54
LIV – Sûrat Al-Qamar
[Kabanata Al-Qamar – Ang Buwan]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Malapit na ang pagkagunaw ng daigdig, at nabiyak na ang buwan ng dalawang hati, noong hiniling ng mga walang pananampalataya sa Makkah sa Propeta na magpakita siya sa kanila ng isang tanda, kaya nanalangin siya sa Allâh (I) at ipinakita ng Allâh (I) sa kanila ang tandang yaon.
2. At kahit pa makita ng mga ‘Mushrikûn’ – sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) – ang katibayan at tanda na nagpapatotoo sa pagiging Sugo ni Propeta Muhammad (r), ay tatalikuran pa rin ang paniniwala sa kanya, na sila ay nagpapasinungaling at tumatanggi, na kanilang sinasabi sa pagkalitaw ng katibayan: “Ito ay malinaw na salamangka, na maglalaho rin at hindi magtatagal.”
3. Tinanggihan nila ang Propeta, at sinunod nila ang kanilang ligaw na landas at ang anumang iniudyok sa kanila ng kanilang sariling kagustuhan na pagtanggi, at lahat ng bagay mabuti man o masama ay matatamo ng gumawa nito sa Araw ng Muling Pagkabuhay sa paglantad ng gantimpala at kaparusahan.
4. At katiyakan, dumating sa mga walang pananampalataya na mga Quraysh ang mga kuwento ng mga naunang tao na di-naniwala sa kanilang mga Sugo at ang anuman na kanilang natamo na kaparusahan, na samakatuwid, sapat na ito upang sila ay pigilin sa di-paniniwala at pagkaligaw.
5. Itong Qur’ân na dala sa kanila ay nagtataglay ng dakila at ganap na karunungan, kung gayon, ano pa bang bagay ang magiging pakinabang ng pagbababala sa mga taong tumanggi at di-naniwala?
6. Na kung kaya, pabayaan mo na sila, O Muhammad, at abangan mo na sa kanila ang pagdating ng dakilang Araw. Na sa Araw na yaon ay mananawagan ang tagapagpanawagan tungo sa kagimbal-gimbal na bagay na ito ay ‘Yawmul Hisâb’ – Araw ng Pagbabayad.
7-8. Na abang-aba at mapanglaw ang kanilang mga paningin, na sila ay lumalabas mula sa kanilang mga libingan na may mabilis na pagkalat at paglakad tungo sa lugar ng pagbabayad na para silang mga tipaklong na kumakalat sa himpapawid, na sila ay nagmamadaling tumungo sa lugar na kung saan sila ay tinatawag, na sasabihin ng mga walang pananampalataya: “Ito ay kagimbal-gimbal na Araw na napakasidhi.”
9. Hindi naniwala noon ang sambayanan ni Nûh na nauna kaysa sa iyong sambayanan, O Muhammad, na tinanggihan nila ang Aming alipin na si Nûh, at kanilang sinabi: “Siya ay nasisiraan ng bait,” at tinanggihan nila na siya ay binalaan nila ng iba’t ibang pagpapahirap, kung hindi siya titigil sa kanyang pag-aanyaya.
10. Na kung kaya, nanalangin si Nûh sa Allâh (I) na kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha: “Katiyakan, ako ay mahina sa pakikipaglaban sa kanila, na kung kaya, tulungan Mo ako sa pamamagitan ng pagpaparusa na mula sa Iyo dahil sa kanilang di-paniniwala sa akin.”
11-12. Tinugunan Namin ang kanyang panalangin, at binuksan Namin ang mga pintuan ng kalangitan na bumuhos mula roon ang masaganang tubig (ulan) at pinagbibiyak Namin ang kalupaan na bumulwak mula roon ang iba’t ibang bukal, na kung kaya, nagpang-abot ang tubig ng kalangitan at ang tubig ng kalupaan upang sila ay puksain sa pamamagitan ng itinakda ng Allâh (I) sa kanila na parusa; bilang pagtumbas sa kanilang ginawang pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I).
13-14. At dinala Namin si Nûh at ang sinumang sumama sa kanya sa sasakyang pantubig na pinagtagpi-tagpi na mga maninipis na pinagpuputol na kahoy sa pamamagitan ng pagpapapako sa mga ito, na ito ay lumalayag sa pamamagitan ng Aming pagmamasid at pangangalaga, at nilunod Namin ang mga walang pananampalataya; bilang kabayaran sa kanila sa di nila paniniwala at bilang pagtulong kay Nûh. Narito sa talatang ito ang katibayan sa katangian ng Allâh (I) bilang nagtataglay ng dalawang Mata na ayon sa Kanyang Kamaharlikaan.
15-16. At katiyakan, pinanatili Namin ang kuwento hinggil kay Nûh at sa kanyang sambayanan bilang aral at katibayan na nagpapatunay sa Aming kapangyarihan sa sinumang darating pa pagkatapos ni Nûh; upang maging aral ito sa kanila at pagpapayo sa anumang nangyari sa mga sambayanan na hindi naniwala sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, kung gayon, mayroon bang tatanggap ng paalaala o aral hinggil dito? Samakatuwid, gaano kasidhi ang Aking parusa at Aking babala sa sinumang hindi naniwala sa Akin at tinanggihan ang Aking mga Sugo, at hindi naging aral sa kanya ang anumang dala-dalang mensahe ng mga Propeta?
17. At katiyakan, ginawa Naming madali ang salita ng Banal na Qur’ân upang madaling basahin at maisaulo ito, at ganoon din ang mga kahulugan nito upang madaling maintindihan at unawain, sa sinumang nagnanais na makaalaala at pag-aralan, kaya mayroon bang nais na mapaalalahanan nito?
18. Hindi Kami pinaniwalaan ng sambayanan nina `Âd at Hûd, na kung kaya, pinarusahan Namin sila, samakatuwid, dapat na mabatid kung gaano katindi ang parusa Namin sa kanila dahil sa di nila paniniwala, at ang Aking babala sa sinumang tumanggi sa mga Sugo na ipinadala sa kanila at hindi sila pinaniwalaan.
19-20. Katiyakan, Kami ay nagpadala sa kanila ng malakas na hangin na napakalamig na marahas ang ugong at lakas nito, sa araw na matindi ang kalamidad at kawalang pag-asa na patuloy na kaparusahan at pagkawasak, na tinatangay nito ang mga tao mula sa kanilang mga kinaroroonan at itinatapon sila na pasubsob ang kanilang mga mukha na naging sanhi ng pagkakabaon ng kanilang ulo sa kalupaan at nahihiwalay ang kanilang mga ulo sa katawan na naiiwanan ito na nakabaon sa loob ng kalupaan na tulad ng mga puno ng palmeras na natatanggal ang mga puno nito mula sa pinagbunutan.
21. Kung gayon, gaano ba kasidhi ang Aking parusa sa sinumang hindi naniwala sa Akin, at ang Aking babala sa sinumang tumanggi sa Aking mga Sugo at hindi naniwala sa kanila?
22. At katiyakang ginawa Naming madali ang salita ng Banal na Qur’ân para sa pagbabasa at pagsasaulo nito, at ang mga kahulugan nito para sa pag-iintindi at pagsusuri sa sinumang nagnanais na makaalaala at makapulot ng aral, kung gayon mayroon bang nagnanais na makapulot ng aral o makaintindi? Nasa talatang ito ang pag-uutos na palagiang basahin ang Banal ng Qur’ân at pag-aralan at ituro ito.
23-24. Tinanggihan ni Thamoud – na sila ang mga sambayanan ni Sâleh – ang mga palatandaan bilang babala sa kanila, at kanilang sinabi: “Isang tao lamang ba ang aming susundin na mula sa amin na maraming grupo at siya ay nag-iisa lamang? Katiyakan, kung gayon, kami ay nasa pagkaligaw at kasiraan ng bait.”
25-26. “Ipinahayag ba sa kanya ang rebelasyon at bukod-tangi siyang pinili sa pagiging Propeta mula sa amin, at siya ay kabilang sa amin? Hindi gayon kundi siya ay sinungaling na mapagmataas.” Katiyakan, makikita nila kapag dumating na ang kaparusahan sa kanila rito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay, kung sino ang sinungaling at mapagmataas.
27. Walang pag-aalinlangang palalabasin Namin ang kamelyong-babae na kanilang hiniling na magmumula sa isang malaking bato; bilang pagsubok sa kanila, na kung kaya, tingnan mo, O Sâleh, ang mangyayari sa kanilang kaparusahan, at magtiis ka sa pag-aanyaya sa kanila at sa kanilang mga pamiminsala.
28. At iparating mo sa kanila, na ang tubig (sa balon) ay hahatiin sa pagitan ng iyong sambayanan at ng babaeng-kamelyo: isang araw para sa babaeng-kamelyo at ang isang araw naman ay para sa kanila, ang bawa’t isa ay may karapatang uminom o kumuha ng tubig ayon sa kung ano ang itinakdang araw para sa kanya na pagkuha (o pagsalok), at pagbabawalan ang sinumang kukuha ng karapatan ng iba (sa pamamagitan ng pagsalok na hindi ayon sa itinakdang araw para sa kanya).
29-30. At tinawag nila ang isa sa kasama nila upang utusan na saksakin ang kamelyo, kaya kinuha niya ang kamelyo at pagkatapos ay sinaksak niya, na kung kaya, pinarusahan Ko sila. Kung gayon, gaano katindi ang Aking kaparusahan sa kanila dahil sa kanilang di- paniniwala, at ang Aking babala sa sinumang lalabag at tatanggi sa Aking mga Sugo?
31. Katiyakan, ipinadala Namin sa kanila si Jibril, at sumigaw sa kanila ng isang sigaw at kaagad na namatay silang lahat hanggang sa kahuli-hulihan sa kanila, na kung kaya, sila ay parang naging tuyong pananim na inihanda para ipakain sa kamelyo at iba pang mga hayop.
32. Katiyakan, ginawa Naming madali ang salita ng Qur’ân para sa pagbabasa at pagsasaulo nito, at ganoon din ang mga kahulugan nito para sa pag-iintindi at pagsusuri sa sinumang nagnanais ng paalaala at aral; kung gayon, mayroon bang nagnanais ng paalaala?
33. Pinasinungalingan ng sambayanan ni Lût ang mga palatandaan ng Allâh (I) na ipinadala bilang babala sa kanila.
34-35. At katiyakan, nagpadala Kami sa kanila ng mga luwad na bato bilang parusa maliban sa pamilya ni Lût, dahil niligtas Namin sila mula sa parusa sa dulo ng gabi bilang biyaya na mula sa Amin para sa kanila, kung paano Namin ginantimpalaan si Lût at ang kanyang pamilya at biniyayaan, na sila ay iniligtas Namin mula sa Aming kaparusahan ay ganoon din Namin gagantimpalaan ang sinumang naniwala at nagpasalamat sa Amin.
36. At katiyakan, binalaan ang kanyang sambayanan sa galit at parusa ng Allâh (I), subali’t hindi sila nakinig sa kanya, sa halip sila ay nag-alinlangan at hindi ito pinaniwalaan.
37. At katiyakan, hiningi nila sa kanya na gawin ang kahalayan sa kanyang panauhin na mga anghel, subali’t binulag Namin ang kanilang mga paningin kaya wala silang anumang nakita, kung gayon, lasapin ninyo ang Aking parusa at ang Aking babala na ibinabala sa inyo ni Lût.
38-39. At katiyakan, dumating sa kanila sa oras ng umaga ang parusa na patuloy na nanatili sa kanila hanggang sila ay makarating sa kaparusahan sa Kabilang-Buhay, at ang parusang yaon ay pagbabato sa kanila ng luwad at pagbaligtad ng kanilang bayan sa pamamagitan ng pagtaas o pagtaob ng ilalim nito sa kanila, kung kaya, lasapin ninyo ang Aking parusa na ibinabala Ko sa inyo; dahil sa inyong di-paniniwala at pagtanggi, at ang Aking babala na ibinabala sa inyo ni Lût.
40. At katiyakang ginawa Naming madali ang salita ng Banal na Qur’ân para sa pagbibigkas at pagsasaulo nito, at ang kahulugan nito upang maintindihan at suriin ng sinumang nagnanais ng paalaala, kung gayon, mayroon bang nagnanais na paalaala?
41. At katiyakan, dumating sa mga tagasunod ni Fir`âwn at sa kanyang sambayanan ang Aming babala na parusa sa kanila dahil sa kanilang di-paniniwala.
42. Tinanggihan nila ang lahat ng Aming palatandaan na nagpapatunay sa Kaisahan ng Allâh (I) at pagiging Propeta ng Aming mga ipinadala, na kung kaya, pinarusahan Namin sila ng parusang makapangyarihan na hindi nagagapi, na itinakda sa sinuman na Kanyang nais na parusahan.
43. Ang mga walang pananampalataya ba mula sa inyo, O kayong mga Quraysh, ay mas nakahihigit kaysa sa mga nabanggit na mga tao na nauna sa inyo, na sila ay pinuksa dahil sa kanilang di-paniniwala? O di kaya ay mayroon ba kayong patunay o katibayan na naitala sa mga Banal na Aklat na ipinahayag sa mga Propeta na kayo ay ligtas mula sa kaparusahan ng Allâh (I)?
44. O kanila bang sinasabi na mga hindi naniwala (na taga-Makkah) mula sa Makkah: “Kami ay marami sa bilang, mga matatatag at matatalino na nagkakaisa, at kami ay grupo na mapagwagi at hindi kami magagapi ng sinumang nagnanais sa amin na gumawa ng kasamaan.”
45. Walang pag-aalinlangan, magagapi ang grupo ng mga walang pananampalataya sa Makkah sa kanilang pakikipaglaban sa mga mananampalataya, at sila ay tatakas sa labanan, at katiyakang ito ay naganap sa araw ng Badr.
46. Hindi ang kanilang inaakala ang siyang katotohanan kundi ang Oras ng pagkagunaw ng daigdig ang itinakdang araw para sa kanila upang sila ay pagbayarin ng karapat-dapat na kabayaran para sa kanila, at ang oras na yaon ay higit na masidhi kaysa sa nangyari sa kanilang kaparusahan sa araw ng Badr.
47-48. Katiyakan, ang mga masasama ay nasa pagkaligaw mula sa katotohanan, at paghihirap at kaparusahan. Sa araw na sila ay kakaladkarin tungo sa Impiyerno sa pamamagitan ng kanilang mga mukha at sasabihin sa kanila: “Lasapin ninyo ang sidhi ng kaparusahan ng Impiyerno.”
49. Katiyakan, ang lahat ng bagay ay nilikha Namin sa ganap at tamang pagkakatakda at pinagpasiyahan Namin, at nauna na sa Aming kalaaman ang hinggil dito.
50. At anuman ang Aming iniutos hinggil sa isang bagay kapag ito ay nais Namin ay walang iba kundi sasabihin lamang Namin ang isang salita, na ito ay ‘Kun fayakun’ – “Mangyari” at ito ay kaagad na mangyayari, na katumbas lamang ng pagkurap ng isang mata, at hindi yaon maiaantala ng kahit na isang saglit.
51. Katiyakan, pinuksa Namin ang mga katulad nila sa di-paniniwala na naunang mga tao, kung gayon, mayroon bang nais ng paalaala sa anumang nangyari sa kanila na galit at parusa?
52. At ang lahat ng bagay na ginawa ng mga nauna na mga katulad ninyo, mabuti man o masama ay naitala sa Aklat na itinala ng mga tagapagsulat.
53. At lahat ng maliit at malaki na kanilang nagawa ay naitala sa kanilang talaan at ayon doon sila ay tutumbasan.
54. Katiyakan, ang mga matakutin sa Allâh (I) ay nasa kalagitnaan ng mga dakilang Hardin at mga malalawak na Ilog sa Araw ng Muling Pagkabuhay.
55. Na nasa makatotohanang upuan na walang anumang salita roon na walang kabuluhan at walang anumang kasalanan na magaganap, at sila ay nasa Allâh (I) na Dakilang Hari, Tagapaglikha ng lahat ng bagay at nagtakda sa lahat ng bagay, luwalhati sa Kanya na Kataas-taasan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment