Kanyang kagustuhan bilang Muslim, at inutusan din Niya ako na bigkasin ang Banal na Qur’ân sa mga tao, kung gayon, sinuman ang susunod sa anumang niloloob nito at susunod sa anuman na dala-dala ko na mensahe, walang pag-aalinlangan, ang anumang idudulot nitong kabutihan at gantimpala ay para lamang sa kanyang sarili; at sino naman ang naligaw sa katotohanan ay sabihin mo sa kanya, O Muhammad (r): ‘Katiyakan, ako ay isa sa mga tagapagbabala na binalaan nila ang kanilang sambayanan, at hindi ko hawak ang patnubay sa anumang kaparaanan.’”
93. At sabihin mo, O Muhammad (r): “Ang pagpupuri ng kabutihan ay pagmamay-ari lamang ng Allâh (I), walang pag-aalinlangan, ipakikita Niya ang Kanyang mga palatandaan sa inyo mismong mga sarili at gayon din sa kalangitan at kalupaan, na kung kaya, makikilala ninyo Siya ng pagkakakilala na katulad ng pagkakaturo sa inyo ng kaibahan ng katotohanan sa kamalian, at kailanman ang iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay hindi nawawalay sa Kanyang kaalaman ang anuman na inyong ginagawa, at ayon dito kayo ay Kanyang tutumbasan ng karapat-dapat.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment