Sunday, May 16, 2010

Sûrat Luqmân

31
XXXI – Sûrat Luqmân
[Kabanata Luqmân – Si Luqmân]

بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal

1. Alif-Lãm-Mĩm. Ang mga titik na ito ng ‘Arabic’ ay nauna nang naipaliwanag sa ‘Sûratul Baqarah.’

2. Ito ay mga talata ng Banal na Qur’ân na nagtatangan ng ganap na karunungan.

3. Ang mga talatang ito ay gabay, habag sa mga yaong mabubuti sa kanilang gawain na pagsunod sa ipinahayag ng Allâh (I) sa Banal na Qur’ân at sa anumang ipinag-utos sa kanila ng Kanyang Sugo na si Muhammad (r).

4. Ang mga yaong nagsasagawa ng ‘Salâh’ sa kabuuan nito at isinasagawa ito sa tamang oras, nagbibigay ng ‘Zakâh’ na obligadong kawanggawa sa kanila, at sila ay may ganap na katiyakan sa kanilang paniniwala hinggil sa Pagkabuhay na Mag-uli at pagbabayad sa Kabilang-Buhay.

5. Sila na mga yaong nagtatangan ng mga nabanggit na katangian ay nasa malinaw na patnubay at liwanag mula sa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at sila ang mga yaong magtatagumpay dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.

6. At mayroon sa mga tao na bumibili ng walang kabuluhan na mga pananalita – na ito ay ang anumang naglilihis mula sa pagsunod sa Allâh (I) at humaharang sa Kanyang pagmamahal – upang iligaw nila ang mga tao mula sa Daan ng Gabay patungo sa lihis na landas at pinagtatawanan ang mga talata ng Allâh (I). Ang para sa kanila ay parusa na magpapababa at magpapahamak sa kanila.

7. At kapag binigkas sa kanya ang mga talata ng Banal na Qur’ân ay tatalikod siya mula sa pagsunod sa Allâh (I), magmamataas na hindi iintindihin ang aral, na tila wala siyang narinig na anuman, na parang may kabingihan sa kanyang dalawang tainga, na kung kaya, sinuman na ganito ang kaugalian ay ipamalita mo sa kanya, O Muhammad, ang masidhing kaparusahan sa Impiyerno sa Araw ng Muling Pagkabuhay.

8. Katiyakan, yaong mga naniwala sa Allâh (I) at sa Kanyang Sugo at gumawa ng mga mabubuting gawa na ipinag-utos sa kanila, ay sila ang nasa patuloy na kasiyahan sa mga Hardin ng Kaluguran sa ‘Al-Jannah.’

9. At ang kanilang buhay sa mga Hardin na yaon ay walang katapusan na hindi na magmamaliw, at ito ang pangako sa kanila ng Allâh (I) na pangakong tunay at makatotohanan at Siya ay hindi Niya sinisira kailanman ang Kanyang Pangako. At Siya ay ‘Al-`Azeez’ – ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan sa Kanyang pag-aatas, na ‘Al-Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang Pangangasiwa.

10. Nilikha ng Allâh (I) ang mga kalangitan, na ito ay Kanyang itinaas na wala kayong nakikitang anumang mga haligi o pundasyon, at itinalusok Niya sa kalupaan ang mga matatag na kabundukan; upang hindi yayanig sa inyo at hindi gagalaw ang kalupaan nang sa gayon ay hindi masira ang inyong pamumuhay, at ikinalat Niya sa kalupaan ang iba’t ibang gumagalaw na mga buhay na bagay, at ibinaba Niya mula sa ulap ang tubig-ulan at pinatutubo Niya sa pamamagitan nito ang mga pananim mula sa kalupaan na magkakapares at mga mabubuting uri na kapaki-pakinabang, na napakagagandang tanawin.

11. At ang lahat ng iyong mga nakikita ay nilikha ng Allâh (I), na kung kaya, ipakita ninyo sa Akin, O kayo na mga ‘Mushrikun’ – nagtatambal o sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I), kung ano ang nilikha ng inyong mga diyus-diyosan na sinasamba bukod sa Allâh (I). Hindi ang kanilang inaakala ang katotohanan, kundi sila na mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) ay nasa malinaw na pagkakalayo sa katotohanan at sa Matuwid na Landas.
12. Katiyakan, ipinagkaloob Namin sa isang mabuting alipin mula sa Aming mga alipin – si Luqmân – ang karunungan, na ito ay kaalaman sa ‘Deen’ (o Relihiyon) at kawastuhan ng pag-iisip at tamang pananalita, at sinabi Namin sa kanya: “Pasalamatan mo ang Allâh (I) sa Kanyang mga biyaya sa iyo,” at sinuman ang nagpapasalamat sa Allâh (I) na kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, ang pakinabang nito ay para rin lamang sa kanya sapagka’t ito ay babalik sa kanya, at sino naman ang babalewalain ito ay walang pag-aalinlangang ang Allâh (I) ay ‘Ghanee’ – Napakayaman na Ganap na Malaya mula sa lahat ng pangangailagan na hindi nangangailangan ng pagtatanaw ng utang na loob sa kahit na sinupaman, na ‘Hameed’ – ang Nagmamay-ari ng lahat ng papuri, na pinupuri sa Kanyang mga katangian at sa Kanyang mga gawa sa lahat ng pagkakataon.

13. At alalahanin mo, O Muhammad (r), ang pagpapayo ni Luqmân sa kanyang anak na kanyang sinabi sa kanya: “O aking anak! Huwag kang sumamba ng iba bukod sa Allâh (I) dahil maapi mo ang iyong sarili; sa kadahilanang ang pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I) ay isang napakalaking kasalanan, sukdulang kasamaan at karumal-dumal na gawain.”

14. At inutusan Namin ang tao na maging mabuti sa kanyang mga magulang at maging masunurin, dahil sa dinala siya sa sinapunanan ng kanyang ina sa kahinaan at kahirapan pagkatapos ay panibagong kahinaan at kahirapan muli, at ang pagdadalang-tao sa kanya ng kanyang ina, at ang pagpapasuso sa kanya hanggang sa siya ay awatin sa pagpapasuso ay sa loob ng dalawang taon, at Aming sinabi sa kanya: “Magpasalamat ka sa Allâh (I), at pagkatapos ay magpasalamat ka sa iyong mga magulang, dahil sa Akin ang iyong huling hantungan at tutumbasan Ko ang sinuman sa anumang karapat-dapat na para sa kanya.”

15. Subali’t kapag pinilit ka nila, O ikaw na mananampalataya, ng iyong mga magulang na magtambal ng iba sa pagsamba sa Akin na wala kang kaalaman o di kaya ay inutusan ka nilang dalawa na gumawa ng anumang labag sa kautusan ng Allâh (I) ay huwag mo silang sundin sa bagay na ito; dahil hindi dapat sundin ng sinuman ang sinuman sa anumang kasalanan, subali’t magkagayunpaman ay pakitunguhan mo pa rin silang dalawa nang pakikitungong napakabuti rito sa daigdig na hindi ka makagawa sa kanila ng anumang pagkakasala sa salita man o sa gawa, kahit na ang pagsabi lamang ng salitang ‘uff ’ na ikadaramdam nila, at sundin mo ang daan ng sinumang nagsipagsisi sa kanyang pagkakasala at nagbalik-loob sa Akin at naniwala sa Aking Sugo na si Muhammad. Pagkatapos sa Akin kayong lahat ay magsisipagbalik at ihahayag Ko sa inyo ang anuman na inyong kinagawian na gawin sa daigdig, at ibibigay Ko ang katumbas na kabayaran ng anuman na nagawa ng sinuman.

16. O aking anak! Dapat mong mabatid na kahit na kaliit-liitang kasalanan o di kaya ay kabutihan na kasimbigat ng buto ng mustasa, at ito ay nasa ilalim ng bundok o di kaya ay nasa isang lugar sa mga kalangitan o saanmang lugar sa kalupaan, walang pag-aalinlangan, ipakikita ito ng Allâh (I) sa Araw ng Muling Pagkabuhay, at huhukuman ang bawa’t isa ayon dito. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Lateef’ – Pinakadalubhasa at Ganap na may kakayahan na gawin ang lahat ng bagay kahit na kaliit-liitan pa ito, na ‘Khabeer’ – Ganap ang Kanyang Kagalingan na Ganap na Nakaaalam sa lahat ng bagay at batid Niya ang anumang ginagawa ng Kanyang mga alipin.

17. O aking anak! Isagawa mo ang ‘Salâh’ nang ganap kasama ang mga haligi (‘arkân’) nito, mga kundisyon (‘shurut’) at panuntunan (‘wâjibat’) nito, at ipag-utos mo ang mabuti at ipagbawal mo ang masama sa pinakamalumay na kaparaanan na may karunungan sa abot ng iyong kakayahan, at tiisin mo ang anumang matatamo mo na kahirapan sa pagpapatupad mo nito, at dapat mong mabatid na ang mga pagpapayong ito ay mula sa ipinag-utos ng Allâh (I) na karapat-dapat na pagsikapan at gawin.

18. At huwag mong talikuran ang mga tao habang ikaw ay nakikipag-usap sa kanila o sila ay nakikipag-usap sa iyo; bilang pagmamaliit sa kanila at pagmamayabang sa harapan nila, at huwag maglakad sa ibabaw ng kalupaan na may pagmamayabang sa harapan ng mga tao, katiyakan, hindi naiibigan ng Allâh (I) ang sinumang mapagmayabang at mapagmataas sa kanyang sarili at sa kanyang salita.

19. Magpakumbaba ka sa iyong paglalakad, at hinaan mo ang iyong boses dahil katiyakang ang pinakamasama sa lahat ng mga boses at kinamumuhian ay boses ng isang asno.

20. Hindi ba ninyo nakita, O kayong mga tao, na ang Allâh (I) ay walang pag-aalinlangang nilikha Niya para sa inyong kapakinabangan ang anumang nasa mga kalangitan na tulad ng araw, buwan, ulap at iba pa; at gayundin ang lahat ng nasa kalupaan na tulad ng anumang gumagapang, mga puno, tubig at iba pa na hindi ninyo kayang bilangin, at binuo Niya at ginawa Niyang ganap ang Kanyang mga biyaya sa inyo, nakikita man na tulad ng nasa inyong pangangatawan o di-man nakikita na tulad ng nasa inyong kaisipan at mga puso at anupamang itinalaga Niya para inyo na hindi ninyo batid? Magkagayunpaman, mayroon sa sangkatauhan ang nakikipagtalo hinggil sa Kaisahan ng Allâh (I) at sa taos-pusong pagsamba lamang sa Kanya na wala silang anumang katibayan o patnubay, o anumang malinaw na Kasulatan na nagpapatunay sa kanilang mga inaangkin.

21. At kapag sinabi sa kanila na mga nakikipagtalo hinggil sa Kaisahan ng Allâh (I) at sa pagiging bukod-tanging pagsamba lamang sa Kanya: “Sundin ninyo ang ipinahayag ng Allâh (I) sa Kanyang Propeta na si Muhammad,” kanilang sasabihin: “Ang sinusunod lamang namin ay kung ano lamang ang aming nakagawain sa aming mga ninuno na pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I) na mga diyus-diyosan,” ginagawa ba nila ito kahit si ‘Shaytân’ lamang ang nag-anyaya sa kanila; upang sila ay hikayatin sa paggawa ng masamang gawain at sa pagtanggi sa Allâh (I) at sa Kanyang kaparusahan na naglalagablab na apoy?

22. At sinuman ang taos-puso ang kanyang pagsamba at ang kanyang layunin ay para lamang sa Allâh (I), na siya ay mabuti sa kanyang mga sinasabi at itinutuwid niya ang kanyang mga gawain, siya sa katotohanan ang nakahawak nang mahigpit na pagkakahawak sa pinakamatibay na katibayan na magdadala sa kanya tungo sa pagmamahal ng Allâh (I) at sa Kanyang ‘Al-Jannah’ (Hardin). At sa Allâh (I) magtatapos ang lahat ng bagay, at gagantimpalaan Niya ang mabuti ayon sa kanyang kabutihan at ang masama naman ay parurusahan ayon sa kanyang kasamaan.

23. At sinuman ang hindi naniwala, huwag mong ipagdalamhati ang kanyang di-paniniwala, O Muhammad (r); dahil walang pag-aalinlangang naisakatuparan mo ang iyong tungkulin na pag-aanyaya at pagpaparating ng mensahe, na sa Amin sila magbabalik lahat sa Araw ng Muling Pagkabuhay, at isasaad Namin sa kanila ang kanilang karumal-dumal na gawain na nagawa sa daigdig, pagkatapos ay tutumbasan Namin sila ayon dito, katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ – Ganap na Nakaaalam sa anuman na kinikimkim ng kanilang mga dibdib na di-paniniwala sa Allâh (I) at pagpili ng pagsunod kay ‘Shaytân.’

24. Ipatitikim Namin sa kanila ang pansamantalang kasiyahan na may katapusan dito sa daigdig, pagkatapos sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay uubligahin Namin sila at kakaladkarin tungo sa masidhing kaparusahan, na ito ay kaparusahan sa Impiyernong-Apoy.

25. At kapag tinanong mo, O Muhammad (r), ang mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I):“Sino ang naglikha ng mga kalangitan at kalupaan? ” Walang pag-aalinlangan, sasabihin nila, “Ang Allâh (I),” kung ganito ang kanilang itinugon, sabihin mo sa kanila: “Papuri sa Allâh (I) na Siyang naglantad ng katibayan laban sa inyo mula sa inyong mga sarili,” subali’t karamihan pa rin sa kanila na sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) ay hindi pinagmamasdan at hindi sinusuri kung sino ang karapat-dapat na pasalamatan at purihin, na kung kaya, sila ay sumamba ng iba bukod sa Allâh (I).

26. Bukod-Tanging Pagmamay-ari lamang ng Allâh (I) ang lahat ng nasa mga kalangitan at kalupaan bilang Kanyang kaharian, mga alipin, mga nilikha at nasa ilalim ng Kanyang pagtatakda, na kung kaya, walang sinuman ang may karapatan at karapat-dapat na sambahin bukod sa Kanya. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Ghanee’ – Napakayaman na Ganap na Malaya mula sa lahat ng pangangailagan na Siya ay hindi nangangailangan ng kahit na anuman sa Kanyang nilikha, na ‘Hameed’ – Kapuri-Puri sa Kanyang mga katangian at sa Kanyang mga gawa sa lahat ng pagkakataon.

27. At kahit ang lahat ng mga puno sa daigdig ay tinabas at ginawang mga panulat, at ang mga karagatan naman ay ginawang tinta para rito, at magdagdag pang muli ng panibagong pitong karagatan na katulad nito, at isulat sa pamamagitan ng mga panulat at ng mga tinta na yaon ang lahat ng mga salita ng Allâh (I), gayunpama’y mauubos ang lahat ng panulat at lahat ng tinta subali’t hindi mauubos ang lahat ng salita ng Allâh (I) sa pagiging Kaganapan nito na walang sinuman ang nakakasaklaw nito bukod sa Kanya. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘`Azeez’ – Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan sa Kanyang paghihiganti sa sinumang sumamba ng iba bukod sa Kanya, na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang pangangasiwa sa Kanyang nilikha.

Dito sa talatang ito ang patunay hinggil sa katangian ng Allâh (I) sa Kanyang pananalita na pagiging totoo na angkop sa Kanyang Kadakilaan at Kaganapan.

28. Ang paglikha sa inyong lahat, O kayong mga Tao, at pagbuhay na mag-uli sa inyong lahat sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay napakadali para sa Allâh (I) na katulad lamang ng paglikha at pagbuhay na mag-uli ng isang tao. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘Samee`’ – Ganap na Nakaririnig ng inyong mga sinasabi, na ‘Baseer’ – Ganap na Nakakikita ng inyong mga gawain, at ayon dito ay isasagawa ang kabayaran para sa inyo.

29. Hindi mo ba nakikita na ang Allâh (I) ay kumukuha mula sa mga oras (o bahagi) ng gabi at pinahahaba Niya ang araw sa pamamagitan nito na pinaiiksi Niya naman ang gabi, at kumukuha Siya mula sa mga oras ng araw at pinahahaba Niya ang gabi sa pamamagitan nito na pinaiiksi Niya naman ang araw, at ginawa Niyang madali para sa kapakinabangan ninyo ang araw at buwan, na kumikilos ang bawa’t isa rito sa mga kinalalagyan nito ayon sa nakatakdang panahon, at ang Allâh (I) ay ‘Khabeer’ – Ganap ang Kanyang Kagalingan na Nakababatid sa lahat ng ginagawa ng Kanyang nilikha, mabuti man o masama, na walang anuman ang naililihim sa Kanya.
30. Lahat ng mga ito ay kabilang sa Aking mga dakilang kapangyarihan; upang mabatid ninyo at mapagtanto ninyo na ang Allâh (I) sa katunayan, Siya ay katotohanan sa Kanyang Sarili at sa Kanyang Katangian at sa Kanyang gawain, at ang anuman na kanilang dinadalanginan bukod sa Allâh (I) ay kamalian; at katiyakang ang Allâh (I), Siya ay ‘Al-`Alee’ – ang Kataas-taasan sa Kanyang Sarili na Siya ay nasa ibabaw ng lahat ng Kanyang nilikha, na Siya ay ‘Al-Kabeer’ – ang Pinakadakila sa lahat ng bagay at ang lahat bukod sa Kanya ay nagpapasailalim sa Kanya, Siya lamang ang Bukod-Tangi na karapat-dapat na sambahin.

31. Hindi mo ba nakikita na ang mga sasakyang pandagat ay lumalayag ayon sa pag-aatas ng Allâh (I) bilang biyaya na mula sa Kanya para sa Kanyang nilikha; upang ipakita sa inyo ang Kanyang mga aral, mga katibayan na nasa inyo upang ito ay inyong matutunan? Katiyakan, sa paglalayag ng mga sasakyang pandagat ay mga palatandaan sa sinumang nagtitiis na lumalayo sa mga ipinagbabawal ng Allâh (I) na pinasasalamatan ang Kanyang mga biyaya.

32. At kapag nakasakay na ang mga walang pananampalataya sa Allâh (I), sa mga sasakyang pandagat at nasapawan na sila ng mga alon sa lahat ng dako na para bagang mga ulap at gabundok sa laki, ay magkakaroon sila ng matinding pagkatakot na baka sila ay malunod, na kung kaya, sila ay tuwirang haharap sa Allâh (I) at magiging dalisay ang kanilang panalangin sa Kanya, subali’t kapag sila ay ligtas na nakadaong na sa kapatagan ay mayroon sa kanila ang pumapagitna na nagkakaroon ng alinlangan na hindi nagpasalamat sa Allâh (I) ng karapat-dapat na pagpapasalamat, at mayroon naman sa kanila ang binalewala ang Allâh (I) at tinanggihan ang Kanyang biyaya, at walang sinumang tatanggi sa Aming mga palatandaan, mga katibayan na nagpapatunay ng Kaganapan ng Aming kapangyarihan, at Kaisahan ng Allâh (I) maliban sa sinumang taksil na sumisira ng pangako, at tinanggihan ang Allâh (I) sa pamamagitan ng pagbabalewala ng Kanyang mga biyaya.

33. O sangkatauhan! Katakutan ninyo ang Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at sumunod kayo sa Kanya sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Kanyang ipinag-uutos at pag-iwas ng Kanyang ipinagbabawal, at katakutan ninyo ang pagdating ng Araw ng Muling Pagkabuhay, na sa Araw na yaon ay wala nang magagawang anumang kapakinabangan ang ama sa kanyang anak, gayundin ang anak sa kanyang ama. Katiyakan, ang pangako ng Allâh (I) ay katotohanan na ito ay tiyak na walang pag-aalinlangan. Na kung kaya, huwag pahintulutang malinlang kayo ng kasalukuyang buhay dito sa daigdig at ng kinang nito na makalilimuitan ninyo ang buhay sa Kabilang-Buhay, at huwag ninyong pagtaksilan ang Allâh (I) sa pagmamagitan ng pagsunod sa pinakapinuno ng tagapaglinlang na nagtaksil kasama ang mga ‘Shaytân’ na mula sa mga ‘Jinn’ at mga tao.

34. Katiyakan, Bukod-Tanging ang Allâh (I) lamang at wala nang iba pa ang Nakaaalam kung kailan magugunaw ang daigdig, at Siya lamang ang nakapagpapababa ng ulan mula sa ulap na walang sinuman ang magagawa nito bukod sa Kanya, at ang Nakaaalam kung ano ang katotohanang nasa sinupupunan ng mga kababaihan, at walang sinumang may buhay ang nakaaalam kung ano ang mangyayari sa kanyang hinaharap, at walang sinumang may buhay ang nakaaalam kung saan kalupaan siya mamamatay, bagkus ang Allâh (I), Siya lamang ang nagmamay-ari ng lahat ng kaalamang ito. Katiyakan, ang Allâh (I) ay ‘`Aleem’ –Ganap na Nakaaalam ng mga bagay na nakikita at di-nakikita na Walang-Hanggang Tagamasid sa lahat ng bagay sa lahat ng pagkakataon, na ‘Khabeer’ – Ganap ang Kanyang Kagalingan na walang anumang bagay na naililihim sa Kanya.

No comments: