Sunday, May 16, 2010

Sûrat Al-Isrâ`

17
XVII – Sûrat Al-Isrâ`
[Kabanata Al-Isrâ` – Ang Paglalakbay Sa Gabi]

بسم الله الرحمن الرحيم
[Bismillâhir Rahmânir Rahîm]
Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal
1. Pinupuri ng Allâh (I) at Niluluwalhati Niya ang Kanyang Sarili at Dinadakila Niya ang Kanyang Kapangyarihan, dahil ang Kapangyarihan na ito ay hindi matatapatan ng kahit na sinuman, walang ‘ilâh’ (o diyos) na karapat-dapat sambahin bukod sa Kanya, at walang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at Tagapangasiwa bukod sa Kanya, na Siya ang nagsanhi na maglakbay sa kalaliman ng gabi ang Kanyang alipin na si Propeta Muhammad (r) na siya mismo (na ang ibig sabihin ay kasama ang kanyang katawan at kanyang kaluluwa), na gising at hindi natutulog, mula sa ‘Al-Masjid Al-Harâm’ sa Makkah patungo sa ‘Al-Masjid Al-Aqsâ’ sa ‘Baytul Maqdis’ sa ‘Falisteen,’ na kung saan biniyayaan ng Allâh (I) ang kapaligiran nito ng mga pananim, mga bunga at iba pa, at ginawa Niya ang lugar na ito na pagmulan ng maraming Propeta; upang masaksihan ni Muhammad (r) ang kamangha-manghang kapangyarihan ng Allâh (I) at ang mga katibayan sa Kanyang Kaisahan.

Katiyakan, ang Allâh (I), Siya ay ‘As-Samee`’ – Ganap na Nakaririnig sa mga sinasabi ng Kanyang mga alipin, na ‘Al-Baseer’ – Ganap na Nakakikita sa Kanilang mga ginagawa.

2. At kung paano pinarangalan ng Allâh (I) si Propeta Muhammad (r) sa pamamagitan ng ‘Isrâ`’ na ito ay ganoon din pinarangalan si Mousâ (u) dahil sa pagkakaloob sa kanya ng ‘Tawrah,’ at ginawa ito na maglilinaw sa katotohanan at gabay sa mga angkan ni Isrâ`îl, na kalakip nito ang pagbabawal sa kanila na magturing ng anuman bukod sa Allâh (I) bilang ‘Walee’ (o Tagapangalaga) o di kaya ay sinasamba, na roon nila ipauubaya ang kanilang mga sarili o ginagawa.

3. O lahi ng mga yaong iniligtas Namin at pinasakay Namin kasama si Nûh (u) sa Arka! Huwag kayong sumamba ng iba na itatambal ninyo sa pagsamba sa Allâh (I), at tumanaw kayo ng utang na loob sa mga Biyaya ng Allâh (I), na inyong gawing halimbawa na susundin ay si Nûh; dahil siya ay katiyakang alipin na tumatanaw ng utang na loob sa Allâh (I), sa kanyang puso, dila at buong katauhan.

4. Ibinalita Namin sa mga angkan ni Isrâ`îl sa pamamagitan ng ‘Tawrah’ na ipinahayag sa kanila: “Walang pag-aalinlangan, kayo ay mamiminsala ng dalawang beses sa kalupaan (‘Baytul Maqdis’) at kayo ay mang-aapi, papatay ng mga Propeta, labis na magmamatigas, magmamalabis at mangagamkam.”

5. Na kung kaya, kapag nangyari ang una sa dalawa nilang pamiminsala, ay magpapadala Kami ng gagapi sa kanila na mga alipin Namin na mga matatapang, mga malalakas na may mga kakila-kilabot na mga kagamitang pandigma, na sila ay gagapiin nila at papatayin at ipagtatabuyan, na kung kaya, nagsitungo sila sa iba’t ibang bayan na namiminsala, at ang hinggil sa bagay na ito ay isang pangako na katiyakang magaganap, sa kadahilanang ito ay bunga ng kanilang ginawa.

6. Pagkatapos ay ibinalik Namin sa inyo, O mga angkan ni Isrâ`îl, ang pagkapanalo at pangingibabaw laban sa inyong mga kalaban na gumapi sa inyo, at pinarami Namin ang inyong mga kabuhayan at ang inyong mga anak, at pinalakas Namin kayo at ginawa Namin kayo na mas marami sa bilang kaysa sa inyong mga kalaban; at ito ay dahil sa inyong kabutihan na nagawa at pagpapakumbaba sa Allâh (I).

7. Kapag pinagbuti ninyo ang inyong mga gawain at mga salita, ang kabutihang ito ay para rin lamang sa inyong mga sarili; dahil sa ang gantimpala nito ay babalik sa inyo, at kapag nagpakasama naman kayo, ginawa ninyo ito laban lamang sa inyong mga sarili dahil ang kaparusahan nito ay babalik sa inyo.

Pagkatapos, kapag dumating na ang nakatakdang panahon ng pangalawa ninyong pamiminsala ay sasanhiin Namin na muli kayong magapi ng inyong mga kalaban; upang hamakin kayo at lupigin, at makikita ang mga bakas ng pagkahamak at pang-aaba sa inyong mga mukha, at papasok sila sa inyo sa ‘Baytul Maqdis’ at ito ay sisirain nila, na katulad ng unang pagkawasak nito, at wawasakin nila ang anumang aabutin ng kanilang mga kamay nang ganap na pagkawasak.

8. Na maaaring ang inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha – O kayong mga angkan ni Isrâ`il – ay kaawaan kayo pagkatapos ng ibinigay na ganti sa inyong kasamaan, kung kayo ay magbabalik-loob sa Allâh (I) at magpapakabuti, subali’t kapag kayo ay bumalik sa pamiminsala at pang-aapi ay ibabalik din Namin sa inyo ang Aming parusa at kapahamakan.
At gagawin Namin ang Impiyerno na para sa inyo at sa lahat ng mga walang pananampalataya, bilang kulungan na hindi na makalalabas pa roon ang sinuman magpakailanman. Sa talatang ito at sa mga nauna pa kaysa rito ay mga babala sa ‘Ummah’ [lahat ng nasasakupan ng mensahe ni Propeta Muhammad (r) hanggang sa katapusan ng sandaigdigan] na ito, upang hindi sila makagawa ng mga pagkakasala; nang sa gayon ay hindi mangyari sa kanila ang katulad ng nangyari sa mga angkan ni Isrâ`il, dahil ang pamamaraan ng Allâh (I) sa bawa’t pangyayari ay iisa lamang at walang pagbabago.

9-10. Katiyakan, ang Banal na Qur’ân na ito ay Aming ipinahayag sa Aming Alipin na si Muhammad (r), upang patnubayan ang mga tao tungo sa pinakamabuting kaparaanan, na ito ay Relihiyong Islâm, at upang ibigay ang magandang balita sa mga mananampalataya na nagsasagawa ng anumang ipinag-utos ng Allâh (I) at umiiwas sa anuman na Kanyang ipinagbabawal, na walang pag-aalinlangan, ang para sa kanila ay dakilang gantimpala (Hardin – ‘Al-Jannah’), at ang mga yaong hindi naniwala sa Kabilang-Buhay at sa anuman na inilaan doon na pagbabayad, sa kanila ay inihanda Namin ang masidhing kaparusahan sa Impiyerno.

11. At nananalangin minsan ang tao laban sa kanyang sarili ng masama, o di kaya sa kanyang anak, o di kaya sa kanyang kayamanan, at ito ay kapag siya ay nagagalit, na katulad din ng panalangin niya na mabuti, at ito ay dahil sa kamangmangan ng tao at sa kanyang pagiging pabigla-bigla, at dahil sa Habag ng Allâh (I) ay dinirinig lamang Niya ang mabuting panalangin nito at hindi yaong masasama, dahil likas na katangian ng tao ang pagiging mapagmadali (padalus-dalos o mapag-apura).

12. At nilikha Namin ang gabi at araw bilang dalawang tanda ng pagpapatunay sa Kaisahan ng Allâh (I) at Kanyang Kapangyarihan, pagkatapos ay sinanhi Namin na maglaho ang tanda ng gabi, na ito ay ang buwan sa pamamagitan ng kadiliman; at ginawa Namin ang tanda ng araw (‘day’), na ito ay ang nagliliwanag na araw (‘sun’); upang makita ng tao sa liwanag nito ang kanyang pagkilos at paggalaw sa kanyang mga gawain sa buhay at ipinapahinga naman niya ang kanyang sarili sa gabi. At upang malaman ng mga tao – dahil sa pagsasalit-salitan ng gabi at araw – ang bilang ng mga taon at mga buwan at mga araw (‘days’). At ang lahat ng bagay ay binigyan Namin ng ganap na pagpapaliwanag.

13. Gagawin ng Allâh (I) sa lahat ng tao, ang anuman na kanyang nagawa, mabuti man ito o masama, na mananatili lamang na para sa kanya, at hindi siya mananagot sa gawain ng iba at hindi rin mananagot ang iba sa kanyang gawain, at palilitawin ng Allâh (I) para sa kanya sa Araw ng Muling Pagkabuhay ang talaan na kung saan doon naitala ang lahat ng kanyang mga gawa, na matatagpuan niyang lantad na lantad.

14. Sasabihin sa kanya: “Basahin mo ang talaan ng iyong mga ginawa, at ito ay kanyang mababasa kahit na siya pa ay hindi marunong bumasa noong siya ay nasa daigdig pa, na sapat na ang iyong sarili bilang tagapaghusga at magkukuwenta ng iyong gawain ngayon, kaya mababatid niya ang anuman na magiging katumbas ng kanyang ginawa.” At ito ang pinakadakilang pantay na paghahatol, na sasabihin sa isang alipin (tao), “Husgahan mo ang iyong sarili at sapat na sa iyo ang iyong sarili bilang tagapaghusga.”

15. At sinuman ang ginabayan na sinunod niya ang Daan ng Katotohanan ay walang pag-aalinlangan, na para rin lamang sa kanya ang kapakinabangan nito, at sinuman ang lumabag at sinunod ang daan ng kamalian ay walang pag-aalinlangang ang kanyang pagkaligaw ay para rin lamang sa kanyang sariling pagkatalo. Walang may-lulan ng pasanin ang magbabata ng pasanin ng iba (hindi parurusahan ang iba sa kasalanan ng iba). At hindi parurusahan ng Allâh (I) ang sinuman hanggang hindi Niya naitatag ang katibayan sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga Sugo at pagpapababa ng mga Aklat.

16. At kapag nais Naming puksain ang isang bayan dahil sa kasamaan ng mga tao, ay uutusan Namin ang mga namuhay nang marangya roon na sumunod at ang iba pa sa kanila. Pagkatapos, sila ay lumabag, na kung kaya, naging karapat-dapat sa kanila ang parusa. Pagkatapos ay Amin silang pinuksa nang ganap na pagkawasak.

17. At katiyakan, pinuksa Namin ang maraming Nasyon na pinasinungalingan at nilabag ang mga kautusan pagkatapos ni Nûh. Na kung kaya, sapat na sa iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na Siya ay ‘Khabeer’ – Ganap ang Kanyang Kagalingan na Nababatid Niya ang anumang gawain ng Kanyang mga alipin, na ‘Baseer’ – Ganap na Nakakikita na walang anuman ang naililihim sa Kanya.

18. Sinuman ang naghangad ng panandaliang makamundong buhay, at ito lamang ang kanyang naging layunin at pagpupunyagi at hindi siya naniwala sa Kabilang-Buhay, at hindi siya naglaan ng gawain para roon, ay kaagad na ipagkakaloob ng Allâh (I) sa kanya rito sa daigdig ang anuman na Kanyang nais ayon sa itinakda ng Allâh (I) sa ‘Al-Lawh Al-Mahfoudh,’ pagkatapos ay itatalaga ng Allâh (I) para sa kanya sa Kabilang-Buhay ang Impiyerno na siya ay papasok doon na sinisisi at itinataboy mula sa Awa ng Allâh (I), dahil sa kanyang paghahangad lamang na makamundo, pagpupunyagi para lamang dito at hindi sa Kabilang-Buhay.
19. At sinuman ang maghahangad ng gantimpala sa Kabilang-Buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng kanyang mabubuting gawa, at siya ay nagpunyagi para rito sa pamamagitan ng pagsunod sa Allâh (I), at siya ay naniniwala sa Kanya, at sa Kanyang gantimpala at sa Kanyang Dakilang Kagandahang-Loob, samakatuwid, sila ang mga yaong magiging katanggap-tanggap ang kanilang mga gawain na ilalaan ang mga ito para sa kanila roon ng kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at doon sila ay gagantimpalaan.

20. Ang bawa’t grupo na mga gumagawa para lamang sa makamundo na may katapusan, at ang grupo naman na mga gumagawa para sa Kabilang-Buhay na walang katapusan ay pagkakalooban Namin ng kabuhayan, na pareho Naming pagkakalooban ng kabuhayan ang mga mananampalataya at ang mga walang pananampalataya rito sa daigdig. Dahil ang kabuhayan ay mula sa pagkakaloob ng iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha bilang kagandahang-loob na mula sa Kanya, at ang anumang ipinagkakaloob ng iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay hindi ipagkakait kahit kanino, mananampalataya man siya o di-mananampalataya.

21. Pagmasdan mo, O Muhammad (r), kung paano pinagtatangi-tangi ng Allâh (I) ang ibang tao kaysa iba rito sa daigdig sa pagkakaloob sa kanila ng kabuhayan at sa kanilang gawain, at walang pag-aalinlangan, sa Kabilang-buhay ay may mga matataas na antas at mga dakilang pagpaparangal para sa mga mananampalataya.

22. Huwag kang gumawa, O ikaw na tao, ng pagtatambal sa pagsamba sa Allâh (I), kapag ito ay iyong ginawa ay ipagdidiinan ka na sinisisi at hinahamak sa Kabilang-Buhay.

23. At ipinag-utos ng iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, O ikaw na tao, na wala kang karapat-dapat na sambahin kundi Siya na Bukod-Tangi, at ipinag-utos din Niya na ikaw ay maging mabuti sa iyong mga magulang lalung-lalo na kapag inabot nila ang katandaan sa iyong kapanahunan, na huwag kang sumuway at huwag kang magbitiw sa kanila ng anumang salita ng kawalang-paggalang, kahit pagsasabi lamang ng ‘Oop’ na nagpapahiwatig ng pagkayamot, na ito na ang pinakamababa at pinakamasamang salita sa harap ng magulang, at huwag na huwag mangyari sa iyo ang pagsasabi ng anumang masamang salita laban sa kanila, bagkus ay maging mahinahon ka sa pakikitungo sa kanila, at makipag-usap ka sa kanila na may pagpaparangal na pakikipag-usap at pawang mabubuting salita lamang ang iyong sasabihin.

24. At magpasailalim ka sa panuntunan ng pagsunod at pagpapakumbaba sa iyong mga magulang bilang awa sa kanila at hilingin mo sa iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha na kaawaan sila sa pamamagitan ng Kanyang napakalawak na awa, buhay man sila o patay na, na tulad ng kanilang pagtitiis noong ikaw ay pinapalaki nila na bata pa na mahina na walang anumang kakayahan.

25. Ang inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha – O kayong mga tao – ay Ganap na Nakaaalam sa mga kinikimkim ninyo sa inyong mga sarili, mabuti man ito o masama. Kung ang hangarin ninyo ay kalugdan kayo ng Allâh (I) at gumawa ng anumang ikalalapit ninyo sa Kanya, ay katiyakan, ang Allâh (I) ay Ganap na Mapagpatawad sa lahat ng pagkakataon sa sinumang nagbabalik-loob, at ang anumang puso na walang nilalaman kundi pagbabalik-loob sa Allâh (I) at pagmamahal sa Kanya, ay walang pag-aalinlangang patatawarin siya, at patatawarin ang anumang nangyari sa kanya na mga maliliit na kasalanan na siyang likas na palaging sanhi ng pagkakamali ng tao.

26. At maging mabuti ka sa iyong kamag-anak, na ibigay mo ang kanyang karapatan na pagiging mabuti, at ibigay mo rin ang karapatan ng mahirap na nangangailangan; at ng na-‘estranded’ (natigil sa isang lugar) o nalagay sa kagipitan habang naglalakbay na napalayo siya sa kanyang pamilya at kayamanan; at huwag mo ring lustayin ang iyong yaman maliban na lamang kung ito ay sang-ayon sa pagsunod sa Allâh (I) at huwag kang maging bulagsak sa paggasta.

27. Katiyakan, ang mga taong bulagsak at gumagasta ng kanilang mga kayamanan sa pagsagawa ng kasalanan sa Allâh (I) ay mga katulad sila ni ‘Shaytân’ sa pagiging masama, pamiminsala at pagiging makasalanan; at si Shaytan ay palaging napakatindi ang kanyang paglabag at pagbabalewala sa mga biyaya ng Allâh (I).

28. At kapag hindi mo maibigay sa kanila ang iniutos sa iyo na ibigay; dahil sa wala kang kakayahang mabigyan sila at hinihintay mo na may pag-asam ang biyaya mula sa iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, ay magsabi ka sa kanila ng malumanay na pananalita, na tulad ng panalangin para sa kanila na pagkalooban sila ng masaganang pamumuhay, at pagbibigay ng pangako sa kanila na kapag niluwagan ka ng Allâh (I) sa kabuhayan mula sa Kanyang kagandahang-loob ay babahaginan mo sila.
29. Huwag mong pigilan (kontrulin) ang iyong kamay sa paggasta sa Daan ng Kabutihan, na hihigpitan mo ang iyong sarili, na pagkakaitan mo ang iyong pamilya at ang mga nangangailangan, at huwag ka ring maging bulagsak sa paggasta, na magbibigay ka nang labis para sa iyong kakayahan, dahil sisisihin ka ng mga tao at mamatahin ka nila, at pagsisisihan mo ang iyong labis na paglustay at pagkawala ng iyong kayamanan.

30. Katiyakan, ang iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay niluluwagan Niya sa kabuhayan ang ibang mga tao at hinihigpitan naman Niya ang iba ayon sa Kanyang Kaalaman at Karunungan. Walang pag-aalinlangan, Siya ay ‘Khabeer’ – Ganap ang Kanyang Kagalingan na Nababatid Niya ang mga lihim ng Kanyang mga alipin, na ‘Baseer’ – Ganap na Nakakikita na walang anuman ang naililihim sa Kanyang Kaalaman sa anumang mga kalagayan nila.

31. At kapag nabatid na ninyo na walang pag-aalinlangang ang kabuhayan ay nasa kamay lamang ng Allâh (I) ay huwag ninyong patayin ang inyong mga anak dahil sa pagkatakot sa kahirapan, dahil ang Allâh (I) ay Siyang Ganap na Tagapagkaloob ng kabuhayan sa Kanyang mga alipin, na binibigyan Niya ng kabuhayan ang mga anak na katulad din ng pagkakaloob Niya sa mga magulang nito. Katotohanan, ang pagpatay sa kanila ay isang malaking kasalanan.

32. At huwag kayong lumapit sa pakikiapid na gawain at sa anumang magiging daan tungo rito; upang hindi kayo makagawa nito, dahil katiyakang ito ay karumal-dumal na gawain at napakasamang pamamaraan.

33. At huwag ninyong patayin ang may buhay (tao) na ipinagbawal ng Allâh (I) na patayin maliban sa karapatan ng batas na tulad ng ‘Qisâs’ (ang batas ng patas na pagparusa sa nagkasala) o ‘Rajeem’ (pagbato) hanggang sa sapitin nito ang kamatayan, na ito ay para sa mga nakaranas lamang ng pag-aasawa, o di kaya ay pagpatay sa tumalikod sa Islâm.

At sinuman ang napatay na labag sa batas ang pagpatay sa kanya ay walang pag-aalinlangang ibibigay Namin ang karapatan sa kanyang pamilya na ito ay ang kanyang mga tagapagmana o di kaya ay hukom na hahatol ng kamatayan o ‘Diyah.’ Subali’t pagkatapos nito ay walang karapatan ang pamilya o tagapagmana na lampasan ang batas ng Allâh (I) na ‘Qisâs’ sa pamamagitan ng paghihiganti o iba pa.

Katiyakan, ang Allâh (I) ay Tagapagtaguyod sa pamilya ng namatayan laban sa nakapatay hanggang sa maisagawa ang karampatang parusa na pagpatay bilang ‘Qisâs.’

34. At huwag ninyong pakialaman ang mga kayamanan ng mga batang ulila na nasa ilalim ng inyong pangangalaga, maliban na lamang kung ito ay isasaayos para mapabuti sa kanila at ang pagpapalago nito bilang kanilang kapakinabangan, hanggang sa dumating sa hustong pag-iisip ang bata.

At tuparin ninyo ang bawa’t pangako na inyong ipinangako. Katiyakan, ang anumang ipinangako ay itatanong ng Allâh (I) sa nangako sa Araw ng Muling Pagkabuhay na gagantimpalaan Niya kapag ito ay isinakatuparan at parurusahan Niya kapag ito ay hindi tinupad.

35. At ibigay ninyo ang tamang sukat at huwag kayong mandaya kapag kayo ay nagsasagawa nito para sa iba, at kapag kayo ay nagtimbang ay magtimbang kayo nang matuwid na pagtimbang, katiyakan, ang pagiging pantay sa pagbibigay ng sukat at timbang ay isang gawang nakabubuti sa inyo rito sa daigdig at higit pang kabutihan ang idudulot nito mula sa Allâh (I) sa Kabilang-Buhay.

36. At huwag kang sumunod sa isang bagay na wala kang kaalaman na maging sunud-sunuran ka lamang, bagkus ay tiyakin mo muna ito, alamin at siguruhin. Katiyakan, ang tao ay mananagot sa anuman na ginamitan niya ng kanyang pandinig, paningin at puso; at kapag ito ay ginamit niya sa mabuti ay magkakamit siya ng gantimpala at kung sa masama naman niya ito ginamit ay kaparusahan ang kanyang makakamit.

37. At huwag kang lumakad o mamuhay sa kalupaan nang may pagmamataas; dahil sa ikaw ay katiyakang walang kakayahang galugarin ang buong kalupaan sa pamamagitan ng paglalakbay dito ni magkakaroon ka ng kakayahan na abutin ang mga tuktok ng kabundukan sa pamamagitan ng iyong pagmamataas at pagmamalaki.

38. Lahat ng mga nabanggit na pag-uutos at pagbabawal ay kinamumuhian ng Allâh (I) ang anumang masasama rito at hindi Niya nais itong isagawa ng Kanyang mga alipin.
39. Ang mga ipinahayag Naming ito na mga magagandang alituntunin, na tulad ng pag-uutos sa pagsagawa ng mga mabubuti at pagbabawal sa mga karumal-dumal na pag-uugali ay kabilang sa mga Rebelasyon na ipinahayag Namin sa iyo, O Muhammad (r). Na kung kaya, huwag kang gumawa, O ikaw na tao, ng pagtatambal sa pagsamba sa Kanya, kundi ay itatapon ka sa Impiyerno na sinisisi ka mismo ng iyong sarili at mga tao, at ikaw ay isusumpa na malayo sa lahat ng Awa ng Allâh (I).

40. Higit na ginusto ba para sa inyo ng inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, O kayo na mga nagtatambal sa pagsamba sa Allâh (I), na pagkalooban kayo ng mga anak na kalalakihan at pinili naman Niya sa Kanyang Sarili ang mga anghel bilang mga anak na kababaihan? Walang pag-aalinlangan, ang mga ganyang sinasabi ninyo ay napakasama at kalapastanganan na hindi karapat-dapat sa Kamaharlikaan ng Allâh (I). [50]

41. Katiyakan, ipinaliwanag Namin nang ganap, inuri-uri sa Banal na Qur’ân ang mga alituntunin, mga parabola at mga pagpapayo; upang makapulot ng aral ang mga tao at masuri nila ang anumang kapaki-pakinabang sa kanila at pagkatapos ay kanila itong isagawa, at iwasan nila ang anumang magdudulot sa kanila ng kapahamakan, magkagayunpaman ay walang mapapala sa mga paglilinaw na ito ang mga masasama kundi lalo pa silang napalayo sa katotohanan at nakalimot sa pagkakaintindi ng mga patnubay.

42. Sabihin mo, O Muhammad (r), sa mga nagtatambal sa pagsamba sa Allâh (I): “Kung mayroong mga âlihah (mga diyos na sinasamba) na kasama ng Allâh (I) bilang kanilang pag-angkin, ay katiyakang gagawa ang mga diyos na ito ng paraan upang malamangan nila ang Allâh (I) na Siyang Nagmamay-ari ng Dakilang ‘`Arsh.’

43. Luwalhati sa Allâh (I) at Pinakadakila na malayo sa anumang sinasabi ng mga nagsasagawa ng pagtatambal sa pagsamba sa Kanya, na Siya ay Kataas-Taasan na Ligtas sa anumang kamalian at di-kaganapan.

44. Pumupuri sa Kadakilaan ng Allâh (I) ang mga pitong kalangitan at ang kalupaan, at ang mga nasasakupan nito na lahat ng nilikha, at ang lahat ng bagay sa mga nilikhang ito ay pumupuri sa kadakilaan ng Allâh (I) ng pagpuri na kalakip ang pagpapasalamat sa Allâh (I), subali’t ito ay hindi ninyo naiintindihan, O kayong mga tao. Katotohanan, ang Allâh (I) ay ‘Haleem’ – Ganap at Napakalawak ang Kanyang Pang-unawa na hindi Niya kaagad pinarurusahan ang mga lumalabag, na ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa kanila.

45. Kapag binigkas mo ang Banal na Qur’ân at narinig ka nila na mga nagtatambal sa pagsamba sa Allâh (I), ay naglalagay Kami sa pagitan mo at sa pagitan ng mga yaong hindi naniwala sa Kabilang-Buhay ng harang na nagtatakip sa kanilang mga kaisipan upang hindi nila maintindihan ang Qur’ân bilang parusa sa kanilang paglabag at pagtanggi.

46. At naglalagay Kami sa mga puso ng mga nagtatambal sa pagsamba sa Allâh (I) ng di-nakikitang harang; upang hindi nila maintindihan ang Qur’ân, at naglalagay (din) Kami ng harang sa kanilang mga tainga upang hindi nila ito marinig, at kapag binanggit mo ang iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa Banal na Qur’ân na hinihikayat mo sila tungo sa Kanyang Kaisahan at nagbabawal ng pagtatambal sa pagsamba sa Allâh (I) ay tatalikod sila na ayaw nilang marinig ang iyong sinasabi na may matinding pagkamuhi; bilang pagmamataas na ayaw nilang sumamba sa Kaisahan ng Allâh (I).

47. Kami ang ganap na Nakababatid sa anumang pinakikinggan ng mga pinuno ng mga Quraysh noong sila ay nakikinig sa iyo, ang kanilang mga layunin ay masasama dahil ang kanilang pakikinig ay hindi upang mapatnubayan at tanggapin ang katotohanan, at alam din Namin ang kanilang pagbubulung-bulungan noong sinasabi nila: “Wala kayong sinusunod kundi isang tao na tinamaan ng salamangka at naguguluhan sa kanyang kaisipan.”

48. Pagmasdan mo, O Muhammad (r), bilang pagtataka ang kanilang mga sinasabi: “Katunayan, si Muhammad (r) ay salamangkero, manunula at nasisiraan ng kanyang kaisipan!” Na kung kaya, sila ay nalihis at napalayo at hindi sila nagabayan sa Daan ng Katotohanan.
49. At sinabi ng mga nagtatambal sa pagsamba sa Allâh (I) bilang kanilang pagtanggi na sila ay muling lilikhain ng panibagong pagkalikha pagkatapos madurog ang kanilang mga buto at pagiging alikabok na lamang ng mga ito: “Tayo ba ay bubuhayin na mag-uli sa Araw ng Muling Pagkabuhay bilang panibagong nilikha?”
50. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r) bilang paghamon: “Maging mga bato man kayo, o bakal na matindi sa lakas nito at tibay – kung ito ay makakayanan ninyo – dahil walang pag-aalinlangan, ibabalik kayong muli ng Allâh (I) na katulad ng pagkakalikha sa inyo sa una, at ito ay napakadali para sa Kanya.”

51. “O anumang nilikhang bagay na higit na matigas pa kaysa sa inyong puso na hindi kayang tanggapin ng inyong kaisipan na ito ay bubuhayin na mag-uli, dahil walang pag-aalinlangan, ang Allâh (I) ay Ganap na Makapangyarihan na kaya Niya kayong ibalik at buhayin na mag-uli,” at kapag naitatag na ang katibayan laban sa kanila sa Kapangyarihan ng Allâh (I) sa paglikha na mag-uli at pagbibigay ng buhay, tiyak na sasabihin nila bilang pagtanggi: “Sino ba ang makapagbabalik ng aming buhay pagkatapos ng aming kamatayan?” Sabihin mo sa kanila: “Ibabalik kayo ng Allâh (I) na Siyang Lumikha sa inyo mula sa wala noong una kayong nilikha,” nang narinig nila ang ganitong kasagutan sa kanila ay walang pag-aalinlangan, niyugyog nila ang kanilang mga ulo bilang pangungutya at pagkamangha na sinasabi nila bilang pagtanggi: “Kailan pa kaya mangyayari ang Pagkabuhay na Mag-uli?” Sabihin mo: “Malapit na,” dahil ang lahat ng tiyak na mangyayari ay malapit na.

52. Sa Araw na tatawagin kayo ng Tagapaglikha na lumabas mula sa inyong mga libingan, na walang pag-aalinlangan, tutugunan ninyo ang kagustuhan ng Allâh (I) at susunod kayo sa Kanya na may kasamang mga salitang papuri at paggalang, na walang pag-aalinlangan, ang Papuri ay para lamang sa Kanya sa lahat ng pagkakataon, at iisipin ninyo – dahil sa tindi ng pangyayari sa Araw ng Muling Pagkabuhay – na kayo ay hindi nanatili sa daigdig kundi maikling panahon lamang; dahil sa haba ng panahon na kayo ay nasa Kabilang-Buhay.

53. At sabihin mo sa Aking mga alipin na mananampalataya, na sabihin nila sa kanilang pakikipag-usap sa mga tao ang maganda at mabuting pananalita; dahil kapag ito ay hindi nila ginawa ay ilalagay ni ‘Shaytân’ sa pagitan nila ang paglalaban-laban, pamiminsala at pagtatalu-talo. Katiyakan, si ‘Shaytân’ ay malinaw na kalaban na nakikipaglaban sa tao.
54. Ang Allâh (I) na inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay Ganap na Nakaaalam sa inyo – O kayong mga tao – kung nanaisin Niya ay kaaawaan Niya kayo at gagabayan tungo sa Tamang Paniniwala, o di kaya, kung nanaisin Niya ay mamamatay kayo na nasa kalagayan ng di-paniniwala at parurusahan.

At hindi ka Namin ipinadala, O Muhammad (r), bilang Sugo na mananagot sa kanila, pangangasiwaan sila at gagantihan ang kanilang mga gawain, subali’t ang tungkulin mo lamang ay iparating ang mensahe na ganitong kadahilanan kaya ka isinugo, ipaliwanag ang Matuwid na Landas.

55. At ang iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, O Muhammad (r), ang Ganap na Nakaaalam kung ano ang mga nasa kalangitan at kalupaan. At katiyakan, pinagtangi-tangi Namin ang ibang mga Propeta kaysa sa iba sa mga katangian at sa rami ng bilang ng kanilang mga tagasunod at sa pagkakapadala ng Aklat sa kanila, at ipinagkaloob Namin kay Dawood (David u) ang ‘Zabour.’

56. Sabihin mo, O Muhammad (r), sa mga nagtatambal sa pagsamba sa Allâh (I) mula sa iyong sambayanan: “Katiyakan, ang mga sinasamba ninyo, na ito ang inyong mga tinatawagan upang mailayo kayo sa anumang kapahamakan ay walang magagawa na kahit na ano hinggil dito, at walang kakayahan na alisin sa inyo ang mga ganito at ilipat sa iba, at walang kakayahan ding baguhin ang kalagayan, ang bukod-tanging may kapangyarihan lamang sa mga ito ay ang Allâh (I).”

Ang ‘Âyah’ o talatang ito ay pangkalahatan na patungkol sa lahat ng dinadalanginan bukod sa Allâh (I), patay man o di kaya ay nakalibing na mga Propeta at mga mabubuting tao at iba pa sa kanila, pareho rin kung ang sinasabi ay saklolo o panalangin at iba pa, na kung kaya, walang sinuman ang may karapatan at karapat-dapat na sambahin bukod sa Allâh (I).

57. Sila ang mga yaong dinadalanginan o tinatawagan ng mga sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I) o nagtatambal sa pagsamba sa Allâh (I), na ito ay ang sinuman sa mga Propeta, mga mabubuti at mga anghel na itinatambal nila sa Allâh (I), gayong ang mga ito ay nag-uunahan na mapalapit sa Allâh (I) na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, na ginagawa ang anumang kakayahan na mga mabubuting gawa, at naghahangad din ng Awa ng Allâh (I) at natatakot sa Kanyang parusa.

Katiyakan, ang kaparusahan ng Allâh (I) ang nararapat na pakaiingatan ng mga tao at katatakutan.

58. At binabalaan ng Allâh (I) ang mga walang pananampalataya na katiyakang walang anumang bayan na hindi naniwala na pinasinungalingan ang mga Sugo nang hindi darating sa kanila ang kaparusahan, ang pagkawasak dito sa daigdig bago pa ang kaparusahan na magaganap sa Kabilang-Buhay, o di kaya ay matinding parusa sa mga naninirahan doon (sa bayang yaon). Ito ay naitala sa ‘Al-Lawh Al-Mahfoudh’ na talaan ng Allâh (I) bilang Kanyang pinagpasiyahan na katiyakang ito ay walang pag-aalinlangang magaganap.
59. At walang sinuman ang nakapigil sa Amin mula sa pagkakapadala ng mga himala na hinihiling ng mga nagtatambal sa pagsamba sa Allâh (I) kundi ang mga naunang tao ay tinanggihan ito, walang pag-aalinlangan, tinugunan ng Allâh (I) ang kanilang kahilingan, subali’t pinasinungalingan nila ito at sila ay pinuksa ng Allâh (I).

At ipinagkaloob Namin kay Thamoud – na sila ang sambayanan ni Sâleh – ang malinaw na himala na ito ay sa pamamagitan ng pagkakapadala ng Babaeng-Kamelyo (na tumagos mula sa malaking bato bilang katugunan ng kanilang kahilingan) at dahil sa hindi nila ito pinaniwalaan ay pinuksa Namin sila. At hindi Namin ipinadala ang mga Sugo kalakip ang mga ‘Âyât’ – mga talata, mga tanda, mga aral at mga himala – na inilagay Namin ito sa kanilang mga kamay kundi upang balaan ang mga tao; nang sa gayon ay mapagkunan nila ito ng aral at sila ay makaalaala.

60. At alalahanin mo, O Muhammad (r), noong sinabi Namin sa iyo: “Katiyakan, ang iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay saklaw ng Kanyang kaalaman at kapangyarihan ang sangkatauhan.” At hindi Namin ginawa sa iyo ang pagpapakita ng mga bagay na ito at kitang-kita ng iyong mga mata sa gabi ng ‘Isrâ`’ at ng ‘Mi`raj,’ na mga kamangha-mangha sa mga nilikha kundi upang subukin ang mga tao; upang maihiwalay ang hindi naniwala sa kanila mula sa mga naniwala, at ganoon din, hindi Namin nilikha ang puno ng ‘Zaqqum’ na isinumpa na nabanggit sa Banal na Qur’ân kundi upang subukin ang mga tao. At binabalaan Namin ang mga nagsasagawa ng pagtatambal sa pagsamba sa Allâh (I) ng iba’t-ibang kaparusahan at mga katibayan, at walang naidagdag sa kanila ang babala kundi lalo silang nalululong sa sukdulang di-paniniwala, pagsuway at pagkaligaw.

61. At alalahanin mo pa rin nang Aming sinabi sa mga anghel: “Magpatirapa kayo kay Âdam bilang pagbati at pagpaparangal,” at sila ay nagpatirapang lahat maliban kay Iblees (Satanas), na nagmataas at di-nagpatirapa na nagsasabi bilang pagtanggi at pagmamataas: “Magpapatirapa ba ako sa mahinang iyan na nilikha lamang mula sa alabok?”

62. At sinabi ni Iblees bilang pagmamatigas at paglabag sa Allâh (I): “Masdan Mo ang nilikhang iyan na higit na pinarangalan Mo kaysa sa akin, kung pananatilihin Mo akong buhay hanggang sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay katiyakang kukuntrolin ko ang kanyang angkan upang iligaw at ipahamak, maliban sa mga malilinis at taos-puso ang kanilang paniniwala, na sila ay kakaunti lamang sa bilang.”

63. Sinabi ng Allâh (I) bilang matinding babala kay Iblees at sa kanyang tagasunod: “Humayo ka, at ang sinumang susunod sa iyo mula sa magiging lahi ni Âdam at magpapasailalim sa iyong kagustuhan, walang pag-aalinlangan, ang parusa sa iyo at sa kanila ay Impiyernong-Apoy na inihanda para sa inyong lahat.”

64. “At linlangin mo ang sinuman na kaya mong linlangin mula sa kanila, upang hikayatin silang lumabag sa Akin, at pagsama-samahin mo ang lahat ng iyong puwersa mula sa iyong mga sundalo laban sa kanila, nakasakay man o naglalakad, at makibahagi ka sa kanilang mga kayamanan at kinikita mula sa ilegal o ipinagbabawal, at makibahagi ka sa kanilang mga anak dahil sa paglilinlang mo sa kanila na makagawa ng pakikiapid at pagkakasala at sa paglabag sa mga kautusan ng Allâh (I) hanggang maging laganap ang kasamaan at pamiminsala, at pangakuan mo ang iyong mga tagasunod mula sa lahi ni Âdam ng mga pangakong kasinungalingan.” Subali’t ang lahat ng pangako ni ‘Shaytân’ ay pawang panlilinlang lamang.

65. “Katiyakan, ang Aking mga alipin na mananampalataya na malilinis ang kanilang layunin sa paniniwala na sinunod nila Ako ay wala kang kakayanan na iligaw sila. At sapat na ang iyong ‘Rabb’ na Tagapaglilkha, O Muhammad (r), bilang Tagapangalaga, Tagapagkupkop sa mga mananampalataya na ilayo sila mula sa paglinlang ni ‘Shaytân’ at sa kanyang pagmamayabang.”

66. Ang inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, O kayong mga tao, ay Siyang nagpapalayag sa mga sasakyang-dagat sa karagatan; upang hanapin ang kabuhayan mula sa Allâh (I) sa inyong paglalakbay at pangangalakal. Katotohanan, ang Allâh (I) ay Siyang ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa Kanyang mga alipin.
67. At kapag nangyari sa inyo ang panganib sa karagatan na muntik-muntikan na kayong malunod o mamatay, ay nawawala sa inyong isipan ang mga sinasamba ninyong iba bukod sa Allâh (I) (na tulad ng mga diyus-diyosan), at naalaala ninyo ang Allâh (I) na Bukod-Tanging Makapangyarihan upang saklolohan kayo at iligtas, na kung kaya, taos-puso na para lamang sa Kanya ang paghingi ninyo ng tulong at saklolo, at kayo ay sinaklolohan at iniligtas, subali’t nang kayo ay iniligtas at matiwasay na nakadaong sa kalupaan ay tinalikuran na naman ninyo ang paniniwala at taos-pusong pagsamba at pagsagawa ng kabutihan, at ito ay dahil sa kamangmangan ng tao at di-paniniwala. At ang tao ay binabalewala ang mga Biyaya ng Allâh (I) na Pinakadakila at Kataas-taasan.

68. Nakalimutan ba ninyo – O kayong mga tao – ang kaparusahan ng Allâh (I), na kayo ba ay nakatitiyak na ligtas mula sa paglubog ng kalupaan at di kayo lalamunin nito, o di kaya ay pauulanan kayo ng Allâh (I) ng mga bato mula sa kalangitan at pupuksain kayo? Pagkatapos, wala kayong makikitang sinuman na maaaring maglayo sa inyo mula sa Kanyang kaparusahan?

69. O di kaya ay tiniyak ba sa inyo ng inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha na kayo ay ligtas, O kayong mga tao, na kayo sa katotohanan ay lumabag at hindi naniwala sa Kanya, na hindi na kayo ibabalik pang muli sa karagatan at magpapadala sa inyo ng matinding hangin, na wawasakin nito ang lahat ng anumang abutin nito at lulunurin kayo sa karagatan dahil sa inyong pagtanggi sa Kanya? Pagkatapos ay wala kayong matatagpuang anumang makatutulong o mahihingian ng tulong laban sa Amin; katiyakan, ang Allâh (I) ay hindi Niya kayo dinaya nang kahit na katiting.

70. At katiyakan, pinarangalan Namin ang mga angkan ni Âdam ng kaisipan at nagpadala Kami ng mga Sugo, at inilagay Namin ang lahat ng bagay sa kalupaan na madali para sa kanilang kapakinabagan at sinanhi Namin na mapakinabangan nila ang mga gumagapang o mga hayop sa kalupaan, at sa karagatan naman ay ang mga sasakyang-dagat upang ito ay masakyan nila, at pinagkalooban Namin sila ng mga mabubuting kabuhayan, pagkain man ito o mga inumin, at mas pinili sila kaysa sa napakaraming nilikha ng Allâh (I) nang dakilang pagtatangi.
71. At ipamalita mo, O Muhammad (r), ang Araw ng Muling Pagkabuhay bilang magandang balita at babala, na sa Araw na ito ay tatawagin ng Allâh (I) ang lahat ng kalipunan ng mga tao kasama ang kanilang mga pinuno na kanilang sinunod dito sa daigdig. Na kung kaya, sinuman ang mabuti sa kanila at ibinigay sa kanya ang talaan ng kanyang mga gawain sa pamamagitan ng kanyang kanang kamay ay babasahin nila ang kanilang mga talaan ng kabutihan na may kagalakan at masasaya, at hindi babawasan nang kahit na kaunti ang kanilang mga mabubuting gawa, na kahit na kasing liit ng ‘Fatilâ’ – maliit na parang hibla na nasa buto ng ‘Tamr.’

72. At sinuman ang bulag ang kanyang puso rito sa daigdig na hindi niya nakita ang mga palatandaan hinggil sa kapangyarihan ng Allâh (I), na kung kaya, siya ay hindi naniwala sa anumang dala-dala ng Sugo ng Allâh (I) na si Propeta Muhammad (r), ay magiging bulag din siya sa Kabilang-Buhay na hindi niya makikita ang daan tungo sa Hardin, at siya na ang pinakaligaw sa Daan ng Gabay at Patnubay.

73. At katiyakan, nagmuntikan ka nang mailayo ng mga nagtatambal sa pagsamba sa Allâh (I), O Muhammad (r) – mula sa Qur’ân – na ipinahayag ng Allâh (I) sa iyo; upang ikaw ay makapag-imbento ng kasinungalingan laban sa Amin na hindi Namin ipinahayag sa iyo, at kung nagawa mo ang kanilang nais ay ituturing ka nila na pinakamamahal na namumukod-tangi.

74. At kung hindi ka Namin pinatatag sa katotohanan at iniligtas mula sa pakikipagsang-ayon sa kanila, ay malapit na malapit ka nang mapasakanila dahil sa paulit-ulit mong pagsasagawa ng paghihikayat sa kanila tungo sa patnubay.

75. At kung kumampi ka, O Muhammad (r), sa kanila na mga nagtatambal ng iba sa pagsamba sa Allâh (I) o sumasamba ng iba bukod sa Allâh (I), nang kahit kaunting pagkampi ay maisasagawa mo ang kanilang kahilingan, kung gayon ay ipatitikim Namin sa iyo ang dobleng kaparusahan dito sa daigdig, at dobleng kaparusahan ng kamatayan sa Kabilang-Buhay, pagkatapos ay wala kang matatagpuan na kahit na sinuman na tutulong sa iyo at ilalayo sa iyo ang kaparusahan; subali’t pinatatag ka Namin at pinangalagaan bilang kabuuang Biyaya ng Allâh (I) sa iyo, at ang kabuuan ng kaalaman na ipinagkaloob sa iyo.

76. At katiyakan, kamuntik ka nang mapalabas ng mga walang pananampalataya mula sa Makkah dahil sa kanilang panggugulo sa iyo, at kung sakali man na mapalabas ka nila ay hindi rin naman sila pananatilihin doon pagkaalis mo kundi kakaunting panahon lamang, hanggang sa mangyari sa kanila ang mabilisang pagpuksa ng Allâh (I).

77. Yaon ang pamamaraan ng Allâh (I) sa pagpuksa sa Nasyon kapag itinaboy nila ang Sugo na ipinadala sa kanila, at wala ka nang matatagpuan pa, O Muhammad (r), na pagbabago sa Aming pamamaraan, na kung kaya, hindi Namin sinisira ang Aming pangako.

78. Isagawa nang ganap ang ‘Salâh’ mula sa kalagitnaan ng araw pagkatapos ng tanghaling-tapat hanggang sa oras ng pagdilim ng gabi, na nasasakop nito ang ‘Dhuhr,’ ‘`Asr,’ ‘Maghreb’ at ‘`Isha,’ at isagawa mo ang ‘Salâtul Fajr’ at pahabain mo ang pagbabasa ng Qur’ân sa ‘Salâh’ na ito; dahil katiyakan, ang pagbabasa ng Qur’ân sa ‘Fajr’ ay sinasaksihan ng mga anghel na nakatalaga sa gabi at mga anghel na nakatalaga sa araw.

79. At tumindig ka, O Muhammad (r), mula sa iyong pagtulog sa bahagi ng gabi, at magbasa ka ng Qur’ân sa isasagawa mong ‘Salâh’ (‘Nawâfil’); upang ito ay maging karagdagan sa taas ng iyong antas at kahalagahan sa paningin ng Allâh (I), na bubuhayin ka ng Allâh (I) na mag-uli sa Araw ng Muling Pagkabuhay na mamamagitan sa mga tao; upang kaawaan sila ng Allâh (I) mula sa kanilang kalagayan, at upang iluklok ka sa lugar na kung saan doon ay pupurihin ka ng lahat ng mga tao mula sa kauna-unahan hanggang sa kahuli-hulihang tao.

80. At sabihin mo: “O aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha, papasukin Mo ako sa lunsod ng Madinah na may mabuting pagpasok na ligtas sa anumang kapahamakan, at ganoon din ang paglabas ko mula sa Makkah na may mabuting paglabas, at pagkalooban Mo ako mula sa Iyo ng matibay na katibayan, bilang tulong Mo sa akin laban sa sinumang sasalungat o lalabag sa akin.”

81. At sabihin mo, O Muhammad (r), sa mga nagtatambal ng pagsamba sa Allâh (I): “Dumating na ang Islâm na katotohanan at naglaho na ang kasinungalingan na ito ay pagsamba ng iba bukod sa Allâh (I), katiyakan ang kasinungalingan ay hindi maaaring manatili at hindi maaaring maging matatag, samantalang ang katotohanan ay matatag at mananatili na kailanman ay hindi maaaring maglaho.”

82. At ibinababa Namin mula sa mga Dakilang Talata ng Banal na Qur’ân ang nagbibigay-lunas sa mga sakit ng puso na tulad ng pag-aalinlangan, pagkukunwari at kamangmangan, at nagbibigay-lunas din sa sakit ng katawan sa pamamagitan ng pagbigkas nito, at gayon din ang pagiging dahilan ng pagkakamit ng tagumpay at Awa ng Allâh (I) na niloloob ang tamang paniniwala, at walang maidaragdag sa mga walang pananampalataya kapag narinig nila ang Banal na Qur’ân kundi paglabag at pagkaligaw; dahil sa kanilang pagtanggi rito at hindi paniniwala.

83. At kapag pinagkalooban ng biyaya ang tao, na siyang nagpasinungaling sa mga talata ng Allâh (I) at nagbalewala sa mga biyaya ay tatalikod siya at lalayo mula sa pagsunod sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at kapag nangyari naman sa kanya ang kagipitan ng kahirapan o karamdaman ay nasa labis siyang pagdadalamhati; dahil hindi siya nagtitiwala sa kagandahang-loob ng Allâh (I).

84. Sabihin mo, O Muhammad (r), sa mga tao: “Ang bawa’t isa sa inyo ay gumawa ayon sa likas niyang katangian, dahil ang inyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha ay Ganap na Nakaaalam kung sino ang nagabayan tungo sa Daan ng Katotohanan.”

85. At tinatanong ka ng mga walang pananampalataya, O Muhammad (r), kung ano ang katotohanan hinggil sa ‘Ar-Rûh’ (kaluluwa o ispiritu) na ang layunin ay upang ikaw ay pahirapan lamang. Sagutin mo sila at sabihin: “Walang pag-aalinlangan, ang katotohanan hinggil sa ‘Ar-Rûh’ at sa kung anumang nangyayari hinggil dito ay nasa ganap na kaalaman lamang ng Allâh (I), na ito ay pinili Niya para lamang sa Kanyang Sarili, at hindi kayo pinagkalooban ng kaalaman, kayo at ang lahat ng mga tao, kundi kakaunti lamang.”

86. At kung ninais lamang Namin na burahin o kunin ang Qur’ân mula sa iyong puso ay katiyakang makukuha Namin kung anuman ang Aming inihayag sa iyo. Pagkatapos wala kang matatagpuan na sinumang tagapangalaga para sa iyong sarili laban sa Amin upang pigilan Kami, o di kaya ay magbabalik ng Qur’ân sa iyong puso.

87. Subali’t ang Allâh (I) ay pinagkalooban ka ng awa, na kung kaya, pinatatag Niya ito – ang Banal na Qur’ân – sa iyong puso. Katiyakan, ang Kanyang kagandahang-loob sa iyo ay napakadakila; dahil katiyakang ipinahayag Niya sa iyo ang Dakilang Qur’ân na ito, at ang lugar na roo’y pupurihin ka, at iba pang mga bagay na hindi Niya ipinagkaloob kahit kaninuman sa Kanyang nilikha.
88. Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r): “Kahit na magsama-sama pa ang mga tao at ang mga ‘Jinn’ upang magkasundo na gumawa ng katulad ng Banal na Qur’ân na ito na mahimala ay hindi nila ito makakayanang gawin, kahit na magtulung-tulong pa silang lahat para sa ganitong layunin.”

89. At katiyakan, Aming ipinaliwanag nang ganap sa sangkatauhan ang niloloob ng Banal na Qur’ân na ito, sa mga paghahambing at halimbawa na dapat mapagkunan ng aral; upang maging katibayan Namin laban sa kanila; nang sa gayon ito ay kanilang sundin at isagawa, subali’t tumanggi ang karamihan sa mga tao sa katotohanan at tinanggihan nila ang mga katibayan ng Allâh (I) at ang Kanyang palatandaan.

90. At nang wala silang kakayahan na tapatan ang Qur’ân ay humihingi naman sila ng mga himala ayon sa kanilang kagustuhan at kanilang sinabi: “Hindi ka namin paniniwalaan, O Muhammad (r), at hindi kami susunod sa iyo hanggang hindi mo napapasanhi na bumukal ang ilog na aagos mula sa kalupaan sa Makkah.

91. “O di kaya ay magkaroon ka ng hardin na nandoroon ang iba’t ibang uri ng mga puno ng palmera ‘Tamr’ at mga ubas, at sanhiin mo umagos ang mga ilog nang masagana sa pinakagitna nito.

92. “O di kaya ay sanhiin mo ang mga kalangitan na bumagsak sa amin nang pira-piraso na katulad ng sinasabi mo, o di kaya dadalhin mo sa amin ang Allâh (I) at ang mga anghel at makikita namin sila nang harap-harapan.

93. “O di kaya ay magkaroon ka ng tahanan na mula sa ginto, o di kaya ay aangat ka tungo sa kalangitan sa pamamagitan ng hagdan at hindi kami maniniwala na ikaw ay nakaakyat hanggang hindi ka nakababalik, na dala-dala mo ang Aklat mula sa Allâh (I) na bubuklatin mo sa harap namin upang basahin na nakasaad doon na ikaw ay tunay na Sugo ng Allâh.”

Sabihin mo sa kanila, O Muhammad (r), bilang pagkamangha sa pagmamatigas ng mga hindi naniwala: “Luwalhati at Kataas-Taasan sa aking ‘Rabb!’ Di ba ako ay alipin lamang na kabilang sa Kanyang mga alipin na nagpaparating ng Kanyang mensahe? Kaya paano ko maisasagawa ang inyong mga kahilingan?”

94. At walang pumigil sa mga walang pananampalataya na maniwala sa Allâh (I), sa Kanyang Sugo at sumunod sa kanilang dalawa, nang dumating sa kanila ang sapat na paliwanag mula sa Allâh (I) kundi kanilang sinabi bilang kamangmangan at pagtanggi: “Nagpadala ba ang Allâh (I) ng Sugo na mula lamang sa lahi ng tao?”

95. Sabihin mo, O Muhammad (r), bilang pagtugon sa mga nagtatambal sa pagsamba sa Allâh (I), sa kanilang pagtanggi na ang Sugo ay nagmumula lamang sa lahi ng tao: “Kung mayroon dito sa kalupaan na mga anghel na panatag na naglalakad ay magpapadala Kami sa inyo ng Sugo mula rin sa mga anghel, subali’t ang mga naninirahan sa kalupaan ay mga tao, na kung kaya, ang dapat na ipadalang Sugo sa kanila ay katulad din nila; upang madaling maisagawa ang pakikipag-usap niya at maintindihan ang kanyang sinasabi.”

96. Sabihin mo sa kanila: “Sapat na ang Allâh (I) na testigo sa pagitan ko at pagitan ninyo na ako ay totoo at ang aking pagiging Propeta ay katotohanan. Dahil katiyakan, Siya na Luwalhati sa Kanya ay ‘Khabeer’ – Ganap ang Kanyang Kagalingan na Nakababatid sa mga pangyayari sa Kanyang mga alipin, na ‘Baseer’ – Ganap na Nakakikita sa kanilang mga ginagawa, at ayon doon sila ay gagantihan.”

97. At sinuman ang gabayan ng Allâh (I), siya ay magagabayan tungo sa katotohanan; at sino naman ang Kanyang iligaw ay bibiguin Niya at ipauubaya Niya siya sa kanya mismong sarili na walang sinuman ang makagagabay sa kanya bukod sa Allâh (I), at ang mga naligaw ay bubuhayin na mag-uli ng Allâh (I) sa Araw ng Muling Pagkabuhay, at titipunin sila na patutungo roon sa pamamagitan ng kanilang mga mukha na bulag, pipi at bingi, ang kanilang patutunguhan ay naglalagablab na Impiyernong-Apoy, at tuwing humuhupa ito at tumitigil sa paglalagablab ay daragdagan Namin ng higit pang paglalagablab.
98. Ang ipinaliwanag na parusang ito ay bilang kaparusahan sa mga nagtatambal sa pagsamba sa Allâh (I); dahil sa kanilang hindi paniniwala sa mga talata ng Allâh (I) at sa Kanyang mga katibayan at sa pagpapasinungaling nila sa mga Sugo ng Allâh, na kung saan, sila ay hinihikayat tungo sa pagsamba lamang sa Allâh (I), at kanilang sinasabi bilang pagtanggi – kapag sila ay inutusan na maniwala sa Muling Pagkabuhay: “Kapag namatay na kami at nadurog na ang aming mga buto at nagkahiwa-hiwalay ay bubuhayin pa ba kami na mag-uli bilang isang panibagong pagkalikha?”

99. Nakalimutan ba nila na mga ‘Mushrikûn,’ na hindi nila nakikita at nababatid na ang Allâh (I), Siya sa katotohanan ang Lumikha ng mga kalangitan at kalupaan, gayon din ang anuman na mga nasa pagitan nito na mga nilikha na walang anumang pinanggayahan, ay Siya rin kung gayon ang may kakayahang lumikha ng katulad nila pagkatapos nilang mawala?

At katiyakan, pinagkalooban ng Allâh (I) ang mga ‘Mushrikûn’ ng takdang panahon ng kanilang kamatayan at kaparusahan, na walang pag-aalinlangang ito ay darating sa kanila. Subali’t kahit napakalinaw na ng katotohanan at ng mga katibayan nito ay wala pa ring ginawa ang mga walang pananampalataya kundi tanggihan ang Relihiyon (‘Deen’) ng Allâh (I) na Kataas-taasan.

100. Sabihin mo, O Muhammad (r), sa kanila na tumanggi sa katotohanan: “Kung kayo kaya ang nagmamay-ari ng kayamanan ng Habag at Biyaya ng aking ‘Rabb’ na walang katapusan na di-nauubos, katiyakan, kung gayon, na ito ay inyong ipagkakait at hindi ninyo bibigyan ang sinuman maliban sa inyong mga sarili dahil matatakot kayo na ito ay maubos at kayo ay maghihirap. At kabilang sa pag-uugali ng tao ay ang pagiging maramot sa anuman na kanyang pagmamay-ari maliban na lamang sa sinumang inaalagaan ng Allâh (I) sa pamamagitan ng tamang paniniwala.”

101. At katiyakan, na ipinagkaloob Namin kay Mousâ (u) ang siyam na malilinaw na mga himala na nagpapatunay sa katotohanan ng kanyang pagiging Propeta na ito ay ang mga sumusunod: tungkod, namumuti na kamay na nagliliwanag, tagtuyot, kakulangan sa mga bunga (taggutom), baha, tipaklong, mga insekto, mga palaka at dugo; na kung kaya, tanungin mo, O Muhammad (r), ang mga angkan ni Isrâ`îl ng katanungan hinggil sa noong dumating sa mga ninuno nila si Mousâ na kasama ang mga malilinaw na mga himala, na sinabi ni Fir`âwn kay Mousâ: “Katiyakan, iniisip ko, O Mousa, na ikaw ay tinamaan ng salamangka at dahil doon ay nawala ka sa katinuan kaya iba-iba ang ginagawa mo dahil sa masamang idinulot nito sa iyo.”

102. At sinagot siya ni Mousâ: “Katiyakan, batid mo, O Fir`âwn, na ang nagpadala ng siyam na katibayang himala na nagpapatunay sa aking pagiging Propeta ay walang iba kundi ang ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng mga kalangitan at kalupaan; upang ito ay magiging palatandaan na mapapakinabangan ng mga pinagkalooban ng matinong pag-iisip hinggil sa Kaisahan ng Allâh (I), sa Kanyang pagiging ‘Rabb’ na Tagapaglikha, sa pagiging ‘Ilâh’ o Diyos na karapat-dapat na sambahin, at ako ay nakatitiyak na ikaw, O Fir`âwn, ay walang pag-aalinlangan na mawawasak, isusumpa at ikaw ay walang pag-aalinlangan na magagapi.”

103. At binalak ni Fir`âwn na guluhin si Mousâ at palabasin kasama ang mga angkan ni Isrâ`îl mula sa Ehipto, subali’t nilunod Namin siya at ang kanyang mga kasamang sundalo sa karagatan bilang kaparusahan sa kanila.

104. At sinabi Namin pagkawasak ni Fir`âwn at ng kanyang mga sundalo sa angkan ni Isrâ`îl: “Manirahan kayo sa kalupaan ng Sham, at kapag dumating ang araw ng Muling Pagkabuhay ay ilalabas Namin kayong lahat mula sa inyong mga libingan tungo sa lugar na kung saan doon huhusgahan ang mga tao.”

105. At dahil sa Katotohanan, ipinahayag Namin ang Banal na Qur’ân na ito kay Muhammad (r) upang ibigay sa mga alipin ang mga kautusan at mga pagbabawal, ganoon din ang hinggil sa gantimpala at kaparusahan; at dahil (din) sa katotohanang ito, katarungan at pangangalaga nito mula sa pagbabago ay kaya Namin ito ipinahayag.
At hindi ka Namin ipinadala, O Muhammad (r), kundi bilang tagapagbalita ng Hardin sa sinumang susunod, at tagapagbabala ng Impiyerno sa sinumang lalabag at hindi naniwala.

106. At ipinahayag Namin sa iyo, O Muhammad (r), ang Qur’ân, nilinaw Namin at binuo bilang batas at ginawa Namin na pamantayan sa pagitan ng gabay at pagkaligaw, at sa pagitan ng katotohanan at kasinungalingan; upang ito ay bigkasin mo sa mga tao nang dahan-dahan at paunti-unti, at hindi Namin ito ipinahayag nang minsanan kundi ayon sa kung ano ang mga pangyayari at sa mga pangangailangan ng situwasyon.

107. Sabihin mo, O Muhammad (r), sa kanila na mga tumanggi: “Maniwala man kayo sa Qur’ân o hindi kayo maniwala; kailanman ay hindi makadaragdag ang inyong paniniwala sa kaganapan ng Qur’ân, ni ang inyong pagtanggi ay hindi rin makakabawas dito. Katiyakan, yaong mga paham na pinagkalooban ng mga kasulatan na nauna kaysa rito at nabatid nila ang katotohanan hinggil sa Rebelasyon o kapahayagan, kapag binigkas sa kanila ang Banal na Qur’ân ay natatakot sila sa Allâh (I), na kung kaya, sila ay nagpapatirapa na inilalapat nila ang kanilang mga noo sa lupa nang alang-alang sa Allâh (I) na Maluwalhati at Kataas-taasan.”

108. At sinasabi ng mga yaong pinagkalooban ng mga kaalaman sa oras ng pagkarinig nila ng Banal na Qur’ân: “Luwalhati sa aming ‘Rabb’ na Tagapaglikha na Ganap at malayo sa anumang ibinibintang na kasinungalingan ng mga nagtatambal sa pagsamba sa Kanya! Katotohanan, ang anumang ipinangako ng Allâh (I) na gantimpala at kaparusahan ay walang pag-aalinlangan na ito ay katiyakang magaganap.”

109. At ipinatirapa nila ang kanilang mga mukha na lumuluha dahil sa pagpapayo ng Banal na Qur’ân, at nadaragdagan ang kanilang pagpapakumbaba at pagpapasailalim sa kagustuhan ng Allâh (I) at sa Kanyang dakilang kapangyarihan sa pagkakarinig nila ng Banal na Qur’ân at mga payo nito.
110. Sabihin mo, O Muhammad (r), sa mga ‘Mushrikûn’ mula sa iyong sambayanan, na tinanggihan nila sa iyo ang iyong panalangin na pagsasabi ng: O Allâh (I), o di kaya ay O ‘Ar-Rahmân’ – ang Pinakamahabaging Allâh (I), manalangin kayo sa Kanyang Pangalan na Allâh (I) o di kaya sa Kanyang Pangalan na ‘Ar-Rahmân,’ kahit alinman sa Kanyang mga Pangalan ang inyong gagamitin sa panalangin, katiyakan na ang inyong tinatawag ay ang Bukod-Tanging Nag-iisang ‘Rabb’ na Tagapaglikha; dahil walang pag-aalinlangan na ang lahat ng Kanyang Pangalan ay mabubuting Pangalan.

At huwag mong itaas ang iyong tinig sa pagbigkas habang ikaw ay nagsasagawa ng ‘Salâh,’ na maririnig ka ng mga nagtatambal sa pagsamba sa Allâh (I), at huwag mo ring ilihim na hindi ka naman maririnig ng iyong mga tagasunod, kundi ang gawin mo ay pagbigkas sa pagitan ng malakas na pagbigkas at lihim.

111. At sabihin mo, O Muhammad (r): Ang papuri ay sa Allâh (I) na nagtatangan ng kaganapan at kapurihan, na Luwalhati sa Kanya na malayo sa pagkakaroon ng anak at katambal sa Kanyang pagiging ‘Ilâh’ (o Diyos na sinasamba), at hindi Siya nangangailangan ng masasandalan o kaagapay mula sa Kanyang nilikha dahil sa Siya ay Ganap na hindi nangangailangan ng kahit na sinuman at Siya ay Makapangyarihan, at ang lahat ng Kanyang mga nilikha ay nangangailangan sa Kanya, dakilain mo Siya nang ganap na pagdakila sa pamamagitan ng pagpuri sa Kanya at bukod-tanging pagsamba lamang sa Kanya na walang simunan ang Kanyang katambal, at dalisay na layunin sa pagsunod sa lahat ng alituntunin ng Kanyang ‘Deen’ o Relihiyon.”

No comments: