40
XL – Sûrat Ghâfir
[Kabanata Ghâfir – Ang Tagapagpatawad]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Hâ-Mĩm. Ang mga titik na ito ng ‘Arabic’ ay nauna nang naipaliwanag sa ‘Sûratul Baqarah.’
2. Ibinaba ang Banal na Qur’ân na ito kay Propeta Muhammad mula sa Allâh (I) na ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan na nakukuntrol Niya sa pamamagitan ng Kanyang Kapangyarihan ang lahat ng Kanyang mga nilikha, na ‘Al-`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa lahat ng bagay.
3. Na Tagapagpatawad ng kasalanan ng mga nagkakasala, at Tagatanggap ng mga nagbabalik-loob at humihingi ng kapatawaran, Tagaparusa nang masidhi sa sinumang nagmamataas o nagmamalaki sa pamamagitan ng pagsagawa ng kasalanan, at Siya ay Nagtatangan at Tagapagkaloob ng biyaya, pagmamagandang-loob sa Kanyang mga alipin na sumusunod, ‘Lâ i-lâ-ha il-lâ Hu-wa’ – walang sinumang ‘Ilâh’ (o Diyos) na sinasamba, o bukod-tangi na may karapatan at karapat-dapat na sambahin bukod sa Kanya, – na sa Kanya magbabalik ang lahat ng Kanyang nilikha sa Araw ng Pagbabayad at tutumbasan ang sinuman sa anuman na karapat-dapat na para sa kanya na kabayaran.
4. Walang nakikipagtalo hinggil sa mga talata ng Banal na Qur’ân at mga katibayan nito sa Kaisahan ng Allâh (I), na tinatapatan nito ang kamalian maliban sa mga tumanggi na tinanggihan ang Kanyang Kaisahan, na kung kaya, huwag kang magpalinlang, O Muhammad, sa kanilang kagalingan sa paglalakbay na pagparoo’t pagparito dahil sa pangangalakal, at sa sarap at kinang ng makamundong buhay na mayroon sila.
5. Tumanggi ang mga nauna sa kanila na walang pananampalataya, ang mga sambayanan ni Nûh at ang mga sumunod pa sa kanila na mga sambayanan na inilantad nila ang kanilang pakikipaglaban sa mga Sugo na katulad ng ginawa ng sambayanan ni `Âd at ni Thamoud, dahil sila ay nagpasiya na gumawa ng masama laban sa kanilang mga Sugo at nagsama-sama sila sa masamang balakin o di kaya ay sa pagpatay, at nagplano ang bawa’t sambayanan sa mga nasyon na ito na walang pananampalataya na patayin ang bawa’t Sugo na ipinadala sa kanila, at sila ay nakipagtalo ng kamalian upang imali nila sa pamamagitan ng pakikipagtalo ang katotohanan, na kung kaya, pinarusahan Ko sila, na kung paano naging aral at magsisilbing babala ang Aking pagpaparusa sa kanila sa sinumang darating pagkatapos nila!
6. At kung paano naging karapat-dapat ang parusa sa mga naunang sambayanan na tumanggi sa mga Sugo na ipinadala sa kanila ay ganoon din sa mga yaong di-naniwala na magiging makatarungan din sa kanila ang kaparusahan, na sila ang mga maninirahan sa Impiyerno.
7. Ang mga yaong nagpapasan ng ‘`Arsh’ (Trono) ng Allâh (I) na mga anghel at gayundin ang mga nakapalibot sa ‘`Arsh’ na kabilang din sa kanila, ay niluluwalhati nila ang Allâh (I) na malayo sa anumang kakulangan, at pinupuri nila sa kaparaanan na karapat-dapat sa Kanya, at pinaniniwalaan nila Siya nang tunay at ganap na paniniwala, at humihingi sila sa Kanya ng kapatawaran para sa mga mananampalataya, na kanilang sinasabi: “O Allâh (I) na aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Saklaw ng Iyong awa at kaalaman ang lahat ng bagay, na kung kaya, patawarin Mo ang mga yaong nagbalik-loob sa Iyo mula sa pagsamba ng iba at sa mga kasalanan, at sinunod nila ang Daan na ipinag-utos Mo sa kanila na kanilang tatahakin, na ito ay Islâm, at ilayo Mo sila mula sa kaparusahan sa Impiyerno at sa mga kalagim-lagim na mangyayari roon!
8. “O Allâh (I) na aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Papasukin Mo ang mga mananampalataya sa mga Hardin ng ‘`Aden’ na kung saan ipinangako Mo sa kanila, at ganoon din ang mga naging matuwid sa paniniwala at nagsagawa ng kabutihan mula sa kanilang mga magulang, mga asawa at mga anak. Dahil Ikaw sa katotohanan ay ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan na kumukuntrol ng lahat ng bagay, na ‘Al-Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang Pangangasiwa at Paglikha.
9. “At iligtas Mo sila sa masamang kaparusahan sa kanilang mga kasalanan at huwag Mo silang parusahan, at ang sinuman ang Iyong ililigtas sa mga parusa ng kasamaan sa Araw ng Paghuhukom ay katiyakang siya ang Iyong kinaawaan at biniyayaan ng kaligtasan mula sa Iyong parusa.” At ito ang dakilang tagumpay na walang kahalintulad.
10. Katiyakan, ang mga hindi naniwala sa Allâh (I), kapag sila ay nandoroon na sa kagimbal-gimbal na parusa sa Impiyerno, ay kamumuhian nila mismo ang kanilang mga sarili nang matinding pagkamuhi, at doon ay tatawagin sila ng mga tagapamahala sa Impiyerno: “Ang pagkamuhi ng Allâh (I) sa inyo sa daigdig noong ipinag-utos sa inyo na maniwala sa Kanya at sumunod sa Kanyang Sugo na tinanggihan ninyo ay mas matindi kaysa sa galit ninyo ngayon sa inyong mga sarili pagkatapos ninyong mapatunayan na kayo ay karapat-dapat sa galit at parusa ng Allâh (I).”
11. Sasabihin ng mga walang pananampalataya: “O Allâh (I) na aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha! Pinatay Mo kami nang dalawang beses: noong kami ay nasa sinapupunan pa ng aming mga ina na mga semilya bago ihinga sa amin ang aming espiritu at noong nagtapos ang aming buhay sa daigdig. At binuhay Mo kami nang dalawang beses: sa buhay sa daigdig sa araw na kami ay ipinanganak at noong binuhay Mo kami mula sa aming mga libingan! Ngayon ay inaamin na namin ang aming mga pagkakamali, kung gayon, mayroon pa ba kaming pag-asa para makalabas mula sa Impiyerno at ibabalik Mo kami sa daigdig; upang sundin Ka namin?” Subali’t paano pa ba magiging kapaki-pakinabang sa kanila ang pag-amin na ito.
12. Itong parusa ay para sa inyo, O kayong mga walang pananampalataya dahil sa noong kayo ay inaanyayahan tungo sa paniniwala sa Kaisahan ng Allâh (I) at taos-pusong pagsunod sa Kanya ay tumanggi kayo, subali’t kapag tinambalan ang Allâh (I) ay pinaniniwalaan ninyo at sinusunod ninyo. Katiyakan, ang Allâh (I), Siya ay Hukom na makatarungang maghuhukom sa Kanyang nilikha at hindi nang-aapi ni nandaraya man, ginagabayan Niya ang sinuman na Kanyang nais at inililigaw Niya ang sinuman na Kanyang nais, at kinaaawaan Niya ang sinuman na Kanyang nais at pinarurusahan Niya ang sinuman na Kanyang nais, na walang sinuman ang may karapatan at karapat-dapat na sambahin bukod sa Kanya, na Siya ay ‘Al-`Alee’ – ang Kataas-Taasan na nasa Kanya ang tunay at ganap na Kataas-Taasan, na ‘Al-Kabeer’ – ang ganap na Dakila na Siya lamang ang may karapatan ng pagmamataas at pagdadakila.
13. Siya ang nagpamalas sa inyo, O kayong mga tao, ng Kanyang kapangyarihan sa inyong mga nakikita na mga dakilang palatandaan na nagpapatunay sa kaganapan ng Tagapaglikha nito at Nagpanimula nito na walang pinaggayahan, at ibinababa Niya para sa inyo mula sa kalangitan ang ulan at binubuhay kayo sa pamamagitan nito, at walang sinuman ang nakaalaala ng mga palatandaang ito maliban sa sinumang nanumbalik tungo sa pagsunod sa Allâh (I) at taos-puso na dalisay sa pagsamba lamang sa Kanya.
14. Na kung kaya, maging taos-puso kayo sa inyong pagsamba na bukod-tangi lamang na para sa Kanya at ganoon din sa panalangin, O kayong mga mananampalataya, at salungatin ninyo ang mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I), sa kanilang pamamaraan, kahit pa ito ay ikagagalit nila ay pabayaan ninyo sila.
15. Katiyakan, ang Allâh (I) ay Kataas-taasan na Nagmamay-ari ng mga matataas na antas, na itinaas Niya ang Kanyang antas ng pagtataas na malayo sa Kanyang nilikha at itinaas Niya ang Kanyang karangalan, na Siya ay Nagmamay-ari ng Dakilang ‘`Arsh’ (Trono), at kabilang sa Kanyang awa sa Kanyang mga alipin ay ang pagpapadala Niya ng mga Sugo sa kanila, na ipinagkakaloob Niya sa kanila ang Kanyang Rebelasyon, na ito ang ikinabubuhay nila, dahil sila ay nagiging tiyak sa kanilang kalagayan; upang takutin at balaan ng mga Sugo ng Allâh ang mga alipin ng Allâh hinggil sa pagdating ng Araw ng Muling Pagkabuhay, na kung saan, magkakatagpu-tagpo ang kauna-unahan at kahuli-hulihang mga nilikha ng Allâh.
16. Sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay haharap ang mga nilikha sa harapan ng Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at walang sinuman ang makapagtatago mula sa Kanya at walang maililihim ang sinuman hinggil sa kanilang ginawa sa daigdig, at sasabihin ng Allâh (I): “Kanino ang kaharian at pangangasiwa ngayon?” Tutugunan Niya mismo sa Kanyang Sarili na Kanyang sasabihin: “Pagmamay-ari lamang ng Allâh (I) na ‘Al-Wâhid’ – Bukod-Tangi sa Kanyang mga Pangalan, mga Katangian at mga Gawain, na ‘Al-Qahhâr’ – Tagapagpuwersa na kinukuntrol Niya ang lahat ng Kanyang mga nilikha sa Kanyang kakayahan at kapangyarihan.”
17. Sa Araw na ito ay gagantimpalaan ang bawa’t isa sa anuman na kanyang nagawa sa daigdig, mabuti man o masama, at walang sinuman ang dadayain sa Araw na ito na madaragdagan ang kanyang kasalanan o mababawasan ang kanyang kabutihan. Katotohanan, ang Allâh (I) ay mabilis sa Kanyang pagkalkula, na kung kaya, huwag ninyong isipin na matagal pa ang pagdating ng Araw na yaon dahil sa katotohanan ay napakalapit na.
18. Balaan mo, O Muhammad, ang mga tao hinggil sa Araw ng Muling Pagkabuhay na malapit nang dumating, kahit ito ay iniisip nila na matagal pa, sa panahon na kapag ang mga puso ng mga alipin dahil sa kanilang pagkatakot sa parusa ng Allâh (I) ay aangat mula sa kanilang mga dibdib at babara sa kanilang mga lalamunan, at sila ay punung-puno ng pagdadalamhati at pagkalungkot. Wala nang kama-kamag-anak ni kaibigan ang para sa mga masasama, at wala silang tagapagtanggol na mamamagitan sa kanila sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha upang sila ay diringgin at uunawain.
19. Batid ng Allâh (I) ang anumang ninanakaw ng paningin at anumang kinikimkim ng tao sa kanyang sarili, mabuti man o masama.
20. At ang Allâh (I) ay naghahatol nang makatarungan sa pagitan ng mga tao sa anumang karapat-dapat na para sa kanila, samantalang ang mga yaong sinasamba nila bukod sa Allâh (I) na mga diyus-diyosan ay hindi man lamang makapagpapasiya ng anuman sa kanila; dahil sa kanilang kawalan ng kakayahan. Walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) ay ‘As-Samee`’ – ang Ganap na Nakaririnig sa anumang binibigkas ng inyong mga dila, na ‘Al-Baseer’ – ang Ganap na Tagapagmasid at ganap na Nakakikita sa inyong mga gawain at mga kilos.
21. Hindi ba naglakbay sa kalupaan ang mga di-naniniwala sa iyong mensahe, O Muhammad, upang makita nila kung ano ang kinahinatnan ng mga nauna kaysa sa kanila na mga sambayanan? Sila ay higit na nangingibabaw kaysa sa kanila sa lakas at sa mga naiwan na kanilang mga bakas sa kalupaan, subali’t kailanman ay hindi nila napakinabangan ang kanilang kalakasan at ang mga matitipuno nilang mga pangangatawan, at pinuksa sila ng Allâh (I) bilang kaparusahan sa kanila; dahil sa kanilang di-paniniwala at pagsagawa ng mga kasalanan, at wala silang naging tagapangalaga mula sa parusa ng Allâh (I) upang mailigtas sila mula rito.
22. Itong parusa na nangyari sa mga naunang walang pananampalataya, ay dahil sa kanilang ginawa sa mga Sugo ng Allâh (I) na dumating sa kanila na dala-dala nito ang mga matitibay na katibayan na nagpapatunay sa kanilang paanyaya, subali’t tinanggihan nila sila, at di nila sila pinaniwalaan. Na kung kaya, pinuksa sila ng Allâh (I) sa pamamagitan ng Kanyang parusa dahil Siya ay ‘Qawee’ – Ganap na Malakas at Pinakamakapangyarihan na hindi nagagapi ng sinuman, na ‘Shadeedul `Iqâb’ – Matindi ang Kanyang parusa sa sinumang hindi naniwala at lumabag sa Kanya.
23. At katiyakan, ipinadala Namin si Mousâ (u) na may kasamang dakilang palatandaan na nagpapatunay sa kanyang mensaheng dala-dala sa kanila, at malinaw na mga katibayan na nagpapatunay sa kanyang paanyaya, at kamalian sa gawain ng mga tao na kung saan sa kanila siya ay ipinadala.
24. Tungo kay Fir`âwn na hari ng Ehipto, at si Hâmân na kanyang kanang kamay, at si Qârûn na nagmamay-ari ng mga kayamanan, subali’t tinanggihan nila ang mensaheng ito at nagmataas sila, at kanilang sinabi hinggil sa kanya: “Katiyakan, siya ay isang salamangkero na sinungaling, dahil paano niya aangkinin na siya ay ipinadala bilang Sugo sa mga tao?”
25. Nang dumating si Mousâ (u) kina Fir`âwn, Hâmân at Qârûn, na dala-dala niya ang mga malilinaw na mga himala mula sa Amin (Allâh (I)), at hindi lamang nila tinanggihan at tinalikuran, sa halip ay kanila pang sinabi: “Patayin ninyo ang mga anak na kalalakihan ng mga naniwala sa kanya at panatilitihin ninyo ang mga kababaihan upang sila ay alipinin,” subali’t ang anumang pakana ng mga walang pananampalataya ay maglalaho at mawawalan ng saysay.
26. At sinabi ni Fir`âwn sa mga matataas mula sa kanyang sambayanan: “Ipaubaya ninyo sa akin ang lahat at ako mismo ang papatay kay Mousâ, at hayaan ninyong manalangin siya sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha na inaangkin niya na Siya ang nagpadala sa kanya para sa atin, upang pangalagaan siya mula sa atin, dahil sa katunayan, ako ay natatakot na babaguhin niya ang inyong ‘deen’ (o relihiyon) na inyong kinabibilangin sa ngayon, o di kaya ay sasanhiin niya na lumitaw ang kasamaan sa kalupaan ng Ehipto.”
27. At sinabi ni Mousâ kay Fir`âwn at sa kanyang mga tauhan: “Katiyakan, ako ay humihingi ng kalinga sa Allâh (I) na aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha at inyo ring ‘Rabb’ na Tagapaglikha, sa bawa’t nagmamataas sa inyo na di-naniniwala sa Kaisahan ng Allâh (I) at sa pagsunod sa Kanya, at hindi naniniwala sa Araw ng Paghuhukom ng Allâh (I) sa Kanyang mga nilikha.”
28. At sinabi ng isang lalaki na naniniwala sa Allâh (I) mula sa pamilya ni Fir`âwn na inililihim niya ang kanyang paniniwala bilang di-pagsang-ayon sa kanyang sambayanan: “Paano ninyo ipinahihintulot ang pagpatay ng isang tao na walang kasalanan sa inyo, dahil lamang sa sinasabi niya na ang aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay ang Allâh (I), at katiyakang dala-dala niya sa inyo ang mga matitibay na katibayan mula sa Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na nagpapatunay sa kanyang mga sinasabi? At kung si Mousâ ay nagsisinungaling ay sa kanya rin lamang babalik ang parusa ng kanyang ginawang kasinungalingan; subali’t kung siya ay nagsasabi ng katotohanan, samakatuwid ay mangyayari ang ilan sa kanyang ibinabala sa inyo.” Katiyakan, ang Allâh (I) ay hindi Niya ginagabayan sa katotohanan ang sinumang lumalampas sa hangganan sa pamamagitan ng pag-iwas sa tama at pagsagawa ng kamalian, na higit na sinungaling na idinadahilan niya ang Allâh (I) sa kanyang ginagawang pagmamalabis.
29. “O aking sambayanan! Nasa inyo ngayon ang kapangyarihan na kayo ang nangingibabaw dito sa kalupaan laban sa mga angkan ni Isrâ`il, subali’t sino ang magliligtas sa inyo mula sa kaparusahan ng Allâh (I) kapag ito ay nangyari sa inyo?” Sinabi ni Fir`âwn sa kanyang sambayanan bilang pagtutugon at pagtatakip sa katotohanan: “Wala akong nakikita sa inyo, O kayong mga tao, na pananaw at pagpapayo, maliban sa kung ano ang nakikita ko na makabubuti sa akin at sa inyo na tama, at hindi ko kayo hinihikayat kundi sa daan lamang ng katotohanan.”
30. At sinabi ng lalaki na naniwala mula sa pamilya ni Fir`âwn kina Fir`âwn at sa kanyang sambayanan bilang pagpapayo at pagbababala: “Katiyakan, ako ay natatakot na mangyari sa inyo kapag pinatay ninyo si Mousâ, ang katulad ng nangyari sa mga grupo ng mga tao na nagsama-sama laban sa kanilang mga Propeta.
31. “Na katulad ng kinaugalian ng sambayanan ni Nûh, ni `Âd at ni Thamud at ang mga dumating pa pagkatapos nila na di-naniwala at tumanggi, pinuksa sila ng Allâh (I) dahil doon. At ang Allâh (I) ay hindi Niya nais na apihin ang mga alipin, na parurusahan Niya sila na wala silang nagawang kasalanan. Kataas-taasan ang Allâh (I), na Siya ay malayo sa pang-aapi at malayung-malayo sa anumang kakulangan.
32. “At, O aking sambayanan! Katiyakan, ako ay natatakot na mangyari sa inyo ang parusa sa Araw na ang mga tao ay magtatawagan sa isa’t isa; dahil sa kagimbal-gimbal na mangyayari sa Araw ng Muling Pagkabuhay.”
33. Sa Araw na kapag kayo ay tatalikod at tatakas, na wala nang magliligtas pa sa inyo at tutulong mula sa parusa ng Allâh (I). At sinuman ang binigo ng Allâh (I) at hindi Niya ginabayan tungo sa katotohanan.
34. Katiyakan, ipinadala ng Allâh (I) sa inyo ang kagalang-galang na Propeta na si Yûsuf na anak ni Ya`qub bago pa si Mousâ (u), na dala-dala niya ang mga malilinaw na katibayan na nagpapatunay sa kanya, at inutusan kayo na sambahin ang Allâh (I) na Bukod-Tangi na walang katambal, at patuloy pa rin kayo na nagdududa sa anuman na dala-dala niya sa inyo noong siya ay buhay pa, hanggang sa siya ay namatay at mas lalong naragdagan ang inyong pagdududa at pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I) at inyong sinabi: “Katiyakan, ang Allâh (I) ay hindi na magpapadala ng Sugo pagkatapos niya, at sa ganoong pagkaligaw ay inililigaw ng Allâh (I) ang sinumang nagmamalabis na lumalampas sa hangganan ng katotohanan, na nagdududa sa Kaisahan ng Allâh (I), na kung kaya, hindi Niya ginagabayan tungo sa patnubay.”
35. Ang mga yaong nagtatalu-talo hinggil sa mga talata ng Allâh (I) at ng Kanyang katibayan upang ito ay pawalan ng saysay, na walang dumating sa kanila na katanggap-tanggap na katibayan, ay napakalaking galit ng Allâh (I) sa mga ganoong pagtatalu-talo at gayundin ang galit ng mga mananampalataya, na kung paano isinasara ng Allâh (I) sa pagkaligaw at hinarangan sa patnubay ang mga puso nila na mga nagtatalu-talo ay isasara rin ng Allâh (I) ang puso ng lahat ng nagmamataas na di-naniniwala sa Kaisahan ng Allâh (I) at sa pagsunod sa Kanya, na nagmamayabang sa pamamagitan ng dami ng kanyang kasalanan at pagmamalabis.
36-37. At sinabi ni Fir`âwn bilang pagpapasinungaling kay Mousâ sa kanyang paanyaya tungo sa paniniwala sa ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng lahat ng mga nilikha at pagsuko sa Kanya: “O Hâmân! Pagtayo mo ako ng dakilang tore; baka sakaling marating ko ang mga pinto ng kalangitan at anuman ang magpaparating sa akin doon sa itaas, upang makita ko mismo ang ‘Ilâh’ o Diyos na sinasamba ni Mousâ, at katiyakan, sa aking palagay si Mousâ ay nagsisinungaling sa kanyang pag-aangkin na mayroon tayong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na Siya ay nasa ibabaw ng mga kalangitan,” sa ganoon pinagaganda kay Fir`âwn ang kanyang masamang gawain na nakikita niya na ito ay mabuti, at hinarangan sa kanya ang daan ng katotohanan; dahil sa kamalian na pinagaganda sa kanyang paningin, subali’t ang anumang pakana ni Fir`âwn upang linlangin ang mga tao na siya ang nasa tama na si Mousã (u) ay mali, ay walang patutunguhan kundi pagkatalo at pagkawasak, at wala siyang mapapala kundi kapighatian dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.
38. At sinabi ng tao na naniwala bilang pag-uulit ng pagpapayo sa kanyang sambayanan: “O aking sambayanan, sumunod kayo sa akin at ituturo ko sa inyo ang Daan ng Patnubay at Katotohanan.
39. “O aking sambayanan! Ang buhay dito sa daigdig na kung saan nasisiyahan ang mga tao ay napakabilis lamang, pagkatapos ay magtatapos at maglalaho, na kung kaya, huwag kayong mahumaling nang labis dito, dahil ang buhay sa Kabilang-Buhay na kung saan nandoroon ang patuloy na kaligayahan ay siyang inyong pananatilihan, na kung kaya, nararapat na ito ay unahin at gumawa kayo para rito ng mabuting gawa na ikaliligaya ninyo roon.
40. “Sinuman ang lalabag sa Allâh (I) sa kanyang buhay at tumaliwas sa Daan ng Patnubay, ay wala siyang matatamo sa Kabilang-Buhay kundi parusa na katumbas ng kanyang nagawang kasalanan, at sino naman ang sumunod sa Allâh (I) at gumawa ng mabuti at sumunod siya sa Kanyang mga ipinag-uutos at umiwas siya sa Kanyang mga ipinagbabawal, lalaki man o babae, na siya ay naniniwala sa Allâh (I) sa Kanyang Kaisahan, sila ang papasok sa ‘Al-Jannah’ (Hardin), at ipagkakaloob sa kanila roon ang kabuhayan mula sa mga bunga at kaligayahan na walang pagmamaliw.
41. “O aking sambayanan! Kung paano ang pag-anyaya ko sa inyo tungo sa paniniwala sa Allâh (I) at pagsunod sa Kanyang Sugo na si Mousâ (u), na siyang paanyaya na magdadala sa inyo sa ‘Al-Jannah’ (Hardin) at maglalayo sa inyo sa kagimbal-gimbal na Impiyerno, ay kayo naman ay inaanyayahan ninyo ako tungo sa gawain na magdadala sa akin sa kaparusahan ng Allâh (I) at Kanyang pagpapahirap sa Impiyerno.
42. “Hinihikayat ninyo ako upang hindi maniwala sa Allâh (I), at sa pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I) na labag sa anumang kaalaman na mayroon ako na itong sinasamba ninyo ay karapat-dapat sambahin bukod sa Kanya – at ito ang pinakamalaking kasalanan at karumal-dumal – at ako ay hinihikayat ko kayo tungo sa Daan ng Allâh (I) na ‘Al-`Azeez’ – Ganap na Makapangyarihan sa Kanyang paghihiganti, na ‘Al-Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa sinumang nagbabalik-loob sa pamamagitan ng pagsisisi pagkatapos niyang magkasala.
43. “Sa katunayan, tunay na ang anuman na inyong iniaanyaya sa akin na paniwalaan ay hindi karapat-dapat ipag-aanyaya at hindi makatutugon sa anuman na aking kahilingan dito sa daigdig ni sa Kabilang-Buhay man dahil sa walang kakayahan, at dapat ninyong mabatid ang patutunguhan ng lahat ng nilikha ay sa Allâh (I) lamang, at tutumbasan Niya ang lahat ayon sa kanyang nagawa, at ang mga yaong nagmamalabis sa pagsagawa ng mga kasalanan sa pamamagitan ng pagpatay at di paniniwala ay sila ang mga tauhan ng Impiyerno.”
44. At nang natapos na silang payuhan at hindi sila sumunod, kanyang sinabi sa kanila: “Walang pag-aalinlangang maaalaala ninyo ako na ako ang nagpayo at nagpaalaala sa inyo, at walang pag-aalinlangang magsisisi kayo sa panahon na wala nang pakinabang ang pagsisisi, at ako ay magbabalik sa Allâh (I) at ipinagkakatiwala ko ang lahat ng mga bagay sa Allâh (I) at ipinauubaya ko ang aking sarili sa Kanya. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Baseer’ – Ganap na Tagapagmasid sa mga kalagayan ng Kanyang alipin at ang anuman na karapat-dapat sa kanila na kabayaran, at walang anumang bagay ang naililihim sa Kanya.”
45. Na kung kaya, iniligtas ng Allâh (I) ang taong mananampalatayang ito mula sa kaparusahan na pakana ni Fir`âwn at ng kanyang pamilya, at nangyari sa kanila ang matinding parusa noong sila ay nilunod ng Allâh (I) hanggang sa kahuli-hulihan sa kanila.
46. Katiyakan, nangyari sa kanila ang pagkalunod bilang unang parusa, at sila ay namatay lahat, pagkatapos ay parurusahan sila sa kanilang mga libingan sa pamamagitan ng pagdarang sa kanila sa apoy sa umaga’t hapon hanggang sa Araw ng Pagbabayad, at sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay papapasukin ang mga pamilya ni Fir`âwn sa Impiyerno; bilang kabayaran sa kanilang nagawang mga masasamang gawain. Itong talata ay nagpapatunay sa kaparusahan sa libingan.
47. Kapag nagtatalu-talo ang mga nasa Impiyernong-Apoy at sisihin ng iba sa kanila ang iba, at mangangatwiran ang mga sumunod laban sa kanilang mga ninuno na mapagmataas na nanligaw sa kanila, at pinaganda sa kanila ang daan ng kapahamakan, na sasabihin nila sa kanila: “Katotohanan na sinunod namin kayo, na kung kaya, maaari bang akuin ninyo ang ilang bahagi ng parusa sa amin sa Impiyerno?”
48. Sasabihin ng mga namumuno na mga mapagmataas na patutunayan nila ang kanilang kawalang kakayahan: “Hindi namin maaaring pasanin ang kahit na anumang parusa sa inyo sa Impiyernong-Apoy, dahil lahat tayo ay nasa Impiyerno at wala na tayong kaligtasan mula rito! Katiyakan, ang Allâh (I) ay hinati-hati Niya ang parusa sa atin ayon sa kung ano ang karapat-dapat na bahagi ng bawa’t isa sa atin ng makatarungang pagpapasiya.”
49. At sasabihin ng mga nasa Impiyerno na mga mapagmataas at mga mahihina sa mga tagapangasiwa sa Impiyerno: “Idalangin ninyo sa Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha na pagaanin sa amin ang parusa kahit na isang araw man lamang; upang magkaroon kami ng kaginhawaan.”
50. Sasabihin ng mga tagapangasiwa ng Impiyernong-Apoy bilang pag-aalipusta: “Ang ganitong panalangin ay walang anumang magagawa sa inyo, at hindi ba dumating sa inyo ang mga Sugo na dala-dala nila ang mga malilinaw na katibayan mula sa Allâh (I) at di ninyo pinaniwalaan?” At doon aamin ang mga walang pananampalataya at kanilang sasabihin: “Oo nga!” Na kung kaya, itatanggi sila ng mga tangapangasiwa ng Impiyerno at kanilang sasabihin: “Hindi kami mananalangin para sa inyo at hindi kami mamamagitan para sa inyo, na kung kaya, kayo na lamang ang manalangin, subali’t ang ganitong panalangin ay walang magagawa sa inyo; dahil kayo ay mga walang panananpalataya, at ang panalangin ng mga walang pananampalataya ay walang patutunguhan, ito ay maglalaho, walang saysay at hindi diringgin.”
51. Katiyakan, papanalunin Namin ang Aming mga Sugo at ang sinumang sumunod sa kanila na mga mananampalataya, at patitibayin Namin sila laban sa sinumang gagawa sa kanila ng di-kanais-nais dito sa buhay sa daigdig, at sa Araw ng Muling Pagkabuhay na Araw na kung saan titestigo ang mga anghel, ang mga propeta, at ang mga mananampalataya laban sa mga sambayanan na hindi naniwala sa kanilang mga Sugo, sila ay titestigo na katiyakang naiparating ng mga Sugo ang kanilang mga mensahe mula sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at katotohanang hindi sila pinaniwalaan ng mga tao.
52. Sa Araw ng Pagbabayad ay hindi mapapakinabangan ng mga tumanggi na lumampas sa hangganan na itinakda ng Allâh (I) ang anuman na kanilang idadahilan na mga katwiran sa kanilang ginawang pagtanggi sa mga Sugo ng Allâh (I), at para sa kanila ay pagtataboy mula sa awa ng Allâh (I), at ang para (pa rin) sa kanila ay masamang tirahan sa Kabilang-Buhay na ito ay Impiyernong-Apoy.
53-54. At katiyakan, ipinagkaloob Namin kay Mousã (u) ang gabay tungo sa katotohanan na ito ay ‘Tawrah’ at ang mga himala, at ginawa Namin ang mga angkan ni Isra`il na tagapagmana ng ‘Tawrah,’ na gabay tungo sa Daan ng Patnubay, at pagpapayo para sa mga nagtatangan ng matutuwid na kaisipan.
55. Na kung kaya, pagtiisan mo, O Muhammad, ang mga pagpapahirap na ginagawa sa iyo ng mga di-naniniwala sa Allâh (I), dahil katiyakang ipinangako Namin sa iyo, na mangingibabaw ang iyong batas at ang Aming pangako ay katotohanang hindi mababali, at humingi ka ng kapatawaran sa iyong pagkakamali, at manatili ka sa iyong pagdakila at pagpuri sa Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, sa dulo ng umaga at sa umpisa nito.
56. Katiyakan, ang yaong nagtatalo sa mga talata ng Allâh (I) at sa mga katibayan ng Kanyang kapangyarihan at inihalo nila ang mga malinaw na katibayan sa kamalian na wala silang anumang malinaw na katibayan na dumating mula sa Allâh (I), at sa kanilang mga puso ay walang iba kundi pagmamataas na nagdudulot sa kanila ng pagsisinungaling laban sa iyo, at panibugho sa anumang kagandahang-loob na itinangi ng Allâh (I) sa iyo, na hindi nila narating, na kung kaya, ipaubaya mo ang iyong sarili sa Allâh (I), upang ilayo sa kanilang kasamaan; katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘As-Samee`’ – Ganap na Nakaririnig sa kanilang mga sinasabi, na ‘Al-Baseer’ – Ganap na Nakakikita sa kanilang mga gawain.
57. Ang paglikha ng Allâh (I) sa mga kalangitan at kalupaan ay mas dakila kaysa sa paglikha sa tao at sa pag-uulit muli ng paglikha sa kanila pagkatapos ng kamatayan, subali’t karamihan sa mga tao ay hindi nila batid na ang paglikha sa lahat ng ito ay napakadali lamang para sa Allâh (I).
58. At hindi magkaparehas ang bulag at ang nakakikita, at gayundin, hindi rin magkaparehas ang mga naniniwala at mananampalataya na sumusunod sa patnubay ng Allâh (I) at naniniwala sa Kanyang Kaisahan, at ang mga hindi naniniwala na ginagalit nila ang Allâh (I) at tinatanggihan nila ang mga malilinaw na katibayan mula sa Allâh (I). Kakaunti lamang sa inyo na mga tao ang nakaaalaala ng mga katibayan ng Allâh (I) upang ito ay makapagdulot ng aral at makapagbigay ng payo.
59. Katiyakan, ang pagkagunaw ng daigdig ay darating at walang pag-aalinlangan ang hinggil dito, na kung kaya, tiyakin ninyo ang pagdating nito na tulad ng naibalita ng mga Sugo, subali’t ang karamihan sa mga tao ay di-naniwala sa pagdating nito at hindi rin nila ito pinaghandaan.
60. At sinabi ng Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, “O kayong mga alipin! Manalangin kayo sa Akin at Ako lamang ang inyong sambahin at tutugunin Ko kayo, katiyakan, ang mga yaong nagmamataas na di-naniniwala sa pagsamba lamang nang bukod-tangi sa Akin at sa Aking pagiging ‘Ilâh’ o Diyos na sinasamba, walang pag-aalinlangan, makapapasok sila sa Impiyerno na mga hamak at kaaba-aba.”
61. Ang Allâh (I) na Bukod-Tangi na Siyang lumikha para sa inyo ng gabi; upang kayo ay makapamahinga at maisakatuparan ninyo ang tunay na pamamahinga, at ang araw na maliwanag, upang mapangasiwaan ninyo ang inyong pamumuhay. Katiyakan, ang Allâh (I) ay nagtatangan ng dakilang kagandahang-loob sa mga tao, subali’t ang karamihan sa kanila ay hindi tumatanaw ng utang na loob sa Kanya sa pamamagitan ng pagsunod at taos-pusong pagsamba lamang sa Kanya.
62. Siya na nagkaloob sa inyo ng ganitong biyaya ay Siya sa katotohanan lamang ang inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha na naglikha ng lahat ng bagay, na walang sinuman ang may karapatan at karapat-dapat na sambahin bukod sa Kanya, na kung kaya, paano ninyo tinatanggihan ang paniniwala sa Kanya at sinasamba ninyo ang iba na mga rebulto, pagkatapos naging malinaw sa inyo ang Kanyang mga palatandaan?
63. At kung paano kayo inilayo sa katotohanan pagkatapos mapatunayan ang katibayan sa inyo at tinanggihan ninyo, ay ganoon din ilalayo sa katotohanan at paniniwala sa Allâh (I) ang mga yaong tinanggihan ang Kanyang mga talata.
64. Ang Allâh (I) ay Siyang lumikha para sa inyo ng kalupaan; upang ito ay inyong panatilihan at maging tirahan at ginawa Niyang madali sa inyo ang pamumuhay dito, at ginawa Niya ang kalangitan bilang bubong ng kalupaan, at ikinalat Niya rito ang mga palatandaan na gagabay sa inyo, at hinubog Niya kayo sa pinakaganap na kaanyuan at pinakamabuting katayuan, at ipinagkaloob Niya sa inyo ang mga ipinahintulot na kabuhayan at mga masasarap na mga makakain at inumin, na itong natatamasa ninyong mga biyaya ay biyaya sa inyo ng inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na kung kaya, naging masagana ang Kanyang kabutihan, kagandahang-loob at biyaya sa inyo, at Siya ay luwalhati na malayo sa anumang hindi karapat-dapat na para sa Kanya, na Siya ay ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng lahat ng mga nilalang.
65. Ang Allâh (I), Siya ay ‘Al-Hay’ – ang Walang-Hanggang Buhay, nasa sa Kanya ang ganap at buong kahulugan ng pagkabuhay na angkop na angkop sa Kanyang Kamaharlikaan, na walang sinuman ang may karapatan at karapat-dapat na sambahin bukod sa Kanya, na kung kaya, humiling kayo sa Kanya at ituon ninyo ang pagsamba sa Kanya na Bukod-Tangi at maging taos-puso sa inyo ang pagsunod sa Kanyang ‘Deen’ at kautusan. At ang papuri ay Pagmamay-ari lamang ng Allâh (I) na ganap na para lamang sa Kanya na Siya ay ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng lahat ng mga nilalang.
66. Sabihin mo, O Muhammad, sa mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) mula sa iyong sambayanan: “Katiyakan, ipinagbabawal sa akin na sambahin ang inyong dinadalanginan bukod sa Allâh (I), nang dumating sa akin ang mga malilinaw na mga palatandaan mula sa Allâh (I) na aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at inutusan Niya ako na magpasailalim, sumunod nang ganap na pagsunod para lamang sa Kanya, luwalhati sa Kanya na Siyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng mga nilalang.”
67. Siya ang lumikha ng inyong ama na si Âdam mula sa alikabok, pagkatapos ay nilikha kayo mula sa semilya sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan, at pagkatapos nito kayo ay naging isang malapot na namuong dugo, pagkatapos ay nangyari sa inyo ang iba’t ibang yugto sa sinapupunan, hanggang sa kayo ay ipapanganak na maliliit na sanggol, pagkatapos kayo ay magkakaroon ng lakas sa inyong pangangatawan hanggang kayo ay tatanda – bagama’t mayroon sa inyo ang namamatay bago pa ito mangyari – at upang marating ninyo ang iba’t ibang yugto na nakatakda sa inyo na naitala na katapusan ng inyong buhay, nang sa gayon ay mapag-isipan ninyo ang mga palatandaan ng Allâh (I) sa inyo, at susuriin ang Kanyang mga talata, upang mabatid ninyo na katiyakang walang karapat-dapat na sambahin bukod sa Kanya, na ganito ang Kanyang gawain, at katiyakang walang sinuman ang nararapat na sambahin bukod sa Kanya.
68. Siya ang Allâh (I) na Bukod-Tanging Tagapagbigay ng buhay at Tagapagsanhi ng kamatayan, at kapag pinagpasiyahan Niya ang isang bagay sinasabi Niya lamang dito na ‘Kun!’ – “Mangyari” at ito ay kaagad mangyayari, at walang sinuman ang makababawi ng Kanyang pinagpasiyahan.
69. Hindi ka ba namamangha, O Muhammad, sa kanila na hindi naniniwala sa mga talata ng Allâh (I), na ito ay kanilang pinagtatalunan, gayong ito ay malinaw bilang katibayan sa Kaisahan ng Allâh (I) at sa Kanyang Kakayahan, subali’t paano nila ito tinatanggihan kahit ito ay tama? At saan ba sila patutungo pagkatapos ng ganap na paglilinaw na ito?
70-72. Sila na mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) ay tinanggihan nila ang Banal na Qur’ân at ang naunang kasulatan na ipinahayag ng Allâh (I) sa Kanyang mga Sugo upang gabayan ang mga tao, at walang pag-aalinlangang mababatid nila na mga hindi naniwala ang bunga ng kanilang di-paniniwala kapag itinali na ang kulyar sa kanilang mga leeg at mga kadena sa kanilang mga paa na kung saan hihilahin sila ng mga anghel ng kaparusahan sa tubig na kumukulo na napakatindi ang init, pagkatapos ay sa Impiyernong-Apoy na sila ay sinisilaban.
73-74. Pagkatapos ay sasabihin sa kanila bilang pag-aalipusta, habang sila ay nandoroon sa napakasama nilang kalagayan: “Nasaan na ang inyong mga diyus-diyosan na inyong sinamba bukod sa Allâh (I)? Maaari ba nila kayong matulungan ngayon? Tawagin ninyo sila; upang iligtas kayo mula sa parusang nangyayari sa inyo kung kaya nila,” na sasabihin ng mga walang pananampalataya: “Nawala na sila sa aming mga paningin, na kung kaya, wala na kaming anumang pakinabang sa kanila,” at aaminin nila na sila ay nasa kamangmangan noon, at ang kanilang pagsamba sa mga diyus-diyosan na ito ay isang kamalian na walang anumang kahalagahan, na kung paano sila iniligaw ng Allâh (I) dahil sa pagligaw sa kanila ng kanilang mga sinamba bukod sa Allâh (I) sa daigdig, na kung kaya, napunta sila sa Impiyerno ay ganoon din ililigaw ng Allâh (I) ang mga hindi naniniwala sa Kanya.
75. Ang parusa na kung saan nangyari sa inyo ay dahil sa inyong kapabayaan noong kayo ay nabubuhay pa sa daigdig, dahil kayo ay nasisiyahan sa inyong mga ginagawang paglabag at mga kasalanan, at dahil sa inyong pagmamataas at pagmamalabis laban sa mga alipin ng Allâh (I) na mga mananampalataya na wala naman kayong karapatan.
76. Pumasok kayo sa iba’t ibang pintuan ng Impiyerno bilang kaparusahan sa inyo sa inyong di-paniniwala sa Allâh (I) at paglabag ninyo sa Kanya at manatili kayo roon magpasawalang-hanggan, napakasama ng Impiyerno bilang tuluyan ng mga nagmataas sa daigdig laban sa Allâh (I).
77. Magtiis ka, O Muhammad, at magpatuloy ka sa Daan ng Pag-aanyaya, katiyakang ang pangako ng Allâh (I) ay katotohanan at tutuparin ng Allâh (I) sa iyo ang Kanyang pangako, at maaari na ipakita Namin sa iyo habang ikaw ay nabubuhay ang ilan sa ipinangako Namin na kaparusahan sa mga sumamba ng iba bukod sa Allâh (I), o di kaya ay sasanhiin Namin na ikaw ay mamatay bago ito mangyari sa kanila, at pagkatapos ay sa Amin pa rin naman sila patutungo sa Araw ng Muling Pagkabuhay at ipalalasap Namin sa kanila ang masidhing kaparusahan dahil sa kanilang pagtanggi at hindi paniniwala.
78. At katiyakang ipinadala Namin bago ang pagkakapadala sa iyo, O Muhammad, ang maraming mga Sugo tungo sa kanilang sambayanan na inaanyayahan sila, at tinitiis nila ang mga pahirap: mayroon sa kanila na naikuwento Namin sa iyo ang hinggil sa kanila, at mayroong hindi na Namin ikinuwento sa iyo, at lahat sila ay inutusan na iparating ang kapahayagan ng Allâh (I) sa kanila. At walang sinuman sa kanila ang nagpapakita ng palatandaan o mga talata ng Allâh (I) maliban sa anumang ipinahintulot lamang ng Allâh (I) at Kanyang kagustuhan, at kapag dumating ang kautusan ng Allâh (I) na parusahan ang mga hindi naniwala ay pinagpasiyahan ito nang makatarungan sa pagitan ng mga Sugo at mga hindi naniwala sa kanila, at ang mga tagasunod at gumagawa ng kamalian samakatuwid ay matatalo; dahil sa kanilang pagsisinungaling laban sa Allâh (I) at sa pagsamba nila ng iba bukod sa Kanya.
79-80. Ang Allâh (I) ay Siyang lumikha para sa inyo ng mga hayop; upang ito ay mapakinabangan ninyo: na kapakinabangan ng pagsakay o pagkain ng laman nito at iba pa na mga kapakinabangan, at upang maiparating ninyo ang inyong mga dalahin sa pamamagitan nito sa nais ng inyong mga kalooban na marating na mga malalayong lugar, at sa pamamagitan nitong mga hayop ay dinadala kayo sa kapatagan at ganoon din nakasasakay kayo ng sasakyang pandagat na inilalayag kayo sa karagatan sa pamamagitan nito.
81. At ipinakikita ng Allâh (I) ang Kanyang napakaraming malilinaw na palatandaan na nagpapatunay ng Kanyang kakayahan at pangangasiwa sa Kanyang mga nilikha, na kung kaya, saan sa mga palatandaan Niya ang inyong tinatanggihan at hindi tinatangkilik?
82. Hindi ba naglakbay ang mga walang pananampalataya sa kalupaan at sinuri ang mga ikinamatay at tinamasang parusa ng mga sambayanan na di-naniwala na nauna sa kanila, at kung ano ang kanilang kinahinatnan? At itong mga sambayanan na nauna sa kanila ay mas marami sila sa bilang kaysa kanila at mas makapangyarihan sa lakas at mga sandata, at mas marami silang palatandaan na nanatili sa kalupaan bilang mga bakas ng mga itinayo nila at iba pa, subali’t walang nagawa sa kanila ang anuman na kanilang nakamtan na kapangyarihan noong dumating sa kanila ang kaparusahan ng Allâh (I).
83. At nang dumating ang mga Sugo sa mga sambayanan na hindi naniwala na dala-dala nila ang mga malilinaw na palatandaan ay pinagtawanan nila sila dahil sa kanilang kamangmangan at kaalaman na salungat sa anumang dala-dala sa kanila ng mga Sugo, at dumating sa kanila ang kaparusahan na ipinamadali nila sa mga Sugo bilang pangungutya at pag-aalipusta. Dito sa talatang ito ang tanda ng anumang kaalaman na labag sa Islâm o di kaya ay sumisira rito o di kaya ay naglalagay ng pag-aalinlangan sa pagiging totoo nito, lahat ng ganitong kaalaman ay kinasusuklaman ng Allâh (I), at ang naniniwala sa ganitong kaalaman ay hindi kabilang sa tagasunod ni Propeta Muhammad (r).
84. At nang dumating sa kanila ang Aming parusa ay saka pa sila umamin subali’t wala nang pakinabang ang kanilang pag-amin, na kanilang sinabi: “Naniwala na kami sa Allâh (I) na Bukod-Tangi at tinanggihan na namin ang anumang sinamba namin bilang pagtatambal sa Allâh (I).”
85. Subali’t wala nang pakinabang sa kanila ang kanilang paniniwala noong nakita na nila ang Aming parusa; dahil ang ganitong paniniwala ay napipilitan lamang na hindi bukal sa kanilang kalooban, ito ang pamamaraan ng Allâh (I) na nangyari rin sa mga nauna pang mga tao noong sila ay tumanggi ay nawalan ng pakinabang ang paniniwala nila noong nakita na nila ang parusa, at doon napahamak ang mga walang pananampalataya noong dumating na ang parusa ng Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa kanila, habang sila ay nasa pagtanggi sa Kaisahan ng Allâh (I) at di-pagsunod sa Kanya.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment