65
LXV – Sûrat At-Talâq
[Kabanata At-Talâq – Ang Paghihiwalay (o Diborsiyo)]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. O Propeta, kung nais ninyo – ikaw at ang mga mananampalataya – na hiwalayan ang inyong mga asawa ay hiwalayan ninyo sila sa kanilang mga ‘`Iddah’ – na ang ibig sabihin ay malinis na wala sa kalagayan ng buwanang-dalaw (o regla) at walang nangyaring pakikipagtalik – at pangalagaan ninyo ang ‘`Iddah;’ upang malaman ninyo ang eksaktong panahon ng inyong pakikipagbalikan kung nais ninyong makipagbalikan sa kanila, at katakutan ninyo ang Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha.
At huwag ninyong palabasin ang mga hiniwalayan na mga asawa sa kanilang mga tahanan na kung saan sila ay naninirahan hanggang sa matapos ang ‘`Iddah,’ at ito ay tatlong magkakasunod na pagdating ng buwanang-dalaw – maliban sa hindi pa nagkakaroon ng buwanang-dalaw dahil sa pagiging kabataan pa niya at ang hindi na talagang dinaratnan ng buwanang-dalaw at ang nasa kalagayan ng pagdadalang-tao, at hindi sila maaaring paalisin o umalis sa kanilang mga kinaroroonan na tahanan maliban na lamang sa mga yaong nakagawa ng malinaw na kasalanan na tulad ng pakikiapid.
At ito ay mga alituntunin na batas na itinala ng Allâh (I) sa Kanyang mga alipin. At sinuman ang lalabag sa mga batas na ito ay katiyakang hinamak niya ang kanyang sarili at inilagay niya sa kapahamakan. Hindi mo alam, O ikaw na nakipaghiwalay, na ang Allâh (I) ay maaaring magpalitaw ng pangyayari pagkatapos ng paghihiwalay na magiging sanhi ng pakikipagbalikan mo sa kanya.
2-3. At kapag malapit nang matapos ang itinakdang ‘`Iddah,’ alin sa dalawa, maaari kayong makipagbalikan sa kanila sa napakahusay na kaparaanan at pagtutustos sa kanilang pangangailangan o di kaya ay makipaghiwalay kayo sa kanila kalakip ang pagbibigay ng kabuuan ng lahat ng kanyang karapatan at hindi pagpapahamak sa kanila. At magpatestigo kayo sa inyong pagbabalikan o sa inyong paghihiwalay ng dalawang matutuwid mula sa inyong mga kalalakihan. At isagawa ninyo, O kayong mga testigo ang taos-puso na taimtim na pagtestigo na walang anumang ibang kadahilanan. Ito ang ipinag-utos sa inyo bilang pagpapayo sa sinumang naniwala sa Allâh (I) at sa Kabilang-Buhay, at sinuman ang may takot sa Allâh (I) na ginagawa niya ang anumang ipinag-utos sa kanya at iniiwasan niya ang anumang ipinagbawal ay ipagkakaloob sa kanya ng Allâh (I) ang solusyon upang siya ay makalabas sa lahat ng kagipitan, at ipagkakaloob sa kanya ang mga kaparaanan ng kabuhayan na hindi kailanman sumagi sa kanyang kaisipan at hindi niya ito kailanman inaasahan na magaganap. At sinuman ang ipinauubaya niya ang kanyang sarili sa Allâh (I) ay sapat na ang Allâh (I) sa kanya sa anuman na kanyang suliranin sa lahat ng larangan ng kanyang buhay. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ganap na ganap ang Kanyang Kautusan, na walang makalalampas sa Kanyang kaalaman, na nagaganap ang anuman na Kanyang nais. Katotohanan, nagtakda ang Allâh (I) sa lahat ng bagay ng katapusan at limitasyon (dito sa daigdig), at pagtatakda na hindi kailanman makalalampas dito ang anuman.
4. Ang mga kababaihan na hiniwalayan na hindi na sila dinaratnan ng buwanang-dalaw (o regla) dahil sa kanilang katandaan, at nagdadawang-isip kayo kung ano ang nararapat sa kanila, ang kanilang ‘`Iddah’ ay tatlong buwan; at ang mga yaong nasa edad pang kabataan na mga kababaihan na hindi pa dinaratnan ng buwanang-dalaw ay tatlong buwan din ang itinakdang ‘`Iddah’ para sa kanila. At para naman sa mga kababaihan na nasa kalagayan ng pagdadalang-tao, ang kanilang ‘`Iddah’ ay ang pagkatapos na ng pagluluwal sa kanilang sanggol; at sinumang natatakot sa Allâh (I) na ipinatutupad niya ang Kanyang batas ay gagawin ng Allâh (I) na madali para sa kanya ang anumang nais niyang bagay, dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.
5. Itong nabanggit hinggil sa paghihiwalay at sa ‘`Iddah’ ay kautusan mula sa Allâh (I) na ipinahayag sa inyo, O kayong mga tao; nang sa gayon ay ipatupad ninyo ito sa inyong mga sarili. At sinuman ang natatakot sa Allâh (I) na iniwasan niya ang Kanyang ipinagbabawal at sinunod niya ang Kanyang ipinag-uutos ay buburahin sa kanya ng Allâh (I) ang kanyang mga kasalanan, ipagkakaloob sa kanya ang masaganang buhay sa Kabilang-Buhay at papapasukin siya sa ‘Al-Jannah’ o Hardin.
6. Patirahin ninyo ang inyong mga hiniwalayan na asawa sa panahon ng kanilang ‘`Iddah’ sa mga tirahan na katulad ng inyong tinitirhan ayon sa inyong kakayahan, at huwag ninyo silang pahirapan na mamamaltrato sila sa pamamagitan ng di pagpapatira sa kanila sa karapat-dapat nilang pagtirhan na maaaring maging dahilan ng kanilang pag-alis. At kapag ang inyong hiniwalayan na mga asawa ay nasa mga kalagayan ng pagdadalang-tao ay tustusan ninyo sila sa kanilang pangangailangan sa panahon ng kanilang ‘`Iddah’ hanggang sa sila ay makapanganak. At pagkatapos, kung sila ang magpapasuso sa inyong mga anak na gagastusan ninyo sila ay ibigay ninyo sa kanila ang karapatan na kabayaran para sa kanila, at hayaan ng isa’t isa sa inyo na makikitungo nang mabuti at taos-puso. Subali’t kapag hindi kayo gagasta sa pagpapasuso ng ina ay tungkulin ng ama na hanapan ng ibang tagapagpasuso ang sanggol.
7. At hayaan ng asawang lalaki na gumasta batay sa kanyang kakayahan mula sa anumang ipinagkaloob sa kanya ng Allâh (I) sa kanyang asawa na hiniwalayan niya at sa kanyang anak na inaalagaan nito kung ang asawang lalaki ay maluwag sa kanyang pamumuhay. At kung siya naman ay mahirap sa kanyang pamumuhay ay hayaang gumasta lamang siya ayon sa kung ano ang ipinagkaloob ng Allâh (I) sa kanya na kabuhayan. At hindi inuutusan ang mahirap sa paggasta ng katulad ng Kanyang ipinag-utos sa mayaman, at walang pag-aalinlangang ipagkakaloob ng Allâh (I) ang kaluwagan at yaman pagkatapos ng kahirapan.
8-9. At maraming bayan ang naghimagsik laban sa kautusan ng Allâh (I) at ng Kanyang Sugo at tuwiran ang kanilang ginawa na paglabag at di-paniniwala; na kung kaya, pinagbayad Namin sila nang matinding pagbabayad dito sa daigdig dahil sa kanilang ginawa at pinarusahan Namin sila ng kagimbal-gimbal na parusa, na kung kaya, naganap sa kanila ang pinakamasamang bunga ng kanilang di-paniniwala, at ang pinakabunga ng kanilang di-paniniwala ay pagkawasak at pagkatalo na wala nang hihigit pa kaysa rito na pagkatalo.
10-11. Inihanda ng Allâh (I) sa kanila na mga lumabag at hindi sumunod sa Kanyang kautusan at sa Kanyang Sugo ang pinakamasidhing kaparusahan, na kung kaya, matakot kayo sa Allâh (I) at mag-ingat kayo sa Kanyang galit, O kayong mga pinagkalooban ng talino na nanampalataya sa Allâh (I) at sumunod sa Kanyang Sugo.
Katiyakan, ipinahayag ng Allâh (I) sa inyo, O kayong mga mananampalataya, ang paalaala na nagpapaalaala sa inyo at ipinababatid sa inyo ang inyong bahagi mula sa paniniwala sa Allâh (I) at pagsunod sa Kanyang kagustuhan. At itong pagpapaalaala ay ang Sugo na bibigkasin (o ihahayag) sa inyo ang mga talata ng Allâh (I) na lilinawin sa inyo ang katotohanan mula sa kamalian; upang alisin ang mga naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo at nagsagawa ng ipinag-utos sa kanila ng Allâh (I) at sumunod sa Kanya, mula sa mga kadiliman ng di-paniniwala tungo sa Liwanag ng Paniniwala. At ang sinumang naniwala sa Allâh (I) at gumawa ng kabutihan ay papapasukin sa mga Hardin na umaagos ang mga ilog sa ilalim ng mga puno nito, na sila ay mananatili roon magpasawalang-hanggan, katiyakan, ginawa ng Allâh (I) na mabuti sa mananampalatayang gumawa ng kabutihan ang kanyang kabuhayan sa ‘Al-Jannah’ (o Hardin).
12. Ang Allâh (I) na Bukod-Tangi ay Siyang lumikha ng mga pitong kalangitan at lumikha ng magkakapatong na pitong kalupaan, at nagbaba ng Kanyang kautusan mula sa anumang Kanyang ipinahayag sa Kanyang mga Sugo at sa Kanyang Pangangasiwa sa Kanyang nilikha sa pagitan ng mga kalangitan at kalupaan; upang mabatid ninyo, O kayong mga tao, na ang Allâh (I) ay ‘Qadeer’ – Ganap na Makapangyarihan sa lahat ng bagay na walang anumang makahihigit sa Kanya, at katiyakang saklaw ng kaalaman ng Allâh (I) ang lahat ng bagay na walang anuman ang maaaring makalabas (o maihiwalay) sa Kanyang kaalaman at kapangyarihan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment