53
LIII – Sûrat An-Najm
[Kabanata An-Najm – Ang Bituin]
بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1-4. Sumumpa ang Allâh (I) sa pamamagitan ng bituin kapag ito ay lumubog (o naglaho), kailanman ay hindi lumihis si Muhammad sa Daan ng Patnubay at Katotohanan, at hindi lumabas sa Gabay kundi siya ay nasa tunay at ganap na pagiging matuwid at pagiging totoo, at ang kanyang sinasabi ay hindi nagmula sa kanyang sariling kagustuhan kundi ang Qur’ân at ang Sunnah ay walang iba kundi kapahayagan na mula sa Allâh (I) tungo sa Kanyang Propeta na si Muhammad.
5-11. Tinuruan si Muhammad (r) ng anghel na makapangyarihan at nagtataglay ng magandang kaanyuan, na siya ay si Jibril (u) na lumitaw at nagpanatili sa tunay niyang anyo na nagpakita sa Sugo na si Propeta Muhammad na siya ay nasa mataas na bahagi ng ‘Horizon’ o abot-tanaw, na ito ay nasa bahaging itaas ng araw pagkasikat nito, pagkatapos ay lumapit pa nang mas malapit si anghel Jibril sa Sugo ng Allâh, na ang kanyang paglapit ay kasinghaba ng pagitan ng dalawang busog ng palaso o mas malapit pa kaysa rito. At ipinahayag ng Allâh (I) sa Kanyang alipin na si Muhammad ang anumang Kanyang kapahayagan sa pamamagitan ni Jibril, na kailanma’y hindi pinasinungalingan ng puso ni Muhammad ang anumang nakita ng kanyang mata.
12-18. Pasisinungalingan ba ninyo kung gayon si Muhammad at makikipagtalo kayo sa kanya sa anumang kanyang napagmasdan at nakita na mga palatandaan ng Allâh (I) na kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha? At katiyakang nakita ni Muhammad si Jibril nang pangalawang pagkakataon doon sa ‘Sidrat Al-Muntahâ’ – isang puno ng Sidr, na ito ay nasa pinakadulong lugar ng pitong kalangitan, na roon nagtatapos ang anumang iniaakyat mula sa kalupaan at ganoon din ang lahat ng ibinababa mula sa lugar na kataas-taasan, at nandoroon ang ‘Al-Jannah’ (Hardin) na ipinangakong patutunguhan ng mga matakutin sa Allâh (I).
Kapag natakpan na ang puno ng Sidr ng anumang nakatatakip nito (na katulad ng liwanag at panlatag na gawa sa ginto) na yaon ay kabilang sa dakilang bagay hinggil sa Allâh (I) na walang sinuman ang nakaaalam nito kundi ang Allâh (I). At ang Propeta Muhammad na nasa kanya ang dakilang katangian na katatagan ng paniniwala at pagsunod, ay hindi bumaling ang kanyang paningin sa kanan man o kaliwa, at hindi niya nalampasan ang anumang ipinag-utos ng Allâh (I) na kanyang makikita. At katiyakan, nakita ni Muhammad sa gabi ng ‘Mi`raj’ ang ilan sa mga dakilang palatandaan ng Allâh (I) na Kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na nagpapatunay ng Kanyang Kapangyarihan at Kadakilaan na katulad ng ‘Al-Jannah’ (Hardin) at Impiyerno at iba pa.
19-20. Na kung kaya, ano naman masasabi ninyo, O kayong mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I), sa mga diyus-diyosan na ito na inyong sinasamba: si ‘Al-Lât,’ si ‘Al-`Uzzâ’ at ‘Al-Manât’ na pangatlo, nakapagdulot ba sila ng kapakinabangan o nakapagsanhi ba sila ng kapahamakan upang sila ay ituring na mga katambal ng Allâh (I)?
21-23. Pinili ba ninyo para sa inyo ang mga anak na kalalakihan na ito ang inyong kinalulugdan, at itinangi ninyo sa Allâh (I) ayon sa inyong pag-aangkin ang mga anak na kababaihan na hindi kayang tanggapin ng inyong mga sarili? Yaon ang pinakasukdulang hindi makatarungang pagbabaha-bahagi.
Itong mga rebulto na inyong sinasamba ay walang iba kundi mga pangalan lamang na walang anumang ganap na katangian, kundi ito ay mga pangalan lamang na ipinangalan ninyo sa mga ito, kayo at ang inyong mga ninuno, ayon sa inyong maling kagustuhan, na kailanman ay hindi nagbaba ang Allâh (I) ng katibayan para rito bilang pagpapatunay sa inyong pag-angkin, na walang sinusunod ang mga sumasamba ng iba kundi haka-haka lamang at ang lihis na kagustuhan ng kanilang mga sarili na labas sa matuwid na paninindigan, gayong katiyakang dumating sa kanila mula sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha ayon sa pagpapahayag ni Propeta Muhammad, ang anumang bagay na nandoroon ang patnubay para sa kanila subali’t ito ay hindi nila napakinabangan.
24-25. O wala sa kakayahan ng tao ang anumang hinahangad niyang tulong mula sa kanyang mga sinasamba o sa ibang bagay na pinagnanasaan ng kanyang sarili kundi Bukod-Tangi lamang na Pagmamay-ari ng Allâh (I) ang anumang bagay sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.
26. At karamihan sa mga anghel sa mga kalangitan gaano man kataas ang kanilang mga antas ay walang pakinabang ang kanilang pamamagitan maliban kung pahintulutan sila ng Allâh (I) na mamagitan o tutulong, at naging kalugud-lugod sa Allâh (I) ang sinuman na kanilang tutulungan.
27-28. Ang mga yaong hindi naniwala sa buhay sa Kabilang-Buhay na mga walang pananampalatayang Arabo at hindi nila ito pinaghandaan ay pinangalanan nila ang mga anghel ng pangalang kababaihan; dahil sa kanilang kamangmangan na paniniwala na ang mga anghel ay kababaihan, na ang mga ito ay mga anak na kababaihan (daw) ng Allâh (I). At wala silang anumang tamang kaalaman na nagpapatunay ng kanilang sinabi, kundi ang sinusunod lamang nila ay haka-haka na walang anumang kabuluhan, na walang pag-aalinlangang kailanman ang haka-haka ay hindi maaaring ipanghalili sa katotohanan.
29-30. Na kung kaya, pabayaan mo na, O Muhammad, ang sinumang lumayo mula sa Aming Paalaala na ito ay ang Banal na Qur’ân, at wala siyang hangarin kundi makamundong buhay lamang. At ito lamang ang inabot ng kanilang kaalaman at hangarin. Katiyakan, ang Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay Ganap na Nakaaalam kung sinuman ang lumihis mula sa katotohanan at Ganap na Nakaaalam sa sinumang sumunod at sinunod ang Daan ng Islâm.
Dito sa talatang ito ang matinding babala sa mga masasama na tumalikod sa pagsunod sa Qur’ân o sa Aklat ng Allâh (I) at sa ‘Sunnah’ ng Propeta Muhammad, na mas higit na pinili nila ang kagustuhan ng kanilang mga sarili at kapakinabangan ng makamundong buhay kaysa sa Kabilang-Buhay.
31-32. Pagmamay-ari ng Allâh (I) ang kaharian sa anumang nasa mga kalangitan at anumang nasa kalupaan; upang tutumbasan Niya ang sinumang gumawa ng masama sa pamamagitan ng pagpaparusa sa kanila ayon sa kanilang nagawang kasamaan, at tutumbasan din ang sinumang gumawa ng mabuti ng ‘Al-Jannah’ (Hardin).
Sila na mga yaong nilalayuan (iniiwasan) ang mga malalaking kasalanan at mga mahalay na gawain maliban sa mga maliliit na kamalian na ito ay ang mga maliliit na kasalanan na hindi sinasadya ang pagsagawa nito, at kasama ang pagsagawa ng mga obligado at pag-iwas ng mga ipinagbawal ay pinatatawad ng Allâh (I) sa kanila ang mga ito at sila ay pagtatakpan ng Allâh (I).
Katiyakan, ang Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay malawak ang Kanyang kapatawaran, na Siya ay Ganap na Nakaaalam sa inyong kalagayan noong paglikha pa lamang Niya ng inyong ama na si Âdam mula sa alabok, at noong kayo ay mga sanggol na nasa sinapupunan pa lamang ng inyong mga ina, na kung kaya, huwag ninyong labis-labis na purihin ang inyong mga sarili at huwag ninyong iangat at itangi ang lubos na kalinisan sa inyong mga sarili; dahil Siya ay Ganap na Nakaaalam kung sinuman ang makaliligtas sa Kanyang parusa na umiwas sa paglabag sa Kanya mula sa Kanyang mga alipin.
33-34. Di mo ba napagmasdan, O Muhammad, siya na tumalikod sa pagsunod sa Allâh (I) at nagbigay ng kakaunti lamang mula sa kanyang kayamanan, pagkatapos ay tumigil na siya sa pagbigay at hindi na nagkawanggawa?
35. Mayroon bang nabanggit sa kanya na tumigil sa pagkakawanggawa hinggil sa lihim na kaalaman na nabatid niya na mauubusan siya ng kayamanan kapag siya ay patuloy na nagkawanggawa, na nakikita niya ito sa pamamagitan ng kanyang mga mata, na kung kaya, siya ay tumigil sa pagsagawa nito? Ang katotohanan ay hindi ang kanyang inaakala, kundi kaya siya tumigil sa pagkakawanggawa at pagiging mabuti sa kamag-anak ay dahil sa siya ay maramot at gahaman.
36-37. Hindi ba nakarating sa kanya ang kuwento na nasa ‘Tawrah’ ni Mousã (u) at sa Aklat ni Ibrâhim na tinupad niya ang anumang ipinag-utos sa kanya at ipinarating niya ang mensahe?
38-39. Na hindi parurusahan ang sinuman sa kasalanan ng iba, at walang sinuman ang aako sa anumang kasalanan ng iba, at katiyakang hindi magkakaroon ang sinumang tao ng kabayaran maliban sa kung ano ang ginawa ng kanyang sarili dahil sa kanyang pagsusumigasig.
40. At katiyakang ang kanyang pinagsumigasigan ay makikita niya sa Kabilang-Buhay na maihihiwalay ang mabuti mula sa masama; bilang parangal sa gumawa ng kabutihan at pag-aalipusta sa gumawa ng masama.
41-42. Pagkatapos ay tutumbasan ang tao sa kanyang nagawa ng ganap at karapat-dapat na pagtutumbas sa lahat ng kanyang nagawa, at katiyakang sa dakong huli sa Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, O Muhammad, tutungo ang lahat ng nilikha sa Araw ng Muling Pagkabuhay.
43. At katiyakan, ang Allâh (I) ay pinasiya Niya ang sinuman na Kanyang nais dito sa daigdig dahil sa kasiyahan na ipinagkaloob sa kanya at pinaluha Niya ang sinuman na Kanyang nais dahil sa kanyang suliranin na sinanhi Niya sa kanya.
44. At katiyakan, ang Allâh (I), Siya ang nagsasanhi ng kamatayan sa sinuman na Kanyang nais na mamatay mula sa Kanyang nilikha, at nagbibigay ng buhay sa sinuman na Kanyang nais na mabuhay mula sa kanila, na kung kaya, Siya ay Bukod-Tangi na nagbibigay ng buhay at nagsasanhi ng kamatayan.
45-46. At katiyakang Siya ang lumikha ng magkaparis: lalaki at babae mula sa tao at hayop, sa pamamagitan ng ‘Nutfah’ – punla na ibinubuga sa sinapupunan.
47. At katiyakang nasa sa Kanya ang ganap na kapasiyahan sa pagbubuhay na mag-uli pagkatapos ng kanilang kamatayan, na ito ay pagbabalik muli (o pagbuhay na mag-uli) sa kanila sa Araw ng Muling Pagkabuhay.
48. At katiyakang pinagkakalooban Niya ng masaganang kayamanan ang sinuman na Kanyang nais mula sa Kanyang mga nilikha at pinasiya sila sa pamamagitan nito, at ganoon din pinagkakalooban Niya ng kakaunti ang sinuman na Kanyang nais.
49. At katiyakang Siya ay ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng bituin na “Ash-Shi`râ” (isinaling ‘Sirius’) na ito ay bituin na napakaliwanag, na ilan sa mga mangmang noong kapanuhanan ng ‘Jahiliyyah’ (o kamangmangan) ay kanila itong sinasamba bukod sa Allâh (I).
50-54. At katiyakan, Siya ang pumuksa noon kina `Âd na sila ay yaong sambayanan ni Hûd, at pumuksa rin kina Thamoud na sila ay yaong sambayanan ni Sâleh, na walang sinuman ang natira sa kanila. At bago pa roon ay pinuksa rin Niya ang sambayanan ni Nûh.
Katiyakan, sila ang mga sukdulan ang kasamaan sa pamamagitan ng kanilang paghihimagsik at napakatindi ng kanilang paglabag kaysa sa mga dumating pa pagkatapos nila, at ganoon din ang pamayanan ng sambayanan ni Lût na itinaob ito ng Allâh (I) sa kanila, na inilagay Niya ang nasa itaas sa ibaba at pinaulanan Niya ng matinding pagpapaulan ng mga luwad na bato.
55. Kung gayon, alin pa ba sa mga biyaya ng Allâh (I) na iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, O ikaw na tao, ang hindi mo pinaniniwalaan na iyong pinag-aalinlanganan?
56. Itong tagapagbabala na si Muhammad ay nagbabala sa inyo hinggil sa katotohanan, na ganito rin ang mga babala ng mga Propeta na nauna sa kanya, na kung kaya, hindi siya kaiba sa mga naunang Sugo.
57-58. Malapit na ang Pagkabuhay na Mag-uli at papalapit nang papalapit ang itinakdang panahon nito, at walang sinuman ang makapipigil nito bukod sa Allâh (I), at walang nakaaalam ng oras ng pagdating nito bukod sa Kanya.
59-62. Kung gayon, sa Banal na Qur’ân ba na ito kayo ay namamangha, O kayo na mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I), sa pagiging totoo nito, at tinatawanan ninyo ito bilang panlalait at pagmamaliit, at hindi kayo napapaluha sa takot mula sa babala nito, bagkus kayo ay naglilibang na tumatalikod mula rito? Na kung kaya, magpatirapa kayo nang alang-alang sa Allâh (I) at maging dalisay ang inyong pagsamba sa Kanyang Kaisahan at ipaubaya ninyo ang inyong mga sarili sa Kanya.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment