39
XXXIX – Surât Az-Zumar
[Kabanata Az-Zumar – Ang Mga Grupo]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Ang pagbababa ng Aklat na ito ay nagmula lamang sa Allâh (I) na ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan sa Kanyang kakayahan at sa Kanyang pagpaparusa, na ‘Al-Hakeem’ – ang Ganap na Maalam sa Kanyang pangangasiwa at sa mga alituntunin ng Kanyang Batas.
2. Katiyakan, ipinahayag Namin sa iyo, O Muhammad (r), ang Banal na Qur’ân, na nag-uutos ng katotohanan at katarungan, na kung kaya, sambahin mo ang Allâh (I) nang bukod-tangi, at maging taos-puso ang iyong pagsagawa sa lahat ng alituntunin ng iyong ‘Deen’ (o Relihiyon).
3. Dapat mong mabatid na ang ‘Deen’ ay pagmamay-ari lamang ng Allâh (I) na Bukod-Tangi, na ito ay ang ganap na pagsunod na malayo sa anumang pagtatambal sa pagsamba, at ang mga yaong sumamba ng iba bukod sa Allâh (I) at nagturing ng mga tagapangalaga na sinasandalan bukod sa Kanya, sinabi nila: “Hindi namin sinasamba ang mga diyus-diyosan na ito bilang katambal sa pagsamba sa Allâh (I) kundi upang ang mga ito ay maging tagapamagitan sa amin sa Allâh (I), mapalapit kami sa Allâh (I) at iaangat sa amin ang aming antas sa Allâh (I).”
Na kung kaya, sila ay lumabag sa kagustuhan ng Allâh (I) sa pamamagitan ng ganitong gawain; dahil ang pagsamba at pamamagitan ay pagmamay-ari lamang ng Allâh (I). Katiyakan, ang Allâh (I) ay hinahatulan Niya ang pagitan ng mga mananampalataya na dalisay na sumasamba sa Kanya at ang mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) sa Araw ng Muling Pagkabuhay, at huhukuman Niya ang anuman na hindi nila pinagkasunduan sa pagsamba, na tutumbasan Niya ang bawa’t isa sa kanila ng anuman na karapat-dapat na para sa kanila. Katiyakan, ang Allâh (I) ay hindi Niya ginagabayan tungo sa Matuwid na Landas ang sinumang nagsisinungaling laban sa Allâh (I), na di-naniniwala sa Kanyang mga palatandaan at mga katibayan.
4. Kung nanaisin lamang ng Allâh (I) na magkaroon ng anak ay pumili na Siya sa sinuman na Kanyang nais mula sa Kanyang nilikha, subali’t kailanman ay hindi ito maaaring mangyari! Luwalhati sa Allâh (I), Siya ay Malinis at Ganap na Dalisay, na Siya ay malayo sa pagkakaroon ng anak, dahil Siya ay ‘Al-Wâhid’ – ang Bukod-Tangi na Nag-iisa, na Bukod-Tangi na sinasandigan, na ‘Al-Qahhâr’ – ang Tagapagpigil na Siyang kumukuntrol sa Kanyang mga nilikha sa pamamagitan ng Kanyang Kapangyarihan, lahat ng bagay ay nagpapasailalaim sa Kanya.
5. Nilikha ng Allâh (I) ang mga kalangitan at ang kalupaan at ang anuman na nasa pagitan nitong dalawa bilang makatotohanan, dinadala Niya ang gabi sa araw at dinadala Niya ang araw sa gabi. At ginawa Niyang madali ang kapakinabangan ng mga tao sa araw at sa buwan, at ang bawa’t isa ay gumagalaw (umiinog) sa bawa’t ‘orbit’ o ligiran nito hanggang sa Araw ng Pagkagunaw ng Sandaigdigan. Dapat mong mabatid, na ang Allâh (I) ay ginagawa Niya ang mga gawaing ito at binibiyayaan ang Kanyang mga nilikha ng mga ganitong biyaya na Siya ay ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap Makapangyarihan sa Kanyang nilikha, na ‘Al-Ghaffâr’ – ang Ganap na Mapagpatawad sa mga kasalanan ng mga nagsipagsisi at humihingi ng kapatawaran.
6. Nilikha kayo ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, O kayong mga tao, mula kay Âdam at nilikha Niya mula sa kanya (Âdam r) ang kanyang asawa, at nilikha Niya para sa inyo ang mga hayop na ang bawa’t isa ay walong uri, babae man at saka lalaki na kamelyo, baka, tupa at kambing, at nilikha Niya kayo sa mga sinapupunan ng inyong mga ina na yugtu-yugto, pagkakalikha pagkatapos ng pagkakalikha na nasa mga tatlong talukbong na mga kadiliman na ito ay tiyan, sinapupunan at inunan o ‘placenta.’ Ganito ang Allâh (I) na Siyang lumikha ng mga bagay na ito, na iyong Bukod-Tanging ‘Rabb’ na Tagapaglikha na Tagapagmay-ari ng lahat, na Siya lamang ang Bukod-Tanging may karapatan at karapat-dapat na sambahin, na kung kaya, paano kayo lumilihis sa pagsamba sa Kanya tungo sa pagsamba ng iba mula sa Kanyang nilikha?
7. Kung kayo ay hindi maniwala, O kayong mga tao, sa inyong ‘Rabb’ at tumanggi kayo sa Kanya at hindi kayo sumunod sa Kanyang mga Sugo, walang pag-aalinlangang Siya ay hindi nangangailangan sa inyo, kundi kayo ang ganap na nangangailangan sa Kanya, at hindi Niya tinatanggap sa Kanyang alipin ang pagtanggi at hindi Niya ito ipinag-uutos sa kanila, at ang katanggap-tanggap lamang sa Kanya ay ang pagtatanaw ng utang na loob sa Kanyang biyaya sa kanila. At hindi ipapapasan sa sinumang tao ang kasalanan ng iba. Pagkatapos sa Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha kayo ay ibabalik upang sabihin Niya sa inyo ang inyong kinaugalian na gawin at kayo ay huhukuman ayon dito. Katiyakan, Siya ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa mga lihim ng tao at ang anumang kinikimkim ng mga dibdib.
8. At kapag nangyari sa tao ang pagsubok, kagipitan at karamdaman ay maaalaala niya ang Allâh (I), at siya ay hihingi ng saklolo at mananalangin sa Kanya, pagkatapos kapag tinugunan siya at pinawi ang kanyang hirap at pinagkalooban siya ng mga biyaya, ay makalimutan niya ang kanyang ginawang panalangin sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha noong siya ay nangangailangan pa sa Kanya, at sasamba siya ng iba bukod sa Kanya; upang iligaw niya ang iba mula sa paniniwala sa Allâh (I) at pagsunod sa Kanya.
Sabihin mo sa kanya, O Muhammad, bilang babala: “Magpakasaya ka na ng panandalian sa iyong paglabag hanggang dumating ang iyong kamatayan, dahil walang pag-aalinlangan, ikaw ay kabilang sa mananatili sa Impiyernong-Apoy.”
9. Siya ba na hindi naniniwala at nagpakasaya sa kanyang pagtanggi ay mas mabuti, o ang sinumang sumamba nang bukod-tangi sa Allâh (I) na kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at sumusunod sa Kanya na siya ay patuloy sa kanyang pagsamba at pagpapatirapa sa Allâh (I) sa mga oras ng gabi na natatakot sa kaparusahan ng Allâh (I) sa Kabilang-Buhay at naghahangad ng Kanyang habag?
Sabihin mo, O Muhammad: “Maaari bang magkapantay ang nakakikilala sa Allâh (I) at sa Kanyang tunay na ‘Deen,’ sa mga yaong wala silang kaalam-alam hinggil sa mga bagay na ito?”
Kailanman ay hindi sila maaaring maging magkatulad. Ang nakaaalaala lamang at nakaaalam ng pagkakaiba nito ay ang mga taong nagmamay-ari ng mga matitinong kaisipan.
10. Sabihin mo, O Muhammad, sa Aking mga alipin na naniniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo: “Matakot kayo sa Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa pamamagitan ng pagsunod ninyo sa Kanya at pag-iwas sa anumang labag sa Kanya. Para sa mga mabubuti rito sa daigdig sa kanilang pagsamba sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at pagsunod sa Kanya ang mga mabuting gantimpala sa Kabilang- Buhay na ito ay ‘Al-Jannah’ (Hardin), at mabuting gantimpala rito sa daigdig na ito ay kalusugan, kabuhayan, tagumpay at iba pa.
“Ang kalupaan ng Allâh (I) ay malawak, na kung kaya, mangibang-bayan kayo mula rito tungo sa lugar, na kung saan, doon ninyo masasamba ang inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha nang walang pinangangambahan, at maisakaturapan ninyo ang pagtaguyod ng Kanyang ‘Deen.’ Katiyakan, ipagkakaloob sa mga matiisin sa Kabilang-Buhay ang kanilang gantimpala nang ganap, na wala nang pagtutuos.”
11-12. Sabihin mo, O Muhammad, sa mga tao: “Katiyakan, ang Allâh (I) ay inutusan Niya ako at ang sinuman na susunod sa akin na maging taos-puso sa pagsamba sa Kanya nang Bukod-Tangi at wala nang iba, at inutusan Niya ako na maging kauna-unahan sa susuko bilang Muslim mula sa aking sambayanan, na kung kaya, nagpasailalim siya sa Kaisahan ng Allâh (I) at sumamba lamang nang bukod-tangi sa Kanya at tinanggihan ang lahat ng sinasamba bukod sa Kanya.”
13. Sabihin mo, O Muhammad (r), sa mga tao: “Katiyakan, ako ay natatakot na kapag nilabag ko ang Allâh (I) na aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa Kanyang ipinag-uutos sa akin na pagsamba sa Kanya at taos-puso na pagsunod sa Kanya, sa Kanyang kaparusahan sa Araw ng Muling Pagkabuhay na sa Araw na yaon ay kagimbal-gimbal na pangyayari.”
14-15. Sabihin mo, O Muhammad (r): “Katiyakan, sinasamba ko ang Allâh (I) nang bukod-tangi na walang katambal na taos-puso ang aking pagsamba at pagsunod sa Kanya, na kung kaya, sambahin ninyo, O kayong mga walang pananampalataya, ang sinuman na nais ninyo bukod sa Allâh (I) na mga rebulto, mga diyus-diyosan at iba pa sa Kanyang mga nilikha, at ito kailanman ay hindi makapipinsala sa akin.” At ito ay bilang panakot at babala sa sinumang sumamba ng iba bukod sa Allâh (I).
Sabihin mo, O Muhammad: “Ang tunay na talunan ay ang mga yaong naging talunan ang kanilang mga sarili at ang kanilang mga pamilya sa Araw ng Muling Pagkabuhay, dahil sa kanilang panlilinlang at pagligaw sa kanila sa daigdig mula sa tamang paniniwala. At dapat mong mabatid na ang pagkatalo nila na mga walang pananampalataya at sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) sa kanilang mga sarili at sa kanilang mga pamilya sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay ito ang malinaw na pagkatalo!”
16. Sila ang mga yaong talunan na ang para sa kanila sa Araw ng Muling Pagkabuhay sa Impiyerno ay ang nasa itaas nila ay mga parusa mula apoy na parang ulap na nakataklob sa kanila at sa ibaba nila ay gayundin. Ganitong parusa na ipinapanakot ng Allâh (I) sa Kanyang mga alipin; upang sila ay balaan: “O Aking mga alipin, matakot kayo sa Akin sa pamamagitan ng pagsunod sa Aking mga ipinag-uutos at pag-iwas sa Aking mga ipinagbabawal.”
17-18. At ang mga yaong iniwasan ang pagsunod kay ‘Shaytân’ at pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I), at sila ay nagbalik-loob sa pagsisisi tungo sa Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsamba sa Kanya na taos-puso at pagsunod sa Kanyang ‘Deen,’ para sa kanila ang magandang balita rito sa buhay sa daigdig bilang papuri sa kanila at gabay na mula sa Allâh (I), at sa Kabilang-Buhay naman ay pagmamahal ng Allâh (I) at ang Kanyang patuloy na kasiyahan na ipinagkaloob sa ‘Al-Jannah’ (Hardin). Na kung kaya, ipamalita mo, O Muhammad, ang magandang balita sa Aking mga alipin na nakikinig ng salita at sinusunod ang anumang pinakamabuti mula rito. Ang pinakamabuting salita at pinakamatuwid ay ang salita ng Allâh (I), pagkatapos ay kasunod nito ay ang salita ng Kanyang Sugo. Sila ang mga yaong ginabayan ng Allâh (I) sa patnubay at gabay, pinatnubayan sila sa pinakamabuting pag-uugali at gawain, at sila ang mga yaong nagtatangan ng mga matutuwid na pag-iisip.
19. Ang sinuman na naging karapat-dapat sa kanya ang kaparusahan; dahil sa kanyang patuloy na pagkaligaw at pagmamatigas, katiyakang wala ka nang magagawa pa na kahit na anuman para siya ay gabayan, O Muhammad, dahil may kakayahan ka ba na iligtas ang sinuman na nasa Impiyerno? Wala kang kakayahan na gawin ito!
20. Subali’t ang mga yaong natakot sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, sa pamamagitan ng pagsunod at taos-pusong pagsamba sa Kanya, ang para sa kanila sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) ay mga silid na ginawa na magkakapatung-patong, na umaagos sa ilalim ng mga puno nito ang mga ilog, ipinangako ng Allâh (I) ito sa Kanyang mga alipin na mga matatakutin ng totoong pangako, at hindi sinisira ng Allâh (I) ang Kanyang pangako.
21. Hindi mo ba nakita, O Muhammad, na ang Allâh (I) ay walang pag-aalinlangang ibinababa Niya mula sa ulap ang ulan at ito ay ipinapasok Niya sa kalupaan, at ginawa Niya ito na mga bukal na bumubukal at mga ilog na umaagos, pagkatapos ay pinasisibol Niya sa pamamagitan nitong tubig ang iba’t ibang uri at kulay ng mga pananim, pagkatapos ito ay matutuyo pagkatapos ng pagiging luntian at sariwa nito, at makikita mo na maninilaw ang kulay nito, pagkatapos ay gagawin Niya na tuyot at pira-piraso? Katiyakan, sa ganitong gawain ng Allâh (I) ay pagpaalaala at pagpapayo sa mga nagmamay-ari ng mga matitinong kaisipan.
22. Ang sinuman na binuksan ng Allâh (I) ang kalooban sa Islâm at siya ay nasiyahan sa pagtanggap ng Islâm at pagsunod at paniniwala sa Allâh (I), na kung kaya, walang pag-aalinlangang siya ay nasa katiyakang liwanag sa kanyang kalagayan at gabay mula sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, ay magiging katulad ba kung gayon ng sinuman na wala sa ganitong kalagayan? Hindi maaaring maging magkatulad. Na kung kaya, kapighatian, kapahamakan sa kanila na tumigas ang kanilang mga puso at tinalikuran ang pag-alaala sa Allâh (I), sila ang malinaw na nasa pagkaligaw mula sa katotohanan.
23. Ang Allâh (I) ay Siyang nagbaba ng Pinakamabuting Salita, na ito ay ang dakilang Qur’ân, na magkakaparehas ang ganda nito at pagtutugma-tugma nito na hindi nagkakasalungatan, inuulit ang mga kuwento at ang mga alitutunin ng batas na nakapaloob dito, at ang mga katibayan at ang paglilinaw, na nanginginig ang mga balat at natatakot ang nakaririnig nito na may takot sa Allâh (I); dahil sa bisa ng anumang nasa loob nito na mga nakatatakot at babala, pagkatapos ay manlalambot ang kanilang balat at mga puso nila; dahil sa kanilang pag-asa sa anumang ipinangako at mga magagandang balita, at ang ganitong bunga ng pagkarinig ng Banal na Qur’ân ay gabay na mula sa Allâh (I) para sa Kanyang mga alipin. At ang Allâh (I) ay ginabayan Niya sa pamamagitan ng Qur’ân ang sinuman na Kanyang nais mula sa Kanyang mga alipin. At ang sinumang iligaw ng Allâh (I) mula sa paniniwala sa Banal na Qur’ân; dahil sa kanyang pagtanggi at pagmamatigas ay wala nang sinuman ang makagagabay pa sa kanya.
24. Ang sinuman ang itinatapon sa Impiyerno na nakakadena at nakapamatok ang kanyang mga kamay sa kanyang leeg na wala na siyang ipananangga sa Impiyerno kundi ang kanyang mukha; dahil sa kanyang di-paniniwala at pagkaligaw ay mas mabuti ba siya o ang binibiyayaan ng kaligayahan sa ‘Al-Jannah’ (Hardin); dahil ang Allâh (I) ay ginabayan siya? At sasabihin sa Araw na yaon sa mga masasama: “Lasapin ninyo ang kaparusahan sa anumang inyong ginawa na mga kasalanan sa Allâh (I) sa daigdig.”
25-26. Tinanggihan ng mga nauna kaysa sa iyong sambayanan, O Muhammad, ang mga Sugo na ipinadala sa kanila, na kung kaya, dumating sa kanila ang kaparusahan na hindi nila namamalayan, at pinatikim ng Allâh (I) sa mga walang pananampalataya na mga naunang sambayanan ang kaparusahan at paghahamak dito sa daigdig, at inihanda sa kanila ang masidhing kaparusahan sa Kabilang-Buhay, kung alam lamang nila na mga walang pananampalataya ang anuman na mangyayari sa kanila; dahil sa kanilang di-paniniwala at pagtanggi ay magiging aral ito sa kanila.
27-28. At katiyakan, nagbigay Kami sa kanila na mga di-naniniwala sa Allâh (I) ng halimbawa na nasa Banal na Qur’ân na paghahambing sa bawa’t pangyayari sa mga naunang tao upang sila ay takutin at balaan; nang sa gayon ay makaalaala sila at lumayo sa anuman na kinaroroonan nila na pagtanggi at di-paniniwala sa Allâh (I). At ginawa Namin ang Banal na Qur’ân na ito na wikang Arabic na malinaw ang mga salita nito at madaling intindihin ang mga kahulugan nito, hindi malabo at walang paliku-liko; upang sila ay matakot sa Allâh (I) na sumunod sa Kanyang mga ipinag-uutos at umiwas sa Kanyang mga ipinagbabawal.
29. Nagbigay ng halimbawa ang Allâh (I) ng isang alipin na ang nagmamay-ari sa kanya ay maraming tao na siya ay pinag-aawayan nila, na kung kaya, siya ay nalilito kung paano masisiyahan sa kanya ang mga nang-aalipin sa kanya, at ang isang alipin naman na bukod-tangi na pagmamay-ari lamang ng isang tao na alam nitong alipin kung ano ang gusto at naiibigan sa kanya noong nang-aalipin sa kanya, maaari bang magkaparehas ang dalawa? Hindi maaaring magkaparehas ang dalawa, na kung kaya, ganoon ang sumasamba ng iba na maraming sinasamba ay nasa pangamba at walang katiyakan, at ang naniniwala naman sa Allâh (I) ay nasa kapayapaan at kapanatagan. Na kung kaya, ang ganap na papuri ay pagmamay-ari lamang ng Allâh (I) na Bukod-Tangi, subali’t ang mga di-naniniwala at sumasamba ng iba ay hindi nila alam ang katotohanan upang ito ay kanilang sundin.
30-31. Katiyakan, ikaw, O Muhammad, ay mamamatay at katiyakan, sila ay mamamatay din. Pagkatapos kayong lahat, O kayong mga tao, sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay magtatalu-talo roon sa harapan ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha at huhukuman Niya ang pagitan ninyo nang makatarungan at pantay.
32. Wala nang hihigit pang kasamaan kaysa sa sinumang nag-imbento ng kasinungalingan laban sa Allâh (I): na inihanay niya sa Allâh (I) ang anuman na hindi karapat-dapat sa Kanya na katulad ng pagtatambal o pagkakaroon ng anak, o di kaya ay sinabi niya: “Binigyan ako ng kapahayagan,” samantalang walang anumang kapahayagan na dumating sa kanya, at wala nang sinumang masama kaysa sa sinumang tinanggihan ang katotohanan na ipinahayag sa iyo, O Muhammad. Di ba sa Impiyerno ang patutunguhan at tirahan ng sinumang hindi naniwala sa Allâh (I) at hindi pinaniwalaan si Muhammad? Tunay nga!
33. At siya na dala-dala ang katotohanan sa pamamagitan ng kanyang salita at kanyang gawa na mula sa mga Propeta at sa kanilang mga tagasunod, na ito ay kanyang pinaniwalaan ng tunay na paniniwala at pagsunod, sila ang mga yaong nabuo nila ang katangian ng pagkatakot sa Allâh (I), at ang pinakapangunahin sa kanila ay ang pinakahuli sa mga Propeta at mga Sugo na si Muhammad at ang mga naniwala sa kanya, na ipinatutupad nila ang batas ng Allâh (I) na sila ang mga kasamahan ni Propeta Muhammad at ang sinuman na sumunod pagkatapos nila hanggang sa Araw ng Muling Pagkabuhay.
34. Para sa kanila ang anuman na kanilang nais mula sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha na iba’t ibang uri ng mga kaligayahan at mga masasarap na pagkain at anumang kaibig-ibig sa kanilang mga sarili; at ito ay bilang pagtutumbas sa sinumang sumunod sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng tunay na pagsunod, at sinamba Siya ng tunay na pagsamba.
35. Upang patawarin sila sa anuman na masamang nagawa nila sa daigdig; dahil sa kanilang pagsisisi at pagbabalik-loob sa Allâh (I) mula sa kanilang nagawang mga kasalanan, at gagantimpalaan sila ng Allâh (I) sa kanilang ginawang pagsunod noong sila ay nasa daigdig pa nang higit pang kabutihan sa anuman na kanilang nagawa na ito ay ang ‘Al-Jannah’ (Hardin).
36. Hindi ba sapat na ang Allâh (I) sa Kanyang pangangalaga sa Kanyang alipin na si Muhammad mula sa pagbababala ng mga walang pananampalataya at ng kanilang mga masasamang pakana na ito ay hindi nangyari sa kanya? Tunay nga na walang pag-aalinlangang aalagaan siya ng Allâh (I) sa kanyang kalagayan hinggil sa kanyang ‘Deen’ at makamundong buhay, at ilalayo sa kanya ang sinuman na nagnanais ng masama. Magkagayunpaman ay sinisikap nila na takutin ka, O Muhammad, sa pamamagitan ng kanilang mga diyus-diyosan na inaangkin nilang makagagawa ang mga ito ng anumang di-kanais-nais sa iyo. At ang sinumang ibababa ng Allâh (I) at ililigaw Niya mula sa Daan ng Katotohanan ay wala nang sinuman ang makagagabay pa sa kanya.
37. At sinuman ang gabayan ng Allâh (I) sa paniniwala at pagpapatupad ng Kanyang batas at pagsunod sa Kanyang Sugo ay wala nang sinuman ang makapagliligaw pa sa kanya mula sa Katotohanan na kanyang kinalalagyan. Di ba ang Allâh (I) ay Ganap na Makapangyarihan sa Kanyang pagpaparusa sa sinumang hindi naniwala mula sa Kanyang nilikha at sinumang lalabag sa Kanya?
38. At kapag tinanong mo, O Muhammad, ang mga walang pananampalataya na sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I): “Sino ang lumikha nitong mga kalangitan at kalupaan?” Walang pag-aalinlangang kanilang sasabihin: “Nilikha ng Allâh (I) ang mga ito,” na kung kaya, inaamin nila kung sino ang Tagapaglikha. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad: “Makakayanan ba ng inyong diyus-diyosan na inyong sinasamba bukod sa Allâh (I) na ilalayo ang anumang hindi kanais-nais na itinakda ng Allâh (I) sa akin, o di kaya ay aalisin sa akin ang anuman na hindi ko gusto na mangyari sa akin? O di kaya ay makakayanan ba niya na pigilin sa akin ang kapakinabangan na ginawa ng Allâh (I) na madali para sa akin o di kaya ay puwede ba niyang pigilin ang biyaya ng Allâh (I) para sa akin?” Walang pag-aalinlangan, sasabihin nila: “Hindi niya makakayanan!” Kung gayon, sabihin mo sa kanila, “Sapat na sa akin ang Allâh (I) bilang aking Tagapangalaga, na Siya ang pinagkakatiwalaan ng nagtitiwala sa Kanya na mga mananampalataya sa pagkamit nila ng anumang ikabubuti nila at paglayo sa anumang makapipinsala sa kanila, na kung kaya, sinuman ang nagtatangan ng Bukod-Tanging Pangagalaga ay ipinauubaya ko ang aking sarili sa Kanya at walang pag-aalingalangang pangangalagaan niya ako sa anuman na aking suliranin.”
39-40. Sabihin mo, O Muhammad, sa iyong sambayanan na nakikipagmatigasan: “Gawin na ninyo ngayon ang anuman na inyong nais na gawin sa inyong sarili, dahil ang sinasamba ninyo ay walang karapatang sambahin, na wala itong magagawa na anumang bagay, at ako naman ay gagawin ko rin ang anumang ipinag-utos sa akin na pakikipagharap sa Bukod-Tanging Allâh (I) sa aking mga sinasabi at mga gawain, at walang pag-aalinlangan, mababatid ninyo kung sino ang daratnan ng parusa na ipahahamak siya sa buhay dito sa daigdig, at darating sa kanya ang walang katapusang parusa sa Kabilang-Buhay na hindi mapipigilan at hindi matatapos.”
41. Katiyakan, ipinahayag Namin sa iyo, O Muhammad, ang Banal na Qur’ân bilang katotohanan na gabay para sa sangkatauhan, tungo sa Daan ng Patnubay, na kung kaya, sinuman ang tumanggap ng patnubay ng liwanag nito, at isinagawa niya ito, at nagpakatuwid siya sa alintuntunin nito, ay para rin lamang sa kanyang sarili ang kapakinabangan nito, at sino naman ang naligaw pagkatapos na maging malinaw sa kanya ang patnubay, katiyakang ang sarili lamang niya ang kanyang naipahamak at kailanman ay hindi niya maipapahamak ang Allâh (I). At hindi ipinagkatiwala sa iyo, O Muhammad, na pangalagaan sila sa kanilang gawain at papanagutin mo sila na pilitin mo sila sa anuman na iyong nais, kundi ang tungkulin mo lamang ay iparating ang mensahe sa kanila.
42. Ang Allâh (I), Siya ang kumukuha ng mga kaluluwa sa oras ng kamatayan nito, na ito ay ang tunay na kamatayan bilang kamatayan na katapusan ng buhay, at ganoon din kinukuha rin Niya ang kaluluwa ng sinumang hindi pa natatapos ang kanyang buhay sa oras ng kanyang pagtulog na ito ay tinatawag na maliit na kamatayan. Hindi na Niya ibinabalik pa ang kaluluwa ng sinumang nakatakda na ang kamatayan para sa kanya, at ibinabalik naman ang ibang kaluluwa sa katawan nito kapag hindi pa oras ng kamatayan upang bubuin ang nakatakdang buhay at kabuhayan nila.
Katiyakan, sa pagkuha ng Allâh (I) sa kaluluwa ng mga namamatay at sa mga natutulog at ang pagbabalik Niya sa kaluluwa ng natutulog at pagpapanatili Niya (o di na Niya pagbabalik) sa kaluluwa (sa katawan) na nakatakda na ang kamatayan, ay mga malilinaw na palatandaan sa kakayahan ng Allâh (I) para sa sinumang nag-iisip at nagsusuri.
43. O di kaya ay kumuha ba sila na mga ‘Mushrikun’ – sumasamba ng iba na mga diyus-diyosan bukod sa Allâh (I) – ng iba na sinasamba bilang tagapamagitan nila, na tutulong sa kanila sa Allâh (I) upang makamtan nila ang kanilang mga pangangailangan? Sabihin mo, O Muhammad, sa kanila: “Itinuturing ba ninyo ang mga ito bilang tagapamagitan sa inyo na tulad ng inyong pag-aangkin, kahit na ang mga diyus-diyosan na ito ay walang anumang pagmamay-ari at walang pag-iisip na malaman ang inyong ginawang pagsamba sa kanila?”
44. Sabihin mo, O Muhammad, sa kanila na mga walang pananampalataya: “Ang Allâh (I) lamang ang Siyang Nagmamay-ari ng kapahintulutan sa lahat ng uri ng pamamagitan, Pagmamay-ari Niya ang mga kalangitan at ang kalupaan at ang anumang nasa loob nito, na kung kaya, ang lahat ng bagay ay bukod-tanging Pagmamay-ari lamang ng Allâh (I), at walang sinuman ang makapapamagitan sa Kanya maliban sa sinumang pinahintulutan Niya, na kung kaya, dahil sa Siya ang Nagmamay-ari ng mga kalangitan at kalupaan na Siya ang nangangasiwa nito, nararapat lamang kung gayon na kung sino ang tunay na Tagapagmay-ari nito ay sa Kanya lamang hilingin ang pamamagitan at Siya lamang ang bukod-tanging sambahin, at hindi maaaring hilingin sa mga diyus-diyosan na hindi man lamang nakapagsasanhi ng kapinsalaan ni nakapagdudulot ng kapakinabangan, pagkatapos sa Kanya (Allâh I) lamang kayo babalik lahat pagkatapos ng inyong kamatayan para sa paghahatol at pagbabayad.”
45. At kapag binanggit o pinuri ang Allâh (I) na Bukod-Tangi ay nayayamot ang mga puso ng mga hindi naniniwala sa Kabilang-Buhay at sa Pagkabuhay na Mag-uli pagkatapos ng kamatayan, at kapag binanggit naman yaong iba na bukod sa Kanya na mga rebulto at mga diyus-diyosan at ang kanilang mga sinasandalan ay nagagalak sila; dahil ang pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I) ang sinasang-ayunan ng kanilang mga pagnanasa.
46. Sabihin mo, O Muhammad: “O Allâh (I) na Tagapaglikha ng mga kalangitan at kalupaan, at Nagpasimula ng paglikha nang walang pinanggayahan! Ang Ganap na Nakaaalam ng mga lihim at mga lantad! Ikaw ang maghuhukom sa pagitan ng Iyong mga alipin sa Araw ng Muling Pagkabuhay sa kanilang hindi pinagkasunduan hinggil sa Iyo, at sa Iyong Kadakilaan, Kaharian, at ang paniniwala sa Iyo at sa Iyong Sugo, gabayan Mo ako tungo sa Katotohanan na hindi nila pinagkasunduan bilang Iyong kagustuhan, dahil sa Ikaw sa katotohanan ang naggagabay sa sinuman na Iyong nais tungo sa Matuwid na Landas.”
Ito ay kabilang sa mga panalangin ng Propeta at ito ay ipatuturo sa mga alipin ng Allâh (I) kung paano magsumamo sa Allâh (I) at manalangin sa Kanya sa pamamagitan ng Kanyang mga magagandang Pangalan at Kataas-taasan na mga Katangian.
47. Kung sakaling magkakaroon ang mga hindi naniniwala sa Allâh (I) ng kayamanan na kasingdami ng niloloob ng mundo, at kahit na ito ay dagdagan pa rin ng ganitong kasingdami, at gagastahin nila sa Araw ng Muling pagkabuhay upang tubusin nila ang kanilang mga sarili mula sa kaparusahan, at kung sakaling mayroon man sila ng ganito at ipantubos nila ito ay hindi ito tatanggapin sa kanila, na kung kaya, walang anumang makapagtutubos sa kanila na anumang bagay mula sa kaparusahan ng Allâh (I), at lalantad sa kanila sa Araw na yaon ang kagustuhan ng Allâh (I) at ang Kanyang kaparusahan na hindi nila inaasahan sa daigdig na ito ay mangyayari sa kanila.
48. At lumantad sa kanila na mga walang pananampalataya sa Araw ng Paghahatol ang kabayaran sa kasamaan na kanilang ginawa; dahil itinangi nila sa Allâh (I) ang hindi karapat-dapat na para sa Kanya at nakagawa sila ng mga kasalanan sa kanilang buhay, at napalibutan na sila ng matinding parusa sa lahat ng dako; bilang kaparusahan sa kanila sa kanilang kinagawian na panlalait sa babala ng parusa na ibinababala sa kanila ng Sugo at ito ay hindi nila pinapansin.
49. At kapag dumating sa tao ang kahirapan at kagipitan ay hihiling siya sa Amin na paginhawahin siya, at kapag inalis na Namin ang anuman na nangyari sa kanya at ipinagkaloob Namin sa kanya ang biyaya mula sa Amin ay babalik na naman siya sa pagtanggi sa Allâh (I) at sa Kanyang kagandahang-loob, at kanyang sasabihin: “Katiyakan, ito ay nakamtan ko dahil sa kaalaman na nagmula sa Allâh (I) na ito ay karapat-dapat para sa akin,” gayong ito ay pagsubok na sinusubok ng Allâh (I) sa pamamagitan nito ang Kanyang mga alipin upang palitawan kung sino ang tatanaw ng utang na loob o di-tatanaw ng utang na loob, subali’t ang karamihan sa kanila dahil sa kanilang kamangmangan at maling pananaw at salita ay hindi nila ito batid; na kung kaya, itinuturing nila na ang ganitong pagsubok ay bilang kagandahang-loob.
50. Katiyakan, ang mga yaong nauna sa kanila na mga walang pananampalataya ay sinabi rin nila ang katulad nito, na kung kaya, walang nagawa ang anuman na kanilang nakamtan na mga kayamanan at mga anak.upang ilayo sa kanila ang parusa na dumating sa kanila.
51. Na kung kaya, naganap sa kanila na mga nagsasabi ng ganito na mga naunang mga tao ang parusa sa mga kasamaan na kanilang ginawa, na kung kaya, minadali sa kanila ang kapahamakan at pagpapahiya rito sa daigdig, at ang mga yaong inapi nila ang kanilang mga sarili mula sa iyong sambayanan, O Muhammad, sa pamamagitan ng pagtanggi at nagsabi ng mga ganitong kataga (salita) ay walang pag-aalinlangang magaganap sa kanila ang kaparusahan sa kanilang mga masasamang nagawa na katulad ng mga nangyari sa mga nauna sa kanila, at kailanman ay hindi sila makaliligtas sa Allâh (I) at hindi nila Siya mauunahan.
52. O di kaya, hindi ba nila alam na katiyakang ang kabuhayan na ipinagkaloob ng Allâh (I) sa tao ay hindi nangangahulugan na ang tao na ito ay mabuti, dahil walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) ay napakalalim at napakalawak ng Kanyang karunungan na niluluwagan Niya sa kabuhayan ang sinuman na Kanyang nais mula sa Kanyang alipin, mabuti man ito o masama, at ginigipit (o hinihigpitan) Niya ang sinuman na Kanyang nais mula sa kanila? Katiyakan sa pagpapaluwag ng Allâh (I) at Kanyang pagpapahigpit sa pagkakaloob ng kabuhayan ay malilinaw na mga palatandaan sa mga tao na naniniwala sa kautusan ng Allâh (I) at kanilang sinusunod.
53. Sabihin mo, O Muhammad, sa Aking mga aliping nasa kasamaan at nagmalabis sa pang-aapi sa kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagsagawa ng anumang ipinag-uutos ng kanilang mga sarili na kasalanan: “Huwag kayong mawalan ng pag-asa sa Awa ng Allâh (I); dahil kahit sa dami ng inyong kasalanan, katiyakan, ang Allâh (I) ay pinatatawad Niya ang lahat ng kasalanan ng sinumang nagsisi at umiwas sa kasalanan kahit anuman ito. Katotohanan, Siya ay ‘Al-Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa mga kasalanan ng mga nagsipagsisi mula sa Kanyang mga alipin, na ‘Ar-Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila.”
54. “At magbalik-loob kayo sa Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, O kayong mga tao, sa pamamagitan ng pagsunod at pagsisisi, at magpakumbaba kayo sa Kanya bago dumating sa inyo ang Kanyang kaparusahan, at pagkatapos ay wala nang makatutulong sa inyo bukod sa Allâh (I).”
55. At sundin ninyo ang pinakamabuting ipinahayag sa inyo mula sa inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na ito ay ang Dakilang Qur’ân, at ang lahat ng nakapaloob dito ay mabuti, na kung kaya, sumunod kayo sa lahat ng Kanyang mga ipinag-uutos at umiwas sa lahat ng Kanyang mga ipinagbabawal bago dumating sa inyo ang kaparusahan nang biglaan samantalang ito ay hindi ninyo namamalayan.
56. At sumunod kayo sa Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha at magbalik-loob sa Kanya upang walang panghinayangan ang bawa’t isa na sasabihin: “Kahabag-habag sa akin, sa aking pagsayang sa aking buhay sa daigdig upang gawin ang ipinag-utos ng Allâh (I), at sa aking pagkukulang sa pagsunod sa Kanya at sa Kanyang karapatan, dahil ako ay kabilang sa mga nangungutya sa ipinag-utos ng Allâh (I) noong ako ay nasa daigdig, at sa Kanyang Aklat, sa Kanyang Sugo at sa mga naniwala sa Kanya.”
57. O di kaya ay sasabihin niya: “Kung ginabayan lamang ako ng Allâh (I) tungo sa Kanyang ‘Deen’ ay naging kabilang ako sa mga matatakutin na umiwas sa pagsagawa ng pagsamba ng iba at mga kasalanan.”
58. O di kaya ay sasabihin niya kapag nakita niya ang kaparusahan ng Allâh (I) na nakapalibot sa kanya sa Araw ng Paghuhukom: “Sana ay makabalik pa ako sa buhay sa daigdig, upang ako ay maging kabilang sa mga yaong naging mabuti sa pagsunod sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at pagsagawa sa anumang ipinag-utos ng mga Sugo.”
59. Tunay na hindi ang kanyang sinasabi ang katotohanan! Katiyakan, dumating sa iyo ang Aming mga malilinaw na palatandaan, subali’t tinanggihan mo at nagmataas ka na di mo tinanggap at sinunod, na kung kaya, naging kabilang ka sa mga di-naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang mga Sugo.
60. At sa Araw ng Muling Pagkabuhay, makikita nila na mga walang pananampalataya na mga nagturing ng mga katangian sa Allâh (I) na hindi angkop at hindi karapat-dapat sa Kanya, at itinangi nila sa Kanya ang katambal at pagkakaroon ng anak bilang pagsisinungaling, na ang kanilang mga mukha ay maiitim. Di ba Impiyernong-Apoy ang patutunguhan at titirhan ng sinumang nagmataas sa Allâh (I) at tinanggihan ang Kanyang Kaisahan at pagsunod sa Kanya? Katotohanan nga!
61. At ililigtas ng Allâh (I) mula sa Impiyernong-Apoy at sa Kanyang parusa ang sinumang nagkaroon ng takot sa Kanya sa pamamagitan ng pagsagawa ng mga ipinag-uutos at pag-iwas ng mga ipinagbabawal, at ito ang kanilang tagumpay at pagsakatuparan ng kanilang minimithi, at ito ay ang kanilang pagkamit ng ‘Al-Jannah’ (Hardin), at hindi sila makakanti ng parusa sa Impiyerno nang kahit na kaunti, at wala na silang dapat na ikalungkot sa anuman na hindi nila nakamtan na kapakinabangan sa daigdig.
62. Ang Allâh (I), Siya ay ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng lahat ng bagay, Tagapagmay-ari at Tagapangasiwa, at lahat ng bagay ay nasa ilalim ng Kanyang pangangasiwa at pangunguntrol, at lahat ng bagay ay Siya ang Tagapangalaga.
63. Pagmamay-ari ng Allâh (I) ang mga susi ng imbakan sa mga kalangitan at kalupaan, pinagkakalooban Niya mula rito ang Kanyang nilikha sa anuman na Kanyang nais. At ang mga yaong hindi naniniwala sa Kanyang mga talata ng Banal na Qur’ân at sa anuman na niloloob nito na mga malilinaw na mga palatandaan, sila ang mga talunan dito sa daigdig dahil sa kanilang pagbalewala sa paniniwala at ang kanilang pananatilihan sa Kabilang-Buhay ay Impiyernong-Apoy.
64. Sabihin mo, O Muhammad, sa mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) mula sa iyong sambayanan: “Inuutusan ba ninyo ako na sumamba ng iba bukod Allâh (I), O kayo na mga mangmang at walang kaalaman hinggil sa Allâh (I), at kailanman ay hindi makabubuti ang pagsamba ng iba bukod sa Kanya?”
65. At katiyakan, ipinahayag sa iyo, O Muhammad, at sa mga Sugo na nauna sa iyo: “Kung ikaw ay sasamba nang bukod sa Allâh (I) ay mawawalan ng saysay ang iyong gawain at magiging kabilang ka sa mga mapapahamak at mga talunan dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay; dahil hindi tinatanggap ang anumang mabuting gawa kapag may kasamang pagtatambal o pagsamba ng iba.”
66. Hindi ang kanilang inaakala ang katotohanan! Sa halip ang iyong sambahin ay ang Allâh (I), O Muhammad, na taos-puso ang iyong pagsamba sa Kanya, na Bukod-Tangi at walang katambal, at maging kabilang ka sa mga tumatanaw ng utang na loob sa Allâh (I) sa Kanyang mga biyaya.
67. At hindi dinakila ng mga ‘Mushrikun’ – sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) – ang Allâh (I) ng tunay na karapat-dapat na pagdakila para sa Kanya; dahil sumamba sila ng iba bukod sa Kanya na walang anumang naidudulot na kapakinabangan at di man lamang makasasanhi na kapinsalaan, at ipinantay nila ang nilikha na walang kakayahan sa Dakilang Tagapaglikha, na kabilang sa Kanyang Dakilang kakayahan ay ang buong kalupaan sa Kabilang-Buhay ay nasa ilalim lamang ng pagtatangan ng Kanyang Kamay, at ang mga kalangitan ay ititiklop (o irorolyo) sa Kanyang Kanang Kamay, Luwalhati sa Allâh (I) na Siya ay Dakila, na malayo sa anumang sinasambang iba ng mga sumasamba ng iba bukod sa Kanya.
Dito sa talatang ito ang katibayan hinggil sa pagtatangan ng Kamay, ang Kanang Kamay at pagtitiklop (pagrorolyo), na Pagmamay-ari ng Allâh (I) ang lahat ayon sa Kanyang Kadakilaaan, Kamaharlikaan, na hindi maaaring itanong ang pagiging ‘paano’ (o ‘kayfiyyah’) nito (sapagka’t ito nga ay ayon sa Kanyang Kadakilaan at Kamaharlikaan) at walang paghahambing.
68. At hihipan ang Trumpeta, na sa pamamagitan nito ay mamamatay ang lahat ng nasa kalangitan at nasa kalupaan, maliban sa sinumang naisin ng Allâh (I) na hindi mamatay, pagkatapos ay hihipan ng anghel sa ikalawang pag-ihip bilang pag-umpisa ng Pagbubuhay na Mag-uli sa lahat ng nilikha para sa Paghuhukom sa harapan ng Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at doon sila ay nakatayo lahat na buhay mula sa kanilang libingan na nakamasid lamang at naghihintay sa anumang gagawin sa kanila.
69. At magniningning ang kalupaan sa Araw ng Muling Pagkabuhay dahil sa lalantad ang Allâh (I) na katotohanan sa Kanyang mga nilikha upang pagpasiyahan ang hatol, at ikakalat ng mga anghel ang mga talaan ng bawa’t isa, at ihaharap ang mga Propeta at mga testigo laban sa kanilang mga sambayanan; upang tanungin ng Allâh (I) ang mga Propeta hinggil sa kanilang pagpaparating ng mensahe at kung paano sila tinugunan ng kanilang sambayanan, at darating din ang sambayanan ni Muhammad; upang titestigo sa pagpaparating ng mensahe ng mga Sugo na nauna kaysa sa kanilang sambayanan, kapag hindi umamin ang mga sambayanan na ito sa pagpaparating ng mensahe ay doon maitatatag ang katibayan laban sa kanila, at pagpasiyahan ng Allâh (I) na ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng lahat ng mga nilalang ang pagitan ng Kanyang mga alipin nang ganap na makatarungan, at kailanman sila ay hindi dadayain nang kahit na katiting na mababawasan ang kanilang gantimpala o madaragdagan ang kanilang kaparusahan.
70. At bawa’t tao ay babayaran ng katumbas ng kanyang ginawa, masama man ito o mabuti, at Siya, ang Allâh (I) ay Ganap na Nakaaalam sa kanilang mga ginawa rito sa daigdig na pagsunod o di kaya ay paglabag.
71. At dadalhin sila na mga di-naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang mga Sugo tungo sa Impiyernong-Apoy na grupo-grupo, hanggang kapag sila ay dumating na roon ay nabuksan na pala ng mga tagapamahala ng Impiyerno ang pitong pintuan nito, at sisisihin nila (na may kasamang galit at pangungutya) sila at kanilang sasabihin: “Paano ninyo nilabag ang Allâh (I) at binalewala ang Kanyang pagiging Tagapaglikha at pagiging Tagapangasiwa? Hindi ba ipinadala sa inyo ang mga Sugo na mula sa inyo na binabasa nila sa inyo ang mga talata ng inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at binabalaan kayo sa kagimbal-gimbal na mangyayari sa Araw ng ito?” Sasabihin nila bilang pag-amin sa kanilang pagkakasala: “Oo nga, tunay na dumating sa amin ang mga Sugo ng aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha nang makatotohanan, at binalaan kami sa pagdating ng Araw na ito, na kung kaya, naging makatwiran at karapat-dapat ang Salita ng Allâh (I) na ang Kanyang parusa ay para sa mga hindi naniwala sa Kanya.”
72. At sasabihin sa mga tumanggi at walang pananampalataya bilang pagmamaliit at paghamak sa kanila: “Pumasok na kayo sa mga pintuan ng Impiyernong-Apoy na mananatili kayo roon magpasawalang-hanggan, at napakasama ng patutunguhan ng mga nagmataas na hindi naniwala sa Allâh (I) at hindi sumunod ng Kanyang batas.”
73. At aakayin ang mga yaong natakot sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na naniwala sa Kanyang Kaisahan at sumunod sa Kanya tungo sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) nang grupu-grupo, hanggang sa kapag dumating na sila roon ay matatagpuan nila ang mga pintuan nito na nakabukas na, at iistimahin sila ng mga anghel na pinagkatiwalaan doon, at babatiin sila ng maaliwalas at masasaya sila; dahil sa kanilang kalinisan mula sa mga kasalanan at sasabihin sa kanila: “Salâmu `alaykum – kapayapaan ay sumainyo bilang kaligtasan sa lahat ng di kanais-nais, napakabuti ng inyong kalagayan, na kung kaya, pumasok na kayo sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) na rito ay mananatil kayo magpasawalang-hanggan.”
74. At sasabihin ng mga mananampalataya: “Lahat ng papuri at pasasalamat ay sa Allâh (I) na tinupad Niya ang Kanyang pangako sa amin, na Kanyang ipinangako para sa amin na sinabi ng Kanyang mga Sugo at ipinagkaloob sa amin ang ‘Al-Jannah’ (Hardin) na tutungo kami saan mang lugar doon na aming naisin, napakabuti ng gantimpala sa mga mabubuti na nagsumikap sa pagsunod sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha.”
75. At makikita mo ang mga anghel, O Muhammad, na nakapalibot sa ‘`Arsh’ ng Allâh (I) na Pinakamahabagin, dinarakila nila ang Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha na ligtas at malayo sa anumang hindi karapat-dapat na para sa Kanya, at pagpapasiyahan ng Allâh (I) ang Kanyang paghuhukom sa pagitan ng Kanyang mga nilikha nang makatotohanan at makatarungan, at pinatira sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) ang mga naniwala sa Kanya at sa Impiyerno naman ang mga hindi naniwala sa Kanya. At sasabihin: “Papuri sa Allâh (I) na ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng lahat ng mga nilalang sa anuman na Kanyang pinagpasiyahan sa pagitan ng mga taga-Hardin (Al-Jannah) at taga-Impiyerno, bilang papuri sa kagandahan at kabutihan, at papuri sa katarungan at karunungan.”
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment