21
XXI – Sûrat Al-Anbiyâ`
[Kabanata Al-Anbiyâ` – Ang mga Propeta]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Malapit na ang Araw ng Pagbabayad para sa mga tao, na kung saan sila ay huhukuman doon ayon sa kung ano ang kanilang nagawa, samantalang ang mga walang pananampalataya ay patuloy pa rin sa kanilang pagiging pabaya at pagbabalewala sa katotohanan at tinalikuran nila ang babalang ito.
2. Walang anumang dumating sa kanila na ipinahayag mula sa Banal na Qur’ân at binibigkas sa kanila kundi ito ay pagpapatuloy lamang ng naunang rebelasyon bilang babala sa kanila, samantalang pinakikinggan nila ito nang may paglalaro at pangungutya.
3. Hindi pinapansin ng kanilang mga puso ang Banal na Qur’ân dahil sila ay abala sa kanilang mga kamalian at walang kabuluhang bagay dito sa daigdig at sa kanilang mga pagnanasa na hindi nila ito iniintindi (inuunawa), bagkus ang mga masasama mula sa Quraysh ay nagkasundo na sila ay magpulung-pulong nang lihim na ito ay ang pangangalat nila ng kasiraan para pigilin ang mga tao sa paniniwala kay Muhammad (r) na sinasabi nila na: “Siya ay tao lamang na katulad ninyo na hindi siya naiiba sa inyo sa anumang bagay, at ang anumang dala-dala niya na Qur’ân ay salamangka, kaya paano kayo susunod sa kanya samantalang siya ay nakikita ninyo na tao lamang na katulad din ninyo?”
4. Ipinaubaya ni Propeta Muhammad (r) ang bagay na ito sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at kanyang sinabi: “Ang aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha ang Nakaaalam kung anuman ang nasa kalangitan at kalupaan at batid Niya kung ano ang inililihim ninyo na pag-uusap dahil Siya ay ‘As-Samee`’ – Ganap na Nakaririnig sa mga sinasabi ninyo, na ‘Al-`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa mga katayuan ninyo.” At ito kung gayon ay babala sa kanila.
5. Subali’t tinanggihan ng mga walang pananampalataya ang Banal na Qur’ân at may nagsasabi na: “Ito ay nahaluan ng mga panaginip na walang katotohanan, at mayroon namang nagsasabi na ito ay inimbento at kasinungalingan at hindi rebelasyon, at mayroon namang nagsasabi na si Muhammad (r) ay isang makata at ang dala-dala niya ay tula, na kung kaya, kung nais niya na paniwalaan natin siya ay magpakita siya ng malinaw na katibayan na katulad ng kamelyo ni Sâleh (u), mga kapangyarihan ni Mousâ (u) at saka ni `Îsã (Hesus u), at ang anumang dinala ng mga Sugo na mga nauna.”
6. Walang naniwala sa mga walang pananampalataya na mga nauna pa kaysa mga taga-Makkah, na noon ay hiniling ng mga yaon ang mga himala sa Sugo na ipinadala sa kanila at ito ay nangyari, subali’t pagkatapos noon ito ay kanilang pinasinungalingan, na kung kaya, winasak Namin sila; kung gayon, maniniwala ba ang mga walang pananampalataya sa Makkah kapag nangyari ang mga himala na kanilang hiniling? Hindi! Sila ay hindi maniniwala!
7. At hindi Kami nagpadala ng mga Sugo na nauna sa iyo, O Muhammad (r), kundi sila ay mga kalalakihan na kabilang sa lahi ng mga tao, na sa kanila Kami ay nagpahayag at hindi Kami nagpadala ng mga anghel. Kung gayon, tanungin ninyo, O kayong mga walang pananampalataya na mga taga-Makkah, ang mga nagtatangan ng kaalaman hinggil sa mga naunang Kasulatan kung ito ay hindi ninyo batid.
8. At hindi Namin ginawa ang mga yaong naunang Sugo kaysa sa iyo, kundi katulad din sila ng ibang mga tao na may likas na katangian na kumakain, umiinom, natutulog at naglalakad, at hindi rin sila nananatili (sa kalupaan) habang-buhay na hindi namamatay.
9. Pagkatapos ay tinupad Namin sa mga Propeta at sa kanilang mga tagasunod ang anuman na Aming ipinangako sa kanila na pagkapanalo at tagumpay, at winasak Namin ang mga yaong nagmalabis laban sa kanilang mga sarili sa pamamagitan ng hindi nila paniniwala sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha.
10. Katiyakan, ipinadala Namin sa inyo ang Banal na Qur’ân na ito, na ang nilalaman nito ay inyong karangalan dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay, kung ang pagpapaalaala ay inyong tatanggapin, na kung kaya, hindi ba ninyo naiintindihan kung ano ang katangian ninyo na higit kaysa sa iba?
11. At karamihan sa mga bayan na kung saan ang mga nanirahan doon ay nagmalabis dahil sa kanilang di-paniniwala sa anumang dinala sa kanila ng mga Sugo, na kung kaya, pinuksa Namin sila sa pamamagitan ng parusa na siyang lubusang nagwasak sa kanila, at lumikha Kami pagkatapos nito ng ibang sambayanan bukod sa kanila.
12. At noong naramdaman nila na mga masasama ang Aming matinding kaparusahan na paparating na sa kanila, at nakita na nila ang umpisa nito, ay kaagad silang nagmadali na umalis mula sa kanilang bayan na tumatakas.
13. Sa pangyayaring ito sila ay tinawag: “Huwag kayong tumakas, bagkus ay bumalik kayo sa inyong masarap at maligayang pamumuhay na siyang luminlang sa inyo, at sa mga itinatag ninyo na mga tahanan, upang kayo ay tanungin hinggil sa makamundong buhay,” na ito ay bilang pagmamaliit sa kanila.
14. Na kung kaya, wala silang naging katugunan kundi aminin ang kanilang kasalanan at kanilang sinabi: “Kapighatian sa amin! Katiyakang inapi namin ang aming mga sarili sa pamamagitan ng di-paniniwala.”
15. At patuloy na ganoon ang kanilang sinasabi – na kasumpa-sumpa at pagsisisi sa kanilang mga sarili dahil sa kanilang kasamaan – na paulit-ulit nila itong sinasabi hanggang sa ginapas Namin sila na parang pananim sa bukirin na wala nang kabuhay-buhay. Na kung kaya, ingatan ninyo na magpatuloy sa pagpapasinungaling kay Propeta Muhammad (r) dahil mangyayari sa inyo ang katulad ng nangyari sa mga nauna sa inyo.
16. Hindi Namin nilikha ang mga kalangitan at kalupaan at ang anuman na nasa pagitan ng mga ito na parang laro lamang na walang kabuluhan, kundi upang maging katibayan ang mga ito laban sa inyo, O kayong mga tao, at ito ay magiging aral lahat sa inyo, na mabatid ninyo na ang lumikha ng mga ito ay wala Siyang kahalintulad, at hindi maaaring sambahin ang sinuman bukod sa Kanya.
17. Kung ninais Namin na maglibang lamang na katulad ng pagkakaroon ng anak o asawa ay pumili na Kami mula sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) at hindi mula sa inyo, subali’t kailanman ay hindi Namin ito maaaring gawin; dahil imposible na magkaroon ng anak at asawa ang Allâh (I).
18. Hindi paglilibang ang Aming nais, kundi bagkus, ipinadala Namin ang katotohanan at ipinaliwanag Namin ito nang ganap upang mangibabaw sa kamalian, at ang kamalian ay katiyakang maglalaho.
At para sa inyo naman ay parusa sa Kabilang-Buhay, O kayo na sumamba ng iba bukod sa Allâh (I), dahil sa pagtatangi ninyo sa inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng katangian na di angkop at di karapat-dapat para sa Kanya.
19. At Pagmamay-ari ng Allâh (I) ang anuman na nasa mga kalangitan at kalupaan. At ang mga malalapit na mga anghel sa Kanya ay hindi nagmamataas at hindi nagsasawa sa pagsamba sa Kanya.
Na kung kaya, paano nangyari na nasamba ng iba ang sinuman bukod sa Kanya samantalang ito ay Kanyang alipin at nilikha lamang?
20. Niluluwalhati at pinupuri nila ang Allâh (I) at patuloy ang kanilang pagdakila sa Kanya, umaga at gabi, na sila ay hindi napapagod at hindi sila nagsasawa.
21. Paanong nangyari sa mga walang pananampalataya ang magkaroon ng maraming diyus-diyosan na walang kakayahan na anuman dito sa daigdig at hindi nito kayang magbuhay ng patay?
22. Kung mayroon lamang sa mga kalangitan at kalupaan na mga diyos na sinasamba bukod sa Allâh (I), na nangangasiwa sa pangangailangan nitong dalawa (mga kalangitan at kalupaan) ay mawawala sa tamang kaayusan ang mga ito, na kung kaya, luwalhati sa Allâh (I) na Nagmamay-ari ng ‘`Arsh’ (Trono), na Siya ay malayo sa anumang mga itinatangi ng mga tumanggi at walang pananampalataya na pagsisinungaling at pag-iimbento, at sa lahat ng pagtatangi na may kakulangan.
23. Katiyakan, kabilang sa mga palatandaan ng bukod-tanging Kaisahan ng Allâh (I) – Luwahalti sa Kanya – sa paglikha at pagsamba ay ang pagiging katiyakan na Siya ay hindi maaaring tanungin sa Kanyang pinagpasiyahan na paglikha, subali’t ang lahat ng Kanyang mga nilikha ay tatanungin sa kanilang mga gawain.
24. O nagturing ba ang mga yaong walang pananamapalataya ng iba na sinasamba bukod sa Allâh (I), na nakapagdudulot ng kapakinabangan o kapinsalaan, at nakapagbibigay ng buhay at nakapagsasanhi ng kamatayan?
Sabihin mo, O Muhamamd, sa kanila: “Dalhin ninyo kung anuman ang mayroon kayo na katibayan na nagpapatunay sa inyong mga sinasambang diyus-diyosan, dahil wala sa Qur’ân na aking dala at wala rin sa mga naunang Kasulatan ang nagpapatunay sa inyong mga pinaniniwalaan. At hindi sila nakagawa ng pagtatambal sa pagsamba sa Allâh (I) kundi ito ay bunga ng kamangmangan at bulag na pagsunod, na kung kaya, tinanggihan nila ang katotohanan at hindi pinaniwalaan.”
25. At wala Kaming ipinadala sa Sugo na nauna sa iyo, Muhammad (r), kundi nagpahayag Kami sa kanya, na katiyakang walang sinuman ang may karapatan at karapat-dapat na sambahin bukod sa Allâh (I), na kung kaya, maging taimtim sa pagsamba nang bukod-tangi lamang na para sa Kanya.
26-27. At sinabi ng mga walang pananampalataya at sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I): “Nagkaroon ang Pinakamahabaging Allâh (I) ng anak na lalaki, dahil sa inaangkin nila na ang mga anghel ay mga anak na kababaihan ng Allâh (I).” Luwalhati sa Allâh (I), Siya ay malayo sa anumang mga katulad nito; ang mga anghel ay mga kagalang-galang na alipin ng Allâh (I) na malalapit sa Kanya na pinagkalooban ng mga kakaibang katangian, at sila ay napakabuti sa kanilang pagsunod at hindi sila nagsasalita maliban sa kung ano ang ipinag-utos sa kanila ng Allâh (I), at wala silang ginagawang anuman hanggang hindi sila nakakukuha ng kapahintulutan sa Allâh (I).
28. At walang anumang ginagawa ang mga anghel, maging ito man ay ginawa nila noon o sa ngayon kundi ito ay batid ng Allâh (I), na ito ay naitala sa kanila, at walang sinuman sa kanila ang maaaring mamagitan maliban sa sinumang pahintulutan ng Allâh (I) na mamagitan. At dahil sa takot nila sa Allâh (I) ay nag-iingat sila at hindi nila tinitiyak na walang mangyayari sa kanila na hindi kanais-nais.
29. At sinuman ang mag-angkin mula sa mga anghel na diyos na sinasamba bilang kapantay ng Allâh (I) o kabahagi ng Allâh (I) – kung sakaling ito man ay mangyari – ang kanyang kabayaran ay Impiyerong-Apoy at ganoon din ang gagawin Naming pagbabayad sa lahat ng mga sumamba ng iba bukod sa Allâh (I).
30. Hindi ba batid ng mga walang pananampalataya na katiyakang ang mga kalangitan at kalupaan ay dating isang bagay lamang na magkasama bilang isang piraso at walang anuman ang nasa pagitan ng dalawang ito, walang ulan mula sa kalangitan at walang tumutubong pananim mula sa kalupaan, at pagkatapos ay pinaghiwalay Namin dahil sa Aming kapangyarihan, at nagbaba Kami ng ulan mula sa kalangitan, at nagpasibol Kami ng mga pananim mula sa kalupaan at ginawa Namin na nagmumula sa tubig ang lahat ng bagay na may buhay, kung gayon, hindi ba nararapat na maniwala ang mga tumanggi at paniwalaan nila ang anumang na kanilang napagmasdan, at sambahin lamang nila ay ang Allâh (I) nang bukod-tangi?
31. At ibinaon Namin sa kalupaan ang mga matatatag na kabundukan upang ito ay hindi yumanig, at naglagay Kami rito ng mga malalawak na daan; upang mabatid ng anumang nilikha kung paano mamumuhay dito, at upang sila ay mapatnubayan sa kanilang bukod-tanging pagsamba lamang sa Allâh (I) na ‘Rabb’ na Tagapaglikha.
32. At ginawa Namin ang kalangitan bilang bubungan o panaklob sa kalupaan na walang haliging inilagay, na ito ay pinangangalagaan upang hindi bumagsak at upang hindi makapasok dito ang mga ‘Shaytân,’ magkagayunpaman, ang mga walang pananampalataya ay tinatalikuran at hindi pinapansin ang mga palatandaan sa kalangitan na katulad ng araw, buwan at saka mga bituin, ito ay hindi nila pinapansin at hindi nila pinag-iisipan nang malalim ang pagkakalikha rito.
33. At ang Allâh (I) ay Siyang lumikha ng gabi; upang makapagpahinga ang mga tao, at ganoon din ang araw; upang sila ay makapaghanap-buhay, at nilikha Niya ang araw (‘shams’ o ‘sun’) bilang tanda ng liwanag ng araw, at nilikha Niya ang buwan bilang tanda ng gabi, at bawa’t isa sa dalawa ay nasa ‘Falak’ (‘orbit’ o ligiran) na nakalutang.
34. At hindi Kami nagkaloob sa kaninumang tao na nauna sa iyo, O Muhammad (r), ng walang-hanggang pananatili rito sa daigdig; kung gayon, kapag ikaw ay namatay, O Muhammad (r), nangangarap ba sila na manatili rito magpasawalang-hanggan pagkatapos mo? Hindi maaari! Dito sa talatang ito ang tanda na si Khidr (u) ay namatay dahil sa siya ay isang tao.
35. Walang pag-aalinlangan, ang bawa’t isa ay matitikman ang kamatayan, na kahit na gaano pa kahaba ang kanyang naging buhay dito sa daigdig. At ang pananatili rito sa daigdig ay pagsubok lamang sa pag-aatas o pagbabawal, at saka sa iba’t ibang situwasyon, mabuti man ito o masama, pagkatapos noon ang patutunguhan ay bukod-tanging sa Allâh (I) lamang para sa paghuhukom at pagbabayad.
36. At kapag nakita ka ng mga walang pananampalataya, O Muhammad (r), ay duduruin ka nila na may pangungutya at sasabihin nila sa isa’t isa: “Iyan ba ang taong nagmamaliit sa inyong diyus-diyosan?” Samantalang tinanggihan nila ang pag-aalaala sa Pinakamahabaging Allâh (I) at sa Kanyang mga Biyaya, at sa Kanyang ipinahayag na Banal na Qur’ân at Gabay.
37. Nilikha ang tao na may katangiang pagmamadali, na tumutungo sa mga bagay-bagay at minamadali niya ang mga pangyayari. Katiyakan, kung gayon, ipinamamadali ng mga Quraysh ang parusa na sa kanilang pananaw ay napakabagal, na binalaan sila ng Allâh (I) hinggil dito na walang pag-aalinlangan, ipakikita Niya sa kanila ang anuman na ipinamamadali nilang parusa, na kung kaya, huwag na nilang hilingin sa Allâh (I) na ipamadali ang pangyayaring ito.
38. At sinabi ng mga walang pananampalataya bilang pagmamadali sa parusa at pangungutya: “Kailan ba mangyayari ang ibinababala mo sa amin, O Muhammad (r), kung ikaw at ang sinuman na sumunod sa iyo ay totoo sa mga sinasabi?”
39. Kung batid lamang ng mga walang pananampalataya kung ano ang mangyayari sa kanila kapag dumating ang oras na itinakda, na hindi sila magkakaroon ng kakayahan na mapangalagaan ang kanilang mga mukha at mga likuran sa Impiyernong-Apoy, at wala rin silang matatagpuan na makatutulong na tutulong sa kanila – kung batid lamang nila ito ay hindi sila mananatili sa pagtanggi at hindi nila ipamamadali ang parusa para sa kanila.
40. At walang pag-aalinlangan, darating sa kanila ang Oras ng Pagkagunaw ng sandaigdigan nang biglaan na sila ay magigimbal na lamang sa panahong yaon, at magkakaroon sila ng matinding-matinding pagkatakot na kung saan doon ay hindi nila makakayanang iligtas kanilang mga sarili mula sa kaparusahan, at hindi rin sila bibigyan ng kahit na kaunting palugit para makapagsisi at mangatwiran.
41. At katiyakan, kinutya ang marami na mga Sugo na nauna sa iyo, Muhammad (r), na kung kaya, naganap ang kaparusahan sa kanila na mga nangutya bilang bunga ng kinagawian nilang pangungutya at pagmamaliit.
42. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r), na ipinamamadali ang parusa: “Walang sinuman ang makapagbabantay at mangangalaga sa inyo sa gabi man o sa araw, tulog man kayo o gising, mula sa parusa ng Allâh (I) na Pinakamahabagin kapag ito ay nangyari sa inyo.” Subali’t sila ay nalinlang na hindi pinahahalagahan ang Qur’ân at ang pagpapayo ng kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha.
43. Mayroon ba silang mga diyus-diyosan na mangangalaga sa kanila mula sa Aming kaparusahan? Walang pag-aalinlangan, ang kanilang mga diyus-diyosan ay walang kakayahan na matulungan mismo ang mga sarili nito, paano pa kaya ang pagtulong sa mga sumamba sa kanila?
44. Katiyakan, nagmalaki ang mga walang pananampalataya at ang kanilang mga ninuno nang sila ay binigyan ng palugit dahil sa ipinagkaloob sa kanila na mga kayamanan, mga anak at mga mahahabang buhay, na kung kaya, pinanatili nila ang kanilang mga sarili sa di-paniniwala at hindi sila nagbago, na inisip nilang hindi sila parurusahan, na nakalimutan nila sa katotohanan ang nangyari noong mga unang panahon, na ang Allâh (I) ay unti-unti Niyang binabawasan ang kalupaan (ang kanilang mga nasasakupan) mula sa mga tagiliran nito dahil sa nangyaring parusa ng Allâh (I) sa kanila na mga sumasamba ng iba bukod sa Kanya, sa iba’t ibang dako ng daigdig at dahil din sa kanilang pagkagapi.
Kung gayon, may kakayahan ba ang mga taga-Makkah na labanan ang kapangyarihan ng Allâh (I) o di kaya ay pigilin ang kanilang kamatayan?
45. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r), na ikaw ay sa kanila ay ipinadala: “Binabalaan ko lamang kayo mula sa parusa, dahil sa ito ay Rebelasyon mula sa Allâh (I), na ito ay ang Banal na Qur’ân, subali’t ang mga walang pananampalataya ay hindi nila pinag-iisipan kung ano ang kanilang pinakikinggan kapag sila ay binabalaan. Hindi ba sila rin naman ang makikinabang sa babalang ito? Subali’t ang mga bingi ay hindi makaririnig sa panawagan kahit na sila pa ay balaan.”
46. At kung sila na mga walang pananampalataya ay makatikim ng parusa bilang bunga ng kanilang pagtanggi, katiyakan na sila ay magsusumamo na sana ay mawasak na lamang sila dahil sa kanilang ginawang pang-aapi sa kanilang sarili sa pamamagitan ng pagsamba nila ng iba bukod sa Allâh (I).
47. At ilalagay ng Allâh (I) ang makatarungang Timbangan sa paghuhukom sa Araw ng Muling Pagkabuhay at hindi Niya sila dadayain at ang iba pa nang kahit na kaunti, kahit na ang gawain ay kasimbigat ng buto ng mustasa o kasinliit ng ‘atom,’ mabuti man o masama ay itatala sa nagmamay-ari nito. At sapat na ang Allâh (I) bilang Tagapagkalkula sa mga gawain ng Kanyang mga alipin at ayon dito sila ay gagantihan.
48-49. At katiyakan, pinagkalooban Namin si Mousâ at si Hâroun ng katibayan at tulong laban sa kanilang kalaban, at ito ay ang Aklat na ‘Tawrah’ na sa pamamagitan nito pinaghiwalay Namin ang katotohanan sa kamalian, at ito ay liwanag na ginagabayan ang sinumang matatakutin na kinakatakutan nila ang parusa ng kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at kinatatakutan din nila ang Araw ng Paghuhukom sa Araw ng Muling Pagkabuhay.
50. At ito ang Banal na Qur’ân na ipinahayag ng Allâh (I) sa Kanyang Sugo na si Muhammad (r) bilang isang mabiyayang Paalaala sa sinumang tumatanggap ng paalaala, at sumusunod sa mga ipinag-uutos at umiiwas sa mga ipinagbabawal; na ito ay punung-puno ng kabutihan, na dakila sa kapakinabangan, na kung kaya, tatanggihan ba ninyo ito samantalang ito ay nasa ganap na kalinawan at katotohanan?
51. At katiyakan, ipinagkaloob Namin noon ang gabay kay Ibrâhim, na pamamagitan nito ay hinikayat niya ang mga tao bago pa kina Mousâ at Hâroun, at batid Namin na siya (Ibrâhim) ay karapat-dapat para rito.
52. Noong kanyang sinabi sa kanyang ama at sa kanyang sambayanan: “Ano itong mga rebulto na inyong mga gawa-gawa lamang, pagkatapos ay sinasamba ninyo nang buong kataimtiman?”
53. Kanilang sinabi: “Natagpuan namin ang aming mga ninuno na ito ay kanilang sinasamba, na kung kaya, sinasamba namin ito bilang pagsunod sa kanila.”
54. Sinabi sa kanila ni Ibrâhim: “Katiyakan, kayo at ang inyong mga ninuno sa pagsamba ninyo sa mga rebultong ito ay malinaw na nasa sukdulang kamalian na malayo sa katotohanan.”
55. Kanilang sinabi: “Ang dala-dala mo ba sa amin ay totoo, o ito ay mga salita mo lamang na sinasabi bilang pangungutya at hindi mo batid ang iyong pinagsasasabi?”
56. Sinabi sa kanila ni Ibrâhim: “Hindi ito pangungutyang salita, kundi ito ay mula sa inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha na kayo ay aking hinihikayat tungo sa bukod-tanging pagsamba lamang sa Kanya, na Siya ang Nagmamay-ari ng mga kalangitan at kalupaan, na Siya ang naglikha ng mga ito, at ako ay kabilang sa mga tumitestigo para rito.”
57. “At sumusumpa ako sa Allâh (I), na ako ay gagawa ng paraan upang wasakin ang inyong mga rebulto pagkatapos ninyong tumalikod at umalis.”
58. Na kung kaya, winasak ni Ibrâhim ang mga rebulto at ginawa niya itong mga pira-pirasong maliliit maliban sa isa na pinakamalaki sa mga ito; upang ito ang pagbalingan ng mga tao at pagtatanungan, nang sa gayon ay mapatunayan ang kanilang kahinaan at pagkaligaw, at lilitaw ang katibayan laban sa kanila.
59. At bumalik ang mga tao at nakita nila ang kanilang mga rebultong pinagwawasak na hamak na hamak, at nagtanungan sila sa isa’t isa; sino kaya ang gumawa nito sa ating mga diyus-diyosan? Katotohanan, siya ay napakasama dahil sa kanyang matinding ginawa sa ating mga diyus-diyosan na karapat-dapat ng paggalang.
60. Sinabi ng isa na nakarinig kay Ibrâhim habang siya ay sumusumpa, na walang pag-aalinlangan na siya ay gagawa ng pakana laban sa kanilang mga rebulto: “Narinig namin ang isang binatilyo na ang tawag sa kanya ay Ibrâhim na nagbabalak ng masama laban sa mga rebulto.”
61. Sinabi ng kanilang mga pinuno: “Dalhin ninyo rito si Ibrâhim upang humarap sa mga tao; para masaksihan nila ang kanyang pag-aamin sa kanyang sinabi; upang maging katibayan laban sa kanya.”
62. At dinala si Ibrâhim sa kanila, at kanilang tinanong na may pagtataka na hindi sila makapaniwalang ito ay kanyang magagawa: “Ikaw ba ang siyang nagwasak ng aming mga diyus-diyosan?”
63. At naganap ang nais mangyari ni Ibrâhim, na palitawin ang kanilang kakulangan sa pang-unawa na sila mismo ang magiging saksi sa kanilang mga sarili. At kanyang sinabi bilang pagdidiin sa kanilang kamalian at kakulangan ng pag-iisip: “Hindi ako ang nagwasak, kundi ang pinakamalaki sa kanila ang gumawa nito, na kung kaya, tanungin ninyo ang inyong mga inaangkin na mga diyus-diyosan hinggil dito, kung sila ay makapagsasalita o di kaya ay may kakayahan na sumagot.”
64. Na kung kaya, sila ay napahamak sa kanilang mga sarili at lumitaw ang kanilang pagkaligaw; dahil paano nila ito sasambahin gayong ito ay walang kakayahan na ipagtanggol ang kanilang mga sarili o di kaya ay tumugon sa kanilang mga katanungan? At dahil doon ay inamin nila sa kanilang mga sarili ang kamalian at maling gawain ng pagtatambal.
65. Subali’t napakabilis ng kanilang panunumbalik sa katigasan ng pagtanggi dahil pagkatapos nilang mapahiya ay kaagad silang nanumbalik sa kanilang kamalian, at pinalilitaw nila na ang katibayan ay laban kay Ibrâhim samantalang ito ay katibayan laban sa kanila, at kanilang sinabi: “Paano namin tatanungin ang mga ito samantalang alam mo naman na ang mga ito ay hindi nakapagsasalita?”
66-67. Sinabi ni Ibrâhim bilang pagmamaliit sa mga rebulto: “Paano ninyo sinasamba ang mga rebulto na hindi nakapagdudulot ng kapakinabangan kapag ito ay sinamba, at hindi rin makapagpapahamak kapag ito ay pinabayaan? Napakasama ninyo at ang inyong mga diyus-diyosan na sinasamba bukod sa Allâh (I), na kung kaya, hindi ba ninyo naiisip at napag-aalaman na napakasama ng inyong kalagayan?”
68-69. Noong mawalan ng saysay ang kanilang mga katibayan at lumitaw ang katotohanan ay bumaling sila sa paggamit ng kanilang lakas, at kanilang sinabi: “Sunugin ninyo sa apoy si Ibrâhim; bilang pagtatanggol sa inyong mga diyus-diyosan kung kayo ay tunay na tumutulong sa inyong mga diyus-diyosan. Magsilab kayo ng matinding apoy at doon ninyo siya itapon, subali’t sinanhi ng Allâh (I) na magwagi ang Kanyang Sugo at Kanyang sinabi sa apoy: “O apoy! Maging malamig ka at kaligtasan (kapayapaan) para kay Ibrâhim,” na kung kaya, hindi napahamak si Ibrâhim at walang anumang masamang nangyari sa kanya.
70. At nagpakana ang mga tao na wasakin at patayin si Ibrâhim subali’t pinawalan ng saysay ng Allâh (I) ang kanilang masamang balakin at ginawa sila na mga talunan at hamak.
71. Iniligtas Namin si Ibrâhim (u) at si Lût (u) na siyang naniwala sa kanya na taga-Iraq, at sila ay iniligtas Namin patungo sa bayan ng Ash-Sham na ito ay biniyayaan Namin ng maraming biyaya at kabutihan, at doon nagsipaglitawan ang maraming mga Propeta.
72. Biniyayaan ng Allâh (I) si Ibrâhim (u) at pinagkalooban Niya ng anak na si Ishâq at si Ishâq (u) naman ay pinagkalooban ng anak na si Ya`qub (u) bilang karagdagang apo ni Ibrâhim. Lahat sila, mula kay Ibrâhim, Ishâq at Ya`qub ay ginawa Namin sila na mga mabubuti at mga masunurin bilang mga Propeta.
73. At ginawa Namin si Ibrâhin, si Ishâq at si Ya`qub bilang halimbawa sa mga tao na naghihikayat sa kanila tungo sa pagsamba lamang nang bukod-tangi sa Allâh (I) at pagsunod sa Kanyang kagustuhan, at ipinahayag Namin sa kanila ang pagsagawa ng kabutihan, na kabilang dito ang pagsunod sa batas ng mga Propeta, pagsagawa ng ‘Salâh’ sa tamang pamamaraan, at pagbigay ng obligadong kawanggawa (‘Zakâh’) at ito ay kanilang ipinatupad, at sa Allâh (I) lamang na Bukod-Tangi sila sumusunod at nananampalataya at wala nang iba pa.
74. At ipinagkaloob Namin kay Lût ang pagiging Propeta at makatarungang paghuhukom sa pagitan ng mga hindi nagkakasundo at kaalaman hinggil sa kautusan ng Allâh (I) at ng Kanyang Relihiyon, at iniligtas Namin siya mula sa pangyayari sa kanyang bayan na Sodom (Sadom) na ang naninirahan doon ay napakasama ang pag-uugali at gumagawa ng mga karumal-dumal na gawain. Katiyakan, sila dahil sa kanilang karumal-dumal at hindi katanggap-tanggap na gawain na kanilang ginagawa, na sa pamamagitan nito sila ay lumabag sa kautusan ng Allâh (I).
75. At binuo ng Allâh (I) sa kanya ang Kanyang biyaya at ipinasok Niya siya sa Kanyang Awa sa pamamagitan ng pagkakaligtas sa kanya mula sa nangyari sa kanyang sambayanan; dahil katotohanan, siya ay kabilang sa mga sumusunod sa kagustuhan ng Allâh (I).
76. At ipaalaala mo, O Muhammad (r), ang nangyari kay Nûh, noong siya ay nanawagan sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, bago ka pa isinugo, O Muhammad (r), at bago pa kay Ibrâhim at kay Lût; at dininig Namin ang kanyang panalangin at iniligtas Namin siya at ang mga mananampalataya mula sa kanyang pamilya sa matinding kapahamakan.
77. At tinulungan Namin siya mula sa pakana ng kanyang sambayanan na hindi naniwala sa Aming mga palatandaan na nagpapatunay sa pagiging totoo niya (Nûh u). Katiyakan, sila ay mga taong masasama, na kung kaya, nilunod Namin silang lahat sa pamamagitan ng delubyo (o dakilang baha).
78. At ipaalaala mo pa rin, O Muhammad (r), ang Propeta ng Allâh (I) na si Dâwood (u) at ang kanyang anak na si Sulaymân (u), nang sila ay nagpasiya sa isang pangyayari (usapin o kaso) na pinahukom sa kanila noong dalawang hindi nagkasundo, na nakapasok ang isang kambing sa taninam ng isa sa kanila at doon ito nanginain nang buong magdamag, at sinira nito ang pananim.
At naghukom si Dâwood na ang kambing ay mapupunta sa nagmamay-ari ng pananim dahil sa pamiminsalang nagawa nito, sapagka’t ang halaga noong dalawa (kambing at nasirang pananim) ay magkatulad, at Kami ang saksi sa kanilang ginawang pagpasiya.
79. At ipinaunawa Namin kay Sulaymân ang patas na pagkakaintindi sa kapakanan ng dalawang panig, at siya ay nagpasiya na nararapat sa nagmamay-ari ng kambing na ibalik ang nasirang pananim habang ang nagmamay-ari naman ng pananim ay pansamatalang pinakikinabangan ang kambing na tulad ng gatas nito, mga balahibo nito at iba pang kapakinabangan mula rito, at pagkatapos ay saka ibabalik ang kambing sa nagmamay-ari nito kapag naibalik na sa dati ang pananim at nakapantay na sa halaga ng nasirang pananim ang pakinabang mula sa kambing noong nagmamay-ari nito (ng pananim).
At silang dalawa: si Dâwood at si Sulaymân ay pinagkalooban Namin ng tamang paghuhukom at kaalaman, at pinagkalooban din namin si Dâwood ng kakayahan na mapasunod niya ang mga kabundukan sa pagluwalhati ng mga papuri nito sa Allâh (I) na kasabay niya at ganoon din ang mga ibon, at Kami ang gumawa ng lahat ng bagay na ito.
80. At bukod-tangi na ipinagkaloob Namin kay Dâwood, ang kagalingan sa pagsagawa ng panangga, na ito ay ginagawa niya sa pamamagitan ng pagdudugtung-dugtong ng mga kadenang bakal upang mapadali ang paggalaw ng katawan; nang sa gayon ay mapangalagaan ang mga mandirigma na hindi nila mabibitiwan basta-basta ang kanilang mga sandata.
Kung gayon, kayo ba ay tatanaw ng utang ng loob sa Biyaya ng Allâh (I), na ang mga bagay na ito ay ipinagkaloob Niya sa Kanyang alipin na si Dâwood?
81. At ginawa Namin na ipasailalim sa pangangasiwa ni Sulaymân ang hangin na napakalakas sa pagkakaihip nito, na siya at ang kanyang mga kasamahan ay dala-dala ng hangin na ito na sumusunod sa kanyang pag-aatas, na sila ay dala-dala patungo sa ‘Baytul Maqdis’ (Falisteen), na lugar na Aming biniyayaan ng maraming biyaya. At katiyakan, saklaw ng Aming kaalaman ang lahat ng bagay.
82. At pinagkalooban din Namin siya ng kakayahan na mapasailalim sa kanyang kapangyarihan ang mga ‘Shayâtin’ (mga Satanas mula sa ‘Jinn’), ginagamit niya ang mga ito sa pamamaraan na hindi kayang gawin ng iba, na kung kaya, sila ay sumisisid sa karagatan upang manguha ng mga perlas at saka mga palamuti, at ito ay kanilang ginagawa at ganoon din ang paggawa ng iba pa na anumang nais ni Sulaymân sa kanila, na hindi nila kayang tumanggi sa anuman na kanyang nais, at pinangangalagaan sila ng Allâh (I) alang-alang kay Sulaymân dahil sa kapangyarihan ng Allâh (I) na Kataas-taasan na Luwalhati sa Kanya.
83. At ipaalaala mo pa rin, O Muhammad (r), ang hinggil sa Aming alipin na si Ayyûb (u) noong sinubok Namin siya ng hindi kanais-nais na pangyayari at matinding sakit sa kanyang katawan, at pagkawala ng kanyang pamilya, kayamanan at anak, subali’t siya ay nagtiis at naghangad lamang ng gantimpala ng Allâh (I), at siya ay nanawagan sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha na Ganap na Makapangyarihan at Kataas-taasan, na kanyang sinabi: “Katiyakan, tinamaan ako ng matinding pagdadalamhati, at Ikaw ay Pinakamahabagin sa lahat ng Mahabagin, na kung kaya, paginhawahin Mo ako mula rito.”
84. At tinugunan Namin ang kanyang panalangin, at inalis Namin sa kanya ang pagsubok, at ibinalik Namin sa kanya ang anuman na nawala sa kanya na pamilya, anak at kayamanan, na dinoble pa ito, at ito ay Aming ginawa sa kanya bilang Awa na mula sa Amin, upang siya ay maging halimbawa sa lahat ng matiisin sa pagsubok, na naghahangad lamang ng awa ng kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha na sumasamba lamang nang bukod-tangi sa Kanya.
85. At alalahanin mo pa rin si Ismâ`il (u), si Idris (u) at saka si Dhul-Kifl (u) na silang lahat ay kabilang sa mga matiisin sa pagsunod sa Allâh (I) at pag-iwas sa Kanyang ipinagbabawal, at sila ay matiisin sa mga itinakda ng Allâh (I), na kung kaya, sila ay karapat-dapat na banggitin bilang papuri sa kanilang pagiging mabuti.
86. At ipinasok Namin sila sa Aming Awa. Katiyakan, sila ay kabilang sa mga mabubuti ang kanilang kalooban at ganoon din sa kanilang panlabas na gawain, sumunod sila sa Allâh (I) sa pamamagitan ng pagsagawa sa ipinag-utos sa kanila.
87. At alalahanin mo pa rin, O Muhammad (r), ang kuwento ni Dhun-Nun, na siya ay si Yunus Ibnu Matta (u) na ipinadala ng Allâh (I) sa kanyang sambayanan at hinikayat niya sila, subali’t sila ay hindi naniwala, at binalaan niya sila hinggil sa parusa subali’t hindi pa rin sila nagbalik-loob, at nang hindi na siya nakapagtiis sa kanila ayon sa ipinag-utos ng Allâh (I), siya ay umalis na may galit sa kanila at naninikip ang kanyang dibdib dahil sa kanilang di-pagsunod, at siya ay naniniwala na ang Allâh (I) ay hindi siya parurusahan sa kanyang nagawang paglabag!
Na kung kaya, sinubukan siya ng Allâh (I) ng matinding pagdadalamhati, at siya ay nilamon ng malaking isda sa dagat, at siya ay nanawagan sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa kadiliman ng gabi sa ilalim ng karagatan na nasa ilalim ng tiyan ng malaking isda, na siya ay nagsisisi at umaamin sa kanyang pagkakamali; dahil sa hindi niya natiis ang kanyang sambayanan at kanyang sinabi: “La i-lâ-ha il-lâ an-ta sub-hâ-na-ka in-nî kun-tum mi-nadz-dzâ-li-meen,” na ang ibig sabihin ay “Walang sinuman ang may karapatan at karapat-dapat na sambahin kundi Ikaw na Luwalhati sa Iyo, O Allâh (I), at ako ay kabilang sa mga nagkasala.”
88. At dininig Namin ang kanyang panalangin, at iniligtas Namin siya sa matinding pagdadalamhati, na kung kaya, ganoon Namin inililigtas ang mga mananampalataya na mga matatapat.
89. At alalahanin mo pa rin, O Muhammad (r), ang kuwento hinggil sa isa pang alipin ng Allâh (I) na si Zakariyyâ (u) noong siya ay nanalangin sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha na pagkalooban siya ng anak noong siya ay matanda na, na kanyang sinabi: “O aking ‘Rabb!’ Huwag mo akong pabayaan na nag-iisa na walang magpapatuloy sa aking gawain, pagkalooban Mo ako ng tagapagmana na siyang magsasagawa ng gawaing pang-relihiyon sa mga tao pagkatapos ko, dahil sa Ikaw ay ‘Khayrul Wâritheen’ – Pinakamabuting Tagapagpanatili, na kung kaya, pagkalooban Mo ako ng magpapanatili sa aking gawain.”
90. At dininig Namin sa kanya ang kanyang panalangin at pinagkalooban Namin siya ng anak na si Yahyâ (Juan u) sa kanyang katandaan, at ginawa Namin para sa kanya ang kanyang asawa bilang mabuting tagapagdala ng sanggol at pinagaling Namin siya pagkatapos nitong maging baog, dahil sila ang mga yaong mabilis magsigawa ng kabutihan, na sila ay nananalangin sa Amin sa paghahangad ng anuman na nagmumula sa Amin, na natatakot sa Aming parusa, at sila ay mga mapagkumbaba na sumusunod sa Aming kagustuhan.
91. At alalahanin mo pa rin, O Muhammad (r), ang kuwento ni Maryam na anak na dalaga ni `Imrân na inaalagaan niya ang kanyang pagkababae sa pamamagitan ng di-pagsagawa ng mga kasalanan, at kailanman ay hindi siya nakagawa ng kahalayan sa kanyang tanang buhay, na kung kaya, ipinadala ng Allâh (I) sa kanya si anghel Jibril (u), at hinipan ang kanyang damit sa bukas na gawing bahagi ng kanyang dibdib, at nakarating ang ihip ng kaluluwa na ito hanggang sa kanyang sinapupunan, at nilikha ng Allâh (I) sa pamamagitan ng ihip na ito si Al-Masih `Îsã Ibnu Maryam (isinaling ang Messiah Hesus na anak ni Maria), na siya ay nagdalang-tao sa pamamagitan ng ihip na ito, na walang asawa; at siya at ang kanyang anak sa ganitong pangyayari ay isang tanda sa kapangyarihan ng Allâh (I) at aral sa paglikha hanggang sa pagkagunaw ng daigdig.
92. Silang lahat na mga Propeta ay iisa lamang ang kanilang Relihiyon na ito ay Islâm, na siyang pagsuko sa Allâh (I) bilang pagsunod sa Kanya at bukod-tanging pagsamba lamang sa Kanya, at ang Allâh (I), Luwalhati sa Kanya ay Kataas-Taasan, ang Nagmamay-ari ng anumang nilikha, na kung kaya, O kayong mga tao, sambahin ninyo Siya nang bukod-tangi na walang katambal.
93. Subali’t ang mga tao ay nagkasalungatan hinggil sa mga Sugo na ipinadala sa kanila at nagkawatak-watak sila sa pagsunod sa Relihiyon na nagkaiba’t ibang grupo, at ang iba sa kanila ay sinamba nila ang mga nilikha at ang kanilang mga pagnanasa, subali’t lahat sila ay babalik sa Amin at huhukuman sila ayon sa kung ano ang kanilang nagawa.
94. Na kung kaya, sinuman ang nagpanitili sa paniniwala sa Allâh (I), sa Kanyang mga Sugo, at gumawa ng mga mabubuting gawa sa abot ng kanyang kakayahan bilang pagsunod sa Allâh (I) at bukod-tanging pagsamba lamang sa Kanya ay hindi babalewalain ang anuman na kanyang nagawa, at kailanman ay hindi mawawala ang kanyang gantimpala at tiyak na matatagpuan niya ang anumang kanyang ginawa sa kanyang talaan sa araw na siya ay bubuhayin na mag-uli pagkatapos ng kamatayan.
95. At ang pagbabawal ay itinakda sa mga nanirahan sa mga bayan na Aming pinuksa dahil sa kanilang di paniniwala at pagiging masama, na sila ay hindi makababalik dito sa daigdig bago ang Araw ng Muling Pagkabuhay; upang pagpunan ang anuman na kanilang pagkukulang.
96-97. At kapag nabuksan na ang harang na nakaharang sa mga ‘Ya`juj’ at ‘Ma`juj’ (Gog at Magog), at sila ay lalabas at kakalat sa lahat ng kalupaan na napakabilis, sa ganoong kadahilaan ay malapit na ang Araw ng Muling Pagkabuhay at magaganap na ang mga malalagim na pangyayari, at kapag ito ay nangyari ay mapagmamasdan ninyo na dilat na dilat ang mga mata ng mga walang pananampalataya na halos hindi na makapikit, na isinusumpa na nila ang kanilang mga sarili bilang pagdadalamhati at pagmamakaawa: “Kapighatian sa amin! Katiyakan, kami ay naging pabaya na hindi namin pinagtunan ng pansin ang araw na ito at hindi namin pinaghandaan, dahil dito kami ay mga masasama.”
98. Katiyakan, kayo, O mga walang pananampalataya at ang inyong mga sinasamba sa ngayon na mga rebulto bukod sa Allâh (I) at ang sinuman na pumayag na sambahin ninyo maging sila man ay kabilang sa mga ‘Jinn’ o tao, lahat kayo ay kundi panggatong lamang sa Impiyerno! Katiyakan, kayo ay mananatili roon magpasawalang-hanggan.
99. Kung sila na inyong sinamba bukod sa Allâh (I) ay tunay na diyos na karapat-dapat na sambahin ay hindi sila makapapasok ng Impiyerno kasama ninyo, O kayong mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I), subali’t walang pag-aalinlangan, mananatili kayong pareho sa Impiyernong-Apoy magpasawalang-hanggan, na mga sumamba ng iba at ang inyong mga sinamba bukod sa Allâh (I).
100. Mayroon sa kanila na mga pinarurusahan sa Impiyerno ng mga parusang matitindi na dahil doon ay mapapabuntong-hininga sila nang pagkalalim-lalim at mapaaatungal sila nang labis-labis at doon sa Impiyerno ay hindi sila makaririnig dahil sa tindi ng parusang iginagawad sa kanila.
101. Katiyakan, ang mga yaong pinauna na nila ang kanilang kabutihan sa Amin ay batid Namin na ang para sa kanila ay kaligayahan sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) na sila ay ilalayo mula sa Impiyernong-Apoy na hindi sila ipapasok doon at kailanman ay hindi sila mapapalapit doon.
102. Hindi nila maririnig ang kahit na pinakamahinang ingay ng Impiyerno na sumusunog sa katawan ng mga nandoroon dahil sila ay nanirahan na sa kanilang mga tahanan sa Hardin, at doon ay makakamtan nila ang anuman na nais nila na biyaya at kaligayahan, at sila ay manatili roon magpasawalang-hanggan.
103-104. Hindi sila matatakot hinggil sa matinding pangyayari na magaganap sa Araw ng Muling Pagkabuhay, sa halip ay ibabalita sa kanila ng mga anghel ang magandang balita: “Ito na ang inyong Araw na ipinangako sa inyo bilang parangal na mula sa Allâh (I) at masaganang gantimpala.”
Sa Araw na titiklupin Namin ang kalangitan na katulad ng pagtiklop Namin sa Aklat at sa kung anumang nakasulat mula rito, at bubuhayin Namin na mag-uli ang mga nilikha ayon sa kung ano ang pagkalikha Namin sa kanila sa una na katulad ng pagkapanganak sa kanila ng kanilang mga ina (na ang ibig sabihin ay katulad ng pagkalikha sa kanila sa una).
Ito ay pangako ng Allâh (I) na hindi nababago, at ganito ang Aming pangako na pangakong karapat-dapat na ipatupad, dahil katiyakang isasakatuparan Namin ang anuman na Aming ipinangako.
105. Katiyakan, itinala Namin sa mga Aklat na ipinahayag pagkatapos ng Aming pagkakatala sa ‘Al-Lawh Al-Mahfoudh;’ na katiyakan, ang kalupaan ay mamanahin ng Aming mga alipin na mabubuti na tinupad nila ang Aming mga ipinag-uutos at iniwasan ang Aming mga ipinagbabawal na sila ay ang ‘Ummah’ ni Muhammad (r).
106. Katiyakan, sa binabasang Aklat na ito ay may malinaw na Mensahe bilang aral at kapakinabangan para sa mga tao na sumasamba sa Allâh (I) ayon sa kung ano ang Kanyang ipinag-uutos at ito ay katanggap-tanggap mula sa kanila.
107. At hindi ka Namin ipinadala, O Muhammad (r), kundi bilang Habag sa sangkatauhan at sa lahat ng nilikha, na kung kaya, sinuman ang maniwala sa iyo ay liligaya at maliligtas, at ang sino naman ang hindi maniwala sa iyo ay magdadalamhati at mabibigo.
108. Sabihin mo, O Muhammad (r): “Katiyakan, ang ipinahayag sa akin na siyang dahilan ng pagkakasugo sa akin, na katiyakang ang inyong ‘Ilâh’ (o Diyos na sinasamba) na Bukod-Tangi na karapat-dapat lamang na sambahin ay ang Allâh (I), na kung kaya, sumuko kayo sa Kanya at sumunod kayo sa pamamagitan ng pagsamba lamang sa Kanya nang bukod-tangi.”
109. Subali’t kapag tinalikuran nila ang Islâm, sabihin mo sa kanila: “Ipinararating ko lamang sa inyo ang lahat ng ipinahayag ng Allâh (I) sa akin, samantalang ako at kayo ay pare-pareho sa kaalaman, at hindi nakahihigit ang aking kaalaman sa inyo hinggil sa kung kailan mangyayari ang ipinangako sa inyo na parusa.”
110. Katiyakan, ang Allâh (I) ay Ganap na Nakaaalam ng anumang inihahayag ninyo na mga salita at ang anuman na inyong inililihim, at ayon dito kayo ay pagbabayarin.
111. At hindi ko batid, na baka maaaring ang pag-aantalang ito ng parusa na inyong ipinamamadali ay bilang pagsubok sa inyo, na niluluwagan kayo upang lalo kayong mapasama at magpakasaya rito sa daigdig na may hangganan; upang mas lalong maragdagan ang inyong di-paniniwala pagkatapos ay saka mangyari ang matinding kaparusahan sa inyo.
112. Sinabi ng Propeta: “O aking ‘Rabb!’ Pagpasiyahan Mo ng makatarungang pagpapasiya ang pagitan namin at ng mga walang pananampalataya mula sa aking sambayanan. Na nananalangin kami sa aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha na Pinakamahabagin at humihingi kami ng tulong laban sa anumang inyong ginagawa na mga walang pananampalataya, na pagsamba ng iba, pagtanggi at pagsisinungaling laban sa Kanya.”
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment