14
XIV – Sûrat Ibrâhîm
[Kabanata Ibrâhîm – (Si Propeta) Abraham]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1-2. Alif-Lãm-Râ. Ang mga titik na ito ng Alpabetong ‘Arabic’ ay nauna nang naipaliwanag sa ‘Sûratul Baqarah.’ Ang Qur’ân na ito ay Aklat na Aming ipinahayag sa iyo, O Muhammad (r), upang alisin mo sa pamamagitan nito ang mga tao mula sa pagkaligaw patungo sa gabay at liwanag sa kapahintulutan ng Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa pamamagitan ng Kanyang gabay sa kanila tungo sa Islâm na ito ang Daan ng Allâh (I), na ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan, na ‘Al-Hameed’ – ang Nagmamay-ari ng lahat ng papuri, na pinupuri sa Kanyang mga katangian at sa Kanyang mga gawa sa lahat ng pagkakataon, ang Allâh (I) na Siyang Nagmamay-ari ng lahat ng nasa kalangitan at nasa kalupaan, Nilikha Niya, Pagmamay-ari at Pinangangasiwaan, na kung kaya, Siya lamang ang bukod-tangi na karapat-dapat sambahin. At walang pag-aalinlangan, matatamo ng mga walang pananampalataya ang kapahamakan at ang masidhing kaparusahan sa Araw ng Muling Pagkabuhay.
3. At sila na tumanggi sa Tamang Paniniwala, na sila ay ang mga yaong pinili nila ang buhay sa daigdig na may hangganan at binalewala nila ang walang-hanggang buhay sa Kabilang-Buhay, at pinipigilan nila ang mga tao na sumunod sa Relihiyon (o ‘Deen’) ng Allâh (I), at naghahangad sila na baluktutin ang Daan ng Katotohanan na sasang-ayon sa kanilang kagustuhan – ang mga yaong nagtataglay ng ganitong katangian ay nasa pagkaligaw na malayo sa katotohanan at sa lahat ng pamamaraan ng patnubay.
4. At wala Kaming ipinadala na Sugo na nauna sa iyo, O Muhammad (r), kundi Sugo rin na katulad ng wika ng kanyang sambayanan; upang linawin sa kanila ang batas ng Allâh (I). Na kung kaya, inililigaw ng Allâh (I) ang sinuman na Kanyang nais mula sa patnubay at ginagabayan Niya ang sinuman na Kanyang nais tungo sa katotohanan. Siya ay ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan sa Kanyang Kaharian, na ‘Al-Hakeem’ – Ganap na Maalam na inilalagay Niya ang lahat ng bagay sa dapat nitong paglagyan ayon sa Kanyang karunungan.
5. At katiyakan na Aming ipinadala si Mousâ (u) tungo sa mga angkan ni Isrâ`îl at itinaguyod (sinuportahan) Namin siya sa pamamagitan ng mga himala na nagpapatunay ng kanyang pagiging totoo, at inutusan Namin siya na hikayatin sila tungo sa tamang paniniwala; upang sila ay maialis niya mula sa pagkaligaw tungo sa patnubay, at paalalahanan sila sa mga Biyaya ng Allâh (I) at Kanyang mga kaparusahan na nangyari sa kanyang kapanahunan. Katotohanan, sa pagpapaalaalang ito ay mga palatandaan na magdudulot ng mga aral sa sinumang nagtitiis sa mga paghihirap at pagsubok sa oras ng kagipitan at tumatanaw ng utang na loob sa kaginhawaan at mga biyaya, at binanggit sila sa pagpapapahayag na ito; dahil sila ang nagkakamit ng mga aral at hindi nila ito nakalilimutan.
6. At ipaalaala mo, O Muhammad (r), sa iyong sambayanan ang kuwento hinggil kay Mousâ (u) noong kanyang sinabi sa mga angkan ni Isrâ`îl: “Alalahanin ninyo ang biyaya ng Allâh (I) sa inyo sa panahon na iniligtas kayo mula kay Fir`âwn at sa kanyang mga tagasunod na pinarusahan kayo ng matinding parusa, at ipinapatay ang inyong mga anak na kalalakihan hanggang sa wala nang lilitaw mula sa kanila na mamumuno na siyang papalit sa kaharian ni Fir`âwn, at pinananatili naman nilang buhay na inaapi ang mga kababaihan at ang mga ipinapanganak na babae; at para sa inyo sa pagpapahirap na ito at inyong pagkaligtas ay malaking pagsubok na mula sa inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha.”
7. At sinabi sa kanila ni Mousâ: “At alalahanin ninyo noong ipinahayag ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha nang may tiyak na pagkakapahayag: kapag kayo ay nagpasalamat sa Kanyang mga Biyaya ay katiyakan na daragdagan pa Niya ito sa inyo mula sa Kanyang Kagandahang-Loob, subali’t kapag kayo ay tumanggi at binalewala ninyo ang Biyaya ng Allâh (I) ay katiyakan ding parurusahan Niya kayo ng masidhing kaparusahan.”
8. At sinabi sa kanila: “Kung kayo ay hindi naniwala sa Allâh (I), kayo at ang lahat ng nasa ibabaw ng kalupaan, kailanman ay hindi ninyo mapipinsala ang Allâh (I) ng kahit na katiting; dahil katiyakang ang Allâh (I) ay ‘Ghanee’ – Napakayaman na Ganap na Malaya mula sa lahat ng pangangailagan na hindi nangangailangan ng kahit na ano sa Kanyang mga nilikha, na Siya ay ‘Hameed’ – Nagmamay-ari ng lahat ng papuri na Ganap na Pinupuri sa Kanyang mga katangian at sa Kanyang mga gawa sa lahat ng pagkakataon.”
9. Hindi ba dumating sa inyo, O sambayanan ni Muhammad (r), ang kuwento ng mga naunang tao sa inyo, na sambayanan ni Nûh (u), sambayanan ni Hûd (u), sambayanan ni Sâleh (u)? At ang mga sambayanan na dumating pagkatapos nila? Walang sinuman ang nakabibilang sa kanila nang ganap dahil sa dami nila kundi ang Allâh (I). Sa kanila dumating ang kanilang mga Sugo na may dala-dalang malilinaw na mga katibayan, subali’t kinagat nila ang kanilang mga kamay dahil sa tindi ng kanilang pagkapoot, pagmamataas at pagtanggi sa Tamang Paniniwala, at kanilang sinabi sa mga Sugo na ipinadala sa kanila: “Katiyakang hindi namin pinaniniwalaan ang anumang dala-dala ninyo para sa amin, at katiyakang kami ay nasa pag-aalinlangan sa anumang inihihikayat ninyo sa amin tungo sa paniniwala at sa Kaisahan ng Allâh (I), na ito ay isang bagay na kaduda-duda.”
10. Sinabi sa kanila ng kanilang mga Sugo: “Sa pagiging Allâh (I) ba ng Allâh (I) at bukod-tanging pagsamba lamang sa Kanya ay may pag-aalinlangan pa ba sa bagay na ito, samantalang Siya ay Tagapaglikha ng mga kalangitan at kalupaan, at ito ay Kanyang ginawa mula sa wala na wala Siyang anumang pinagkunan o pinanggayahan? Na Siya ay naghihikayat sa inyo tungo sa tunay na paniniwala upang patawarin kayo mula sa inyong pagkakasala, at panatilihin dito sa daigdig hanggang sa Kanyang itinakdang hangganan na ito ay ang katapusan ng inyong buhay, na kayo ay hindi Niya parurusahan dito sa daigdig?”
At kanilang sinabi sa kanilang Sugo: “Kayo ay mga tao lamang na katulad din namin, na ang katangian ninyo ay hindi rin nakahihigit sa mga katangian namin para kayo ay maging karapat-dapat na mga Sugo! Nais lamang ninyo kaming alisin sa kung ano ang kinagawian na pagsamba ng aming mga ninuno sa mga rebulto at diyus-diyosan, kung gayon, magpakita kayo ng malinaw na katibayan para patunayan ang inyong mga sinasabi!”
11. Nang marinig ng mga Sugo ang sinabi ng kanilang sambayanan ay sinabi nila sa kanila: “Walang pag-aalinlangan, kami ay tao rin na katulad ninyo na tulad ng inyong inaangkin, Subali’t ipinagkakaloob ng Allâh (I) ang Kanyang mga Biyaya sa sinuman na Kanyang nais mula sa Kanyang mga alipin at pinipili Niya sila para magdala ng Kanyang mensahe. At ang hinihingi ninyong malinaw na katibayan ay hindi kami ang may karapatan na magpakita sa inyo maliban na lamang kung pahihintulutan ng Allâh (I) at sa Kanyang pamamatnubay. At sa Allâh (I) na Bukod-Tangi ipinauubaya ng mga mananampalataya ang kanilang mga sarili sa lahat ng pangyayari sa kanila.”
12. At paano namin hindi ipauubaya ang aming mga sarili sa Allâh (I), samantalang Siya ang naggabay sa amin tungo sa kaligtasan mula sa Kanyang kaparusahan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga alituntunin ng Kanyang ‘Deen?’ At walang pag-aalinlangang titiisin namin ang anumang pang-aapi ninyo sa amin sa pamamagitan ng inyong mga masasamang salita, at sa Allâh (I) na Bukod-Tangi nararapat na ipagkatiwala ng mga mananampalataya ang kanilang mga sarili sa Kanyang tulong sa kanila at pagkapanalo nila laban sa kanilang mga kalaban.
13. At nagpasikip sa mga dibdib ng mga walang pananampalataya ang sinabi ng mga Sugo bilang pagkapoot, na kung kaya kanilang sinabi: “Katiyakan, itataboy namin kayo mula sa aming bayan hanggang sa kayo ay babalik sa aming pananampalataya.” Na kung kaya, ipinahayag ng Allâh (I) sa Kanyang mga Sugo: “Walang pag-aalinlangang pupuksain ang mga hindi naniwala na tumanggi sa paniniwala sa Kanya at sa Kanyang mga Sugo.
14. “At walang pag-aalinlangan, gagawin Namin na mabuti ang hantungan ng mga Sugo at ng kanilang mga tagasunod, na sila ang hahalili na maninirahan sa lugar ng mga walang pananampalataya pagkatapos ng mga itong mapuksa, ang pagpuksang ito sa mga walang pananampalataya at paghalili sa paninirahan ng mga mananampalataya sa kanilang mga lugar ay isang katiyakan para sa sinuman na natatakot sa kanyang pakikipagharap sa Akin sa Araw ng Muling Pagkabuhay, at natatakot sa Aking babala at kaparusahan.”
15. At itinuon ng mga Sugo ang kanilang mga sarili sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at hiningi nila ang pagkapanalo at tagumpay laban sa kanilang mga kaaway at ito ay dininig sa kanila; at napahamak ang lahat ng mga nagmataas na hindi tumanggap ng katotohanan at hindi nagpapasailalim (sa katotohanang) ito, at hindi naniwala sa Kaisahan ng Allâh (I) at sa bukod-tanging pagsamba lamang sa Kanya.
16. Sa harapan niya na walang pananampalataya ay Impiyerno na siya ay doon parurusahan, at paiinumin ng kumukulong nana at dugo na lumalabas mula sa katawan ng mga nasa Impiyerno.
17. Pinipilit ng mapagmataas na lunukin ang kumukulong nana at dugo at iba pa na mula sa mga katawan ng nasa Impiyerno nang paulit-ulit, subali’t magkakaroon sila ng masidhing kahirapan na lunukin ito dahil sa dumi, init at pait nito, at darating sa kanya ang napakahirap na kaparusahan na iba’t ibang uri at maging sa buong bahagi ng kanyang katawan, na siya ay hindi mamamatay upang makapagpahinga, at para pa rin sa kanya pagkatapos ng parusang ito ay isa pang muli na masidhing kaparusahan at ito ay magpapatuloy magpasawalang-hanggan.
18. Ang paghahambing sa mga gawain ng mga walang pananampalataya rito sa daigdig na kabutihan at pakikipag-ugnayan sa mga kamag-anak ay katulad ng alikabok na hinipan ng napakalakas na hangin sa araw na masama ang panahon, na kung kaya, walang anumang bakas na naiwan; samakatuwid, ganoon ang kanilang mga mabubuting gawain na wala silang matatagpuan mula roon na anumang kapaki-pakinabang sa kanila sa pagharap nila sa Allâh (I) dahil katiyakang napawalang-bisa ito dahil sa kanilang hindi paniniwala na katulad ng nangyari sa mga alikabok na hinipan ng malakas na hangin, at ganoon ang pagsisikap at gawain na walang pundasyon, at ito ang pagkaligaw na napakalayo mula sa Matuwid na Landas.
19. Hindi mo ba nakikita, ikaw O Tao, na ang Allâh (I) ay katiyakang lumikha ng mga kalangitan at ng kalupaan sa tamang paglikha na nagpapatunay ng Kanyang Karunungan, at katiyakang hindi Niya nilikha ang dalawang ito nang walang kadahilanan, kundi ito ay upang magpatunay sa Kanyang Kaisahan at kabuuan ng Kanyang Kapangyarihan, upang Siya ay sambahin nila nang bukod-tangi at hindi sila sasamba ng anuman bilang Kanyang katambal? Kung gugustuhin Niya ay aalisin kayong lahat at papalitan kayo ng ibang mga tao na higit na sumusunod sa Kanya kaysa inyo.
20. At ang paglipol sa inyong lahat at pagpalit sa inyo ng iba ay hindi mahirap sa Allâh (I), kundi ito ay napakadali lamang.
21. At lilitaw ang lahat ng tao mula sa kanilang mga libingan sa Araw ng Muling Pagkabuhay upang humarap sa Allâh (I) na Bukod-Tangi at Tagapagkontrol ng lahat; upang sila ay hukuman, at sasabihin ng mga tagasunod sa kanilang mga pinuno: “Katiyakang kami ay tagasunod lamang ninyo sa dagidig, ginagawa lamang namin ang ipinag-uutos ninyo, na kung kaya, maaari ninyo ba kaming iligtas at ipagtanggol mula sa kaparusahan ng Allâh (I) na katulad ng inyong ipinangako sa amin?” Sasabihin ng mga namuno: “Kung ginabayan lamang kami ng Allâh (I) tungo sa Tamang Paniniwala ay gagabayan din namin kayo, subali’t hindi Niya kami ginabayan, kaya kami ay naligaw at iniligaw namin kayo, na kung kaya, pareho lamang sa amin kung kayo ay mapopoot o magtitiis, na wala na tayong magagawa pa upang takasan ang parusa at hindi na tayo maliligtas pa.”
22. At sasabihin ni ‘Shaytân’ pagkatapos hukuman ng Allâh (I) at pagbayarin ang mga tao, at nakapasok na sa Hardin (‘Al-Jannah’) ang mga taga-Hardin at sa Impiyerno ang mga taga-Impiyerno: “Walang pag-aalinlangang pinangakuan kayo ng Allâh (I) ng tunay na pangako ng Pagkabuhay na Mag-uli at Paghuhukom, at pinangakuan ko naman kayo ng hindi totoong pangako na aking sinasabi na katiyakang walang Pagkabuhay na Mag-uli at Paghuhukom, at ipinagkanulo ko kayo. Wala akong kapangyarihan na pilitin kayong sumunod sa akin at wala rin akong katibayan kundi paghihikayat lamang tungo sa pagtanggi at hindi paniniwala at pagkaligaw, subali’t tumugon naman kayo sa panlilinlang kong panawagan. Na kung kaya, huwag ninyo akong sisihin kundi ang sisihin ninyo ay ang inyong mga sarili, dahil ang pagkakasala ay sa inyo. Hindi ko kayo matutulungan ni kayo ay hindi rin ninyo ako matutulungang mailigtas mula sa kaparusahan ng Allâh (I). Na kung kaya, walang pag-aalinlangang tinanggihan ko ang anumang pagturing ninyo sa akin na katambal ng Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsunod ninyo sa akin sa daigdig. Katiyakang ang mga masasama, sa kanilang pagtalikod sa katotohanan at pagsunod sa kamalian ay para sa kanila ang masidhing kaparusahan.”
23. At papapasukin ang mga yaong naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo na gumawa ng mga mabubuting gawa sa mga Hardin (‘Al-Jannah’) na umaagos ang mga ilog sa ilalim ng mga puno at mga palasyo nito, at sila ay mananatili roon magpasawalang-hanggan, sa Kapahintulutan ng kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha bilang Kapangyarihan at Lakas, at mamumuhay sila roon nang may kapayapaan mula sa Allâh (I) na kasama ang Kanyang mga anghel at mga mananampalataya.
24. Hindi mo ba nakikita, O Muhammad (r), kung paanong nagbigay ang Allâh (I) ng parabola (halimbawa)? Isang mabuting salita na ito ay patungkol sa ‘Kalimatu Tawheed’ – Kaisahan ng Allâh (I) – ay katulad ng isang mabuting puno na ito ay puno ng palmera ng ‘Tamr’ o datiles na ang ugat nito ay mahigpit na kumakapit sa kalupaan at ang sanga nito ay matataas na patungo sa kalangitan?
25. Na nagbibigay ito ng bunga sa lahat ng pagkakataon sa Kagustuhan ng ‘Rabb’ nito at ganoon din ang puno ng pananampalataya na kumapit ang ugat nito sa puso ng mananampalataya nang buong kaalaman at paniniwala, at ang sanga nito ay mga mabubuting gawa at kalugud-lugod na pag-uugali na umaangat patungo sa Allâh (I) na nakakamtan ang gantimpala nito sa bawa’t sandali. At nagbigay ng halimbawa ang Allâh (I) sa sangkatauhan; upang sila ay makaalaala at makakuha ng mga aral.
26. At ang parabola (o paghahambing) ng masamang salita – ‘kalimatul kufri,’ na ito ay salita ng paglabag sa Allâh (I) – ay katulad ng masamang puno, na masama ang pinagmulan nito at masama rin ang bunga nito na katulad ng puno ng ‘handhal’ (isang napakapait at walang amoy na halaman) na nabubunot sa ibabaw ng kalupaan dahil ang mga ugat nito ay halos nasa ibabaw lamang at wala itong matatag na pundasyon at wala rin itong mahahabang sanga, at ganoon din ang mga walang pananampalataya ay hindi matatag at walang mapapalang kabutihan, at walang anuman sa mabuting gawa niya ang tatanggapin ng Allâh (I).
27. Pinatatatag ng Allâh (I) ang mga yaong naniwala sa pamamagitan ng matibay na salitang katotohanan, na ito ay ang pagtestigo ng – ‘Lâ i-lâ-ha il-lal-lâh’ – walang sinuman ang may karapatan at karapat-dapat na sambahin kundi ang Allâh (I), at walang pag-aalinlangang si Muhammad (r) ay Sugo ng Allâh at ang anuman na kanyang dala-dala na ‘Deen’ ay katotohanan; na sa pamamagitan ng ‘Deen’ na ito ay patatatagin sila ng Allâh (I) dito sa buhay sa daigdig, at sa oras ng kanilang kamatayan sa pamamagitan ng mabuting pagtatapos, at ganoon din sa libingan ay gagabayan sila ng tamang pagsagot sa katanungan ng dalawang anghel. At inililigaw ng Allâh (I) ang masasama upang sila ay mapalayo sa katotohanan dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay, at ipinatutupad ng Allâh (I) ang Kanyang nais na patnubay sa mga naniwala at pagpapahamak naman sa mga walang pananampalataya at lumabag.
28-29. Hindi mo ba nakikita – O tao – ang katayuan ng mga nagpasinungaling mula sa mga walang pananampalataya na mga Quraysh na sa halip na sila ay magpasalamat sa Biyaya na kapayapaan na ipinagkaloob sa kanila sa ‘Haram’ – Makkah – at pagpapadala sa Propeta na si Propeta Muhammad (r) ay paglabag ang kanilang ginawa? At katiyakang inilagay nila sa pagkawasak sa Impiyerno ang kanilang mga tagasunod noong Labanan sa Badr na sila ay papasok doon – Impiyerno – at sila ay susunugin doon at malalasap nila ang init nito at ito ang pinakamasamang patutunguhan.
30. At sila na mga walang pananamplataya ay naglagay ng mga katambal sa pagsamba bilang kasama (o katambal) ng Allâh (I); upang mailayo nila ang mga tao mula sa Relihiyon (o ‘Deen’) ng Allâh (I). Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Magpakasarap na kayo rito sa daigdig; dahil ito sa katotohanan ay maglalaho at may hangganan, at katiyakang ang patutunguhan ninyo ay masidhing kaparusahan sa Impiyernong-Apoy.”
31. Sabihin mo, O Muhammad (r), sa aking mga alipin na naniwala na isagawa nila ang ‘Salâh’ sa tamang pamamaraan nito, at gugulin nila ang ilan sa mga ipinagkaloob Namin sa kanila na kayamanan sa mga daan ng kabutihan, ilihim man nila ito o ilantad, bago dumating ang Araw ng Muling Pagkabuhay na roon ay magiging wala nang saysay ang anumang pantubos o anumang kawanggawa.
32. Ang Allâh (I) ay Siyang Lumikha ng mga kalangitan at kalupaan at Nilikha Niya ang mga bagay na ito mula sa wala, at nagpababa ng ulan mula sa ulap na sa pamamagitan nito ay nabubuhay ang kalupaan pagkatapos nitong mamatay (matuyot), at nagpasibol mula rito para sa inyo ng inyong ikabubuhay, at ginawa Niyang madali para sa inyo ang paglayag ng sasakyang pandagat; na ito ay lumalayag sa karagatan ayon sa Kanyang Pag-aatas para sa inyong kapakinabangan, at ginawa rin Niya para sa inyong kapakinabangan ang mga ilog para inyong maging inumin at para sa mga hayop na inyong mga inaalagaan at ang inyong mga pananim at sa lahat ng inyong mga pangangailangan.
33. At ginawa ng Allâh (I) para sa inyong kapakinabangan ang araw at ang buwan na hindi tumitigil ang dalawang ito sa kanilang pag-inog; upang maisakatuparan ang kapakinabangan na nagmumula rito at ginawa rin Niya para sa inyo ang kapakinabangan ng gabi; upang kayo ay makapagpahinga, at ganoon din ang araw; upang kayo ay makahanap ng anumang inyong ikabubuhay mula sa Allâh (I) at itaguyod ang inyong kabuhayan.
34. At ipinagkaloob sa inyo ang lahat ng inyong mga kahilingan, at kahit bilangin pa ninyo ang lahat ng mga Biyaya ng Allâh (I) na ipinagkaloob sa inyo ay hindi kayo magkakaroon ng kakayahan na mabilang ang mga ito; dahil sa dami at iba’t ibang uri nito. Katiyakang ang tao ay napakarami ang kanyang pamiminsala at pang-aapi sa kanyang sarili, at marami ang kanyang ginawang pagtanggi at di-pagpapahalaga sa mga Biyaya ng Allâh (I) na kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha.
35. At alalahanin mo, O Muhammad (r), noong sinabi ni Ibrâhim (u) bilang panalangin sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, pagkatapos niyang patirahin ang kanyang anak na si Ismâ`il (u) at ang ina nito sa lambak ng Makkah: “O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Gawin Mo ang Makkah na mapayapang bayan at sanhiin Mo na mamuhay nang mapayapa at nasa katiwasayan ang sinumang maninirahan sa lugar na ito, at ilayo Mo ako at ang aking mga anak mula sa pagsamba ng mga diyus-diyosan.
36. “O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Katiyakan, ang mga diyus-diyosan ang siyang naging dahilan sa paglayo ng maraming tao mula sa Daan ng Katotohanan, na kung kaya, sinuman ang susunod sa akin sa pagsamba sa Iyong Kaisahan ay mapapabilang siya sa sumusunod sa aking ‘Deen’ at aking pamamaraan, at sinuman ang lalabag sa akin sa pamamagitan ng pagsagawa ng masama bukod sa kasalanang ‘Shirk’ ay walang pag-aalinlangan, Ikaw ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa mga kasalanan ng mga makasalanan dahil sa Iyong Kagandahang-Loob, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila, na pinatatawad Mo ang sinuman na Iyong nais mula sa kanila.
37. “O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Katiyakan pinatira ko ang ilan sa aking pamilya sa lambak na walang anumang tumutubong halaman at anumang tubig, na nasa tabi ng Iyong Banal na Tahanan (ang Ka`bah sa Makkah), O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha, katiyakang isinagawa ko ito dahil sa iyong Kautusan, upang maisagawa nila ang pagsa-‘Salâh’ sa tamang kaparaanan nito, na kung kaya, hinihiling ko na mapalapit sa mga puso ng mga tao ang lugar na ito at aasamin nilang makarating sa lugar na ito, at pagkalooban Mo sila sa lugar na ito ng iba’t ibang uri ng mga bunga (kabuhayan): upang sila ay tumanaw ng utang na loob sa Iyo dahil sa Iyong dakilang mga biyaya.” At dininig ng Allâh (I) sa kanya ang panalanging ito.
38. “O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Katiyakan, batid Mo kung anuman ang aming kinikimkim sa aming mga kalooban at kung anuman ang aming inilalantad. At walang anuman ang maililihim sa Iyong Kaalaman na anumang bagay na nasa kalupaan at gayon din sa mga kalangitan.”
39. Pumuri si Ibrâhim (u) sa Allâh (I) at kanyang sinabi: “Ang papuri ay sa Allâh (I) lamang na Siyang nagkaloob sa akin, kahit ako ay nasa katandaan na, ng mga anak na si Ismâ`il (u) at si Ishâq (u), pagkatapos kong manalangin na pagkalooban Niya ako ng pamilya na kabilang sa mga mabubuti. Katiyakan, ang aking ‘Rabb’ ay dinirinig Niya ang panalangin mula sa sinumang nananalangin at walang pag-aalinlangang nanalangin ako sa Kanya at kailanman ay hindi Niya ako binigo.”
40. “O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Gawin nito at ganoon din sa aking pamilya na magkaroon sa kanila ng patuloy na magsasagawa nito, O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Dinggin Mo ang aking panalangin at tanggapin Mo ang aking pagsamba.”
41. “O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Patawarin Mo ako sa anumang nagawa kong pagkakamali na hindi maiiwasan ng sinumang tao at patawarin mo ang aking mga magulang (na ito ay bago niya napatunayan na ang kanyang ama ay kabilang sa kalaban ng Allâh I) at patawarin Mo ang lahat ng mga mananampalataya sa Araw na ang mga tao ay haharap para sa paghuhukom at pagbabayad.”
42. At huwag mong isipin kailanman, O Muhammad (r), na ang Allâh (I) ay nakaliligtaan Niya ang ginagawa ng mga masasama na pagpapasinungaling sa iyo at sa iba pang mga Sugo at sa kanilang paninira sa mga mananampalataya; at sa iba pang mga kasalanan na kanilang ginagawa, dahil katiyakang inantala lamang ang pagpaparusa sa kanila hanggang sa pagdating ng matinding Araw (Araw ng Muling Pagkabuhay) na kung saan ay didilat ang kanilang mga mata; dahil sa makikita nilang kakila-kilabot na pangyayari. At ito ay bilang pampalubag-loob kay Propeta Muhammad (r).
43. Sa Araw na bubuhayin na mag-uli ang mga masasama, na sila ay tatayo mula sa kanilang mga libingan na nagmamadali upang tugunan ang panawagan ng tagapagpanawagan, na nakatingala ang kanilang mga ulo na parang wala silang anumang nakikita at hindi nila ikukurap ang kanilang mga mata at hindi nila ito ititingin sa kanilang mga sarili dahil sa sidhi ng pangyayari, at ang kanilang mga puso ay parang walang nilalaman dahil sa tindi ng kanilang pagkatakot sa kagimbal-gimbal na pangyayari na kanilang nasasaksihan.
44. At balaan mo, O Muhammad (r), ang mga tao na kung saan sa kanila ikaw ay ipinadala, sila ay balaan mo hinggil sa kaparusahan ng Allâh (I) sa Araw ng Muling Pagkabuhay, at doon ay sasabihin ng mga masasama na dinaya nila ang kanilang mga sarili dahil sa kanilang ginawang paglabag: “O aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Iantala Mo kami at bigyan Mo kami ng palugit upang kami ay maniwala sa Iyo at maniwala sa Iyong mga Sugo.” Subali’t sasabihin sa kanila bilang pagpapahiya sa kanila: “Hindi ba kayo sumumpa noong kayo ay nabubuhay pa, na kayo ay mananatili sa daigdig at hindi kayo mawawala roon patungo sa Kabilang-Buhay, at hindi ninyo pinaniniwalaan ang Pagkabuhay na Mag-uli?
45. “At kayo ang nanirahan (humalili) sa lugar ng mga walang pananampalataya na nauna kaysa inyo, na dinaya nila ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng paglabag sa Allâh (I) na katulad ng sambayanan nina Hûd (u) at Sâleh (u), at ito ay malinaw sa inyo dahil sa ikinuwento sa inyo ang ginawa Naming pagwasak sa kanila, at nagbigay pa Kami ng mga halimbawa sa Banal na Qur’ân subali’t kayo ay hindi natuto (hindi ito nagkaroon ng aral sa inyo)?”
46. At katiyakan, nagpakana ng masasamang pakana laban sa Sugo ng Allâh (I) ang mga ‘Mushrikûn’ – nagtatambal sa pagsamba o sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) – upang siya ay patayin, subali’t nasa pagtatangan ng Allâh (I) ang kanilang mga pakana at Siya ang Ganap na Nakaaalam hinggil sa kanila, at katiyakang bumalik sa kanila ang kanilang pakana, ni ang kanilang pakana ay hindi man lamang mag-aalis sa mga bundok sa kinalalagyan nito, ni kahit na katiting na pag-urong at kailanman ay hindi ito mangyayari o kahit na mas mahina pa kaysa bundok; dahil sa ito [ang mga itinatambal nila sa pagsamba sa Allâh (I) ay napakahina sa paningin ng Allâh (I)]. At kailanman ay hindi nila mapipinsala ang Allâh (I) ng kahit na anumang bagay subali’t ang kanilang pininsala ay ang kanilang mga sarili lamang.
47. Na kung kaya, huwag mong isipin, O Muhammad (r), na hindi tutuparin ng Allâh (I) ang Kanyang pangako sa Kanyang Sugo na tagumpay, pagkapanalo at pagkawasak ng sinumang hindi naniwala sa kanila (na mga Sugo). Walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) ay ‘`Azeezun Dhun Tiqâm’ – Napakadakila sa Kanyang Kapangyarihan at walang sinuman ang makapipigil sa Kanya, at gagantihan Niya ang mga kumalaban sa Kanya ng matinding paghihiganti.
48. At ang paghihiganti ng Allâh (I) sa mga kumakalaban sa Kanya sa Araw ng Muling Pagkabuhay na kung saan sa Araw na yaon ay papalitan Niya ang kalupaang ito ng ibang kalupaan na maputing-maputi na napakalinis na kasimputi ng pilak, at maging ang mga kalangitan ay papalitan (din) Niya ng panibagong kalangitan, at palilitawin Niya ang mga tao mula sa kanilang mga libingan na mga buhay upang sila ay humarap sa Allâh (I) na ‘Al-Wâhid’ – ang Bukod-Tangi at Nag-iisa, na Siyang ‘Al-Qahhar’ – Kumukontrol at Nangingibabaw sa lahat ng bagay, na Bukod-Tangi sa Kanyang Kadakilaan, sa Kanyang mga Pangalan, sa Kanyang mga Katangian, at sa Kanyang mga Gawain; at ang Kanyang Ganap na Pangingibabaw ay sa lahat ng bagay.
49. At makikita mo, O Muhammad (r), ang masasama sa Araw ng Muling Pagkabuhay na sila ay nakakadena, na pinagsamang nakakadena ang kanilang mga kamay at mga paa, na sila ay nasa pagkawasak at pagkahamak.
50. At ang kanilang mga kasuotan ay mula sa lusaw na alkitran na matindi ang paglalagablab nito at natatabunan ang kanilang mga mukha ng apoy na sinusunog ang mga ito.
51. Ginawa ito ng Allâh (I) sa kanila; bilang kabayaran sa kanila sa anumang nagawa nilang mga kasalanan dito sa daigdig, at ang Allâh (I) ay ginagantihan Niya ang lahat ng tao ayon sa kanyang gawa, mabuti man o masama. Walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) ay ‘Saree`ul Hisâb’ – Napakabilis ng Kanyang Pagtutuos.
52. Ang Banal na Qur’ân na Aming ibinaba sa iyo, O Muhammad (r), ay bilang paunang pagpapaalaala at babala sa mga tao; upang sila ay mapayuhan at mabalaan, nang sa gayon ay maniwala sila sa Allâh (I) na Bukod-Tangi na karapat-dapat na sambahin at sasambahin nila ang Allâh (I) nang bukod-tangi na walang katambal, at upang makaalaala at makakuha ng aral ang mga taong pinagkalooban o nagmamay-ari ng mga matitinong kaisipan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment